Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 5: Pagsisisi


Kabanata 5

Pagsisisi

“Magsimula tayong muli sa araw ding ito, at sabihin ngayon, nang buong puso, na tatalikuran natin ang ating mga kasalanan at magpapakabuti.”

Mula sa Buhay ni Joseph Smith

Noong Hunyo 14, 1828, nilisan ni Martin Harris ang Harmony, Pennsylvania, dala ang unang 116 na pahina ng manuskrito na isinalin mula sa mga laminang ginto upang ipakita sa ilang kapamilya niya sa Palmyra, New York. Kinabukasan mismo, isinilang ang panganay nina Joseph at Emma, isang lalaki na pinangalanan nilang Alvin. Namatay ang sanggol noong araw ding iyon, at humina ang katawan ni Emma hanggang sa siya mismo ay mabingit sa kamatayan. Kalaunan ay isinulat ng ina ng Propeta: “Sumandaling tila nabingit [si Emma] sa kamatayan. Pansamantalang parang nawalan ng katiyakan ang mangyayari sa kanya kaya dalawang linggong hindi nakatulog ni isang oras ang kanyang asawa. Pagkaraan nito, tumindi ang pag-aalala niya tungkol sa manuskrito kaya nagpasiya siya, ngayong medyo mabuti na ang kalagayan ng kanyang kabiyak, na sa sandaling lumakas pa ito ay pupunta siya sa New York para asikasuhin ang bagay na ito.”1

Noong Hulyo, sa mungkahi ni Emma, iniwan ng Propeta ang kanyang asawa sa pangangalaga ng kanyang ina at naglakbay sakay ng karuwahe patungo sa bahay ng kanyang mga magulang sa Manchester Township, New York. Mga 200 kilometro ang nilakbay ng Propeta at dalawa o tatlong araw bago siya nakarating. Dahil sa pag-iisip tungkol sa pagkamatay ng kanyang panganay na anak, sa pag-aalala sa asawa niyang maysakit, at sa manuskrito, ni hindi nakakain o nakatulog si Joseph sa buong biyahe. Isa pang manlalakbay, na tanging kasama niyang pasahero sa karuwahe, ang nakapansin sa panghihina ng Propeta at nagpilit itong samahan siya sa paglalakad nang 32-kilometro mula sa istasyon ng karuwahe papunta sa bahay ng mga Smith. Sa huling 6.5 kilometrong paglalakad, paggunita ng ina ng Propeta, “kinailangang akayin ng estranghero si Joseph, sapagkat pagod na pagod na ang katawan nito at nakakatulog na nang nakatayo.”2 Pagdating na pagdating sa bahay ng kanyang mga magulang, ipinatawag ng Propeta si Martin Harris.

Dumating si Martin sa bahay ng mga Smith makapananghalian, nakayuko at mapanglaw. Hindi raw niya dala ang manuskrito, sabi niya, at hindi niya alam kung nasaan ito. Pagkarinig nito, napabulalas si Joseph, “Oh! Diyos ko, Diyos ko. … Nawala nang lahat, nawala. Ano ang gagawin ko? Ako’y nagkasala. Ako ang siyang nanukso sa poot ng Diyos sa paghiling sa kanya ng isang bagay na wala akong karapatang hilingin. … Paano pa ako makahaharap sa Panginoon? Ano pang pagkagalit ang hindi nararapat sa akin mula sa anghel ng Kataas-taasang Diyos?”

Sa paglipas ng maghapon, paroo’t parito sa paglalakad ang Propeta sa bahay ng kanyang mga magulang dahil sa malaking pag-aalala, “na lumuluha at nagdadalamhati.” Kinabukasan bumalik na siya sa Harmony, kung saan, sinabi niya, “Nagsimula akong magpakumbaba sa taos na dalangin sa harapan ng Panginoon … na kung maaari ay makamit ko ang kanyang awa at mapatawad ako sa lahat ng nagawa kong salungat sa kanyang kalooban.”3

Pinarusahan nang matindi ng Panginoon ang Propeta dahil mas natakot siya sa tao kaysa sa Diyos, ngunit tiniyak sa kanya na maaari siyang mapatawad. “Ikaw ay si Joseph,” sabi ng Panginoon, “at ikaw ay pinili upang gawin ang gawain ng Panginoon, subalit dahil sa pagkakasala, kung hindi ka mag-iingat ikaw ay babagsak. Subalit tandaan, ang Diyos ay maawain; samakatwid, magsisi sa yaong iyong nagawa na salungat sa kautusang ibinigay ko sa iyo, at ikaw ay pinili pa rin, at muling tinatawag sa gawain” (D at T 3:9–10).

