Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 44: Ang Panunumbalik ng Lahat ng Bagay: Ang Dispensasyon ng Kaganapan ng Panahon


Kabanata 44

Ang Panunumbalik ng Lahat ng Bagay: Ang Dispensasyon ng Kaganapan ng Panahon

“[Ito] ang tunay na dispensasyon ng kaganapan ng panahon, kung kailan ang lahat ng bagay na kay Cristo Jesus sa langit man o sa lupa, ay sama-samang titipunin sa Kanya, at kung kailan lahat ng bagay ay ipanunumbalik.”

Mula sa Buhay ni Joseph Smith

Mahal ni Propetang Joseph Smith ang Nauvoo Temple at hangad na makitang matapos ito. Naroon si Martha Coray na taga Nauvoo nang magsalita ang Propeta at iniunat ang kanyang kamay at itinuro ang templo at sinabi sa malungkot na tinig, “Kung loloobin ng Diyos na habaan pa ang buhay ko upang makitang natapos na ang templo mula sa pundasyon hanggang sa pinakaibabaw na bato, sasabihin ko, ‘O, Panginoon, ito ay sapat na Panginoon, hayaan ninyong pumanaw na payapa ang inyong tagapaglingkod.’ ”1

Ginunita ni George Q. Cannon, na kalaunan ay naging tagapayo sa Unang Panguluhan: “Bago ang kanyang kamatayan, nagpakita siya ng malaking kasabikan na makitang tapos na ang templo [ng Nauvoo], na alam na alam ng karamihan sa inyo na miyembro na ng Simbahan noong panahon niya. ‘Bilisan ninyo ang paggawa, mga kapatid,’ lagi niyang sinasabi,—tapusin natin ang templo; ang Panginoon ay may inihandang dakilang kaloob para sa inyo, at sabik na akong matanggap na ng mga kapatid ang kanilang endowment at ang kabuuan ng priesthood.’ Hinimok niyang magpatuloy ang mga banal, na ipinangangaral sa kanila ang kahalagahan ng pagtapos sa gusaling iyon, upang sa loob niyon ay maigawad ang mga ordenansa ng buhay at kaligtasan sa lahat ng tao, lalo na sa mga korum ng banal na priesthood; ‘pagkatapos,’ sabi niya, ‘itatatag ko ang Kaharian, at wala ng halaga sa akin kahit ano pa ang mangyari sa akin.’ ”2

Ang mga plano para sa Nauvoo Temple ay gawin itong mas malaki at mas magandang gusali kaysa sa Kirtland Temple. Matatagpuan sa tuktok ng burol kung saan matatanaw ang Ilog ng Mississippi, ang natapos na Nauvoo Temple ay naging isa sa mga pinakamaringal na gusali sa Illinois. Yari ito sa mga limestone na nakuha mula sa minahang malapit sa Nauvoo Temple at kahoy na mula sa taniman ng mga puno ng pino sa Wisconsin. Kapag natapos, magiging 39 na metro ang haba nito, halos 27 metro ang lapad, at mahigit 50 metro ang taas hanggang sa tuktok ng taluktok. Ang panlabas na bahagi ay pinalamutian ng mga batong naglalarawan ng buwan, araw, at mga bituin na buong ingat na inukit, samantalang ang sikat ng araw na naglalagos sa maraming bintana ang nagbigay-liwanag sa loob nito.

Namatay si Joseph Smith bago matapos ang Nauvoo Temple, ngunit matapos ang kanyang kamatayan, libu-libong Banal ang tumanggap ng mga sagradong ordenansa sa templo sa ilalim ng pamamahala ni Brigham Young. Matapos mapilitang lisanin ng mga Banal ang Nauvoo, nawasak ang kanilang magandang templo. Tinupok ito ng apoy noong 1848, at noong 1850 isang buhawi ang nagpatag sa ilang pader nito, na nagpahina sa natitira pang pader kung kaya’t kailangang tuluyan nang itumba ang mga ito. Makalipas ang halos 150 taon, sinimulan ang pagtatayo ng bagong Nauvoo Temple sa mismong orihinal na pinagtayuan dito. Inilaan ang muling itinayong templo noong Hunyo 27, 2002, na naging isa sa mahigit isandaang templo sa buong mundo. Bawat isa sa mga templong ito ay simbolo na ang kabuuan ng mga pagpapala ng Diyos sa Kanyang mga anak, buhay at patay, ay naipanumbalik sa huling dipensasyong ito.

