Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 43: ‘Siya ay Propeta ng Diyos’: Nagpatotoo ang mga Kasama at Kakilala ni Joseph Smith Tungkol sa Kanyang Misyon Bilang Propeta


KABANATA 43

“Siya ay Propeta ng Diyos”: Nagpatotoo ang mga Kasama at Kakilala ni Joseph Smith Tungkol sa Kanyang Misyon Bilang Propeta

Ibig kong sumigaw ng Aleluya, tuwi-tuwina, kapag naiisip ko na nakilala ko si Joseph Smith, ang Propeta.” (Brigham Young)

Mula sa Buhay ni Joseph Smith

Sa Nauvoo, madalas na sama-samang nagtitipon ang mga Banal para pakinggang magsalita si Propetang Joseph Smith. Dahil walang gusali sa Nauvoo na sapat ang laki para magkasya ang lahat ng Banal, madalas na sa labas nagsasalita ang Propeta. Madalas siyang magsalita sa kakahuyang nasa kanlurang bahagi lamang ng templo, kung saan libu-libo ang maaaring magtipon. Isang portable na entablado ang itinayo para sa mga lider ng Simbahan at mga tagapagsalita, at sa damuhan, sa mga torso, o ladrilyo naman nakaupo ang mga tao. Nagsalita rin ang Propeta sa iba pang mga lugar sa Nauvoo, kabilang na ang di pa natapos na templo at mga pribadong tahanan. Iniulat ng isang bumisita sa Nauvoo noong mga unang buwan ng 1843 na nasaksihan niya ang pagdaraos ng mga pulong “sa baku-bakong sahig sa pinakailalim na palapag ng Templo. Nagsalita ang Propeta sa mga pulong na iyon.”1

Kapag sa labas nagsasalita ang Propeta, madalas niyang simulan ang kanyang pagsasalita sa paghiling sa mga Banal na ipagdasal na manatiling banayad ang hangin at huwag umulan hanggang sa matapos siyang magsalita. Sa isang kumperensyang ginanap sa Nauvoo noong Abril 8, 1843, sinimulan ng propeta ang kanyang talumpati sa pagsasabing: “May tatlo akong hihilingin sa kongregasyon: Una, na ang lahat ng may pananampalataya ay gamitin ito para ipagdasal sa Panginoon na gawing banayad ang hangin; dahil sa pag-ihip nito ngayon, hindi ako makapagsasalita nang matagal nang hindi maaapektuhan ang aking kalusugan; ikalawa, na nawa’y ipagdasal ninyong palakasin ng Panginoon ang aking mga baga, nang sa ganoon ay marinig ninyo akong lahat; at ikatlo, na nawa’y ipagdasal ninyong mapasaakin ang Espiritu Santo, upang maipahayag ko ang mga bagay na totoo.”2

Ang pagsasalita ng Propeta ay napakahalaga sa mga miyembro ng Simbahan, at kung minsan nagsasalita siya sa mga kongregasyong umaabot nang libu-libo ang dami. “Walang sinumang nakinig sa kanya na nabagot sa kanyang pagsasalita,” paggunita ni Parley P. Pratt. “Nakilala ko siya bilang isang tao na kayang panatilihing handa at sabik na makinig ang isang kongregasyon sa loob ng maraming oras, sa gitna man ng lamig, o init, ulan o hangin, na napatatawa niya sa isang sandali at maya-maya’y napapaiyak naman.3 Naalala ni Alvah J. Alexander, na musmos pa lang noong panahon ng mga kaganapan sa Nauvoo, na “mas interesado akong maringgan siyang magsalita kaysa maglibang o maglaro.”4

Naalala ni Amasa Porter na kasama siya sa malaking grupo ng mga Banal sa Nauvoo na binigyan ni Propetang Joseph Smith ng nakaaantig na sermon:

“Nang nakapagsalita na [ang Propeta] nang mga tatlumpung minuto dumating ang malakas na hangin at bagyo. Sa kapal ng alikabok halos hindi namin makita ang isa’t isa maliban kung magkakalapit kami. Nag-aalisan na ang ilang tao nang tinawag silang pabalik ni Joseph at sinabihan silang ipagdasal sa Makapangyarihang Diyos na pahintuin ang pag-ihip ng hangin at pagbagsak ng ulan, at mangyayari iyon. Ilang minuto pa ay huminto na ang hangin at ulan at kumalma ang panahon na tulad ng mainit na umaga. Nahati ang bagyo at napasa hilaga at kanlurang bahagi ng lungsod, at nakita namin sa malayo ang mga puno at halaman na hinahampas ng hangin, habang payapa naman sa kinalalagyan namin sa loob ng isang oras. Nang sandali ring iyon, ibinahagi ang isa sa mga pinakamagandang sermon na namutawi sa mga labi ng propeta na may napakagandang paksa tungkol sa mga patay.”5

Ang mga Banal na naringgang magsalita si Propetang Joseph Smith ay nagbahagi ng malakas at malinaw na patotoo tungkol sa kanyang misyon bilang propeta. Marami sa kanila ang nagtala ng mga naalala nilang sinabi niya at ng mga pangyayaring naranasan nila na kasama siya, dahil nais nilang malaman ng mga susunod na henerasyon na si Joseph Smith ay tunay na propeta ng Diyos, tulad ng nalaman nila.

