Ang Buhay at Ministeryo ni Joseph Smith
“Si Joseph Smith, ang Propeta at Tagakita ng Panginoon, ay nakagawa nang higit pa, maliban lamang kay Jesus, para sa kaligtasan ng mga tao sa daigdig na ito, kaysa sa sinumang tao na kailanman ay nabuhay rito” (D at T 135:3). Ang nakamamanghang pahayag na ito ay naglalarawan sa taong tinawag ng Diyos sa edad na 14 at nabuhay lamang hanggang sa edad na 38. Sa pagitan ng pagsilang ni Joseph Smith sa Vermont noong Disyembre 1805 at ng kalunus-lunos niyang pagkamatay sa Illinois noong Hunyo 1844, nangyari ang kagila-gilalas na mga bagay. Ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo ay nagpakita sa kanya, na higit na nakapagturo sa kanya tungkol sa likas na katauhan ng Diyos kaysa batid ng tao sa loob ng maraming siglo. Ipinagkaloob ng mga sinaunang propeta at apostol ang sagradong kapangyarihan ng priesthood kay Joseph, kaya’t siya ang naging bagong awtorisadong saksi ng Diyos sa huling dispensasyong ito. Ang walang katulad na pagbuhos ng kaalaman at doktrina ay inihayag sa pamamagitan ng Propeta, kabilang na ang Aklat ni Mormon, ang Doktrina at mga Tipan, at Mahalagang Perlas. Sa pamamagitan niya, ang totoong Simbahan ng Panginoon ay muling naitatag sa lupa.
Ngayon, ang gawaing sinimulan ni Joseph Smith ay patuloy na lumalaganap sa buong daigdig. Ito ang patotoo ni Pangulong Wilford Woodruff tungkol kay Propetang Joseph Smith: “Siya ay propeta ng Diyos, at inilatag niya ang pundasyon ng pinakadakilang gawain at dispensasyon na naitatag sa lupa.”1
Pinagmulang Angkan at Kabataan
Si Joseph Smith ay ikaanim na henerasyong Amerikano, dahil ang kanyang mga ninuno na nagmula sa England ay nandayuhan sa Amerika noong mga 1600s. Taglay ng mga ninuno ng Propeta ang mga katangiang madalas iugnay sa mga unang henerasyon ng mga Amerikano: naniwala sila sa mapangalagang patnubay ng Diyos sa kanila, masipag sila sa trabaho, at masigasig sa paglilingkod sa kanilang mga pamilya at kanilang bayan.
Ang mga magulang ni Joseph Smith na sina Joseph Smith Sr. at Lucy Mack Smith, ay ikinasal noong 1796 sa Tunbridge, Vermont. Sila ay masisipag at may takot sa Diyos na nagsimula sa kanilang buhay may-asawa na maluwag ang kabuhayan. Sa kasawiang-palad, nawala kay Joseph Smith Sr. ang unang bukid na kanyang sinasaka at dumanas ng kahirapan nang sumunod na mga taon. Ang pamilyang Smith ay napilitang lumipat nang ilang beses sa pagsisikap ng kanilang ama na makapaghanapbuhay sa pamamagitan ng pagsasaka sa magubat na mga burol ng New England, pagtatrabaho sa iba pang mga sakahan, pangangalakal, o pagtuturo sa paaralan.
Si Joseph Smith Jr. ay isinilang noong Disyembre 23, 1805, sa Sharon, Vermont, at panglima sa labing-isang anak. Isinunod ang pangalan niya sa kanyang ama. Ang mga anak sa pamilyang Smith, mula panganay hanggang bunso, ay: isang anak na lalaking walang pangalan (na agad namatay matapos isilang), sina Alvin, Hyrum, Sophronia, Joseph, Samuel, Ephraim (na wala pang dalawang linggong nabuhay), William, Katharine, Don Carlos, at Lucy.2
Ang katibayan ng pambihirang pagkatao ng Propeta ay kitangkita kahit noong bata pa siya. Ang mga Smith ay nakatira noon sa West Lebanon, New Hampshire, nang dapuan ng nakamamatay na epidemya ng tipus o typhoid fever ang maraming tao sa komunidad, kabilang na ang lahat ng anak ng mga Smith. Bagaman gumaling sa sakit ang ibang mga anak nang walang kumplikasyon, si Joseph, na mga pitong taong gulang noon, ay nagkaroon ng matinding impeksyon sa kaliwang binti. Pumayag si Dr. Nathan Smith ng Dartmouth Medical School sa karatig na Hanover, New Hampshire, na isagawa ang bagong pamamaraan ng operasyon para subukang iligtas ang binti ng bata. Nang handa nang mag-opera si Dr. Smith at ang mga kasamahan nito, hiniling ni Joseph na lumabas ng silid ang kanyang ina para hindi nito masaksihan ang kanyang paghihirap. Sa pagtangging uminom ng alak para di gaanong maramdaman ang sakit at sa pag-asa lamang sa kapanatagang ibibigay ng paghawak ng kanyang ama, buong tapang na tiniis ni Joseph ang sakit habang hinihiwa at inaalis ng doktor ang bahagi ng buto sa kanyang binti. Tagumpay ang operasyon, bagaman naglakad nang may saklay si Joseph nang sumunod na ilang taon at nakitaan ng bahagyang pag-ika habang siya ay nabubuhay.
Noong 1816, matapos ang paulit-ulit na pagkasalanta ng mga pananim, inilipat ni Joseph Smith Sr. ang kanyang pamilya sa Palmyra, New York, mula sa Norwich, Vermont, sa pag-asang magiging mas maganda ang kanilang buhay doon. “Dahil naghihirap kami,” paggunita ng Propeta kalaunan, “napilitan [kaming] magtrabaho nang husto para buhayin ang isang malaking pamilya … , at dahil kinailangang kumilos ang lahat ng may kakayahang tumulong sa kahit anong paraan para masuportahan ang pamilya, hindi kami nagkaroon ng pagkakataong makapagaral. Sapat nang sabihin na, natuto lamang akong bumasa, sumulat, at magsuma.”3
Ang Unang Pangitain
Ganito ang isinulat ni Joseph Smith tungkol sa maagang pagsasanay na ito: “Isinilang ako … sa butihing mga magulang na ginawa ang lahat upang maituro sa akin ang relihiyong Kristiyano.”4 Ngunit, tulad ng iba pang mga Kristiyano, naunawaan ng mga magulang ni Joseph na ang ilan sa mga alituntunin ng ebanghelyo na itinuro ni Jesus at ng Kanyang mga Apostol ay hindi umiiral sa mga simbahan noong panahong iyon. Sa lugar ng Palmyra noong 1820, sinikap ng ilang magkakaibang relihiyong Kristiyano na makapagbinyag sa kanilang simbahan. Ang ina ni Joseph, dalawa sa kanyang mga kapatid na lalaki, at kanyang ate ay sumapi sa simbahang Presbitero sa kanilang lugar, ngunit si Joseph, pati na ang kanyang ama at kapatid na si Alvin, ay hindi sumapi sa alinmang simbahan. Kahit bata pa, labis na nag-alala si Joseph sa sarili niyang katayuan sa harapan ng Diyos at sa pagkalito ng iba’t ibang mga relihiyon.
