KABANATA 47
“Purihin ang Propeta”: Mga Patotoo ng mga Propeta sa mga Huling Araw tungkol kay Propetang Joseph Smith
“Si Propetang Joseph Smith … ay tinawag ng Diyos, sa pamamagitan ng tinig ng Diyos Mismo, upang simulan ang dispensasyon ng Ebanghelyo sa mundo sa huling pagkakataon.” (Joseph F. Smith)
Mula sa Buhay ni Propetang Joseph Smith
Kasunod ng pagkamatay nina Propetang Joseph Smith at kanyang kapatid na si Hyrum, mabilis na nagsibalik sa Nauvoo ang Korum ng Labindalawa na nagmimisyon sa Estados Unidos. Pinulong ng mga miyembro ng Labindalawa ang mga Banal noong Agosto 8, 1844 at naging tagapagsalita roon si Brigham Young, ang Pangulo ng Korum ng Labindalawa. Habang nagsasalita siya, may kakaibang pangyayaring naganap na nasaksihan ng maraming Banal. Himala na nagmistulang si Joseph Smith ang anyo at tinig ni Pangulong Young.” Kung si Joseph ay bumangon mula sa mga patay at muling nagsalita sa kanila,” paggunita ni George Q. Cannon, “maaaring hindi nito mahihigitan ang pagkabiglang nadama ng mga naroon sa pulong na iyon. Tinig iyon ni Joseph; at hindi lamang ang tinig ni Joseph ang narinig; ngunit tila sa mata ng mga tao ay parang si Joseph mismo ang nakatayo sa harapan nila. Wala na kaming narinig pang higit na kalugud-lugod at kahima-himalang pangyayari kaysa sa naganap nang araw na iyon sa harap ng kongregasyong iyon. Binigyan ng Panginoon ang kanyang mga tao ng patotoo na nagbigaykatiyakan sa kung sinong tao ang Kanyang pinili upang mamuno sa kanila.”1
Sa pagtatapos ng pulong na ito, sinang-ayunan ng mga Banal ang pamumuno sa kanila ng Labindalawa. Pagkalipas ng mahigit tatlong taon, noong Disyembre 1847, inorganisang muli ang Unang Panguluhan at si Brigham Young ang sinang-ayunan bilang Pangulo ng Simbahan.
Mula pa nang panahon ni Brigham Young, bawat isa sa mga propetang nangulo sa buong Simbahan ay nagpatotoo sa kahanga-hangang misyon ni Propetang Joseph Smith. Pinili si Joseph Smith sa Kapulungan ng Langit na maging dakilang propeta at tagakita sa mga huling araw. Napakahalaga ng kanyang misyon kung kaya’t sinabi na ito noon pa man ng mga sinaunang propeta, kabilang na ang propeta sa Lumang Tipan na si Jose na ipinagbili sa Egipto. Si Jose ng Egipto ay tagakita rin mismo, at nagpropesiya tungkol kay Joseph Smith:
“Isang tagakita ang ibabangon ng Panginoon kong Diyos, na maging piling tagakita sa bunga ng aking balakang… . At ang kanyang pangalan ay tatawagin sa pangalan ko; at ito ay isusunod sa pangalan ng kanyang ama. At siya ay magiging katulad ko; sapagkat ang bagay na isisiwalat ng Panginoon sa pamamagitan ng kanyang mga kamay, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Panginoon ay magdadala sa aking mga tao sa kaligtasan” (2 Nephi 3:6, 15; tingnan din sa 2 Nephi 3:6–22).2
Noong Disyembre 1834, binasbasan ni Joseph Smith Sr. si Propetang Joseph, at kinumpirma na siya ang tagakita na ipinropesiya ni Joseph noong unang panahon: “Binabasbasan kita ng mga basbas ng iyong mga amang sina Abraham, Isaac at Jacob; at maging ng basbas ng iyong amang si Joseph, ang anak ni Jacob. Masdan, pinagmalasakitan niya ang kanyang magiging inapo sa mga huling araw… ; masigasig niyang hinangad na malaman kung saan magmumula ang Anak na maghahatid ng salita ng Panginoon na magbibigay-liwanag sa kanila at magbabalik sa kanila sa tunay na kawan ng Diyos, at ikaw ang nakita niya, anak ko; nagalak ang kanyang puso at nasiyahan ang kanyang kaluluwa, at sinabi niya, … “mula sa aking binhi, na nakalat sa mga Gentil, ay ibabangon ang isang piling tagakita … , na ang puso ay magninilay ng dakilang karunungan, na ang katalinuhan ay sasakop at uunawa sa malalalim na bagay ng Diyos, at ang bibig ay sasambit ng batas ng makatarungan.’ … Tataglayin mo ang mga susi ng ministeryong ito, maging ang panguluhan ng simbahang ito, kapwa sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.”3
Sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang piling tagakita sa mga huling araw, ang mga doktrina at nakapagliligtas na ordenansa ng ebanghelyo ay naipahayag, at ang totoong Simbahan ni Jesucristo ay naitatag na muli sa mundo. Ang mga patotoo ng sinauna at makabagong mga propeta ay nagkaisa upang ipahayag na si Joseph Smith ay kinasangkapan ng Diyos sa pagpapanumbalik ng kaganapan ng ebanghelyo para pagpalain ang “buong sangkatauhan, mula sa kawalang-hanggan patungo sa kawalang-hanggan.”4
Mga Patotoo ng mga Propeta sa mga Huling Araw
Si Joseph Smith ay naordenan noon pa man na maging propeta.
Pangulong Brigham Young: Napagpasiyahan sa mga konseho ng kawalanghanggan, matagal pa bago nilikha ang mundo, na siya, si Joseph Smith, ang nararapat na tao, sa huling dispensasyong ito ng daigdig, na maghatid ng salita ng Diyos sa sangkatauhan, at tumanggap ng kabuuan ng mga susi at kapangyarihan ng Pagkasaserdote ng Anak ng Diyos. Binantayan siya … ng Panginoon, at ang kanyang ama, at ang ama ng kanyang ama, at ang kanyang mga [ninuno mula] kay Abraham, at mula kay Abraham hanggang sa baha, mula sa baha hanggang kay Enoc, at mula kay Enoc hanggang kay Adan. Binantayan niya ang mag-anak na yaon at ang dugong nananalaytay mula sa pinagmulan niyon hanggang sa pagsilang ng taong iyon. [Si Joseph Smith] ang inordenan noon pa sa kawalanghanggan upang mamuno sa mga ito.”5
Pangulong Joseph Fielding Smith: “Si Joseph Smith ay pinili upang mamuno sa gawain ng Panginoon sa mga huling araw, at ang kanyang gawain ay iniatas sa kanya ayon sa pagkakilala sa kanya noon pa man ng Walang Hanggang Ama sa mga kawalanghanggan bago siya isinilang. Dumating siya sa diwa ni Elias upang ihanda ang daan para sa pagparito ng ating Panginoon. Walang propeta mula pa noong panahon ni Adan, maliban, siyempre, sa ating Manunubos ang binigyan ng mas higit na dakilang misyon.”6
Pangulong Ezra Taft Benson: Upang makita ang kahalagahan ng misyon ng Propeta sa mundo dapat natin itong tingnan nang may pag-unawa sa kawalang-hanggan. Isa siya sa mga ‘marangal at dakila’ na inilarawan ni Abraham sa ganitong paraan:
“ ‘Ngayon ipinakita ng Panginoon sa akin, si Abraham, ang mga katalinuhang binuo bago pa ang mundo, at sa lahat ng ito ay marami ang marangal at dakila; at nakita ng Diyos ang mga kaluluwang ito na sila ay mabubuti, at siya ay tumayo sa gitna nila, at kanyang sinabi: Ang mga ito ang gagawin kong tagapamahala; sapagkat siya ay nakatayo sa mga espiritung yaon, at kanyang nakita na sila ay mabubuti; at kanyang sinabi sa akin: Abraham, isa ka sa kanila; ikaw ay pinili bago ka pa man isinilang.’ (Abraham 3:22–23.)
