Kabanata 29
Pamumuhay sa Piling ng Iba nang Mapayapa at May Pagkakasundo
“Nais nating mamuhay nang mapayapa sa piling ng lahat ng tao.”
Mula sa Buhay ni Joseph Smith
Isa sa mga hangarin ng mga sinaunang Banal sa mga Huling Araw ay ang payagan silang ipamuhay ang kanilang relihiyon nang mapayapa. Ngunit saanman sila lumipat, mailap sa kanila ang kapayapaan. Noong 1833, dalawang taon lang matapos ilaan ang lugar na pagtitipunan sa Missouri, pinalayas ng mga mandurumog ang mga Banal sa Jackson County, Missouri (tingnan sa mga pahina 329–30). Ang mga miyembro ng Simbahan ay nakatagpo ng pansamantalang kanlungan sa Clay County, Missouri, at pagkatapos, noong 1836, nagsimula silang lumipat sa hilagang Missouri. Karamihan sa kanila ay nanirahan sa Caldwell County, isang bagong bayang itinatag ng batas ng estado upang matirhan ng mga Banal. Ang Far West, na nagsilbing kabisera ng bayan, ang kalauna’y naging maunlad na tirahan ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Patuloy na nanirahan si Propetang Joseph Smith sa Kirtland, Ohio, ngunit noong Enero 1838, napilitan siyang lumisan, sa takot na mamatay. Kasama ang pamilya, naglakbay siya ng 1,448 kilometro patungong Far West, kung saan nakasama niya ang mga Banal na naninirahan doon. Kalaunan noong 1838, ipinagbili o nilisan ng karamihan sa mga Banal sa Kirtland ang kanilang tahanan at sinundan ang Propeta sa Missouri. Para may matirhan ang mga miyembro ng Simbahan na dumadagsa sa lugar, ang Propeta ay nagtakda ng mga lugar na malapit sa Far West para matirhan ng mga Banal. Noong Hulyo 1838, inilaan ang mga batong panulok para sa isang templo sa Far West, na nagbigay ng pag-asa sa mga Banal na may matitirhan silang palagian kung saan magiging masagana at payapa sila. Sa kasamaang-palad, napahiwalay sila sa mga naninirahan sa lugar dahil sa mga problemang katulad ng naranasan nila sa Jackson County, at sa taglagas ng 1838, muling ginulo at sinalakay ng mga mandurumog at militar ang mga Banal sa mga Huling Araw.
Isang araw dinalaw ng Propeta ang kanyang mga magulang sa tahanan nila sa Far West, nang pasukin sila ng isang grupo ng sandatahang militar at sinabing papatayin siya dahil sa isang diumano’y krimen. Inilarawan ni Lucy Mack Smith, ina ng Propeta, ang galing ni Joseph na magpapayapa:
“Tinitigan sila [ni Joseph] na masayang nakangiti at, paglapit niya sa kanila, isa-isa silang kinamayan sa paraang nakumbinsi sila na wala siyang kasalanan at hindi siya isang kriminal ni isang duwag na mapagkunwari. Tumigil sila at tumitig na para bang multo ang kaharap nila.
“Umupo si Joseph at kinausap sila at ipinaliwanag sa kanila ang mga pananaw at damdamin ng mga taong tinatawag na mga Mormon at ang kanilang layunin, gayundin ang pakikitungo sa kanila ng kanilang mga kaaway sa pagsisimula pa lamang ng Simbahan. Sinabi niya sa kanila na sinusundan sila ng kasamaan at paninira mula nang pumasok sila sa Missouri, ngunit sila ay mga taong kahit kailan ay hindi lumabag sa batas ayon sa kanyang kaalaman. Ngunit kung lumabag man sila, handa silang magpalitis ayon sa batas….
“Pagkatapos nito, tumayo siya at sinabing, ‘Inay, palagay ko uuwi na ako. Hinihintay na ako ni Emma.’ Dalawa sa mga lalaki ang tumindig, at sinabing, ‘Hindi ka aalis mag-isa, sapagkat hindi ligtas. Sasamahan ka namin at babantayan.’ Pinasalamatan sila ni Joseph, at sumama sila sa kanya.
