Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 14: Mga Salita ng Pag-asa at Kaaliwan sa Oras ng Kamatayan


Kabanata 14

Mga Salita ng Pag-asa at Kaaliwan sa Oras ng Kamatayan

“Ano ang makaaaliw sa atin patungkol sa mga patay? May dahilan tayo para magkaroon ng napakalaking pag-asa at kaaliwan para sa ating mga patay kaysa sinumang tao sa mundo.”

Mula sa Buhay ni Joseph Smith

Ang pangungulila sa pagkamatay ng mga mahal sa buhay ay paulit-ulit na naranasan ni Propetang Joseph Smith. Noong Hunyo 15, 1828, sa Harmony, Pennsylvania, ang unang anak nina Joseph at Emma na si Alvin ay namatay ilang sandali matapos isilang. Nang lumipat sina Joseph at Emma sa Kirtland, Ohio, mula sa New York noong Pebrero 1831, nagdadalantaong muli si Emma, sa pagkakataong ito ay sa kambal. Pagkarating nina Joseph at Emma sa Kirtland, lumipat sila sa isang dampa sa sakahan ng miyembro ng Simbahan na si Isaac Morley. Doon, noong Abril 30, isinilang sina Thadeus at Louisa, ngunit namatay din sila ilang oras matapos isilang.

Kasabay niyon, sa kalapit na bayan ng Warrensville, Ohio, namatay ang asawa ni Brother John Murdock, na si Julia, matapos magsilang ng malulusog na kambal. Sa isang pamilyang mayroon nang limang anak, nadama ni Brother Murdock na hindi na niya kaya pang arugain ang bagong silang na kambal, kaya hiniling niya kina Joseph at Emma na ampunin ang kambal. Pumayag sina Joseph at Emma, at nagpapasalamat na tinanggap sa kanilang pamilya ang kambal, na pinangalanang Joseph at Julia. Nakalulungkot na pagkaraan ng labing-isang buwan ay namatay ang sanggol na si Joseph noong Marso 1832, bunga ng pagkalantad sa malamig na hangin habang may tigdas noong panahong nilagyan ng mga mandurumog ng mainit na alkitran at balahibo ang Propeta. Sa kamatayang ito, inilibing ng nagdadalamhating mga magulang ang apat sa kanilang unang limang anak, at si Julia na lamang ang natirang buhay.

Sa labing-isang naging anak nina Joseph at Emma—siyam na tunay na anak at dalawang ampon—lima lamang ang umabot sa hustong gulang: sina Julia, isinilang noong 1831; Joseph III, isinilang noong 1832; Frederick, isinilang noong 1836; Alexander, isinilang noong 1838; at David, isinilang noong Nobyembre 1844, limang buwan pagkamatay ng kanyang ama. Ang 14-na-buwang anak nina Joseph at Emma na si Don Carlos ay namatay noong 1841, at isang anak na lalaking isinilang noong 1842 ang namatay pagkasilang.

Noong nabubuhay pa, si Joseph Smith ay namatayan din ng tatlong kapatid na napakababata. Namatay si Ephraim matapos isilang noong 1810. Ang Kuya Alvin ni Joseph ay namatay noong 1823 sa edad na 25, at ang nakababata niyang kapatid na si Don Carlos ay namatay noong 1841, sa edad din na 25.

Muling nawalan ng mahal sa buhay ang Propeta nang ang kanyang ama, na pinagkukunan nila ng payo at lakas, ay namatay sa Nauvoo, Illinois, noong 1840. Nang maramdaman ni Amang Smith na malapit na siyang mamatay, tinawag niya sa kanyang tabi ang kanyang pamilya. Kinausap niya ang kanyang asawa at sinabing, “Kapag tinitingnan ko ang aking mga anak at naiisip na kahit pinalaki sila upang gawin ang gawain ng Panginoon, kailangan pa rin nilang dumanas ng problema at hirap habang nabubuhay sila sa mundo, masakit sa loob ko at natatakot akong iwan kayo na naliligiran ng mga kaaway.”1

