Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 12: Magpahayag ng Mabubuting Balita sa Buong Mundo


Kabanata 12

Magpahayag ng Mabubuting Balita sa Buong Mundo

“Ang mga kaluluwa ay mahalaga sa paningin ng Diyos noon pa man; at ang mga Elder [ay] … dapat hikayatin at anyayahan ang lahat ng tao sa lahat ng dako na magsisi, upang sila ay maging mga tagapagmana ng kaligtasan.”

Mula sa Buhay ni Joseph Smith

Matapos maitatag ang Simbahan noong Abril 6,1830, patuloy na ipinahayag ni Joseph Smith ang mabubuting balita ng ebanghelyo. Sa buong buwan ng Abril, naglakbay siya sa Colesville, New York, para bisitahin ang kaibigan niyang si Joseph Knight Sr., na naging interesado sa ebanghelyo kasama ang pamilya. Nagdaos ng mga pulong sa komunidad ang Propeta, at “marami ang nagsimulang magdasal nang taimtim sa Makapangyarihang Diyos, na bigyan Niya sila ng karunungang maunawaan ang katotohanan.”1 Pagkaraan ng mga dalawang buwan, sa ikalawang pagbisita sa Colesville, natuklasan ng Propeta na nais nang magpabinyag ng ilang taong nakarinig na ng ebanghelyo. Para sa mga bagong nagbalik-loob na ito, kinailangan ng pananampalataya at tapang na tanggapin ang ebanghelyo, tulad ng itinala ng Propeta:

“Nagtalaga kami ng pulong para sa araw ng Sabbath, at noong kinahapunan ng Sabado nagtayo kami ng saplad [dam] patawid ng isang sapa, na malapit lamang, upang doon isagawa ang ordenansa ng binyag; ngunit kinagabihan nagtipon ang mga mandurumog at tinibag ang saplad, kaya hindi kami nakapagbinyag sa araw ng Sabbath. … Pagsapit ng Lunes maaga pa’y kumilos na kami, at bago pa namalayan ng aming mga kaaway ang aming ginagawa, nakumpuni na namin ang saplad, at nabinyagan ni Oliver Cowdery ang labintatlong tao, sina: Emma Smith, Hezekiah Peck at maybahay; Joseph Knight, Sen., at maybahay; William Stringham at maybahay; Joseph Knight, Jun.; Aaron Culver at maybahay; Levi [Hall]; Polly Knight; at Julia Stringham.”2

Noong taglagas na iyon, inihayag ng Panginoon kay Joseph Smith na sina Oliver Cowdery, Peter Whitmer Jr., Parley P. Pratt, at Ziba Peterson ay kailangang “magtungo sa mga Lamanita at mangaral ng aking ebanghelyo sa kanila” (D at T 28:8; 30:5–6; 32:1–3). Naglakbay ng mga 2,400 kilometro ang mga misyonerong ito, habang nangangaral nang kaunti sa iba’t ibang tribo ng mga Indian, kabilang na ang Seneca sa New York, ang Wyandot sa Ohio, at ang Delaware at Shawnee sa teritoryo ng India. Gayunman, ang pinakamalaking tagumpay ng mga misyonero ay nangyari nang tumigil sila sa pook ng Kirtland, Ohio. Doon ay nakapagbinyag sila ng mga 130 tao, na karamihan ay mga miyembro ng Reformed Baptist ni Sidney Rigdon, kaya nabuksan ang lugar na pagtitipunan ng daan-daang miyembro ng Simbahan nang sumunod na taon. Nakapagbinyag din ang mga misyonero ng ilang naninirahan sa Jackson County, Missouri, kung saan itatatag kalaunan ang lungsod ng Sion.

Nangangaral man siya sa mga nakapaligid sa kanya o nagpapadala ng mga misyonero sa iba’t ibang panig ng mundo, mahal ni Propetang Joseph Smith ang gawaing misyonero. Itinala ni Elder Parley P. Pratt ang sumusunod na karanasan niya noong 1839: “Habang bumibisita kami ni Brother Joseph sa Philadelphia, [Pennsylvania,] isang napakalaking simbahan ang binuksan para makapangaral siya, at mga tatlong libong tao ang nagtipon para makinig sa kanya. Unang nagsalita si Brother Rigdon, at tinalakay ang Ebanghelyo, na ipinaliliwanag ang kanyang doktrina sa pamamagitan ng Biblia. Pagkatapos niya, tumindig si Brother Joseph na parang leong handang umungol; at dahil puspos ng Espiritu Santo, makapangyarihan siyang nagsalita, na pinatototohanan ang mga pangitaing kanyang nakita, ang paglilingkod ng mga anghel na naranasan niya; at kung paano niya natagpuan ang mga lamina ng Aklat ni Mormon, at isinalin ito sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos. Nagsimula siya sa pagsasabing: ‘Kung wala nang ibang maglalakas-loob na magpatotoo sa maluwalhating mensahe mula sa Langit, at sa pagkatagpo sa maluwalhating talaan, naisip kong ako na lamang ang gagawa nito para sa mga tao , at bahala na ang Diyos kung tatanggapin ninyo ito.’