“Ang natitirang mga opisyal ay nakatayo sa may pintuan habang wala ang iba, at narinig ko ang pag-uusap nila:
“Unang Opisyal: ‘Wala ka bang naramdamang kakaiba nang hawakan ka ni Smith? Ngayon ko lang naramdaman iyon sa tanang buhay ko.’
“Ikalawang Opisyal: ‘Parang hindi ako makakilos. Hindi ko sasalingin ni isang buhok sa ulo ng lalaking iyon kahit kailan.’
“Ikatlong Opisyal: ‘Ito na ang huling pagkakataong makikita ninyo akong nagbalak na patayin si Joe Smith o ang mga Mormon.’…
“Ang mga lalaking iyon na sumama sa aking anak ay nangakong bubuwagin ang militar na nasa ilalim ng kanilang pamamahala at uuwi na, at sinabing kung may maipaglilingkod pa sila sa kanya, babalik sila at susundan siya kahit saan.”1
Sa pagsasabi ng katotohanan sa mabuti at simpleng paraan, napawi ni Joseph Smith ang maling palagay at poot at nakasundo ang marami sa mga naging kaaway niya.
Mga Turo ni Joseph Smith
Sa pagsisikap na maging mga tagapamayapa, makapamumuhay tayo sa piling ng iba nang may higit na pagkakasundo at pagmamahalan.
“Sabi ni Jesus: ‘Mapapalad ang mga mapagpayapa: sapagka’t sila’y tatawaging mga anak ng Dios.’ [Mateo 5:9.] Kaya nga kung may dapat ipagpasalamat ang bansa, ang isang Estado, komunidad, o pamilya, iyon ay ang kapayapaan.
“Kapayapaan, magandang anak ng langit!—kapayapaang gaya ng liwanag mula sa iisang dakilang magulang, nagbibigaykasiyahan, nagbibigay-inspirasyon, at nagpapaligaya sa mabubuti at masasama, at sa tunay na diwa ng kaligayahan sa lupa, at lubos na kaligayahan sa langit.
“Siya na hindi nagsisikap nang buong kapangyarihan ng katawan at isipan, nang buong impluwensya sa loob at labas ng tahanan—at iniimpluwensyahan din ang iba na gawin ito—upang maghangad ng kapayapaan at panatilihin ito para sa sarili niyang kapakinabangan at kaginhawahan, at para sa karangalan ng kanyang Estado, bayan, at bansa, ay hindi maaangkin ang habag [awa] ng tao; ni hindi siya dapat bigyang-karapatang kaibiganin ng babae o pangalagaan ng pamahalaan.
“Siya ang uod na sumisira sa sarili niyang laman; at buwitreng kumakain sa sarili niyang katawan; at siya, ayon sa sarili niyang mga layunin at kasaganaan sa buhay, ang [sisira] sa sarili niyang kasiyahan.
“Hindi malayo sa impiyerno sa lupa ang isang komunidad ng gayong mga nilikha, at dapat silang ituring na hindi karapatdapat sa mga pagsang-ayon ng malaya o sa papuri ng matapang.
“Ngunit ang tagapamayapa, O makinig sa kanya! Sapagkat ang mga salitang nagmumula sa kanyang bibig at kanyang doktrina ay pumapatak na parang ulan, at nagpapadalisay tulad ng hamog. Tulad sila ng marahang hamog sa mga halaman, at ng bahagyang ambon sa damuhan.
