Kabanata 22
Pagtatamo ng Kaalaman tungkol sa mga Walang Hanggang Katotohanan
“Ang tao ay kailangan munang matuto bago maligtas.”
Mula sa Buhay ni Joseph Smith
“Mahilig mag-aral” si Propetang Joseph Smith, isinulat ni George Q. Cannon. “Mahilig siya sa kaalaman dahil sa kapangyarihang nagmumula sa mabuting paggamit nito. Dahil sa mga paghihirap na pumalibot sa kanya mula noong ipaalam niya sa mapag-alinlangang mundo ang kanyang pakikipag-ugnayan sa langit, mula noon patuloy na siya sa pagtatamo ng talino. Inutusan siya ng Panginoon na mag-aral, at siya ay sumunod. … Ang kanyang pag-iisip, na pinasigla ng Banal na Espiritu, ay mabilis na natutuhan ang lahat ng totoong alituntunin, at isa-isa siyang nagpakadalubhasa sa mga sangay na ito at naging guro ng mga ito.”1
Noong 1833, ang Propeta at isang grupo ng mga Banal sa Kirtland ay nagkaroon ng kakaibang pagkakataong pag-aralan ang ebanghelyo. Noong Enero ng taong iyon, ayon sa utos ng Panginoon (tingnan sa D at T 88:127–41), itinatag ng Propeta ang Paaralan ng mga Propeta upang sanayin ang mga maytaglay ng priesthood sa kanilang gawain sa ministeryo at ihanda sila sa pangangaral ng ebanghelyo. Ang paaralan ay idinaos sa silid sa pangalawang palapag ng tindahan ni Newel K. Whitney, kung saan nakatira ang Propeta. Mga 25 kalalakihan ang nag-aral doon, ang ilan ay naglakbay ng daan-daang kilometro para sa pribilehiyong makapag-aral ng ebanghelyo sa isang silid na hindi hihigit sa 3.25 metro ang luwang at 4.27 metro ang haba. Kalaunan ay marami sa kalalakihang ito ang naging mga Apostol, Pitumpu, at iba pang mga lider ng Simbahan. Bagaman pana-panahon ay nag-aral ng wika ang Propeta at iba pang kalalakihan, higit nilang pinagtuunan ang pag-aaral ng mga doktrina ng ebanghelyo, masigasig na nagaaral mula sa pagbubukang-liwayway hanggang dapit-hapon. Ang paaralang ito ay nagtagal nang apat na buwan, at ganitong mga paaralan ang kalaunan ay itinatag sa Kirtland at gayundin sa Missouri, na dinaluhan ng daan-daang tao.
Sa pulong ng paaralan na idinaos noong Pebrero 27, 1833, ang Propeta ay tumanggap ng isang mahalagang paghahayag. Sa mga unang araw ng Simbahan, karaniwan na ang paggamit ng alak, tabako, kape, at tsaa sa loob at labas ng Simbahan. Sa buong panahong nakita ng Propeta ang kalalakihan na gumagamit ng tabako sa paaralan, nabahala siya. Naalala ni Brigham Young: “Nang sila ay nakatipun-tipon sa silid na ito pagkatapos ng almusal, ang unang [bagay] na ginawa nila ay ang magsindi ng kanilang mga kuwako, at, habang nagtatabako, ay pinag-uusapan ang mga dakilang bagay tungkol sa kaharian. … Madalas na kapag pumapasok ang Propeta sa silid upang magbigay ng mga tagubilin ay makikita niya ang kanyang sarili sa gitna ng makapal na usok ng tabako. Ito, at ang mga reklamo ng kanyang asawa sa paglilinis ng napakaruming sahig [mula sa pagnguya ng tabako], ang nakapagpaisip sa Propeta tungkol sa bagay na ito, at siya ay nagtanong sa Panginoon tungkol sa kinagawian ng mga Elder sa paggamit ng tabako, at ang pahayag na kilala bilang Word of Wisdom ang bunga ng kanyang pagtatanong.”2
Sinunod ng milyun-milyong tao ang payo sa paghahayag na ito at tumanggap ng mga pagpapalang temporal at espirituwal, kabilang na ang “karunungan at malaking kayamanan ng kaalaman” na ipinangako sa mga yaong mamumuhay sa pagsunod sa mga utos ng Diyos (D at T 89:19).
