Mga Turo ng mga Pangulo
Buod ng Kasaysayan


Buod ng Kasaysayan

Ang sumusunod na kronolohiya ay nagbibigay ng maikling balangkas ng kasaysaysan ng mga turo ni Propetang Joseph Smith na tampok sa aklat na ito.

1805, Disyembre 23:

Isinilang sa Sharon, Windsor County, Vermont, panglima sa labing-isang anak nina Joseph Smith Sr. at Lucy Mack Smith.

bandang 1813: (edad 7)

Nagkasakit ng tipus; dahil sa mga kumplikasyon ay kinailangang operahan ang kanyang kaliwang binti. Sa panahong ito, ang pamilyang Smith ay nakatira sa West Lebanon, New Hampshire, isa sa ilang lugar na nilipatan ng pamilya sa pagitan ng 1808 at 1816 sa paghahanap ng mga oportunidad sa trabaho.

1816: (edad 10)

Lumipat sa nayon ng Palmyra, New York, kasama ang kanyang pamilya.

bandang 1818–19: (edad 12 o 13)

Mula sa nayon ng Palmyra, lumipat sa isang tahanang yari sa troso sa Palmyra Township, New York, kasama ang kanyang pamilya.

1820, maagang tagsibol: (edad 14)

Nanalangin sa kakahuyan malapit sa kanyang tahanan. Dinalaw ng Diyos Ama at ni Jesucristo. Nagtanong kung aling sekta ang dapat niyang sapian. Sinabi sa kanya ng Tagapagligtas na mali ang lahat ng sekta at hindi siya dapat sumapi sa alinman sa mga iyon.

1823, Setyembre 21–22: (edad 17)

Dinalaw ni Moroni, na nagsabi sa kanya tungkol sa gawain ng Panginoon sa lupa sa mga huling araw at sa Aklat ni Mormon. Nakita ang mga laminang ginto, na nakabaon sa kalapit na burol, ngunit pinagbawalang kunin ang mga ito noong panahong iyon.

1825: (edad 19)

Mula sa tahanang yari sa troso, lumipat sa isang bagong tayong tahanang yari sa kahoy na nasa kanilang sakahan sa Manchester Township, New York, kasama ang kanyang pamilya.

1827, Enero 18: (edad 21)

Pinakasalan si Emma Hale ng Harmony, Pennsylvania; ikinasal sila sa South Bainbridge, New York.

1827, Setyembre 22:

Natanggap ang mga lamina mula kay Moroni, matapos makipagkita kay Moroni tuwing Setyembre 22 ng bawat taon simula noong 1823.

1827, Disyembre: (edad 22)

Lumipat sa Harmony, Pennsylvania, para makatakas sa mga mandurumog sa Palmyra at Manchester na nagtatangkang nakawin ang mga lamina. Pagkatapos niyon, agad sinimulan ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon.

1828, Pebrero:

Ipinakita ni Martin Harris ang isang kopya ng ilang titik mula sa mga laminang ginto sa mga bantog na iskolar, kabilang na sina Charles Anthon at Samuel L. Mitchill sa New York City.

1828, Hunyo–Hulyo:

Ang 116 na pahina ng manuskrito ng salin ng Aklat ni Mormon ay nawala habang nasa mga kamay ni Martin Harris.

1829, Abril 5: (edad 23)

Dumating si Oliver Cowdery sa Harmony upang magsilbing tagasulat para sa Aklat ni Mormon; itinuloy ang pagsasalin noong Abril 7.

1829, Mayo 15:

Kasama si Oliver Cowdery, natanggap ang Aaronic Priesthood mula kay Juan Bautista. Bininyagan nina Joseph at Oliver ang isa’t isa sa Ilog ng Susquehanna.

1829, Mayo–Hunyo:

Kasama si Oliver Cowdery, natanggap ang Melchizedek Priesthood mula sa mga sinaunang Apostol na sina Pedro, Santiago, at Juan, malapit sa Ilog ng Susquehanna sa pagitan ng Harmony, Pennsylvania, at Colesville, New York.

1829, Hunyo:

Nakumpleto ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon sa sakahan ni Peter Whitmer Sr. sa Fayette Township, New York. Nakita ng Tatlong Saksi ang mga lamina at ang anghel na si Moroni sa Fayette; at nakita at nahawakan ng Walong Saksi ang mga lamina sa Palmyra Township.

1830, Marso 26: (edad 24)

Ang unang nailimbag na mga kopya ng Aklat ni Mormon ay mabibili na ng publiko sa tindahan ng mga aklat ni Egbert B. Grandin sa Palmyra.

1830, Abril 6:

Pormal na itinatag ang Simbahan sa tahanan ni Peter Whitmer Sr. sa Fayette (tingnan sa D at T 20:1). Noong una ang opisyal na pangalan ng Simbahan ay Simbahan ni Cristo. Noong Mayo 3, 1834, ang pangalan ay binago at naging Ang Simbahan ng mga Banal sa mga Huling Araw. Noong Abril 26, 1838, ang pangalan ay binago sa pamamagitan ng paghahayag at naging Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw (tingnan sa D at T 115:4).

