Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 42: Pamilya: Ang Pinakamatamis na Ugnayan sa Buhay na Ito at sa Kawalang-hanggan


KABANATA 42

Pamilya: Ang Pinakamatamis na Ugnayan sa Buhay na Ito at sa Kawalang-hanggan

“Ang pinakamatamis na ugnayan at kaligayahan ay namayani sa aming tahanan. Walang pagtatalo ni alitan na gumambala sa aming katahimikan, at kapayapaan ang naghari sa amin.” (Lucy Mack Smith)

Mula sa Buhay ni Joseph Smith

Noong 1843, bagaman hindi pa tapos ang Nauvoo Temple, ipinahayag ng Propeta ang doktrina ng kaligtasan para sa mga patay, at pinangasiwaan niya ang endowment sa templo sa isang grupo ng matatapat na Banal. Subalit ang isang mahalagang bahagi ng sagradong gawain sa mga templo ay isasaayos pa lamang. Noong Mayo 16, 1843, naglakbay ang Propeta mula sa Nauvoo patungo sa Ramus, Illinois, kung saan nanirahan siya sa tahanan ng kanyang matalik na kaibigan na si Benjamin F. Johnson. Nang gabing iyon, itinuro niya kina Brother at Sister Johnson at sa ilang malalapit na kaibigan ang tungkol sa “bago at walang hanggang tipan ng kasal.” Ipinaliwanag niya na ang tipang ito ay “orden … ng pagkasaserdote” na mahalaga para matamo ang pinakamataas na antas ng kahariang selestiyal. (Tingnan sa D at T 131:1–4.) Itinuro rin niya na maliban na pumasok ang lalaki at babae sa tipan ng walang hanggang kasal, “hindi sila magkakaroon ng pag-unlad kapag namatay sila; ibig sabihin, hindi sila magkakaroon ng mga anak pagkatapos ng pagkabuhay na muli.” Ang mga yaong pumasok sa tipang ito at nanatiling tapat “ay magpapatuloy sa pag-unlad at magkakaroon ng mga anak sa kaluwalhatiang selestiyal.”1

Makaraan ang dalawang buwan, noong Hulyo 12, 1843, sa opisina na nasa itaas ng kanyang Red Brick Store, idinikta ng Propeta kay William Clayton ang isang paghahayag tungkol sa doktrina ng walang hanggang kasal (tingnan sa D at T 132). Alam na ng Propeta at itinuro na niya minsan ang doktrinang ito noon. Sa paghahayag na ito, ipinahayag ng Panginoon na kung hindi ibinuklod ang mag-asawa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng banal na priesthood, “hindi sila maaaring dumami, kundi mananatiling hiwa-hiwalay at nag-iisa, walang kadakilaan, sa kanilang ligtas na kalagayan, sa lahat ng kawalang-hanggan” (tingnan sa D at T 132:15–18). Upang matamo ang kadakilaan, ang mga mag-asawa ay dapat ibuklod sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood at pagkatapos ay manatiling tapat sa kanilang mga tipan:

“Katotohanang sinasabi ko sa iyo, kung ang isang lalaki ay nagpakasal sa isang babae sa pamamagitan ng aking salita, na siyang aking batas, at sa pamamagitan ng bago at walang hanggang tipan, at ito ay ibinuklod sa kanila ng Banal na Espiritu ng pangako, sa pamamagitan niya na siyang hinirang, kung kanino ko itinakda ang kapangyarihang ito at ang mga susi ng pagkasaserdoteng ito; … ito ay magagawa sa kanila sa lahat ng bagay anuman ang ipataw sa kanila ng aking tagapaglingkod, sa panahon, at sa lahat ng kawalang-hanggan; at magkakaroon ng buong bisa kapag sila ay wala na sa daigdig; at sila ay makararaan sa mga anghel, at sa mga diyos, na inilagay roon, tungo sa kanilang kadakilaan at kaluwalhatian sa lahat ng bagay, na ibinuklod sa kanilang mga ulo, kung aling kaluwalhatian ay magiging isang kaganapan at isang pagpapatuloy ng mga binhi magpakailanman at walang katapusan.