Mga Patotoo Tungkol Kay Joseph Smith

Tulad ng mga Naunang Miyembro, malalaman natin na si Joseph Smith ang propetang kinasangkapan ng Panginoon upang ipanumbalik ang kaganapan ng ebanghelyo.

Brigham Young, ang pangalawang Pangulo ng Simbahan: “Ibig kong sumigaw ng Aleluya, tuwi-tuwina, kapag naiisip ko na nakilala ko si Joseph Smith, ang Propetang hinirang at inordenan ng Panginoon, at kung kanino ibinigay ang mga susi at kapangyarihang itatag ang Kaharian ng Diyos sa lupa at itaguyod ito. Ang mga susing ito ay itinalaga sa mga taong ito, at mayroon tayong kapangyarihan na ipagpatuloy ang gawaing sinimulan ni Joseph.”6

Eliza R. Snow, ang pangkalahatang pangulo ng Relief Society mula 1866 hanggang 1887: “Para sa katotohanan at kabutihan— para sa lahat ng makakatulong sa kanyang kapwa, ang kanyang integridad ay singtibay ng mga haligi ng Langit. Alam niyang tinawag siya ng Diyos sa gawain, at lahat ng pinagsamang kapangyarihan ng lupa at impiyerno, ay nabigong hadlangan o ilayo siya sa kanyang layunin. Sa tulong ng Diyos at ng kanyang mga kapatid, inilatag niya ang pundasyon ng isang dakilang gawaing maitatatag ng tao—gawaing sumasakop hindi lamang sa mga buhay, at sa mga darating na henerasyon, kundi pati sa mga patay.

“Masigasig at matapang niyang sinalungat ang mga maling tradisyon, pamahiin, relihiyon, kawalang-katarungan at kawalangkaalaman ng mundo—pinatunayan ang kanyang katapatan sa bawat alituntuning inihayag mula sa langit—katapatan sa kanyang mga kapatid at sa kanyang Diyos, at pagkatapos ay tinatakan ang kanyang patotoo ng kanyang dugo.”7

Batsheba W. Smith, ang pangkalahatang pangulo ng Relief Society mula 1901 hanggang 1910: Kilala ko siya kung paano niya ipinakilala ang kanyang sarili—isang tunay na propeta ng Diyos, at sa pamamagitan niya ibinalik ng Panginoon ang walang hanggang ebanghelyo at bawat ordenansa at endowment na aakay sa atin sa kahariang selestiyal.”8

Wilford Woodruff, pang-apat na Pangulo ng Simbahan: “Galak na galak ako sa nakita ko kay Kapatid na Joseph dahil sa publiko o pribadong buhay ay taglay niya ang Espiritu ng Pinakamakapangyarihan, at makikita sa kanya ang kadakilaan ng kaluluwa na hindi ko nakita kahit kanino.”9

Daniel D. McArthur, isa sa mga naunang miyembro ng Simbahan na kalaunan ay namuno sa isa sa mga unang handcart company papuntang Salt Lake City: Pinapatotohanan ko na siya ay totoong Propeta ng Diyos na buhay; at kapag lalo kong naririnig ang kanyang mga sinasabi at nakikita ang kanyang mga ginagawa lalo akong nakukumbinsi na totoong nakita niya ang Diyos Ama at Kanyang Anak na si Jesucristo, gayun din ang mga banal na anghel ng Diyos. … Para sa akin kung may nalalaman akong anuman sa mundong ito, ito ay ang walang alinlangang alam ko na siya ay Propeta.”10

Alexander McRae, isa sa mga nabilanggo sa Liberty Jail kasama ni Joseph Smith: “Gayon na lamang ang tiwala namin kay [Joseph Smith] bilang Propeta, kung kaya’t nang sabihin niyang, “Gayon ang wika ng Panginoon,’ tiwala kami na gayon nga iyon tulad ng sabi niya; at kapag lalo naming sinusubukan ang kanyang sinabi, lalong nadaragdagan ang tiwala namin, sapagkat sa bawat pagkakataon ay nakita naming nagkatotoo ang kanyang sinabi.”11

Lyman O. Littlefield, miyembro ng Kampo ng Sion: “Ang buong lakas ng kanyang kaluluwa ay nakatuon sa maluwalhating gawaing ito sa mga huling araw kung saan siya tinawag ng Dakilang Guro.12