Sa pag-aaral niya ng mga banal na kasulatan, humanga ang 14-na-taong-gulang na si Joseph sa isang talata mula sa aklat ni Santiago: “Kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios, na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat; at ito’y ibibigay sa kaniya” (Santiago 1:5). Dahil nabigyang-inspirasyon ng pangakong ito mula sa Panginoon, nagpunta si Joseph sa kakahuyang malapit sa kanyang tahanan isang araw ng tagsibol noong 1820 para manalangin. Habang nakaluhod, inialay niya ang mga hangarin ng kanyang puso sa Diyos. Kaagad siyang sinunggaban ng mga kapangyarihan ng kadiliman, na ganap na dumaig sa kanya at nakadama siya ng takot na mawawasak siya. Pagkatapos, bilang sagot sa kanyang taimtim na dalangin, ang kalangitan ay nabuksan at naligtas siya mula sa kaaway na di nakikita. Sa isang haligi ng liwanag na higit pa sa liwanag ng araw, nakita niya ang dalawang Katauhan, na nakatayo sa hangin sa kanyang itaas. Ang isa ay nagsalita, tinawag ang pangalan ng bata, at sinabing, “Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!” ( Joseph Smith— Kasaysayan 1:17).
Sa maluwalhating pagpapakitang ito, ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo, ay nagpakita sa batang si Joseph. Nakipag-usap si Joseph sa Tagapagligtas, na nagsabi sa kanya na huwag sasapi sa alinmang simbahan noong panahon niya, sapagkat “lahat sila ay mali” at “lahat ng kanilang sinasampalatayanan ay karumaldumal sa kanyang paningin; … itinuturo nila bilang mga doktrina ang mga kautusan ng tao, na may anyo ng kabanalan, datapwat tinatanggihan ang kapangyarihan nito” ( Joseph Smith— Kasaysayan 1:19). Pinangakuan din si Joseph “na ang kabuuan ng Ebanghelyo ay ihahayag sa [kanya] balang-araw.”5 Makaraan ang maraming siglo ng espirituwal na kadiliman, ang salita ng Panginoon at katunayan ng Diyos Ama at ng Kanyang Anak na si Jesucristo, ay inihayag sa daigdig sa pamamagitan ng bata at dalisay na sisidlang ito.
Ang mga Pagdalaw ni Moroni
Lumipas ang tatlong taon, kung kailan hayagang binatikos at kinutya ng ibang mga tao sa kanyang komunidad ang pahayag ni Joseph Smith na nakita niya ang Diyos. Nais malaman ng batang Propeta, na ngayo’y 17 taong gulang na, kung ano ang mangyayari sa kanya sa hinaharap. Noong gabi ng Setyembre 21, 1823, taimtim niyang ipinagdasal na patnubayan siya at patawarin sa “mga kasalanan at kalokohan” ng kanyang kabataan ( Joseph Smith— Kasaysayan 1:29). Bilang sagot sa kanyang dalangin, napuno ng liwanag ang kanyang silid sa ibabaw ng kisame, at isang sugo mula sa langit na nangangalang Moroni ang nagpakita. “Sinabi [niyang] siya ay anghel ng Diyos,” paggunita ni Joseph, “na isinugo upang maghatid ng magandang balita na ang tipan na ginawa ng Diyos sa sinaunang Israel ay matutupad na, na ang gawain ng paghahanda para sa ikalawang pagparito ng Mesiyas ay mabilis na magsisimula; na panahon na para ang Ebanghelyo sa kabuuan nito ay maipangaral nang may kapangyarihan, sa lahat ng bansa upang maihanda ang isang grupo ng mga tao para sa paghahari sa Milenyo. Sinabihan ako na ako ang napiling maging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos upang magsakatuparan ng ilan sa Kanyang mga layunin sa maluwalhating dispensasyong ito.”6
Sinabi rin ni Moroni kay Joseph na isang katipunan ng mga isinulat noong sinauna, na inukit ng mga sinaunang propeta sa mga laminang ginto, ang nakabaon sa kalapit na burol. Inilarawan sa sagradong talaang ito ang mga taong inakay ng Diyos mula sa Jerusalem papunta sa Western Hemisphere 600 taon bago pa isilang si Jesus. Si Moroni ang huling propeta sa mga taong ito at nagbaon sa talaan, na ipinangakong ilalabas ng Diyos sa mga huling araw. Isasalin ni Joseph Smith ang sagradong gawang ito sa wikang Ingles.
Sa sumunod na apat na taon, nakipagkita si Joseph kay Moroni sa burol tuwing Setyembre 22 upang tumanggap ng dagdag na kaalaman at mga tagubilin. Kakailanganin niya ang mga taon na ito ng paghahanda at pagpapadalisay sa kanyang pagkatao upang maisalin ang sinaunang talaan. Kailangan siyang maging handa para sa tungkuling isakatuparan ang isang gawain na ang layunin ay mahikayat ang mga “Judio at Gentil na si Jesus ang Cristo, ang Diyos na Walang Hanggan, nagpapatunay ng kanyang sarili sa lahat ng bansa” (pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon).
Pagtatatag ng Kaharian ng Diyos sa Lupa
Sinimulan ang Pagsasalin ng Aklat ni Mormon
Habang hinihintay na matanggap ang mga laminang ginto, tumulong si Joseph Smith sa pagtustos sa temporal na mga pangangailangan ng kanyang pamilya. Noong 1825, nagpunta siya sa Harmony, Pennsylvania, para magtrabaho kay Josiah Stowell. Doon ay nangasera siya sa pamilya nina Isaac at Elizabeth Hale at nakilala ang kanilang anak na si Emma, isang guro sa paaralan na matangkad at maitim ang buhok. Noong Enero 18, 1827, sina Joseph at Emma ay ikinasal sa South Bainbridge, New York. Bagaman ang kanilang pagsasama ay nasubukan sa pagkamatay ng mga anak, kagipitan sa pananalapi, at madalas na pagkawala ni Joseph sa tahanan sa pagtupad ng kanyang mga tungkulin, labis pa ring nagmahalan sina Joseph at Emma.