“Pagkatapos sila ay magiging mga diyos, sapagkat sila ay walang katapusan; samakatwid sila ay magiging mula sa kawalang-hanggan hanggang sa kawalang-hanggan, sapagkat sila ay magpapatuloy; sa gayon sila ay mangingibabaw sa lahat, sapagkat lahat ng bagay ay saklaw nila. Sa gayon sila ay magiging mga diyos, sapagkat taglay nila ang lahat ng kapangyarihan, at ang mga anghel ay saklaw nila. Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, maliban sa kayo ay sumunod sa aking batas hindi ninyo matatamo ang kaluwalhatiang ito” (D at T 132:19–21).

Para kay Elder Parley P. Pratt ng Korum ng Labindalawa, ang kaalaman sa doktrinang ito ay nagpalalim ng kanyang pagmamahal sa kanyang pamilya: “Si Joseph Smith ang nagturo sa akin kung paano pahalagahan ang pagmamahalan ng ama at ina, magasawa; magkapatid, mga anak na lalaki at babae. Natutuhan ko sa kanya na maaari kong makasama ang mahal kong asawa sa panahong ito at buong kawalang hanggan; at ang dalisay na pagdadamayan at pagmamalasakit kaya napamahal sa amin ang isa’t isa ay nagmula sa bukal ng dakilang walang hanggang pag-ibig. Sa kanya ko natutuhan na mapag-iibayo natin ang pagmamahal na ito, at mapalalakas at mapatitibay ito sa buong kawalang hanggan; samantalang ang bunga ng ating walang hanggang ugnayan ay mga binhi na kasing dami ng bituin sa langit, o ng mga buhangin sa baybayin ng dagat…. Nagmahal ako noon, subalit hindi ko alam kung bakit. Subalit ngayon nagmahal ako—nang may kada-lisayan—isang maganda, dakilang damdamin, na mag-aangat sa aking kaluluwa mula sa panandaliang mga bagay ng abang mundong ito at palalawakin ito tulad ng karagatan… . Sa madaling salita, magmamahal na ako ngayon nang buong kaluluwa at pagunawa rin.”2

Mga Turo ni Joseph Smith

Iginagalang ng mga mag-asawa ang isa’t isa sa pamamagitan ng pagpapakita ng pagmamahal, kabaitan, at pagsuyo.

“Ang kasal [ay] isang institusyon ng langit, na sinimulan sa halamanan ng Eden.”3

“Tungkulin ng lalaki na mahalin, itangi, at alagaan ang kanyang asawa, at pumisan sa kanya at wala nang iba [tingnan sa D at T 42:22]; dapat niyang igalang ito tulad ng kanyang sarili, at dapat niyang isaalang-alang ang nadarama nito nang may kabaitan, sapagkat siya ay laman ng kanyang laman, at buto ng kanyang buto, na nilayong maging katuwang niya, kapwa sa mga bagay na temporal at espirituwal; isang taong mapagsasabihan niya ng lahat ng kanyang hinaing nang walang hinihintay na kapalit, na handa (dahil nilayong) makibahagi sa kanyang mga pasanin, at payapain at palakasin ang kanyang loob sa pamamagitan ng magiliw niyang tinig.

“Tungkulin ng lalaki, na tumayo bilang pinuno ng kanyang pamilya, … hindi upang manaig sa kanyang asawa sa kalupitan, ni mangamba o mainggit na mahihigitan siya ng kanyang asawa, at hahadlangan siyang gamitin ang kanyang awtoridad. Tungkulin niyang maging isang tao ng Diyos (sapagkat ang tao ng Diyos ay isang taong matalino,) laging handang matamo ang mga paghahayag mula sa mga banal na kasulatan at ang mga tagubilin mula sa itaas na mahalaga para mapatatag, at mailigtas ang kanyang sambahayan.”4

Sa isang pulong ng mga kababaihan sa Relief Society, sinabi ni Joseph Smith: “Hindi na ninyo kailangang inisin ang inyong mga asawa dahil sa kanilang mga ginawa, kundi hayaang ang impluwensya ng inyong kawalang-sala, kabaitan at pagmamahal ay madama nila, na mas mabisa kaysa sabitan ang kanilang leeg ng isang malaking batong gilingan; hindi digmaan, hindi alitan [awayan], hindi pagtatalu-talo, o paglaban, kundi kaamuan, pagmamahal, kadalisayan—ang mga bagay na ito ang dapat magangat sa inyo sa paningin ng lahat ng mabubuting lalaki… .

