Pangkalahatang Kumperensya
Ang Dakilang Plano
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2020


2:3

Ang Dakilang Plano

Tayo na nakaaalam ng plano ng Diyos at nakipagtipan na makibahagi ay may malinaw na responsibilidad na ituro ang mga katotohanang ito.

Mga kapatid, sa kabila ng kakaibang mga pagsubok at hamon, tunay na pinagpala tayo! Ang pangkalahatang kumperensyang ito ay nagbuhos sa atin ng mga kayamanan at kagalakan ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo. Nagalak tayo sa pangitain tungkol sa Ama at sa Anak na nagpasimula sa Pagpapanumbalik. Naipaalala sa atin ang mahimalang paglabas ng Aklat ni Mormon, na ang pinakamahalagang layunin ay patotohanan si Jesucristo at ang Kanyang doktrina. Napanibago tayo ng nakalulugod na katotohanan ng paghahayag—sa mga propeta at sa atin mismo. Narinig natin ang mahalagang mga patotoo sa walang-hanggang Pagbabayad-sala ni Jesucristo at ng Kanyang literal na Pagkabuhay na Mag-uli. At itinuro sa atin ang iba pang mga katotohanan tungkol sa kabuuan ng Kanyang ebanghelyo na inihayag kay Joseph Smith matapos ipahayag ng Diyos Ama sa bagong tawag na propetang iyon: “Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:17).

Pinalakas tayo ng ating kaalaman sa pagpapanumbalik ng priesthood at ng mga susi nito. Napanibago tayo sa ating determinasyong ipaalam ang ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon sa wastong pangalan nito, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. At inanyayahan tayo na makibahagi sa pag-aayuno at panalangin upang mabawasan ang mga epekto ngayon at sa hinaharap ng nakapipinsalang pandemya na laganap sa buong mundo. Ngayong umaga nabigyan tayo ng inspirasyon sa paglalahad ng buhay na propeta ng Panginoon ng makasaysayang pagpapahayag tungkol sa Pagpapanumbalik. Naniniwala tayo sa ipinahayag nito na “yaong mga mapanalanging pag-aaralan ang mensahe ng Pagpapanumbalik at kikilos nang may pananampalataya ay pagpapalaing magkamit ng kanilang sariling patotoo sa kabanalan nito at sa layunin nitong ihanda ang mundo para sa ipinangakong Ikalawang Pagparito ng ating Panginoon at Tagapagligtas, na si Jesucristo.”1

Ang Plano

Lahat ng ito ay bahagi ng banal na plano na ang layunin ay bigyang-kakayahan ang mga anak ng Diyos na madakila at maging tulad Niya. Tinukoy sa mga banal na kasulatan bilang “dakilang plano ng kaligayahan,” “ang plano ng pagtubos,” at ang “plano ng kaligtasan” (Alma 42:8, 11, 5), ang planong iyan—na inihayag sa Pagpapanumbalik—ay nagsimula sa Kapulungan sa Langit. Noong mga espiritu pa lamang tayo, ninais nating matamo ang walang-hanggang buhay na tinatamasa ng ating mga magulang sa langit. Sa panahong iyon, umunlad tayo hanggang sa makakaya natin nang walang karanasang mabuhay nang mortal sa pisikal na katawan. Upang maibigay ang karanasang iyan, plinano ng Diyos Ama na likhain ang mundong ito. Sa plinanong buhay sa mundo, tayo ay mababahiran ng kasalanan habang dinaranas natin ang pagsalungat na kailangan para sa ating espirituwal na pag-unlad. Mararanasan din natin ang pisikal na kamatayan. Upang matubos tayo mula sa kamatayan at kasalanan, kasama sa plano ng ating Ama sa Langit ang maglaan ng Tagapagligtas. Ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli ay magliligtas sa ating lahat mula sa kamatayan, at ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo ay magbabayad ng halagang kinakailangan upang maging malinis ang lahat mula sa kasalanan ayon sa mga kundisyong itinakda para umunlad tayo. Ang Pagbabayad-salang ito ni Jesucristo ay sentro sa plano ng Ama.