1830, Hunyo:

Sa utos ng Panginoon, sinimulan ang inspiradong pagsasalin ng Biblia, na kilala ngayon bilang Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia.

1830, Hunyo 9:

Ginanap ang unang kumperensya ng Simbahan sa Fayette.

1830, Setyembre:

Mula sa Harmony, Pennsylvania, lumipat sa Fayette, New York. Sa pagitan ng Disyembre 1827 at ngayon, tumira sina Joseph at Emma sa Harmony, ngunit paminsan-minsan ay naglalakbay si Joseph sa Manchester, Fayette, at Palmyra upang isagawa ang mga bagay na may kinalaman sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon, ayusin ang paglalathala ng Aklat ni Mormon, itatag ang Simbahan, mangulo sa unang kumperensya ng Simbahan, at asikasuhin ang iba pang tungkulin sa Simbahan.

1830, Setyembre:

Tumanggap ng paghahayag na ang mga misyonero ay dapat “magtungo sa mga Lamanita” para ipangaral ang ebanghelyo (D at T 28:8; tingnan din sa 30:5–6; 32:1–3). Noong Oktubre, apat na elder ang humayo sa misyong magturo sa Indian territory sa kanlurang bahagi ng estado ng Missouri.

1830, Disyembre: (edad 25)

Tumanggap ng paghahayag na dapat magtipon ang mga Banal sa Ohio (tingnan sa D at T 37).

1831, unang bahagi ng Pebrero:

Matapos maglakbay nang mahigit 400 kilometro mula sa New York, dumating sa Kirtland, Ohio.

1831, Hulyo 20:

Sa Independence, Jackson County, Missouri, tumanggap ng paghahayag na tumutukoy sa Independence bilang “tampok na lugar” ng Sion (tingnan sa D at T 57:1–3).

1831, Agosto 2:

Namuno habang inilalaan ni Sidney Rigdon ang Jackson County, Missouri, bilang lupain ng Sion.

1831, Agosto 3:

Inilaan ang lugar na pagtatayuan ng templo sa Independence.

1832, Enero 25: (edad 26)

Sinang-ayunan bilang Pangulo ng High Priesthood sa Amherst, Ohio.

1832, Marso 8:

Binuo sa Kirtland ang Unang Panguluhan, at sina Sidney Rigdon at Jesse Gause ang mga tagapayo. Noong Marso 18, 1833, pinalitan ni Frederick G. Williams si Jesse Gause.

1832, Disyembre 27–28: (edad 27)

Tumanggap ng utos na magtayo ng templo sa Kirtland (tingnan sa D at T 88:119–20).

1833, Enero:

Sinimulan ang Paaralan ng mga Propeta.

1833, Hulyo 2:

Nakumpleto ang sinimulan niyang gawain sa inspiradong pagsasalin ng Biblia, na ngayon ay kilala bilang Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia. Sa gawaing ito nagmula ang aklat ni Moises at ang Joseph Smith—Mateo, na ngayon ay nasa Mahalagang Perlas.

1833, Hulyo 20:

Sinira ng mga mandurumog ang limbagan sa Independence, Missouri, kung saan inililimbag ang Aklat ng mga Kautusan, gayundin ang karamihan sa mga nailimbag na pahina. Noong Setyembre 1835 ang mga paghahayag mula sa Aklat ng mga Kautusan, gayundin ang iba pang mga paghahayag, ay inilathala sa Kirtland sa unang edisyon ng Doktrina at mga Tipan.

1833, Hulyo 23:

Inilagak ang mga batong panulok para sa Kirtland Temple.

1833, Disyembre 18:

Si Joseph Smith Sr. ay naorden bilang Patriarch ng Simbahan.

1834, Mayo–Hulyo: (edad 28)

Pinamunuan ang Kampo ng Sion mula Kirtland, Ohio, patungong Clay County, Missouri, upang tulungan ang mga Banal na pinalayas sa kanilang mga tahanan sa Jackson County, Missouri. Nagbalik sa Kirtland matapos matanggap ang isang paghahayag na ang mga Banal ay kailangang “maghintay ng maikling panahon para sa ikatutubos ng Sion” (D at T 105:9).

1835, Pebrero 14: (edad 29)

Binuo ang Korum ng Labindalawang Apostol.

1835, Pebrero 28:

Inorganisa ang Korum ng Pitumpu.

1835, Hulyo:

Nakuha ang Egyptian papyri na naglalaman ng mga itinala ni Abraham.

1836, Marso 27: (edad 30)

Inilaan ang Kirtland Temple (tingnan sa D at T 109).

1836, Abril 3:

Si Jesucristo ay nagpakita kina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa Kirtland Temple at tinanggap ang templo. Sina Moises, Elias, at Elijah ay nagpakita rin at ipinagkaloob ang mga susi ng priesthood kina Joseph at Oliver. (Tingnan sa D at T 110).

