Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 40: Kasiya-siya ang mga Tapat, Matwid, at Tunay na Kaibigan


KABANATA 40

Kasiya-siya ang mga Tapat, Matwid, at Tunay na Kaibigan

“Ang pakikipagkaibigan ay isa sa mga dakila at mahahalagang alituntunin ng ‘Mormonismo.’ … Pinagkakaisa nito ang pamilya sa dulot nitong kaligayahan.”

Mula sa Buhay ni Joseph Smith

Noong Agosto 1842, ang mga awtoridad mula sa Missouri ay nagsikap muli na hulihin si Propetang Joseph Smith. Ang Propeta ay nagtago sa takot na baka paslangin siya kung siya ay maaresto at dalhin sa Missouri. Noong Agosto 11, nagpasabi siya na salubungin siya sa isang isla sa Ilog ng Mississippi, di kalayuan sa Nauvoo ng ilang matatapat na kapamilya at kaibigan. Nang gabing iyon, nagtipon sina Emma Smith, Hyrum Smith, Newel K. Whitney, at iba pa malapit sa pampang ng ilog at naglakbay sakay ng bangka sa itinalagang lugar na pagtitipanan. Masayang hinawakan ng Propeta sa kamay ang bawat isa, na nagpapasalamat sa tulong at kaaliwang dulot ng tunay na pagkakaibigan. Kalaunan isinulat niya sa kanyang journal ang nadarama niyang pasasalamat sa kanyang mga kapamilya at kaibigan. Ang ilan sa isinulat niyang ito sa journal ay isinama sa kabanatang ito. Ilang linggo pa ang lumipas, tinapos ng Propeta ang kanyang liham sa mga Banal sa mga salitang nagpapahayag ng kanyang nadarama para sa kanila: “Ako, gaya ng dati, ang inyong hamak na tagapaglingkod at hindi nagbabagong kaibigan, Joseph Smith” (D at T 128:25).

Tinugon ng mga Banal ang damdamin ng Propeta, itinuring siyang hindi lamang kanilang Propeta kundi kaibigan din nila. Nagunita ni Benjamin F. Johnson, isang malapit na kaibigan at personal na sekretaryo ni Joseph Smith na: “Si ‘Joseph Smith’— bilang kaibigan ay tapat, mapagtiis, marangal at tunay…. Bilang kasama, sa pakikipagkapwa-tao, siya ay pinagkaloobang mabuti ng magagandang katangian—mabait, mapagbigay, matuwain at masayahin… . Sa paglilibang nakikipagbuno siya minsan sa isang kaibigan, o kadalasan susubukan niya ang lakas ng iba sa pamamagitan ng pag-upo sa sahig na magkadaop ang mga talampakan at hahawakan ang patpat na nasa gitna nila. Pero walang sinuman ang makapantay sa kanyang lakas. Pangkaraniwan na ang biruan, paghula ng salita gamit ang mga larawan, pagtatambal ng magkakatugmang taludtod, at kung anu-ano pa. Subalit mas madalas ang paghiling na awitin ang isa o higit pa sa mga paborito niyang kanta…. Gayunpaman, bagaman madalas nagkakatuwaan at nagkakasayahan, hindi niya pinapayagan ang kayabangan o kawalang-galang sa pagsasalita o pagkilos.”1

Si Joseph Smith ay palakaibigan at maawain pa, naalala ng isang kabataang lalaki: “Nasa bahay ako ni Joseph noon; naroon siya, at ilang kalalakihan ang nakaupo sa bakod. Lumabas si Joseph at nakipag-usap sa aming lahat. Kalaunan isang lalaki ang dumating at sinabing sinunog ang bahay ng isang maralitang tao na nakatira ng di kalayuan sa bayan. Halos lahat ng kalalakihan ay nalungkot para sa taong iyon. Dumukot ng pera si Joseph sa kanyang bulsa at sinabing, ‘Nalulungkot ako para sa brother na ito at narito ang kanyang limang dolyar; Gaano ang … nadarama ninyong kalungkutan [para] sa kanya?’ ”2