Noong Setyembre 22, 1827, apat na taon pagkaraang una niyang makita ang mga lamina, sa wakas ay ipinagkatiwala rin kay Joseph ang mga ito. Ngunit nang ibigay na sa kanya ang mga lamina, isang grupo ng mga mandurumog sa lugar nila ang paulit-ulit at pilit na nagtangkang nakawin ang mga ito. Para maiwasan ang pang-uusig na ito, noong Disyembre 1827, nagbalik sina Joseph at Emma sa Harmony, kung saan nakatira ang mga magulang ni Emma. Nang maayos na ang paninirahan nila doon, sinimulan ni Joseph ang pagsasalin ng mga lamina.
Sa mga unang buwan ng 1828, si Martin Harris, isang maunlad na magsasaka mula sa Palmyra, ay nakatanggap ng patotoo tungkol sa gawain ng Panginoon sa mga huling araw at naglakbay patungong Harmony para tulungan si Joseph sa pagsasalin. Pagsapit ng Hunyo ng taong iyon, 116 na pahina ng manuskrito ang naisalin na ni Joseph. Paulit-ulit na humingi ng pahintulot si Martin kay Propetang Joseph na maiuwi ang manuskrito sa kanyang tahanan sa Palmyra para ipakita sa ilang miyembro ng pamilya. Nagsumamo ang Propeta sa Panginoon at pinagbawalan siyang pahintulutan ito, ngunit makalawang beses pa siyang nagtanong sa Panginoon at sa bandang huli ay pinayagan si Martin na dalhin ang manuskrito. Habang nasa Palmyra ang manuskrito, ito ay ninakaw, at hindi na nabawi pa. Pansamantalang kinuha ng Panginoon ang Urim at Tummim at ang mga lamina mula sa Propeta, at iniwan siyang nagpapakumbaba at nagsisisi. Sa isang paghahayag mula sa Panginoon, natutuhan ni Joseph, na kailangan ay laging higit ang kanyang takot sa Diyos kaysa sa tao (tingnan sa D at T 3). Pagkatapos niyon, bagaman 22 taong gulang lamang siya, ang kanyang buhay ay naging halimbawa ng lubos na katapatan sa pagsunod sa bawat utos ng Panginoon.
Noong Abril 5, 1829, si Oliver Cowdery, na isang guro at mas bata nang isang taon kay Joseph, ay dumating sa tahanan ni Joseph sa Harmony. Bilang sagot sa dalangin, nakatanggap siya ng patotoo sa katotohanan ng gawain ng Propeta. Makalipas ang dalawang araw, muling nagsimula ang gawain ng pagsasalin, na si Joseph ang nagdidikta at si Oliver ang nagsusulat.
Panunumbalik ng Priesthood ng Diyos
Habang isinasalin nina Joseph at Oliver ang Aklat ni Mormon, nabasa nila ang kuwento tungkol sa pagdalaw ng Tagapagligtas sa mga sinaunang Nephita. Dahil dito, nagpasiya silang hingin ang patnubay ng Panginoon tungkol sa binyag. Noong Mayo 15, 1829, nagpunta sila sa pampang ng Ilog ng Susquehanna, malapit sa tahanan ni Joseph sa Harmony, para manalangin. Namangha sila nang dumalaw sa kanila ang isang sugo ng langit, na nagsasabing siya si Juan Bautista. Iginawad niya sa kanila ang Aaronic Priesthood at tinagubilinan silang binyagan at iorden ang isa’t isa. Sa huli, tulad ng ipinangako ni Juan Bautista, ang mga sinaunang Apostol na sina Pedro, Santiago, at Juan ay nagpakita rin kina Joseph at Oliver at iginawad sa kanila ang Melchizedek Priesthood at inorden sila bilang mga Apostol.
Bago ang mga pagdalaw na ito, may kaalaman at pananampalataya na sina Joseph at Oliver. Ngunit pagkatapos magpakita ang mga sugo mula sa langit, nagkaroon din sila ng awtoridad—ang kapangyarihan ng priesthood at awtoridad ng Diyos na kailangan para maitatag ang Kanyang Simbahan at maisagawa ang mga ordenansa ng kaligtasan.
Paglalathala ng Aklat ni Mormon at Pagtatatag ng Simbahan
Noong Abril at Mayo ng 1829, ang ginagawang pagsasalin ng Propeta sa kanyang tahanan sa Harmony ay lalong nagambala ng pag-uusig. Bunga nito, pansamantalang lumipat sina Joseph at Oliver sa Fayette Township, New York, para tapusin ang pagsasalin sa tahanan ni Peter Whitmer Sr. Natapos ang pagsasalin noong Hunyo, wala pang tatlong buwan matapos magsimulang maglingkod si Oliver bilang tagasulat ng Propeta. Noong Agosto, kinausap ni Joseph ang tagalathalang si Egbert B. Grandin ng Palmyra para ilimbag ang aklat. Isinangla ni Martin Harris ang kanyang sakahan kay Ginoong Grandin para tiyak na mabayaran ang halaga ng pagpapalimbag, at kalaunan ay ipinagbili ang halos 62 ektarya niyang sakahan para matubos ang isinangla. Ang Aklat ni Mormon ay mabibili ng mga tao sa tindahan ng mga aklat ni Grandin noong Marso 26, 1830.
Noong Abril 6, 1830, labing-isang araw lamang matapos maibalitang mabibili na ang Aklat ni Mormon, isang grupo ng 60 katao ang nagtipon sa tahanang yari sa troso ni Peter Whitmer Sr. sa Fayette, New York. Doon pormal na itinatag ni Joseph Smith ang Simbahan, na kalaunan ay pinangalanan sa pamamagitan ng paghahayag bilang Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw (tingnan sa D at T 115:4). Napakasayang okasyon niyon, na may matinding pagbuhos ng Espiritu. Ang sacrament ay pinangasiwaan, bininyagan ang mga sumasampalataya, iginawad ang kaloob na Espiritu Santo, at inorden sa priesthood ang mga kalalakihan. Sa isang paghahayag na natanggap habang nagpupulong, itinalaga ng Panginoon si Joseph Smith na maging lider ng Simbahan: “isang tagakita, tagapagsalin, propeta, isang apostol ni Jesucristo, elder ng simbahan sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos Ama, at ng biyaya ng inyong Panginoong Jesucristo” (D at T 21:1). Ang Simbahan ni Jesucristo ay muling itinatag sa lupa.
