Pangkalahatang Kumperensya
Katuparan ng Propesiya
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2020


2:3

Katuparan ng Propesiya

Maraming propesiya ang natupad sa pamamagitan ng Pagpapanumbalik ng kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Mahal kong mga kapatid, karangalan kong magsalita sa makasaysayang pangkalahatang kumperensyang ito sa paggunita ng Unang Pangitain ni Joseph Smith sa Diyos Ama at Kanyang Anak na si Jesucristo, sa tinatawag na, walang duda, Sagradong Kakahuyan. Ang pangitaing iyon ay kamangha-manghang pasimula sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo at ng lahat ng kaganapan na ibinunga nito, mula sa Aklat ni Mormon hanggang sa pagpapanumbalik ng awtoridad at mga susi ng priesthood, pag-oorganisa ng totoong Simbahan ng Panginoon, mga templo ng Diyos, at mga propeta at apostol na namamahala sa gawain sa mga huling araw na ito.

Sa banal na plano, ang mga sinaunang propeta ng Diyos, nang mainspirasyunan ng Espiritu Santo, ay nagpropesiya tungkol sa Pagpapanumbalik at sa mga mangyayari sa ating panahon, ang huling dispensasyon at ang kaganapan ng mga panahon. Ang mismong gawaing ito ay “nagbigay-inspirasyon sa mga kaluluwa” ng mga sinaunang tagakita.1 Sa lahat ng mga henerasyon ng panahon, sila ay nagbadya, nanaginip, nakinita, at nagpropesiya tungkol sa hinaharap ng kaharian ng Diyos sa mundo, sa tinawag ni Isaias na “isang kagilagilalas na gawa at kamanghamangha.”2

Maraming propesiya ang natupad sa pamamagitan ng Pagpapanumbalik ng kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo, kabilang ang Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Gayunman, bibigyang-diin ko lamang sa araw na ito ang ilan sa mga paborito ko. Ang mga ito ay itinuro sa akin ng mahal kong mga guro sa Primary at sa kandungan ng aking mabait na ina.

Si Daniel sa yungib ng mga leon

Si Daniel, na napigilan ang mga leon sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at sa pamamagitan ng mga naglilingkod na anghel ng Diyos, ay nakita ang ating panahon sa pangitain. Sa pagbibigay-kahulugan sa panaginip ni Haring Nabucodonosor ng Babilonia, ipinropesiya ni Daniel na maitatatag ang Simbahan ng Panginoon sa mga huling araw gaya ng isang maliit na bato na “natibag sa bundok, hindi ng mga kamay.”3 “Hindi ng mga kamay,” na ibig sabihin ay sa pamamaraang banal, lalaganap ang Simbahan ng Panginooon hanggang sa mapuno nito ang buong mundo, “na hindi [na] magigiba kailan man … [kundi] lalagi magpakailan man.”4

Si Daniel na nagbibigay-kahulugan sa panaginip

Isang matibay na patunay na natutupad na ang mga salita ni Daniel ay ang panonood at pakikinig ng mga miyembro ng Simbahan, mula sa lahat ng dako ng mundo, sa kumperensya ngayon.

Inilarawan ng tapat na si Apostol Pedro ang “mga panahon ng pagsasauli sa dati ng lahat ng mga bagay … buhat pa nang una.”5 Isinulat ni Apostol Pablo na sa kaganapan ng mga panahon, “[ti]tipunin [ng Diyos] ang lahat ng mga bagay kay Cristo,”6 “na si Cristo Jesus din ang pangulong bato sa panulok.”7 Naramdaman ko nang napakatindi ang mga propesiyang iyon noong makibahagi ako sa paglalaan ng Rome Italy Temple. Naroon ang lahat ng propeta at apostol na nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo, ang Manunubos ng sanlibutan, gaya ng pagpapatotoo nina Pedro at Pablo. Ang Simbahan ay buhay na halimbawa ng pagpapanumbalik na iyan, mga kapatid, at ang mga miyembro natin ay mga saksi ng mga banal na propesiyang iyon noon.