“Ganoon din si Joseph Smith. Naroon din siya. Siya rin ay naupo sa kapulungang iyon kasama ang mararangal at dakila. Angkin ang mahalagang katayuan na marangal at namumukodtangi, walang alinlangang tumulong siya sa pagpaplano at pagpapatupad ng dakilang gawain ng Panginoon na ‘isakatuparan ang kawalang kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao,’ ang kaligtasan ng lahat ng anak ng ating Ama [Moises 1:39 ]. Ang kanyang misyon ay nagkaroon at dapat magkaroon ng bisa sa lahat ng nabuhay sa mundo; sa lahat ng nabubuhay sa mundo at sa milyun-milyon pang mabubuhay….
“Si Propetang Joseph Smith ay hindi lamang ‘isa sa mga marangal at dakila,’ kundi siya ay nagtuon at patuloy na magtutuon ng pansin sa mahahalagang gawain sa mundo maging hanggang ngayon mula sa mga kaharian sa langit. Sapagkat sa mga mata ng Panginoon … ang lahat ng ito ay dakila at walang-hanggang plano na ginaganapan ng mahalagang papel ni Propetang Joseph—lahat sa pamamagitan ng walang hanggang priesthood at awtoridad ng Diyos.”7
Ang Unang Pangitain ni Joseph Smith ay mahalagang bahagi ng ating sariling mga patotoo.
Pangulong Joseph F. Smith: “Ang pinakadakilang pangyayaring naganap sa daigdig simula sa pagkabuhay na mag-uli ng Anak ng Diyos mula sa libingan, at pag-akyat niya sa langit, ay ang pagpapakita ng Ama at ng Anak sa batang si Joseph Smith, upang ihanda ang daan sa paglalatag ng saligan ng kaharian [ng Diyos]—hindi kaharian ng tao—na kailanman ay hindi na mapipigilan ni mapababagsak.
“Dahil tinanggap ko ang katotohanang ito, madaling tanggapin para sa akin ang bawat isa sa iba pang mga katotohanan na kanyang sinambit at ipinahayag sa kanyang misyon … sa mundo. Kailanman ay hindi siya nagturo ng doktrinang hindi totoo. Hindi niya kailanman ipinamuhay ang doktrinang hindi iniutos na ipamuhay niya. Hindi siya kailanman nagmungkahi ng mali. Hindi siya nalinlang. Nakita niya; narinig niya; ginawa niya ang ipinagawa sa kanya; at samakatwid, ang Diyos ang responsable sa gawaing isinagawa ni Joseph Smith— hindi si Joseph Smith. Ang Panginoon ang may responsibilidad dito, at hindi ang tao.”8
Pangulong Heber J. Grant: “Talagang nakita ni Joseph Smith ang Diyos at talagang nakipag-usap sa Kanya, at ang Diyos talaga mismo ang nagpakilala kay Jesucristo sa batang si Joseph Smith at sinabi ni Jesucristo kay Joseph Smith na magiging kasangkapan siya sa mga kamay ng Diyos sa pagtatatag muli sa mundo ng tunay na ebanghelyo ni Jesucristo—dahil kung hindi ang Mormonismong tinatawag ay isang alamat lamang. Ngunit hindi alamat ang Mormonismo! Ito ay kapangyarihan ng Diyos tungo sa kaligtasan. Ito ang Simbahan ni Jesucristo na itinatag ayon sa Kanyang pamamahala, at hindi mababago ng lahat ng kawalang-paniniwala rito sa mundo ang mga pangunahing katotohanan na nauugnay sa Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.”9
Pangulong Howard W. Hunter: “Nagpapasalamat ako sa pagiging miyembro ko sa Simbahan; at ang patotoo ko sa kabanalan nito ay batay sa simpleng kuwento ng isang binatilyong nanalangin at dinalaw ng mga katauhang mula sa langit—hindi lang ng isang Diyos, kundi ng dalawang hiwalay at magkaibang personahe, ang Ama at ang Anak, na inihahayag na muli sa mundo ang mga katauhan ng Panguluhang Diyos. Nakabatay ang aking pananampalataya at patotoo sa simpleng kuwentong ito, sapagkat kung hindi ito totoo, mabibigo ang Mormonismo. At kung ito ay totoo—na siyang pinatototohanan ko—ito ang isa sa pinakadakilang mga pangyayari sa buong kasaysayan.”10