Kirtland, Ohio: Paglaganap ng Simbahan
Habang masigasig na ibinabahagi ng mga miyembro ng Simbahan ang natagpuan nilang katotohanan, mabilis na lumago ang bagong tatag na Simbahan. Di nagtagal nagkaroon ng mga branch sa mga bayan ng New York, ang Fayette, Manchester, at Colesville. Noong Setyembre 1830, pagkalipat nina Joseph at Emma Smith sa Fayette mula Harmony, Pennsylvania, inihayag ng Panginoon sa Propeta na ang mga misyonero ay dapat “magtungo sa mga Lamanita” na nakatira sa dulong kanluran ng Missouri (D at T 28:8). Ang paglalakbay ng mga misyonero ay naghatid sa kanila sa Kirtland, Ohio, ang lugar kung saan nakilala nila ang isang grupo ng mga relihiyosong naghahanap ng katotohanan at nabinyagan ang mga 130 sa kanila, kabilang na si Sidney Rigdon, na sa bandang huli ay naging miyembro ng Unang Panguluhan. Ang grupo ng mga Banal sa Kirtland ay umabot sa ilang daan nang ibahagi ng mga miyembro ang ebanghelyo sa mga nakapaligid sa kanila.
Habang lumalago ang Simbahan sa New York, tumindi rin ang oposisyon sa Simbahan. Noong Disyembre 1830, nakatanggap ang Propeta ng paghahayag na nagsasabi sa mga miyembro ng Simbahan na “[magtungo] sa Ohio” (D at T 37:1), na mahigit 400 kilometro ang layo. Nang sumunod na ilang buwan, marami sa mga Banal sa New York ang nagbenta ng kanilang ari-arian, sa halagang kadalasan ay malaki ang lugi, at ginawa ang mga sakripisyong kailangan upang matipon sa Kirtland, Ohio. Sina Joseph at Emma Smith ay kabilang sa mga naunang nagpunta sa Ohio, at dumating sa Kirtland noong Pebrero 1, 1831.
Dalawang Lugar ng Pagtitipon para sa mga Banal
Noong Hunyo ng 1831, habang nagiging matatag ang Simbahan sa Kirtland, inutusan ng Panginoon ang Propeta at iba pang mga lider ng Simbahan na maglakbay papuntang Missouri. Doon Niya ihahayag sa kanila “ang lupain na [kanilang] mana” (tingnan sa D at T 52:3–5, 42–43). Noong Hunyo at Hulyo 1831, halos 1,448 kilometro ang nilakbay ng Propeta at ng iba pa mula Kirtland patungong Jackson County, Missouri, na nasa dulong kanluran ng teritoryo ng Amerika. Pagdating ng Propeta, agad siyang nakatanggap ng paghahayag mula sa Panginoon na nagsasabing ang “lupain ng Missouri … [ang] lupaing aking itinakda at inilaan para sa pagtitipon ng mga banal. Dahil dito, ito ang lupang pangako, at ang lugar para sa lunsod ng Sion… . Ang lugar na ngayon ay tinatawag na Independence ang tampok na lugar; at ang dako para sa templo ay nasa gawing kanluran” (D at T 57:1–3).
Bilang katuparan ng mga propesiya ng mga propeta noon sa Biblia, sinimulang ilatag ng 25-taong-gulang na si Joseph Smith ang pundasyon ng lungsod ng Sion sa Amerika. Noong Agosto 1831, siya ang namuno sa dedikasyon ng lupain bilang lugar ng pagtitipon at inilaan ang lugar na pagtatayuan ng templo. Di nagtagal pagkatapos niyon, nagbalik ang Propeta sa Ohio, kung saan hinikayat niya ang ilan sa matatapat na magtipon sa Missouri. Tiniis ng daan-daang Banal ang hirap ng paglalakbay sa hindi pa natitirhang kanlurang bahagi ng Amerika noong ika-19 na siglo at tinahak ang landas patungo sa kanilang bagong tahanan sa Missouri.
Mula 1831 hanggang 1838, ang mga miyembro ng Simbahan ay nanirahan kapwa sa Ohio at Missouri. Ang Propeta, mga miyembro ng Korum ng Labindalawa, at marami pang miyembro ng Simbahan ay nanirahan sa Kirtland, samantalang ang iba pang mga miyembro ng Simbahan ay nagtipon sa Missouri at pinamunuan doon ng kanilang mga lider ng priesthood, sa ilalim ng pamamahala ng Propeta. Nag-ugnayan ang mga lider ng Simbahan sa pamamagitan ng liham at madalas na naglakbay sa pagitan ng Kirtland at Missouri.
Patuloy na Paghahayag
Habang nakatira sa Kirtland, nakatanggap ng maraming paghahayag ang Propeta mula sa Panginoon tungkol sa panunumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw. Noong Nobyembre 1831, nagpasiya ang mga lider ng Simbahan na ilathala ang marami sa mga paghahayag sa isang katipunan na tatawaging Aklat ng mga Kautusan. Ang aklat ay ililimbag sa Independence, Missouri. Ngunit noong Hulyo 1833, winasak ng mga mandurumog ang limbagan at marami sa mga nailimbag na pahina. Maliban sa ilang kopya ng aklat na naisalba, hindi kailanman napasakamay ng mga miyembro ng Simbahan ang Aklat ng mga Kautusan. Noong 1835 ang mga paghahayag na para sa Aklat ng mga Kautusan, gayundin ang marami pang ibang paghahayag, ay inilathala sa Kirtland bilang Doktrina at mga Tipan.
Habang nakatira sa Kirtland, ipinagpatuloy rin ng Propeta ang kanyang gawain sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia, isang gawaing sinimulan niya noong 1830, ayon sa utos ng Panginoon. Maraming malinaw at mahahalagang bagay ang nawala sa Biblia sa paglipas ng mga siglo, at ang Propeta ay ginabayan ng Espiritu na gumawa ng mga pagwawasto sa teksto ng King James Version ng Biblia at maibalik ang impormasyong nawala. Ang gawaing ito ang naging daan ng panunumbalik ng mahahalagang katotohanan ng ebanghelyo, pati na ang maraming paghahayag na kasama ngayon sa Doktrina at mga Tipan. Bagaman nilayon ng Propeta na ilathala ang pagbabago niya sa Biblia, naging hadlang ang mga bagay-bagay na higit na nangailangan ng kanyang atensyon, pati na ang pang-uusig, sa pagpapalathala ng kabuuan nito sa kanyang panahon.
Bilang bahagi ng kanyang inspiradong pagbabago sa Biblia, natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na ngayon ay aklat ni Moises at ang inspiradong pagsasalin ng Mateo 24, na tinatawag ngayong Joseph Smith—Mateo. Noong 1835, sinimulang isalin ng Propeta ang aklat ni Abraham mula sa sinaunang Egyptian papyri na binili ng Simbahan. Lahat ng pagsasaling ito ay naging bahagi ng Mahalagang Perlas.
Kabilang sa mga paghahayag na natanggap ng Propeta sa Kirtland ang pagtatatag ng pangkalahatang pamamahala ng Simbahan. Sa ilalim ng pamamahala ng Panginoon, itinatag ni Joseph Smith ang Unang Panguluhan noong 1832.7 Itinatag niya ang Korum ng Labindalawang Apostol at isang Korum ng Pitumpu noong 1835. Isang stake ang binuo sa Kirtland noong 1834. Sa panahong ito, itinatag din niya ang mga korum ng Aaronic at Melchizedek Priesthood para mapangasiwaan ang mga pangangailangan ng mga lokal na miyembro ng Simbahan.