Mga kayamanan ng kaalamang espirituwal ang ibinuhos sa kalalakihang dumalo sa Paaralan ng mga Propeta, at malaki ang iniunlad nila sa pag-unawa sa ebanghelyo. Sa pulong ng paaralan na idinaos noong Marso 18, 1833, sina Sidney Rigdon at Frederick G. Williams ay itinalaga bilang mga tagapayo ng Propeta sa Unang Panguluhan. Pagkatapos, “hinikayat [ng Propeta] ang kalalakihan na maging tapat at masigasig sa pagsunod sa mga utos ng Diyos, at nagbigay ng maraming tagubilin para sa kapakanan ng mga Banal, na may pangakong makakakita ng makalangit na pangitain ang mga dalisay ang puso; at pagkatapos manatili nang maikling oras para sa tahimik na panalangin, napagtibay ang pangako; sapagkat maraming naroon ang nakaunawa sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos, kaya’t nakakita sila ng maraming bagay. … Marami sa kalalakihan ang nakakita ng makalangit na pangitain tungkol sa Tagapagligtas, at ng lipumpon ng mga anghel, at maraming iba pang bagay.”3
Ipinaliwanag ng Propeta, “Patuloy na nabanaag ang malaking galak at kasiyahan sa mga mukha ng mga nasa Paaralan ng mga Propeta, at ng mga Banal, dahil sa mga bagay na inihayag, at sa aming pag-unlad sa kaalaman ng Diyos.”4
Mga Turo ni Joseph Smith
Nasa ebanghelyo ni Jesucristo ang lahat ng katotohanan; tinatanggap ng matatapat ang mga katotohanang inihayag ng Diyos at tinatalikuran ang mga maling tradisyon.
“Ang Mormonismo ay katotohanan; at bawat taong tumatanggap nito ay malayang tinatanggap ang lahat ng katotohanan: bunga nito ang mga kadena ng pamahiin, pagkapanatiko, kamangmangan, at huwad na pagkasaserdote, ay sabay-sabay na nakakalag sa kanyang leeg; at namumulat ang kanyang mga mata sa katotohanan, at ang katotohanan ay lalong nananaig kaysa sa huwad na pagkasaserdote. …
“… Ang Mormonismo ay katotohanan, sa madaling salita ang doktrina ng mga Banal sa mga Huling Araw, ay katotohanan. … Ang una at pinakamahalagang alituntunin ng ating banal na relihiyon ay, naniniwala tayo na may karapatan tayong tanggapin ang lahat, at bawat bagay ng katotohanan, na walang limitasyon o hindi nahahadlangan o napagbabawalan ng mga paniniwala o pamahiin ng tao, o ng relihiyon ng isa’t isa, kapag ang katotohanang iyon ay malinaw na nailarawan sa ating mga isipan, at may malaki tayong katibayan sa katotohanang iyon.”5
Noong Enero 1843, nakausap ni Joseph Smith ang ilang taong hindi miyembro ng Simbahan: “Sinabi ko na ang pinakamalinaw na pagkakaiba ng paniniwala ng mga Banal sa mga Huling Araw sa mga sekta ay, ang huli ay nahahadlangan ng ilang kakaibang doktrina, na nagkakait sa mga miyembro nito ng pribilehiyong maniwala sa anumang wala roon, samantalang ang mga Banal sa mga Huling Araw… ay handang maniwala sa lahat ng totoong alituntuning umiiral, kapag ang mga ito ay ipinahayag sa pana-panahon.”6
“Hindi ko mapaniwalaan ang alinman sa mga doktrina ng iba’t ibang relihiyon, sapagkat lahat sila ay may ilang bagay na hindi ko matatanggap, bagaman lahat sila ay may bahagyang katotohanan. Nais kong lumapit sa harapan ng Diyos, at matutuhan ang lahat ng bagay; subalit ang mga doktrina ay naglagay ng mga harang [mga hangganan], at sinabing, ‘Hanggang dito ay darating ka, ngunit hindi ka na lalagpas’ [Job 38:11]; na hindi ko matatanggap.”7
“Sinasabi ko sa lahat ng yaong naglalagay ng mga harang sa Makapangyarihang Diyos, Hindi ninyo matatamo ang kaluwalhatian ng Diyos. Upang maging kasamang tagapagmana ng Anak, kailangang talikdan ng tao ang lahat ng kanyang maling tradisyon.” 8
“Ang mahalagang malaman natin ay maunawaan kung ano ang itinatag ng Diyos bago nilikha ang mundo. Sino ang nakaaalam nito? Likas na ugali ng sangkatauhan ang maglagay ng mga harang at magtakda ng mga hangganan sa mga gawain at paraan ng Makapangyarihang Diyos. … Yaong mga itinago sa mundo bago nilikha ang mundo ay inihayag sa mga sanggol at pasusuhin sa mga huling araw [tingnan sa D at T 128:18].”9