Pansamantalang binawi ng Panginoon kay Joseph ang Urim at Tummim at mga lamina. Ngunit hindi nagtagal at ibinalik sa kanya ang mga ito. “Nagalak ang anghel nang ibalik niya sa akin ang Urim at Tummim,” paggunita ng Propeta, “at sinabi na nasisiyahan ang Diyos sa aking katapatan at pagpapakumbaba, at minahal ako dahil sa aking pagsisisi at kasigasigan sa pagdarasal, kaya nga mahusay kong nagampanan ang aking tungkulin para … masimulang muli ang gawain ng pagsasalin.”4 Nang magpatuloy si Joseph sa dakilang gawaing kinakaharap niya, pinalakas siya ng magiliw na damdaming matanggap ang kapatawaran ng Panginoon at ng panibagong determinasyong gawin ang Kanyang kalooban.

Mga Turo ni Joseph Smith

Sa pagsisisi sa ating mga kasalanan, napapalapit tayo sa Diyos at nagiging higit na katulad Niya.

Itinala ni Wilford Woodruff, habang naglilingkod bilang miyembro ng Korum ng Labindalawa: “Si Joseph na Tagakita ay tumindig sa kapangyarihan ng Diyos; pinagalitan at isinumpa ang kasamaan sa harapan ng mga tao, sa pangalan ng Panginoong Diyos. Ninais niyang magsalita nang bahagya na aakma sa kalagayan ng lahat ng naroon, at pagkatapos ay sinabi:

“ ‘Magsasalita ako nang may awtoridad ng Priesthood sa pangalan ng Panginoong Diyos. … Kahit sabihin ng kongregasyong ito na sila ay mga Banal, nakatayo pa rin ako sa gitna ng lahat ng [uri ng] pagkatao at klase ng mga tao. Kung pangarap ninyong mapunta sa kinaroroonan ng Diyos, dapat kayong maging katulad ng Diyos, o magtaglay ng mga alituntuning taglay ng Diyos, sapagkat kung hindi tayo napapalapit sa Diyos sa alituntunin, napapalayo tayo sa Kanya at napapalapit sa diyablo. Oo, ako ay nakatayo sa gitna ng lahat ng uri ng tao.

“ ‘Suriin ang inyong mga puso, at tingnan kung kayo ay katulad ng Diyos. Sinuri ko na ang aking puso, at napagsisihan ang lahat ng aking kasalanan.

“ ‘May kasama tayong mga magnanakaw, mangangalunya, sinungaling, mapagkunwari. Kung magsasalita lamang ang Diyos mula sa langit, uutusan Niya kayong huwag magnakaw, huwag mangalunya, huwag mag-imbot, ni manlinlang, kundi maging tapat sa ilang bagay. … Hindi ba mabait ang Diyos? Kung gayon, magpakabait kayo; kung Siya ay tapat, maging tapat kayo. Dagdagan ng kabutihan ang inyong pananampalataya, ng kaalaman ang inyong kabutihan, at hangarin ang bawat mabuting bagay. Kailangang malinis ang Simbahan, at mangangaral ako laban sa lahat ng kasamaan.’ ”5

“Dapat kayong maging walang sala, o hindi kayo makahaharap sa Diyos: kung haharap tayo sa Diyos, dapat nating panatilihing dalisay ang ating sarili, katulad Niya na dalisay. Matindi ang kapangyarihan ng diyablo na manlinlang; babaguhin niya ang mga bagay na mapapatulala ang isang tao sa mga yaong sumusunod sa kalooban ng Diyos. … Kailangang mawala ang kasamaan sa mga Banal; sa gayon ay mapupunit ang tabing, at bubuhos ang mga pagpapala ng langit—dadaloy itong tulad ng ilog Mississippi.”6

“Huwag hayaang ipagmalaki ng sinuman ang sarili niyang kabutihan, sapagkat nakikita iyon ng iba sa kanya; bagkus ay hayaang ipagtapat niya ang kanyang mga kasalanan, at siya ay patatawarin, at siya ay lalong magbubunga.”7

“Lahat ng puso ay dapat magsisi at maging dalisay, at mamahalin sila ng Diyos at pagpapalain sa paraang hindi sila mapagpapala sa anupamang ibang paraan.”8

Kalooban ng Diyos na talikuran natin ang ating mga kasalanan at mawala ang kasamaan sa atin.