Ang Unang Templo sa Dispensasyong Ito
Bilang isa sa mahahalagang bahagi ng Panunumbalik, inihayag ng Panginoon kay Joseph Smith na kailangan ang mga banal na templo. Noong Disyembre 1832, inutusan ng Panginoon ang mga Banal na simulang itayo ang templo sa Kirtland, Ohio. Bagaman maraming miyembro ng Simbahan ang kulang sa sapat na matitirhan, trabaho, at pagkain, masigla silang tumugon sa utos ng Panginoon, kasama ang Propeta na tumutulong sa kanila.
Noong Marso 27, 1836, inilaan ni Joseph Smith ang templo sa gitna ng pagbuhos ng Espiritu tulad noong araw ng Pentecostes. Makalipas ang isang linggo, noong Abril 3, 1836, naganap ang ilan sa pinakamahahalagang pangyayari sa kasaysayan ng relihiyon. Nagpakita ang Panginoong Jesucristo kina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa loob ng templo, na nagsasabing, “tinanggap ko ang bahay na ito, at ang aking pangalan ay malalagay rito; at ipakikita ko ang aking sarili sa awa sa aking mga tao sa bahay na ito” (D at T 110:7). Tatlong sugo mula sa mga dispensasyon ng Lumang Tipan—Moises, Elias, at Elijah—ang nagpakita rin. Ibinalik nila ang mga susi at awtoridad ng priesthood na matagal nang nawala sa mundo. Mayroon na ngayong awtoridad si Propetang Joseph Smith na tipunin ang Israel mula sa apat na sulok ng mundo at ibuklod ang mga pamilya sa panahon at buong kawalang-hanggan. (Tingnan sa D at T 110:11–16.) Ang panunumbalik na ito ng mga susi ng priesthood ay sumunod sa huwaran ng Panginoon ng pagbibigay sa Propeta ng “taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin; kaunti rito, at kaunti roon” (D at T 128:21) hanggang sa maibalik sa lupa ang kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo.
Pangangaral ng Walang Hanggang Ebanghelyo
Sa buong ministeryo ng Propeta, inutusan siya ng Panginoon na magsugo ng mga misyonero upang “ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng kinapal” (D at T 68:8). Nadama mismo ng Propeta ang bigat ng responsibilidad sa utos na ito at maraming beses na iniwan ang kanyang tahanan at pamilya upang ipangaral ang ebanghelyo. Noong mga unang taon ng Simbahan, ang mga misyonero ay tinawag na mangaral sa iba’t ibang panig ng Estados Unidos at Canada.
Pagkatapos, noong tag-init ng 1837, ang Propeta ay nabigyanginspirasyon na magpadala ng mga elder sa England. Inutusan ng Propeta si Heber C. Kimball, miyembro ng Korum ng Labindalawa, na pamunuan ang isang maliit na grupo ng mga misyonero sa mabigat na gawaing ito. Iniwan ang kanyang pamilya na halos naghihikahos, lumisan si Elder Kimball na naniniwalang gagabayan siya ng Panginoon. Sa loob ng isang taon, tinatayang mga 2,000 katao ang sumapi sa Simbahan sa England. Dahil dito ay isinugo ni Joseph Smith ang mga miyembro ng Labindalawa sa Great Britain upang maglingkod mula 1839 hanggang 1841, at naging malaking tagumpay din ang misyong ito. Pagsapit ng 1841, mahigit 6,000 katao ang tumanggap sa ebanghelyo. Marami sa kanila ang nandayuhan sa Amerika, na pinatatatag at pinalalakas ang Simbahan sa panahon ng labis na kahirapan.
Paglisan sa Kirtland
Halos mula nang dumating sila roon, dumanas na ng panguusig ang mga Banal sa Kirtland, ngunit lalong tumindi ang oposisyon noong 1837 at 1838. “Patungkol sa kaharian ng Diyos,” sabi ng Propeta, “laging sumasabay ang diyablo sa pagtatayo ng kanyang kaharian para salungatin ang Diyos.”8 Tumanggap ng matinding kalupitan ang Propeta, kapwa mula sa mga kalaban sa labas ng Simbahan at sa mga nag-apostasiyang kumalaban sa kanya. Pinaratangan siya ng maraming krimen nang wala sa katwiran, tinakot sa hukuman sa dose-dosenang kasong kriminal at sibil na walang batayan, at napilitang pagtaguan ang mga nagtatangka sa kanyang buhay. Ngunit nanatili siyang tapat at matapang sa gitna ng halos palagiang panggugulo at oposisyon.
Sa huli ay hindi na kayang tiisin pa ang pag-uusig sa Kirtland. Noong Enero 1838, napilitan ang Propeta at kanyang pamilya na lisanin ang Kirtland at magkanlong sa Far West, Missouri. Sa pagtatapos ng taon, karamihan sa mga Banal sa Kirtland ay sumunod sa kanya, at iniwan ang kanilang mga tahanan at ang pinakamamahal nilang templo.
Ang mga Banal sa Missouri
Pagpapatalsik mula sa Jackson County at ang Paghayo ng Kampo ng Sion
Habang sinisikap ng mga Banal sa Kirtland na patatagin ang Simbahan sa kanilang lugar, marami pang ibang miyembro ng Simbahan ang gayon din ang ginagawa sa Jackson County, Missouri. Nagsimulang manirahan sa bayan ang mga Banal sa mga Huling Araw noong tag-init ng 1831. Makalipas ang dalawang taon, umabot ng mga 1,200 ang mga Banal, o mga ikatlong bahagi ng populasyon doon.
Ang pagdating ng napakaraming mga Banal ay nakaligalig sa matatagal nang naninirahan sa lugar. Natakot ang mga taga-Missouri na baka manaig sa pulitika ang mga bagong salta, na karamihan ay mula sa hilagang bahagi ng Estados Unidos at hindi sumusuporta sa kaugaliang pang-aalipin ng mga tagatimog. Naghinala rin ang mga taga-Missouri sa kakaibang doktrina ng mga Banal sa mga Huling Araw—tulad ng paniniwala sa Aklat ni Mormon, bagong paghahayag, at pagtitipon sa Sion—at hindi nila gusto ang pangangalakal ng mga Banal sa mga Huling Araw sa isa’t isa. Sinimulang guluhin ng mga mandurumog at lokal na hukbo ang mga Banal at, noong Nobyembre 1833, itinaboy nila ang mga ito palabas ng Jackson County. Karamihan sa mga Banal ay nagpunta sa hilaga at tinawid ang Ilog ng Missouri patungong Clay County, Missouri.