1837, Hunyo: (edad 31)

Nagpadala ng mga elder mula sa Kirtland at Upper Canada upang maglingkod bilang mga misyonero sa England, ang unang misyon sa labas ng North America.

1838, Enero 12: (edad 32)

Nilisan ang Kirtland at nagpunta sa Far West, Missouri, upang makatakas sa karahasan ng mga mandurumog.

1838, Marso 14:

Dumating sa Far West at itinatag doon ang headquarters ng Simbahan.

1838, Abril 27:

Sinimulan ang pagsusulat ng kanyang kasaysayan, na inilathala sa mga serye ng mga pahayagan ng Simbahan bilang “History of Joseph Smith” simula noong 1842; kalaunan ay muli itong inilathala bilang History of the Church.

1838, Oktubre 27:

Ipinalabas ng gobernador ng Missouri na si Lilburn W. Boggs ang kilalang-kilalang “Utos na Paglipol [Extermination Order].” Ang utos na ito at matinding pagpapahirap ang dahilan kaya nilisan ng mga Banal ang Missouri para magtungo sa Illinois sa panahon ng taglamig at tagsibol ng 1838–39.

1838, Disyembre 1:

Ikinulong sa Liberty, Missouri, kasama ang iba pang mga lider ng Simbahan.

1839, Marso 20: (edad 33)

Mula sa Liberty Jail, lumiham sa mga Banal, na ang ilang bahagi ay isinama kalaunan sa Doktrina at mga Tipan 121, 122, at 123.

1839, kalagitnaan ng Abril:

Habang inililipat mula sa Gallatin papuntang Columbia, Missouri, dahil binago ang lugar na paglilitisan, hinayaan siyang makatakas ng kanyang mga tanod.

1839, Abril 22:

Muling nakapiling ang kanyang pamilya sa Quincy, Illinois.

1839, Mayo 10:

Lumipat sa maliit na bahay na yari sa troso sa Commerce, Illinois, kasama ang kanyang pamilya. Kalaunan ay binago ang pangalan at ginawang lungsod ng Nauvoo.

1839, Nobyembre 29:

Dinalaw si Martin Van Buren, pangulo ng Estados Unidos, sa Washington, D.C., upang humingi ng bayad-pinsala sa mga kalupitang ginawa sa Missouri. Habang naroon, humingi rin siya ng tulong sa Kongreso ng Estados Unidos.

1840, Agosto 15: (edad 34)

Ipinahayag sa publiko ang doktrina ng binyag para sa mga patay sa isang libing sa Nauvoo. Ang mga binyag para sa mga patay ay unang isinagawa sa Ilog Mississippi at sa mga ilog sa lugar na iyon.

1840, Setyembre:

Sa isang mensahe ng Unang Panguluhan sa Simbahan, ipinahayag na dumating na ang oras para simulan ang pagtatayo ng templo sa Nauvoo.

1841, Pebrero 4: (edad 35)

Nahalal na tinyente heneral ng bagong tatag na Nauvoo Legion, isang yunit ng hukbo ng estado ng Illinois.

1841, Abril 6:

Inilagak ang batong panulok para sa Nauvoo Temple.

1841, Nobyembre 21:

Ang mga unang binyag para sa mga patay sa Nauvoo Temple ay isinagawa sa bautismuhang yari sa kahoy na ginawa at inilaan bago pa natapos ang ibang bahagi ng templo.

1842, Pebrero– Oktubre: (edad 36)

Naging editor ng Times and Seasons, ang pahayagan ng Simbahan sa Nauvoo.

1842, Marso 1:

Inilathala ang Wentworth Letter sa Times and Seasons; noong Marso at Mayo, inilathala rin ang aklat ni Abraham sa Times and Seasons.

1842, Marso 17:

Binuo ang Female Relief Society ng Nauvoo, at si Emma Smith ang pangulo.

1842, Mayo 4:

Pinangasiwaan ang mga unang ordenansa ng endowment sa isang silid sa itaas ng kanyang Red Brick Store.

1842, Mayo 19:

Nahalal na meyor ng Nauvoo.

1843, Hulyo 12: (edad 37)

Itinala ang paghahayag tungkol sa bago at walang hanggang tipan, pati na ang kawalang-hanggan ng tipan ng kasal (tingnan sa D at T 132).

1844, Enero 29: (edad 38)

Ibinalita ang kanyang kandidatura sa pagkapangulo ng Estados Unidos ng Amerika.

1844, Marso:

Sa isang pulong sa Labindalawang Apostol at iba pa, inatasan ang Labindalawa na pamunuan ang Simbahan kapag siya ay namatay, at ipinaliwanag na ipinagkaloob na niya sa kanila ang lahat ng ordenansa, awtoridad, at mga susing kailangan para magawa iyon.

1844, Hunyo 27:

Pinaslang kasama ang kanyang kapatid na si Hyrum sa bilangguan sa Carthage, Illinois.

1844, Hunyo 29:

Inilibing kasabay ni Hyrum sa Nauvoo, Illinois.