Kabanata 38
Ang Wentworth Letter
Ang Wentworth Letter ay salaysay ng Propeta tungkol sa “pagbangon, pag-unlad, pagkausig, at pananampalataya ng mga Banal sa mga Huling Araw,” kabilang ang mga pahayag na kilala bilang Mga Saligan ng Pananampalataya.
Mula sa Buhay ni Joseph Smith
Bukod sa pagiging Pangulo ng Simbahan, marami pang ibang responsibilidad si Joseph Smith sa Nauvoo. Noong Mayo 1842, naging mayor siya ng Nauvoo, na ibig sabihin siya rin ang punong hukom ng Nauvoo Municipal Court. Siya ang tinyente heneral at komandante ng Nauvoo Legion. At noong Pebrero 1842, nanungkulan siyang editor ng Times and Seasons, isang pahayagan ng Simbahan na inilalathala nang dalawang beses kada buwan. Ang Times and Seasons ay nagbigay-daan para makaugnayan ng mga lider ng Simbahan ang mga Banal, naglathala ng mga paghahayag at mahahalagang mensahe, at nagbahagi ng mga balita tungkol sa Simbahan. Si John Taylor, isang miyembro ng Korum ng Labindalawa, ay itinalaga na pangasiwaan ang maraming aspeto ng paglalathala sa ilalim ng pamamahala ng Propeta.
Sa unang inilathalang edisyon noong siya ang editor, isinulat ng Propeta na ang pahayagan ay magbibigay ng mga artikulo tungkol sa “mahahalagang kaganapan na nangyayari araw-araw sa ating kapaligiran; mabilis na paglaganap ng katotohanan; maraming balitang tinatanggap namin, araw-araw, mula sa mga elder na nasa ibang bansa; kapwa sa bansang ito, sa Inglatera, mula sa kontinente ng Europa, at iba pang panig ng mundo; nakababalisang kalagayan ng mga bansa; mga liham at turo ng Labindalawa; at mga paghahayag na tinatanggap namin mula sa Diyos.”1
Habang nanunungkulan ang Propeta bilang editor, naglathala ang Times and Seasons ng lubhang mahahalagang dokumento. Ang teksto ng aklat ni Abraham at dalawa sa mga paksimile ay inilathala noong Marso 1842, ang ikatlong paksimile ay inilathala sa buwan ng Mayo. Marso rin nang simulang ilathala ng Propeta ang “History of Joseph Smith [Kasaysayan ni Joseph Smith],” ang salaysay na kalaunan ay naging History of the Church.
Sa isyu ng Times and Seasons na may petsang Marso 1, 1842, inilathala ng Propeta ang nakilala sa tawag na Wentworth Letter. Sa paglalarawan ng mga dahilan niya sa paggawa ng dokumentong ito, ipinaliwanag ng Propeta: “Sa kahilingan ni Ginoong John Wentworth, Editor at May-ari ng Chicago Democrat, isinulat ko ang maikling paglalarawan ng pagbangon, pag-unlad, pagkausig, at pananampalataya ng mga Banal sa mga Huling Araw, kung saan ikinararangal ko, sa ilalim ng pamamahala ng Diyos, na maging tagapagtatag nito. Sinabi ni Ginoong Wentworth na gusto niyang bigyan ng dokumentong ito ang kanyang kaibigang si Ginoong [George] Barstow, na nagsusulat ng kasaysayan ng New Hampshire. Dahil nagawa na ni Ginoong Barstow ang mga tamang hakbang sa pagkuha ng wastong impormasyon, ang tanging hiniling ko sa kanya, ay, ilathala niya nang buo ang pangyayari, nang simple, at walang maling pagpapaliwanag.”2
Sa huli hindi isinama ni George Barstow ang salaysay ng Propeta sa kanyang kasaysayan sapagkat nagpasiya siyang isalaysay lamang ang mga pangyayaring naganap sa buong taon ng 1819 sa kanyang aklat.3 Gayunpaman napakahalaga ng Wentworth Letter sa mga Banal sa mga Huling Araw. Ito ang orihinal na salaysay ni Joseph Smith na nagpapatotoo sa kanyang banal na tungkulin mula sa Diyos, ang kanyang mga pangitain, at ministeryo at pagtuturo. Isinasalaysay nito ang pagkakatatag at paglaki ng Simbahan at pang-uusig sa mga Banal. Naglalaman ito ng paghahayag ng propeta sa tagumpay ng Simbahan sa mundo sa hinaharap sa ilalim ng mapagkalingang kamay ng Dakilang Jehova. Naglalaman din ito ng ilang mahahalagang detalye na hindi matatagpuan sa iba pang turo ng Propeta, kabilang ang paglalarawan sa mga laminang ginto at balangkas ng nilalaman ng Aklat ni Mormon. At pinakamahalaga, ito ang kauna-unahang pagkakataon na mismong si Joseph Smith ang naglathala ng salaysay ng kanyang Unang Pangitain.