“Kapag nagsalita ang mga tao laban [sa katotohanan] hindi ako ang napipinsala, kundi ang sarili nila. … Kapag winawalanghalaga ng mga mangmang ang mga bagay na napakahalaga nang hindi man lamang ito pinag-iisipan, gusto kong makita ang katotohanan at ang lahat epektong dulot nito at tanggapin ito sa aking puso. Naniniwala ako sa lahat ng inihayag ng Diyos, at kailanman ay wala akong nabalitaang tao na napahamak dahil sa labis na paniniwala; kundi dahil sa kawalan ng paniniwala.”10
“Kapag nagbigay ang Diyos ng pagpapala o kaalaman sa isang tao, at ayaw niya itong tanggapin, siya ay mapapahamak. Ang mga Israelita ay nanalangin na mangusap ang Diyos kay Moises at hindi sa kanila; bunga nito isinumpa niya sila sa pamamagitan ng pagbibigay ng makalupang kautusan.11
“Lagi akong nasisiyahang makita ang pagtatagumpay ng katotohanan sa kamalian, at pagsuko ng kadiliman sa liwanag.”12
Ang pagkakaroon ng kaalaman sa mga walang hanggang katotohanan ay mahalaga sa pagtatamo ng kaligtasan.
“Ang kaalaman ay kailangan sa buhay at kabanalan. Sa aba sa inyong mga saserdote at pastor na nangangaral na hindi kailangan ang kaalaman sa buhay at kaligtasan. Alisin ninyo ang mga Apostol, at kung anu-ano pa, alisin ninyo ang kaalaman, at makikita ninyo ang inyong sarili na karapat-dapat maparusahan sa impiyerno. Ang kaalaman ay paghahayag. Dinggin, kayong lahat na kalalakihan, ang mahalagang susing ito: ang kaalaman ay kapangyarihan ng Diyos tungo sa kaligtasan.”13
“Ang kaalaman ay pumapawi sa kadiliman, pag-aalala at alinlangan; sapagkat ang mga ito ay hindi iiral kung may kaalaman. … Sa kaalaman ay may kapangyarihan. Higit ang kapangyarihan ng Diyos kaysa lahat ng iba pang nilalang, dahil higit ang Kanyang kaalaman; at dahil dito alam Niya kung paano ipailalim ang lahat ng iba pang nilalang sa Kanya. Siya ay may kapangyarihan sa lahat.”14
“Habang nalalayo tayo sa Diyos, nahuhulog tayo sa diyablo at nawawalan ng kaalaman, at kung walang kaalaman hindi tayo maliligtas, at habang ang ating puso ay puno ng kasamaan, at kasamaan ang ating pinag-aaralan, walang puwang sa ating puso ang kabutihan, o pag-aaral ng kabutihan. Hindi baga mabait ang Diyos? Kung gayon ay magpakabait kayo; kung Siya ay tapat, maging tapat kayo. Dagdagan ang inyong pananampalataya ng kagalingan, ang kagalingan ng kaalaman, at hangarin ang lahat ng mabuting bagay [tingnan sa II Ni Pedro 1:5].
“… Ang tao ay kailangan munang matuto bago maligtas, sapagkat kung hindi siya magtatamo ng kaalaman, siya ay mabibihag ng kapangyarihan ng kasamaan sa kabilang daigdig, sapagkat higit ang kaalaman ng masasamang espiritu, at bunga nito ay mas makapangyarihan kaysa sa maraming tao na nasa lupa. Kaya nga kailangan ang paghahayag para matulungan, at mabigyan tayo ng kaalaman tungkol sa mga bagay ng Diyos.”15
Itinuro ni Joseph Smith ang sumusunod noong Abril 1843, na itinala kalaunan sa Doktrina at mga Tipan 130:18–19: “Anumang alituntunin ng katalinuhan ang ating matamo sa buhay na ito, ito ay kasama nating babangon sa pagkabuhay na mag-uli. At kung ang isang tao ay nagkamit ng maraming kaalaman at katalinuhan sa buhay na ito sa pamamagitan ng kanyang pagsisikap at pagiging masunurin kaysa sa iba, siya ay magkakaroon ng labis na kalamangan sa daigdig na darating.”16
Itinuro ni Joseph Smith ang sumusunod noong Mayo 1843, na itinala kalaunan sa Doktrina at mga Tipan 131:6: “Hindi maaari para sa isang tao na maligtas dahil sa kamangmangan.”17
Nagtatamo tayo ng kaalaman sa mga walang hanggang katotohanan sa pamamagitan ng masigasig na pag-aaral at panalangin.