“… Kapag nabibigatan sa problema ang lalaki, kapag siya ay naguguluhan dahil sa alalahanin at paghihirap, kung siya ay sasalubungin ng isang ngiti sa halip na pakikipagtalo o pagdaing— kung siya ay sasalubungin ng kahinahunan, papayapain nito ang kanyang kaluluwa at pagiginhawahin ang kanyang pakiramdam; kapag dumarating sa kanyang isipan ang kawalang pag-asa, kailangan nito ng aliw at [kabaitan]… . Kapag umuwi kayo ng bahay, huwag na huwag pagalit na magsalita o magsabi ng masasakit na salita, kundi hayaang ang kabaitan, pag-ibig sa kapwa at pagmamahal ang magpadakila sa inyong mga ginagawa mula ngayon.”5

Iniulat ni Eliza R. Snow: “Hinikayat [ni Propetang Joseph Smith] ang mga miyembrong babae na palaging ituon ang kanilang pananampalataya at panalangin para sa, at magtiwala sa kanilang asawa, na itinalaga ng Diyos para sa kanila upang igalang.”6

Iginagalang ng mga bata ang kanilang mga magulang sa pamamagitan ng pasasalamat sa kanila at habambuhay na pagmamahal.

Mga ilang araw noong Oktubre 1835, araw-araw na dinadalaw ng Propeta ang kanyang ama na may malubhang karamdaman, at inalagaan itong “mabuti.” Nakasulat sa journal ng Propeta: “Inalagaan ko uli si tatay, na malubha ang sakit. Noong umaga sa aking panalangin, sinabi ng Panginoon, ‘Aking tagapaglingkod, mabubuhay ang iyong ama.’ Inilagaan ko siya buong araw na nananalangin sa Diyos sa pangalan ni Jesucristo, na siya ay pagalingin Niya, nang sa gayon ay pagpalain ako na makapiling siya at mapayuhan niya, dahil itinuturing kong isa sa mga pinakamalaking biyaya sa mundo ang makapiling ang mga magulang, na ang hustong kaisipan at karanasan ay nakapagbibigay ng pinakamagandang payo. Kinagabihan dumating si Brother David Whitmer. Nagsumamo kami sa Panginoon sa taimtim na panalangin sa pangalan ni Jesucristo, at ipinatong ang aming mga kamay sa kanyang uluhan, at itinaboy ang karamdaman. At narinig ng Diyos at sinagot ang aming mga panalangin— na lubos na ikinagalak at ikinasiya ng aming kaluluwa. Ang aming matanda nang ama ay bumangon at nagbihis, nagsalita nang malakas, at pinuri ang Panginoon.”7

“Pinagpala ang aking ina, sapagkat ang kanyang kaluluwa ay puspos ng kabutihan at pagkakawanggawa; at sa kabila ng kanyang edad, siya ay makatatanggap ng lakas, at aaliwin kasama ang kanyang pamilya, at siya ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. At pinagpala ang aking ama, sapagkat ang kamay ng Panginoon ay pasasakanya, sapagkat makikita niyang mapapawi ang paghihirap ng kanyang mga anak; at sa kanyang katandaan makikita niya ang kanyang sarili na tulad ng isang punong olibo, na ang mga sanga ay hitik ng mga bunga; magtatamo rin siya ng mansiyon sa kalangitan.”8

“Naalala ko ang mga nangyari noong kabataan ko. Naisip ko ang aking yumaong ama…. Siya ay isang marangal na tao at nagtataglay ng masigla, at banal, at dakila, at malinis na isipan. Ang kanyang kaluluwa ay nakahihigit sa lahat ng mabababa at walang dignidad na mga prinsipyo na napakakaraniwan sa tao. Masasabi ko ngayon na hindi siya kailanman nakagawa ng masama, na hindi masasabing hindi siya bukas-palad sa kanyang buhay, sa nalalaman ko. Mahal ko ang aking ama at ang kanyang alaala; at ang alaala ng kanyang marangal na mga gawain ay nakaukit sa aking isipan, at marami sa kanyang mabubuting salita at payo ang nakaukit sa aking puso.