Sa pagtatapos nito sa 13 pagpapahayag ng doktrina ng Simbahan na tinatawag ngayon na Mga Saligan ng Pananampalataya, ito ay nagsisilbing malakas na patotoo sa banal na tungkulin ni Propetang Joseph Smith.
Mga Turo ni Joseph Smith
Ang Diyos Ama at si Jesucristo ay nagpakita kay Joseph Smith bilang tugon sa kanyang panalangin.
“Ako ay isinilang sa bayan ng Sharon, Windsor County, Vermont, noong ika-23 ng Disyembre, A.D. 1805. Nang [ako ay] sampung taong gulang, lumipat ang mga magulang ko sa Palmyra, New York, kung saan tumira kami ng mga apat na taon, at mula roon lumipat kami sa bayan ng Manchester. Magsasaka ang tatay ko at tinuruan niya ako ng pagsasaka. Noong labingapat na taong gulang ako, naisip ko ang kahalagahan ng pagiging handa sa mangyayari sa hinaharap, at sa pagtatanong [tungkol] sa plano ng kaligtasan, nalaman ko na may malaking pagkakaiba sa mga opinyong pangrelihiyon; kapag dumadalo ako sa isang sekta itinuturo nila sa akin ang isang plano, at iba rin sa ibang sekta; bawat isa ay nagtuturo ng kani-kanyang doktrina bilang summum bonum [pinakasukdulan] ng kaganapan. Iniisip na lahat ay maaaring hindi tama, at ang Diyos ay hindi maaaring maging mayakda ng labis na kalituhan, nagpasiya akong suriin nang lubos ang paksang ito, naniniwalang kung ang Diyos ay may isang Simbahan hindi ito mahahati-hati sa mga pangkat, at kung itinuro Niya sa isang sekta ang isang paraan ng pagsamba, at pangangasiwa sa isang set ng mga ordenansa, hindi Niya tuturuan ang ibang sekta ng mga alituntuning salungat sa itinuro niya sa isa.
“Sapagkat naniniwala ako sa salita ng Diyos, nagtiwala ako sa pahayag ni Santiago—‘Nguni’t kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios, na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat; at ito’y ibibigay sa kaniya.’ [Santiago 1:5.] Nagtungo ako sa isang tagong lugar sa kakahuyan, at nagsimulang manalangin sa Panginoon; habang taos pusong nananalangin, natuon ang isipan ko sa mga bagay na nakapalibot sa akin, at nabalot ako ng isang makalangit na pangitain, at nakakita ng dalawang maluwalhating katauhan, na magkatulad na magkatulad sa katangian at anyo, napalilibutan ng maningning na liwanag na mas maliwanag kaysa araw sa katanghaliang tapat. Sinabi nila sa akin na lahat ng sekta ay naniniwala sa maling mga doktrina, at wala ni isa man sa kanila ang kinikilala ng Diyos bilang Kanyang Simbahan at kaharian: at inutusan akong ‘huwag sumapi sa alinman sa kanila,’ at kasabay nito nakatanggap ng pangako na ang kaganapan ng Ebanghelyo ay ipaaalam sa akin balang araw.
Ang Aklat ni Mormon ay isinulat noong sinauna sa mga laminang ginto at ibinigay kay Joseph Smith ng isang sugo ng langit.
