Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 9: Mga Kaloob ng Espiritu


Kabanata 9

Mga Kaloob ng Espiritu

“Kung taos-puso ninyong susundin ang Ebanghelyo, ipinangangako ko sa inyo sa pangalan ng Panginoon, na mapapasainyo ang mga kaloob tulad ng pangako ng ating Tagapagligtas.”

Mula sa Buhay ni Joseph Smith

Ipinaliliwanag ng pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon kung paano ihahatid sa mundo ang kahanga-hangang banal na kasulatang ito. Noong unang panahon, ang mga laminang ginto ay “isinulat at mahigpit na isinara, at ikinubli ayon sa Panginoon, upang ang mga yaon ay hindi masira.” Sa mga huling araw, ang mga ito ay “[lalabas] sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos” at maipapaliwanag “sa pamamagitan ng kaloob ng Diyos.” Bilang katuparan ng mga propesiyang ito, hinirang ng Diyos si Joseph Smith para isalin ang mga sagradong talaan. Maliwanag na ang kakayahan ni Joseph na isalin ang mga sinaunang letra ay hindi niya nakuha sa pag-aaral: pang-elementarya lamang ang kaalaman niya sa pagbasa, pagsulat, at aritmetika. Ang kakayahan niyang magsalin ng mga talaan na libong taon nang naisulat sa isang wikang wala siyang nalalaman ay dumating bilang kaloob mula sa Diyos Mismo.

Si Emma Smith, na naunang tagasulat sa gawain ng kanyang asawa, ay nagpatotoo sa banal na kaloob na ito: “Walang taong nagdikta sa mga nakasulat sa manuskrito maliban na siya’y nabigyang-inspirasyon; sapagkat, noong [ako ang] kanyang tagasulat, mahabang oras ang pagdidikta [ni Joseph]; at sa pagbalik matapos kumain, o matapos ang mga panggagambala, kaagad siyang nagsisimula sa huli niyang ginawa, nang hindi man lang tinitingnan ang manuskrito o nang hindi binabasa sa kanya ang alinmang bahagi nito.”1

Binigyan ng Panginoon ng mahalagang temporal na tulong ang Propeta kaya naipagpatuloy niya ang pagsasalin. Si Joseph Knight Sr., isang kaibigan ng Propeta, ay nagbigay ng pera at pagkain kay Joseph sa ilang pagkakataon. Noong minsang walangwala na sila, nagbiyahe si Brother Knight papunta sa tahanan ng Propeta upang bigyan sina Joseph at Oliver ng “isang bariles ng tulingan at ilang papel na may guhit upang masulatan,” na may kasamang “mga siyam o sampung [takal] ng butil at anim na takal [ng patatas].” Paggunita ni Brother Knight, “Sina Joseph at Oliver … [ay] umuwi at nadatnan akong may mga dala, at nagalak sila dahil wala na silang makain.”2

Noong Abril at Mayo 1829, higit na nakaabala ang pang-uusig sa gawain ng Propeta sa pagsasalin sa kanyang tahanan sa Harmony, Pennsylvania. Lumiham si Oliver Cowdery sa kaibigan niyang si David Whitmer, at ikinuwento rito ang tungkol sa sagradong gawain at pinakiusapan ito na tulutang maituloy ang gawain sa tahanan ng mga Whitmer sa Fayette, New York. Noong mga huling araw ng Mayo o mga unang araw ng Hunyo 1829, naglakbay ang Propeta at si Oliver kasama si David Whitmer sa kanyang bagon na hila-hila ng isang kabayo papunta sa tahanan ng ama ni David na si Peter Whitmer Sr. Sa buong buwan ng Hunyo, sa silid sa itaas ng tahanan ng mga Whitmer, natapos ang pagsasalin sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos.

