Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 21: Ang Ikalawang Pagparito at ang Milenyo


Kabanata 21

Ang Ikalawang Pagparito at ang Milenyo

“Makabubuti … para sa atin na mahiwatigan ang mga palatandaan ng mga panahon habang tayo ay nabubuhay, upang ang araw ng Panginoon ay hindi ‘tayo masubukang gaya ng isang magnanakaw sa gabi.’ ”

Mula sa Buhay ni Joseph Smith

Noong Setyembre 1832, bumalik sa Kirtland sina Joseph at Emma Smith at ang kanilang labing-anim-na-buwang anak na babaeng si Julia mula sa sakahan ni Johnson sa Hiram, Ohio. Lumipat sila sa tindahang pag-aari ni Newel K. Whitney, kung saan sila tumira nang mahigit isang taon. Ang pamilyang Smith ay nakatira sa ikalawang palapag ng tindahan at sa bahagi ng unang palapag na hindi ginamit sa negosyo. Ang anak nina Joseph at Emma, si Joseph Smith III, ay isinilang habang naninirahan ang pamilya sa tindahang ito. Nakatanggap din ng maraming paghahayag dito ang Propeta.

Isa sa mga paghahayag na iyon ay dumating noong Araw ng Pasko ng 1832. Ginugol ng Propeta ang bahagi ng araw na ito sa bahay, sa malalim na pag-iisip tungkol sa mabibigat na problemang kinakaharap ng mga bansa sa mundo sa panahong iyon. “Ang mga nakikitang kaguluhan sa mga bansa ay naging mas malinaw sa panahong ito kaysa rati mula nang magsimulang lumaganap ang Simbahan mula sa ilang,” sabi ng Propeta.1 Ang mga nangyayari sa Estados Unidos ay pahantong sa digmaang sibil, at ang paglitaw ng nakamamatay na mga sakit ay kumalat na sa buong mundo. Habang “taimtim na nananalangin tungkol sa paksang ito”2 natanggap ng Propeta ang paghahayag na matatagpuan ngayon sa bahagi 87 ng Doktrina at mga Tipan. Inihayag ng Panginoon kay Joseph na bago ang Ikalawang Pagparito, magkakaroon ng digmaan sa lahat ng bansa at mga likas na kalamidad ang magpaparusa sa mga tao:

“At ngayon, sa pamamagitan ng espada at ng pagdanak ng dugo ang mga naninirahan sa mundo ay magdadalamhati; at sa pamamagitan ng taggutom, at salot, at lindol, at kulog sa langit, at matalim at matingkad na kidlat din, ay madarama ng mga naninirahan sa mundo ang poot, at pagngingitngit, at nagpaparusang kamay ng isang Pinakamakapangyarihang Diyos, hanggang sa ang pagkaubos na ipinasiya ay magkaroon ng ganap na katapusan ng lahat ng bansa. … Dahil dito, tumayo kayo sa mga banal na lugar, at huwag matinag, hanggang sa ang araw ng Panginoon ay dumating; sapagkat masdan, ito ay dagling darating, wika ng Panginoon” (D at T 87:6, 8).

Pagkaraan ng dalawang araw, noong Disyembre 27, tumanggap ng isa pang paghahayag ang Propeta na naglalaman ng maraming impormasyon tungkol sa Ikalawang Pagparito. Sa araw na iyon, isang kumperensya ng mga high priest ang naganap sa “silid ng pagsasalin” ng Propeta, ang silid sa tindahan ni Whitney kung saan ginawa ni Joseph ang karamihan sa Pagsasalin ng Biblia ni Joseph Smith. Itinala sa kaganapan ng kumperensya: “Tumayo si Brother Joseph at sinabing, upang makatanggap ng paghahayag at mga pagpapala ng langit, kailangang ituon natin ang ating isipan sa Diyos at sumampalataya at magkaisa sa puso at isipan. Sa gayon ay iminungkahi niya sa lahat ng naroon na manalangin sa Panginoon nang magkakahiwalay at malakas para [Kanyang] ihayag ang Kanyang kalooban sa amin tungkol sa pagtatayo ng Sion at para sa kapakinabangan ng mga Banal.”

Bawat high priest “ay yumukod sa harapan ng Panginoon” at pagkatapos ay nagpahayag ng kanilang nadarama at determinasyong sundin ang mga utos ng Diyos.3 Di nagtagal pagkatapos niyon, nagsimulang makatanggap ng paghahayag ang Propeta mula sa Diyos na kalaunan ay naging bahagi 88 ng Doktrina at mga Tipan. Ang paghahayag na ito ay naglalaman ng ilan sa pinakadetalyadong propesiya ng mga banal na kasulatan tungkol sa pagparito ng Panginoon at pagkakaroon ng isang libong taon ng kapayapaan (tingnan sa D at T 88:86–116).

Sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, inihayag ng Panginoon ang maraming propesiya hinggil sa Ikalawang Pagparito, ang Milenyo, at ang panahon ng kaguluhan na mauuna sa mga kaganapang ito. Ang maraming pagbuhos ng paghahayag na ito ay isang patotoo na si Joseph Smith ay tunay na tagakitang ibinangon ng Diyos. Tulad ng pagpapatotoo ng Aklat ni Mormon, “Maaaring malaman ng tagakita ang mga bagay na nakalipas na, at gayon din ang mga bagay na mangyayari pa lamang, at sa pamamagitan [niya] ay ipahahayag ang lahat ng bagay, o, sa lalong maliwanag, ang mga lihim na bagay ay maipaaalam, at ang mga nakatagong bagay ay malalagay sa liwanag, at ang mga bagay na hindi pa nalalaman ay ipaaalam” (Mosias 8:17).

Mga Turo ni Joseph Smith

Ang mga palatandaan ng pagparito ng Tagapagligtas ay natutupad na; malalaman ng matatapat ang mga palatandaang ito at magkakaroon ng kapayapaan sa mga panahong mapanganib.

“Makabubuti … para sa atin na mahiwatigan ang mga palatandaan ng mga panahon habang tayo ay nabubuhay, upang ang araw ng Panginoon ay hindi ‘tayo maabutan na gaya ng magnanakaw sa gabi.’ [Tingnan sa D at T 106:4–5.]”4

“Magpopropesiya ako na ang mga palatandaan ng pagparito ng Anak ng Tao ay nagsimula na. Sunud-sunod na salot ang mamiminsala. Malapit na tayong magkaroon ng digmaan at pagdanak ng dugo. Ang buwan ay magkukulay-dugo. Pinatototohanan ko ang mga bagay na ito, at ang pagparito ng Anak ng Tao ay nalalapit na, maging nasa inyong mga pintuan na nga. Kung ang ating mga kaluluwa at katawan ay hindi nakatuon sa pagparito ng Anak ng Tao; at pagkamatay natin, kung hindi tayo nakatuon, mapapabilang tayo sa mga yaong sinasabihan ang mga bato na mahulog sa kanila [tingnan sa Apocalipsis 6:15–17].”5

“Minamahal at itinatangi kong mga kapatid, nakita natin na dumating na ang mga panahong mapanganib, tulad ng pinatotohanan [tingnan sa II Kay Timoteo 3:1]. Makaaasa tayo, kung gayon, nang may lubos na katiyakan, sa katuparan ng mga bagay na iyon na nasusulat, at nang may higit na pagtitiwala kaysa noon, tumingin sa sikat ng araw, at sabihin sa ating puso, Sa lalong madaling panahon tatabingan mo ang iyong namumulang mukha. Siya na nagsabing, ‘Magkaroon ng liwanag,’ at nagkaroon nga ng liwanag [tingnan sa Genesis 1:3], ang nagsabi nito. At muli, Ikaw buwan, ikaw na hindi gaanong maliwanag, ikaw na liwanag ng gabi, ay magkukulay-dugo.

“Nakita nating natutupad na ang lahat ng bagay; at agad na darating ang panahon na bababa ang Anak ng Tao sa mga ulap ng langit.”6

“Sa madaling panahon ang mundo ay gagapasin—iyon nga, ang masasama ay kaagad na wawasakin mula sa balat ng lupa, sapagkat sinabi ito ng Panginoon, at sino ang makapipigil sa kamay ng Panginoon, o sino ang makikipaglaban sa Makapangyarihang Diyos, sapagkat sa mga utos niya ay maglalaho ang kalangitan at lupa. Mabilis na darating ang panahon na matutupad na ang pagpapanumbalik ng lahat ng bagay, na ipinropesiya ng lahat ng banal na propeta, maging hanggang sa pagtitipon ng sambahayan ni Israel. At mangyayari nga na ang leon ay mahihigang kasama ng tupa, at kung anu-ano pa.

