Kabanata 20
Isang Pusong Puspos ng Pagmamahal at Pananampalataya: Mga Liham ng Propeta sa Kanyang Pamilya
“Tandaan mo na ako ay tunay at tapat na kaibigan mo at ng ating mga anak magpakailanman. Ang puso ko ay nakabigkis sa iyo magpakailanman at magpasawalanghanggan. Ah, nawa’y pagpalain kayong lahat ng Diyos.”
Mula sa Buhay ni Joseph Smith
Sa kanyang tungkulin bilang propeta, kinailangang maglakbay si Joseph Smith sa maraming lugar para tugunan ang mga pangangailangan ng isang organisasyong mabilis na lumalaki. Matapos niyang tukuyin ang Independence, Missouri, bilang lugar na pagtatayuan ng Sion noong tag-init ng 1831, mabilis na lumaki ang Simbahan doon, habang patuloy na lumalaki ito sa Kirtland, Ohio. Mula 1831 hanggang 1838, nagkaroon ng dalawang sentro ng populasyon ang Simbahan, isa sa Missouri at isa pa sa Kirtland, kung saan nakatira ang Propeta. Sa panahong ito, limang beses ginawa ng Propeta ang mahirap na 900-milyang paglalakbay patungong Missouri upang pamahalaan ang pagunlad ng Simbahan doon.
Noong 1833 at muli noong 1837, dinalaw ni Joseph Smith ang Upper Canada, nagturo ng ebanghelyo at pinalakas ang mga branch. Noong 1834 at 1835, naglakbay siya patungong Michigan para bisitahin ang mga miyembro ng Simbahan. Sa loob ng maraming taon, ipinangaral niya ang ebanghelyo at pinangasiwaan ang mga gawain sa Simbahan sa Springfield, Illinois; Boston at Salem, Massachusetts; Monmouth County, New Jersey; New York City at Albany, New York; Cincinnati, Ohio; Philadelphia, Pennsylvania; Washington, D.C.; at sa iba’t iba pang lugar.
Madalas mapalayo ang Propeta sa kanyang tahanan at pamilya dahil sa mga paglalakbay, tulad ng mga pag-uusig na paulit-ulit niyang hinarap. Ilang beses siyang hinuli at ikinulong nang walang dahilan, at naging biktima siya ng napakaraming kasong walang batayan. Halimbawa, noong Hulyo 27, 1837, nilisan ng Propeta at ng iba pang mga lider ng Simbahan ang Kirtland para bisitahin ang mga Banal sa Canada. Pagdating nila sa Painesville, Ohio, sila ay “pinigil nang buong araw dahil sa masama at nakagagalit na mga paratang.” Yamang hindi sila malayo sa Kirtland, sinimulan nilang umuwi para makapagpahinga at muling maglakbay kinabukasan. “Magtatakip-silim na akong lumulan sa aking karwahe para umuwi sa Kirtland,” pagsulat ng Propeta. “Sa sandaling ito biglang nilundag ng sheriff ang karwahe, sinunggaban ang rendang hawak ko, at inabutan ako ng isa pang papeles ng demanda.”1
Matinding pagsubok sa Propeta at sa kanyang pamilya ang maraming ulit na pagkawala niya sa tahanan. Ang mga liham niya kay Emma ay naghahayag ng kalungkutang naranasan niya at pananabik niya rito at sa kanyang mga anak. Patuloy niyang isinulat ang malaking pagmamahal niya sa kanyang pamilya at pananampalataya niya sa Diyos. Pinapanatag din niya ang kanyang pamilya, na nagpapahayag ng magandang mangyayari sa hinaharap sa kabila ng mga paghihirap na dinanas nila.