Inilarawan ni Oliver Cowdery ang napakagandang karanasang makapaglingkod bilang tagasulat ng Propeta: “Ang mga araw na ito ay hindi maaaring malimutan—ang maupo sa ilalim ng tinig na dinidiktahan ng inspirasyon sa langit, pinukaw ng isang sukdulang pasasalamat ang pusong ito! Sa araw-araw ako ay nagpatuloy, nang walang umaabala, na magsulat mula sa kanyang bibig, habang isinasalin niya sa pamamagitan ng Urim at Tummim … ang kasaysayan o talaang tinatawag na ‘Ang Aklat ni Mormon.’ ”3

Sa panahong ito, nalaman ni Joseph Smith na ang banal na kaloob ay sumasakanya lamang kapag siya ay karapat-dapat sa paggabay ng Espiritu. Muling isinalaysay ni David Whitmer: “Isang umaga nang [si Joseph Smith] ay naghahanda para ituloy ang pagsasalin, may hindi magandang nangyari sa bahay at ikinainis niya ito. May isang bagay na nagawa ang asawa niyang si Emma. Umakyat kami ni Oliver, at di nagtagal ay sumunod si Joseph para ituloy ang pagsasalin, pero wala siyang magawa. Hindi niya maisalin ang kahit isang pantig. Bumaba siya, lumabas sa halamanan at nanikluhod sa Panginoon; mga isang oras siyang nawala—bumalik sa bahay, humingi ng tawad kay Emma at pagkatapos ay umakyat sa kinaroroonan namin at maayos na nakapagsalin. Wala siyang nagawa maliban nang siya ay nagpakumbaba at nanalig.”4

Sa mapakumbaba at tapat na paggamit ng kaloob ng Diyos sa kanya, isinagawa ng batang Propeta ang tila imposibleng gawain ng pagsasalin ng halos buong Aklat ni Mormon sa pagitan ng mga unang araw ng Abril at katapusan ng Hunyo 1829.

Mga Turo ni Joseph Smith

Bawat isa sa atin ay binigyan ng mga kaloob ng Espiritu; ang mga kaloob ng bawat tao ay kailangan sa Simbahan.

Mga Saligan ng Pananampalataya 1:7: “Naniniwala kami sa kaloob na mga wika, propesiya, paghahayag, mga pangitain, pagpapagaling, pagbibigay-kahulugan sa mga wika, at iba pa.”5

“Naniniwala … kami sa propesiya, sa mga wika, sa mga pangitain, at sa mga paghahayag, sa mga kaloob, at sa mga pagpapagaling; at na ang mga bagay na ito ay hindi tatamasahin nang wala ang kaloob ng Espiritu Santo.”6

Paggunita ni Amasa Potter: “Naaalala ko ang pagtayo ng Propeta para mangaral sa isang malaking kongregasyon sa kakahuyan sa kanluran ng Templo sa Nauvoo. Sinabi niya na mangangaral siya tungkol sa mga espirituwal na kaloob. … Sinabi ni Joseph na bawat Banal sa mga Huling Araw ay may isang kaloob, at sa pamumuhay nang matwid, at paghiling nito, ihahayag ito sa kanya ng Banal na Espiritu.”7

“Sinabi ni Pablo, ‘Sa isa’y ibinigay ang kaloob na mga wika, sa iba’y ang kaloob na propesiya, at sa iba’y ang kaloob na pagpapagaling;’ at muli: ‘Lahat ba ay nagpopropesiya? lahat ba ay nagsasalita sa iba’t ibang wika? lahat ba ay nagpapaliwanag?’ na malinaw na nagpapakita na hindi lahat ay mayroon ng mga kaloob na ito; kundi ang isa ay tumanggap ng isang kaloob, at ang iba ay tumanggap ng ibang kaloob—hindi lahat ay nagpropesiya, hindi lahat ay nagsalita sa iba’t ibang wika, hindi lahat ay gumawa ng mga himala; ngunit lahat ay tumanggap ng kaloob ng Espiritu Santo; kung minsan ay nagsalita sila sa iba’t ibang wika at nagpropesiya noong panahon ng mga Apostol, at kung minsan naman ay hindi. …

