Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 6: Ang Misyon ni Juan Bautista


Kabanata 6

Ang Misyon ni Juan Bautista

“Si Juan [Bautista] ay maytaglay ng Aaronic Priesthood, at isang legal na tagapangasiwa (ng ebanghelyo), at tagapagbalita tungkol kay Cristo, at naparito upang ihanda ang daan para sa kanyang pagdating.”

Mula sa Buhay ni Joseph Smith

Sa Harmony, Pennsylvania, noong taglamig ng 1828–29, patuloy na isinalin ni Joseph Smith ang Aklat ni Mormon, ngunit mabagal ang pagsulong ng gawain. Hindi lamang kinakailangang magtrabaho ni Joseph sa kanyang bukid upang buhayin ang kanyang pamilya, kundi wala rin siyang tagasulat na mag-uukol ng buong panahon para tulungan siya. Sa oras ng pangangailangang ito, nagunita niya, “Nagsumamo ako sa Panginoon na tulungan Niya akong maisagawa ang trabahong iniutos niya sa akin.”1 Nangako ang Panginoon na ibibigay Niya ang tulong na kailangan ni Joseph Smith upang maipagpatuloy ang gawain ng pagsasalin (tingnan sa D at T 5:34). Noong Abril 5, 1829, isang batang guro sa paaralan na nagngangalang Oliver Cowdery ang sumama sa kapatid ng Propeta na si Samuel sa Harmony upang makilala si Joseph. Narinig na ni Oliver ang tungkol sa mga lamina noong nasa tahanan siya ng mga magulang ng Propeta at, matapos ipagdasal ang tungkol dito, tumanggap siya ng personal na paghahayag na susulat siya para sa Propeta. Noong Abril 7, nagsimulang magsalin ang dalawang lalaki, at si Oliver ang tagasulat.

Habang nagsasalin mula sa mga lamina sina Joseph at Oliver, nabasa nila ang mga tagubilin ng Tagapagligtas sa mga Nephita hinggil sa binyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan.2 Noong Mayo 15, nagtungo sila sa isang kakahuyan malapit sa tahanan ng Propeta upang humiling sa Panginoon ng higit na pang-unawa tungkol sa mahalagang ordenansang ito. “Ang aming kaluluwa ay matamang nakatuon sa taimtim na panalangin,” paggunita ni Oliver Cowdery, “para malaman kung paano namin matatamo ang mga biyaya ng binyag at ng Banal na Espiritu, ayon sa orden ng Diyos, at taimtim naming hinanap ang karapatan ng mga ama at ang awtoridad ng banal na priesthood, at ang kapangyarihang mangasiwa sa priesthood na iyon.”3

Itinala ni Joseph Smith ang nangyari sa sagot sa kanilang dalangin: “Habang kami ay nasa gayong ayos, nananalangin at nananawagan sa Panginoon, isang sugo mula sa langit ang bumaba sa isang ulap ng liwanag, at habang nakapatong ang kanyang mga kamay sa amin, inordenan niya kami, sinasabing: Sa inyo na aking kapwa tagapaglingkod, sa pangalan ng Mesiyas, aking iginagawad ang Pagkasaserdoteng Aaron, na may hawak ng mga susi ng paglilingkod ng mga anghel, at ng ebanghelyo ng pagsisisi, at ng pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan; at ito ay hindi na muling kukunin sa mundo, hanggang sa ang mga anak na lalaki ni Levi ay mag-alay muli ng handog sa Panginoon sa kabutihan.

“Sinabi niya na ang Pagkasaserdoteng Aaron na ito ay walang kapangyarihan ng pagpapatong ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo, subalit ito’y igagawad sa amin pagkaraan nito. …

“Ang sugo na dumalaw sa amin sa pagkakataong ito at naggawad sa amin ng Pagkasaserdoteng ito, ay nagsabi na Juan ang kanyang pangalan, siya ring tinatawag na Juan Bautista sa Bagong Tipan, at na siya ay kumikilos sa ilalim ng tagubilin nina Pedro, Santiago at Juan, na may hawak ng mga susi ng Pagkasaserdoteng Melquisedec, na kung aling Pagkasaserdote, sinabi niya, ay igagawad sa amin sa takdang panahon” ( Joseph Smith—Kasaysayan 1:68–70, 72).