“Makinig, lahat kayong nasa mga dulo ng daigdig—lahat kayong saserdote, lahat kayong makasalanan, at lahat ng tao. Magsisi! Magsisi! Sundin ang ebanghelyo. Bumaling sa Diyos.”9

“Simulan natin ngayon ding araw na ito na magpanibago, at sabihin ngayon, nang buong puso natin, na [tatalikuran] natin ang ating mga kasalanan at magiging matuwid.”10

“Ang taong walang pananampalataya ay hihingi ng tulong kahit saan na susuporta sa kanyang mga paniniwala at pasiya hanggang sa malapit na siyang mamatay, at pagkatapos ay maglalaho ang kawalan niya ng paniniwala, sapagkat nakatunghay sa kanya ang dakilang kapangyarihan ng mga katotohanan ng walang hanggang mundo; at kapag hindi siya nakakakuha ng makamundong tulong at suporta, higit niyang nadarama ang mga walang hanggang katotohanan ng pagiging imortal ng kaluluwa. Dapat nating dinggin ang babala at huwag na nating hintaying maghingalo pa tayo bago magsisi; katulad ng nakikita nating pagkamatay ng isang sanggol, gayundin biglang tatawagin sa kawalang-hanggan ang kabataan at matanda, at maging ang sanggol. Kung gayon, maging babala ito sa lahat na huwag ipagpaliban ang pagsisisi, o maghintay hanggang sa maghingalo, sapagkat kalooban ng Diyos na dapat magsisi ang tao at maglingkod sa Kanya sa kalusugan, at sa lakas at kapangyarihan ng kanyang isipan, upang matamo ang Kanyang pagpapala, at huwag maghintay hanggang sa siya ay sumakabilang-buhay.”11

“Ang sacrament ay ibinigay sa Simbahan [noong Marso 1, 1835]. Bago ito ibinigay, binanggit ko ang pagkaangkop ng ordenansang ito sa Simbahan, at hinimok ang kahalagahan ng paggawa nito nang karapat-dapat sa harapan ng Panginoon, at itinanong ko, Sa inyong palagay gaano katagal makikibahagi ang tao sa ordenansang ito nang hindi karapat-dapat, nang hindi inilalayo ng Panginoon ang Kanyang Espiritu sa kanya? Gaano katagal niya babalewalain ang mga sagradong bagay, nang hindi siya ipinauubaya ng Panginoon kay Satanas hanggang sa araw ng pagtubos! … Samakatwid, dapat maging mapakumbaba ang ating puso, at magsisi tayo sa ating mga kasalanan, at iwaksi ang kasamaan sa atin.”12

“Ang pagsisisi ay isang bagay na hindi maaaring balewalain sa araw-araw. Ang araw-araw na paglabag at pagsisisi ay hindi nakasisiya sa paningin ng Diyos.”13

Isinulat ni Propetang Joseph Smith sa kanyang kapatid na si William Smith ang sumusunod nang magalit sa kanya si William at hamakin siya nito: “[Sinabi ko na sa iyo] ang hayagang layunin na sikaping babalaan, hikayatin, payuhan, at sagipin ka sa pagkahulog sa mga paghihirap at kalungkutan, na nakini-kinita kong kauuwian mo, sa pagbibigay-daan sa masamang espiritung iyon, na tinatawag mong mga silakbo ng iyong damdamin, na dapat mong pigilin at supilin, at daigin; na kung hindi mo gagawin, hinding-hindi ka maliligtas, sa tingin ko, sa Kaharian ng Diyos. Hinihiling ng Diyos na kusang magpasakop ang Kanyang mga nilalang sa Kanyang kalooban.”14

Ang ating Ama sa Langit ay handang magpatawad sa mga yaong nagsisisi at nagbabalik-loob sa Kanya nang may buong layunin ng puso.