“Subalit, mga kapatid, huwag panghinaan ng loob na sinabi namin sa inyo ang tungkol sa mga panahong mapanganib, sapagkat talagang darating ang mga ito sa lalong madaling panahon, sapagkat parating na ang tabak, taggutom, at salot. Magkakaroon ng malaking pagkawasak sa lupaing ito, sapagkat hindi ninyo dapat isipin na ang isang tuldok o kudlit ng mga propesiya ng lahat ng banal na propeta ay hindi matutupad, at marami pang natira dito ang matutupad. Sinabi ng Panginoon na paiikliin niya ang gawain, at ang mabubuti ay maliligtas maging ito man ay sa pamamagitan ng apoy [tingnan sa Mga Taga Roma 9:28; 1 Nephi 22:17].”7

“Ang banal na kasulatan ay nakahanda nang matupad kapag ang matitinding digmaan, taggutom, salot, malaking kapighatian, paghatol, at kung anu-ano pa, ay nakahanda nang ibuhos sa mga naninirahan sa lupa.”8

“Nakita natin na tunay ngang dumating na ang mga panahong mapanganib, at ang mga bagay na matagal na nating inaasahan ay nagsimula nang maganap sa wakas; subalit kapag nakita ninyo ang puno ng igos na nagsisimula nang sumupling ang mga dahon, ay malalaman ninyo na malapit na ang tag-araw [tingnan sa Mateo 24:32–33]. Magkakaroon ng maikling gawain sa lupa. Nagsimula na ito ngayon. Sa palagay ko magkakaroon ng kaguluhan sa malao’t madali sa buong mundo. Huwag nating hayaang manghina ang ating puso kapag dumating sa atin ang mga bagay na ito, sapagkat kailangang mangyari ang mga ito, o ang salita ay hindi matutupad.”9

“Nagtanong ako sa Panginoon hinggil sa Kanyang pagparito; at habang tinatanong ang Panginoon, nagbigay Siya ng palatandaan at nagsabing, ‘Sa panahon ni Noe naglagay ako ng bahaghari sa kalangitan bilang palatandaan na sa anumang taon na makita ang bahaghari ay hindi darating ang Panginoon; subalit dapat ay may panahon ng pagtatanim at pag-aani sa taong iyon: ngunit tuwing makikita ninyong nawala ang bahaghari, ito ay palatandaan na magkakaroon ng taggutom, salot, at malaking kapighatian sa mga bansa, at ang pagparito ng Mesiyas ay malapit na.’ ”10

“Kailangang bumalik ang Juda, dapat ay itayong muli ang Jerusalem, at ang templo, at ang tubig ay lumalabas sa ilalim ng templo, at ang mga tubig ng Patay na Dagat (Dead Sea) ay mapapagaling [tingnan sa Ezekiel 47:1–9]. Matatagalan pa bago muling maitayo ang mga pader ng lungsod at templo, at kung anu-ano pa; at dapat magawa ang lahat ng ito bago dumating ang Anak ng Tao. Magkakaroon ng mga digmaan at mga alingawngaw ng digmaan, mga palatandaan sa kalangitan sa itaas at sa lupa sa ilalim, magdidilim ang araw at magkukulay-dugo ang buwan, lilindol sa iba’t ibang dako, ang mga dagat na aalon nang lampas sa mga hangganan nito; pagkatapos ay lalabas ang isang dakilang palatandaan ng Anak ng Tao sa langit. Subalit ano ang gagawin ng mundo? Sasabihin nila na ito ay isang planeta, isang bulalakaw, at kung anu-ano pa. Subalit ang Anak ng Tao ay darating bilang palatandaan ng pagdating ng Anak ng Tao, na magiging tulad ng liwanag ng umaga na lumabas mula sa silangan [tingnan sa Joseph Smith—Mateo 1:26].”11

“Ipinaliwanag [ko] ang pagparito ng Anak ng Tao; gayundin na maling isipin na matatakasan ng mga Banal ang lahat ng paghatol, habang nagdurusa ang masasama; sapagkat ang lahat ng laman ay kailangang magdusa, at ‘ang mabubuti ay bahagyang makakatakas’ [tingnan sa D at T 63:34]; gayunman maraming Banal ang makakatakas, sapagkat ang mga matwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya [tingnan sa Habacuc 2:4]; subalit maraming mabubuting magiging biktima ng sakit, salot, at kung anu-ano pa, dahil sa kahinaan ng laman, subalit maliligtas sa Kaharian ng Diyos. Kaya nga hindi banal na alituntunin ang sabihin na si ganoon at ganito ay nagkasala sapagkat nagkasakit sila o namatay, sapagkat lahat ng laman ay mamamatay; at sinabi ng Tagapagligtas, ‘Huwag kayong magsihatol, upang huwag kayong hatulan.’ [Tingnan sa Mateo 7:1.]”12

Hindi paparito ang Panginoon hangga’t hindi natutupad ang lahat ng bagay bilang paghahanda sa Kanyang pagdating.