Lubhang nabahala si Joseph Smith sa katayuan ng mga Banal sa Missouri. Noong Agosto 1833 mula sa Kirtland ay lumiham siya sa mga lider ng Simbahan sa Missouri: “Mga kapatid, kung nariyan lamang ako ay makikibahagi ako sa inyong mga pagdurusa, at bagaman likas sa tao ang umiwas sa sakit at kamatayan, gayunman hindi itutulot ng aking espiritu na pabayaan kayong mamatay, sa tulong ng Diyos. O, magsaya kayo, sapagkat nalalapit na ang ating pagkatubos. O Diyos, iligtas po Ninyo ang aking mga kapatid sa Sion.”9
Noong Pebrero 1834, nakatanggap ng paghahayag si Joseph Smith na nag-uutos sa kanya na pangunahan ang ekspedisyon mula Kirtland patungong Missouri upang alalayan at tulungang maibalik ang nagdurusang mga Banal sa kanilang mga lupain sa Jackson County (tingnan sa D at T 103). Bilang tugon sa utos ng Panginoon, bumuo ng isang grupo ang Propeta na tinawag na Kampo ng Sion na hahayo sa Missouri. Noong Mayo at Hunyo ng 1834, ang grupo, na sa huli ay kinabilangan ng mahigit 200 miyembro, ay naglakbay pakanluran at tumawid sa Ohio, Indiana, Illinois, at Missouri. Dumanas sila ng maraming hirap, pati na ng paglaganap ng kolera. Noong Hunyo 22, 1834, nang parating na ang ekspedisyon sa Jackson County, nakatanggap ng paghahayag ang Propeta na buwagin na ang grupo. Gayunman, nangako ang Panginoon na tutubusin ang Sion sa Kanyang takdang panahon. (Tingnan sa D at T 105:9–14.) Matapos mag-organisa ng isang stake sa Clay County na si David Whitmer ang pangulo, bumalik ang Propeta sa Ohio.
Bagaman hindi na nabawi pa ng Kampo ng Sion ang mga ariarian ng mga Banal, nagbigay ito ng makabuluhang pagsasanay sa mga magiging lider ng Simbahan, dahil natutuhan ng mga nakasama rito ang mga alituntunin ng matwid na pamumuno mula sa halimbawa at mga turo ng Propeta. Sa isang pulong ng mga miyembro ng Kampo ng Sion at ng iba pang mga miyembro ng Simbahan na ginanap sa Kirtland noong Pebrero 14, 1835, binuo ng Propeta ang Korum ng Labindalawang Apostol. Makalipas ang dalawang linggo, binuo niya ang Korum ng Pitumpu. Naging bahagi ng Kampo ng Sion ang siyam sa mga miyembro ng Korum ng Labindalawa at lahat ng miyembro ng Korum ng Pitumpu.
Paninirahan sa Hilagang Missouri
Malaking bilang ng mga miyembro ng Simbahan ang patuloy na nanirahan sa Clay County, Missouri, hanggang 1836, nang sabihin ng mga mamamayan sa bayang iyon na hindi na nila kayang maglaan ng kanlungan. Dahil dito nagsimulang lumipat ang mga Banal sa hilagang Missouri, karamihan sa kanila ay nanirahan sa Caldwell County, isang bagong bayang inorganisa ng lehislatura ng estado upang mabigyan ng lugar ang mga Banal sa mga Huling Araw na walang tahanan. Noong 1838 sumama sa kanila ang malaking grupo ng mga Banal na napilitang lisanin ang Kirtland. Ang Propeta at ang kanyang pamilya ay dumating nang Marsong iyon sa Far West, ang umuunlad na paninirahan ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Caldwell County, at itinatag ang headquarters ng Simbahan doon. Noong Abril inutusan ng Panginoon si Joseph Smith na magtayo ng templo sa Far West (tingnan sa D at T 115:7–16).
Sa kasamaang-palad, hindi nagtagal ang kapayapaan para sa mga Banal sa hilagang Missouri. Noong taglagas ng 1838, muling pinagmalupitan at sinalakay ng mga mandurumog at sundalo ang mga Banal sa mga Huling Araw. Nang gumanti ang mga miyembro ng Simbahan at ipagtanggol ang kanilang sarili, dinakip si Joseph Smith at ang iba pang mga lider ng Simbahan sa kasong pagtataksil. Noong Nobyembre ikinulong sila sa Independence at pagkatapos ay sa Richmond, Missouri; at noong Disyembre 1, dinala sila sa bilangguan sa Liberty, Missouri. Nang taglamig na iyon, dumanas ng kalupitan ang Propeta at ang kanyang mga kasama. Ikinulong sila sa bartolina ng bilangguan—isang madilim, malamig, at maruming silid sa ilalim ng lupa—at binigyan ng panis na pagkaing hindi nila makain hanggang sa mapilitan silang kainin ito dahil sa gutom. Inilarawan ng Propeta ang kalagayan niya at ng mga Banal na “isang pagsubok sa aming pananampalataya na katumbas ng pagsubok kay Abraham.”10
Habang nakakulong ang Propeta, libu-libong Banal sa mga Huling Araw, kabilang na ang sariling pamilya ng Propeta, ang itinaboy sa kanilang mga tahanan sa Missouri sa panahon ng taglamig at tagsibol ng 1838–39. Noong Marso 7, 1839, lumiham si Emma kay Joseph mula sa Quincy, Illinois: “Diyos lamang ang nakaaalam ng aking iniisip at nadarama nang lisanin ko ang ating bahay at tirahan at halos lahat ng ating ari-arian maliban sa ating maliliit na anak, at naglakbay palabas ng estado ng Missouri, at iniwan kang nakakulong sa malungkot na bilangguang iyan.”11 Sa ilalim ng pamamahala ni Brigham Young at ng iba pang mga lider ng Simbahan, ang mga Banal ay naglakbay pakanluran patungong Illinois.
Ang mga Taon sa Nauvoo
Pinakamamahal na Lider ng Kanyang mga Tao
Noong Abril 1839, inilipat ang Propeta at kanyang mga kasama sa Gallatin, Missouri, mula sa Liberty Jail dahil binago ang lugar na paglilitisan. Habang inililipat na muli ang mga bilanggo mula Gallatin papuntang Columbia, Missouri, hinayaan silang makatakas ng mga guwardiya sa di-makatarungang pagkabilanggo. Nagpunta sila sa Quincy, Illinois, kung saan nakatipon ang malaking grupo ng mga miyembro ng Simbahan matapos tumakas sa Missouri. Di nagtagal, sa ilalim ng pamamahala ng Propeta, karamihan sa mga Banal ay nagsimulang manirahan 80 kilometro pahilaga sa Commerce, Illinois, isang nayon sa gilid ng Ilog Mississippi. Pinalitan ni Joseph ng Nauvoo ang pangalan ng lungsod, at nang sumunod na mga taon ay dumagsa sa Nauvoo ang mga miyembro at bagong binyag mula sa Estados Unidos, Canada, at Great Britain, at naging isa ito sa mga pinakamataong lugar sa Illinois.