Sa Kapulungan sa Langit, ipinaalam sa lahat ng espiritung anak ng Diyos ang plano ng Ama, pati na ang mga ibubunga at pagsubok nito, ang mga tulong ng langit, at ang maluwalhating tadhana nito. Nakita natin ang katapusan mula sa simula. Lahat ng napakaraming mortal na isinilang sa mundong ito ay pinili ang plano ng Ama at ipinaglaban ito sa sumunod na digmaan sa langit. Marami rin ang nakipagtipan sa Ama hinggil sa gagawin nila sa mortalidad. Sa mga paraang hindi pa lubusang nauunawaan, ang ating mga ginawa sa daigdig ng mga espiritu ay nakaimpluwensiya sa ating mga kalagayan sa mortalidad.

Mortalidad at Daigdig ng mga Espiritu

Ibubuod ko na ngayon ang ilan sa mga pangunahing bahagi ng plano ng Ama, ang mga epekto nito sa paglalakbay natin sa buhay sa mundo at sa daigdig ng mga espritu na kasunod nito.

Ang layunin ng buhay sa mundo at ng pag-unlad na maaaring sumunod dito ay para sa mga anak ng Diyos na maging katulad Niya. Ito ang nais ng Ama sa Langit para sa lahat ng Kanyang mga anak. Para makamit ang maligayang tadhanang ito, hinihingi ng mga walang-hanggang batas na madalisay tayo sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo upang makapiling natin ang Ama at ang Anak at matamasa ang mga pagpapala ng kadakilaan. Tulad ng itinuturo sa Aklat ni Mormon, inaanyayahan Niya “silang lahat na lumapit sa kanya at makibahagi sa kanyang kabutihan; at wala siyang tinatanggihan sa mga lumalapit sa kanya; maitim at maputi, alipin at malaya, lalaki at babae; at naaalaala niya ang mga di binyagan; at pantay-pantay ang lahat sa Diyos” (2 Nephi 26:33; tingnan din sa Alma 5:49).

Ang banal na plano na kahinatnan natin ang itinadhana na kahihinatnan natin ay nangangailangang piliin nating tanggihan ang mga pagsalungat na masama na tumutukso sa ating kumilos nang taliwas sa mga utos ng Diyos at sa Kanyang plano. Kinakailangan ding maranasan natin ang iba pang pagsalungat sa buhay na ito, tulad ng mga kasalanang dulot ng iba o mga kapansanan mula pagkasilang. Kung minsan ang mga kinakailangan nating pag-unlad ay mas madaling natatamo sa pagdurusa at paghihirap kaysa sa kaginhawahan at kapayapaan. At walang pagsalungat sa mundong ito ang makatatamo sa walang-hanggang layunin nito kung isasalba tayo ng langit mula sa lahat ng balakid na bunga ng mortalidad.

Inihahayag sa plano ang ating tadhana sa kawalang-hanggan, ang layunin at mga kundisyon ng ating paglalakbay sa mortalidad, at ang matatanggap nating tulong ng langit. Ang mga utos ng Diyos ay nagbababala sa atin na umiwas na mapunta sa mga mapanganib na kalagayan. Ang mga turo ng mga inspiradong lider ay gabay sa ating landas at nagbibigay ng katiyakan na nagpapasulong sa ating walang-hanggang paglalakbay.

Ang plano ng Diyos ay nagbibigay sa atin ng apat na mahahalagang katiyakan na makatutulong sa atin sa paglalakbay sa mortalidad. Lahat ay ibinigay sa atin sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang pinakasentro ng plano. Ang una ay tumitiyak sa atin na sa pamamagitan ng Kanyang pagdurusa para sa mga kasalanan na pinagsisisihan natin, malilinis tayo sa mga kasalanang iyon. Pagkatapos, ang maawaing huling hukom ay “hindi na [m]aaalaala ang mga ito” (Doktrina at mga Tipan 58:42.).

Pangalawa, bilang bahagi ng Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas, inako Niya ang lahat ng iba pang mga kahinaan ng tao. Ito ay nagtutulot sa atin na makatanggap ng tulong mula sa Diyos at lakas na makaya ang mga hindi maiiwasang pasakit ng mortalidad, personal at pangkalahatan, tulad ng digmaan at salot. Ibinigay sa Aklat ni Mormon ang ating pinakamalinaw na paglalarawan mula sa banal na kasulatan ng mahalagang kapangyarihang ito ng Pagbabayad-sala. Inako ng Tagapagligtas “ang mga pasakit at pahirap at [mga kahinaan] ng kanyang mga tao. … Dadalhin niya ang kanilang mga kahinaan, upang ang kanyang sisidlan ay mapuspos ng awa, ayon sa laman, upang malaman niya nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan” (Alma 7:11–12).