Marahil ang malaking pagmamahal ni Joseph Smith sa kanyang mga kaibigan ang lalong nagpahirap sa kanya nang magtaksil ang ilan sa mga kaibigang iyon. Sa Nauvoo, kinalaban ang Propeta ng mga kaibigang pinagkatiwalaan niya. Gayunpaman, tinugunan ng maraming kaibigan ang katapatan ng Propeta, nanatili silang tapat sa kanya hanggang wakas.

Isa sa mga kaibigang iyon si Willard Richards, isang miyembro ng Korum ng Labindalawa, na nabilanggong kasama nina Joseph at Hyrum Smith at John Taylor sa Carthage, Illinois. Habang nakakulong, pinahintulutan ang kalalakihan na lumipat sa mas komportableng silid sa pangalawang palapag ng bilangguan mula sa seldang nasa ibaba. Pagkatapos, bago siya namatay na martir, iminungkahi ng tagabantay ng bilangguan na mas ligtas ang mga bilanggo sa seldang bakal na katabi ng silid. Tinanong ni Joseph si Elder Richards, na tinatawag na “doktor” ng kanyang mga kaibigan sapagkat manggagamot siya: “ ‘Kung pupunta kami sa selda, sasama ka ba sa amin?’ Sumagot ang doktor, ‘Brother Joseph, hindi mo hiniling na samahan kita sa pagtawid sa ilog— hindi mo ako pinapunta sa Carthage—hindi mo ako pinasama sa bilangguan—palagay mo ba pababayaan kita ngayon? Pero sasabihin ko sa iyo ang gagawin ko; kung nahatulan kang mabitay sa salang pagtataksil, ako ang magpapabitay para sa iyo, at makakalaya ka.’ Sinabi ni Joseph, ‘Hindi mo gagawin iyan.’ Tumugon ang doktor, ‘Gagawin ko.’ ”3

Mga Turo ni Joseph Smith

Pinagagaan ng tunay na mga kaibigan ang kalungkutan ng isa’t isa at nananatiling tapat kahit sa panahon ng paghihirap.

Isinulat ni Joseph Smith ang sumusunod tungkol sa mga miyembro ng kanyang pamilya at mga kaibigan na dumalaw sa kanya noong Agosto 11, 1842, habang siya ay nagtatago: “Tila napakaganda at napakasaya para sa akin, na makahanap ng dalisay at banal na mga kaibigan, na matatapat, mga matwid, at tunay, at ang mga puso ay hindi nagsisipanglupaypay; at ang mga tuhod ay malalakas at hindi nanghihina, habang sila’y nangaghihintay sa Panginoon, sa pagbibigay sa akin ng mga kailangan ko, sa panahong ibinuhos ng aking mga kaaway ang kanilang poot sa akin. …

“Napakasaya ko nang makita ko ang grupo ng matatapat at magigiliw na kaibigang iyon, noong ikalabing-isa ng gabi, araw ng Huwebes, sa isla sa bungad ng latian, sa pagitan ng Zarahemla at Nauvoo: at hindi maibulalas na kaligayahan, at matinding galak ang nadama ko, nang hawakan ko sa kamay, nang gabing iyon, ang mahal kong si Emma—siya na aking asawa, maging sa aking kabataan, at siyang pinili ng aking puso. Marami akong naalala nang sandali kong mapagmuni-muni ang maraming pangyayari na kinailangan naming pagdaanan, ang mga pagpapagal at paghihirap, mga kalungkutan at pagdurusa at kagalakan at kaaliwan, sa pana-panahon, na nangyari sa buong buhay namin at nagpala ng aming buhay. Ah, marami ang sumagi sa isipan ko nang sandaling iyon, at narito siyang muli, … hindi nawawalan ng pag-asa, matatag, at hindi nanghihina—hindi nagbabago, mapagmahal na si Emma!