“Ang pagparito ng Anak ng Tao ay hindi mangyayari kailanman— hindi maaaring mangyari kailanman hangga’t hindi naisasagawa ang mga paghatol na nabanggit para sa oras na ito: mga paghatol na nagsimula na. Sabi ni Pablo, ‘Kayo ay mga anak ng liwanag, at hindi ng kadiliman, upang sa araw na yaon ay masubukan kayong gaya ng magnanakaw sa gabi.’ [Tingnan sa I Mga Taga Tesalonica 5:4–5.] Hindi ipinlano ng Makapangyarihang Diyos na bumaba sa lupa at wasakin ito at durugin ito, subalit kanya itong ihahayag sa Kanyang mga tagapaglingkod na mga propeta [tingnan sa Amos 3:7].”13

“Hindi kailanman inihayag ni Jesucristo sa sinumang tao ang tiyak na oras ng Kanyang pagparito [tingnan sa Mateo 24:36; D at T 49:7]. Humayo at basahin ang mga Banal na Kasulatan, at wala kayong makikitang anuman na tumutukoy sa tiyak na oras ng Kanyang pagparito; at lahat ng nagsasabi nito ay mga huwad na guro.”14

Hinggil sa taong nagsabing nakita niya ang palatandaan ng Anak ng Tao, sinabi ni Propetang Joseph Smith: “Hindi niya nakita ang palatandaan ng Anak ng Tao, tulad ng unang ipinahayag ni Jesus; walang sinuman ang makaaalam, hanggang sa magdilim ang araw at magkulay-dugo ang buwan; sapagkat walang ipinakitang anumang gayong palatandaan sa akin ang Panginoon; at tulad ng sinabi ng propeta, mangyayari ito—‘Tunay na ang Panginoong Dios ay walang gagawin, kundi kaniyang ihahayag ang kaniyang lihim sa kaniyang mga lingkod na mga propeta.’ (Tingnan sa Amos 3:7.) Samakatwid dinggin ito, O mundo: Ang Panginoon ay hindi paparito upang maghari sa mabubuti, sa daigdig na ito, sa taong 1843, hanggang sa maging handa na ang lahat sa pagdating ng Kasintahang Lalaki.”15

Yaong matatalino at matatapat ay magiging handa sa muling pagparito ng Panginoon.

“Kapag naiisip ko ang mabilis na pagdating ng dakila at kakilakilabot na araw ng Anak ng Tao, kung kailan paparito Siya upang tanggapin ang Kanyang mga Banal sa Kanyang Sarili, kung saan sila ay mananahang kasama Niya, at mapuputungan ng kaluwalhatian at kawalang-kamatayan; kapag naiisip ko na malapit nang panginigin ang kalangitan, at payanigin at ugain ang lupa; at mahawi ang tabing ng kalangitan na parang nakalulong papel na iniladlad; at mangawala ang bawat bundok at pulo, ay nagsumigaw ang puso ko, Ano ngang anyo ng mga pagkatao ang nararapat sa [atin] sa banal na pamumuhay at pagkamaawain! [Tingnan sa II Ni Pedro 3:11.]”16

“Ang mundo ay nagdurusa dahil sa kasamaan, pang-aapi, pagmamalupit at pagdanak ng dugo; at ang Diyos ay lalabas sa Kanyang pinagtataguang lugar, tulad ng sinabi Niya na Kanyang gagawin, upang gambalain ang mga bansa ng mundo. Si Daniel, sa kanyang pangitain, ay nakita ang sunud-sunod na kaguluhan; kanyang ‘minasdan hanggang sa ang mga luklukan ay nangaglagay, at isa na matanda sa mga araw ay nakaupo;’ at dumating ang isang gaya ng Anak ng Tao sa kanyang harapan; at lahat ng bansa, lahi, wika, at tao, ay naglingkod at sumunod sa Kanya [tingnan sa Daniel 7:9–14]. Nasa atin na kung magiging mabuti tayo, upang tayo ay maging marunong at makaunawa; sapagkat walang masasama na makauunawa; subalit ang marurunong ay makauunawa, at silang mangagbabalik ng marami sa katuwiran ay parang mga bituin magpakailanman [tingnan sa Daniel 12:3].”17

“Papag-ingatin ang mayayaman at nakapag-aral, marurunong at maharlika, mga maralita at nangangailangan, alipin at malaya, kapwa maitim at maputi, kung paano sila mamuhay, at manangan sa kaalaman sa Diyos, at magpatupad ng katarungan at kahatulan sa lupa sa kabutihan, at maghandang salubungin ang hukom ng mga buhay at mga patay, sapagkat ang oras ng Kanyang pagparito ay nalalapit na.”18

“Maging marunong tayo sa lahat ng bagay, at sundin natin ang lahat ng utos ng Diyos, nang maging tiyak ang ating kaligtasan. Kung handa ang ating baluti at handa tayo sa panahong itinakda at suot natin ang buong baluti ng kabutihan, matatagalan natin ang araw na iyon ng pagsubok [tingnan sa Mga Taga Efeso 6:13].”19

Noong Disyembre 1830, sinabi ni Propetang Joseph Smith ang sumusunod sa isang liham sa mga miyembro ng Simbahan sa Colesville, New York: “Nawa’y maging tapat kayong lahat at hintayin ang panahon ng ating Panginoon, sapagkat ang kanyang pagdating ay nalalapit na.