Noong Abril 1, 1832, nilisan ng Propeta ang kanilang tahanan para sa ikalawa niyang paglalakbay patungong Missouri, isang linggo lamang pagkaraang buhusan siya ng alkitran at mga balahibo ng mga mandurumog at dalawang araw lamang pagkaraang mamatay ang kanyang ampon na batang lalaki. Tiyak na mabigat ang puso niya sa kalungkutan at pag-aalala sa kanyang asawang si Emma at sa kanyang nag-iisang buhay na anak na si Julia. Habang papauwi siya noong sumunod na buwan, na sabik na muling makapiling ang kanyang pamilya, ilang linggo siyang naantala sa Greenville, Indiana. Lubhang napinsala ang binti ni Bishop Newel K. Whitney, isa sa mga kasama ng Propeta sa paglalakbay, sa isang aksidente sa karwahe at kinailangan nitong magpagaling bago makapaglakbay. Sa panahong ito, nalason ang Propeta sa di malamang dahilan, na nagpasuka sa kanya nang husto kaya nalinsad ang kanyang panga. Nagpunta siya kay Bishop Whitney, na, bagaman nakaratay pa, ay nagbigay ng basbas ng priesthood kay Joseph. Agad gumaling ang Propeta.
Di nagtagal pagkaraan nito, isinulat ng Propeta ang liham na ito sa kanyang asawa: “Dumating dito si Brother Martin [Harris] at ipinaabot ang magandang balita na nasa mabuting kalagayan ang aming mga pamilya pag-alis niya riyan, na lubhang nagpasaya sa aming puso at nagpasigla sa aming espiritu. Nagpapasalamat kami sa ating Ama sa Langit sa kanyang kabutihan sa amin at sa inyong lahat. … Hindi maganda ang sitwasyon ko, ngunit pipilitin kong mapanatag, tinutulungan ako ng Panginoon. … Gusto kong makita ang munti kong si Julia at muli siyang makandong at makausap ka. … Tapat ako sa iyo bilang asawa. Pagpalain ka ng Panginoon, kapayapaan ay sumaiyo, kaya paalam hanggang sa aking pagbabalik.”2
Mga Turo ni Joseph Smith
Ipinagdarasal, inaaliw, at pinalalakas ng mga miyembro ng pamilya ang isa’t isa.
Kay Emma Smith noong Oktubre 13, 1832, mula sa New York City, New York: “Sa araw na ito naglakad ako sa pinakamagandang bahagi ng lungsod ng New York. Ang mga gusali ay talagang malalaki at magaganda, at namamangha ang bawat makakita. … Matapos masdan ang lahat ng gusto kong makita, nagbalik ako sa aking silid upang magbulay-bulay at payapain ang aking isipan; at masdan, parang bahang dumaloy sa aking isipan ang aking pamilya, sina Emma at Julia, at sandali kong pinangarap na makapiling sila. Ang dibdib ko ay puspos ng lahat ng damdamin at pagmamahal ng isang magulang at asawa, at kung makakapiling ka lamang sana marami akong sasabihin sa iyo. …
“Nadama ko na parang may gusto akong sabihin sa iyo para aliwin ka sa iyong kakaibang pagsubok at kasalukuyang paghihirap [buntis si Emma sa panahong iyon]. Sana ay bigyan ka ng lakas ng Diyos upang hindi ka manghina. Dalangin ko na palambutin ng Diyos ang puso ng mga nakapaligid sa iyo upang maging mabait sila sa iyo at alisin ang pasanin sa iyong balikat hangga’t maaari at huwag kang pahirapan. Nahahabag ako sa iyo, dahil alam ko ang iyong kalagayan at hindi iyon alam ng iba, ngunit mapanatag sa pagkaalam na ang Diyos ay kaibigan mo sa langit at ikaw ay may nag-iisang tunay at buhay na kaibigan sa mundo, ang iyong asawa.”3