Ang pagparito ni Juan Bautista ay isang napakahalagang pangyayari sa buhay ni Propetang Joseph Smith at sa pagsulong ng kaharian ng Diyos sa lupa. Bagaman nakita na ni Joseph Smith ang Diyos Ama at si Jesucristo, nadalaw ng mga sugo mula sa langit, at natanggap na ang mga laminang ginto at ang kakayahang isalin ang mga ito, hindi pa siya nabibigyan ng awtoridad at kapangyarihan ng priesthood. Ngayon ay naipanumbalik na ang kapangyarihan ng Aaronic Priesthood sa lupa, at malapit nang ipanumbalik ang kapangyarihan ng Melchizedek Priesthood. Si Joseph Smith ay naging legal na tagapangasiwa sa kaharian ng Diyos.

Mga Turo ni Joseph Smith

Tinupad ni Juan Bautista ang mahahalagang misyong ihanda ang daan para sa pagdating ng Tagapagligtas at binyagan Siya.

“Dumalo ako sa [isang] pulong sa Templo [noong Enero 29, 1843]. … Sinabi ko na may dalawang bagay na itinanong sa akin tungkol sa aking mensahe noong nakaraang Sabbath, na ipinangako kong sasagutin sa publiko, at sasamantalahin ko ang pagkakataong ito.

“Ang tanong ay nagmula sa sinabi ni Jesus—‘Sa mga ipinanganak ng mga babae ay walang dakila kay sa kay Juan: gayon ma’y ang lalong maliit sa kaharian ng Dios ay lalong dakila kay sa kaniya.’ [Lucas 7:28.] Bakit itinuring si Juan na isa sa mga pinakadakilang propeta? Hindi maaaring mga himala niya ang dahilan kaya siya naging dakila. [Tingnan sa Juan 10:41.]

“Una. Ipinagkatiwala sa kanya ang banal na misyong ihanda ang daan para sa pagdating ng Panginoon. Sino pa ang pinagkatiwalaan nang gayon bago iyon o simula noon? Wala na.

“Ikalawa. Ipinagkatiwala sa kanya ang mahalagang misyon, at kinailangan sa kanyang mga kamay, na binyagan ang Anak ng Tao. Sino pa ang binigyan ng karangalang gawin iyon? Sino pa ang nagkaroon ng gayon kadakilang pribilehiyo at kaluwalhatian? Sino pa ang naglubog sa Anak ng Diyos sa mga tubig ng binyag, at nagkaroon ng pribilehiyong mamasdan ang pagbaba ng Espiritu Santo sa anyong kalapati, o sa palatandaan ng kalapati, para saksihan ang ordenansang iyon? Ang patandaan ng kalapati ay pinasimulan bago pa nilikha ang mundo, isang saksi para sa Espiritu Santo, at hindi kayang mag-anyong kalapati ng diyablo. Ang Espiritu Santo ay isang personahe, at nasa anyo ng isang personahe. Hindi lamang ito makikita sa anyong kalapati, kundi gayundin sa palatandaan ng kalapati. Ang Espiritu Santo ay hindi nagiging kalapati; ngunit ang palatandaan ng kalapati ay ibinigay kay Juan upang ipahiwatig ang katotohanan ng isinagawa, sapagkat ang kalapati ay isang simbolo o tanda ng katotohanan at kawalangmalay.

“Ikatlo. Si Juan, noong panahong iyon, ang tanging legal na tagapangasiwa sa mga gawain ng kaharian na nasa lupa noon, at mayhawak ng mga susi ng kapangyarihan. Kinailangang sundin ng mga Judio ang kanyang mga tagubilin o mapapahamak sila, ayon sa sarili nilang batas; at tinupad ni Cristo Mismo ang lahat ng kabutihan sa pagiging masunurin sa batas na ibinigay Niya kay Moises sa bundok, at sa gayon ay isinagawa ito at iginalang, sa halip na sirain ito. Kinuha ng anak ni Zacarias ang mga susi, ang kaharian, ang kapangyarihan, ang kaluwalhatian mula sa mga Judio, sa pamamagitan ng banal na pagpapahid ng langis at utos ng langit, at ang tatlong ito ang dahilan kaya siya naging pinakadakilang propetang ipinanganak ng isang babae.