Ang mga Propeta at Apostol sa Rome Italy Temple

Ipinropesiya ni Jose ng Egipto na sa mga huling araw “isang tagakita ang ibabangon ng Panginoon kong Diyos, na magiging piling tagakita sa bunga ng aking balakang.”8 “Sapagkat gagawin niya ang gawain [ng Panginoon].”9 Si Joseph Smith, ang propeta ng Pagpapanumbalik, ay ang tagakitang iyon.

Ipinropesiya ni Juan na Tagapaghayag ang tungkol sa isang anghel ng Makapangyarihang Diyos na tinitipong magkakasama ang mahahalagang bahagi ng Pagpapanumbalik sa mga salitang ito: “At nakita ko ang ibang anghel na lumilipad sa gitna ng langit, na may mabuting balita na walang hanggan upang ibalita sa mga nananahan sa lupa, at sa bawa’t bansa, at angkan, at wika, at bayan.”10 Si Moroni ang anghel na iyon. Nakita niya ang ating panahon tulad ng nakatala sa Aklat ni Mormon. Sa paulit-ulit na pagpapakita, inihanda niya si Joseph Smith para sa ministeryo nito, kabilang ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon: Isa Pang Tipan ni Jesucristo.

Nagpakita si Moroni kay Joseph Smith

Nagpropesiya ang iba pang mga propeta tungkol sa ating panahon. Nangusap si Malakias tungkol kay Elijah na papagbabaliking-loob “ang puso ng mga ama sa mga anak, at ang puso ng mga anak sa kanilang mga magulang.”11 Dumating na si Elijah, at bunga nito, mayroon na tayong 168 na mga templo ngayon sa iba’t ibang dako ng mundo. Bawat templo ay naglilingkod sa mga karapat-dapat na miyembro na gumagawa ng mga sagradong tipan at tumatanggap ng mga ordenansa para sa kanilang sarili at sa kanilang mga pumanaw na ninuno. Ang sagradong gawaing ito na inilarawan ni Malakias ay “sentro ng plano ng Tagapaglikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak.”12

Nabubuhay tayo sa panahong iyan na ipinropesiya; tayo ang mga tao na binigyan ng responsibilidad bago ang pagdating ng Ikalawang Pagparito ni Jesucristo; titipunin natin ang mga anak ng Diyos, yaong mga makikinig at tatanggapin ang mga katotohanan, tipan, at pangako ng walang-hanggang ebanghelyo. Tinatawag ito ni Pangulong Nelson na “pinakamalaking hamon, na pinakamagiting na layunin, at ang pinakadakilang gawain sa mundo ngayon.”13 Pinatototohanan ko ang himalang iyan.

Ang Paglalaan sa Durban South Africa Temple

Sa atas ni Pangulong Russell M. Nelson, noong Pebrero ng taong ito, inilaan ko ang Durban South Africa Temple. Buong buhay kong maaalala ang araw na iyon. Kasama ko ang mga miyembro na tumanggap ng ebanghelyo tulad ng ipinropesiya ni Jeremias noon—“isa sa isang bayan, at dalawa sa isang angkan.”14 Pinagkakaisa tayong lahat ng doktrina ni Jesucristo—sa buong mundo—bilang mga anak ng Diyos, bilang magkakapatid sa ebanghelyo. Anuman ang hitsura natin o pananamit, tayo ay nagkakaisang tao sa Ama sa Langit na ang plano mula sa simula ay mapagsama-samang muli ang Kanyang pamilya sa pamamagitan ng paggawa at pagtupad ng mga sagradong tipan sa templo.

Sa isang maliit na pagtitipon ng mga mayhawak ng priesthood sa isang schoolhouse sa Kirtland, Ohio, noong 1834, ipinropesiya ni Propetang Joseph, “Kakaunti lang ang nakikita ninyong Pagkasaserdote ngayong gabi, subalit pupunuin ng Simbahang ito ang Hilaga at Timog Amerika—pupunuin nito ang daigdig.”15

Sa nakalipas na mga taon, naglakbay ako sa iba’t ibang dako ng mundo para makapulong ang mga miyembro ng Simbahan. Ang mga Kapatid ko sa Korum ng Labindalawang Apostol ay may gayon ding mga gawain. Gayunman, sino ang makapapantay sa iskedyul ng ating mahal na propeta na si Pangulong Nelson, na nagawang makapulong ang mga Banal sa kanyang unang dalawang taong paglalakbay bilang Pangulo ng Simbahan sa 32 bansa at teritoryo ng U.S.16 upang magpatotoo tungkol sa buhay na Cristo.