Kay Emma Smith noong Nobyembre 12, 1838, mula sa Richmond, Missouri, kung saan siya nakabilanggo: “Natanggap ko ang iyong liham, na paulit-ulit kong binabasa; mahalaga ito sa akin. O Diyos, loobin ninyo na magkaroon ako ng pribilehiyong makitang muli ang mahal kong pamilya na natatamasa ang tamis ng kalayaan at pagsasamahan. Ang mayapos sila sa aking dibdib at mahagkan ang magaganda nilang pisngi ay magpupuspos ng hindi masambit na pasasalamat sa aking puso. Sabihin mo sa mga bata na ako ay buhay at magtiwala na darating ako at di maglalaon ay makikita ko sila. Aliwin mo ang kanilang puso, at pilitin mong aliwin ang iyong sarili sa abot na iyong makakaya. …
“P.S. Sumulat ka nang madalas hangga’t maaari, at kung maaari pumunta ka rito at dalawin ako, at isama mo ang mga bata kung maaari. Kumilos ka ayon sa nadarama mo at kung ano ang makabubuti, at pilitin mong mapanatag, kung maaari, at tiwala ako na mabuti ang kahihinatnan ng lahat.”4
Kay Emma Smith noong Abril 4, 1839, mula sa bilangguan sa Liberty, Missouri: “Mahal kong Emma, patuloy ko kayong naiisip ng mga bata. … Gusto kong makita ang mga musmos na sina Frederick, Joseph, Julia, at Alexander, si Johanna [isang ulilang nakatira sa mga Smith], at ang matanda nang si Major [alagang aso ng pamilya]. At ikaw, kung nais mong malaman kung gaano ko kagustong makita ka, suriin mo ang iyong damdamin, kung gaano mo kagustong makita ako, at ikaw ang magpasiya. Ikalulugod kong maglakad mula rito papunta sa iyo nang nakayapak at walang sombrero at hindi nakabihis makita ka lamang at malaking kasiyahan ito sa akin, at hindi ko iisipin kailanman na mahirap gawin iyon. … Tinitiis ko nang may katatagan ang lahat ng kaapihan ko; gayundin ang mga kasamahan ko. Wala pang sumusuko sa amin.”5
Kay Emma Smith noong Enero 20, 1840, mula sa Chester County, Pennsylvania: “Sabik na sabik akong makita kayong muli sa mundong ito. Parang napakahabang panahon na akong pinagkaitan na makasama ka, subalit sa tulong ng Panginoon, hindi na ito magtatagal. … Palagi akong nag-aalala at laging magkakagayon hanggang makauwi ako. Dalangin ko sa Diyos na iligtas kayong lahat hanggang makauwi ako. Mahal kong Emma, mahal na mahal ko kayo ng ating mga anak. Gusto kong maalala mo ako. Sabihin mo sa mga bata na mahal ko sila at uuwi ako kaagad. Sumasaiyo sa bigkis ng pagmamahal, ang iyong asawa.”6
Ang responsibilidad na turuan ang ating mga anak ay nananatili sa atin.
Kay Emma Smith noong Nobyembre 12, 1838, mula sa Richmond, Missouri, kung saan siya nakabilanggo: “Sabihin mo sa batang si Joseph na dapat siyang magpakabait; mahal na mahal siya ni Itay. Siya ang panganay at hindi niya dapat saktan ang mas maliliit sa kanya, bagkus ay aliwin mo sila. Sabihin mo sa munting si Frederick na mahal na mahal siya ni Itay; nakakatuwang bata iyan. Magandang bata si Julia. Mahal ko rin siya. Marami siyang potensyal. Sabihin mo sa kanya na gusto ni Itay na alalahanin niya ang kanyang ama at magpakabait siya. Sabihin mo sa iba pa na iniisip ko sila at ipinagdarasal silang lahat. … Lagi kong naaalala ang munting si Alexander. O mapagmahal kong Emma, nais kong tandaan mo na ako ay tunay at tapat na kaibigan mo at ng ating mga anak magpakailanman. Ang puso ko ay nakabigkis sa iyo magpakailanman at magpasawalanghanggan. Ah, nawa’y pagpalain kayong lahat ng Diyos, amen. Ako ang iyong asawa at ako ay nakakadena at naghihirap.”7