Si Propetang Joseph Smith ay tinawag ng Diyos upang ibalik ang mga dakilang pagpapalang ito sa mundo at mamuno sa dispensasyon ng kaganapan ng panahon. Noong nagministeryo ang Propeta, ang lahat ng bagay na kailangan para mailatag ang pundasyon ng pinakadakilang dispensasyon sa lahat ng panahon ay ipinanumbalik. Ang priesthood, taglay ang mahahalagang susi nito, ay ipinanumbalik; ang Aklat ni Mormon ay isinalin; itinatag ang Simbahan; at ang mga doktrina, ordenansa at tipan ay ipinahayag, kabilang na ang mga ordenansa at mga tipan ng endowment at ang pagbubuklod ng kasal. Ipinahayag ng Panginoon na ipinagkaloob Niya kay Joseph Smith “ang mga susi ng aking kaharian, at dispensasyon ng ebanghelyo para sa huling panahon; at para sa kaganapan ng panahon, kung kailan ko samasamang titipunin sa isa ang lahat ng bagay, maging ang mga nasa langit, at ang mga nasa lupa” (D at T 27:13).

Mga Turo ni Joseph Smith

Sa huling dispensasyong ito, lahat ng karapatan, ordenansa, at kaalaman ng mga naunang dispensasyon ay naipanumbalik.

“Nasa panuntunan ng mga bagay na makalangit na ang Diyos sa tuwina ay dapat magpadala ng bagong dispensasyon sa mundo kung kailan ang mga tao ay tumalikod mula sa katotohanan at nawalan ng priesthood.”3

Noong Setyembre 6, 1842, isinulat ni Joseph Smith ang sumusunod sa mga Banal, na itinala kalaunan sa Doktrina at mga Tipan 128:18: “Kinakailangan sa pagsisimula ng dispensasyon ng kaganapan ng panahon, kung aling dispensasyon sa ngayon ay nagsisimula na, na ang isang buo at husto at ganap na pagsasanib, at pag-uugnay na magkakasama ng mga dispensasyon, at mga susi, at mga kapangyarihan, at mga kaluwalhatian ay dapat mangyari, at maipahayag mula sa mga araw ni Adan hanggang sa kasalukuyang panahon. At hindi lamang ito, kundi pati na ang mga bagay na hindi pa ipinahayag mula pa sa pagkakatatag ng daigdig, subalit maingat na itinago mula sa matatalino at marurunong, ay ipahahayag sa mga sanggol at pasusuhin dito, sa dispensasyon ng kaganapan ng panahon.”4

“Tunay ngang ito ay araw na di malilimutan ng mga Banal sa mga huling araw—ang araw kung kailan sinimulan ng Diyos ng langit na ipanumbalik ang sinaunang kaayusan ng Kanyang kaharian sa Kanyang mga tagapaglingkod at mga tao,—ang araw kung kailan ang lahat ng bagay ay sama-samang kikilos upang maisagawa ang kabuuan ng Ebanghelyo, ang kaganapan ng dispensasyon ng mga dispensasyon, maging ang kaganapan ng panahon; ang araw kung kailan sisimulan nang ipahayag at ihanda ng Diyos sa Kanyang Simbahan ang mga bagay na naganap, at yaong mga bagay na hinangad na makita ng mga propeta noon at matatalinong tao ngunit namatay nang hindi nararanasan ito; ang araw kung kailan ang mga bagay na yaon ay sisimulan nang ipahayag, na pinanatiling nakatago bago pa ang pagkakatatag ng daigdig, at siyang ipinangako ni Jehova na ipaalam sa Kanyang sariling panahon sa Kanyang mga tagapaglingkod, upang maihanda ang mundo para sa Kanyang maluwalhating pagbabalik, maging ang selestiyal na kaluwalhatian, at isang kaharian ng mga Saserdote at mga hari ng Diyos at ng Kordero, magpakailanman, sa Bundok ng Sion.”5