Pangulong David O. McKay: “Ang pagpapakita ng Ama at ng Anak kay Joseph Smith ang pundasyon ng Simbahang ito. Dito nakasalalay ang sikreto ng kalakasan at katatagan nito. Ito’y totoo at saksi ako rito. Ang isang paghahayag na iyon ang sumagot sa lahat ng tanong ng siyensya hinggil sa Diyos at sa Kanyang banal na pagkatao. Hindi ba ninyo nakikita ang kahulugan nito? Nasagot kung ano ang Diyos. Malinaw ang kaugnayan Niya sa Kanyang mga anak. Maliwanag na may malasakit Siya sa sangkatauhan dahil sa awtoridad na ipinagkatiwala sa tao. Tiyak ang patutunguhan ng gawain. Ito at ang iba pang maluwalhating mga katotohanan ang nilinaw ng maluwalhating unang pangitaing iyon.”11
Pangulong Ezra Taft Benson: “Ang Unang Pangitain ni Propetang Joseph Smith ay pangunahing doktrina sa Simbahan. Alam ito ng kaaway at binatikos nito ang kredibilidad ni Joseph Smith mula sa araw na inihayag niya ang pagdalaw ng Ama at ng Anak…. Kailangang lagi ninyong ipahayag na totoo ang Unang Pangitain. Totoong nakita ni Joseph Smith ang Ama at ang Anak. Nakipag-usap Sila sa kanya tulad nang sinabi niya. Ito ang pinakamaluwalhating pangyayari mula pa nang pagkabuhay na maguli ng ating Panginoon. Sinumang namumuno na makapagpapahayag nang walang alinlangan na nagpakita ang Diyos at si Jesucristo kay Joseph Smith ay magiging totoong pinuno, totoong pastol. Kung hindi natin tatanggapin ang katotohanang ito, … kung hindi tayo nakatanggap ng patunay tungkol sa dakilang paghahayag na ito, hindi natin mapalalakas ang pananampalataya ng mga pinamumunuan natin.”12
Pangulong George Albert Smith: Nang makita ng batang propeta, sa mga kakahuyan ng Palmyra, ang Ama at ang Anak, at malamang sila ay tunay na mga katauhan, na naririnig at tumutugon sila sa sinabi niya, nagpasimula ito ng bagong panahon sa mundong ito, at nagtatag ng pundasyon para sa pananampalataya ng mga anak ng tao. Makapananalangin na sila sa ating Ama sa Langit at malalaman na naririnig at sinasagot niya ang kanilang mga panalangin. Malalaman nilang may pag-uugnayan ang langit at lupa.”13
Si Propetang Joseph Smith ay Tinuruan ng Diyos at ng mga Anghel
Pangulong John Taylor: “Sino si Joseph Smith? Sinasabi sa atin sa Aklat ni Mormon na nagmula siya sa binhi ni Jose na ipinagbili sa Egipto at samakatwid ay pinili tulad ni Abraham na magsakatuparan ng isang gawain sa mundo. Pinili ng Diyos ang binatilyong ito. Hindi siya nakapag-aral kung ibabatay sa pagkaunawa ng mundo sa mga salitang iyon, ngunit siya ang may pinakamalawak na kaalaman at pinakamatalinong tao na nakilala ko sa buong buhay ko. Nakapaglakbay na ako ng daan-daan at libu-libong kilometro, nakarating na sa iba’t ibang lupalop at nakihalubilo na sa lahat ng uri at sistema ng mga pinaniniwalaan ng tao, subalit hindi pa ako nakakilala ng taong kasing-dunong niya. At saan niya nakuha ang kanyang karunungan? Hindi sa mga aklat, hindi sa mga lohika o agham o pilosopiya ng panahon, kundi natamo niya ang mga ito mula sa mga paghahayag ng Diyos sa kanya sa pamamagitan ng walang hanggang ebanghelyo.”14