“Ang pagbibigay-inspirasyon, kabutihan, pagmamahal, katiwasayan, pagkakawanggawa, kabaitan, habag, pagiging makatao at pakikipagkaibigan ay naghahatid ng lubos na kaligayahan sa buhay: at ang mga tao, na mas mababa nang kaunti sa mga anghel, sa paggamit ng kanilang mga kapangyarihan, pribilehiyo, at kaalaman ayon sa orden, mga patakaran, at tuntunin ng paghahayag, ni Jesucristo, ay magkakasamang namumuhay sa pagkakaisa; at ang matamis na amoy na tinatangay ng hininga ng kagalakan at kasiyahan mula sa kanilang mabuting ugnayan ay parang nakalulugod na pabango mula sa inilaang langis na ibinuhos sa ulo ni Aaron, o parang masarap na amoy na nagmumula sa bukid ng mga halamang pampalasa ng Arabia. Oo, higit pa riyan, ang tinig ng tagapamayapa—
“Para itong musika ng mga bituin sa langit—
Pumapawi sa ating takot, sa kaluluwa’y umaakit;
Ginagawang Paraiso ang mundo,
At mas mahalagang perlas ang mga tao.”2
“Pinakamamahal na mga kapatid, patuloy na magmahalan; mamuhay sa kahinahunan, na laging nagdarasal, upang hindi kayo madaig. Gawin ang mga bagay na pumapayapa, tulad ng sabi ng pinakamamahal nating kapatid na Pablo, upang kayo ay maging mga anak ng ating Ama sa Langit [tingnan sa Mga Taga Roma 14:19].”3
“Ang pagiging makatao sa lahat, ang katwiran at kapinuhang maghahatid ng kabutihan, at kabutihang isinukli sa kasamaan ay … lubos na nilayon upang gamutin ang mas maraming sakit ng lipunan kaysa manawagang makipaglaban, o makipagtalo at balewalain ang pagkakaibigan. … Ang ating sawikain, kung gayon, ay Kapayapaan sa lahat! Kung nagagalak tayo sa pag-ibig ng Diyos, sikapin nating bigyan ng dahilan ang kagalakang iyan, na hindi kayang salungatin o tanggihan ng buong mundo.”4
“Nais nating mamuhay nang mapayapa sa piling ng lahat ng tao.”5
Magkakaroon tayo ng kapayapaan sa paggalang sa isa’t isa at pagtangging humanap ng kamalian.
“[Umaasa] kami na ang ating mga kapatid ay magiging sensitibo sa damdamin ng isa’t isa, at mamumuhay sa pagmamahal, na iginagalang ang isa’t isa nang higit kaysa sarili, tulad ng iniutos ng Panginoon.”6
“Ang taong naghahangad gumawa ng mabuti, ay dapat nating purihin sa kanyang kabaitan, at huwag pag-usapan ang kanyang mga kamalian nang talikuran.”7
“Sa mundong ito ngayon, natural sa sangkatauhan ang maging sakim, ambisyoso at magpilit na higitan ang isa’t isa; subalit ang ilan ay handang patatagin ang iba pati na ang sarili nila.”8
“Hayaang ipagtapat ng Labindalawa at ng lahat ng Banal ang lahat ng kanilang mga kasalanan, at huwag maglihim; at hayaan [silang] maging mapagpakumbaba, at hindi mapagmataas, at mag-ingat sa kayabangan, at huwag maghangad na higitan ang isa’t isa, kundi hangarin ang kabutihan ng isa’t isa, at ipagdasal ang isa’t isa, at igalang ang ating kapatid o purihin ang kanyang pangalan, at huwag siyang labanan nang talikuran at siraan.”9
“Kung iwawaksi ninyo ang lahat ng pagsasalita ng masama, paninirang-puri, at masasamang isipan at damdamin: magpapakumbaba, at lilinangin ang bawat alituntunin ng kabutihan at pagmamahal, mapapasainyo ang mga pagpapala ni Jehova, at masasaksihan pa ninyo ang mabuti at maluwalhating mga panahon; ang kapayapaan ay nasa loob ng inyong bakuran, at kasaganaan ang nasa inyong mga hangganan.”10
Magkakaroon tayo ng pagkakasundo sa ating mga komunidad sa pamamagitan ng paggalang sa kalayaan ng lahat ng tao na maniwala ayon sa sarili nilang budhi.