“Ang dispensasyon ng kaganapan ng panahon ay magpapakita ng mga bagay na naihayag na sa lahat ng naunang dsipensasyon; pati na ang iba pang mga bagay na hindi pa naihahayag. Ipadadala niya si Elijah, ang Propeta, at iba pa, at ibabalik ang lahat ng bagay kay Cristo.”6

‘‘ ‘Na ipinakikilala niya sa atin ang hiwaga ng Kaniyang kalooban, ayon sa Kaniyang minagaling na ipinasiya niya sa kaniya rin: sa pagiging katiwala sa kaganapan ng mga panahon, upang tipunin ang lahat ng mga bagay kay Cristo, ang mga bagay na nangasa sangkalangitan, at ang mga bagay na nangasa ibabaw ng lupa; sa kaniya, sinasabi ko.’ [Mga Taga Efeso 1:9–10.]

“Ngayon ang pasiya ng Diyos sa mga huling tagpo ng huling dispensasyon ay na ang lahat ng bagay tungkol sa dispensasyong iyon ay dapat pangasiwaan sa tumpak na paraan ayon sa mga naunang dispensasyon.

“At muli, nagpasiya ang Diyos na walang magaganap na walang hanggang kaganapan hangga’t hindi naisasakatuparan ang bawat dispensasyon at sama-samang natipon, at ang lahat ng anumang bagay, na dapat sama-samang tipunin sa mga dispensasyong iyon sa gayunding kaganapan at walang hanggang kaluwalhatian, ay dapat na na kay Cristo Jesus….

“…. Lahat ng ordenansa at tungkulin na kinailangan sa Priesthood, sa ilalim ng mga tagubilin at kautusan ng Pinakamakapangyarihan sa alinmang dispensasyon, ay iiral lahat sa huling dispensasyon, samakatwid lahat ng bagay na umiral sa ilalim ng awtoridad ng priesthood sa alimang panahon, ay iiral muli, upang isakatuparan ang panunumbalik na binigkas ng lahat ng Banal na Propeta.”7

Si Joseph Smith ang maytaglay ng mga susi ng dispensasyon ng kaganapan ng panahon.

“Ako … ang maytaglay ng mga susi ng huling kaharian, na dispensasyon ng kaganapan ng lahat ng bagay na winika ng mga bibig ng lahat ng banal na Propeta simula nang magsimula ang mundo, sa ilalim ng kapangyarihang magbuklod ng Melchizedek Priesthood.”8

“Bawat lalaki na may tungkuling maglingkod sa mga tao sa daigdig ay inordenan sa mismong layuning iyon sa Malaking Kapulungan ng langit bago nilikha ang daigdig na ito. Sa palagay ko inordenan ako sa mismong katungkulang ito sa Malaking Kapulungang iyon. Ito ang patotoong nais ko, na ako ay tagapaglingkod ng Diyos, at ang mga taong ito ay kanyang mga tao. Ipinahayag ng sinaunang propeta na sa mga huling araw ang Diyos ng langit ay nararapat magtayo ng kaharian na hindi kailanman mawawasak, ni maiiwan sa ibang tao….