Mary Alice Cannon Lambert, isang miyembrong taga-Inglatera na nandayuhan sa Nauvoo noong 1843: “Una kong nakita si Joseph Smith noong Tagsibol ng 1843. Nang makadaong sa Nauvoo ang barkong sinakyan namin patawid ng Ilog ng Mississippi, sinalubong ng ilang namumunong kapatid ang pangkat ng mga banal na naroon. Kabilang sa mga kalalakihang iyon si Propetang Joseph Smith. Nang mapako ang tingin ko sa kanya, nakilala ko siya kaagad at natanggap ko nang sandali ring yaon ang aking patotoo na siya ay Propeta ng Diyos. … Hindi siya itinuro sa akin, nakilala ko siya sa iba pang kalalakihan, at bagaman bata pa [labing-apat na taong gulang lamang ako] alam ko na na nakakita ako ng Propeta ng Diyos.”13

Angus M. Cannon, isang miyembro ng Simbahan na nanirahan sa Nauvoo noong bata pa at kalaunan ay naging stake president sa Salt Lake City: “Tandang-tanda ko si Joseph Smith nang magsalita siya sa harap ng nakatipong mga Banal, noong tagsibol ng 1844. Naganap iyon sa ilalim ng malalaking puno ng oak, sa isang mababaw na lambak sa katimugang bahagi ng Templo, malapit sa kalye ng Parley. Nagsasalita siya tungkol sa katotohanan na ang Diyos, sa pagtatatag ng Kanyang Simbahan, ay nagpahayag na isang tao lamang ang binigyan ng karapatan ng Diyos, na tumanggap ng mga paghahayag na kakailanganin ng Simbahan. … Sa pagkakataon ding ito narinig ko na ipinahayag ng Propeta na natanggap niya ang Melchizedek Priesthood, sa ilalim ng pangangasiwa nina Pedro, Santiago at Juan.

“Ang mga nakapagbibigay-inspirasyong salita ni Joseph Smith na natanim sa aking murang isipan ang siyang gumabay sa akin sa buong buhay ko; at kapag nadirimlan ang aking isipan, malinaw kong naiisip ang kanyang patotoo, na nagpapatunay sa akin na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay naitatag at pinamamahalaan sa pamamagitan ng kapangyarihan at awtoridad ng Diyos.”14

Hyrum Smith, ang kapatid ng Propeta at Patriarch ng Simbahan: May mga propeta noon, ngunit na kay Joseph ang diwa at kapangyarihan ng lahat ng propeta.”15

Si Joseph Smith ay halimbawang masusundan natin para magkaroon ng katangiang tulad ng kay Cristo.

Parley P. Pratt, miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol mula 1835 hanggang 1857: “Sa personal, si Joseph Smith ay matangkad at matipuno, malakas at masigla; maputi ang balat, olandes ang buhok, asul ang mga mata, hindi balbasin, at kakaiba ang ekspresyon ng mukha. … Ang kanyang anyo ay nagpapakita ng kahinahunan, kaluguran, katalinuhan at kabaitan; na ang tingin ay puno ng pagmamalasakit at ngiting kusang sumisilay na tanda ng pagiging masayahin at kawalan ng pagmamarangal; at may bagay na tila kaakibat ng payapa at tumatagos na pagtitig ng kanyang mata, na tila ba tumatagos sa kaibuturan ng puso ng tao, minamasdan ang kawalang-hanggan, inaarok ang kalangitan, at inaalam ang sandaigdigan. Taglay niya ang isang maringal na kagitingan at sariling kakayahan; madali siyang pakisamahan; ngunit kung magalit siya’y parang leon; singlawak ng karagatan ang kabaitan; marunong sa lahat ng bagay.”16

John Needham, miyembro noon na mula sa Inglatera: “Si Joseph Smith ay isang dakilang tao, maprinsipyo at tapat, hindi istrikto at mukhang santo, kundi kabaligtaran nito. Totoong marami ang nanlamig sa kanilang pananampalataya dahil napakaprangka niya, diretsahang magsalita, at matuwain, subalit minahal ko siyang lalo dahil doon.”17

Emmeline B. Wells, ang pangkalahatang pangulo ng Relief Society mula 1910 hanggang 1921: “Pinatototohanan ko na siya ang pinakadakilang tao at pinakadakilang propeta at pinakadakilang personalidad sa henerasyong ito, pinakadakila, na sapat kong masasabi, simula nang panahon ng Tagapagligtas. Kalugudlugod ang karingalan ng kanyang anyo. Maiisip mo na mas matangkad at mas matipuno siya kaysa sa talagang anyo niya. Marahil marami sa inyo ang nakapansin ng mga lalaking may ganitong tindig kapag tumayo sila at naglakad. Ganito si Propetang Joseph Smith. Wala akong nakikitang larawan niya ngayon na makakahambing sa ganda at ringal ng kaanyuan niya sa personal.”18