Sagrado sa akin ang mga alaala na itinatangi ko sa kasaysayan ng kanyang buhay, na sumagi sa aking isipan, at nakintal sa aking isipan sa pagmamasid ko, mula nang ako ay isilang. Sagrado sa akin ang kanyang alabok, at ang libingan niya. Sagrado sa akin ang libingang ginawa ko na pinaghimlayan niya. Hayaang manatiling buhay magpakailanman ang alaala ng aking ama… . Nawa ang mahal kong Diyos ay tumunghay mula sa langit at iligtas ako mula sa aking mga kaaway, at akayin sa kamay nang sa gayon ay makatayo ako sa Bundok ng Sion, at kasama ng aking ama ay putungan ako roon magpasawalang hanggan.

“Ang mga salita at wika ay hindi sapat para mapasalamatan ko ang Diyos sa pagbibigay sa akin ng napakabubuting magulang.

“Ang ina ko rin ay isa sa mga pinakadakila at pinakamabait na babae. Nawa’y pahabain kapwa ng Diyos ang buhay niya at buhay ko, nang sa gayon mamuhay kaming masaya na magkasama sa mahabang panahon.”9

“Kapag iniisip natin ang pag-aalaga, at ang walang tigil na pagsisikap ng ating mga magulang na alagaan tayo, at ang napakaraming oras na ginugol nila sa kalungkutan at pag-aalala, sa tabi ng ating mga duyan at higaan, sa panahong tayo ay maysakit, dapat nating pakaingatan ang nadarama nila sa kanilang katandaan! Hindi magiging matamis na alaala sa atin ang magsalita o gumawa ng anumang maghahatid ng kapanglawan sa kanilang katandaan sa libingan.”10

Ang pagmamahalan ng magkakapatid ay maaaring maging matamis at nagtatagal.

Tungkol sa kanyang dalawang kapatid na lalaki, na kapwa namatay sa kanilang kabataan, isinulat ng Propeta: “Si Alvin, ang aking panganay na kapatid—lubos ko pang naaalala ang matinding kirot ng kalungkutan na nadama ko sa aking bata pang puso at halos sumabog ito nang siya ay mamatay. Siya ang panganay at ang pinakamarangal sa pamilya ng aking ama. Isa siya sa mga pinakadakila sa mga anak na lalaki ng tao…. Sa kanya’y walang panlilinlang. Namuhay siyang walang sala mula nang siya ay musmos pa… . Isa siya sa pinakamahihinahong tao, at nang mamatay siya dinalaw siya ng anghel ng Panginoon sa kanyang mga huling sandali….

“Ang aking kapatid na si Don Carlos Smith … ay isa ring mabait na bata; wala akong nalalamang anumang kasalanang nagawa niya; hindi ko siya nakitaan kailanman ng kahalayan, o kalapastanganan o kasamaan sa kanyang kamusmusan mula nang siya ay isilang hanggang sa panahong siya ay pumanaw. Siya ay kalugud-lugod, mapagbigay, maawain at mabait at tapat, matwid na bata; at saan man naroon ang kanyang kaluluwa, hayaang pumaroon din ako.”11

Isinulat ni Joseph Smith ang sumusunod sa isang liham sa kanyang kuya na si Hyrum: “Pinakamamahal kong Kapatid na Hyrum, labis akong nag-aalala sa iyo, subalit lagi kitang inaalala sa aking mga panalangin, na nagsusumamo sa Diyos na iligtas ka niya sa galit ng mga tao o diyablo… . Pangalagaan ka nawa ng Diyos.”12