“Layon kong maging isa sa mga kasangkapan sa paghahanda ng kaharian ni Daniel ayon sa salita ng Panginoon, at layon kong magtatag ng pundasyon na magpapabago sa buong mundo.”9

“Nasa akin ang buong plano ng kaharian, at walang ibang taong mayroon nito.”10

Naroon si Lucy Mack Smith nang mangaral si Joseph Smith sa Kirtland Ohio noong 1832. Naalala niya ang sinabing ito ng mga Propeta: “Ako mismo ang maytaglay ng mga susi ng huling dispensasyong ito, at walang hanggang tataglayin ang mga ito sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan. Kaya ipanatag ang inyong mga kalooban, sapagkat maayos ang lahat.”11

Ang huling dispensasyon ay napakahalaga kung kaya’t kinakailangan nito ng ganap at lubos na katapatan ng mga Banal.

Noong Setyembre 1840, ipinahayag nina Joseph Smith at kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan ang sumusunod sa mga miyembro ng Simbahan: “Ang gawain ng Panginoon sa mga huling araw na ito, ay napakalawak at hindi kayang unawain ng mga mortal. Ang mga kaluwalhatian nito ay di sukat mailarawan, at ang karingalan ay di mapapantayan. Ito ang paksang ikinintal sa damdamin ng mga propeta at matwid na mga tao mula pa nang likhain ang daigdig hanggang sa bawat nagdaang henerasyon at hanggang sa kasalukuyan; at tunay ngang ito ang dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon, kung kailan ang lahat ng bagay na na kay Cristo Jesus, sa langit man o sa lupa, ay samasamang titipunin sa Kanya, at kung kailan ang lahat ng bagay ay ipanunumbalik, na sinalita ng mga banal na propeta mula pa sa simula ng daigdig; sapagkat magaganap dito ang maluwalhating katuparan ng mga pangakong ginawa sa mga ama, habang ang mga pagpapakita ng kapangyarihan ng Kataas-taasan ay magiging dakila, maluwalhati, at banal….

“… Ipinasiya naming magpatuloy at pag-isahin ang aming lakas para sa pagtatayo ng Kaharian, at pagtatatag ng Priesthood sa kanilang kaganapan at kaluwalhatian. Ang gawaing dapat isakatuparan sa mga huling araw ay napakahalaga, at kakailanganin nito ang lakas, kasanayan, talento, at kakayahan ng mga Banal, nang sa gayon ito ay lumaganap taglay ang kaluwalhatian at karingalang inilarawan ng propeta [tingnan sa Daniel 2:34–35, 44–45]; at samakatuwid ay kailangang pag-ukulan ng pansin ng mga Banal, upang maisagawa ang mga gawaing gayon kalawak at karingal.

“Ang pagtitipong nabanggit sa mga Banal na Kasulatan ay kailangan upang maisakatuparan ang mga kaluwalhatian ng huling dispensasyon….

“Mga kapatid, sa hangaring isakatuparan ang mga layunin ng Diyos, ang gawain kung saan tayo tinawag; at maging kasama Niyang gumagawa sa huling dispensasyong ito; nadarama naming kailangan ng taos-pusong pakikipagtulungan ng mga Banal sa buong lupaing ito, at sa ibabaw ng mga pulo ng dagat. Kailangang makinig ang mga Banal sa payo at ibaling ang kanilang pansin sa Simbahan, sa pagtatayo ng Kaharian, at isantabi ang bawat makasariling panuntunan, lahat ng nakabababa at nakapagpapasama ng pagkatao, at masigasig na manindigan para sa katotohanan, at tulungan sa abot ng kanilang makakaya ang mga binigyan ng pamantayan at plano [ng kaharian ng Diyos]… .

“Samakatwid, narito minamahal kong mga kapatid, ang gawaing karapat-dapat na ipaglaban ng mga arkanghel—gawaing napakalaki ng kahigitan kumpara sa mga bagay na naisagawa na; gawaing hinanap, inasahan, at taimtim na hinangad na mamalas ng mga propeta at matwid na mga tao nang nakaraang panahon, ngunit pumanaw nang hindi namalas ito; at mapalad ang mga taong tutulong sa pagsasakatuparan ng napakalaking gawain ni Jehova.”12