Iniulat ni George A. Smith, habang naglilingkod sa Unang Panguluhan: “Itinuro ni Joseph Smith na bawat lalaki at babae ay dapat maghangad ng karunungan sa Panginoon, nang sa gayon ay magtamo sila ng kaalaman mula sa Kanya na siyang bukal ng kaalaman; at ang mga pangako ng ebanghelyo, tulad ng inihayag, ay hinikayat tayong maniwala, na sa pagtahak sa landas na ito ay matatamo natin ang ating minimithi.”18
Isinulat ni Propetang Joseph Smith ang sumusunod sa lalaking kasasapi pa lamang sa Simbahan: “Tandaan [mo] ang patotoong ibinigay ko sa pangalan ng Panginoong Jesus, hinggil sa dakilang gawain na isasakatuparan Niya sa mga huling araw. Nalalaman mo ang paraan ng aking pagsasalita, kung paano ko ipinahayag sa iyo sa kahinaan at kasimplihan, ang isinagawa ng Panginoon sa paglilingkod ng Kanyang mga banal na anghel sa akin para sa henerasyong ito. Dalangin ko na itulot ng Panginoon na manatili ang mga bagay na ito sa iyong isipan, dahil alam ko na magpapatotoo ang Kanyang Espiritu sa lahat ng masigasig na naghahangad ng kaalaman mula sa Kanya.”19
Isinulat ni Propetang Joseph Smith ang sumusunod sa isang taong gusto pang matuto tungkol sa Simbahan: “Pag-aralan ang Biblia, at lahat ng aklat natin na makukuha mo; manalangin sa Ama sa pangalan ni Jesucristo, manalig sa mga pangakong ginawa sa mga ninuno, at ang iyong isipan ay maaakay sa katotohanan.” 20
“Ang mga bagay ukol sa Diyos ay napakahalaga; at matutuklasan lamang ito sa paglipas ng panahon, at sa karanasan, at sa maingat at malalim at taimtim na pag-iisip. Ang iyong isipan, O tao! kung aakayin mo ang isang kaluluwa tungo sa kaligtasan, ay kailangang maging kasintaas ng pinakamataas na kalangitan, at saliksikin at pag-aralan ang pinakamadilim na kailaliman, at ang lawak ng kawalang hanggan—dapat kang makipag-ugnayan sa Diyos. Lalong higit na marangal at dakila ang mga iniisip ng Diyos, kaysa sa walang kabuluhang imahinasyon ng puso ng tao! …
“… Putungan natin ang ating ulo ng katapatan, at kahinahunan, at pagkamakatarungan, at kataimtiman, at kabutihan, at kadalidayan, at kaamuan, at kapayakan sa bawat lugar; at sa huli, maging tulad ng mga musmos, walang kahalayan, pandaraya o pagkukunwari. At ngayon, mga kapatid, matapos ang inyong mga kapighatian, kung gagawin ninyo ang mga bagay na ito, at taimtim na mananalangin at mananampalataya sa paningin ng Diyos tuwina, Siya ay magbibigay sa inyo ng kaalaman sa pamamaguitan ng Kanyang Banal na Espiritu, oo, sa pamamagitan ng hindi masambit na kaloob na Espiritu Santo [tingnan sa D at T 121:26].“21
Paunti-unti tayong nagtatamo ng kaalaman sa mga walang hanggang katotohanan; mabilis nating matututuhan ang lahat ng bagay ayon sa kakayahan nating unawain ang mga ito.