“Noong gabi ng ika-21 ng Setyembre, A.D. 1823, habang ako ay nananalangin sa Diyos, at nagsisikap na manalig sa mahahalagang pangakong nasa Banal na Kasulatan, biglang may isang liwanag tulad sa umaga, lamang ay higit na dalisay at higit na maluwalhati ang anyo at ningning, na pumasok sa silid; tunay na ang unang tingin ko ay parang puno ng nagniningas na apoy ang kabahayan; ang paglitaw nito ay nakagitla sa buo kong katawan; sa isang saglit ay isang katauhan ang nakatayo sa harapan ko na nalilibutan ng kaluwalhatiang higit pa sa liwanag na pumalibot sa akin. Ipinahayag mismo ng sugong ito na siya ay anghel ng Diyos, isinugo na dalhin ang balita ng kagalakan na ang tipan na ginawa ng Diyos sa sinaunang Israel ay malapit nang matupad, na ang gawaing maghahanda para sa ikalawang pagparito ng Mesiyas ay magsisimula na, na malapit nang dumating ang panahon na ipangangaral nang may kapangyarihan ang Ebanghelyo sa buong kaganapan nito, sa lahat ng bansa upang ang mga tao ay maihanda para sa paghahari sa Milenyo. Ipinaalam sa akin na ako ang pinili na maging instrumento sa mga kamay ng Diyos upang isakatuparan ang ilan sa Kanyang mga layunin sa maluwalhating dispensasyong ito.
“Ipinaalam din sa akin ang tungkol sa mga unang nanirahan sa bansang ito at ipinakilala kung sino sila, at kung saan sila nanggaling; isang maikling salaysay ng kanilang pinagmulan, pag-unlad, sibilisasyon, mga batas, pamahalaan, ng kanilang kabutihan at kasamaan, at mga pagpapala ng Diyos na sa huli’y binawi sa kanila bilang isang bansa, ay ipinaalam sa akin; sinabi rin sa akin kung saan ibinaon ang ilang lamina kung saan nakaukit ang isang pinaikling mga talaan ng sinaunang mga Propeta na namuhay sa kontinenteng ito. Tatlong beses nagpakita sa akin ang anghel nang gabing iyon at ipinahayag ang gayunding mga bagay. Matapos makatanggap ng maraming pagbisita ng mga anghel mula sa Diyos na ipinaaalam sa akin ang karingalan at kaluwalhatian ng mga pangyayaring magaganap sa mga huling araw, noong umaga ng ika-22 ng Setyembre, A.D. 1827, ibinigay sa akin ng anghel ng Panginoon ang mga talaan.
“Ang mga talaang ito ay nakaukit sa mga lamina na nasa anyong ginto: ang bawat lamina ay anim na pulgada ang lapad at walong pulgada ang haba, at hindi gaanong makapal tulad ng karaniwang lata [tin]. Puno ang mga ito ng mga ukit, sa titik ng mga taga Egipto, at sama-sama sa isang tomo tulad ng mga pahina ng isang aklat, na may tatlong argolya [ring] na nakapasuot sa buong lamina. Ang buong lamina ay tinatayang anim na pulgada ang kapal, isang bahagi nito ang nakasara. Ang nakasulat sa hindi selyadong bahagi ay maliliit, at maganda ang pagkakaukit. Ang buong libro ay nagpapakita ng maraming palatandaan na ginawa ito noong unang panahon, at lubhang sanay sa sining ng pag-ukit. Makikitang kasama ng mga talaan ang isang instrumentong napakahusay na ginawa, na tinatawag ng mga sinauna na “Urim at Tummim,’ na binubuo ng dalawang malilinaw na bato na nakalagay sa nakabalantok na busog na nakakabit sa baluti sa dibdib. Sa pamamagitan ng Urim at Tummim naisalin ko ang mga talaan sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos.