“Narito si Brother Hyrum na hinawakan din ako sa kamay— isang mapagmahal na kapatid. Naisip ko sa sarili ko, Brother Hyrum, napakatapat ng puso mo! Ah, nawa’y putungan ka ng Walang Hanggang Jehova ng mga pagpapalang walang hanggan sa iyong uluhan, bilang gantimpala sa pangangalaga mo sa aking kaluluwa! Ah, napakarami na nating dinanas na kalungkutan na magkasama; at muli nasumpungan natin ang ating sarili na bilanggo ng malulupit na kamay ng kaaway. Hyrum, masusulat ang pangalan mo sa Aklat ng Kautusan ng Panginoon, para sa mga taong hahangarin kang makilala, nang sa gayon ay tularan nila ang iyong mga ginawa.

“Sabi ko sa sarili ko, Narito rin si Brother Newel K. Whitney. Napakaraming kalungkutan na ang nangyari sa aming buhay na magkasama; subalit nagkita kaming muli upang maranasan muli ang kalungkutang ito. Ikaw ay isang matapat na kaibigan kung kanino ay maaaring magtapat ang namimighating mga anak na lalaki, na lubos na magtitiwala sa iyo. Hayaang ang mga pagpapala ng Walang Hanggang Jehova ay maiputong din sa kanyang uluhan. Napakamaawain niya at hangad ng kanyang kaluluwa ang kapakanan ng isang itinakwil, at kinapootan ng halos lahat ng tao. Brother Whitney hindi mo nalalaman kung gaano katibay ang mga bigkis na iyon na nag-uugnay sa aking kaluluwa at puso sa iyo….

“Hindi ko inisip na banggitin ang bawat detalye ng nangyari noong sagradong gabing iyon, na maaalala ko magpakailanman; subalit ang mga pangalan ng matatapat ang hangad kong itala sa bahaging ito. Ang mga ito ang nakilala ko sa kasaganahan, at sila ay mga kaibigan ko; at nakasama ko sila sa pagdurusa, at lalo ko pa silang naging matatalik na kaibigan. Mahal nila ang Diyos na aking pinaglilingkuran; mahal nila ang mga katotohanan na ipinaalam ko sa kanila; mahal nila ang yaong mabubuti, at yaong banal na mga doktrina na itinangi ko sa kaibuturan ng aking puso nang may pagmamahal, at sa kasiglahang iyon na hindi maikakaila….

“… Sana makita kong muli ang [mga kaibigan ko], nang sa gayon ay magpagal ako para sa kanila, at magbigay rin ng kaaliwan sa kanila. Hindi sila mangungulila sa kaibigan habang ako ay buhay; mamahalin sila ng puso ko, at ang aking mga kamay ay magpapagal para sa kanila, na nagmahal at nagpagal para sa akin, at magiging tapat magpakailanman sa aking mga kaibigan. Magiging walang utang na loob ba ako? Hinding-hindi! Huwag nawang itulot ng Diyos!”4

Noong Agosto 23, 1842, isinulat pa ng Propeta: “Nadama ko … na nag-ibayo ang pagmamahal ko sa aking mga kaibigan, habang naiisip ko ang mga kabutihan at mabubuting katangian at pagkatao ng iilang matatapat na itinatala ko ngayon sa Aklat ng Kautusan ng Panginoon,—mga taong nasa tabi ko sa bawat oras ng pagdurusa, sa nakalipas na labing limang taong ito,—katulad, halimbawa, ng matanda na at mahal kong kapatid na si Joseph Knight, Sen., na kabilang sa mga unang tao na tumulong sa mga pangangailangan ko, habang sinisimulan ko ang pagpapalaganap ng gawain ng Panginoon, at pagtatayo ng pundasyon ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sa loob ng labinlimang taon siya ay naging tapat at tunay, at makatarungan at uliran, at banal at mabait, nanatiling tapat at sumasampalataya. Masdan siya ay isang mabuting tao, nawa’y pahabain ng Makapangyarihang Diyos ang kanyang buhay; at nawa’y sumiglang muli ang kanyang nanginginig, pinahirapan, at sinaktang katawan, at biyayaan siya sa tuwina ng mabuting kalusugan, kung iyon ang Inyong kalooban, O Diyos; at ang masasabi ko sa kanya, ng mga anak na lalaki ng Sion, hangga’t may nabubuhay sa mga ito, na ang lalaking ito ay isang tapat na tao sa Israel; samakatwid ang kanyang pangalan ay hindi malilimutan kailanman. …