“Ang Simbahan ay isang matatag na grupong binubuo ng iba’t ibang miyembro, at lubos na maihahambing sa katawan ng tao, at sinabi ni Pablo, matapos magsalita tungkol sa iba’t ibang kaloob, ‘Kayo nga ang katawan ni Cristo at bawat isa’y samasamang mga sangkap niya; at ang Dios ay naglagay ng ilan sa Simbahan, una-una’y mga Apostol, ikalawa’y mga Propeta, ikatlo’y mga Guro, saka mga himala, saka mga kaloob na pagpapagaling, mga pagtulong, mga pamamahala, at iba’t ibang mga wika. Lahat baga’y mga Guro? Lahat baga’y mga manggagawa ng mga himala? Nangagsasalita baga ang lahat ng mga wika? Lahat baga’y nangagpapaliwanag?’ Malinaw na hindi; subalit lahat sila ay mga miyembro ng iisang katawan. Hindi lamang mata, tainga, ulo o kamay ang mga miyembro ng katawan—subalit hindi masasabi ng mata sa tainga na hindi kita kailangan, ni ng ulo sa paa, hindi kita kailangan; lahat ng ito ay iba’t ibang bahagi ng perpektong makina—ng iisang katawan; at kung nagdurusa ang isang miyembro, kasama nitong nagdurusa ang lahat ng miyembro: at kung nagagalak ang isang miyembro, lahat ng iba pa ay ikinararangal ito. [Tingnan sa I Mga Taga Corinto 12:9–10, 18–21, 26–30.]

“Lahat ng ito, kung gayon, ay mga kaloob; ang mga ito ay nagmula sa Diyos; ang mga ito ay sa Diyos; lahat ng ito ay kaloob ng Espiritu Santo.”8

Tumatanggap tayo ng mga kaloob ng Espiritu sa pamamagitan ng pagsunod at pananampalataya.

“Dahil kulang ang pananampalataya, kulang din ang mga bunga. Walang sinumang tao mula nang likhain ang mundo na nagkaroon ng pananampalataya nang walang kaakibat na anuman. Ang matatapat noong unang panahon ay napawi ang ningas ng apoy, natakasan ang talim ng tabak, natanggap ng mga babae ang kanilang mga patay, at kung anu-ano pa. Sa pamamagitan ng pananampalataya nalikha ang mga mundo. [Tingnan sa Mga Hebreo 11:3, 34–35.] Ang isang taong walang isa man sa mga kaloob na ito ay walang pananampalataya; at dinadaya niya ang kanyang sarili, kung aakalain niyang mayroon siya nito. Noon pa man ay kulang na ang pananampalataya, hindi lamang ng mga dibinyagan, kundi ng nagsasabing sila ay Kristiyano, kaya nga ang kaloob na mga wika, pagpapagaling, propesiya, at mga propeta at apostol, at lahat ng kaloob at pagpapala ay nagkukulang.”9

“Ang taglamig na ito [1832–33] ay ginugol sa pagsasalin ng mga Banal na Kasulatan; sa Paaralan ng mga Propeta; at pag-upo sa mga kumperensya. Nagkaroon ako ng maraming maluwalhating panahon ng pagpapasigla ng isipan at espiritu. Ang mga kaloob na kasunod ng kanilang paniniwala at pagsunod sa Ebanghelyo, bilang tanda na ang Panginoon ay hindi nagbabago sa Kanyang pakikitungo sa mga mapakumbaba na nagmamahal at sumusunod sa katotohanan, ay nagsimulang mabuhos sa amin, tulad noong mga unang panahon.”10

Naroon si Edward Stevenson nang mangaral si Joseph Smith sa Pontiac, Michigan, noong 1834. Naalaala niya ang mga salitang ito ng Propeta: “Kung taos-puso ninyong susundin ang Ebanghelyo, ipinangangako ko sa inyo sa pangalan ng Panginoon, na mapapasainyo ang mga kaloob tulad ng pangako ng ating Tagapagligtas, at sa pamamagitan nito mapatutunayan ninyo na ako ay tunay na lingkod ng Diyos.”11

Ang mga kaloob ng Espiritu ay karaniwang natatanggap nang tahimik at personal, nang walang makikitang palatandaan.