“… Ang aklat na ito … ay nagsasalaysay sa atin na nagpakita ang Tagapagligtas sa kontinenteng ito pagkatapos ng Kanyang pagkabuhay na muli; na Kanyang itinatag ang Ebanghelyo rito sa buo nitong kaganapan, at kasaganaan, at kapangyarihan, at pagpapala; na sila ay may mga Apostol, Propeta, Pastor, Teacher, at Evangelist, may gayunding pagkakaayos, priesthood, mga ordenansa, kaloob, kapangyarihan, at pagpapala, tulad ng tinamasa ng mga nasa silangang kontinente; ang mga tao ay iwinaksi dahil sa kanilang mga kasalanan; na ang huli sa mga propeta na namuhay sa kanila ay inutusang ibuod ang mga propesiya nila, kasaysayan, atbp., at ibaon ito sa lupa, at lalabas ito at magiging kaisa ng Biblia sa pagsasakatuparan ng mga layunin ng Diyos sa mga huling araw. Para sa mas detalyadong salaysay babanggitin ko ang Aklat ni Mormon, na mabibili sa Nauvoo, o mula sa sinuman sa aming mga Naglalakbay na Elder.
“Nang mabalitaan kaagad ang pagkatuklas na ito, ang maling mga balita, kasinungalingan at paninirang-puri, ay tila ikinalat ng hangin sa lahat ng dako; madalas paligiran ng mga mandurumog at masasamang tao ang bahay namin. Ilang ulit na akong pinaputukan ng baril, at muntik nang hindi makaligtas, at lahat ng paraan ay ginamit para makuha ang mga lamina sa akin; subalit ang kapangyarihan at pagpapala ng Diyos ang tumulong sa akin, at ilan ang nagsimulang maniwala sa aking patotoo.
Bagaman tumitindi ang pag-uusig laban sa Simbahan, walang makapipigil sa paglaganap ng katotohanan.
“Noong ika-6 ng Abril, 1830, ang ‘Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw’ ay unang itinatag sa bayan ng Fayette, Seneca county, estado ng New York. Ilang tao ang tinawag at inordenan sa pamamagitan ng Diwa ng paghahayag at propesiya, at nagsimulang mangaral sa pamamagitan ng paghihikayat ng Espiritu, at bagaman mahina, gayunpaman sila ay pinalakas ng kapangyarihan ng Diyos, at marami ang nadala sa pagsisisi, bininyagan sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig, at napuspos ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay. Nakakita sila ng mga pangitain at nagpropesiya, nagpalayas ng mga diyablo, at nagpagaling ng mga maysakit sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay. Mula ng panahong iyon kamanghamangha ang mabilis na paglaganap ng gawain, at kalauna’y maraming simbahan ang naitayo sa mga estado ng New York, Pennsylvania, Ohio, Indiana, Illinois, at Missouri; sa Missouri maramihang paninirahan ang nabuo sa Jackson county: maraming tao ang sumapi sa Simbahan at napakabilis ng pagdami namin; marami kaming biniling lupain, maraming inani ang aming mga bukirin, at natamasa ang kapayapaan at kaligayahan sa aming mga tahanan at pamilya, at sa lahat ng aming kapitbahay; subalit dahil hindi kami maaaring makisama sa aming mga kapitbahay (na, marami sa kanila, na napakasamang tao, at nawala sa pagiging sibilisado, ang pumunta sa hangganan ng bansa para takasan ang batas,) sa kanilang hatinggabing pagsasaya, paglabag sa araw ng Sabbath, pangangarera at pagsusugal; nagsimula muna sila sa pangungutya, tapos sa pang-uusig, at sa huli isang grupo ng mandurumog ang nagsama-sama at sinunog ang aming mga bahay, nilagyan ng alkitran at balahibo at hinagupit ang marami sa aming kalalakihan, at sa huli, labag sa batas, katarungan at pagiging makatao, pinalayas sila sa kanilang tirahan; na, walang tirahan at tahanan, ay nagpagala-gala sa malamig at mapanglaw na mga parang hanggang sa bakas na lamang ng dugo ng mga bata ang maiwan dito. Nangyari ito noong buwan ng Nobyembre, at wala silang anumang masisilungan kundi ang kalandong ng langit, sa mabagyong panahong ito ng taon; ang pangyayaring ito ay binalewala ng pamahalaan, at kahit na may kasulatan kami na ang lupain ay walang anumang pagkakautang, at walang nilabag na batas, wala kaming natamong bayadpinsala.