“Namangha ang buong kongregasyon; nag-alab ang damdamin, at napuspos sa nadamang katotohanan at kapangyarihan ng kanyang pananalita, at sa mga hiwagang kanyang isinalaysay. Hindi nila malimutan ang kanilang naranasan; maraming kaluluwang natipon sa kawan. At pinatototohanan ko, na dahil sa kanyang tapat at malakas na patotoo, napalis niya ang kanilang dugo sa kanyang kasuotan. Maraming taong nabinyagan sa Philadelphia at mga rehiyon sa paligid.”3

Mga Turo ni Joseph Smith

Dahil nasa espirituwal na kadiliman ang mundo, kailangan tayong maging masigasig sa pangangaral ng ebanghelyo.

Noong 1834, ipinadala ni Joseph Smith at ng iba pang mga elder ng Simbahan sa Kirtland ang sumusunod na liham sa mga miyembro sa ibang mga lugar: “Bagaman madalas kaming makipag-ugnayan sa inyo, naniniwala kami na tatanggapin ninyo ito bilang mga kapatid; at mula sa amin na mga kapatid ninyong hindi karapat-dapat, tulutan ninyong hikayatin namin ang inyong mga puso, habang nakikita ninyo ang lawak ng kapangyarihan at impluwensya ng prinsipe ng kadiliman, at tantuhin kung gaano karaming tao ang mamamatay nang hindi naririnig kailanman ang masayang himig ng Ebanghelyo ng ating Panginoong Jesucristo.

“Pag-isipan sandali, mga kapatid, ang katuparan ng mga salita ng propeta; sapagkat nakikita namin na nalulukuban ng kadiliman ang mundo at ng lubos na kadiliman ang mga isipan ng mga naninirahan dito [tingnan sa Isaias 60:2], na dumarami ang lahat ng uri ng krimen sa mga tao; nalululong sila sa masasamang bisyo; nakikita namin ang bagong henerasyon na lumalaking mapagmalaki at mayayabang; ang matatandang nawawalan ng paniniwala, at tila unti-unting nalilimutan na darating ang araw ng paghuhukom; ang kawalan ng pagpipigil sa sarili, imoralidad, kabulagsakan, kapalaluan, kabulagan ng puso, pagsamba sa diyus-diyusan, kawalan ng likas na pagmamahal, kamunduhan, at pagwawalang-bahala sa mga bagay na walang hanggan na nagiibayo sa mga nagkukunwaring naniniwala na may langit, at dahil dito ay laganap ang kawalan ng paniniwala; mga taong gumagawa ng mga bagay na ubod ng sama at kaimbihan, lapastangan, mapanlinlang, mapanira ng reputasyon ng kapwa, magnanakaw, mamamatay-tao, kunsintidor ng kamalian at sumasalungat sa katotohanan, tumatalikod sa tipan ng langit, at nagtatatwa sa pananampalataya kay Jesus—at sa gitna ng lahat ng ito, papalapit na ang araw ng Panginoon kung kailan wala ni isa maliban sa yaong mga nakadamit para sa kasalan ang tutulutang kumain at uminom sa harapan ng Kasintahang Lalaki, ang Prinsipe ng Kapayapaan!