Pagkatapos ay isa-isa niyang kinausap ang kanyang mga anak, at binigyan sila ng huling basbas. Ayon sa itinala ng ina ng Propeta, sinambit ni Amang Smith ang nakaaaliw na mga salitang ito kay Propetang Joseph:

“ ‘Joseph, anak ko, ikaw ay tinawag sa mataas at banal na tungkulin. Tinawag kang gawin maging ang gawain ng Panginoon. Manatili kang tapat at ikaw ay pagpapalain, pati na ang iyong mga anak. Ikaw ay mabubuhay pa upang tapusin ang iyong gawain.’

“Napahagulgol si Joseph nang marinig ito, ‘Oh, Ama ko, totoo po ba?’ ‘Oo,’ sabi ng kanyang ama, ‘ikaw ay mabubuhay upang gawin ang plano ng lahat ng gawaing ibinigay sa iyo ng Diyos. Ito ang basbas na iniiwan ko sa iyong ulunan sa pangalan ni Jesus bago ako mamatay.’ ”2

Dahil sa mahihirap na karanasang ito mula sa sarili niyang buhay at sa kanyang inspiradong pag-unawa sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, naibigay ni Propetang Joseph Smith ang lubos na kailangang pag-aalo sa maraming Banal na nagdadalamhati.

Mga Turo ni Joseph Smith

Kapag namatayan tayo ng pinakamamahal na mga kapamilya o kaibigan, lubos tayong naaaliw sa kaalaman na makikita natin silang muli sa kabilang buhay.

Nagsalita ang Propeta sa isang kumperensya ng Simbahan sa Nauvoo noong Abril 7, 1844. Binanggit niya ang tungkol sa kanyang kaibigang si King Follett, na kamamatay lamang: “Pinakamamahal kong mga Banal: Hinihingi ko ang atensyon ng kongregasyong ito habang nagsasalita ako sa inyo tungkol sa mga patay. Ang pagkamatay ng pinakamamahal nating kapatid na si Elder King Follett, na nabagsakan ng isang baldeng bato sa isang balon, ang higit na nakahikayat sa akin na talakayin ang paksang ito. Pinagsalita ako ng kanyang mga kaibigan at kamaganak, ngunit yamang marami sa kongregasyong ito na nakatira sa lungsod na ito o sa iba pang lugar, ang namatayan ng mga kaibigan, naisip kong magsalita sa lahat tungkol sa paksang ito, at ibigay sa inyo ang aking mga ideya, hanggang sa abot ng aking makakaya, at binibigyang-inspirasyon ako ng Espiritu Santo na talakayin ang paksang ito. Hangad ko ang inyong mga dalangin at pananampalataya na patnubayan ako ng Diyos na Maykapal at magkaroon ako ng kaloob na Espiritu Santo, upang mailahad ko ang mga bagay na totoo at madali ninyong maunawaan, at ang patotoong ito nawa ay kumumbinsi sa inyong puso’t isipan tungkol sa katotohanan ng aking sasabihin. …

“… Alam kong totoo ang aking patotoo, kaya nga sinasabi ko sa mga nagdadalamhating ito, ano ang nawala sa kanila? Nahiwalay lamang ang kanilang mga kamag-anak at kaibigan sa kanilang katawan sa maikling panahon: ang kanilang espiritu na nabuhay sa piling ng Diyos ay nilisan ang katawang-lupa sa maikling panahon lamang, wika nga; at ngayon ay nasa isang lugar kung saan nag-uusap-usap sila katulad ng ginagawa natin dito sa lupa. …

“… Ano ang makaaaliw sa atin patungkol sa mga patay? May dahilan tayo para magkaroon ng napakalaking pag-asa at kaaliwan para sa ating mga patay kaysa sinumang tao sa mundo; sapagkat nakita natin na namuhay sila nang marapat sa ating piling, at nakita silang humimlay sa mga bisig ni Jesus. …