Kay Emma Smith noong Abril 4, 1839, mula sa bilangguan sa Liberty, Missouri: “Huwag mong hayaang malimutan ako ng ating mga anak. Sabihin mo sa kanila na mahal na mahal sila ni Itay, at ginagawa niya ang lahat para makatakas sa mga mandurumog at mapuntahan sila. Turuan mo [ang mga bata] sa abot ng iyong makakaya, nang sila ay maging matatalino. Maging magiliw at mabait sa kanila; huwag kang madaling magalit sa kanila, kundi pakinggan mo kung ano ang gusto nila. Sabihin mo sa kanila na sinabi ni Itay na dapat silang magpakabait at sumunod sa kanilang ina. Mahal kong Emma, malaki ang responsibilidad mo sa pananatiling marangal at mahinahon sa kanilang harapan at pagtuturo sa kanila ng mga bagay na tama, para mahubog ang kanilang bata at murang isipan nang makapagsimula sila sa tamang landas at hindi maimpluwensyahan sa kanilang kabataan sa nakikitang mga halimbawang hindi makadiyos.”8
Kay Emma Smith noong Nobyembre 9, 1839, mula sa Springfield, Illinois: “Palagi akong mag-aalala sa inyo ng ating mga anak hanggang sa makabalita ako mula sa iyo, at sa kakaibang paraan ay mula sa batang si Frederick. Napakasakit sa akin ang iwanan siyang may sakit. Umaasa ako na babantayan mo ang mga batang musmos na ito sa paraang angkop sa isang ina at isang banal at sikapin mong hutukin ang kanilang isipan at [turuan] silang magbasa at maging mahinahon. Huwag mo silang ilantad sa lamig ng panahon at baka sila magkasakit, at sikapin mong magpahinga nang husto. Matagal at malungkot ang mapawalay sa tabi mo. … Magtiis ka sana hanggang makabalik ako, at gawin mo ang lahat ng iyong makakaya. Hindi ko maisulat ang nais kong sabihin ngunit paniwalaan mo sana na mahal na mahal ko kayong lahat.”9
Ang Diyos ay kaibigan natin, at mapagkakatiwalaan natin Siya sa mga panahon ng ating paghihirap.
Kay Emma Smith noong Hunyo 6, 1832, mula sa Greenville, Indiana: “Halos araw-araw kong binisita ang isang kakahuyang nasa likod-bayan lamang, kung saan ako makakukubli sa mga mata ng sinumang tao at doon ko ibinulalas ang lahat ng nilalaman ng aking puso sa pagbubulay-bulay at panalangin. Binakas ko ang lahat ng nagdaan sa buhay ko at mag-isang nagdalamhati at lumuha sa kalungkutan dahil sa aking kalokohan na lubos akong nagpadaig sa kapangyarihan ng kaaway ng aking kaluluwa tulad ng ginawa niya sa nagdaang mga panahon. Subalit ang Diyos ay maawain at pinatawad ang aking mga kasalanan, at nagagalak ako na ipinadala niya ang Mang-aaliw sa lahat ng naniniwala at nagpapakumbaba sa kanyang harapan.…
“Sisikapin kong maging kuntento sa aking kapalaran, dahil nalalaman ko na ang Diyos ay kaibigan ko. Sa kanya makasusumpong ako ng kaginhawaan. Nasa mga kamay na niya ang aking buhay. Handa akong lumisan kapag ako ay kanyang tinawag. Hangad kong makapiling si Cristo. Walang halaga sa akin ang buhay ko [maliban] sa paggawa ng kanyang kagustuhan.”10
Kay Emma Smith noong Hunyo 4, 1834, mula sa mga pampang ng Ilog ng Mississippi sa kanlurang Illinois; naglalakbay si Propetang Joseph kasama ang Kampo ng Sion: “Maya’t-maya ay sumasagi sa aming isipan ang di masambit na pag-aalala sa aming mga asawa at anak—sa aming mga kamag-anak na narito sa aming puso—at gayundin sa aming mga kapatid at kaibigan. … Sabihin mo kay Amang Smith at sa buong pamilya at sa kapatid na si Oliver [Cowdery] na mapanatag at umasa sa araw na magwawakas din ang mga pagsubok at paghihirap ng buhay na ito, at [matatamasa] nating lahat ang mga bunga ng ating pagpapagal kung mananatili tayong tapat hanggang wakas, na dalangin kong nawa’y maging masayang kapalaran nating lahat.”11