Pangatlo, sa pamamagitan ng Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala, pinawalang-saysay ng Tagapagligtas na sa kamatayan magtatapos ang buhay at binigyan tayo ng nakalulugod na katiyakan na lahat tayo ay mabubuhay na mag-uli. Itinuturo ng Aklat ni Mormon, “Ang panunumbalik na ito ay darating sa lahat, kapwa matanda at bata, kapwa alipin at malaya, kapwa lalaki at babae, kapwa masama at mabuti; at maging doon ay hindi mawawala kahit isang buhok sa kanilang mga ulo, kundi bawat bagay ay manunumbalik sa kanyang ganap na kabuuan” (Alma 11:44).

Ipinagdiriwang natin ang katotohanan ng Pagkabuhay na Mag-uli sa Paskong ito ng Pagkabuhay. Nagdudulot ito sa atin ng pananaw at lakas na pagtiisan ang mga pagsubok sa buhay na kinakaharap ng bawat isa sa atin at ng mga mahal natin, tulad ng mga kakulangan sa pisikal, mental, o emosyonal na taglay na natin mula sa pagsilang o nararanasan habang nabubuhay tayo sa mundo. Dahil sa Pagkabuhay na Mag-uli, batid natin na pansamantala lamang ang mga kakulangang ito!

Tinitiyak sa atin ng ipinanumbalik na ebanghelyo na ang Pagkabuhay na Mag-uli ay maaaring kabilangan ng pagkakataon na makapiling ang ating mga kapamilya—asawa, maybahay, mga anak, at mga magulang. Ito ay isang malakas na panghimok sa atin na gampanan ang ating mga tungkulin sa pamilya sa buhay na ito. Tinutulungan tayo nitong sama-samang mamuhay nang may pagmamahal habang inaasam ang masayang muling pagkikita at pakikisalamuha sa kabilang-buhay.

Pang-apat at panghuli, itinuturo sa atin ng makabagong paghahayag na ang ating pag-unlad ay hindi kailangang magtapos sa mundo. Kaunti lamang ang naihayag sa mahalagang katiyakang ito. Sinabi sa atin na ang buhay na ito ay panahon upang maghanda sa pagharap sa Diyos at hindi natin dapat ipagpaliban ang ating pagsisisi (tingnan sa Alma 34:32–33). Gayundin, itinuro sa atin na sa daigdig ng mga espiritu, ang ebanghelyo ay ipinangangaral maging sa “masasama at mga suwail na tumanggi sa katotohanan” (Doktrina at mga Tipan 138:29) at na ang mga tinuturuan doon ay may kakayahang magsisi bago mangyari ang Huling Paghuhukom (tingnan sa mga talata 31–34, 57–59).

Narito ang ilan sa iba pang mga pangunahing kailangan sa plano ng Ama sa Langit:

Ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay nagbibigay sa atin ng kakaibang pananaw sa mga paksa tungkol sa kalinisang-puri, kasal, at pagkakaroon ng mga anak. Itinuturo nito na ang kasal ayon sa plano ng Diyos ay mahalaga para sa pagsasakatuparan ng layunin ng plano ng Diyos, na ilaan ang itinakda ng langit na kapaligiran para sa pagsilang ng tao, at ihanda ang mga miyembro ng pamilya para sa buhay na walang-hanggan. “Ang kasal ay inorden ng Diyos sa tao,” sabi ng Panginoon, “upang matupad ng mundo ang layunin ng kanyang pagkakalikha” (Doktrina at mga Tipan 49:15–16). Mangyari pa, ang Kanyang plano ay salungat sa ilang maimpluwensiyang batas at kaugalian ng mundo.

Ang kapangyarihang lumikha ng mortal na buhay ang pinakadakilang kapangyarihang bigay ng Diyos sa Kanyang mga anak. Ang paggamit nito ay iniutos sa unang kautusan kina Eva at Adan, ngunit isa pang mahalagang utos ang ibinigay upang ipagbawal ang maling paggamit nito. Kung wala ang bigkis ng kasal, ang lahat ng paggamit ng kapangyarihang lumikha ng buhay ay isang kasalanang nakapagpapababa ng pagkatao at sumisira sa pinakabanal na katangian ng kalalakihan at kababaihan. Ang pagbibigay-diin ng ipinanumbalik na ebanghelyo sa batas na ito ng kalinisang-puri ay dahil sa layunin ng ating mga kakayahang lumikha sa pagsasagawa ng plano ng Diyos.