Mary Alice Cannon Lambert: “Hindi mailalarawan ng salita ang pagmamahal ng mga Banal sa kanya. Handa nilang ialay ang buhay nila sa kanya kung nagkaroon lamang ng pagkakataon. Kapag ibinalitang magsasalita siya sa pulong, isasantabi nila ang anumang gawain upang makinig sa sasabihin niya. Hindi siya karaniwang tao. Kapwa nadama ng mga matwid at makasalanan ang kapangyarihan at impluwensyang taglay niya. Imposible na makausap mo siya nang hindi naaantig sa lakas ng kanyang personalidad at impluwensya.”19

John M. Bernhisel, isang manggagamot na tumira sa tahanan nina Joseph at Emma sa Nauvoo nang ilang buwan sa pagitan ng 1843 at 1844: “Likas kay Joseph Smith ang pagiging matalino, masigla at determinado, malawak ang pang-unawa, maalam sa likas na katangian ng tao. Siya ang taong may mahinahong pagpapasiya, malawak na pananaw, at kilalang-kilala sa pagiging makatarungan. Mabait at mapagbigay siya, bukas-palad at magiliw, marunong makisama at masayahin, at mapag-isip ng mabuti. Siya ay tapat, prangka, matapang, at nakatatayo sa sariling paa, at hindi mapagbalatkayo na tulad ng mga taong nakikita ninyo. … Bilang tagapagturo ng relihiyon, at bilang tao, lubos siyang minahal ng mga taong ito.”20

Jesse N. Smith, pinsan ni Joseph Smith: “[Ang Propeta} ang taong kinakitaan ko na lubos na nagtaglay ng katangiang tulad ng sa Diyos. … Alam ko na likas sa kanya ang pagiging di sinungaling at di mapandaya, napakabait niya at napakarangal. Kapag kasama ko siya pakiramdam ko ay naaarok niya ang aking buong pagkatao. Alam ko na totoo ang sinasabi niya tungkol sa kanyang sarili.”21

William Clayton, isang miyembrong taga-Inglatera na naglingkod bilang klerk kay Joseph Smith: “Kapag lalo ko siyang nakakasama, lalo ko siyang minamahal; kapag lalo ko siyang nakikilala, lalo akong nagtitiwala sa kanya.”22

Joseph F. Smith, pang-anim na Pangulo ng Simbahan: “Punung-puno ng karingalan at kadalisayan ang kanyang pagkatao, na kadalasa’y naipapahayag niya sa simpleng paglilibang—sa paglalaro ng bola, sa pakikipagbuno sa kanyang mga kapatid at pakikipagharutan, na ikinatutuwa niya; Hindi siya ang tipong di makabasag-pinggan, na parang sementado ang mukha kung kaya’t di makangiti at hindi marunong magsaya. Puno siya ng galak; puno siya ng saya; puno ng pagmamahal, at ng bawat katangiang nagpapadakila at nagpapabuti sa tao, at kasabay niyon siya ay simple at tila walang muwang, kung kaya’t naibababa niya ang sarili sa pinakaabang kalagayan; at may kapangyarihan siya, sa tulong ng Diyos, na maunawaan din ang mga layunin ng Pinakamakapangyarihan. Iyan ang pagkatao ni Joseph Smith.”23

Bilang propetang kinasangkapan para maipanumbalik ang ebanghelyo, itinuro ni Joseph Smith ang plano ng kaligtasan ng Diyos nang malinaw at mabisa.

Brigham Young: “Ang kadakilaan ng kaluwalhatian ng pagkatao ng Kapatid na si Joseph Smith ay ang kanyang kakayahang maipaunawa ang mga makalangit na bagay sa mga taong limitado ang kaalaman. Kapag nangangaral siya sa mga tao—nagpapahayag ng mga bagay tungkol sa Diyos, sa kalooban ng Diyos, sa plano ng kaligtasan, sa layunin ni Jehova, ang ating katayuan sa kanya, at sa lahat ng nilalang sa langit, nakukuha niyang ituro ang mga ito sa abot-kaya ng pang-unawa ng bawat lalaki, babae, at bata, ginagawa itong malinaw na tulad ng isang tiyak na daan. Sapat na sana nitong mapaniwala ang bawat taong nakarinig tungkol sa awtoridad at kapangyarihan niya mula sa langit, dahil walang sinuman ang makapagtuturo nang tulad niya, at walang sinumang makapaghahayag ng mga bagay ng Diyos, kundi sa pamamagitan ng mga paghahayag ni Jesucristo.”24

Howard Coray, klerk ni Joseph Smith: “Pinag-aralan ko ang Ebanghelyo ayon sa pagkakahayag ni Joseph Smith at inisip ko kung posible ba sa sinuman na makapaghayag ng gayong plano ng kaligtasan at kadakilaan para sa tao nang walang tulong ng Espiritu ng Diyos. Inisip kong imposible ito. Naupo ako at nakinig sa kanyang mensahe sa pulpito ng Nauvoo nang maraming beses kung kailan ganap akong natangay sa di sukat mailarawang husay niya sa pagsasalita—sa kapangyarihang magpahayag—nagsasalita sa paraang di ko pa narinig sa sinumang tao.”25