Mga Saligan ng Pananampalataya 1:11: “Inaangkin namin ang natatanging karapatang sambahin ang Pinakamakapangyarihang Diyos alinsunod sa mga atas ng aming sariling budhi, at pinahihintulutan ang lahat ng tao ng gayon ding karapatan, hayaan silang sumamba, kung paano, kung saan, kung anuman ang ibig nila.”11
“Ipinapalagay namin na ito ay makatwirang alituntunin, at isa ito sa mga bagay na pinaniniwalaan naming dapat pag-isipan nang husto ng bawat tao, na lahat ng tao ay nilikhang pantaypantay, at lahat ay may pribilehiyong mag-isip para sa kanilang sarili tungkol sa lahat ng bagay na may kinalaman sa budhi. Kaya nga, kung gayon, wala tayong karapatan, walang kapangyarihan, na alisan ang sinuman ng kalayaan ng isipan na buong awang ipinagkaloob ng langit sa pamilya ng tao bilang isa sa pinakapiling mga kaloob nito.”12
“Taglay ko ang pinakamalayang mga kuru-kuro, at pagmamahal sa kapwa sa lahat ng sekta, panig, at relihiyon; at ang mga karapatan at kalayaan ng budhi, ay itinuturing kong napakasagrado at mahalaga, at hindi ko kinamumuhian ang sinumang taong kakaiba ang paniniwala sa akin.”13
“Mapapatotohanan ng mga Banal kung handa akong magbuwis ng buhay para sa aking mga kapatid. Kung naipamalas na na handa akong mamatay para sa isang ‘Mormon,’ matapang kong ipinahahayag sa harap ng Langit na handa rin akong mamatay sa pagtatanggol sa mga karapatan ng isang Presbyterian, Baptist, o isang mabuting tao ng ibang relihiyon; sapagkat ang mga alituntuning yuyurak sa mga karapatan ng mga Banal sa mga Huling Araw ay yuyurak sa mga karapatan ng mga Romano Katoliko, o ng iba pang relihiyon na maaaring hindi popular at napakahina para ipagtanggol ang kanilang sarili.
“Pagmamahal sa kalayaan ang nagbibigay-inspirasyon sa aking kaluluwa—kalayaan ng tao at relihiyon sa buong sansinukob. Ang pagmamahal sa kalayaan ay itinanim ng aking mga ninuno sa aking kaluluwa habang nilalaro nila ako sa kanilang kandungan….
“Kung ipapalagay kong mali ang sangkatauhan, dapat ko ba silang pahirapan? Hindi. Pasisiglahin ko sila, at sa sarili din nilang paraan, kung hindi ko sila mahihikayat na mas mainam ang aking paraan; at hindi ko hahangaring pilitin ang sinuman na paniwalaan ang pinaniniwalaan ko, kundi sa pamamagitan lamang ng katwiran, sapagkat ang katotohanan ay gagawa ng sariling paraan.”14
“Dapat tayong laging mag-ingat sa mga maling palagay na iyon na kung minsan ay lubhang nagpupumilit, at likas na sa tao, na laban sa ating mga kaibigan, kapitbahay, at kapatid sa mundo, na piniling maging kaiba sa atin sa palagay at sa pananampalataya. Ang ating relihiyon ay sa pagitan natin at ng ating Diyos. Ang kanilang relihiyon ay sa pagitan nila at ng kanilang Diyos.”15
“Kapag nakakakita tayo ng magagandang katangian sa mga tao, dapat nating purihin itong lagi, hayaan natin sila sa sarili nilang pag-unawa sa mga paniniwala at doktrina; sapagkat lahat ng tao ay dapat maging malaya, na nagtataglay ng di-matitinag na mga karapatan, at ang matataas at mararangal na katangian ng mga batas ng kalikasan at kaligtasan ng sarili, upang isipin at gawin at sabihin ang gusto nila, habang iginagalang nila ang mga karapatan at pribilehiyo ng lahat ng iba pang nilikha, na hindi nanghihimasok sa kaninuman. Ang doktrinang ito ay lubos kong sinasang-ayunan at sinusunod.”16