Kay Emma Smith noong Nobyembre 4, 1838, mula sa Independence, Missouri, kung saan siya nakabilanggo: “Pinakamamahal kong kabiyak ng dibdib sa oras ng pighati at paghihirap, gusto kong ipaalam sa iyo na nasa mabuti akong kalagayan at lahat kami ay masaya sa kahihinatnan namin. … Labis akong nag-aalala sa iyo at sa mababait kong anak. Nagdadalamhati ang puso ko at naaawa ako sa mga kalalakihan at kababaihan at mga pinaslang na tao ng Diyos. … Anuman ang maaaring gawin ng Diyos para sa amin ay hindi ko alam, ngunit lagi akong umaasa na maganda ang mangyayari sa lahat ng sitwasyon. Mamatay man ako, magtitiwala ako sa Diyos. Anumang mga kalupitan ang maaaring gawin ng mga mandurumog ay hindi ko alam, ngunit inaasahan ko na halos hindi namin iyon mapipigilan. O, nawa’y kaawaan kami ng Diyos. … Sa ngayon ay iniligtas ng Diyos ang ilan sa amin; marahil ay kaaawaan pa rin niya kami kahit paano. …
“Hindi ko matiyak ang kalagayan ko, at ipinagdarasal ko na lamang na maging ligtas kami hanggang sa matiyak ito at tanggapin ang anumang darating nang may pagtitiis at katatagan. Sana’y maging tapat at tunay kayo sa bawat pagtitiwala sa inyo. Hindi ako gaanong makasulat dahil sa sitwasyon ko. Pangasiwaan ninyo ang lahat ng bagay ayon sa inyong mga kalagayan at pangangailangan. Nawa’y bigyan kayo ng Diyos ng karunungan at kahinahunan at pagtitimpi, na lubos kong pinaniniwalaang [mapapasa] inyo.
“Ang musmos nating mga anak ang lagi kong naiisip. Sabihin mo sa kanila na buhay pa si Itay. Nawa’y loobin ng Diyos na makita niya silang muli. O Emma, … huwag mo akong talikdan ni ang katotohanan, kundi alalahanin ako; kung hindi na kita makitang muli sa buhay na ito, nawa’y loobin ng Diyos na magkita tayo sa langit. Hindi ko maipahayag ang aking damdamin; mabigat ang puso ko. Paalam, O mabait at mapagmahal kong Emma. Iyung-iyo ako magpakailanman, ang iyong asawa at tunay na kaibigan.”12
Kay Emma Smith noong Marso 21, 1839, mula sa bilangguan sa Liberty, Missouri: “Mahal kong Emma, alam na alam ko ang mga paghihirap mo at nahahabag ako sa iyo. Kung muling ililigtas ng Diyos ang aking buhay para magkaroon ng pribilehiyong maalagaan ka, pagagaanin ko ang iyong alalahanin at sisikapin kong aliwin ang iyong puso. Gusto kong pangalagaan mong mabuti ang ating pamilya. Naniniwala ako na gagawin mo ang lahat ng iyong makakaya. Nalulungkot akong malaman na maysakit si Frederick, ngunit tiwala ako na gagaling siya at na lahat kayo ay nasa mabuting kalagayan. Nais kong magkaroon ka ng oras at sulatan ako ng mahabang liham at ikuwento sa akin ang lahat at kung buhay pa ang aso nating si Major at kung ano ang sinasabi ng mga anak nating nakayakap sa iyong leeg. … Sabihin mo sa kanila na nakabilanggo ako para mailigtas ang kanilang buhay. …
“Pinamamahalaan ng Diyos ang lahat ng bagay ayon sa kanyang sariling kalooban. Nagtitiwala ako sa kanya. Kaligtasan ng aking kaluluwa ang pinakamahalaga sa akin sapagkat natitiyak ko ang mga bagay na walang hanggan. Hindi mahalaga sa akin kung hayaan ako ng Panginoon sa bilangguang ito. Kailangan kong pangalagaan ang aking kaluluwa, na siyang layon kong gawin. Gusto kong gawin mo rin ito. Iyung-iyo magpakailanman.”13