Joseph L. Robinson, tagapayo sa bishopric sa Nauvoo: “Pinaniniwalaan at nalalaman na namin noon pa man na si Joseph Smith ay totoo at mapagpakumbabang Propeta ng Diyos, ngunit ngayon mas malinaw naming nakikita kung sino talaga siya at mas naririnig ang kanyang tinig na animo’y tunog ng malakas na pagkulog ng langit, subalit ang kanyang pananalita ay banayad at mapagtagubilin at lubos na nagbibigay-sigla. Ngunit may kapangyarihan at karingalan na hindi namin namasdan kaninuman noon, sapagkat siya ay isang makapangyarihang Propeta, banal na tao ng Diyos. Tunay na Siya ay tinuruan sa mga bagay na patungkol sa kaharian ng Diyos at lubos na binigyang-lakas ng Espiritu Santo, na laging sumakanya.”26

Orson Spencer, isang ministrong Baptist na sumapi sa Simbahan noong 1841: “Kung doktrina ang pag-uusapan, mahalaga kay Ginoong Joseph Smith ang banal na kasulatan. Hindi ko siya narinig na nagtatwa o nagwalang-halaga sa kahit isang katotohanan sa Luma at Bagong Tipan; kundi kilala ko siya bilang taong handang ipaliwanag at ipaglaban ang mga ito nang may ganap na kaalaman. Para maturuan at gawing ganap ang simbahan, siya bilang hinirang ng Diyos ay dapat na nakaaalam kung paano punan ang mga bagay na may kakulangan upang mapagsama ang mga makabago at sinaunang bagay, na dapat lamang sa isang tagasulat na naturuang mabuti. Ang katungkulan at pagkaapostol na ito ay kanyang ginagampanan; kapag kanyang binabanggit ang mga sinaunang propeta, nabibigyang-buhay sila at ang ganda at bisa ng kanilang mga paghahayag ay naipapakita mismo sa paraang nakakapukaw-pansin sa lahat ng nakikinig.”27

Jonah R. Ball, miyembro ng Simbahan na nanirahan sa Nauvoo: “Dumalo kami sa pulong. Narinig na nangaral ang Propeta sa ibaba ng Templo. Libu-libo ang naroon para makinig sa kanya. Walang kaduda-duda na ang paraan ng pagpapaliwanag niya ng mga banal na kasulatan ay hindi mapag-aalinlanganan o mapagtatalunan. Ang mensahe niya ay ang unang kabanata ng 2 Pedro. Ipinaliwanag niya ito nang kasing-liwanag ng sikat ng araw [sa katanghalian].”28

William Clayton: “Nagkaroon kami ng pribilehiyong makipagusap kay Joseph Smith Jr. at nasiyahan kaming makasama siya. … Siya ay … lalaking may mabuting pagpapasiya at nag-aangkin ng labis na katalinuhan, at habang nakikinig ka sa kanyang sinasabi nakatatanggap ka ng katalinuhan na nagpapalawak sa iyong isipan at nagpapagalak sa iyong puso. Madali siyang kausapin at nagagalak na tagubilinan ang mahihirap na miyembro. Maaari ko siyang kausapin tulad ng pakikipag-usap ko sa iyo, at tungkol naman sa pagbibigay ng tagubilin sinasabi niya, ‘Tinanggap ko itong walang bayad at ibi[bi]gay ko itong walang bayad.’ Handa siyang sagutin ang anumang itanong ko at nasisiyahan kapag tinatanong namin siya. Tila napakahusay niya sa mga banal na kasulatan, at habang nagsasalita siya tungkol sa alinmang paksa, may liwanag at gandang naihahayag na hindi ko pa nakita kailanman noon. Kung nanggaling man ako mula pa sa Inglatera para lamang makipag-usap sa kanya nang ilang araw maituturing ko nang sulit ang ginawa kong pagpunta [sa Nauvoo].”29

Mercy Fielding Thompson, isang miyembrong taga-Britanya na ang asawang si Robert B. Thompson ay naglingkod bilang klerk kay Joseph Smith: “Napakinggan ko … ang kanyang malinaw at mahusay na paliwanag sa malalalim at mahihirap na tanong. Tila simple at madali lamang unawain ang lahat ng bagay sa kanya, at sa gayon ay nagagawa niyang malinaw ito sa iba na hindi nagawa ng iba pang mga taong naringgan ko na.”30

Tulad ng mga naunang Banal, mapahahalagahan natin ang mga salita ni Joseph Smith at maipamumuhay ang mga alituntuning itinuro niya.