“… Habang naaalala ko ang ilang matatapat na nabubuhay pa ngayon, naalala ko rin ang tapat kong mga kaibigan na pumanaw na, sapagkat napakarami nila; at marami silang nagawang kabutihan—kabutihan ng isang ama at kapatid na lalaki—na ipinagkaloob nila sa akin; at simula nang tugisin ako ng mga taga Missouri, maraming kabutihan nila ang sumagi sa aking isipan. …

“Maraming kaluluwa ang minahal ko ng pagmamahal na mas matibay kaysa kamatayan. Sa kanila ay napatunayan kong tapat ako—sa kanila ay nagpasiya akong patunayan na tapat ako, hanggang sa tawagin ako ng Diyos sa langit.”5

Pinagkakaisa ng pagkakaibigan ang pamilya ng sangkatauhan, pinapawi ang poot at di pagkakaunawaan.

“Hindi mahalaga sa akin anuman ang pagkatao ng isang tao; kung siya ay kaibigan ko—isang tunay na kaibigan, magiging kaibigan niya ako, at ipangangaral ang Ebanghelyo ng kaligtasan sa kanya, at bibigyan siya ng mabubuting payo, at tutulungan siyang makaalis sa kanyang mga paghihirap.

“Ang pakikipagkaibigan ay isa sa mga dakila at mahahalagang alituntunin ng ‘Mormonismo’; [ito’y nilayon] upang baguhin at gawing sibilisado ang daigdig, at pahupain ang mga digmaan at alitan at maging magkakaibigan at magkakapatid ang mga tao. …

“… Ang pakikipagkaibigan ay tulad ng kay Brother [Theodore] Turley sa kanyang pandayan na naghihinang ng bakal sa bakal; pinag-iisa nito ang pamilya ng sangkatauhan sa kaligayahang dulot nito.”6

“Ang pagkakaibigang iyon na tatanggaping tunay ng matatalinong tao ay dapat magsimula sa pagmamahal, at ang pagmamahal na iyon ay dapat mag-ibayo sa kabutihan na mahalagang bahagi ng relihiyon tulad ng liwanag na bahagi ni Jehova. Ganito ang sabi ni Jesus, ‘Walang may lalong dakilang pagibig kay sa rito, na ibigay ng isang tao ang kaniyang buhay dahil sa kaniyang mga kaibigan.’ [Juan 15:13]”7