“Kayong mga nagdadalamhati ay may dahilan para magalak sa pagkamatay ni Elder King Follett; sapagkat ang iyong asawa at inyong ama ay pumanaw upang hintayin ang pagkabuhay na mag-uli ng mga patay—hanggang sa ganap siyang maging sakdal; sapagkat sa pagkabuhay na mag-uli ay babangon ang inyong kaibigan sa ganap na kaligayahan at magtutungo sa selestiyal na kaluwalhatian. …

Binigyan ako ng karapatang sabihin, sa pamamagitan ng awtoridad ng Espiritu Santo, na wala kayong dahilan para matakot; sapagkat siya ay umuwi na sa tahanan ng mga matwid. Huwag kayong magdalamhati, huwag manangis. Alam ko ito dahil pinatotohanan ito ng Espiritu Santo sa aking kalooban; at maaari ninyong hintayin ang paglabas ng inyong mga kaibigan upang salubungin kayo sa pagsisimula ng selestiyal na daigdig. …

“Mayroon akong ama, mga kapatid, mga anak, at mga kaibigan na nagtungo na sa daigdig ng mga espiritu. Sandali lamang silang mawawala. Sila ay nasa espiritu, at hindi magtatagal at magkikita kaming muli. Hindi magtatagal at tutunog ang pakakak. Pagkamatay natin, makikita natin ang ating mga ina, ama, kaibigan, at lahat ng ating minamahal, na nangatutulog kay Jesus. Wala na tayong katatakutang mga mandurumog, paguusig, o maling paghahabla at pandarakip; kundi ito ay magiging isang walang hanggang kaligayahan.”3

Namatay si Elder Lorenzo D. Barnes habang naglilingkod bilang misyonero sa England. Binanggit ng Propeta ang kanyang pagpanaw sa isang pulong na idinaos sa hindi pa tapos na Nauvoo Temple: “Sasabihin ko sa inyo kung ano ang gusto ko. Kung bukas ay pahimlayin na ako sa libingan, sa umaga ng pagkabuhay na mag-uli ay gusto kong makahawak-kamay ang aking ama, at maibulalas, ‘Ama ko,’ at sasabihin niya, ‘Anak ko, anak ko,’ sa sandaling mabuksan ang libingan at bago kami lumabas ng aming puntod.

“At maaari ba nating isipin ang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli sa gayong paraan? Oo, kung matututuhan natin kung paano mabuhay at kung paano mamatay. Kapag nakahiga tayo pinag-iisipan natin kung paano tayo babangon sa umaga; at nakatutuwang magkatabi sa higaan ang magkaibigan, na nabibigkis sa bisig ng pagmamahal, na matulog at magising na magkayakap at muling magkausap.

“Magtataka ba kayo kung isasalaysay ko ang nakita ko sa pangitain tungkol sa nakalulugod na paksang ito? Yaong mga namatay na nananalig kay Jesucristo ay makaaasang makapasok sa buong kaganapan ng kagalakang iyon kapag sila’y lumabas mula sa libingan, na kanilang tinaglay o inasam dito.

Napakalinaw ng pangitain, at tunay na nakakita ako ng mga tao bago sila bumangon mula sa mga libingan, na tila ba dahan-dahan silang tumatayo. Hinawakan nila ang kamay ng bawat isa at nagwika sa isa’t-isa, [‘Itay, anak ko, Inay, kapatid ko].’ At kapag tumawag ang tinig para bumangon ang mga patay, halimbawang katabi kong nakahimlay ang aking ama, ano ang lubos kong ikagagalak? Ang makita ang aking ama, aking ina, aking kapatid; at kapag nakatabi ko sila, yayakapin ko sila at yayakapin din nila ako. …