Tungkol kay Hyrum, isinulat ng Propeta: “Idinadalangin ko sa aking puso na lahat sana ng aking mga kapatid [sa Simbahan] ay tulad ng aking mahal na kapatid na si Hyrum, na nagtataglay ng kahinahunan ng isang tupa, at katapatan ng isang tao na tulad ni Job, at sa madaling salita, ang kaamuan at kababaang-loob ni Cristo; at mahal ko siya, pagmamahal na mas matibay kaysa kamatayan.”13

Ang mga magulang na nagmamahal, sumusuporta, at dumadalangin para sa kanilang mga anak ay nagdudulot ng hindi masusukat na pagpapala sa buhay ng kanilang mga anak.

Pagkatapos ng pagpunta niya sa Hill Cumorah noong Setyembre 1823, ikinuwento ni Joseph Smith sa kanyang pamilya ang kanyang naranasan at patuloy na ibinahagi ang kanyang karanasan sa kanila. Itinala ng ina ng Propeta: “Tinitipon namin ang mga bata tuwing gabi. Sa palagay ko ang pamilya lang namin ang gumagawa nang gayon sa buong mundo, lahat ay nauupo nang pabilog, ama, ina, mga anak na lalaki at babae ay nagbibigay ng matamang pansin sa pagtuturo ng isang batang lalaki [na labimpitong] taong gulang tungkol sa relihiyon….

“Naniniwala na kami ngayon na may ihahayag ang Diyos na magpapalakas sa aming isipan at espiritu, isang bagay na mas malinaw na nauunawaan” kaysa anumang itinuro sa amin noon, at labis kaming nagalak dito. Ang pinakamatamis na ugnayan at kaligayahan ay namayani sa aming tahanan. Walang pagtatalo ni alitan na gumambala sa aming katahimikan, at kapayapaan ang naghari sa amin.”14

Sa nalalapit na pagtatapos ng pagmartsa ng Kampo ng Sion, noong Hunyo 1834, sina Joseph at Hyrum Smith, kasama ang iba pa, ay nagkasakit ng kolera. Ikinuwento ng kanilang ina ang sumusunod tungkol sa kanilang naranasan: “Sina Hyrum at Joseph … ay tuwang-tuwa at malakas na sila nang magkita kaming muli, dahil sa panganib na naligtasan nila noong sila ay wala sa bahay. Naupo sila, pinagitnaan nila ako, hawak ni Joseph ang isa kong kamay at hawak naman ni Hyrum ang isa pa, at ikinuwento nila ang sumusunod: …

“ ‘Mabilis na lumaganap ang sakit sa amin, at sa ilang minuto kalunus-lunos na ang kalagayan namin. Nagsenyasan kami at nilisan ang bahay sa layuning pumunta sa isang tagong lugar at sama-samang manalangin sa Diyos na iligtas kami sa sakit na ito. Subalit bago kami makalayo para mapuntahan ang tagong lugar na iyon, halos hindi na kami makatayo at dahil dito labis kaming nag-alala, natakot na baka mamatay kami sa kanlurang kaparangang ito na napakalayo sa aming mga pamilya, na wala man lamang pribilehiyo na basbasan ang aming mga anak o mabigyan sila ng huling payo ng pamamaalam. Sinabi ni Hyrum, “Joseph, ano ang gagawin natin? Mawawala na ba tayo sa ibabaw ng lupa dahil sa nakakatakot na sakit na ito?” “Halina,” sabi [ni Joseph], “lumuhod tayo at manalangin sa Diyos na pawiin ang pamumulikat at iba pang paghihirap natin at palakasin tayo, upang makabalik tayo sa ating mga pamilya.” Ginawa namin iyon pero walang nangyari, sa halip ay nagpatuloy pang lumala….