Noong 1835 tumanggap ng isang liham si Joseph Smith mula kay Harvey Whitlock, na nag-apostasiya mula sa Simbahan at hangad bumalik sa ganap na pakikipagpatiran. Tumugon ang Propeta: “Natanggap ko na ang liham mo na may petsang ika- 28 ng Setyembre, 1835, at dalawang beses ko na itong nabasa, at may mga naramdaman ako na mas madaling isipin kaysa ilarawan; sapat nang sabihing hindi ko mapigilan ang damdamin ko—hindi ko mapigilang umiyak. Salamat sa Diyos at naisapuso mong magbalik-loob sa Panginoon, at sa mga taong ito, kung mangyari nga na kaawaan ka Niya. Naitanong ko na sa Panginoon ang sitwasyon mo; sumaisip ko ang mga salitang ito:

“Paghahayag kay Harvey Whitlock.

“ ‘Katotohanan, sinasabi sa iyo ng Panginoon—Hayaan si Harvey na dati kong tagapaglingkod, na magbalik-loob sa akin, at sa sinapupunan ng aking Simbahan, at talikuran ang lahat ng kasalanang nagawa niya laban sa akin, at mula ngayon ay magpatuloy sa kabutihan at matwid na buhay, at manatili sa ilalim ng patnubay ng mga yaong hinirang kong maging mga haligi at pinuno ng aking Simbahan. At masdan, sinasabi ng Panginoon mong Diyos, ang kanyang mga kasalanan ay mabubura sa ilalim ng langit, at malilimutan ng mga tao, at hindi ko na ito maririnig, ni itatala bilang alaala laban sa kanya, kundi iaahon ko siya, mula sa malalim na burak, at siya ay dadakilain sa matataas na lugar, at ibibilang na karapat-dapat na makasama ng mga prinsipe, subalit gagawin pa siyang makinang na pana sa aking lalagyan para pabagsakin ang mga muog ng kasamaan ng mga yaong mapagmalaki, upang mag-usap-usap sila laban sa akin, at laban sa aking mga hirang sa mga huling araw. Samakatwid, agad siyang paghandain at papuntahin sa iyo, maging sa Kirtland. At yamang didinggin niya ang lahat ng payo mo mula ngayon, ipanunumbalik siya sa dati niyang kalagayan, at maliligtas sa pinakasukdulang kaligtasan, sapagkat buhay ang iyong Panginoong Diyos. Amen.’

“Kaya nga nakikita mo, mahal kong kapatid, ang kahandaan ng ating Ama sa langit na magpatawad ng mga kasalanan, at muling kalugdan ang lahat ng handang magpakumbaba sa Kanyang harapan, at ipagtapat ang kanilang mga kasalanan, at talikuran ang mga ito, at magbalik-loob sa Kanya nang may buong layunin ng puso, nang walang pagkukunwari, na paglingkuran Siya hanggang wakas [tingnan sa 2 Nephi 31:13].

“Huwag kang mamangha na nagpakababa ang Panginoon upang magsalita mula sa kalangitan, at bigyan kayo ng mga tagubilin upang malaman ninyo ang inyong tungkulin. Narinig Niya ang inyong mga dalangin at nasaksihan ang inyong pagpapakumbaba, at iniuunat ang mapagmahal na kamay ng isang ama sa inyong pagbabalik; nagagalak ang mga anghel sa inyo, habang ang mga Banal ay handang tanggapin kayong muli sa samahan.”15

“Hindi pa nangyari kailanman na napakatanda na ng espiritu para lumapit sa Diyos. Lahat ng hindi nakagawa ng kasalanang walang kapatawaran ay maaaring mapatawad dahil sa awa.”16

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito sa pag-aaral ninyo ng kabanata o paghahandang magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xiv.

  • Nang mabasa ninyo ang salaysay tungkol sa reaksyon ng Propeta sa pagkawala ng 116 na pahina (mga pahina 81–84), ano ang mga nalaman ninyo tungkol kay Joseph Smith? Ano ang natutuhan ninyo sa kanyang halimbawa tungkol sa pagsisisi?

  • Repasuhin ang bahaging nagsisimula sa pahina 84. Habang pinag-iisipan ninyo ang mga turo sa kabanatang ito, mag-ukol ng oras na suriin ang inyong puso, tulad ng payo ng Propeta. Isipin kung ano ang kailangan ninyong gawin—at ano ang kailangan ninyong itigil—upang maging higit na katulad ng Diyos.

  • Pag-isipan ang mga babala ni Joseph Smith tungkol sa pagpapaliban ng ating pagsisisi (mga pahina 85–87). Ano ang ilang posibleng kahinatnan ng pagpapaliban ng pagsisisi?