“Sa paghanga sa katotohanan ng mga bagay na ito, ano kaya ang nadarama ng mga nakibahagi sa kaloob na ito ng langit at nakatikim ng mabuting salita ng Diyos at ng mga kapangyarihan ng mundong darating? [Tingnan sa Mga Hebreo 6:4–5.] Sino pa kundi yaong mga nakakakita ng mapanganib na katayuan ng sangkatauhan sa henerasyong ito, ang makagagawa sa ubasan ng Panginoon nang hindi nararamdaman ang nakalulunos na kalagayan ng daigdig? Sino pa kundi yaong mga angkop na pinagisipan ang pagpapakaaba ng Ama ng ating mga espiritu sa paglalaan ng sakripisyo para sa Kanyang mga nilikha—isang plano ng pagtubos, isang kapangyarihan ng pagbabayad-sala, isang plano ng kaligtasan, na ang mga dakilang layunin ay ibalik ang mga tao sa piling ng Hari ng langit, putungan sila sa kaluwalhatiang selestiyal, at gawin silang mga tagapagmana kasama ng Anak sa pamanang iyon na hindi masisira, walang bahid-dungis, at hindi kumukupas [tingnan sa I Ni Pedro 1:4]—sino pa kundi yaong mga makatatanto ng kahalagahan ng sakdal na pag-uugali sa harap ng lahat ng tao, at masigasig sa pagtawag sa lahat ng tao na makibahagi sa mga pagpapalang ito? Di-maipaliwanag ang kaluwalhatian ng mga bagay na ito sa sangkatauhan! Tunay ngang maituturing ang mga ito na mabubuting balita ng malaking kagalakan sa lahat ng tao; at mga balita ring nararapat pumuno sa mundo at magpasaya sa puso ng bawat taong makaririnig nito.”4

“Bago pa man matapos magbabala ang mga tagapaglingkod ng Diyos sa lahat ng bansa ng mga Gentil, magsisimula nang lipulin ng mapangwasak na anghel ang mga naninirahan sa daigdig, at tulad ng sabi ng propeta, ‘magiging kakila-kilabot na marinig ang balita.’ [Tingnan sa Isaias 28:19.] Ganito akong magsalita dahil naaawa ako sa aking kapwa; ginagawa ko ito sa pangalan ng Panginoon, dahil naantig ako ng Banal na Espiritu. Ah, kung masasagip ko lamang sila sa pagdurusa, na nakikita kong kinasasadlakan nila, dahil sa kanilang mga kasalanan; sana ay magawa kong balaan sila, upang ako ay maging kasangkapan sa pag-akay sa kanila sa tapat na pagsisisi, nang sila ay magkaroon ng pananampalatayang makatagal sa araw na masama!”5

“Nawa’y bigyan tayo ng Diyos ng lakas na maisakatuparan ang ating mga sumpa at tipan sa isa’t isa, nang buong katapatan at kabutihan sa Kanyang harapan, nang ang ating impluwensya ay madama ng mga bansa sa mundo, sa matinding kapangyarihan, maging sa pagwasak ng mga kaharian ng kadiliman, at magtagumpay laban sa huwad na pagkasaserdote at espirituwal na kasamaan sa mga dakong kaitaasan, at durugin ang lahat ng kahariang salungat sa kaharian ni Cristo, at palaganapin ang liwanag at katotohanan ng walang hanggang Ebanghelyo mula sa mga ilog hanggang sa mga [dulo ng mundo].”6

Ginunita ni Wilford Woodruff, ang ikaapat na Pangulo ng Simbahan, ang sumusunod na mga salita ni Propetang Joseph Smith: “Ang daigdig ay puno ng kadiliman. Nangingibabaw ang kasalanan at kasamaan sa mundo na gaya ng tubig na tumatakip sa dagat. Napakalawak ng impluwensya ng diyablo. Kakalabanin kayo ng mundo; gayundin ng diyablo, ng daigdig, at ng impiyerno. Subalit … kailangan ninyong ipangaral ang Ebanghelyo, gawin ang inyong tungkulin, at papatnubayan kayo ng Panginoon. Hindi mananaig ang daigdig at impiyerno laban sa inyo.”7

Tungkulin nating anyayahan ang sanlibutan na magsisi, magpabinyag, tumanggap ng Espiritu Santo, at maging mga tagapagmana ng kaligtasan.

“Naniniwala kami na ito ang ating tungkulin—ang ituro sa buong sangkatauhan ang doktrina ng pagsisisi, na sisikapin naming ipakita sa sumusunod na mga sipi:

“ ‘Nang magkagayo’y binuksan niya ang kanilang mga pagiisip, upang mapagunawa nila ang mga kasulatan, at sinabi niya sa kanila, Ganyan ang pagkasulat, na kinakailangang maghirap ang Cristo, at magbangong muli sa mga patay sa ikatlong araw: at ipangaral sa kaniyang pangalan ang pagsisisi at pagpapatawad ng mga kasalanan sa lahat ng mga bansa, magbuhat sa Jerusalem’ [Lucas 24:45–47].