“ ‘Datapuwa’t tungkol sa mga kapanahunan at mga bahagi ng panahon, mga kapatid, hindi ko na kailangang isulat pa sa inyo ang anoman, sapagka’t kayo rin ang mga lubos na nangakakaalam, na ang pagdating ng kaarawan ng Panginoon ay gaya ng magnanakaw sa gabi: pagka sinasabi ng mga tao, kapayapaan at katiwasayan, kung magkagayo’y darating sa kanila ang biglang pagkawasak, na gaya ng pagdaramdam, sa panganganak ng babaing nagdadalang-tao; at sila’y hindi mangakatatanan sa anomang paraan.

“ ‘Nguni’t kayo, mga kapatid, ay wala sa kadiliman…. Huwag nga tayong mangatulog, gaya ng mga iba, kundi tayo’y mangagpuyat at mangagpigil, sapagka’t ang nangatutulog ay nangatutulog sa gabi; at ang nangaglalasing ay nangaglalasing sa gabi.

“ ‘Datapuwa’t palibhasa’y mga anak tayo ng araw, mangagpigil tayo, na isuot ang baluti ng pananampalataya at ng pagibig; at ang maging turbante ay ang pagasa ng kaligtasan. Sapagka’t tayo’y hindi itinalaga ng Dios sa galit, kundi sa pagtatamo ng pagkaligtas sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo.’ [I Mga Taga Tesalonica 5:1–4, 6–9.]

“Samakatwid, aliwin ang isa’t isa, maging tulad ng ginagawa ninyo, sapagkat ang mga panahong mapanganib ay nalalapit na. … Ang kapayapaan ay bahagya nang inalis sa mundo, at sa malao’t madali ay tuluyan na itong maglalaho; oo, nasa ating mga pintuan na ang mga pagwasak, at mabilis itong darating sa mga bahay ng masasama, at sa kanila na hindi nakikilala ang Diyos.

“Oo, magsaya at magalak, sapagkat ang pagtubos sa inyo ay nalalapit na. Tayo ang lubos na kinasihang mga nilikha mula pa nang itatag ang mundo, kung mananatili tayong tapat sa pagsunod sa mga utos ng ating Diyos. Oo, maging si Enoc, na ikapito mula kay Adan, ay nakita ang ating panahon at nagalak [tingnan sa Moises 7:65–67], at ang mga propeta mula noon ay ipinropesiya na ang Ikalawang Pagparito ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, at nagalak sa araw ng kapahingahan ng mga Banal; oo, at ang mga Apostol ng ating Tagapagligtas ay nagalak din sa kanyang pagparito na nasa alapaap kasama ang hukbo ng langit, upang manahan sa piling ng tao sa lupa nang isang libong taon [tingnan sa Apocalipsis 1:7]. Samakatwid may dahilan tayo para magalak.

“Masdan natutupad na ang mga propesiya sa Aklat ni Mormon sa bilis na makakaya itong isakatuparan ng panahon. Ang Espiritu ng buhay na Diyos ay napasaakin; samakatwid, sino ang magsasabi na hindi ako magpopropesiya. Nalalapit na ang panahon na kakailanganin nating umalis sa lugar kung saan man naisin ng Panginoon, para makaligtas. Huwag matakot sa mga yaong nagkasala sa iyo [tingnan sa Isaias 29:20–21], kundi maging tapat sa pagpapatotoo sa mga liko at balakyot na salinlahi na malapit na ang araw ng pagdating ng ating Panginoon at Tagapagligtas. Oo, ihanda ninyo ang daan ng Panginoon, tuwirin ninyo ang kanyang landas [tingnan sa Mateo 3:3].

“Sino ang manliliit dahil sa mga pagkatisod, sapagkat kailangang dumating ang mga pagkatisod, ngunit sa aba ng mga taong yaon na panggagalingan nito, sapagkat mahuhulog sa kanila ang bato at pangangalatin silang gaya ng alabok [tingnan sa Mateo 18:7; 21:43–44]. Sapagkat ang panahon ng mga Gentil ay dumating na, at sa aba nila kung hindi sila magsisisi at mabibinyagan sa pangalan ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan, at pumasok sa makipot na pasukan at maibilang sa sambahayan ni Israel. Sapagkat ang Diyos ay hindi palaging pakukutya, nang hindi ibinubuhos ang kanyang poot sa mga yaong lumapastangan sa kanyang banal na pangalan, sapagkat ang tabak, mga taggutom, at pagkawasak ay mabilis silang aabutan sa kanilang makasalanang gawain, sapagkat maghihiganti ang Diyos, at ibubuhos ang mga sisidlan ng kanyang poot, at ililigtas ang kanyang mga hinirang [tingnan sa Apocalipsis 16:1].