Noong Marso 1839, habang nakabilanggo si Propetang Joseph Smith at ilang kasama sa bilangguan sa Liberty, Missouri, lumiham ang Propeta sa mga miyembro ng Simbahan: “Nakatanggap kami ng ilang liham kagabi—isa mula kay Emma, isa kay Don C. Smith [kapatid ni Joseph], at isa kay Bishop [Edward] Partridge— ang lahat ay nagpapahayag ng magiliw at nakapapanatag na damdamin. Labis kaming nasiyahan sa nilalaman nito. Matagal na kaming walang nababalitaan; at nang mabasa namin ang mga liham na iyon, ang mga ito ay nagpaginhawa sa amin tulad ng sariwang hangin, subalit ang aming kagalakan ay nahaluan ng kalungkutan, dahil sa mga pagdurusa ng mga maralita at lubhang napinsalang mga Banal. Hindi na namin kailangang sabihin sa inyo na naantig ng matinding kalungkutan ang aming puso at nahilam sa luha ang aming mga mata, subalit ang mga taong hindi pa nakulong sa mga pader ng bilangguan nang walang kadahilanan o nakagalit, ay may kaunting ideya lamang kung gaano katamis ang tinig ng isang kaibigan; isang sagisag ng pagkakaibigan mula sa anumang pinagmulan na nakapagpaantig at nagpaibayo ng pagdamay; maaalala mo ang lahat ng nakaraan; sinasakop nito ang kasalukuyan nang may pananabik tulad ng kidlat; sinusunggaban nito ang hinaharap nang may kabangisan ng isang tigre; ipinaaalala nito sa isipan ang nakaraan at kasalukuyan, mula sa isang bagay tungo sa isa pa, hanggang sa huli ang lahat ng alitan, masamang hangarin at poot, at pagkakaiba-iba noon, di pagkakaunawaan at maling pakikitungo ay matagumpay na nadaig sa paanan ng pag-asa.”8

Ang mga Banal ng Diyos ay tunay na magkakaibigan.

Isinulat ng Propeta ang sumusunod na tala sa isang miyembro ng Simbahan noong Agosto 1835: “Naaalala namin ang iyong pamilya, kasama ang lahat ng unang mga pamilya ng Simbahan, na unang yumakap sa katotohanan. Naalala namin ang kawalan ninyo at kalungkutan. Ang unang bigkis ng ating pagkakaibigan ay hindi naputol; kasama namin kayo sa naranasang kasamaan gayundin sa kabutihan, sa kalungkutan gayundin sa kagalakan. Nagtitiwala tayo na ang ating pagkakaisa ay mas matibay kaysa kamatayan, at hindi kailanman masisira.”9

Ganito ang sinabi ng Propeta sa isang salu-salo na dinaluhan niya noong Enero 1836 sa Kirtland: “Dumalo ako sa masaganang handaan kina Bishop Newel K. Whitney. Ang handaang ito ay ayon sa orden ng Anak ng Diyos—ang pilay, lumpo, at bulag ay inanyayahan, ayon sa mga tagubilin ng Tagapagligtas [tingnan sa Lucas 14:12–13]…. Marami ang dumalo, at bago kami kumain inawit namin ang ilang awit ng Sion; at nagalak ang aming mga puso sa paunang pagtamasa ng kagalakang iyon na ibubuhos sa mga uluhan ng mga Banal kapag sila ay samasamang nagtipon sa Bundok ng Sion, upang masayang makasama ang isa’t isa magpakailanman, matamasa ang lahat ng pagpapala ng langit, kung saan walang sinuman ang manliligalig o mananakot sa amin.”10

Tinangkang dalawin ni Sister Presendia Huntington Buell si Joseph Smith habang nakakulong ito sa Liberty Jail noong 1839, subalit pinaalis siya ng tagapagbantay ng bilangguan. Kalaunan lumiham sa kanya ang Propeta: “Ah, napakasaya sanang makita ang aming mga kaibigan! Napasaya sana nito ang aking puso sa pribilehiyong makausap ka, ngunit ang kamay ng malulupit ay nakaumang sa atin… . Gusto kong malaman mo at ng [iyong asawa] na tunay ninyo akong kaibigan… . Walang dilang makapagsasabi ng kagalakang naidudulot nito sa isang tao, matapos mabilanggo sa mga pader ng bilangguan nang limang buwan, ang makita ang mukha ng isang kaibigan. Tila ba magiging mas mapagmahal ang aking puso tuwina matapos ito kaysa noon. Patuloy na naghihinagpis ang puso ko kapag naiisip ko ang paghihirap ng Simbahan. Ah, sana ay makasama ko sila! Hindi ko sila tatalikuran sa takot na magpagal at maghirap para mabigyan sila ng kaaliwan at kasiyahan. Hangad ko ang pagpapala na minsan pa ay magsalita sa gitna ng mga Banal. Ibubuhos ko ang aking kaluluwa sa Diyos para matagubilinan sila.”11