“Sa pamamagitan nito nalalaman natin na kinailangang magdusa si Cristo, at ipako sa krus, at magbangong muli sa ikatlong araw, para sa natatanging layunin na ipangaral ang pagsisisi at pagpapatawad ng mga kasalanan sa lahat ng bansa.

“ ‘At sinabi sa kanila ni Pedro, Mangagsisi kayo, at mangagbautismo ang bawa’t isa sa inyo sa pangalan ni Jesucristo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan at tatanggapin ninyo ang kaloob na Espiritu Santo. Sapagka’t sa inyo ang pangako, at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nangasa malayo, maging ilan man ang tawagin ng Panginoon nating Dios sa kaniya’ [Mga Gawa 2:38–39].

“Sa pamamagitan nito nalalaman natin na ang Espiritu Santo ay ipinangako sa lahat ng tuturuan ng doktrina ng pagsisisi, na ipangangaral sa lahat ng bansa. … Samakatwid naniniwala kami sa pangangaral ng doktrina ng pagsisisi sa buong mundo, kapwa sa matanda at bata, mayaman at mahirap, alipin at malaya.”8

“Ang mga kaluluwa ay mahalaga sa paningin ng Diyos mula pa noon; at ang mga Elder [ay] … dapat hikayatin at anyayahang magsisi ang lahat ng tao sa lahat ng dako, upang sila ay maging mga tagapagmana ng kaligtasan. Ito ay kalugud-lugod na taon ng Panginoon: palayain ang mga bihag nang sila ay makaawit ng hosana [tingnan sa Isaias 6:1–2].”9

“Tungkulin ng Elder na buong tapang na manindigan para sa adhikain ni Cristo, at magkaisang balaan [ang] mga tao na magsisi at magpabinyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan, at para sa Espiritu Santo.”10

“Sasabihin ko sa inyo ang hinihingi ng Panginoon na gawin ng lahat ng tao, mataas at mababa, mayaman at mahirap, lalaki at babae, mga ministro at mga tao, yaong naniniwala sa relihiyon at yaong hindi, upang lubos nilang matamasa ang Banal na Espiritu ng Diyos at maligtasan ang mga kahatulan ng Diyos, na halos handa nang dumating sa mga bansa ng mundo. Magsisi sa lahat ng kasalanan ninyo, at mabinyagan sa tubig para sa kapatawaran ng mga kasalanan, sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo, at tanggapin ang ordenansa ng pagpapatong ng mga kamay ng taong naorden at nabuklod sa kapangyarihang ito, upang matanggap ninyo ang Banal na Espiritu ng Diyos; at ito ay alinsunod sa mga Banal na Kasulatan, at sa Aklat ni Mormon; at ang tanging paraan para makapasok ang tao sa kahariang selestiyal. Ito ang mga hinihingi ng bagong tipan, o mga unang alituntunin ng Ebanghelyo ni Cristo.”11

“Hinihingi sa lahat ng tao, na magkaroon ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo; magsisi sa lahat ng kasalanan nila at mabinyagan (ng isang may awtoridad) sa pangalan ni Jesucristo para sa kapatawaran ng mga kasalanan, at mapatungan ng mga kamay sa kanilang ulunan para sa kaloob na Espiritu Santo, upang sila ay maging miyembro ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.”12

Ang mga tagapaglingkod ng Panginoon ay naglalakbay sa buong mundo para makita ang mga taong handang tanggapin ang ebanghelyo ni Jesucristo.

“Magpadala ng isang tao sa Central America at sa lahat ng bansang nagsasalita ng Espanyol; at huwag hayaang mawalan ng misyon kahit saang sulok ng mundo.”13

“Hindi namin ipinatatapon sa mga tao ang anumang mabuti sa kanila; hinihiling lang naming sumama sila at dagdagan pa ito. Paano kung yakapin ng buong mundong ito ang Ebanghelyong ito? Kung magkagayo’y magkakaunawaan sila, at ang mga pagpapala ng Diyos ay ibubuhos sa mga tao, na siyang hangad ng buo kong kaluluwa.”14

“Libu-libong nakarinig sa Ebanghelyo ang naging masunurin dito, at nagagalak sa mga kaloob at pagpapalang ito. Ang mga maling palagay, pati na ang kasamaang kasunod nito, ay pinahihina ng kaaya-aayang impluwensya ng katotohanan, na unti-unti nang nadarama sa malalayong bansa. … Noon ay itinuring tayong manlilinlang at sinabihang ang ‘Mormonismo’ ay lilipas, maglalaho, at malilimutan. Ngunit lipas na ang panahon na itinuring itong isang bagay na hindi magtatagal, o isang bula lamang sa alon, at ngayon ay malalim na itong nakatimo sa puso at damdamin ng lahat ng yaong sapat ang dangal ng isipan para isantabi ang mga maling palagay na itinuro sa kanila, at siyasatin ang paksa nang tahasan at may katapatan.”15