Nanirahan sina Joseph at Emma malapit sa ilog sa isang tahanang yari sa troso, na nagsilbing opisina ng Propeta noong mga unang araw ng Nauvoo. Ginawa niyang hanapbuhay ang pagsasaka at kalaunan ay nagbukas siya ng isang tindahan. Ngunit dahil marami siyang oras na iniuukol sa kanyang mga tungkulin sa Simbahan at sa pamayanan, madalas mahirapan ang Propeta sa paglalaan ng mga temporal na pangangailangan ng kanyang pamilya. Noong Oktubre 1841 nakalista sa kanyang personal na mga pag-aari si “matandang Charley (isang kabayo) na ibinigay sa kanya sa Kirtland, dalawang alagang usa, dalawang pabong matanda na at apat na bata pa, ang matandang baka na ibinigay sa kanya ng isang miyembro sa Missouri, ang kanyang alagang si Major (isang asong matanda na), … at isang maliit na muwebles sa bahay.”12
Sa huling bahagi ng Agosto 1843 lumipat ang Propeta at kanyang pamilya sa pagtawid ng kalsada sa isang bagong tayong dalawang palapag na tahanan na tinawag na Mansion House. Sina Joseph at Emma ay mayroon nang apat na anak na buhay. Anim na anak ang inilibing nila sa nakalipas na mga taon, at isa pang anak ang isisilang pagkamatay ni Joseph. Ang labing-isang anak sa pamilya nina Joseph at Emma Smith ay: si Alvin, isinilang noong 1828, na namatay kaagad matapos isilang; ang kambal na sina Thadeus at Louisa, isinilang noong 1831, na namatay kaagad matapos isilang; ang kambal na ampon na sina Joseph at Julia, isinilang kina John at Julia Murdock noong 1831 at kinalinga nina Joseph at Emma nang mamatay sa panganganak si Sister Murdock (ang 11-buwan na si Joseph ay namatay noong 1832)13; si Joseph III, isinilang noong 1832; si Frederick, isinilang noong 1836; si Alexander, isinilang noong 1838; si Don Carlos, isinilang noong 1840, na namatay sa edad na 14 na buwan; isang anak na lalaki na isinilang noong 1842, na namatay sa araw mismo ng kanyang pagsilang; at si David, isinilang noong 1844, halos limang buwan matapos paslangin ang kanyang ama.
Sa kanyang buong ministeryo, gustung-gustong makapiling ng Propeta ang mga Banal. Ganito ang sabi niya tungkol sa lungsod ng Nauvoo at sa mga naninirahan dito, “Ito ang pinakamagandang lugar at pinakamabubuting tao sa silong ng langit.”14 Minahal din siya ng mga Banal at nadama nilang siya ay kaibigan nila, at madalas nila siyang tawaging “Brother Joseph.” Pagpuna ng isang miyembro, “Nakakaakit ang kanyang pagkatao na gumayuma sa lahat ng taong nakakilala sa kanya.”15 “Hindi siya nagkunwaring walang mga pagkakamali at kalokohan,” pagsulat ng isang mamamayan ng Nauvoo. “Siya ang taong hindi mo mapigilang mahalin; … ni hindi niya ipinagyabang ang kanyang kabantugan na tulad ng akala ng marami, ngunit sa kabaligtaran kinaibigan niya ang kahit sinong disenteng tao.”16 Si William Clayton, isang miyembrong Ingles, ay lumiham sa kanyang tahanan mula sa Nauvoo tungkol sa Propeta, na nagsasabing, “Sana ay naging katulad niya ako.”17
Maraming ibinigay na talumpati ang Propeta sa Nauvoo, at gustung-gusto siyang pakinggan ng mga miyembro ng Simbahan, dahil itinuro niya ang mga inihayag na katotohanan ng ebanghelyo nang may kapangyarihan. Paggunita ni Angus M. Cannon: “Lagi akong kinikilabutan tuwing maririnig ko siyang magsalita at niluluwalhati ng buo kong kaluluwa ang Panginoon.”18 Sinabi ni Brigham Young: “Hindi ko kailanman pinalagpas ang pagkakataon upang makapiling si Propetang Joseph at makinig sa kanyang pagsasalita sa madla o nang sarilinan, upang maragdagan ang pangunawa ko sa ebanghelyo sa pakikinig sa kanya, upang taglayin ko ito at magamit kung kinakailangan… . Mas mahalaga sa akin ang gayong mga sandali kaysa lahat ng kayamanan sa mundo.”19
Ang pamumuno ni Joseph Smith ay higit pa sa kanyang mga responsibilidad sa simbahan. Sa Nauvoo, kasama ang Propeta sa serbisyong sibil, legal, pangnegosyo, pang-edukasyon, at militar. Nais niyang maihandog ng lungsod ng Nauvoo sa mga mamamayan nito ang lahat ng kalamangan at pagkakataong umunlad ang kultura at lipunan. Noong Enero 1844, dahil hindi siya nasiyahan sa kabiguan ng mga opisyal ng estado at pamahalaan na iwasto at ibalik ang karapatan at ari-ariang kinuha sa mga Banal sa Missouri, ibinalita ni Joseph Smith ang kanyang kandidatura sa pagkapangulo ng Estados Unidos ng Amerika. Bagaman inamin ng karamihan sa mga nakamasid na maliit lamang ang pag-asa niyang mahalal, ang kandidatura niya ay tumawag sa pansin ng publiko sa laganap na paglabag sa karapatan ng mga Banal na ginarantiyahan sa saligang batas. Lahat ng tao, minsan ay ipinahayag ng Propeta, ay “may pantay na karapatan na makibahagi sa mga bunga ng malaking puno ng ating pambansang kalayaan.”20
Kabanalan sa Panginoon: Pagtatayo ng Templo sa Nauvoo para sa Diyos
Nang mapilitang lisanin ng mga Banal ang Kirtland, iniwan nila ang templong pinaghirapan nilang itayo. Ngunit minsan pa silang magkakaroon ng isang banal na templo sa kanilang kalipunan, dahil inutusan sila ng Panginoon na simulang itayo ang isang templo sa Nauvoo. Nagsimula ang gawain noong taglagas ng 1840, at ang mga batong panulok ay inilagak noong Abril 6, 1841, sa isang seremonyang pinamunuan ng Propeta. Ang pagtatayo ng Nauvoo Temple ang isa sa pinakamahahalagang proyekto sa pagtatayo sa noon ay kanlurang bahagi ng Amerika. Kinailangan ang malaking sakripisyo ng mga Banal sa pagtatayo ng templo, sapagkat sa patuloy na pandarayuhan sa umuunlad na lungsod, karamihan sa mga miyembro ng Simbahan ay naghihirap.