“Ikalawang tanong:—Paano naging higit na dakila kaysa sa kanya ang pinakamaliit sa kaharian ng langit? [Tingnan sa Lucas 7:28.]

“Bilang tugon itinanong ko—Sino ang binanggit ni Jesus na pinakamaliit? Si Jesus ay itinuring na may pinakamaliit na karapatan sa kaharian ng Diyos, at [mukhang] pinakahuli sa nararapat nilang paniwalaan bilang propeta; para bang sinabi Niyang— ‘Siya na itinuturing na pinakamaliit sa inyo ang pinakadakila kaysa kay Juan—ibig sabihin ay Ako mismo.’ ”4

Kailangang magkaroon ng mga legal na tagapangasiwa sa kaharian ng Diyos.

“Sabi ng ilan ang kaharian daw ng Diyos ay hindi itinatag sa lupa hanggang sa araw ng Pentecostes, at hindi ipinangaral ni Juan [Bautista] ang binyag ng pagsisisi para sa kapatawaran ng mga kasalanan; pero sinasabi ko, sa ngalan ng Panginoon, na ang kaharian ng Diyos ay itinatag sa lupa mula pa noong panahon ni Adan hanggang sa ngayon. Tuwing may matwid na tao sa lupa na paghahayagan ng Diyos ng Kanyang salita at pagbibigyan ng kapangyarihan at awtoridad na mangasiwa sa Kanyang pangalan, at saanman may isang saserdote ng Diyos—isang lingkod na may kapangyarihan at awtoridad mula sa Diyos na mangasiwa sa mga ordenansa ng ebanghelyo at mamuno sa priesthood ng Diyos, naroon ang kaharian ng Diyos; at, bunga ng pagtanggi sa Ebanghelyo ni Jesucristo at sa mga Propetang isinugo ng Diyos, napasa mga tao, lungsod, at bansa na ang paghatol ng Diyos, sa iba’t ibang panahon ng mundo, na siyang nangyari sa mga lungsod ng Sodom at Gomorra, na winasak dahil hindi nila tinanggap ang mga Propeta. …

“Hinggil sa Ebanghelyo at binyag na ipinangaral ni Juan, masasabi ko na ipinangaral ni Juan ang Ebanghelyo para sa kapatawaran ng mga kasalanan; may awtoridad siya mula sa Diyos, at nasa kanya ang mga orakulo ng Diyos, at tila kay Juan lamang pansamantalang ipinamahala ang kaharian ng Diyos. Ipinangako ng Panginoon kay Zacarias na magkakaroon siya ng isang anak na lalaki na inapo ni Aaron, dahil nangako ang Panginoon na magpapatuloy ang priesthood kay Aaron at sa kanyang binhi sa lahat ng kanilang henerasyon. Walang sinumang dapat umangkin sa karangalang ito, maliban kung tawagin siya ng Diyos, na tulad ni Aaron [tingnan sa Mga Hebreo 5:4]; at natanggap ni Aaron ang kanyang tungkulin sa pamamagitan ng paghahayag. …

“Ngunit, sabi ng isang tao, ang kaharian ng Diyos ay hindi maaaring itatag sa panahon ni Juan, sapagkat sinabi ni Juan na ang kaharian ay malapit na. Ngunit itatanong ko kung mas malapit ba ang panahong ito sa kanila kaysa mapasakamay ito ni Juan. Hindi kailangang hintayin ng mga tao ang panahon ng Pentecostes upang matagpuan ang kaharian ng Diyos, sapagkat nasa mga kamay na ito ni Juan, at lumabas siya mula sa ilang na nagsasabi, ‘Mangagsisi kayo; sapagka’t malapit na ang kaharian ng langit’ [Mateo 3:2], na para bang sinasabing, ‘Mula sa ilang nakamtan ko ang kaharian ng Diyos at paririyan ako sa inyo; nasa akin ang kaharian ng Diyos, at maaari itong mapasainyo, at paririyan ako sa inyo; at kung hindi ninyo ito tatanggapin, kayo ay isusumpa;’ at makikita sa mga banal na kasulatan na nagpabinyag ang buong Jerusalem kay Juan [tingnan sa Mateo 3:5–6]. May legal na tagapangasiwa, at yaong mga nabinyagan ay nagpailalim sa isang hari; at naroon din ang mga batas at orakulo ng Diyos; samakatwid naroon ang kaharian ng Diyos; sapagkat walang sinumang may mas mainam na awtoridad na mangasiwa kaysa kay Juan; at nagpailalim ang ating Tagapagligtas Mismo sa awtoridad na iyon, sa pagpapabinyag kay Juan; samakatwid ang kaharian ng Diyos ay itinatag sa lupa, maging sa panahon ni Juan. …