Pangulong Wilford Woodruff: Wala pa akong nabasa kahit saan, ayon sa pagkakaalam ko, tungkol sa kapangyarihan ding iyon na ipinamalas sa mga anak ng tao sa alinmang dispensasyon, na ipinamalas sa Propeta ng Diyos sa pagtatatag ng Simbahang ito, nang magpakita kapwa ang Ama at Anak sa Propetang si Joseph bilang sagot sa kanyang panalangin, at nang sabihin ng Ama, ‘Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak; masdan Siya; pakinggan Siya.’ Ito’y napakahalagang paghahayag, na hindi kailanman ipinamalas sa gayong paraan sa alinmang dispensasyon ng mundo, na ibinigay ng Diyos tungkol sa Kanyang gawain. Kaya sa pagtatatag nito, ang Propeta ng Diyos ay ginabayan ng mga anghel ng langit. Sila ang kanyang mga guro, sila ang kanyang mga tagapagturo, at lahat ng isinagawa niya mula sa umpisa, mula sa araw na iyon hanggang sa siya ay patayin, ay ginawa sa pamamagitan ng paghahayag ni Jesucristo.”15
Pangulong Lorenzo Snow: “Si Joseph Smith na pinili ng Diyos na magtatag ng gawaing ito, ay dukha at hindi nakapag-aral, at walang kinaaaniban na bantog na relihiyon ng mga Kristiyano. Isa lamang siyang binatilyo, tapat, puno ng integridad… . Tulad ni Moises nadama niyang hindi niya kakayanin at hindi siya karapat-dapat sa gawain na maging tagapagbago ng paniniwala sa relihiyon, sa isang katayuang hindi madaling tanggapin ng lahat dahil ito ay pagsalungat sa mga opinyon at paniniwalang matagal nang umiiral at sinang-ayunan na ng mga tao, na siyang mahalaga sa pagsunod sa isang relihiyon. Ngunit siya ay tinawag ng Diyos upang iligtas ang mga maralita at matatapat ang puso sa lahat ng bansa mula sa kanilang espirituwal at temporal na pagkaalipin. At pinangakuan siya ng Diyos na sinuman ang tatanggap ng binyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan, na may tapat na layunin, ay dapat makatanggap ng pagpapahayag mula sa langit. Dapat silang makatanggap ng Espiritu Santo, dapat makatanggap ng gayon ding ebanghelyo at mga pagpapala tulad ng ipinangako at natamo sa pamamagitan ng ebanghelyo na itinuro ng mga apostol noong una. At ang mensaheng ito, ang pangakong ito, ay dapat ipatupad saanman at kaninuman ito iparating ng mga Elder, ang mga sugong binigyan ng awtoridad ng Diyos. Gayon ang sinabi ni Joseph Smith, ang hindi nakapag-aral, ang walang nalalaman, ang pangkaraniwan, ang simple at tapat na batang lalaki.”16
Pangulong Harold B. Lee: “Si Joseph Smith, ang binatilyong hindi nakapagaral ng mga teolohiya ng ating panahon, hindi mataas ang pinag-aralan noong kanyang kapanahunan,… [ay] maaaring magpakumbaba sa mga aral at bulong ng Espiritu. Hindi si Joseph Smith ang nagtayo ng Simbahang ito. Hindi niya sana naihatid ang gawain ng Panginoon, ang Aklat ni Mormon. Maaari nilang hamakin si Propetang Joseph Smith bilang isang tao. Maaari nilang batikusin kung paano nagsimula ang Simbahang ito, ngunit narito ang tumatayong bantayog—ang Aklat ni Mormon mismo. Hindi sana ito magagawa ng taong si Joseph, ngunit dahil pinakilos ng kapangyarihan ng Makapangyarihang Diyos, nakaya at nagawa niya ang mahimalang paglilingkod na ipakita mula sa pagkakatago at mula sa kadiliman ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.”17
Pangulong David O. McKay: “Dahil kay Joseph Smith, na hindi lamang dakilang lalaki, kundi isa ring inspiradong lingkod ng Panginoon kung kaya gusto kong magsalita sa pagkakataong ito. Tunay na ang kadakilaan ni Joseph Smith ay kinapapalooban ng banal na inspirasyon….