“Mas masakit sa akin na isipin ang pagkalipol kaysa kamatayan. Kung hindi ko aasahang makitang muli ang aking ama, ina, mga kapatid, at kaibigan; dagling sasabog ang puso ko, at tutungo sa pook ng aking kapahingahan. Ang pag-asa na makikita ko ang aking mga kaibigan sa umaga ng pagkabuhay na mag-uli ay nagpapalugod sa aking kaluluwa at nagbibigay sa akin ng tapang na harapin ang mga kasamaan ng buhay. Parang mahaba nila itong paglalakbay, at sa kanilang pagbabalik ay sasalubungin natin sila nang may ibayong kagalakan. …

“Aaluin ko si Marcellus Bates [isang miyembro ng Simbahan na namatayan ng asawa]. Hindi magtatagal at makakasama mo rin ang iyong asawa sa daigdig ng kaluwalhatian, at sinasabi ko rin ito sa mga kaibigan ni Brother Barnes at sa lahat ng Banal na nagdadalamhati. Isa itong tinig ng babala para sa ating lahat na maging seryoso at masigasig at isantabi ang pagsasaya, banidad at walang kabuluhang mga bagay, at maging handang mamatay kinabukasan.”4

Ang mga magulang na namatayan ng mga anak ay makakasamang muli ang mga ito sa pagkabuhay na mag-uli katulad noong sila ay ilibing.

Sa libing ng dalawang-taong-gulang na si Marian Lyon, sinabi ng Propeta: “Muling ipinarinig sa atin ang tinig ng babala, na nagpapamalas na walang katiyakan ang buhay ng tao; at sa mga sandali ng aking pamamahinga napagnilay-nilay ko ang bagay na ito at naitanong ko, bakit kinukuha sa atin ang mga sanggol, mga batang walang malay, lalo na yaong tila napakatatalino at nakatutuwa. Ang pinakamatitinding dahilang pumasok sa isip ko ay ito: Napakasama ng mundong ito; at ito ay … nagiging mas masama pa at tiwali. … Maraming taong kinukuha ang Panginoon, kahit mga sanggol pa lamang, upang matakasan nila ang inggit ng mga tao, at ang kalungkutan at kasamaan ng daigdig ngayon; napakadalisay nila, napakaganda, para mamuhay sa mundo; samakatwid, kung tutuusin, sa halip na magdalamhati ay may dahilan tayong magalak dahil naligtas sila sa kasamaan, at hindi magtatagal at maaangkin natin silang muli. …

“… Ang tanging pagkakaiba ng pagkamatay ng matanda at ng bata ay, mas matagal ang buhay sa langit at ang walang hanggang liwanag at kaluwalhatian ng isa kaysa sa isa, at mas maagang napalaya ang bata sa malungkot at masamang daigdig na ito. Sa kabila ng lahat ng kaluwalhatiang ito, panandalian natin itong nalilimutan, at nagdadalamhati tayo sa kawalan, ngunit hindi tayo nagdadalamhati na tulad ng mga yaong walang pag-asa.” 5

“Maaaring maitanong ito—‘Maaangkin ba ng mga ina ang kanilang mga anak sa kawalang-hanggan?’ Oo! Oo! Mga ina, maaangkin ninyo ang inyong mga anak; sapagkat sila ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan, sapagkat nabayaran na ang kanilang utang.”6

Ang mga bata … ay dapat bumangon na tulad noong sila ay mamatay; doon ay makakasama natin ang magaganda nating sanggol sa gayon ding kaluwalhatian—gayon ding kagandahan sa kaluwalhatiang selestiyal.”7

Iniulat ni Pangulong Joseph F. Smith, ikaanim na Pangulo ng Simbahan: “Itinuro ni Joseph Smith ang doktrina na ang isang sanggol na namatay ay babangon sa pagkabuhay na mag-uli bilang isang bata; at, habang itinuturo [ang ina ng isang walang buhay na bata], ay nagsabi sa kanya: ‘Magkakaroon ka ng kagalakan, ng pagkaaliw, ng kasiyahan sa [pag-aaruga] sa batang ito, pagkatapos ng pagkabuhay na mag-uli, hanggang sa marating nito ang kabuuan ng katayuan ng kanyang espiritu.’…