“Maraming nagkasakit, na walang awang pinalayas sa kanilang mga tirahan, at tiniis ang lahat ng pang-aabusong ito at naghanap ng lugar na maaaring tirhan. Ang bunga ay, marami sa kanila na inalisan ng mga kaginhawaan sa buhay, mahahalagang kabuhayan, ang namatay; maraming bata ang naulila, nabalo ang kababaihan, at kalalakihan; ang aming bukirin ay inangkin ng mga mandurumog, libu-libong baka, tupa, kabayo at baboy ang kinuha, at ang mga kagamitan namin sa bahay, sa tindahan, at palimbagan ay sinira, kinuha, o kaya’y winasak.
Marami sa aming mga kapatid ang lumipat sa Clay county at nanirahan doon nang tatlong taon hanggang 1836; walang karahasang naganap, subalit may mga pagbabanta ng karahasan. Gayunpaman noong tag-init ng 1836 ang mga pagbabantang ito ay nagsimulang pormal na mabuo, mula sa mga pagbabanta, tumawag sila ng mga pampublikong pulong, nagpasa ng resolusyon, nagbanta ng paghihiganti at pangwawasak, at ang mga pangyayaring ito ay muling nagdulot ng pagkatakot; ang Jackson county ay sapat na para pamarisan, at dahil ang awtoridad sa bayang iyon ay hindi nanghimasok, sila [ang mga awtoridad ng Clay county] ay nagyabang na hindi sila makikialam dito; na napatunayan namin nang humingi kami ng proteksyon sa mga awtoridad, at matapos ang maraming pinsala at pagkawala ng ari-arian, muli kaming pinalayas sa aming mga tahanan.
“Sumunod kaming nanirahan sa Caldwell at Daviess county, kung saan marami at malawak ang sakop ng aming paninirahan, iniisip na palayain ang aming sarili mula sa matinding panguusig, sa pamamagitan ng pandarayuhan sa bagong mga bayan, na kakaunti ang naninirahan; subalit hindi kami hinayaang mamuhay nang tahimik dito, kaya’t noong 1838 muli kaming sinalakay ng mga mandurumog, isang utos na lipulin kami ang inilabas ni Gobernador Boggs, at sa pahintulot ng batas, isang inorganisang mga bandido ang lumilibut-libot sa bayan, ninakawan kami ng baka, tupa, baboy, at kung anu-ano pa, marami sa mga tao namin ang walang awang pinaslang, inilugso ang puri ng aming kababaihan, at napilitan kaming ibigay ang aming ariarian sa pamamagitan ng paglagda sa legal na mga dokumento habang nakaumang sa amin ang kanilang sandata; at matapos tiisin ang bawat pang-iinsulto na maibibigay sa amin ng walangpuso at masasamang bandido, mula labindalawa hanggang labinlimang libong kaluluwa, mga lalaki, babae, at bata ang pinalayas sa sarili nilang tahanan, at mula sa mga lupain na may legal na kasulatan ng pagmamay-ari, ay nawalan ng tirahan, walang kaibigan, at walang tahanan (sa katindihan ng taglamig) upang magpagala-gala bilang mga itinapon sa mundo, o maghanap ng tirahan sa mas mainam na kapaligiran, at sa hindi gaanong malulupit na tao. Marami ang nagkasakit at namatay dulot ng malamig na panahon at hirap na dinanas nila; maraming babae ang naiwang balo, at mga batang [naiwang] ulila, at hikahos. Hindi sapat ang ibinigay na pagkakataon sa akin dito upang mailarawan ang kawalang katarungan, kamalian, pagpaslang, pagdanak ng dugo, pagnanakaw, kalungkutan at kaapihan na dulot ng malulupit, hindi makatao, at walang kinikilalang batas na pamamalakad ng estado ng Missouri.
“Sa sitwasyong ipinahiwatig noon, dumating kami sa estado ng Illinois noong 1839, kung saan kami nakakita ng mababait na tao at tahanang mapapalagay ang loob ninuman: mga taong handang pasakop sa mga alituntunin ng batas at pagkamakatao. Sinimulan naming magtayo ng isang lungsod na tinawag na ‘Nauvoo,’ sa bayan ng Hancock. Anim hanggang walong libo kaming naroon, maliban pa sa marami sa palibot ng bayan, at sa bawat bayan halos ng estado. May kasunduan na ipinagkaloob sa amin para magtatag ng lungsod, at kasunduan para makabuo ng isang Legion, na ang mga sundalo ay umaabot na ngayon sa 1,500. May kasunduan din kami para magtayo ng isang Unibersidad, para sa Agricultural and Manufacturing Society, may sarili kaming mga batas at tagapamahala, at nasa amin ang lahat ng pribilehiyong tinatamasa ng ibang malalaya at may pinag-aralang mga mamamayan.