“ ‘Kaagad kaming nagpasiyang magsumamo muli sa Diyos na kaawaan kami at hindi kami tatayo sa aming pagkakaluhod hanggang sa ang isa sa amin ay magkaroon ng patotoo na gagaling kami…. Oras-oras kaming nanalangin, ang isa muna at pagkatapos ay ang isa, at kalauna’y nadama naming napapawi ang pamumulikat. At sa maikling oras pagkatapos niyon, tumayo si Hyrum at sinabing, “Joseph, babalik na tayo, sapagkat nakakita ako ng isang pangitain na nakita ko si Nanay na nakaluhod at nanalangin sa ilalim ng puno ng mansanas para sa atin, at hanggang ngayon ay umiiyak na nagsusumamo sa Diyos na iligtas tayo upang makita tayong muli. At nagpapatotoo ang Espiritu sa akin na maririnig ang mga panalangin niya at natin.” At sa sandaling iyon ay gumaling kami at masayang naglakbay.’

“ ‘Ah, Inay ko,’ sabi ni Joseph, ‘dahil sa inyong mga panalangin ay naagaw kami tuwina sa bingit ng kamatayan.’ ”15

Ang pagmamahal ni Lucy Mack Smith sa kanyang mga anak ay mailalarawan sa kuwento niya tungkol sa Propeta at sa kapatid nito na si Hyrum na dinalang bihag mula sa Far West, Missouri, noong Nobyembre 1838, patungo sa Independence at pagkatapos sa Richmond, Missouri, kung saan sila ibinilanggo. Natakot ang pamilya na baka patayin sina Joseph at Hyrum: “Nang dumating sa amin ang balita na dadalhin ang aming mga anak, sinabihan kami ng mensahero na kung gusto naming muling makitang buhay ang aming mga anak, kailangan naming sumama sa kanila, habang sila ay nasa bagon na paalis na sa loob ng ilang minuto. Ang asawa ko ay malubha ang sakit para makasama, kaya’t kami lang ni Lucy [anak na babae] ang nakasama, sapagkat kami lang ang walang sakit sa pamilya.

“Nang mapalapit kami nang mga 366 metro sa bagon, hindi na kami makalapit pa dahil sa mga kalalakihang nakapaligid sa kanila. ‘Ako ang ina ng Propeta,’ ang sigaw ko, ‘wala ba ditong maginoo na tutulong sa akin na makadaan sa maraming taong ito patungo sa bagon nang makita ko sa huling sandali at makausap muli ang aking mga anak bago sila mamatay?’ Isang tao ang nagboluntaryo na hawiin ang hukbo para makaraan kami, at dumaan kami sa gitna ng mga espada, musket, baril, bayoneta, na nagbabanta ng kamatayan sa bawat hakbang, hanggang sa marating namin ang bagon. Kinausap si Hyrum, na nakaupo sa harap, ng lalaking sumama sa akin, at sinabi sa kanya na narito ang kanyang ina at iabot ang kanyang kamay. Ginawa niya iyon, subalit hindi ako pinayagan na makita sila, sapagkat ang takip ng bagon ay napakakapal at mahigpit na nakatali sa harapan at nakapakong mabuti sa magkabilang gilid….

“Isinama naman kami ng aming kaibigan sa likurang bahagi ng bagon, kung saan naroon si Joseph, at nagsalita sa kanya, sinasabing, ‘G. Smith, narito ang iyong ina at kapatid at gusto nilang mahawakan ang iyong kamay.’ Isiniksik ni Joseph ang kanyang kamay sa pagitan ng bagon at takip na nakapako sa dulo ng kahoy. Nahawakan namin ang kanyang kamay, pero hindi siya nagsalita sa amin. Hindi ko matiis na iwanan siya na hindi man lang naririnig ang kanyang tinig. ‘O, Joseph,’ sabi ko, ‘kausapin mong muli ang kaawa-awa mong ina. Hindi ako aalis hangga’t hindi kita naririnig na magsalita.’

“ ‘Pagpalain kayo ng Diyos, Inay,’ sabi niya, at isang tinig ng hudyat ang narinig at lumakad na ang bagon, inilayo sa amin ang aking anak pagkatapos na pagkatapos mahawakan ni Lucy ang kanyang kamay at gawaran ito ng huling halik ng kapatid, sapagkat alam naming sila ay nahatulang barilin.

