Mga Turo ng mga Pangulo
Panimula


Panimula

Ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol ay nagpasimula ng seryeng Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan para tulungan kayong higit na maunawaan ang ipinanumbalik na ebanghelyo at lalong mapalapit sa Panginoon sa pamamagitan ng mga turo ng mga Pangulo ng Simbahan sa mga huling araw. Sa pagdaragdag ng Simbahan ng mga tomo sa seryeng ito, magkakaroon kayo ng koleksyon ng mga sangguniang aklat ng ebanghelyo sa inyong tahanan. Ang mga tomo sa seryeng ito ay dinisenyong magamit kapwa sa personal na pag-aaral at sa pagtuturo sa korum at klase.

Tampok sa aklat na ito ang mga turo ni Propetang Joseph Smith, na tinawag ng Diyos na magbukas sa dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon sa mga huling araw na ito. Sa pagitan ng kanyang pangitain tungkol sa Ama at sa Anak noong tagsibol ng 1820 at ng kanyang pagkamatay bilang martir noong Hunyo 1844, itinatag niya Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at inihayag ang kaganapan ng ebanghelyo, na hindi na muling babawiin kailanman mula sa lupa.

Personal na Pag-aaral

Sa pag-aaral ninyo ng mga turo ni Propetang Joseph Smith, hangarin ang inspirasyon ng Espiritu. Alalahanin ang pangako ni Nephi: “Siya na naghahanap nang masigasig ay makasusumpong; at ang mga hiwaga ng Diyos ay ilalahad sa kanila, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo” (1 Nephi 10:19). Simulan sa panalangin ang inyong pag-aaral, at patuloy na manalangin at magnilay-nilay sa inyong puso habang kayo ay nagbabasa.

Sa hulihan ng bawat kabanata, makikita ninyo ang mga tanong at sanggunian sa banal na kasulatan na makakatulong para maunawaan at maisagawa ninyo ang mga turo ni Joseph Smith. Repasuhin muna ang mga ito bago ninyo simulang basahin ang kabanata.

Isaalang-alang din ang sumusunod na mga mungkahi:

  • Maghanap ng mahahalagang salita at parirala. Kung may makita kayong salita na hindi ninyo maunawaan, gumamit ng diksyunaryo o iba pang sanggunian para higit na maunawaan ang ibig sabihin nito. Isulat ang inyong puna sa gilid ng pahina para maalala ninyo ang inyong natutuhan tungkol sa salitang iyon.

  • Isipin kung ano ang ibig sabihin ng mga turo ni Joseph Smith. Maaari ninyong markahan ang mga kataga at pangungusap na nagtuturo ng partikular na mga alituntunin ng ebanghelyo o aantig sa inyong puso’t isipan, o maaari ninyong isulat sa gilid ng pahina ang naiisip ninyo at nadarama.

  • Pagnilay-nilayin ang mga naging karanasan ninyo na may kinalaman sa mga turo ng Propeta.

  • Pag-isipang mabuti kung paano naaangkop sa inyo ang mga turo ni Joseph Smith. Isipin kung ano ang kaugnayan ng mga turo sa inyong mga problema o katanungan. Magpasiya kung ano ang inyong gagawin bilang resulta ng natutuhan ninyo.

Pagtuturo mula sa Aklat na Ito

Ang aklat na ito ay maaaring gamitin sa pagtuturo sa tahanan o sa simbahan. Ang sumusunod na mga mungkahi ay makakatulong sa inyo:

Pagtuunan ng Pansin ang mga Salita ni Joseph Smith at ang mga Banal na Kasulatan

Inutusan tayo ng Panginoon na “wala nang iba pang bagay [tayong ituturo] kundi ang mga isinulat ng mga propeta at apostol, at ang yaong mga itinuro sa [atin] ng Mang-aaliw sa pamamagitan ng panalangin na may pananampalataya” (D at T 52:9). Ipinahayag din Niya na “ang mga elder, saserdote, at guro ng simbahang ito ay magtuturo ng mga alituntunin ng aking ebanghelyo, na nasa Biblia at Aklat ni Mormon, na kung saan ang kabuuan ng ebanghelyo” (D at T 42:12).

Ang tungkulin ninyo ay tulungan ang iba na maunawaan ang mga turo ni Propetang Joseph Smith at ng mga banal na kasulatan. Huwag isantabi ang aklat na ito o maghanda ng mga lesson mula sa iba pang mga materyal. Ilaan ang malaking bahagi ng lesson sa pagbabasa ng mga turo ni Joseph Smith sa aklat na ito at talakayin ang kahulugan at aplikasyon ng mga ito.

Hikayatin ang mga miyembro ng klase na dalhin ang aklat na ito kapag nagsisimba upang lalo silang maging handang makilahok sa mga talakayan sa klase.