“Ang ilan sa Labindalawa at iba pa ay nakapagsimula nang maglakbay sa Europa [noong Setyembre 1839], at inaasahan namin na susunod na ang natitira pang tinawag sa misyong iyon sa loob ng ilang araw. … Ang gawain ng Panginoon ay sumusulong sa kalugud-lugod na paraan, kapwa ngayon at noon. Sa England kamakailan lamang ay daan-daan ang nadagdag sa ating bilang; ngunit nagkagayon ito dahil si ‘Ephraim [ay] nakikisalamuha sa mga bayan’ [Oseas 7:8]. At sinabi ng Tagapagligtas, ‘Dinirinig ng aking mga tupa ang aking tinig’ [Juan 10:27]; at gayundin, “Ang nakikinig sa inyo, ay sa akin nakikinig’ [Lucas 10:16]; at, ‘Narito, aking dadalhin sila mula sa lupaing hilagaan, at pipisanin ko sila mula sa mga kahuli-hulihang bahagi ng lupa’ [Jeremias 31:8]. At tulad ng tinig na narinig ni Juan na nagsasabing, ‘Mangagsilabas kayo sa kaniya, bayan ko’ [Apocalipsis 18:4], kailangang maisakatuparan itong lahat; nang ang mga tao ng Panginoon ay mabuhay kapag “naguho, naguho ang dakilang Babilonia [Apocalipsis 18:2].”16

Sa isang liham na isinulat sa Liberty Jail noong Marso 1839, ipinahayag ni Propetang Joseph Smith ang sumusunod, na kalaunan ay itinala sa Doktrina at mga Tipan 123:12: “Sapagkat marami pa sa mundo sa lahat ng pangkat, grupo, at sekta, na binubulag ng pandaraya ng mga tao, kung saan sila ay naghihintay upang manlinlang, at na napagkakaitan lamang ng katotohanan sapagkat hindi nila alam kung saan ito matatagpuan.” 17

Mga Mungkahi para sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito sa pag-aaral ninyo ng kabanata o paghahandang magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xiv.

  • Repasuhin ang ikalawa at ikatlong talata sa mga pahina 173–74. Bakit kailangan ng tapang kung minsan para maibahagi natin ang ating patotoo tungkol sa Pagpapanumbalik at sa Aklat ni Mormon? Paano tayo magtataglay ng ganoong katapangan?

  • Inilarawan ni Joseph Smith ang espirituwal na kadiliman ng daigdig; pagkatapos ay nagpatotoo siya tungkol sa “mabubuting balita” ng ipinanumbalik na ebanghelyo (mga pahina 175–78). Paano tayo mabibigyang-inspirasyon ng dalawang kaisipang ito na buksan natin ang ating mga bibig at ibahagi ang ebanghelyo?

  • Basahin ang unang buong talata sa pahina 178. Kailan kayo pinatnubayan ng Panginoon sa mga pagsisikap ninyo sa misyon?

  • Pag-isipan ang mga talata sa banal na kasulatan na binanggit ni Joseph Smith upang paalalahanan tayo sa ating tungkuling ituro ang ebanghelyo sa buong sangkatauhan (mga pahina 178–79). Isipin o talakayin kung ano ang magagawa ninyo at ng inyong pamilya para maibahagi ang ebanghelyo sa iba.

  • Basahin ang ikalawang talata sa pahina 179, kung saan binanggit ng Propeta ang gawaing misyonero bilang isang pagsisikap na mapalaya ang mga bihag. Sa anong mga paraan maituturing na mga bihag ang ilang tao? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa mga pahina 175–78. Sa anong mga paraan sila mapapalaya ng mga unang alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo?

  • Repasuhin ang paanyaya ng Propeta sa ikalawang talata sa pahina 180. Paano mahihikayat ng paanyayang ito ang mga tao na pag-aralan ang ipinanumbalik na ebanghelyo? Repasuhin ang ikatlong talata sa pahina 180 at ang huling talata ng kabanata. Ano ang magagawa natin para matulungan ang mga tao na “isantabi ang [kanilang] maling palagay tungkol sa Simbahan? Paano natin maipaaalam sa mga tao kung saan matatagpuan ang katotohanan sa pamamagitan ng ating mga kilos?