Naaalala ko nang matanggap ko ang aking mission call noong binata pa ako. Gusto kong maglingkod sa Germany, gaya ng aking ama, kapatid, at bayaw. Hindi ko na hinintay ang pag-uwi ng kahit sino, nagmadali akong pumunta sa mailbox at binuksan ang mission call. Nabasa ko na tinawag ako sa Eastern States Mission na ang headquarters ay sa New York City. Nadismaya ako, kaya pumasok ako sa loob at binasa ang aking mga banal na kasulatan para mapanatag. Nagsimula akong magbasa sa Doktrina at mga Tipan: “Masdan, at narito, ako ay maraming tao sa lugar na ito, sa mga pook sa paligid; at isang pintuan ang bubuksan sa mga lugar sa paligid dito sa silangang lupain.”17 Ang propesiyang iyan, na ibinigay kay Propetang Joseph Smith noong 1833, ay isang paghahayag sa akin. Nalaman ko sa sandaling iyon na tinawag ako sa mismong mission na nais ng Panginoon na paglingkuran ko. Itinuro ko ang Pagpapanumbalik at ang kamangha-manghang pagsisimula nito nang mangusap ang ating Ama sa Langit kay Joseph Smith at sinabing, “Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!”18

Ang higit na mahalaga para sa buong Simbahan ay ang propesiya ni Isaias, mahigit 700 taon na ang nakalipas bago ang pagsilang ni Jesucristo: “At mangyayari sa mga huling araw, na ang bundok ng bahay ng Panginoon ay matatatag sa taluktok ng mga bundok, … at lahat ng bansa ay magsisiparoon doon.”19

Sa aking isipan ngayon, nailalarawan ko ang milyun-milyong miyembro natin at mga kaibigan na nakakonekta sa mga kaganapang ito sa pamamagitan ng telebisyon, internet, o iba pang paraan. Nakaupo tayo na parang magkakasama “sa taluktok ng mga bundok.”20 Si Brigham Young ang yaong nangusap ng propesiyang “Ito ang tamang lugar.”21 Ang mga Banal, ilan sa kanila ay sarili kong mga ninunong pioneer, ay gumawa upang maitatag ang Sion sa Rocky Mountains “sa kalooban at kasiyahan Niya na namamahala sa mga bansa ng mundo.”22

Ang Salt Lake Temple noong 2002 Olympics

Nakatayo ako ngayon sa sagradong lugar na umaakit sa milyun-milyong panauhin. Noong 2002, ang Salt Lake City ang napiling pagdausan ng Winter Olympic Games. Ang Tabernacle Choir ang umawit sa mga opening ceremony, at ang Simbahan ay nagbigay ng mga konsiyerto at programa para sa mga panauhin at mga nakibahagi mula sa maraming bansa. Lagi kong maaalala ang templo na nakikita sa likuran ng mga nagbobrodkast noon ng mga balita gabi-gabi sa buong mundo.

Ang mga pinuno ng Simbahan at NAACP

Sa nakaraang mga taon, ang mga presidente ng Estados Unidos, mga hari, hukom, prime minister, ambasador, at mga opisyal mula sa maraming lupain ay nagsiparito sa Salt City at nakipag-usap sa ating mga lider. Si Pangulong Nelson ang naging punong-abala sa mga lider ng National Association for the Advancement of Colored People, isang organisasyon ng Estados Unidos na nagsusulong sa pantay na mga karapatan nang walang diskriminasyon batay sa lahi. Naaalala ko na nakatayo ako katabi ng mga kaibigan at lider na ito nang sumama si Pangulong Nelson sa kanila sa panawagan na magkaroon ng higit na paggalang at pagkakaisa ng mga lahi sa mundo.23