“At lahat ng yaong susunod sa kanyang mga utos ay kanyang mga hinirang, at titipunin niya sila sa lalong madaling panahon mula sa apat na hangin ng kalangitan, mula sa isang dulo ng daigdig hanggang sa kabila [tingnan sa Mateo 24:31], sa isang lugar saanman niya naisin; samakatwid sa inyong pagtitiis ay maipagwawagi ninyo ang inyong mga kaluluwa [tingnan sa Lucas 21:19].”20

Ang Milenyo ay panahon ng kapayapaan kung kailan ang Tagapagligtas ang maghahari sa mundo.

Mga Saligan ng Pananampalataya 1:10: “Naniniwala kami … na maghahari si Cristo sa mundo; at, ang mundo ay babaguhin at matatanggap nito ang malaparaisong kaluwalhatian.”21

“Ang mga hangarin ng Diyos … ay … magtatag ng kapayapaan at mabuting pagsasamahan sa mga tao; itaguyod ang mga alituntunin ng walang hanggang katotohanan; upang makalikha ng kalagayang magbubuklod sa isang tao sa kanyang kapwa; papangyarihing ang mundo ay ‘[pukpukin] ng kanilang mga tabak upang maging mga sudsod, at ang kanilang mga sibat ay maging mga karit’ [Isaias 2:4], papangyarihing manahan ang mga bansa ng mundo sa kapayapaan, at ipadama ang kaluwalhatian ng milenyo, kung kailan ‘ang lupa’y magsisibol ng halaman niya, magbabalik ang [malaparaisong] kaluwalhatian nito, at matutulad sa halamanan ng Panginoon.’…

“Hangarin na ni Jehova noon pa man, mula nang likhain ang mundo, at layunin Niya ngayon, na pangasiwaan ang mga gawain ng mundo sa Kanyang sariling panahon, tumayo bilang pinuno ng sansinukob, at ilagay ang pamamahala sa Kanyang sariling kamay. Kapag nangyari iyon, ang paghatol ay mapangangasiwaan sa katwiran; ang anarkiya at pagkalito ay mawawasak, at ‘hindi na matututong magdigmaan ang mga bansa.’ [Tingnan sa Isaias 2:4.] …

“… Natanggap ni Moises ang salita ng Panginoon mula sa Diyos; siya ang tagapagsalita ng Diyos kay Aaron, at tinuruan ni Aaron ang mga tao, kapwa sa kapakanan ng bayan at ng simbahan; iisa ang mga ito, walang ipinagkaiba; magkakaganito ito kapag ang mga layunin ng Diyos ay naisakatuparan na: kapag ‘ang Panginoon ay naging Hari sa buong daigdig,’ at ‘Jerusalem ang Kanyang luklukan.’ ‘Sa Sion ay lalabas ang kautusan, at ang salita ng Panginoon ay mula sa Jerusalem.’ [Tingnan sa Zacarias 14:9; Jeremias 3:17; Mikas 4:2.]

“… ‘Siya na may karapatan, ang aangkin sa kaharian, at maghahari hanggang sa lahat ng bagay ay maipailalim Niya sa Kanyang mga paa’ [tingnan sa Ezekiel 21:27; I Mga Taga Corinto 15:27]; ang kasamaan ay hindi matatagpuan sa lupa, igagapos si Satanas, at wawasakin ang mga gawain ng kadiliman; at kabutihan at katarungan ang magiging huwaran, at ‘siya lamang na may takot sa Panginoon ang dadakilain sa araw na iyon.’ [Tingnan sa Isaias 2:11; 28:17.]”22

“Hindi totoo na mamamalagi si Jesus sa lupa nang isang libong taon kasama ang mga Banal, gayunpaman Siya ang maghahari sa mga Banal at bababa at magbibigay ng tagubilin, tulad ng ginawa niya sa limang daang kalalakihan [tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:6], at ang mga yaong nabuhay sa unang pagkabuhay na muli ay maghaharing kasama niya sa mga Banal.”23

Pagkaraan ng Milenyo, ang mundo ay magiging banal at selestiyal na lugar.