“… Dumating si Cristo ayon sa mga salita ni Juan [tingnan sa Marcos 1:7], at higit Siyang dakila kaysa kay Juan, dahil hawak Niya ang mga susi ng Melchizedek Priesthood at kaharian ng Diyos, at inihayag na Niya noon ang priesthood ni Moises, subalit nagpabinyag pa rin si Cristo kay Juan upang isakatuparan ang buong katuwiran [tingnan sa Mateo 3:15]….

“… Sabi ni [Jesus], ‘Maliban na ang tao’y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, ay hindi siya makapapasok sa kaharian ng Dios;’ at, ‘ang langit at ang lupa ay lilipas, datapuwa’t ang aking mga salita ay hindi lilipas.’ [Juan 3:5; Mateo 24:35.] Kung ang isang tao ay ipanganak ng tubig at ng Espiritu, makapapasok siya sa kaharian ng Diyos. Malinaw na ang kaharian ng Diyos ay nasa lupa noon, at inihanda ni Juan ang mga tao para sa kaharian, sa pamamagitan ng pangangaral ng Ebanghelyo at pagbibinyag sa kanila, at inihanda niya ang daan para sa pagdating ng Tagapagligtas, o pumarito siya bilang tagapagbalita, at inihanda ang mga tao para sa pangangaral ni Cristo; at nangaral si Cristo sa buong Jerusalem sa lugar kung saan nangaral si Juan. … Ipinangaral ni Juan … ang mismong Ebanghelyo at binyag na ipinangaral ni Jesus at ng mga apostol na sumunod sa kanya. …

“Kailanman at maaaring malaman ng mga tao ang kalooban ng Diyos at saanman sila makakita ng isang legal na tagapangasiwang binigyan ng awtoridad ng Diyos, naroon ang kaharian ng Diyos; ngunit kung wala ang mga ito, wala roon ang kaharian ng Diyos. Lahat ng ordenansa, sistema, at administrasyon sa lupa ay walang kabuluhan sa mga anak ng tao, maliban kung sila ay inorden at binigyan ng awtoridad ng Diyos; sapagkat walang makapagliligtas sa tao kundi ang legal na tagapangasiwa; sapagkat walang ibang kikilalanin ang Diyos o mga anghel.”5

“Si Juan [Bautista] ay maytaglay ng Aaronic Priesthood, at isang legal na tagapangasiwa (ng ebanghelyo), at tagapagbalita tungkol kay Cristo, at pumarito upang ihanda ang daan para sa kanyang pagdating. … Si Juan ay isang saserdote ayon sa orden ni Aaron bago dumating si Cristo. …

“Ang mga susi ng Aaronic Priesthood ay ipinagkatiwala sa kanya, at siya ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang, na nagsasabi, ‘Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon, tuwirin ninyo ang kaniyang mga landas.’ [Mateo 3:3.] …

“Sinabi ng Tagapagligtas kay Juan, kailangan kong magpabinyag sa iyo. Bakit ganoon? Upang matupad ang aking mga utos [tingnan sa Mateo 3:15]. … Walang legal na tagapangasiwa si Jesus [maliban kay] Juan.

“Walang kaligtasan sa pagitan ng dalawang takip ng Biblia kung walang legal na tagapangasiwa.”6

Ang isang taong may diwa ni Elias ay may gagawing paghahanda na iniatas sa kanya ng Panginoon.

“Diwa ni Elias ang nais ko munang banggitin; at upang masimulan ang paksa, babanggitin ko ang ilang patotoo mula sa Banal na Kasulatan at ibibigay ko ang sa akin.