Hangarin ang Patnubay ng Espiritu Santo

Habang nagdarasal kayo para humingi ng tulong at masigasig na naghahanda, gagabayan kayo ng Espiritu Santo sa inyong mga pagsisikap. Tutulungan Niya kayong bigyang-diin ang mga bahagi ng bawat kabanata na hihikayat sa iba na unawain at ipamuhay ang ebanghelyo.

Kapag nagtuturo kayo, magdasal sa inyong puso na samahan ng kapangyarihan ng Espiritu ang inyong mga salita at ang mga talakayan sa klase. Sinabi ni Nephi, “Kapag ang isang tao ay nagsasalita sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, ang kapangyarihan ng Espiritu Santo ang nagdadala nito sa puso ng mga anak ng tao” (2 Nephi 33:1; tingnan din sa D at T 50:13–22).

Maghandang Magturo

Ang mga kabanata sa aklat na ito ay isinaayos upang tulungan kayong maghanda sa pagtuturo. Ang bahaging “Mula sa Buhay ni Joseph Smith” sa bawat kabanata ay nagbibigay ng impormasyon tungkol sa buhay ni Joseph Smith at sa kasaysayan ng Simbahan noon na maaaring gamitin sa pagpapasimula at pagtuturo ng lesson. Ang bahaging “Mga Turo ni Joseph Smith” ay nahahati sa ilang maliliit na bahagi, na may mga pamagat na nagbubuod sa mga pangunahing ideya sa kabanata. Ang mga pamagat na ito ay maaaring magsilbing balangkas na pagkukunan ninyo ng ituturo. Ang huling bahagi, “Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo,” ay naglalaan ng mga tanong at banal na kasulatang may kaugnayan sa mga turo.

Mas magiging epektibo kayo sa inyong pagtuturo kapag ginawa ninyo ang sumusunod:

  1. Pag-aralan ang kabanata. Basahin ang kabanata para magkaroon ng tiwala sa pagkaunawa ninyo sa mga turo ni Joseph Smith. Makapagtuturo kayo nang may higit na katapatan at kapangyarihan kapag kayo ay personal na naimpluwensyahan ng kanyang mga salita (tingnan sa D at T 11:21). Habang nagbabasa, isaisip ang mga pangangailangan ng mga tinuturuan ninyo. Maaari ninyong markahan ang mga doktrina at alituntunin sa kabanata na inaakala ninyong makakatulong sa kanila.

  2. Magpasiya kung aling mga bahagi ang gagamitin. Ang nilalaman ng bawat kabanata ay higit kaysa makakaya ninyong ituro sa isang lesson. Sa halip na sikaping talakayin ang buong kabanata, may panalanging piliin ang mga doktrina at alituntunin na sa inyong palagay ay makakatulong nang husto sa mga tinuturuan ninyo. Halimbawa, maaari kayong magtuon sa isa o dalawang maiikling bahagi at sa ilang katanungan na makakatulong sa mga miyembro ng klase na talakayin ang mga alituntunin sa mga bahaging napili ninyo.

  3. Magpasiya kung paano sisimulan ang lesson. Para makuha ang pansin sa simula ng lesson, maaari ninyong ibahagi ang isang personal na karanasan o ipabasa sa mga miyembro ng klase ang isang kuwento sa simula ng kabanata o tingnan ang isang larawan sa kabanata. Pagkatapos ay maaari ninyong itanong, “Ano ang itinuturo ng kuwento (o larawan) na ito tungkol sa pangunahing paksa ng kabanata?” Ang iba pang opsyon sa pagsisimula ng lesson ay magpabasa ng banal na kasulatan o isang sipi mula sa kabanata o kaya’y umawit ng himno. Mabuti ring ipaalam sa klase kung ano ang mahahalagang punto ng lesson. Maaari din ninyong ipaalala sa mga miyembro ng klase ang nakaraang lesson mula sa aklat na ito sa paghiling sa kanila na gunitain ang tinalakay na mga pangyayari, tao, alituntunin, o doktrina.

  4. Magpasiya kung paano maghihikayat ng talakayan. Dito kayo dapat mag-ukol ng mas maraming oras sa lesson dahil natututuhang mabuti ng mga miyembro ng klase ang mga doktrina at alituntunin kapag sumasali sila sa mga talakayan ukol sa mga ito. Repasuhin ang mga mungkahi kung paano mangasiwa ng nakasisiglang mga talakayan sa mga pahina xii–xiii ng aklat na ito. Maaari ninyong gamitin ang mga tanong mula sa “Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo” na nasa hulihan ng kabanata. Maaari din kayong maghanda ng sarili ninyong mga tanong gamit ang sumusunod na mga mungkahi:

    • Magtanong ng mga bagay na makakatulong sa mga miyembro ng klase na maghanap ng mga katunayan, pangyayari, doktrina, at alituntunin. Ang ganitong uri ng mga tanong ay nakakatulong para mapagtuunang mabuti ng mga miyembro ng klase ang partikular na mga katotohanang nais ninyong bigyang-diin at maging pamilyar sila sa partikular na impormasyon na nasa mga turo ng Propeta. Halimbawa, matapos tukuyin ang isang partikular na siping-banggit, maaari ninyong itanong, “Ano ang ilan sa mahahalagang salita o parirala sa siping-banggit na ito?” o “Ano ang paksa ng siping-banggit na ito?”