Emmeline B. Wells: “Naniniwala akong nadama ko kay Propetang Joseph Smith ang malakas na espirituwalidad na nagpagalak at umaliw sa mga Banal. … Nasa kanya ang kapangyarihan ng Diyos kung kaya’t sa maraming pagkakataon tila nagbabago ang kanyang kaanyuan. Kapag wala siyang imik, maamo at animo’y halos tulad lang ng isang musmos ang kanyang mukha; at kapag nagsasalita siya sa tao na nagmamahal sa kanya nang labis, hindi maipaliwanag ang luwalhating mababakas sa kanyang mukha. Sa iba pang mga pagkakataon, ang kanyang buong pagkatao, hindi lamang ang kanyang tinig (na malinaw at banal sa akin) ay tila niyayanig ang lugar na kinatatayuan namin at inaantig ang kaibuturan ng kaluluwa ng kanyang mga tagapakinig na natitiyak kong handang magalay ng kanilang buhay para ipagtanggol siya. Sa tuwina’y mangha akong nakikinig sa bawat sinasambit niya—ang hinirang ng Diyos sa huling dispensasyong ito.”31

Lorenzo Snow, panglimang Pangulo ng Simbahan: “Una kong nakita si Propetang Joseph noong binatilyo pa ako [mga 17 taong gulang]. Nagsasalita siya sa harap ng isang maliit na kongregasyon. Sinabi niya sa kanila ang mga pagdalaw ng mga anghel sa kanya. … Gustung-gusto siyang pakinggan ng mga tao, dahil punung-puno siya ng paghahayag. … Ayon sa pangako ng Panginoon, yaong mga tumanggap ng mga alituntuning itinuro niya ay nakatatanggap sa Panginoon ng patunay na totoo ang mga ito.”32

Edward Stevenson, miyembro ng Pitumpu mula 1848 hanggang 1897: “Una ko siyang nakita noong 1834 sa Pontiac [Michigan] at dahil hindi siya mawala sa isip ko natutuwa akong ilarawan siya sa kanyang maraming kaibigan. Ang pagmamahal ko sa kanya, bilang tunay na Propeta ng Diyos ay nakatanim na sa isipan ko, at lagi nang nasa isipan ko mula noon, bagaman halos animnapung taon na ang lumipas. Sa taon ding iyon ng 1834, sa gitna ng maraming malalaking kongregasyon, pinatotohanan ng Propeta nang may matinding kapangyarihan ang pagdalaw ng Ama at ng Anak, at ang pakikipag-usap niya sa kanila. Hindi ko pa nadama kailanman ang kapangyarihang ipinakita sa mga pagkakataong ito.”33

Mary Ann Stearns Winters, anak ng asawa (stepdaughter) ni Elder Parley P. Pratt: “Nakatayo akong malapit sa Propeta habang nangangaral siya sa mga Indian sa Kakahuyang malapit sa Templo. Pinagliwanag ng Banal na Espiritu ang kanyang mukha hanggang sa nagliwanag itong tila may limbo sa paligid nito, at ang kanyang mga sinabi ay tumimo sa puso ng mga nakikinig sa kanya. …

“Nakita ko ang mga bangkay nina Brother Joseph at Hyrum habang nakahimlay sila sa Mansion House matapos silang dalhin mula sa Carthage, at nakita ko rin ang ilan sa kanilang mga kasuotan na puno ng sarili nilang dugo. Alam kong sila ang mga kalalakihan ng Diyos, ang Propeta at Patriarch, totoo at tapat. Nawa’y maging marapat tayong makita sila sa kabilang buhay!”34

Wilford Woodruff, sa kanyang iniulat na sermon na ibinigay noong Abril 6,1837: “Tumayo si Pangulong Joseph Smith Jr. at nagsalita sa kongregasyon sa loob ng tatlong oras, nababalutan ng kapangyarihan, espiritu, at imahe ng Diyos. Hayagan niyang ipinahiwatig ang kanyang kaisipan at damdamin sa bahay ng kanyang mga kaibigan. Inihayag niya ang maraming bagay na lubhang makabuluhan sa mga isipan ng mga elder ng Israel. Ah, nang sa gayon ay maiukit sa ating mga puso ng isang bakal na panulat upang manatili magpakailanman at sa gayo’y maipamuhay natin ang mga ito [tingnan sa Job 19:23–24]. Ang bukal na iyon ng liwanag, alituntunin, at kabutihang nagmula sa puso at bibig ni Propetang Joseph, na ang puso tulad ni Enoc ay lumaki gaya ng kawalang-hanggan—masasabi ko na ang ganoong mga katibayan na inihayag nang gayon kalakas ay makapapawi ng lahat ng kawalang-paniniwala at pag-aalinlangan sa isipan ng mga nakikinig, sapagkat ang gayong pananalita, damdamin, alituntunin, at diwa ay hindi dadaloy mula sa kadiliman. Si Joseph Smith Jr. ay propeta ng Diyos na ibinangon upang iligtas ang Israel at ito’y totoo tulad ng pag-alab ng aking puso ngayon.”35

Brigham Young: “Mula noong una kong makita si Propetang Joseph, wala akong nalimutan ni isang salitang nagmula sa kanya hinggil sa kaharian. At ito ay susi ng kaalamang mayroon ako ngayon, na talagang narinig ko ang mga salita ni Joseph, at iniingatan ito sa aking puso. Pinangalagaan ko ito, isinasamo sa aking Ama sa pangalan ng kanyang Anak na si Jesus na ipaisip ito sa akin kapag kinakailangan. Pinahahalagahan ko ang mga bagay ng Diyos, at ito ang susi na hawak ko ngayon. Sabik akong matuto mula kay Joseph at sa Espiritu ng Diyos.”36

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito sa pag-aaral ninyo ng kabanata o paghahandang magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xiv.