“Noong 1854, nakipagkita ako sa aking tiyahin [si Agnes Smith], ang asawa ng tiyuhin kong si Don Carlos Smith, na ina ng batang babaeng iyon [si Sophronia] na tinutukoy ni Propetang Joseph Smith, nang sabihin niya sa ina na mararanasan niya ang kagalakan, aliw, at kasiyahang palakihin ang batang iyon, matapos itong mabuhay na mag-uli, hanggang sa marating nito ang kabuuan ng katayuan ng kanyang espiritu; at na mas malaking galak iyon kaysa mararanasan niya sa mortalidad, dahil magiging malaya siya sa kalungkutan at takot at kapansanan ng mortalidad, at mas marami siyang malalaman doon kaysa sa buhay na ito. Nakita ko ang biyudang iyon, ang ina ng batang iyon, at ikinuwento niya sa akin ang nangyaring iyon at nagpatotoo sa akin na ito ang sinabi ni Propetang Joseph Smith nang magsalita ito sa libing ng kanyang musmos na anak.”8

Sina Mary Isabella Horne at Leonora Cannon Taylor ay kapwa namatayan ng musmos na anak. Naalala ni Sister Horne na binigyan ni Propetang Joseph Smith ang dalawang miyembrong ito ng nakaaaliw na mga salita: “Sinabi niya sa amin na mapapasaamin ang mga batang ito sa umaga ng pagkabuhay na mag-uli na katulad noong sila ay ilibing namin, sa kadalisayan at kawalang-malay, at dapat namin silang arugain at palakihin bilang kanilang mga ina. Sinabi niya na babangon ang mga batang ito sa pagkabuhay na mag-uli katulad noong sila ay ilibing, at tataglayin nila ang lahat ng karunungang kailangan para magangkin ng mga luklukan, pamunuan, at mga kapangyarihan.”9

Kahit nagdadalamhati tayo sa pagpanaw ng isang mahal natin sa buhay, makapagtitiwala tayo na “gagawin ng Diyos ng buong sanlibutan ang tama.”

Sa libing ng 24-na-taong-gulang na si Ephraim Marks, ipinahayag ng Propeta: “Napakapanglaw at nakapangingilabot ng sandaling iyon. Noon ko lamang nadama ang gayong kapanglawan; ipinaalala sa akin nito ang panganay kong kapatid na si Alvin, na namatay sa New York, at ang bunso kong kapatid na lalaki na si Don Carlos Smith, na namatay sa Nauvoo. Nahirapan akong mabuhay sa mundo at makitang kinukuha sa amin ang mga kabataang ito na sinandigan at naging aliw namin sa kanilang kasibulan. Oo, mahirap tanggapin ang mga bagay na ito. Kung minsan ay nadarama ko na mas mabuting mamatay na rin ako kung loloobin ng Diyos; ngunit alam ko na dapat tayong pumayapa at tanggapin na ito ay sa Diyos, at tanggapin ang Kanyang kalooban; tama ang lahat ng ito. Hindi magtatagal at tayong lahat ay papanaw na rin: mangyayari ito sa akin at gayundin sa inyo.”10

Noong Hunyo 6, 1832, lumiham si Joseph Smith kay Emma Smith: “Nalungkot akong marinig na namatay ang musmos na anak ni Hyrum. Palagay ko ay bahagya tayong mahahabag sa kanya, ngunit dapat nating tanggapin ang ating tadhana at sabihing “mangyari nawa ang kalooban ng Panginoon.”11