“Ang pagtatayo ng Sion ay gawain na bumighani sa mga tao ng Diyos sa bawat panahon; ito’y paksang binigyang-diin ng mga propeta, saserdote at hari nang may kakaibang galak; malugod nilang inasam ang ating panahon; at bunga ng makalangit at pagasam na puno ng galak sila’y umawit at nagsulat at nagpropesiya tungkol sa ating panahon; ngunit namatay silang hindi ito namalas; tayo ang mga hinirang ng Diyos na Kanyang pinili upang isakatuparan ang kaluwalhatian sa huling araw; narito ito upang ating makita ito, maging bahagi nito, at tulungang maisulong ang kaluwalhatian sa mga Huling araw, ang ‘dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon, kung kailan titipunin ng Diyos ang lahat ng bagay na nasa langit, at lahat ng bagay na nasa lupa, at pag-iisahin’ [tingnan sa Mga Taga Efeso 1:10], kung kailan ang mga Banal ng Diyos ay sama-samang titipunin mula sa bawat bansa, at lahi, at wika, kung kailan ang mga Judio ay sama-samang titipunin, ang masasama ay titipunin din upang lipulin, tulad ng sinalita ng mga propeta; ang Espiritu ng Diyos ay mananahan din sa Kanyang mga tao, at aalisin mula sa iba pang mga bansa, at lahat ng bagay sa langit man o sa lupa ay pag-iisahin, maging kay Cristo.

“Ang Priesthood sa langit ay makikipag-isa sa Priesthood sa mundo, upang maisakatuparan ang mga dakilang layuning iyon; at habang tayo ay nagkakaisa sa iisang adhikain, upang isulong ang kaharian ng Diyos, ang Priesthood sa langit ay hindi lamang manonood, ang Espiritu ng Diyos ay ibubuhos mula sa itaas at mananahan sa atin. Ang mga pagpapala ng Kataastaasan ay mapapasaatin, at ang ating pangalan ay sasambitin sa hinaharap; magsisibangon ang ating mga anak at tatawagin tayong mapalad; at ang mga darating na henerasyon ay malulugod sa mga karanasang pinagdaanan natin, ang mga kasalatang tiniis natin, ang walang sawang pagsusumigasig na ipinakita natin, ang lahat ng hirap na di kayang pasanin na ating nadaig sa paglalatag ng pundasyon ng gawaing nagdulot ng kaluwalhatian at pagpapalang kanilang kakamtin; gawaing kinaluguran ng Diyos at ng mga anghel nang nakalipas na henerasyon; na nagbigay-inspirasyon sa mga kaluluwa ng sinaunang mga patriarch at propeta; gawaing nakatakdang isakatuparan ang pagwasak sa kapangyarihan ng kadiliman, ang pagpapanibagong muli ng mundo, ang kaluwalhatian ng Diyos, at ang kaligtasan ng sangkatauhan.”13

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito sa pag-aaral ninyo ng kabanata o paghahandang magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xiv.

  • Repasuhin ang mga pahina 593–96. Bakit mahalaga ang mga templo sa pagsasakatuparan ng gawain ng Panginoon?

  • Sa inyong palagay bakit inasam ng mga sinaunang propeta at mga pantas ang ating panahon? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa mga pahina 596–98.) Pagnilay-nilayin ang pribilehiyong maging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon.

  • Pag-aralan ang ikatlong talata sa pahina 598. Habang pinagiisipan ninyong mabuti ang pahayag na ito, ano ang mga naisip at nadama ninyo tungkol sa mga tungkulin ninyong maglingkod sa Simbahan?

  • Basahin ang huling tatlong buong talata sa pahina 598. Paano napalalakas ng mga pahayag na ito ang inyong patotoo sa misyon ni Propetang Joseph Smith?

  • Sabi ni Propetang Joseph Smith, “Ang gawain ng Panginoon sa mga huling araw na ito ay napakahalaga” (pahina 599). Pagaralan ang mga pahina 599–601, at pag-isipang mabuti ang ating responsibilidad na tumulong sa pagsasakatuparan ng gawain ng Panginoon sa huling dispensasyon. Bakit natin dapat “pag-isahin ang ating lakas” kung nais nating maisakatuparan ang gawaing ito? Bakit natin dapat “isantabi ang bawat makasariling panuntunan”? Isipin kung paano ninyo magagamit ang inyong “lakas, kasanayan, talento, at kakayahan” para makatulong sa gawain ng Panginoon.