Marami pa ang pumarito sa Temple Square at nakipagpulong sa mga lider ng Simbahan. Halimbawa, nitong nakalipas na taon, babangitin ko ang ilan, malugod naming sinalubong ang pagdating ng United Nations 68th Civil Society Conference, isang pandaigdigang pagtitipon at ang una sa ganitong uri ng kaganapan sa labas ng New York City. Nakapulong namin ang Vietnam’s Committee for Religious Affairs at ang mga ambasador mula sa Cuba, Philippines, Argentina, Romania, Sudan, Qatar, at Saudi Arabia. Malugod din naming sinalubong ang pagdating ng secretary general ng Muslim World League.

Ang inilalarawan ko ay ang katuparan ng propesiya ni Isaias na sa mga huling araw, ang mga bansa ay magsisiparoon sa “bundok ng bahay ng Panginoon.”24 Ang magandang Salt Lake Temple ay nakatayo sa gitna ng kamaharlikaan at kaluwalhatiang iyan.

Ang taluktok ng Salt Lake Temple

Hindi ang tanawin ang nakaakit sa mga tao, bagama’t napakaganda ng ating lugar; kundi ang diwa ng dalisay na relihiyon na nakita sa diwa, pag-unlad, kabutihan, at pagiging bukas-palad ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at ng mga tao nito; ang pagmamahal natin na tulad ng pagmamahal ng Diyos; at ang katapatan natin sa mas dakilang layunin, na tinawag ni Joseph Smith na “ang layon ni Cristo.”25

Hindi natin alam kung kailan babalik ang Tagapagligtas, ngunit ito ang nalalaman natin. Dapat tayong maging handa sa puso at isipan, maging marapat para tanggapin Siya, at ikarangal ang maging bahagi ng lahat ng ipinropesiya noon pa man.

Pinatototohanan ko na si Pangulong Russell M. Nelson ay propeta ng Panginoon sa mundo, at sa tabi niya ay ang mga Apostol na tinawag ng Diyos, sinang-ayunan bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. At, mahal kong mga kapatid, patuloy pa rin ang Pagpapanumbalik.

Magtatapos ako sa propesiya ni Joseph Smith, mga salitang pinatototohanan ko na totoo: “Walang kamay na di pinaging banal ang maaaring pumigil sa pagsulong ng gawain; ang mga pag-uusig ay maaaring magngitngit, ang mga mandurumog ay maaaring magkaisa, ang mga hukbo ay maaaring magkatipon, ang kasinungalingan ay maaaring manira, subalit ang katotohanan ng Diyos ay magpapatuloy nang may kagitingan, may pagkamaharlika, at may kalayaan, hanggang sa makapasok ito sa bawat lupalop, makadalaw sa bawat klima, makaraan sa bawat bansa, at mapakinggan ng bawat tainga, hanggang sa ang mga layunin ng Diyos ay matupad, at ang dakilang Jehova ay magsabing ang gawain ay naganap na.”26 Pinatototohanan ko na ang mga propesiyang ito ni Joseph Smith ay natutupad na.

Ipinapangako ko sa inyo na sa inyong pagsunod sa mga inspiradong payo ng ating mahal na propeta na si Pangulong Russell M. Nelson, ng kanyang mga tagapayo, ng mga Apostol, at ng iba pang mga lider ng Simbahan, at kapag binigyang-pansin ninyo ang mga sinaunang propeta na nagpropesiya sa ating panahon, kayo ay mapupuspos, sa kaibuturan ng inyong puso at kaluluwa, ng diwa at gawain ng Pagpapanumbalik. Ipinapangako ko na makikita ninyo ang kamay ng Diyos sa inyong buhay, maririnig ang Kanyang mga pahiwatig, at madarama ang Kanyang pagmamahal. Sa pangalan ni Jesucristo, nang may pasasalamat para sa Pagpapanumbalik ng Kanyang ebanghelyo at Kanyang Simbahan, sa katibayan ng Kanyang walang-kapantay na pagmamahal, amen.