“Nagtagumpay kaming muling makabalik sa bahay, bagaman halos hindi namin makayang dalhin ang aming sarili… . Ilang oras ding walang maririnig sa bahay kundi buntong-hininga at paghihinagpis, dahil hindi namin alam ang mangyayari bagaman nakita namin sina Joseph at Hyrum sa huling sandali. Gayunpaman sa gitna ng aking paghihinagpis, nakadama ako ng kaaliwan na higit pa sa lahat ng kaaliwang maibibigay ng mundo. Napuspos ako ng Espiritu ng Diyos at natanggap ang sumusunod sa pamamagitan ng kaloob na propesiya: ‘Mapanatag ang iyong puso hinggil sa iyong mga anak, sapagkat hindi nila masasaktan ni ang hibla ng kanilang buhok sa ulo.’ … ‘Mga anak ko,’ sabi ko, huwag nang umiyak pa. Hindi sila papatayin ng mga mandurumog, sapagkat ipinaalam sa akin ng Panginoon na ililigtas niya sila sa mga kamay ng kanilang mga kaaway.’ Ito ay malaking kaaliwan sa aming lahat, at hindi na kami gaanong namighati pagkatapos niyon tungkol sa gagawing pagpaslang sa kanila.”16

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito sa pag-aaral ninyo ng kabanata o paghahandang magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xiv.

  • Repasuhin ang paglalarawan ni Elder Parley P. Pratt kung paano pinagpala ang kanyang buhay sa kaalaman tungkol sa doktrina ng walang hanggang kasal (mga pahina 564–65). Sa anong mga paraan maiimpluwensyahan ng doktrinang ito ang nadarama natin tungkol sa ating pamilya? ang paraan ng pakikitungo natin sa isa’t isa sa ating tahanan?

  • Basahin ang payo ni Joseph Smith sa mga mag-asawa (mga pahina 565–66). Isipin kung paano nauukol ang payong ito kapwa sa kababaihan at kalalakihan. Bakit mahalaga kapwa sa mga ama at ina na pag-aralan ang mga banal na kasulatan at tumanggap ng paghahayag para magabayan ang pamilya? Ano ang ilang bagay na magagawa ng lalaki kapag nakikita niyang ang kanyang asawa ay “naguguluhan dahil sa alalahanin”? Bakit kailangang iwasan ng mag-asawa ang paggamit ng “masasama o masasakit na salita”?

  • Kahit nasa hustong gulang na, patuloy pa ring nagagalak si Joseph na makapiling ang kanyang mga magulang, hingan sila ng payo, at igalang (mga pahina 567–68). Alin sa mga pahayag ng Propeta tungkol sa kanyang mga magulang ang nakaantig sa inyo? Anong mga halimbawa ang nakita ninyo tungkol sa nagtatagal na impluwensya sa kabutihan ng mga magulang sa kanilang mga anak? Isipin ang magagawa ninyo para lalo pang maigalang ang inyong mga magulang.

  • Repasuhin ang mga pahayag ng Propeta tungkol sa kanyang mga kapatid na sina Alvin, Don Carlos, at Hyrum (mga pahina 568–69). Sa inyong palagay bakit maaaring magtagal at tumibay ang ugnayan ng magkakapatid. Ano ang magagawa ng mga magulang para mahikayat ang kanilang mga anak na maging matalik na magkaibigan? Ano ang magagawa ng magkakapatid para mapag-ibayo ang kanilang pagkakaibigan?

  • Repasuhin ang pag-alaala ni Lucy Mack Smith tungkol sa pagtuturo ng kanyang anak na si Joseph sa pamilya (mga pahina 569–70). Anong mga karanasan ang maibabahagi ninyo kung kailan nadama ninyo ang “pagkakaisa at kaligayahan” kasama ang inyong mga kapamilya? Ano ang matututuhan ng mga magulang mula sa karanasan nina Joseph at Hyrum na gumaling mula sa kolera? (Tingnan sa mga pahina 571–74.)