“ ‘Paanong nakaaalam ang taong ito ng mga karunungan, gayong hindi naman nagaral kailan man?’ ang tanong ng mga Judio sa karunungan ni Jesus [Juan 7:15]. Kaya ulitin natin ang tanong hinggil kay Joseph Smith, habang iniisip nating mabuti ang kakaiba niyang nagawa sa maikling panahon ng labing-apat na taon mula nang itatag ang Simbahan hanggang sa siya’y patayin; habang iniisip nating mabuti ang perpektong pagkakatugma ng Ipinanumbalik na Ebanghelyo sa sinaunang Simbahan na itinayo ni Jesus at ng kanyang mga Apostol; habang napapansin natin ang kanyang malalim na pananaw sa mga alituntunin at doktrina; at habang nakikita natin ang walang-katulad na plano at kagalingan ng Simbahang itinatag sa pamamagitan ng inspirasyon ni Cristo na siyang pangalan na taglay nito. Ang sagot sa tanong na, ‘Saan kumuha ang taong ito ng karunungan?’ ay nakasaad sa nakaaantig na talata:
“Purihin siyang kaniig ni Jehova!
Hinirang ni Cristo na Propeta.
Huling dispensasyon, sinimulan n’ya,
Mga hari’y pupuri sa kanya.”18
Pangulong Howard W. Hunter: “Pinupuri natin [si Joseph Smith] sa kanyang kakayahang makipag-ugnayan hindi lamang kay Jehova kundi sa iba pang mga personahe sa langit. Marami ang dumalaw, nagbigay ng mga susi, at nagturo sa ‘piling tagakita” na iyon na ibinangon sa mga huling araw…. Pinupuri din natin si Joseph Smith sa kanyang sigasig at kakayahan na isalin at tumanggap ng libu-libong pahina ng inihayag na banal na kasulatan. Siya ang naging daluyan ng mga paghahayag. Sa pamamagitan niya, tinatayang, mas maraming kagila-gilalas na mga pahina ng banal na kasulatan ang nagpasalin-salin kaysa sa sinumang tao sa kasaysayan ng [mundo].”19
Si Propetang Joseph Smith ang tinawag ng Diyos upang buksan ang huling dispensasyon at ipanumbalik ang kabuuan ng ebanghelyo.
Pangulong Spencer W. Kimball: “Pinatototohanan ko sa mundo ngayon na sa nakalipas na mahigit na isa at kalahating siglo ang hadlang sa pagitan ng langit at lupa ay nawasak; muling nabuksan ang langit, at mula noon ay nagpatuloy ang mga paghahayag.