Kaugnay na mga banal na kasulatan: D at T 27:12–13; 90:2–3; 112:30–32; 124:40–41

Mga Tala

  1. Binanggit ni Martha Jane Knowlton Coray, sa pag-uulat tungkol sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith sa Nauvoo, Illinois; Martha Jane Knowlton Coray, Notebook, Church Archives, The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, Salt Lake City, Utah; ang talumpating ito ay may petsang Hulyo 19, 1840, sa kuwaderno ni Sister Coray, ngunit malamang na mas maaga ito kaysa sa talagang petsa ng pagkakabigay.

  2. George Q. Cannon, Deseret News: Semi-Weekly, Dis. 14, 1869, p. 2.

  3. History of the Church, 6:478–79; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Hunyo 16, 1844, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Thomas Bullock; tingnan din sa apendise, pahina 655, aytem 3.

  4. Doktrina at mga Tipan 128:18; mula sa isang liham ni Joseph Smith sa mga Banal, Set. 6, 1842, Nauvoo, Illinois.

  5. History of the Church, 4:492–93; mula sa isang journal entry ni Joseph Smith, Ene. 6, 1842, Nauvoo, Illinois.

  6. History of the Church, 4:426; mula sa katitikan ng isang kumperensya ng Simbahan na ginanap noong Okt. 3, 1841, sa Nauvoo, Illinois, inilathala sa Times and Seasons, Okt. 15, 1841, p. 578.

  7. History of the Church, 4:208, 210–11; mula sa isang talumpating inihanda ni Joseph Smith at binasa sa isang kumperensya ng Simbahan na idinaos noong Okt. 5, 1840, sa Nauvoo, Illinois.

  8. History of the Church, 6:78; ginawang makabago ang pagbabaybay; mula sa isang liham ni Joseph Smith kay James Arlington Bennet, Nob. 13, 1843, Nauvoo, Illinois; mali ang pagbabaybay na “Bennett” sa apelyido ni James Bennet sa History of the Church.

  9. History of the Church, 6:364–65; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Mayo 12, 1844, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Thomas Bullock.

  10. History of the Church, 5:139; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Ago. 29, 1842, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni William Clayton.

  11. Binanggit ni Lucy Mack Smith, sa pag-uulat tungkol sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong mga unang buwan ng 1832 sa Kirtland, Ohio; Lucy Mack Smith, “The History of Lucy Smith, Mother of the Prophet,” 1844–45 manuscript, book 13, p. 5, Church Archives

  12. History of the Church, 4:185–87; ginawang makabago ang pagbabantas; mula sa isang liham ni Joseph Smith at ng kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan sa mga Banal, Set. 1840, Nauvoo, Illinois, inilathala sa Times and Seasons, Okt. 1840, pp. 178–79.

  13. History of the Church, 4:609–10; ginawang makabago ang pagbabantas; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa “The Temple,” isang editoryal na inilathala sa Times and Seasons, Mayo 2, 1842, p. 776; si Joseph Smith ang editor ng pahayagan.

Nauvoo Temple construction

Inasam ni Propetang Joseph Smith na makitang tapos na ang Nauvoo Temple. “ ‘Bilisan ninyo ang paggawa, mga kapatid,’ lagi niyang sinasabi,—‘tapusin natin ang templo; ang Panginoon ay may inihandang dakilang kaloob sa inyo.’ ”

missionaries at MTC

Mga full-time missionary sa Missionary Training Center sa Provo, Utah. Ipinahayag ni Joseph Smith na sa huling dispensasyon, “kailangang makinig ang mga Banal sa payo at … masigasig na manindigan sa adhikain ng katotohanan.”