  • Basahin ang mga patotoo tungkol kay Propetang Joseph Smith sa mga pahina 580–83. Ano ang nadama ninyo sa mga patotoong ito? Ano ang pundasyon ng inyong sariling patotoo tungkol kay Joseph Smith? Paano ninyo natamo ang patotoong ito? Maaari ninyong isulat sa journal ang inyong patotoo o kaya ay ibahagi ito sa inyong pamilya?

  • Ang mga pahina 583–85 ay naglalaman ng mga pahayag na naglalarawan ng anyo, personalidad, at pagkatao ni Joseph Smith. Paano naimpluwensyahan ng mga pahayag na ito ang inyong nadarama tungkol kay Joseph Smith? Mag-isip ng mga paraan kung paano ninyo maaaring taglayin ang ilan sa mga katangiang ito.

  • Pag-aralan ang mga patotoo tungkol sa paraan ni Propetang Joseph Smith sa pagtuturo ng ebanghelyo at pagpapaliwanag ng mga banal na kasulatan (mga pahina 585–88). Paano makakatulong sa atin ang mga patotoong ito sa pag-aaral at pagtuturo natin ng ebanghelyo?

  • Repasuhin ang huling bahagi ng kabanatang ito (mga pahina 588–90). Paano ninyo masusundan ang mga halimbawa ni Wilford Woodruff at Brigham Young sa pag-aaral ninyo ng aklat na ito? Paano ninyo masusundan ang kanilang mga halimbawa habang pinag-aaralan ninyo ang mga turo ng mga buhay na propeta? Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng hayaang ang katotohanan ay “maiukit sa ating mga puso ng isang bakal na panulat”?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: 2 Nephi 3:6–19; D at T 24:1–9; 124:1

Mga Tala

  1. Sinipi sa History of the Church, 5:408; ginawang makabago ang pagpapalaki ng mga letra; mula sa isang liham ng isang di-nagpakilalang manunulat ng Boston Bee, Mar. 24, 1843, Nauvoo, Illinois, inilathala sa Times and Seasons, Mayo 15, 1843, p. 200.

  2. History of the Church, 5:339; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Abr. 8, 1843, sa Nauvoo, Illinois; iniulat nina Willard Richards at William Clayton.

  3. Parley P. Pratt, Autobiography of Parley P. Pratt, inedit ni Parley P. Pratt Jr. (1938), p. 46.

  4. Alvah J. Alexander, sa “Joseph Smith, the Prophet,” Young Woman’s Journal, Dis. 1906, p. 541.

  5. Amasa Potter, “A Reminiscence of the Prophet Joseph Smith,” Juvenile Instructor, Peb. 15, 1894, p. 132.

  6. Brigham Young, Deseret News, Okt. 31, 1855, p. 268.

  7. Eliza R. Snow, “Anniversary Tribute to the Memory of President Joseph Smith,” Woman’s Exponent, Ene. 1, 1874, p. 117; ginawang makabago ang pagbabantas.

  8. Bathsheba W. Smith, sa “Recollections of the Prophet Joseph Smith,” Juvenile Instructor, Hunyo 1, 1892, p. 344.

  9. Wilford Woodruff, Deseret News, Ene. 20, 1858, p. 363; ginawang makabago ang pagpapalaki ng mga letra.

  10. Daniel D. McArthur, sa “Recollections of the Prophet Joseph Smith,” Juvenile Instructor, Peb. 15, 1892, p. 129.

  11. Alexander McRae, sinipi sa History of the Church, 3:258; mula sa isang liham ni Alexander McRae sa editor ng Deseret News, Nob. 1, 1854, Salt Lake City, Utah, inilathala sa Deseret News, Nob. 9, 1854, p. 1; ginawang makabago ang pagbabantas at gramatika.

  12. Lyman O. Littlefield, Reminiscences of Latter-day Saints (1888), p. 35

  13. Mary Alice Cannon Lambert, sa “Joseph Smith, the Prophet,” Young Woman’s Journal, Dis. 1905, p. 554.

  14. Angus M. Cannon, sa “Joseph Smith, the Prophet,” Young Woman’s Journal, Dis. 1906, p. 546; ginawang makabago ang pagbabaybay at paggamit ng gramatika.

  15. Hyrum Smith, sinipi sa History of the Church, 6:346; mula sa isang talumpating ibinigay ni Hyrum Smith noong Abr. 28, 1844, sa Nauvoo, Illinois.