Habang naghahapunan, sinabi ko sa aking pamilya at mga kaibigang naroon, na kapag ang mundo ay pinabanal at naging tulad ng isang dagat ng salamin, ito ay magiging isang malaking urim at tummim, at makatitingin doon ang mga Banal at kanilang makikita ang gaya ng pagkakakita sa kanila.”24

“Ang mundong ito ay ibabalik sa harapan ng Diyos at puputungan ng kaluwalhatiang selestiyal.”25

“Pagkaraan ng maikling panahon [ng huling paghihimagsik ni Satanas] at nararanasan na ng mundo ang huling pagbabago at napaluwalhati, sa gayon ay mamanahin ng lahat ng maamo ang lupa, kung saan nananahan ang mabubuti.”26

Itinuro ng Propeta ang sumusunod noong Abril 2, 1843, na itinala kalaunan sa Doktrina at mga Tipan 130:9: “Ang mundong ito, sa kanyang pinabanal at walang-kamatayang kalagayan, ay gagawing parang kristal at magiging isang Urim at Tummim sa mga naninirahan doon, kung saan lahat ng bagay na nauukol sa isang nakabababang kaharian, o lahat ng kahariang mas mababa ang kaayusan, ay ipakikita sa mga naninirahan doon; at ang mundong ito ay mapupunta kay Cristo.”27

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito sa pag-aaral ninyo ng kabanata o paghahandang magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xiv.

  • Basahin ang dalawang huling buong dalawang talata sa pahina 290, at pansinin ang paghahanda ng mga high priest na matanggap ang paghahayag na nasa bahagi 88 na ngayon ng Doktrina at mga Tipan. Isipin kung paano ninyo ipamumuhay ang salaysay na ito sa inyong pagsisikap na maunawaan ang mga propesiya tungkol sa Ikalawang Pagparito.

  • Basahin ang mga propesiya ni Propetang Joseph Smith tungkol sa mga panahong mapanganib bago pumarito ang Panginoon (mga pahina 291–94). Paano tayo mananatiling payapa kahit sa panahon ng ganitong mga pagsubok? Sa inyong palagay, bakit kailangan nating malaman at maunawaan ang mga palatandaan ng Ikalawang Pagparito? Anong mga palatandaan ng Ikalawang Pagparito ang natutupad o natupad na?

  • Basahin ang unang buong talata sa pahina 294 at ang ikaapat na talata sa pahina 296. Ano ang iminumungkahi ng mga katagang “gaya ng magnanakaw sa gabi” tungkol sa pagparito ng Panginoon? Sa inyong palagay bakit hindi maaabutan ng araw ng Panginoon ang mga anak ng liwanag gaya ng magnanakaw sa gabi?

  • Paano tayo makapaghahanda sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas? (Para sa ilang halimbawa, tingnan ang mga pahina 295–98.) Isipin kung ano ang madarama ninyo kapag nakita ninyo ang Tagapagligtas kung handa kayo sa Kanyang pagparito. Sa paghahanda natin sa Ikalawang Pagparito, paano natin maiiwasang matakot o mabahala?

  • Repasuhin ang mga propesiya ni Joseph Smith tungkol sa Milenyo (mga pahina 298–300). Ano ang naiisip at nadarama ninyo habang pinagbubulay-bulay ninyo ang panahong ito?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Mikas 4:1–7; D at T 29:9–25; 45:36–71; 88:95–98, 110–15; Joseph Smith—Mateo 1:21–55

Mga Tala

  1. History of the Church, 1:301; mula sa “History of the Church” (manuskrito), book A-1, p. 244, Church Archives, The Church of Jesus Christ of Latterday Saints, Salt Lake City, Utah.

  2. Doktrina at mga Tipan 130:13; mga tagubiling ibinigay ni Joseph Smith noong Abr. 2, 1843, sa Ramus, Illinois.

  3. Kirtland High Council, Minutes Dec. 1832–Nov. 1837, nakatala noong Dis. 27, 1832, pp. 3–4, iniulat ni Frederick G. Williams, Church Archives.

  4. History of the Church, 3:331; mula sa “Extract, from the Private Journal of Joseph Smith Jr.,” Times and Seasons, Nob. 1839, p. 9.

  5. History of the Church, 3:390; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith mga Hulyo 1839 sa Commerce, Illinois; iniulat ni Willard Richards.

  6. History of the Church, 3:291; ginawang makabago ang pagbabantas; mula sa isang liham ni Joseph Smith at ng iba pa kay Edward Partridge at sa Simbahan, Mar. 20, 1839, Liberty Jail, Liberty, Missouri.

  7. Liham nina Joseph Smith at John Whitmer sa mga Banal sa Colesville, New York, Ago. 20, 1830, Harmony, Pennsylvania; sa Autobiography and Journal, ni Newel Knight, ca. 1846–47, pp. 133–36, Church Archives.