“Una sa lahat, sapat nang sabihing nagtungo ako sa kakahuyan upang tanungin ang Panginoon, sa pamamagitan ng panalangin, ang Kanyang kalooban sa akin, at nakita ko ang isang anghel [si Juan Bautista], at ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa aking ulunan, at inorden ako bilang Priest ayon sa orden ni Aaron, at taglay ang mga susi ng Priesthood na ito, na katungkulang mangaral ng pagsisisi at binyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan, at magbinyag din. Ngunit ipinaalam sa akin na hindi kasama sa katungkulang ito ang pagpapatong ng mga kamay para ipagkaloob ang Espiritu Santo; na ang katungkulang iyon ay isang higit na dakilang gawain, at ipagkakaloob kalaunan; ngunit ang aking ordenasyon ay isang gawain ng paghahanda, o nauuna, na siyang diwa ni Elias; sapagkat ang diwa ni Elias ay isang pag-una upang ihanda ang daan para sa higit na dakila, na siyang nangyari kay Juan Bautista. Pumarito siya na sumisigaw sa ilang, ‘Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon, tuwirin ninyo ang kaniyang mga landas.’ [Mateo 3:3.] At ipinaalam sa kanila, kung tatanggapin nila ito, na ito ang diwa ni Elias [tingnan sa Mateo 11:14]; at tiniyak ni Juan na ipaalam sa mga tao, na hindi siya ang Liwanag na iyon, kundi isinugo upang sumaksi sa Liwanag na iyon [tingnan sa Juan 1:8].

“Sinabi niya sa mga tao na ang kanyang misyon ay mangaral ng pagsisisi at magbinyag sa tubig; ngunit Siya na kasunod niyang darating ang magbibinyag sa apoy at Espiritu Santo [tingnan sa Mateo 3:11].

“Kung siya ay nagpapanggap lamang, baka ginawa na niya ang gawaing wala siyang awtoridad na gawin, at nagsagawa ng mga ordenansang hindi kasama sa katungkulan at tungkuling iyon, sa ilalim ng diwa ni Elias.

“Ang diwa ni Elias ay ihanda ang daan para sa higit na dakilang paghahayag ng Diyos, na [ang diwa ni Elias] siyang Priesthood ni Elias, o ang Priesthood kung saan naorden si Aaron. At kapag nagsusugo ang Diyos ng isang tao sa mundo upang maghanda para sa higit na dakilang gawain, taglay ang mga susi ng kapangyarihan ni Elias, tinawag iyon noon na doktrina ni Elias, maging mula sa mga unang panahon ng daigdig.

“Ang misyon ni Juan ay limitado sa pangangaral at pagbibinyag; ngunit ang ginawa niya ay legal; at nang lumapit si Jesucristo sa sinuman sa mga disipulo ni Juan, bininyagan Niya sila sa apoy at Espiritu Santo. … Hindi lumampas si Juan sa kanyang awtoridad, bagkus ay tapat niyang ginampanan ang bahaging nabibilang sa kanyang katungkulan; at bawat bahagi ng Simbahan ay dapat ihanda nang tama at ilagay sa wastong lugar; at kailangang malaman kung sino ang mayhawak ng mga susi ng kapangyarihan, at sino ang hindi, o malamang na tayo ay malinlang.

“Ang taong mayhawak ng mga susi ni Elias ay may tungkulin sa paghahanda. … Ang diwa ni Elias ay inihayag sa akin, at alam kong ito ay totoo; samakatwid buong tapang akong nagsasalita, sapagkat natitiyak kong totoo ang aking doktrina.”7

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito sa pag-aaral ninyo ng kabanata o paghahandang magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xiv.

  • Basahin ang mga salaysay tungkol sa pagkakaloob ni Juan Bautista ng Aaronic Priesthood kina Joseph Smith at Oliver Cowdery (mga pahina 91–94). Ano ang epekto ng kaganapang ito kina Joseph at Oliver? Ano ang epekto ng kaganapang ito sa inyong buhay?