“Hindi nahadlangan ng pag-uusig ang paglaganap ng katotohanan, kundi nagdagdag lamang sa kalakasan nito, napakabilis nitong lumaganap. Ipinagmamalaki ang adhikaing kanilang niyakap, at batid ang aming kawalang sala, at ang katotohanan ng relihiyong ito, sa gitna ng kasinungalingan at paninira, ay humayo ang mga Elder ng Simbahang ito, at itinanim ang Ebanghelyo sa halos bawat estado ng Estados Unidos ng Amerika; nakapasok ito sa ating mga lungsod, kumalat sa ating mga kanayunan, at pinasunod ang libu-libo sa ating matatalino, mararangal, at mga makabayang mamamayan sa banal nitong mga kautusan, at pinamahalaan ng sagradong mga katotohanan nito. Lumaganap din ito sa England, Ireland, Scotland, at Wales, kung saan, noong 1840, ilan sa ating mga misyonero ang ipinadala, at mahigit sa limang libo ang sumama sa Pamantayan ng Katotohanan; maraming tao ngayon ang sumasapi sa bawat lupain.
“Ang ating mga misyonero ay humahayo sa iba’t ibang bansa, at sa Germany, Palestine, New Holland [Australia], East Indies, at iba pang lugar, ang Pamantayan ng Katotohanan ay naitayo na; walang kamay na di pinaging banal ang maaaring pumigil sa pagsulong ng gawain; ang mga pag-uusig ay maaaring magngitngit, ang mga mandurumog ay maaaring magkaisa, ang mga hukbo ay maaaring magkatipon, ang kasinungalingan ay maaaring manira, subalit ang katotohanan ng Diyos ay magpapatuloy nang may kagitingan, may pagkamaharlika, at may kalayaan, hanggang sa makapasok ito sa bawat bansa, makadalaw sa bawat klima, makaraan sa bawat lugar, at mapakinggan ng bawat tainga, hanggang sa ang mga layunin ng Diyos ay matupad, at ang Dakilang Jehova ay magsabing ang gawain ay naganap na.
Ang mga Saligan ng Pananampalataya ay naglalarawan ng pangunahing mga doktrina at alituntunin ng ating relihiyon.
“Naniniwala kami sa Diyos ang Amang walang hanggan, at sa Kanyang Anak na si Jesucristo, at sa Espiritu Santo.
“Naniniwala kami na ang mga tao ay parurusahan dahil sa kanilang sariling mga kasalanan, at hindi dahil sa paglabag ni Adan.
“Naniniwala kami na sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo, ang buong sangkatauhan ay maaaring maligtas sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas at ordenansa ng Ebanghelyo.
“Naniniwala kami na ang mga pangunahing alituntunin at ordenansa ng Ebanghelyo ay: (1) Pananampalataya sa Panginoong Jesucristo; (2) Pagsisisi; (3) Pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan; (4) Pagpapatong ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo.
“Naniniwala kami na ang tao ay kinakailangang tawagin ng Diyos sa pamamagitan ng propesiya, at ng pagpapatong ng mga kamay ng mga yaong may karapatan, upang ipangaral ang Ebanghelyo at mangasiwa sa mga ordenansa niyon.
“Naniniwala kami sa samahan ding yaon na umiral sa sinaunang Simbahan, alalaong baga’y mga apostol, propeta, pastor, guro, ebanghelista, at kung anu-ano pa.
“Naniniwala kami sa kaloob na mga wika, propesiya, paghahayag, mga pangitain, pagpapagaling, pagbibigay-kahulugan sa mga wika, at kung anu-ano pa.
“Naniniwala kami na ang Biblia ay salita ng Diyos hangga’t ito ay nasasalin nang wasto; naniniwala rin kami na ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos.