  8. History of the Church, 6:364; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Mayo 12, 1844, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Thomas Bullock.

  9. History of the Church, 3:286; mula sa isang liham ni Joseph Smith kay Presendia Huntington Buell, Mar. 15, 1839, Liberty Jail, Liberty, Missouri; mali ang pagbabaybay na “Bull” sa apelyido ni Sister Buell sa History of the Church.

  10. History of the Church, 6:254; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Mar. 10, 1844, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Wilford Woodruff; tingnan din sa apendise, pahina 655, aytem 3.

  11. History of the Church, 5:337; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Abr. 6, 1843, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Willard Richards.

  12. History of the Church, 4:11; ginawang makabago ang pagbabantas; mula sa mga tagubiling ibinigay ni Joseph Smith noong Set. 29, 1839, sa Commerce, Illinois; iniulat ni James Mulholland.

  13. History of the Church, 5:336–37; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Abr. 6, 1843, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Willard Richards.

  14. History of the Church, 6:254; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Mar. 10, 1844, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Wilford Woodruff.

  15. History of the Church, 5:291; mula sa isang liham ni Joseph Smith sa editor ng Times and Seasons, Peb. 28, 1843, Nauvoo, Illinois, inilathala sa Times and Seasons, Mar. 1, 1843, p. 113.

  16. History of the Church, 1:442; mula sa isang liham ni Joseph Smith kay Moses Nickerson, Nob. 19, 1833, Kirtland, Ohio.

  17. History of the Church, 5:65; mula sa “The Government of God,” isang editoryal na inilathala sa Times and Seasons, Hulyo 15, 1842, p. 857; si Joseph Smith ang editor ng pahayagan.

  18. History of the Church, 6:93; mula sa pag-apela ni Joseph Smith sa estado ng Vermont, Nob. 29, 1843, Nauvoo, Illinois, inilathala bilang General Joseph Smith’s Appeal to the Green Mountain Boys (1843), p. 7.

  19. Liham mula kay Joseph Smith at ng iba pa kay Hezekiah Peck, Ago. 31, 1835, Kirtland, Ohio; sa “The Book of John Whitmer,” p. 80, Community of Christ Archives, Independence, Missouri; kopya ng “The Book of John Whitmer” sa Church Archives.

  20. Liham nina Joseph Smith at John Whitmer sa mga Banal sa Colesville, New York, Dis. 2, 1830, Fayette, New York; sa Autobiography and Journal, ni Newel Knight, ca. 1846–47, pp. 198–206, Church Archives.

  21. Mga Saligan ng Pananampalataya 1:10.

  22. History of the Church, 5:61, 63–65; ginawang makabago ang pagbabantas; mula sa “The Government of God,” isang editoryal na inilathala sa Times and Seasons, Hulyo 15, 1842, pp. 855–57; si Joseph Smith ang editor ng pahayagan.

  23. Binanggit ni William P. McIntire, sa pag-uulat tungkol sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong mga unang buwan ng 1841 sa Nauvoo, Illinois; William Patterson McIntire, Notebook 1840–45, Church Archives.

  24. History of the Church, 5:279; mula sa isang journal entry ni Joseph Smith, Peb. 18, 1843, Nauvoo, Illinois.

  25. Binanggit ni William Clayton, sa pag-uulat tungkol sa isang talumpating walang petsa na ibinigay ni Joseph Smith sa Nauvoo, Illinois; sa L. John Nuttall, “Extracts from William Clayton’s Private Book,” p. 8, Journals of L. John Nuttall, 1857–1904, L. Tom Perry Special Collections, Brigham Young University, Provo, Utah; kopya sa Church Archives.

  26. Binanggit ni William P. McIntire, sa pag-uulat tungkol sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong mga unang buwan ng 1841 sa Nauvoo, Illinois; William Patterson McIntire, Notebook 1840–45, Church Archives.

  27. Doktrina at mga Tipan 130:9; mga tagubiling ibinigay ni Joseph Smith noong Abr. 2, 1843, sa Ramus, Illinois.

Newel K. Whitney store

Isang silid sa itaas ng muling itinayong tindahan ni Newel K. Whitney. Mahigit isang taong nanirahan sina Joseph at Emma Smith sa tindahang ito, at nakatanggap ang Propeta ng maraming paghahayag dito, kabilang na ang mga paghahayag tungkol sa pagparito ng Panginoon.

lamb and lion

“Mabilis na darating ang panahon na matutupad na ang pagpapanumbalik ng lahat ng bagay…. At ito ay mangyayari na ang leon ay mahihigang kasama ng tupa.”