“Iba’t iba at magkakasalungat ang mga opinyon ng mga tao hinggil sa kaloob ng Espiritu Santo. Nakagawian na ng ilang tao na ituring na kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos ang lahat ng nakikita nilang kakatwa, samantalang may ibang mga taong nagiisip na walang makikitang nauugnay dito; at ito ay bugso lamang ng isipan, o isang saloobin, pakiramdam, o lihim na patotoo o katunayan, na taglay ng mga tao, at hindi totoo na may makikitang palatandaan.

“Hindi kataka-taka na ang tao ay naging masyadong mangmang tungkol sa mga alituntunin ng kaligtasan, at lalo’t higit sa katangian, katungkulan, kapangyarihan, impluwensya, mga kaloob, at pagpapala ng kaloob ng Espiritu Santo; kapag naiisip natin na ang mag-anak ng tao ay nababalot ng lubos na kadiliman at kamangmangan sa maraming siglong nagdaan, nang walang paghahayag, o anumang wastong pamantayan [na magagamit] upang malaman ang mga bagay ng Diyos, na malalaman lamang sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos. Kaya nga madalas mangyari, na kapag nangangaral ang mga Elder ng Simbahang ito sa mga nilalang sa mundo, na kung sinusunod nila ang Ebanghelyo ay tatanggap sila ng kaloob ng Espiritu Santo, inaasahan ng mga tao na makakita ng ilang kamangha-manghang palatandaan, ilang malaking pagpapamalas ng kapangyarihan, o ilang di-pangkaraniwang himalang nagawa. …

“Ang mag-anak ng tao ay napakahilig magmalabis, lalo na patungkol sa relihiyon, at dahil dito ay karaniwan nang nagnanais ang mga tao na makakita ng ilang himala, o kung hindi ay hindi sila maniniwala sa kaloob ng Espiritu Santo. Kung ipapatong ng isang Elder ang kanyang mga kamay sa ulo ng isang tao, iniisip ng marami na tatayo kaagad ang tao at magsasalita sa iba’t ibang wika at magpopropesiya; ang ideyang ito ay hango sa sitwasyon ni Pablo nang magpatong siya ng mga kamay sa ilang tao na (sabi nila ay) nabinyagan ni Juan; na nang kanyang gawin, sila ay ‘nagsipagsalita ng mga wika, at nagsipanghula.’ [Tingnan sa Mga Gawa 19:1–6.]…

“Naniniwala kami na ang Espiritu Santo ay ipinagkakaloob sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng mga yaong may awtoridad, at na ang kaloob na mga wika, at gayundin ang kaloob na propesiya ay mga kaloob ng Espiritu, at natatamo sa gayong pamamaraan; ngunit ang sabihing ang mga tao ay laging nagpopropesiya at nagsasalita sa mga wika kapag pinatungan sila ng mga kamay, ay kasinungalingan, salungat sa gawi ng mga Apostol, at hindi naaayon sa banal na kasulatan. …

“… Hindi lahat ng kaloob ng Espiritu ay nakikita ng mga mata, o nauunawaan ng tao; tunay ngang iilan sa mga ito ang gayon. … Iilan dito ang makikilala ng sinuman. Sina Pedro at Juan ay mga Apostol, subalit pinahirapan sila ng mga Judio sa hukuman bilang mga impostor. Si Pablo ay kapwa Apostol at Propeta, subalit pinagbabato siya at ibinilanggo. Walang nalaman ang mga tao tungkol dito, kahit taglay niya ang kaloob ng Espiritu Santo. Ang ating Tagapagligtas ay ‘nagbuhos … ng langis ng kasayahang higit sa [kanyang] mga kasamahan’ [Mga Hebreo 1:9], subalit dahil napakalayong makilala Siya ng mga tao, sinabi nila na Siya raw si Beelzebub, at ipinako Siya bilang isang impostor. Sino ang makapagsasabi na ang isang tao ay Pastor, Guro, o Evangelista sa hitsura lamang, subalit mayroon silang kaloob ng Espiritu Santo?