    • Magtanong ng mga bagay na makakatulong sa mga miyembro ng klase na mag-isip tungkol sa mga doktrina at alituntunin na itinuro ni Joseph Smith. Ang ganitong uri ng mga tanong ay nakahihikayat sa mga miyembro ng klase na suriin at ibahagi ang kanilang naiisip at nadarama tungkol sa mga turo ni Joseph Smith. Halimbawa, “Sa inyong palagay bakit mahalaga ang turong ito?” o “Ano ang naiisip o nadarama ninyo tungkol sa siping-banggit na ito?” o “Para sa inyo ano ang kahulugan ng turong ito?”

    • Magtanong ng mga bagay na hihikayat sa mga miyembro ng klase na ihambing ang natututuhan nila mula sa mga turo ng Propeta sa sarili nilang kaisipan, damdamin, at mga karanasan. Halimbawa, “Anong mga karanasan ninyo ang maiuugnay ninyo sa sinabi ni Propetang Joseph Smith?”

    • Magtanong ng mga bagay na makakatulong sa mga miyembro ng klase na ipamuhay nila mismo ang itinuturo. Natutulungan ng mga tanong na ito ang mga miyembro ng klase na mag-isip ng mga paraan kung paano nila ipamumuhay ang naaayon sa mga turo ni Joseph Smith. Halimbawa, “Ano ang hinihikayat ni Joseph Smith na gawin natin? Sa paanong paraan natin maipamumuhay ang kanyang sinabi?” Paalalahanan ang mga miyembro ng klase na hindi lamang sa mga bagay na sinasabi sila matututo, kundi gayundin sa mga tuwirang paghahayag sa kanila (tingnan sa D at T 121:26).

  5. Magpasiya kung paano tatapusin ang lesson. Maaari ninyong ibuod nang maikli ang lesson o ipagawa iyon sa isa o dalawang miyembro ng klase. Ayon sa paghihikayat ng Espiritu, magpatotoo tungkol sa mga turong tinalakay ninyo. Maaari din ninyong anyayahan ang iba na magbahagi ng kanilang patotoo. Himukin ang inyong mga tinuturuan na sundin ang mga paghihikayat na natanggap nila mula sa Espiritu Santo.

Habang naghahanda kayong magturo, maaari kayong humanap ng mga ideya sa Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin (36123 893), bahagi B, mga kabanata 14,16,28, at 29; o sa Gabay na Aklat sa Pagtuturo (34595 893).

Magsagawa ng Mabubuting Talakayan

Ang sumusunod na mga mungkahi ay makakatulong sa inyo na makahikayat at magsagawa ng mabubuting talakayan:

  • Hangarin ang patnubay ng Espiritu Santo. Maaari Niya kayong hikayating magtanong ng ilang partikular na bagay o magsama ng ilang partikular na tao sa talakayan.

  • Tulungan ang mga miyembro ng klase na magtuon ng pansin sa mga turo ni Joseph Smith. Ipabasa sa kanila ang kanyang mga salita upang makapagsimula ng talakayan at masagot ang mga tanong. Kung napapalayo na sa paksa ang talakayan o nagpapalitan na lamang sila ng kuru-kuro o nagtatalu-talo, ibahin ang usapan sa pamamagitan ng pagbanggit na muli sa isang pangyayari, doktrina, o alituntunin sa kabanata.

  • Kapag naaangkop, magbahagi ng mga karanasang may kaugnayan sa mga itinuturo sa kabanata.

  • Hikayatin ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang kanilang naiisip, magtanong, at turuan ang isa’t isa (tingnan sa D at T 88:122). Halimbawa, maaari ninyo silang hilingan na magbigay ng komentaryo tungkol sa sinabi ng iba, o maaari kayong magtanong sa ilang miyembro ng klase.

  • Huwag mag-alala kung tumahimik ang klase pagkatapos ninyong magtanong. Kadalasan ay kailangan ng panahon ng mga tinuturuan ninyo para makapag-isip o magbuklat ng kanilang mga aklat bago sila magbahagi ng mga ideya, patotoo, at karanasan.