Ano ang Susunod?

Sa ika-200 taong anibersaryo ng Unang Pangitain, na nagpasimula sa Pagpapanumbalik, alam natin ang plano ng Panginoon at tayo ay napapasigla ng dalawang siglo ng pagpapala nito sa pamamagitan ng Kanyang ipinanumbalik na Simbahan. Sa taong ito ng 2020, mayroon tayo ng sinasabi ng mga doktor na 20/20 vision para sa mga nakaraang pangyayari.

Sa pagtanaw natin sa hinaharap, gayunman, hindi na ganoon kalinaw ang tingin natin. Alam natin na dalawang siglo matapos ang Pagpapanumbalik, ang daigdig ng mga espiritu ay kinabibilangan na ngayon ng maraming taong may karanasang magturo noong narito pa sa mundo ang magsasagawa ng pangangaral nito roon. Alam din natin na mas marami na tayong templo ngayon para makapagsagawa ng mga ordenansa na pangwalang-hanggan para sa mga nagsisisi at tumatanggap sa ebanghelyo ng Panginoon sa alinmang panig ng tabing ng kamatayan. Lahat ng ito ay nagpapasulong sa plano ng ating Ama sa Langit. Ang pagmamahal ng Diyos ay napakadakila kung kaya’t, maliban lamang sa iilan na piniling maging mga anak na lalaki ng kapamahakan, naglaan Siya ng isang tadhana ng kaluwalhatian para sa lahat ng Kanyang mga anak (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 76:43).

Alam nating magbabalik ang Tagapagligtas at magkakaroon ng isang milenyo ng mapayapang pamumuno upang kumpletuhin ang bahagi ng plano ng Diyos sa mortalidad. Alam din natin na magkakaroon ng iba’t ibang pagkabuhay na mag-uli, ng mga matwid at ng hindi mga matwid, na ang huling paghuhukom sa bawat tao ay laging kasunod ng pagkabuhay na mag-uli ng taong iyon.

Hahatulan tayo alinsunod sa ating mga gawa, sa mga hangarin ng ating puso, at sa naging uri ng ating pagkatao. Ang paghatol na ito ay magtutulot ng pagpapatuloy ng mga anak ng Diyos sa kaharian ng kaluwalhatian batay sa kanilang naging pagsunod at kung saan sila mapapanatag. Ang hukom sa lahat ng ito ay ang ating Tagapagligtas, si Jesucristo (tingnan sa Juan 5:22; 2 Nephi 9:41). Ang Kanyang karunungan sa lahat ng bagay ay nagbibigay sa Kanya ng ganap na kaalaman sa lahat ng ating mga gawa at naisin, kapwa yaong mga hindi napagsisihan o hindi binago at yaong mga pinagsisihan o matwid. Samakatwid, matapos ang Kanyang paghuhukom ay tatanggapin nating lahat “na ang kanyang mga paghahatol ay makatarungan” (Mosias 16:1).

Bilang pagtatapos, gusto kong magbahagi tungkol sa maraming sulat na natatanggap ko at sa pagrepaso ng mga kahilingang makabalik sa Simbahan matapos magpatanggal ng pangalan o magpatiwalag. Marami sa ating mga miyembro ang hindi lubos na nakauunawa sa planong ito ng kaligtasan, na sumasagot sa karamihan sa mga tanong tungkol sa doktrina at mga inspiradong panuntunan ng ipinanumbalik na Simbahan. Tayo na nakaaalam ng plano ng Diyos at nakipagtipan na makibahagi ay may malinaw na responsibidad na ituro ang mga katotohanang ito at gawin ang lahat ng magagawa natin para maipaunawa pa ito sa iba at sa sarili nating kalagayan sa mortalidad. Pinatototohanan ko si Jesucristo, ang ating Tagapagligtas at Manunubos, na ginawang posible ang lahat, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Tala

  1. “Ang Pagpapanumbalik ng Kabuuan ng Ebanghelyo ni Jesucristo: Isang Proklamasyon sa Mundo para sa Ika-200 Taong Anibersaryo,” sa Russell M. Nelson, “Pakinggan Siya,” Liahona, Mayo 2020, 91.