  • Anong mga pagpapala na ang dumating sa buhay ninyo bunga ng inyong mga pagsisikap na ipahayag ang ebanghelyo?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Marcos 16:15–20; 2 Nephi 2:8; Alma 26:1–9, 26–37; D at T 42:6–9, 11–14; 88:77–83

Mga Tala

  1. History of the Church, 1:81; mula sa “History of the Church” (manuskrito), book A-1, pp. 39–40, Church Archives, The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, Salt Lake City, Utah.

  2. History of the Church, 1:86–88; ginawang makabago ang pagbabantas; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa “History of the Church” (manuskrito), book A-1, pp. 42–43, Church Archives.

  3. Parley P. Pratt, Autobiography of Parley P. Pratt, ed. Parley P. Pratt Jr. (1938), pp. 298–99; ginawang makabago ang pagpapalaki ng mga letra.

  4. History of the Church, 2:5–6; ginawang makabago ang pagbabantas; mula sa “The Elders of the Church in Kirtland, to Their Brethren Abroad,” Ene. 22, 1834, inilathala sa Evening and Morning Star, Peb. 1834, p. 135.

  5. History of the Church, 2:263; mula sa isang liham ni Joseph Smith sa mga elder ng Simbahan, Nob. 1835, Kirtland, Ohio, inilathala sa Messenger and Advocate, Nob. 1835, p. 211.

  6. History of the Church, 2:375; mula sa katitikan ng isang council meeting ng Unang Panguluhan at ng Labindalawa na idinaos noong Ene. 16, 1836, sa Kirtland, Ohio; iniulat ni Warren Parrish.

  7. Binanggit ni Wilford Woodruff, Deseret News, Hulyo 30, 1884, p. 434.

  8. History of the Church, 2:255–56; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa isang liham ni Joseph Smith sa mga elder ng Simbahan, Set. 1835, Kirtland, Ohio, inilathala sa Messenger and Advocate, Set. 1835, pp. 180–81.

  9. History of the Church, 2:229, talababa; mula sa “To the Saints Scattered Abroad,” Messenger and Advocate, Hunyo 1835, p. 138.

  10. History of the Church, 2:263; mula sa isang liham ni Joseph Smith sa mga elder ng Simbahan, Nob. 1835, Kirtland, Ohio, inilathala sa Messenger and Advocate, Nob. 1835, p. 211.

  11. History of the Church, 1:314–15; mula sa isang liham ni Joseph Smith kay N. C. Saxton, Ene. 4, 1833, Kirtland, Ohio; mali ang naibigay na pangalan ni Ginoong Saxton na “N. E. Seaton” sa History of the Church.

  12. Tugon ng editor sa liham na galing kay Richard Savary, Times and Seasons, Mar. 15, 1842, p. 732; binago ang pagpapalaki ng mga letra; si Joseph Smith ang editor ng pahayagan.

  13. History of the Church, 5:368; mula sa mga tagubiling ibinigay ni Joseph Smith noong Abr. 19, 1843, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Willard Richards.

  14. History of the Church, 5:259; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Ene. 22, 1843, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Wilford Woodruff.

  15. History of the Church, 4:336–37; binago ang pagbabaybay; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa isang ulat ni Joseph Smith at ng kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan, Abr. 7, 1841, Nauvoo, Illinois, inilathala sa Times and Seasons, Abr. 15, 1841, p. 384.

  16. History of the Church, 4:8–9; ginawang makabago ang pagbabantas; mula sa isang liham ni Joseph Smith kay Isaac Galland, Set. 11,1839, Commerce, Illinois.

  17. Doktrina at mga Tipan 123:12; isang liham ni Joseph Smith at ng iba pa kay Edward Partridge at sa Simbahan, Mar. 20, 1839, Liberty Jail, Liberty, Missouri.

Joseph preaching

Nangangaral man siya sa mga nakapaligid sa kanya o nagpapadala ng mga misyonero sa iba’t ibang panig ng mundo, mahal ni Propetang Joseph Smith ang gawaing misyonero.

missionaries teaching

Pinayuhan ni Propetang Joseph Smith ang mga Banal na anyayahan ang lahat ng tao na makibahagi sa mga pagpapala ng ebanghelyo. “Di-maipaliwanag ang kaluwalhatian ng mga bagay na ito sa sangkatauhan!”