“Hindi karunungan na dapat nating matamo nang minsanan ang lahat ng kaalamang iniharap sa atin; kundi magtamo tayo nito nang paunti-unti; sa gayon ay mauunawaan natin ito.”22
“Kapag kayo ay aakyat ng hagdan, kailangan kayong magsimula sa ibaba, at umakyat nang [pa]isa-isang baitang, hanggang sa kayo ay makarating sa itaas; gayundin sa mga alituntunin ng Ebanghelyo—kailangan kayong magsimula sa una, at magpatuloy hanggang sa matutuhan ninyo ang lahat ng alituntunin ng kadakilaan. Subalit matagal pang panahon matapos na kayo ay magdaan [sa] tabing bago ninyo matutuhan ang mga ito. Hindi lahat ay mauunawaan sa daigdig na ito; magiging malaking gawain ang matutuhan ang ating kaligtasan at kadakilaan maging sa kabilang buhay.”23
Ibinigay ni Joseph Smith at ng kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan ang sumusunod na mga tagubilin sa mga Banal na nagtipun-tipon sa Nauvoo: “Sa mga yaong … makakatulong sa dakilang gawaing ito, sinasabi namin, papuntahin ninyo sila sa lugar na ito; sa paggawa nito hindi lamang sila tutulong sa pagpapalaganap ng Kaharian, kundi magkakaroon sila ng kalamangan na matagubilinan ng Panguluhan at iba pang mga awtoridad ng Simbahan, at maragdagan nang husto ang katalinuhan hanggang sa kanilang ‘matalastas pati na lahat ng mga Banal kung ano ang luwang at ang haba at ang taas at lalim; at makilala ang pagibig ni Cristo na di masayod ng kaalaman.’ [Mga Taga Efeso 3:18–19.]”24
“Hindi naghayag ng anuman ang Diyos kay Joseph, maliban sa ipapaalam Niya sa Labindalawa, at maging ang pinakaabang Banal ay malalaman ang lahat ng bagay ayon sa bilis ng kakayahan niyang unawain ito, sapagkat darating ang araw na hindi na kailangang sabihin pa ng tao sa kanyang kapwa, Iyong kilalanin ang Panginoon; sapagka’t makikilala nilang lahat [Siya] … mula sa kaliit-liitan sa kanila hanggang sa kadaki-dakilaan sa kanila [tingnan sa Jeremias 31:34].”25
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Pag-isipan ang mga ideyang ito sa pag-aaral ninyo ng kabanata o paghahandang magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xiv.
-
Basahin ang ikatlong buong talata sa pahina 308. Isipin ang mga gawi o ideya na maaaring “magtakda ng mga hangganan sa mga gawain at paraan ng Makapangyarihang Diyos” sa ating buhay. Sa inyong palagay ano ang kailangan nating gawin upang matanggap ang lahat ng katotohanang ibibigay sa atin ng Panginoon?
-
Repasuhin ang ikalawa sa huling talata sa pahina 309. Kailan pumapawi ng kadiliman at pag-aalinlangan ang kaalaman sa inyong buhay? Sa inyong palagay bakit mahalaga ang pagtatamo ng kaalaman sa katotohanan sa pagkakaroon ng kaligtasan? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa mga pahina 309–10.)
-
Mula sa mga turo ni Propetang Joseph, makikita natin na hangad ni Satanas na mawala ang ating kaalaman (mga pahina 309–10) at na gusto tayong bigyan ng Panginoon ng kaalaman (mga pahina 309–10). Ano ang matututuhan natin sa pagkakaibang ito?
-
Ano ang magagawa natin para palaguin ang ating kaalaman sa katotohanan? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa mga pahina 305–7, 310–12.) Repasuhin ang talatang nagsisimula sa dulong ibaba ng pahina 311. Pumili ng ilang katangiang nakalista sa talatang ito. Paano tayo naihahanda ng bawat isa sa mga katangiang ito na tumanggap ng kaalaman?
-
Basahin ang ikalawang buong talata sa pahina 312. Ano ang matututuhan natin sa paghahambing ng pag-aaral natin ng mga alituntunin ng ebanghelyo sa pag-akyat sa hagdan? Ano na ang nagawa ninyo para patuloy na maragdagan ang inyong kaalaman sa ebanghelyo?
-
Ano ang naiisip o nadarama ninyo habang pinag-iisipan ninyong mabuti ang huling talata sa kabanatang ito?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan:Mga Kawikaan 1:7; I Kay Timoteo 2:3–4; 2 Nephi 28:29–31; Alma 5:45–47; D at T 88:118