  • Pakinggang mabuti, at sikaping unawain ang mga sinasabi ng bawat isa. Pasalamatan sila sa kanilang partisipasyon.

  • Kapag may ilang ideyang ibinabahagi ang mga miyembro ng klase, isiping ilista ang mga ideyang ito sa pisara o kaya’y ipagawa ito sa iba.

  • Humanap ng iba’t ibang paraan para maisali ang mga miyembro ng klase sa talakayan. Halimbawa, maaari ninyong ipatalakay ang mga tanong sa maliliit na grupo o sa magkatabi sa upuan.

  • Bago magsimula ay isiping kausapin nang maaga ang isa o dalawang miyembro ng klase. Papuntahin sila sa klase na handang sagutin ang isa sa mga tanong na inihanda ninyo.

  • Gamitin ang isang himno, lalo na ang himno ng Panunumbalik, para mabigyang-diin ang talakayan tungkol sa isang katotohanan ng ebanghelyo. Ang pag-awit ng himno ay mabisang paraan din ng pagsisimula o pagtatapos ng isang lesson.

  • Huwag tapusin ang magandang talakayan dahil lamang sa gusto ninyong talakayin ang lahat ng bagay na inihanda ninyo. Ang mahalaga ay nadarama ng mga miyembro ng klase ang impluwensya ng Espiritu at lalong tumitibay ang kanilang pangakong ipamuhay ang ebanghelyo.

Mga Turo para sa Ating Panahon

Ang aklat na ito ay tungkol sa mga turo ni Propetang Joseph Smith na akma sa ating panahon. Halimbawa, hindi tinatalakay ng aklat na ito ang mga paksang tulad ng mga turo ng Propeta tungkol sa batas ng paglalaan na nauukol sa pangangasiwa ng ariarian. Binawi ng Panginoon ang batas na ito mula sa Simbahan dahil hindi pa handa ang mga Banal na ipamuhay ito (tingnan sa ulo ng D at T 119). Hindi rin tinatalakay ng aklat na ito ang pagaasawa ng mahigit sa isa. Ang mga doktrina at alituntuning may kaugnayan sa pag-aasawa ng mahigit sa isa ay inihayag kay Joseph Smith noong 1831. Itinuro ng Propeta ang doktrina ng pagaasawa ng mahigit sa isa, at may ilang nagsagawa ng gayong uri ng pag-aasawa noong panahon niya. Nang sumunod na ilang dekada, sa ilalim ng pamamahala ng mga Pangulo ng Simbahan na humalili kay Joseph Smith, maraming miyembro ng Simbahan ang nag-asawa ng mahigit sa isa. Noong 1890, ipinalabas ni Pangulong Wilford Woodruff ang Manipesto, na nagpatigil sa pagaasawa ng mahigit sa isa sa Simbahan (tingnan sa Opisyal na Pahayag 1). Hindi na itinuturo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang pag-aasawa ng mahigit sa isa.

Impormasyon tungkol sa mga Sangguniang Binanggit sa Aklat na Ito

Ang mga turo ni Propetang Joseph Smith na itinanghal sa aklat na ito ay hango sa ilang kategorya ng mga sangguniang materyal: ang mga sermon ng Propeta, mga lathalaing inihanda para sa paglalathala ng Propeta o sa ilalim ng kanyang patnubay, ang mga liham at journal ng Propeta, naitalang mga alaala ng mga taong nakarinig sa pagsasalita ng Propeta, at ilan sa mga turo at isinulat ng Propeta na kalaunan ay isinama sa mga banal na kasulatan. Marami sa mga turo ni Joseph Smith ang sinipi mula sa History of the Church. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa mga sangguniang ito, tingnan ang apendise.

Ilang di nailathalang sanggunian ang sinipi sa aklat na ito. Pinagpare-pareho ang pagbabaybay, pagbabantas, pagpapalaki ng mga letra, at gramatika kung saan kailangan para mas madali itong basahin. Isiningit o binago rin ang pagkakahati ng mga talata para mas madali itong basahin. Kung hinango ang mga siping-banggit sa mga nakalathalang sangguniang materyal, sinipi ang mga pinagkunan nang walang binabago, maiban kung iba ang nakasaad. Lahat ng materyal na naka-bracket ay idinagdag ng mga editor ng aklat na ito, maliban kung iba ang nakasaad.

Joseph Smith
signature

“Si Joseph Smith, ang Propeta at Tagakita ng Panginoon, ay nakagawa nang higit pa, maliban lamang kay Jesus, para sa kaligtasan ng mga tao sa daigdig na ito, kaysa sa sinumang tao na kailanman ay nabuhay rito. … Siya ay nabuhay na dakila, at siya ay namatay na dakila sa paningin ng Diyos at ng kanyang mga tao” (D at T 135:3).