“Naniniwala kami sa lahat ng ipinahayag ng Diyos, sa lahat ng Kanyang ipinahahayag ngayon, at naniniwala rin kami na maghahayag pa Siya ng maraming dakila at mahahalagang bagay hinggil sa kaharian ng Diyos.
“Naniniwala kami sa literal na pagtitipon ng Israel at sa pagpapanumbalik ng Sampung Lipi; na ang Sion ay itatayo sa lupalop na ito [ng Amerika]; na maghahari si Cristo sa mundo; at ang mundo ay babaguhin at matatanggap nito ang malaparaisong kaluwalhatian.
“Inaangkin namin ang natatanging karapatang sambahin ang Pinakamakapangyarihang Diyos alinsunod sa mga atas ng aming sariling budhi, at pinahihintulutan ang lahat ng tao ng gayon ding karapatan, hayaan silang sumamba, kung paano, kung saan, kung anuman ang ibig nila.
“Naniniwala kami sa pagpapasailalim sa mga hari, pangulo, namamahala, at hukom, sa pagsunod, paggalang, at pagtataguyod ng batas.
“Naniniwala kami sa pagiging tapat, tunay, malinis, mapagkawanggawa, marangal, at sa paggawa ng mabuti sa lahat ng tao; sa katotohanan, maaari naming sabihing sinusunod namin ang payo ni Pablo. Naniniwala kami sa lahat ng bagay, umaasa kami sa lahat ng bagay, nakapagtiis kami ng maraming bagay, at umaasang makapagtitiis sa lahat ng bagay. Kung may anumang bagay na marangal, kaaya-aya, o magandang balita, o maipagkakapuri, hinahangad namin ang mga bagay na ito. [Tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:1–13.]
“Gumagalang, atbp.,
“JOSEPH SMITH.”4
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Pag-isipan ang mga ideyang ito sa pag-aaral ninyo ng kabanata o paghahandang magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xiv.
-
Isinulat ni Joseph Smith ang Wentworth Letter bilang tugon sa kahilingan nina John Wentworth at George Barstow (pahina 512). Kailan may nagtanong sa inyo tungkol sa kasaysayan o paniniwala ng Simbahan? Habang pinag-aaralan ninyo o tinatalakay ang kabanatang ito, pag-isipan kung paano ninyo masasagot ang gayong mga tanong sa hinaharap? Ano ang matututuhan natin sa mga salita ni Joseph Smith sa Wentworth Letter kung paano sagutin ang gayong mga tanong?
-
Basahin ang sinabi ng Propeta tungkol sa kanyang Unang Pangitain (pahina 513). Sa susunod na sabihin ninyo sa isang tao ang tungkol sa Unang Pangitain, paano ninyo matutulungan ang taong iyon na maunawaan ang Unang Pangitain at ano ang kahulugan nito sa inyo?
-
Basahin ang paglalarawan ng Propeta tungkol sa pagdating ng Aklat ni Mormon (mga pahina 514–17). Anong kaibhan ang nagawa ng Aklat ni Mormon sa inyong buhay? Ano ang ilang paraan na maibabahagi natin ang ating patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon?
-
Sa mga pahina 517–20, ibinigay ni Joseph Smith ang maikling kasaysayan ng pagsisimula ng Simbahan at nagpatotoo sa kahihinatnan ng Simbahan. Ano ang nadama ninyo habang pinagaaralan ninyo ang huling talata sa pahina 520? Sa inyong palagay bakit hindi kayang hadlangan ng pag-uusig ang pag-unlad ng Simbahan? Ano ang ilang halimbawa ng mga taong umunlad sa kabila ng mga pagsalungat sa kanila? (Isaalang-alang ang mga halimbawa mula sa mga banal na kasulatan, kasaysayan ng Simbahan, at sarili ninyong buhay.)
-
Repasuhin ang Mga Saligan ng Pananampalataya (mga pahina 521–22). Sa paanong paraan nakatulong sa inyo ang Mga Saligan ng Pananampalataya? Sa inyong palagay bakit ipinasasaulo natin sa mga bata sa Primary ang mga ito? Isipin ang paggawa ng iskedyul para mapag-aralan ninyo o maisaulo ang Mga Saligan ng Pananampalataya.
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Joseph Smith—Kasaysayan 1:1–75