“Ngunit kung pag-uusapan ang ibang mga miyembro ng Simbahan, at susuriin ang mga kaloob na binanggit ni Pablo, makikita natin na walang alam ang mundo tungkol sa mga ito, at iisa o dadalawa lamang ang kaagad na malalaman, kung agad na ibubuhos ang lahat ng ito matapos ang pagpapatong ng mga kamay. Sa [I Mga Taga Corinto 12:4–11], sinabi ni Pablo, ‘May iba’t ibang mga kaloob datapuwa’t iisang espiritu, at may iba’t ibang mga pangangasiwa datapuwa’t iisang Panginoon; at may iba’t ibang paggawa, datapuwa’t iisang Dios na gumagawa ng lahat ng mga bagay sa lahat. Datapuwa’t sa bawa’t isa ay ibinibigay ang paghahayag ng Espiritu, upang pakinabangan naman. Sapagka’t sa isa, sa pamamagitan ng Espiritu, ay ibinibigay ang salita ng karunungan; at sa iba’y ang salita ng kaalaman ayon din sa Espiritu; sa iba’y ang pananampalataya, sa gayon ding Espiritu; at sa iba’y ang mga kaloob na pagpapagaling, sa iisang Espiritu; sa iba’y ang mga paggawa ng mga himala; sa iba’y hula; sa iba’y ang pagkilala sa mga espiritu; sa iba’y ang iba’t ibang wika; sa iba’y ang pagpapaliwanag ng mga wika. Datapuwa’t ang lahat ng ito ay ginagawa ng isa at ng gayon ding Espiritu, na binabahagi sa bawa’t isa ayon sa kaniyang ibig.’

“Maraming binanggit na kaloob dito, subalit alin sa lahat ng ito ang malalaman ng isang nagmamasid sa pagpapatong ng mga kamay? Ang salita ng karunungan, at ang salita ng kaalaman, ay kaloob ding tulad ng iba pa, subalit kung ang isang tao ay nagtataglay ng dalawang kaloob na ito, o natanggap ang mga ito sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, sino ang makaaalam nito? Maaaring tumanggap ang iba ng kaloob na pananampalataya, at hindi ito mamamalayan. O halimbawa nang may kaloob na pagpapagaling o kapangyarihang gumawa ng mga himala ang isang tao, hindi ito kaagad malalaman sa sandaling patungan siya ng mga kamay para sa kaloob ng Espiritu Santo; kailangan ng panahon at mga sitwasyon na magagamit ang mga kaloob na ito. Halimbawa’y nakahihiwatig ng mga espiritu ang isang tao, sino ang makaaalam nito? O kung nakapagpapaliwanag siya sa iba’t ibang wika, maliban kung may taong nagsasalita sa isang di-kilalang wika, siyempre hindi siya kikibo; dalawang kaloob lamang ang maaaring makita—ang kaloob na mga wika at ang kaloob na propesiya. Ang mga bagay na ito ang madalas pag-usapan, subalit kung magsasalita ang isang tao sa isang di-kilalang wika, ayon sa patotoo ni Pablo, magiging isang barbaro siya sa mga naroon [tingnan sa I Mga Taga Corinto 14:11]. Sasabihin nila na wala itong kahulugan; at kung magpopropesiya siya ay sasabihin nilang wala itong kabuluhan. Ang kaloob na mga wika marahil ang pinakamaliit na kaloob sa lahat, subalit ito ang pinakahahangad nilang makamtan.

“Kaya nga ayon sa patotoo sa Banal na Kasulatan at sa mga pagpapakita ng Espiritu noong mga unang panahon, lubhang kakaunti ang nalalaman ng mga tao sa paligid tungkol dito, maliban sa ilang di-karaniwang okasyon, tulad ng araw ng Pentecostes. Ang mga kaloob na pinakadakila, pinakamahusay, at pinakamalaki ang pakinabang ay hindi malalaman ng taong nagmamasid. …