Kay Emma Smith noong Agosto16, 1842, malapit sa Nauvoo, Illinois; pinagtataguan ni Propetang Joseph ang kanyang mga kaaway: “Sinasamantala ko ang pagkakataong ito upang taospuso kang pasalamatan sa dalawang nakalulugod at nakaaaliw na pagdalaw mo sa akin sa kalagayan kong halos itinapon. Hindi masambit ang pasasalamat ng aking puso, para sa magiliw at taos na pakikipagkaibigang ipinakita mo sa akin sa mga bagay na ito. Lumipas na ang panahon, mula nang iwan mo ako, na siyang nararapat sa ngayon; tanggap na ng isipan ko ang aking kapalaran, mangyari na ang mangyayari. …
“Sabihin mo sa mga bata na maayos pa ang kalagayan ng kanilang ama sa ngayon; at lagi siyang taimtim na nagdarasal sa Makapangyarihang Diyos para sa kaligtasan ng kanyang sarili, at ninyo, at nila. Sabihin mo kay Inang Smith na makabubuti ito sa kanyang anak, sa buhay man o sa kamatayan; sapagkat iyon ang sabi ng Panginoong Diyos. Sabihin mo sa kanya na lagi ko siyang naaalala, gayundin si Lucy [kapatid ni Joseph], at lahat ng iba pa. Silang lahat ay dapat maging masaya. … Lubos na nagmamahal, ang mapagmahal mong asawa hanggang kamatayan, sa buong kawalang-hanggan; magpakailanman.”14
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Pag-isipan ang mga ideyang ito sa pag-aaral ninyo ng kabanata o paghahandang magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xiv.
-
Bahagyang repasuhin ang kabanatang ito, na pinapansin ang damdamin ni Joseph Smith para kay Emma at sa kanilang mga anak. Ano ang itinuturo ng halimbawa niyang ito tungkol sa kung paano tayo dapat magsalita at kumilos sa ating pamilya? Ano ang matututuhan natin sa mga pagsisikap nina Joseph at Emma Smith na magsulatan at magkita? Ano ang ilang bagay na nagawa mo para ipakita sa iyong mga kapamilya na mahal mo sila?
-
Sinabi ni Propetang Joseph kay Emma na siya ay “isang tunay at tapat na kaibigan [niya] at ng mga anak nila magpakailanman,” at pinasalamatan niya ito sa kanyang “magiliw at taos na pakikipagkaibigan” (mga pahina 281, 285). Ano ang magagawa ng mga mag-asawa para mapangalagaan ang kanilang pagkakaibigan?
-
Sa kanyang mga liham, ipinakita ni Joseph Smith ang tiwala niya kay Emma, na nagpapahayag ng tiwala na gagawa ito ng mabubuting pasiya at gagawin ang lahat ng kanyang makakaya para mapangalagaan ang pamilya (pahina 284). Paano maiimpluwensyahan ng gayong pagpapahayag ng tiwala ang relasyon ng mag-asawa?
-
Basahin ang mensahe ni Propetang Joseph sa kanyang mga anak sa ikalawang talata sa mga pahina 285–86. Paano kaya ito nakatulong sa kanyang mga anak na tanggapin ang mga balitang ito? Sa mga panahon ng pagsubok, ano ang magagawa ng mga magulang para ipakita sa kanilang mga anak na may pananampalataya sila sa Diyos?
-
Repasuhin ang mga pagpapahayag ng tiwala ni Joseph Smith sa Diyos sa mga pahina 282–86. Tukuyin ang ilan sa mga pagpapahayag na ito na lubos na nakaantig sa inyo. Paano ninyo maipamumuhay ang mga katotohanang ito?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan:Genesis 2:24; 1 Mga Taga Corinto 11:11; Mga Taga Efeso 5:25; Mosias 4:14–15; D at T 25:5, 9, 14; 68:25–28