  • Pag-aralan ang payo ni Propetang Joseph tungkol sa pagbaling sa Diyos at pagpapakumbaba ng ating sarili sa Kanyang harapan (mga pahina 85–89). Bakit hindi magiging kumpleto ang pagsisisi kung walang pagpapakumbaba? Ano sa palagay ninyo ang kahulugan ng “magbalik-loob sa [Diyos] nang may buong layunin ng puso”? (mga pahina 88–89).

  • Basahin ang paghahayag na natanggap ni Joseph Smith para kay Harvey Whitlock, at pansinin ang mga pangako ng Panginoon kung taos na magsisisi si Brother Whitlock (pahina 88). Ano ang inyong mga naiisip o nadarama habang pinag-iisipan ninyo “ang kahandaan ng ating Ama sa langit na magpatawad ng mga kasalanan, at muli [tayong] kalugdan”?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan:II Mga Taga Corinto 7:9–10; Mosias 4:10–12; Alma 34:31–38; D at T 1:31–33; 58:42–43

Mga Tala

  1. Lucy Mack Smith, “The History of Lucy Smith, Mother of the Prophet,” 1844–45 manuscript, book 7, pp. 1–2, Church Archives, The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, Salt Lake City, Utah.

  2. Lucy Mack Smith, “The History of Lucy Smith, Mother of the Prophet,” 1844–45 manuscript, book 7, p. 5, Church Archives.

  3. Binanggit ni Lucy Mack Smith, “The History of Lucy Smith, Mother of the Prophet,” 1844–45 manuscript, book 7, pp. 6–9, Church Archives.

  4. Binanggit ni Lucy Mack Smith, “The History of Lucy Smith, Mother of the Prophet,” 1844–45 manuscript, book 7, p. 11, Church Archives.

  5. History of the Church, 4:588; nasa orihinal ang mga salitang nakabracket; ginawang makabago ang pagbabantas at pagpapalaki ng mga letra; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Abr. 10, 1842, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Wilford Woodruff.

  6. History of the Church, 4:605; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Abr. 28, 1842, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Eliza R. Snow.

  7. History of the Church, 4:479; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Dis. 19, 1841, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Wilford Woodruff.

  8. Talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Abr. 28, 1842, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Eliza R. Snow, sa Relief Society, Minute Book Mar. 1842–Mar. 1844, p. 34, Church Archives.

  9. History of the Church, 6:317; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Abr. 7, 1844, sa Nauvoo, Illinois; iniulat nina Wilford Woodruff, Willard Richards, Thomas Bullock, at William Clayton.

  10. History of the Church, 6:363; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Mayo 12, 1844, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Thomas Bullock.

  11. History of the Church, 4:553–54; ginawang makabago ang pagbabantas; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Mar. 20, 1842, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Wilford Woodruff.

  12. History of the Church, 2:204; mula sa katitikan ng isang pulong ng konseho ng Simbahan na idinaos noong Mar. 1, 1835, sa Kirtland, Ohio.

  13. History of the Church, 3:379; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Hunyo 27, 1839, sa Commerce, Illinois; iniulat ni Willard Richards.

  14. History of the Church, 2:342; mula sa isang liham ni Joseph Smith kay William Smith, Dis. 18, 1835, Kirtland, Ohio.

  15. History of the Church, 2:314–15; ginawang makabago ang pagbabantas; mula sa isang liham ni Joseph Smith kay Harvey Whitlock, Nob. 16, 1835, Kirtland, Ohio.

  16. History of the Church, 4:425; mula sa katitikan ng isang kumperensya ng Simbahan na idinaos noong Okt. 3, 1841, sa Nauvoo, Illinois, inilathala sa Times and Seasons, Okt. 15, 1841, p. 577.

Christ in Gethsemane

Pinapangyari ang pagsisisi sa pamamagitan ng nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas na si Jesucristo. “Suriin ang inyong mga puso, at tingnan kung kayo ay katulad ng Diyos,” pahayag ni Propetang Joseph Smith. “Sinuri ko na ang aking puso, at napagsisihan ang lahat ng aking kasalanan.”

prodigal son returning

Katulad ng pagtanggap ng ama sa kanyang alibughang anak sa kanyang tahanan, handa ang ating Ama sa Langit na “magpatawad ng mga kasalanan, at muling kalugdan ang lahat ng handang magpakumbaba sa Kanyang harapan.”