  • Basahin ang unang buong talata sa pahina 93, na binibigyangpansin na tinawag ni Juan Bautista sina Joseph at Oliver na kanyang “kapwa tagapaglingkod.” Sa anong mga paraan makakatulong ang mga katagang ito sa mga maytaglay ng priesthood? Sa anong mga paraan makakaimpluwensya ang mga katagang ito sa pakikisalamuha natin sa mga kabataang lalaking maytaglay ng Aaronic Priesthood?

  • Repasuhin ang bahagi ng kabanata na nagsisimula sa pahina 94. Ano ang mga naiisip at nadarama ninyo tungkol kay Juan Bautista at sa misyong ginampanan niya noong nabubuhay pa siya?

  • Itinuro ni Propetang Joseph na si Juan Bautista ay isang “legal na tagapangasiwa” (mga pahina 95–98). Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng mga katagang “legal na tagapangasiwa” ayon sa kaugnayan nito sa priesthood? Bakit “walang kaligtasan … kung walang legal na tagapangasiwa”? (pahina 98).

  • Habang binabasa ninyo ang huling bahagi ng kabanata (mga pahina 99–100), repasuhin din ang kahulugan ng katagang “Elias” na nasa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, pahina 57). Ano ang diwa ni Elias? Paano inihanda ni Juan Bautista ang daan para sa pagdating ng Tagapagligtas?

  • Sinabi ni Joseph Smith na ang pagkakaloob ng Aaronic Priesthood ay “gawain ng paghahanda” dahil inihahanda nito ang daan para sa isang higit na dakilang bagay (pahina 99). Ano ang magagawa ng mga maytaglay ng Aaronic Priesthood upang makapaghanda sa pagtanggap ng Melchizedek Priesthood? Ano ang magagawa ng mga magulang, lolo at lola, guro, at lider upang matulungan silang makapaghanda?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Mateo 3:1–17; 1 Nephi 10:7–10; Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 3:43–46

Mga Tala

  1. Joseph Smith, History 1832, p. 6; Letter Book 1, 1829–35, Joseph Smith, Collection, Church Archives, The Church of Jesus Christ of Latterday Saints, Salt Lake City, Utah.

  2. Oliver Cowdery, sinipi sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:71, talababa; mula sa isang liham ni Oliver Cowdery kay William W. Phelps, Set. 7, 1834, Norton, Ohio, inilathala sa Messenger and Advocate, Okt. 1834, p. 15.

  3. and Advocate, Okt. 1834, p. 15. 3. Oliver Cowdery, pahayag na itinala noong Set. 1835 sa “The Book of Patriarchal Blessings, 1834,” pp. 8–9; Patriarchal Blessings, 1833–2005, Church Archives.

  4. History of the Church, 5:260–61; nasa orihinal ang salitang nakabracket sa huling talata; ginawang makabago ang pagpapalaki ng mga letra; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Ene. 29, 1843, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Willard Richards at ng isang dikilalang tagapagbalita ng Boston Bee. Ang liham sa Boston Bee ay isinulat noong Mar. 24, 1843, sa Nauvoo, Illinois, at inilathala sa Times and Seasons, Mayo 15, 1843, p. 200. Tingnan din sa apendise, pahina 655, aytem 3.

  5. History of the Church, 5:256–59; ginawang makabago ang pagbabaybay at pagbabantas; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Ene. 22, 1843, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Wilford Woodruff.

  6. Talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Hulyo 23, 1843, sa Nauvoo, Illinois; Joseph Smith, Collection, Addresses, Hulyo 23, 1843, Church Archives.

  7. History of the Church, 6:249–51; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Mar. 10, 1844, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Wilford Woodruff.

Joseph and Oliver receiving Aaronic priesthood

Ipinanumbalik ni Juan Bautista ang Aaronic Priesthood kina Joseph Smith at Oliver Cowdery noong Mayo 15, 1829, na nagsasabing, “Sa inyo na aking kapwa tagapaglingkod, sa pangalan ng Mesiyas, aking iginagawad ang Pagkasaserdoteng Aaron.”

John the Baptist baptizing Christ

Nagtungo ang Tagapagligtas kay Juan Bautista upang mabinyagan dahil si Juan ay “maytaglay ng Aaronic Priesthood, at isang legal na tagapangasiwa (ng ebanghelyo).”