“Ang mga palatandaan ng kaloob ng Espiritu Santo, paglilingkod ng mga anghel, o pagkakaroon ng kapangyarihan, kamahalan o kaluwalhatian ng Diyos ay bihirang-bihirang ipakita sa publiko, at kung ipakikita man ito ay sa mga tao ng Diyos, katulad halimbawa sa mga Israelita; ngunit karaniwan kapag dumarating ang mga anghel, o inihahayag ng Diyos ang Kanyang Sarili, ito ay personal at pribado, sa kanilang silid; sa ilang o kaparangan, at karaniwan ay walang ingay o kaguluhan. Inilabas ng anghel si Pedro sa bilangguan sa kaparangan sa hatinggabi; nagpakita ito kay Pablo nang hindi namalayan ng ibang mga kasamahan; nagpakita ito kina Maria at Elisabet nang lingid sa kaalaman ng iba; kinausap nito si Juan Bautista habang walang kaalam-alam ang mga taong nakapaligid.

“Nang makita ni Eliseo ang mga karo ng Israel at ang mga nakakabayo rito, hindi ito alam ng iba. Nang magpakita ang Panginoon kay Abraham ito ay sa may pintuan ng kanyang tolda; nang magtungo ang mga anghel kay Lot, walang ibang nakakilala sa kanila maliban kay Lot, na maaaring siya ring nangyari kay Abraham at sa kanyang asawa; nang magpakita ang Panginoon kay Moises, nangyari ito sa nagliliyab na palumpong, sa tabernakulo, o sa ituktok ng bundok; nang isakay si Elias sa karong apoy, hindi ito namalayan ng mundo; at nang siya ay nasa bitak ng isang bato, nagkaroon ng malakas na kulog, ngunit wala sa kulog ang Panginoon; nagkaroon ng lindol, ngunit wala sa lindol ang Panginoon; at pagkatapos ay nagkaroon ng marahan at banayad na tinig, na siyang tinig ng Panginoon, na nagsasabing, ‘Ano ang ginagawa mo rito, Elias?’ [Tingnan sa I Mga Hari 19:11–13.]

“Hindi laging makikilala ang Panginoon sa dagundong ng Kanyang tinig, sa pagpapakita ng Kanyang kaluwalhatian o pagpapamalas ng Kanyang kapangyarihan; at yaong pinakamasugid na makita ang mga bagay na ito, ang pinaka-hindi handang makita ito, at kung ipakikita man ng Panginoon ang Kanyang kapangyarihan tulad ng ginawa Niya sa mga anak ni Israel, ang mga taong ito ang unang-unang magsasabing, ‘Huwag magsalita ang Dios sa amin, baka kami ay mamatay.’ [Tingnan sa Exodo 20:19.]”12

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito sa pag-aaral ninyo ng kabanata o paghahandang magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xiv.

  • Binigyan ng Panginoon ng isang kaloob si Propetang Joseph Smith upang maisalin niya ang mga laminang ginto (mga pahina 133–36). Kailan kayo binigyan ng Panginoon ng mga kaloob upang matulungan kayong makibahagi sa Kanyang gawain?

  • Ano ang matututuhan natin sa ikinuwento ni David Whitmer sa mga pahina 135–36? Ano ang mga karanasan ninyo sa buhay na nagturo sa inyo na dapat kayong maging karapatdapat upang magamit ninyo ang inyong mga espirituwal na kaloob?

  • Repasuhin ang bahaging nagsisimula sa mga pahina 136–37. Sa anong mga paraan nakikinabang ang Simbahan sa pagkakaroon ng mga miyembrong may iba’t ibang kaloob ng Espiritu? Paano kayo nakinabang sa mga espirituwal na kaloob ng iba? Kailan ninyo nakita ang mga taong may iba’t ibang kaloob na nagsama-sama upang magkatulungan?

  • Pag-aralan ang bahaging nasa mga pahina 137–38. Isipin ang ilang espirituwal na kaloob na personal kayong palalakasin o tutulungan sa paglilingkod sa Panginoon at sa iba. Pagpasiyahan kung ano ang gagawin ninyo upang “masigasig … [na] hanapin ang mga pinakamahusay na kaloob” (D at T 46:8).