Sinimulang ituro ng Propeta ang doktrina ng binyag para sa mga patay noong Agosto 15, 1840. Dahil nagsisimula pa lamang sa pagtatayo ng templo, isinagawa muna ng mga Banal ang mga pagbibinyag para sa mga patay sa mga ilog at sapa sa lugar. Noong Enero 1841, inihayag ng Panginoon na maaari lamang ipagpatuloy ang kaugaliang ito kapag maisasagawa na ang mga binyag sa loob ng templo (tingnan sa D at T 124:29–31). Noong tag-init at taglagas ng 1841, nagtayo ang mga Banal ng pansamantalang bautismuhan na yari sa kahoy sa bagong hukay na ilalim ng templo. Ang mga pagbibinyag para sa mga patay ay unang isinagawa sa bautismuhang ito noong Nobyembre 21, 1841.
Noong 1841 isinagawa ang mga unang pagbubuklod ng mga mag-asawa, at noong 1843 idinikta ng Propeta ang paghahayag na naglalarawan sa kawalang-hanggan ng tipan ng kasal (tingnan sa D at T 132). Ang mga doktrina sa paghahayag na ito ay alam na ng Propeta noon pang 1831.21 Ayon sa utos ng Diyos, itinuro din niya ang doktrina ng pag-aasawa ng mahigit sa isa (plural marriage).
Dahil matatagalan pa bago matapos ang templo, pinili ni Joseph Smith na isagawa na ang endowment sa templo sa labas ng mga sagradong dingding nito. Noong Mayo 4, 1842, sa silid sa itaas ng kanyang Red Brick Store sa Nauvoo, pinangasiwaan ng Propeta ang mga unang endowment sa isang maliit na grupo ng mga miyembrong lalaki, kabilang na si Brigham Young. Hindi na nakabuhayan ng Propeta ang pagtatapos ng Nauvoo Temple. Gayunman, noong 1845 at 1846, natanggap ng libu-libong Banal ang endowment sa templo mula kay Brigham Young at sa iba pang nakatanggap ng mga pagpapalang ito mula sa Propeta.
Pagtatapos ng Ministeryo ni Joseph Smith
Bagaman payapa noong una ang mga Banal sa Nauvoo, lalo namang pinag-usig ang Propeta, at naramdaman niyang patapos na ang kanyang misyon sa lupa. Sa isang di malilimutang pulong noong Marso 1844, inutusan ng Propeta ang Labindalawa na pamahalaan ang Simbahan pagkamatay niya, na ipinaliliwanag na nasa kanila na ang lahat ng susi at awtoridad na kailangan para magawa iyon. Noong panahong iyon, sinabi kalaunan ni Wilford Woodruff, isang miyembro ng Korum ng Labindalawa: “Nagpapatotoo ako na sa maagang tagsibol na iyon noong 1844, sa Nauvoo, tinipon ni Propetang Joseph Smith ang mga Apostol at ibinigay sa kanila ang mga ordenansa ng simbahan at kaharian ng Diyos. At lahat ng susi at kapangyarihang ipinagkaloob sa kanya ng Diyos ay pinagtibay niya sa aming mga ulunan, at sinabihan kaming maghanda at tanggapin ang responsibilidad na papagtagumpayin ang kahariang ito, o kung hindi ay isusumpa kami… . Ang Kanyang mukha ay singliwanag ng baga, at nalulukuban siya ng isang kapangyarihang hindi ko pa nakita sa sinumang nabubuhay na tao kailanman.”22 Pagkamatay ng Propeta, ang responsibilidad sa Simbahan at kaharian ng Diyos sa lupa ay babalikatin ng Korum ng Labindalawang Apostol.
Noong Hunyo 1844 isang kaso ng panggugulo ang isinampa laban sa Propeta. Bagaman napawalang-sala siya sa kasong ito sa Nauvoo, iginiit ng gobernador ng Illinois na si Thomas Ford na litisin si Joseph sa kaso ring ito sa Carthage, Illinois, ang sentro ng Hancock County. Pagdating ng Propeta at ng kanyang kapatid na si Hyrum sa Carthage, pinalaya sila matapos magpiyansa para sa orihinal na kaso ngunit pagkatapos ay kinasuhan ng pagtataksil laban sa estado ng Illinois at ikinulong sa lokal na bilangguan.
Sa mainit at maalinsangang hapon ng Hunyo 27, 1844, isang grupo ng mga mandurumog na may pintang itim sa mukha ang lumusob sa bilangguan at pinaslang sina Joseph at Hyrum Smith. Makalipas ang mga tatlong oras, sina Willard Richards at John Taylor, na nasa kulungan kasama ng mga pinaslang, ay nagpadala ng isang malungkot na mensahe sa Nauvoo: “Carthage Jail, alas-8:05 n.g., ika-27 ng Hunyo, 1844. Patay na sina Joseph at Hyrum…. Ang pagpatay ay ginawa sa isang iglap.”23 Sa edad na 38, tinatakan ni Propetang Joseph Smith ng kanyang dugo ang kanyang patotoo. Nang matapos ang kanyang gawain sa mortalidad, at maitatag ang Simbahan at kaharian ng Diyos sa lupa sa huling pagkakataon, namatay si Joseph Smith sa tama ng mga bala ng mga mamamatay-tao. Tungkol kay Propetang Joseph Smith, ang Panginoon mismo ay nagpatotoo: “Aking tinawag [si Joseph Smith] sa pamamagitan ng aking mga anghel, na aking mga tagapaglingkod, at sa pamamagitan ng aking sariling tinig mula sa kalangitan, upang isagawa ang aking gawain; kung aling saligan ay kanyang inilatag, at naging matapat; at siya ay kinuha ko sa aking sarili. Marami ang namangha dahil sa kanyang kamatayan; subalit kinakailangang kanyang tatakan ang kanyang patotoo ng kanyang dugo, upang siya ay maparangalan at ang masasama ay maparusahan” (D at T 136:37–39).
Si Joseph Smith, ang dakilang propeta, tagakita, at tagapaghayag sa mga huling araw, ay isang magiting at masunuring lingkod ng Kataas-taasang Diyos. Pinatotohanan ni Pangulong Brigham Young: “Sa aking palagay wala nang ibang taong nabubuhay sa mundo na higit na nakakikilala sa kanya kaysa sa akin; at buong tapang kong sasabihin na, maliban kay Jesucristo, wala nang mas mabuting taong nabuhay o nabubuhay sa mundong ito. Ako ang kanyang saksi.”24