  16. Parley P. Pratt, Autobiography of Parley P. Pratt, ed. Parley P. Pratt Jr. (1938), pp. 45–46; binago ang pagkakahati ng mga talata.

  17. Liham ni John Needham sa kanyang mga magulang noong Hulyo 7, 1843, Nauvoo, Illinois, inilathala sa Millennial Star, Okt. 1843, p. 89.

  18. Emmeline B. Wells, “The Prophet Joseph,” Young Woman’s Journal, Ago. 1912, pp. 437–38; binago ang pagkakahati ng mga talata.

  19. Mary Alice Cannon Lambert, sa “Joseph Smith, the Prophet,” Young Woman’s Journal, Dis. 1905, p. 554.

  20. John M. Bernhisel, sinipi sa History of the Church, 6:468; binago ang pagkakahati ng mga talata; kinuha mula sa sulat ni John M. Bernhisel kay Thomas Ford, Hunyo 14, 1844, Nauvoo, Illinois.

  21. Jesse N. Smith, sa “Recollections of the Prophet Joseph Smith,” Juvenile Instructor, Ene. 1, 1892, pp. 23–24; binago ang pagkakahati ng mga talata.

  22. Liham ni William Clayton kay William Hardman, Mar. 30, 1842, Nauvoo, Illinois, inilathala sa Millennial Star, Ago. 1, 1842, p. 76.

  23. Joseph F. Smith, sa “Joseph, the Prophet,” Salt Lake Herald Church and Farm Supplement, Ene. 12, 1895, p. 211; ginawang makabago ang pagbabaybay at pagbabantas.

  24. Brigham Young, Deseret News, Nob. 28, 1860, p. 305; ginawang makabago ang pagpapalaki ng mga letra.

  25. Liham ni Howard Coray kay Martha Jane Lewis, Agos. 2, 1889, Sanford, Colorado, pp. 3–4, Church Archives, The Church of Jesus Christ of Latterday Saints, Salt Lake City, Utah.

  26. Joseph Lee Robinson, Autobiography and Journals, 1883–92, folder 1, p. 22, Church Archives.

  27. Liham ni Orson Spencer sa isang di-kilalang tao, Nob. 17, 1842, Nauvoo, Illinois, inilathala sa Times and Seasons, Ene. 2, 1843, pp. 56–57; ginawang makabago ang pagbabantas.

  28. Liham ni Jonah R. Ball kay Harvey Howard, Mayo 19, 1843, Nauvoo, Illinois; Jonah Randolph Ball, Letters 1842–43, to Harvey Howard, Shutesbury, Massachusetts, Church Archives.

  29. Liham ni William Clayton sa mga miyembro ng Simbahan sa Manchester, England, Dis. 10, 1840, Nauvoo, Illinois, Church Archives.

  30. Mercy Fielding Thompson, “Recollections of the Prophet Joseph Smith,” Juvenile Instructor, Hulyo 1, 1892, p. 399; binago ang pagkakahati ng mga talata.

  31. Emmeline B. Wells, sa “Joseph Smith, the Prophet,” Young Woman’s Journal, Dis. 1905, p. 556; ginawang makabago ang pagbabantas; binago ang pagkakahati ng mga talata.

  32. Lorenzo Snow, Deseret Weekly, Abr. 13, 1889, p. 487.

  33. Edward Stevenson, Reminiscences of Joseph, the Prophet, and the the Coming Forth of the Book of Mormon (1893), p. 4; binago ang pagkakahati ng mga talata.

  34. Mary Ann Stearns Winters, sa “Joseph Smith, the Prophet,” Young Woman’s Journal, Dis. 1905, p. 558; binago ang pagkakahati ng mga talata.

  35. Wilford Woodruff, pag-uulat tungkol sa talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Abr. 6, 1837, sa Kirtland, Ohio; Wilford Woodruff, Journals, 1833–98, Church Archives.

  36. Brigham Young, Deseret News, Hunyo 6, 1877, p. 274; ginawang makabago ang pagpapalaki ng mga letra.

Joseph Smith teaching

“Gustung-gustong pakinggan ng mga tao [si Propetang Joseph Smith], sapagkat puno siya ng paghahayag,” sabi ni Lorenzo Snow. “Ayon sa pangako ng Panginoon, ang mga taong tumatanggap ng mga alituntuning itinuro niya ay nakatatanggap sa Panginoon ng patunay na totoo ang mga ito.”

Bathsheba W. Smith

Bathsheba W. Smith

Mary Alice Cannon Lambert

Mary Alice Cannon Lambert

Parley P. Pratt

Parley P. Pratt

John M. Bernhisel

John M. Bernhisel

William Clayton

William Clayton

Joseph L. Robinson

Joseph L. Robinson

Mercy Fielding Thompson

Mercy Fielding Thompson

Emmeline B. Wells

Emmeline B. Wells

Lorenzo Snow

Lorenzo Snow