Noong Enero 20, 1840, lumiham si Joseph Smith kay Emma Smith: “Nakatanggap ako ng liham mula kay Hyrum, na nagpasaya sa puso ko dahil nalaman kong buhay ang buong pamilya ko. Subalit nagdadalamhati ang puso ko para sa mga nangamatay, ngunit hindi ako nawawalan ng pag-asa, dahil makikita at makakapiling ko silang muli. Dahil dito, makakaya nating tanggapin ang mga kagustuhan ng Diyos.”12

“Patungkol naman sa mga namatay sa Sion, nakikidalamhati tayo sa mga nagdadalamhati, ngunit tandaan na gagawin ng Diyos ng buong sanlibutan ang tama.”13

“Marami nang namatay, na nagpapalungkot sa atin, ngunit hindi natin ito maiiwasan. Kapag tinawag na tayo ng Diyos mula sa langit, kailangan nating sundin ang Kanyang mga ipinaguutos.”14

Sa libing ni James Adams, sinabi ng Propeta: “Una ko siyang nakita sa Springfield, [Illinois,] noong papunta ako ng Washington mula sa Missouri. Tinulungan niya ako kahit hindi niya ako kilala, pinatuloy sa kanyang tahanan, pinalakas ang loob ko at pinasaya ako, at inabutan ako ng pera. Pinakamatalik ko siyang kaibigan. … Nakatanggap siya ng mga paghahayag tungkol sa kanyang kamatayan, at nagtungo na sa mas mahalagang gawain. Kapag handa ang mga tao, mas makabubuti sa kanila ang humayo. Si Brother Adams ay pumanaw upang maisulong ang pangangaral ng ebanghelyo sa mga patay. Ang espiritu ng mga matwid ay itinalaga sa mas dakila at maluwalhating gawain; sa gayon ay pinagpala sila sa pagtungo nila sa daigdig ng mga espiritu.”15

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito sa pag-aaral ninyo ng kabanata o paghahandang magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xiv.

  • Ano ang inyong mga naiisip o nadarama habang binabasa ninyo ang mga salaysay sa mga pahina 199–202? Paano naimpluwensyahan ng mga karanasang ito ang paraan ng pagtuturo ni Propetang Joseph tungkol sa kamatayan at pagkabuhay na mag-uli?

  • Ang kabanatang ito ay naglalaman ng mga mensaheng ibinahagi ni Joseph Smith sa mga taong nagdalamhati sa pagpanaw ng mga mahal nila sa buhay (mga pahina 202–8). Sa mga mensaheng ito, naghandog ng “pag-asa at kaaliwan” ang Propeta sa pagtuturo ng mga doktrina ng ebanghelyo at pagpapakita sa kanyang mga tagapakinig kung paano naaangkop ang mga doktrinang ito sa kanilang buhay. Kapag naiisip ninyo ang mga mahal sa buhay na namatay o malapit nang mamatay, anong mga katotohanan ng ebanghelyo ang nagbibigay-aliw sa inyo? Bakit mahalaga sa inyo ang mga katotohanang ito?

  • Basahin ang ibinigay na payo ni Joseph Smith nang banggitin niya ang pagkamatay ni Elder Barnes, pati na ang payo niya tungkol sa “kung paano mabuhay at paano mamatay” (mga pahina 203–5). Ano ang kahulugan ng payong ito sa inyo? Isipin kung paano maaaring magbago ang buhay ninyo sa pagalaala sa kanyang payo.

  • Repasuhin ang mga salita ng Propeta sa mga magulang na namatayan ng maliliit na anak (mga pahina 205–7). Paano makapagbibigay ng pag-asa ang mga doktrinang ito sa nagdadalamhating mga magulang?

  • Pag-aralan ang payo ni Joseph Smith tungkol sa pagtanggap sa kalooban ng Diyos kapag namamatayan ng mga mahal sa buhay (mga pahina 207–8). Paano maiimpluwensyahan ng ating desisyong tanggapin ang kalooban ng Diyos ang ating damdamin? ang ating mga salita at pagkilos? Sa anong mga paraan makakatulong sa iba ang ating mga desisyon?