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan:Exodo 20:12; I Mga Taga Corinto 11:11; Mga Taga Efeso 6:1–4; Mosias 4:14–15; Moises 3:18, 21–24

Mga Tala

  1. History of the Church, 5:391; mula sa mga tagubiling ibinigay ni Joseph Smith noong Mayo 16, 1843, sa Ramus, Illinois; iniulat ni William Clayton.

  2. Parley P. Pratt, Autobiography of Parley P. Pratt, inedit ni Parley P. Pratt Jr. (1938), p. 297–98; binago ang pagkakahati ng mga talata.

  3. History of the Church, 2:320; mula sa isang journal entry ni Joseph Smith, Nob. 24, 1835, Kirtland, Ohio.

  4. “On the Duty of Husband and Wife,” isang editoryal na inilathala sa Elder’s Journal, Ago. 1838, p. 61; binago ang pagkakahati ng mga talata; si Joseph Smith ang editor ng pahayagan.

  5. History of the Church, 4:605–7; ginawang makabago ang pagbabaybay; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Abr. 28, 1842, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Eliza R. Snow; tingnan din sa apendise, pahina 655, aytem 3.

  6. History of the Church, 4:604; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Abr. 28, 1842, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Eliza R. Snow; tingnan din sa apendise, pahina 655, aytem 3.

  7. History of the Church, 2:289; mula sa mga journal entry ni Joseph Smith, Okt. 8 at 11, 1835, Kirtland, Ohio.

  8. History of the Church, 1:466; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa isang journal entry ni Joseph Smith, Dis. 18, 1833, Kirtland, Ohio.

  9. History of the Church, 5:125–26; mula sa isang journal entry ni Joseph Smith, Ago. 23, 1842, malapit sa Nauvoo, Illinois; mali ang petsang Ago. 22, 1842, sa journal entry na ito sa History of the Church.

  10. History of the Church, 2:342; mula sa isang liham ni Joseph Smith kay William Smith, Dis. 18, 1835, Kirtland, Ohio.

  11. History of the Church, 5:126–27; mula sa isang journal entry ni Joseph Smith, Ago. 23, 1842, malapit sa Nauvoo, Illinois; mali ang petsang Ago. 22, 1842, sa journal entry na ito sa History of the Church.

  12. Liham ni Joseph Smith kay Hyrum Smith, Mar. 3, 1831, Kirtland, Ohio; Joseph Smith, Collection, Church Archives, The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, Salt Lake City, Utah.

  13. History of the Church, 2:338; mula sa isang journal entry ni Joseph Smith, Dis. 18, 1835, Kirtland, Ohio.

  14. Lucy Mack Smith, “The History of Lucy Smith, Mother of the Prophet,” 1844–45 manuskrito, aklat 4, p. 1, Church Archives.

  15. Lucy Mack Smith, “The History of Lucy Smith, Mother of the Prophet,” 1844–45 manuskrito, aklat 13, p. 12–14, Church Archives.

  16. Lucy Mack Smith, “The History of Lucy Smith, Mother of the Prophet,” 1844–45 manuskrito, aklat 16, p. 3–6, Church Archives.

family praying

Ipinahayag ni Parley P. Pratt: “Si Joseph Smith ang nagturo sa akin kung paano pahalagahan ang pagmamahalan ng ama at ina, mag-asawa; magkapatid, anak na lalaki at babae.”

Smith family

Si Joseph Smith ay lumaki sa isang pamilya na ang mga magulang at mga anak ay nagmamahalan at iginagalang ang isa’t isa. Ipinakikita ng larawang ito ang muling pagsasama ng pamilyang Smith kasama ang kanilang ama noong 1816 matapos itong magpauna sa paglipat nila sa Palmyra, New York.

Joseph teaching

“Tinitipon namin ang mga bata tuwing gabi,” paggunita ni Lucy Mack Smith, “ang ama, ina, mga anak na lalaki at babae ay matamang nagbibigay ng pansin sa pagtuturo ng isang batang lalaki na [labing pitong] taong gulang tungkol sa relihiyon.”