“Lahat ng tao ay may karapatan sa kanilang kalayaan, sapagkat inorden iyon ng Diyos. Ginawa Niyang malaya ang sangkatauhan, at binigyan sila ng kapangyarihang piliin ang mabuti o masama; hangarin ang mabuti, sa pamamagitan ng pagtahak sa landas ng kabanalan sa buhay na ito, na naghahatid ng kapayapaan ng isipan, at kagalakan sa Espiritu Santo rito, at kaganapan ng kagalakan at kaligayahan sa Kanyang kanang kamay sa kabilang buhay; o tumahak sa masamang landas, patuloy na magkasala at maghimagsik laban sa Diyos, na sa gayo’y maghatid ng parusa sa kanilang mga kaluluwa sa mundong ito, at walang hanggang kawalan sa mundong darating. Dahil binigyan ng Diyos ng langit ng pagpipilian ang bawat tao, ayaw nating ipagkait iyon sa kanila. Nais lamang nating maging tapat na tagasubaybay, na sumasang-ayon sa salita ng Panginoon kay Ezekiel na propeta (Ezekiel kab. 33, mga talata 2, 3, 4, 5), at hayaan ang iba na gawin kung ano ang iniisip nilang makakabuti sa kanila.”17
“Isa sa mga unang alituntunin ko sa buhay, na natutuhan ko sa aking pagkabata, na itinuro ng aking ama, ay bigyang-laya ang budhi ng bawat tao. … Sa palagay ko lagi akong handang mamatay para pangalagaan ang mahihina at api sa makatwiran nilang mga karapatan.”18
“Huwag pakialaman ang relihiyon ng sinumang tao: lahat ng pamahalaan ay dapat tulutan ang bawat tao na maging malaya sa kanyang relihiyon nang walang gumagambala. Walang taong binigyang-karapatang kumitil ng buhay dahil sa pagkakaiba ng relihiyon, na dapat pagbigyan at pangalagaan ng lahat ng batas at pamahalaan, tama man o mali.”19
“Lilinangin… natin ang kapayapaan at pagkakaibigan sa lahat, hindi makikialam sa iba, at lubos tayong magtatagumpay, na iginagalang, dahil, sa paggalang sa iba ay iginagalang natin ang ating sarili.”20
“Bagaman kailanma’y hindi ko naisip ipilit ang aking doktrina sa sinuman, nagagalak akong makita na nabibigyang-daan ng maling palagay ang katotohanan, at ang mga tradisyon ng mga tao ay nawala dahil sa dalisay na mga alituntunin ng Ebanghelyo ni Jesucristo.”21
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Pag-isipan ang mga ideyang ito sa pag-aaral ninyo ng kabanata o paghahandang magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xiv.
-
Repasuhin ang kuwento tungkol kay Joseph Smith na kausap ang mga miyembro ng militar (mga pahina 397–400). Sa inyong palagay bakit nanatiling mahinahon ang Propeta sa sitwasyong ito? Pag-isipan ang iba pang mga halimbawang nakita ninyo na nagpanatiling mahinahon at payapa sa mga tao sa mahihirap na sitwasyon. Ano ang bunga ng mga ginawa ng mga taong ito?
-
Repasuhin ang mga pahina 400–2, na naghahanap ng mga salita at talatang ginamit ng Propeta para ilarawan ang kapayapaan at mga tagapamayapa. Anong mga katangian ang makatutulong sa atin upang maging mga tagapamayapa sa ating mga tahanan at komunidad?
-
Basahin ang huling talata sa pahina 402. Ano ang pakiramdam ninyo kapag naghahanap kayo ng mga kamalian ng ibang tao? Ano ang pakiramdam ninyo kapag naghahanap kayo ng magagandang katangian sa iba? Sa inyong palagay ano ang pakiramdam ng ibang tao kapag nag-uukol kayo ng oras na kilalanin ang kanilang mabubuting katangian?
-
Basahin ang unang talata sa pahina 403. Sa paanong paraan natin masusuportahan ang isa’t isa? Ano ang nagawa ng ibang tao para suportahan kayo? Sa anong mga paraan humahantong sa kapayapaan ang gayong mga gawain?
-
Repasuhin ang mga pahina 403–6, na hinahanap ang mga turo ng Propeta tungkol sa kung paano natin dapat pakitunguhan ang mga taong iba ang relihiyon kaysa sa atin. Ano ang mga paraan na maigagalang natin ang mga karapatan ng iba na “sumamba, kung paano, kung saan, kung anuman ang ibig nila”?
-
Repasuhin ang huling talata sa pahina 406. Paano natin maibabahagi ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa iba habang iginagalang ang kanilang mga paniniwala?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan:Mga Taga Efeso 4:31–32; Mosias 4:9–16; 4 Nephi 1:15–16; D at T 134:2–4, 7