  • Repasuhin ang bahaging nagsisimula sa dulong ibaba ng pahina 138. Isipin at talakayin ang natatanging payong makikita ninyo tungkol sa kung paano ipinakikita ang mga espirituwal na kaloob. Bakit mahalagang alalahanin na ang mga espirituwal na kaloob ay “bihirang-bihirang ipakita sa publiko”? (mga pahina 139–41). Sa palagay ninyo bakit maraming espirituwal na kaloob na tahimik at lihim na dumarating? Bakit mahalagang alalahanin na maraming kaloob na nangangailangan ng “panahon at mga sitwasyon na magagamit [ang mga ito]”? (pahina 141).

  • Matapos basahin ang kabanatang ito, ano sa palagay ninyo ang ilan sa mga layunin ng mga espirituwal na kaloob?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan:I Mga Taga Corinto 12:1–31; 3 Nephi 29:6; Moroni 10:6–23; D at T 46:8–33

Mga Tala

  1. Emma Smith, interbyu ni Joseph Smith III, Peb. 1879, Saints’ Herald (pahayagang inilalathala ng Reorganized Church of Jesus Christ of Latter Day Saints, na tinatawag ngayong Community of Christ), Okt. 1, 1879, p. 290.

  2. Joseph Knight, Reminiscences, p. 6, Church Archives, The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, Salt Lake City, Utah.

  3. Oliver Cowdery, sinipi sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:71, talababa; mula sa isang liham ni Oliver Cowdery kay William W. Phelps, Set. 7, 1834, Norton, Ohio, inilathala sa Messenger and Advocate, Okt. 1834, p. 14.

  4. David Whitmer, interbyu nina William H. Kelley at George A. Blakeslee, Set. 15, 1881, Saints’ Herald, Mar. 1, 1882, p. 68.

  5. Mga Saligan ng Pananampalataya 1:7.

  6. History of the Church, 5:27; mula sa “Gift of the Holy Ghost,” isang editoryal na inilathala sa Times and Seasons, Hunyo 15, 1842, p. 823; si Joseph Smith ang editor ng pahayagan.

  7. Amasa Potter, “A Reminiscence of the Prophet Joseph Smith,” Juvenile Instructor, Peb. 15, 1894, p. 132.

  8. History of the Church, 5:28–29; mula sa “Gift of the Holy Ghost,” isang editoryal na inilathala sa Times and Seasons, Hunyo 15, 1842, pp. 823–24; si Joseph Smith ang editor ng pahayagan.

  9. History of the Church, 5:218; mula sa mga tagubiling ibinigay ni Joseph Smith noong Ene. 2, 1843, sa Springfield, Illinois; iniulat ni Willard Richards.

  10. History of the Church, 1:322; nasa orihinal ang mga petsang nakabracket; mula sa “History of the Church” (manuskrito), book A-1, p. 270, Church Archives.

  11. Binanggit ni Edward Stevenson, Reminiscences of Joseph, the Prophet, and the Coming Forth of the Book of Mormon (1893), p. 4.

  12. History of the Church, 5:26–31; nasa orihinal ang mga salitang nakabracket sa ikalawang talata; ginawang makabago ang pagbabantas at gramatika; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa “Gift of the Holy Ghost,” isang editoryal na inilathala sa Times and Seasons, Hunyo 15, 1842, pp. 823–25; si Joseph Smith ang editor ng pahayagan.

Book of Mormon manuscript

Bahagi ng isang pahina mula sa orihinal na manuskrito ng Aklat ni Mormon. Ang mga salitang ipinakita ay bahagi ng salaysay ng pangitain ni Lehi tungkol sa punungkahoy ng buhay, na matatagpuan sa 1 Nephi 8:11–23.

Abraham receiving inspiration

“Ang kapangyarihan, kamahalan o kaluwalhatian ng Diyos ay bihirang-bihirang ipakita sa publiko. … Nang magpakita ang Panginoon kay Abraham ito ay sa may pintuan ng kanyang tolda [tingnan sa Genesis 18:1].”