Kaugnay na mga banal na kasulatan: Juan 20:1–29; Mosias 16:7–8; Alma 40:11–12; Moroni 8:11–20; D at T 42:45–46

Mga Tala

  1. Joseph Smith Sr., sinipi sa “The History of Lucy Smith, Mother of the Prophet, ni Lucy Mack Smith” 1844–45 manuscript, book 18, p. 5, Church Archives, The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, Salt Lake City, Utah.

  2. Joseph Smith Sr., basbas na ibinigay kay Joseph Smith ilang sandali bago pumanaw si Joseph Smith Sr. noong Set. 14, 1840, sa Nauvoo, Illinois; sinipi sa “The History of Lucy Smith, Mother of the Prophet,” ni Lucy Mack Smith, 1845 manuscript, p. 298, Church Archives.

  3. History of the Church, 6:302–3, 310–11, 315–16; nasa orihinal ang salitang naka-bracket; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Abr. 7, 1844, sa Nauvoo, Illinois; iniulat nina Wilford Woodruff, Willard Richards, Thomas Bullock, at William Clayton; tingnan din sa apendise, pahina 655, aytem 3.

  4. History of the Church, 5:361–63; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Abr. 16, 1843, sa Nauvoo, Illinois; iniulat nina Wilford Woodruff at Willard Richards.

  5. History of the Church, 4:553–54; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Mar. 20, 1842, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Wilford Woodruff.

  6. History of the Church, 6:316; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Abr. 7, 1844, sa Nauvoo, Illinois; iniulat nina Wilford Woodruff, Willard Richards, Thomas Bullock, at William Clayton; tingnan din sa apendise, pahina 655, aytem 3.

  7. History of the Church, 6:366; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Mayo 12, 1844, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Thomas Bullock.

  8. Joseph F. Smith, “Status of Children in the Resurrection,” Improvement Era, Mayo 1918, p. 571.

  9. Mary Isabella Horne, sinipi sa History of the Church, 4:556, talababa; mula sa pahayag na ibinigay niya noong Nob. 19, 1896, sa Salt Lake City, Utah.

  10. History of the Church, 4:587; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Abr. 9, 1842, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Wilford Woodruff.

  11. Mula sa isang liham ni Joseph Smith kay Emma Smith, Hunyo 6, 1832, Greenville, Indiana; Chicago Historical Society, Chicago, Illinois.

  12. Mula sa isang liham ni Joseph Smith kay Emma Smith, Ene. 20, 1840, Chester County, Pennsylvania; Chicago Historical Society, Chicago, Illinois.

  13. History of the Church, 1:341; mula sa isang liham ni Joseph Smith sa mga kapatid sa Missouri, Abr. 21, 1833, Kirtland, Ohio.

  14. History of the Church, 4:432; mula sa isang liham ni Joseph Smith kay Smith Tuttle, Okt. 9, 1841, Nauvoo, Illinois.

  15. History of the Church, 6:51–52; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Okt. 9, 1843, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Willard Richards at ng Times and Seasons, Set. 15, 1843, p. 331; nahuli ang paglalahathala ng isyung ito ng Times and Seasons.

Larawan
Joseph and Emma with twins

Sina Joseph at Emma Smith kasama ang kambal na inampon nila pagkamatay ng sarili nilang mga anak na kambal. Nagpapasalamat na tinanggap nina Joseph at Emma sina Joseph at Julia sa kanilang pamilya, ngunit namatay ang musmos na si Joseph noong Marso 1832.

Larawan
mother with daughter

Itinuro ni Joseph Smith na ang mga bata ay “mabubuhay na muli matapos silang mamatay” at sasalubungin ng mga magulang ang kanilang mga anak na “gayon pa rin kaganda sa kaluwalhatiang selestiyal.”