Sa pagsasalita sa Nauvoo, Illinois, kung saan maraming miyembro ng Simbahan ang dumating na dala lamang ay kaunting ari-arian, itinuro ng Propeta: “Dapat nating damayan ang mga kasamahan natin na nagdusa. Kung may lugar man na dapat pag-ibayuhin ang pagdadamayan at ibuhos ang langis at alak sa namimighati, iyon ay sa lugar na ito; at ang diwang iyon ay makikita rito; at bagaman isang dayuhan at naghihirap [ang tao] nang siya ay dumating, makahahanap siya ng isang kapatid at kaibigan na handang tumulong sa kanyang mga pangangailangan.

“Ituturing kong isa sa pinakamalalaking pagpapala, kung ako ay pahirapan sa mundong ito, na ako sana ay itadhana sa lugar kung saan mapalilibutan ako ng aking mga kapatid at kaibigan.”12

Naalala ni George A. Smith na pinsan ng Propeta: “Pagkatapos naming mag-usap, mahigpit akong niyakap ni Joseph at sinabing, ‘George A., mahal kita tulad ng aking buhay.’ Labis akong naantig, hindi ako gaanong nakapagsalita.”13

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito sa pag-aaral ninyo ng kabanata o paghahandang magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xiv.

  • Repasuhin ang unang talata sa pahina 537 Pagkatapos ay ilipat sa mga pahina 540–43 at pansinin ang mga katangiang hinangaan ni Joseph Smith kina Emma Smith, Hyrum Smith, Newel K. Whitney, at Joseph Knight Sr. Sa inyong palagay bakit isang kaaliwan sa kanya ang kanilang pagkakaibigan sa panahon ng paghihirap? Sa anong mga paraan kayo sinuportahan ng mga kaibigan nang maharap kayo sa pagsubok? Ano ang magagawa natin para suportahan ang iba kapag dumaranas sila ng pagsubok?

  • Karamihan sa mga kuwento sa kabanatang ito ay tungkol sa kahalagahan ng tunay na pagkakaibigan sa panahon ng kahirapan. Subalit sa talata na nagsisimula sa dulong ibaba ng pahina 537, ikinuwento ni Benjamin F. Johnson ang tungkol sa magiliw na paraan ni Joseph Smith sa panahon ng kapayapaan. Ano ang matututuhan ninyo sa paglalarawang ito? Paano nakikinabang ang ating pagkakaibigan at ugnayan sa pamilya kapag gumugugol tayo ng oras para magtawanan at maglaro nang magkakasama?

  • Pag-aralan ang ikatlong buong talata sa pahina 543. Sa inyong palagay bakit sinabi ni Joseph Smith na ang pagkakaibigan ay isa sa mga dakila at mahahalagang alituntunin ng ‘Mormonismo’ ”? Sa anong mga paraan matutulungan ng ipinanumbalik na ebanghelyo na makita ng mga tao na sila ay magkakaibigan? Paano nagpakita ng halimbawa ng pagkakaibigan sa lahat ng tao ang iba pang mga Pangulo ng Simbahan?

  • Repasuhin ang ikaapat na buong talata sa pahina 543. Paano naging katulad ng paghihinang ng bakal sa bakal ang pagkakaibigan?

  • Basahin ang una at ikalawang buong talata sa pahina 546. Pansinin ang pagtukoy sa “langis at alak,” mula sa talinghaga ng mabuting Samaritano (Lucas 10:34). Ano ang mga partikular na bagay na magagawa natin para masunod ang payo ng Propeta? para sundan ang halimbawa ng mabuting Samaritano?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan:1 Samuel 18:1; Mga Kawikaan 17:17; 2 Nephi 1:30; Mosias 18:8–10; Alma 17:2; D at T 84:77; 88:133

Mga Tala

  1. Liham ni Benjamin F. Johnson kay George F. Gibbs, 1903, p. 6–8; Benjamin Franklin Johnson, Papers, 1852–1911, Church Archives, The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, Salt Lake City, Utah.

  2. Andrew J. Workman, sa “Recollections of the Prophet Joseph Smith,” Juvenile Instructor, Okt. 15, 1892, p. 641.

  3. History of the Church, 6:616; ginawang makabago ang pagbabantas; mula sa isang journal entry ni Willard Richards, Hunyo 27, 1844, Carthage, Illinois.

  4. History of the Church, 5:107–9; ginawang makabago ang pagbabaybay, pagbabantas, at pagpapalaki ng mga letra; mula sa isang journal entry ni Joseph Smith, Ago. 16, 1842, malapit sa Nauvoo, Illinois.

  5. History of the Church, 5:124–25; mula sa isang journal entry ni Joseph Smith, Ago. 23, 1842, malapit sa Nauvoo, Illinois; mali ang petsang Ago. 22, 1842 sa entry na ito sa History of the Church.

  6. History of the Church 5:517; nasa orihinal ang unang grupo ng mga salitang naka-bracket; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Hulyo 23, 1843, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Willard Richards; tingnan din sa apendise, pahina 655, aytem 3.

  7. History of the Church, 6:73; mula sa isang liham ni Joseph Smith kay James Arlington Bennett, Nob. 13, 1843, Nauvoo, Illinois; mali ang pagbabaybay na “Bennett” sa apelyido ni James Bennet sa History of the Church.

  8. History of the Church, 3:293; ginawang makabago ang pagbabaybay; mula sa isang liham ni Joseph Smith at ng iba pa kay Edward Partridge at sa Simbahan, Mar. 20, 1839, Liberty Jail, Liberty, Missouri.

  9. Pahabol na liham ni Joseph Smith at ng iba pa kay Hezekiah Peck, Ago. 31, 1835, Kirtland, Ohio; sa “The Book of John Whitmer,” pp. 80–81, Community of Christ Archives, Independence, Missouri; kopya ng “The Book of John Whitmer” sa Church Archives.

  10. History of the Church, 2:362–63; mula sa isang journal entry ni Joseph Smith, Ene. 7, 1836, Kirtland, Ohio.

  11. History of the Church, 3:285–86; ginawang makabago ang pagbabaybay; mula sa isang liham ni Joseph Smith kay Presendia Huntington Buell, Mar. 15, 1839, Liberty Jail, Liberty, Missouri; mali ang pagbabaybay na “Bull” sa apelyido ni Sister Buell sa History of the Church.

  12. History of the Church, 5:360–61; ginawang makabago ang pagbabantas; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Abr. 16, 1843, sa Nauvoo, Illinois; iniulat nina Wilford Woodruff at Willard Richards.

  13. History of the Church, 5:360–61; ginawang makabago ang pagbaban-tas; mula sa isang talumpating ibini-gay ni Joseph Smith noong Abr. 16, 1843, sa Nauvoo, Illinois; iniulat nina Wilford Woodruff at Willard Richards. 13. George A. Smith, sinipi sa History of the Church, 5:391; mula kay George A. Smith, “History of George Albert Smith by Himself,” p. 1, George Albert Smith, Papers, 1834–75, Church Archives.

Joseph and Hyrum

Si Hyrum Smith ay pinagmumulan tuwina ng lakas at suporta ng kanyang kapatid na si Joseph. “Brother Hyrum,” pagpapahayag ng Propeta, “napakatapat ng iyong puso!”

Joseph greeting member

Naalala ng maraming Banal na dumating sa daungan ang pagsalubong ni Propetang Joseph Smith habang sila ay bumababa, na malugod silang tinatanggap sa kanilang bagong tirahan.