“Nagsimula ang bagong araw na iyon nang ang [isang] tao na may matinding pagnanais ay nagdasal at humingi ng tulong mula sa langit. May natagpuan siyang isang lugar kung saan maaari siyang mapag-isa at doo’y lumuhod, nagpakumbaba, at nagsumamo, at ang liwanag na higit pa sa liwanag ng araw ay nagningning sa daigdig—ang tabing ay hindi na muling isasara.
“Isang binatilyo … , si Joseph Smith, na walang kapantay ang pananampalataya, ang tumapos sa panahon ng pagkagutom sa paghahayag; winasak ang ‘bakal na langit’ at muling binuo ang pakikipag-ugnayan. Humalik ang langit sa lupa, pinawi ng liwanag ang dilim, at muling nakipag-usap ang Diyos sa tao, muling ihahayag ang ‘kaniyang lihim sa kaniyang mga lingkod na mga propeta.’ (Amos 3:7.) Isang bagong propeta ang nasa lupain at sa pamamagitan niya itinayo ng Diyos ang kanyang kaharian, hindi na kailanman wawasakin o iiwan sa iba pang tao—kahariang mananatiling nakatayo kailan pa man.
“Ang kawalang-hanggan ng kahariang ito at ang mga paghahayag na pinairal rito ay mga katotohanang di mapag-aalinlanganan. Hindi na muling lulubog ang araw kailanman; hindi na muling mapapatunayan kailanman na ganap na di karapat-dapat ang lahat ng tao na makipag-ugnayan sa kanilang Manlilikha. Hindi na itatago kailanman ang Diyos mula sa kanyang mga anak sa mundo. Mananatili na rito ang paghahayag.”20
Pangulong Gordon B. Hinckley: Ang kuwento ng buhay ni Joseph ay kuwento ng isang himala. Isinilang siyang dukha. Pinalaki siya sa gitna ng kahirapan. Itinaboy siya sa bawat lugar, pinaratangan ng mali, at ikinulong nang labag sa batas. Pinaslang siya sa edad na 38. Gayunman sa 20 maiikling taon bago siya namatay, nagawa niya ang hindi nagawa ng iba sa tanang buhay nila. Isinalin niya at inilathala ang Aklat ni Mormon, isang aklat na mula noo’y muling isinalin sa maraming wika at tinanggap ng milyunmilyong katao. Ang kabuuang pahina ng aklat ay halos doble ng dami ng buong Bagong Tipan ng Biblia, at lahat ng ito’y dumating sa pamamagitan ng isang tao sa loob lamang ng ilang taon. Kasabay nito itinatag niya ang isang organisasyon … [na] nakalampas sa bawat problema at hamon at hanggang ngayon ay epektibo pa rin sa pamamahala sa [mga] miyembro sa buong mundo tulad noong 1830 na 300 pa lang ang mga miyembro. May mga nagdududa na pilit na inilarawan ang pambihirang organisayong ito bilang produkto ng mga pagsasamahan noong kapanahunan niya. Ang organisasyong iyon noon, sa palagay ko, ay natatangi, kakaiba, at pambihira pa ring tulad ngayon. Hindi iyon produkto ng panahon. Dumating iyon sa pamamagitan ng paghahayag mula sa Diyos… .
“Sa loob ng 20 taong iyon bago siya namatay, pinasimulan ni Joseph Smith ang isang programa para maihatid ang ebanghelyo sa mga bansa ng mundo. Nanggilalas ako sa [lakas ng kanyang loob na kumilos]. Kahit noong bago pa lang ang Simbahan, sa matitinding kagipitan, pinaiiwanan sa ating mga kalalakihan ang kanilang tahanan at pamilya, para tawirin ang karagatan, upang ipahayag ang Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo. Sakop ng isipan ng Propeta, ng kanyang pananaw ang buong mundo.
“Para sa ating mga pulong sa pangkalahatang kumperensya na dalawang beses sa isang taon, nagtitipon ang mga miyembro sa North, Central, at South America; sa British Isles at Africa; sa mga bansa ng Europa; sa mga pulo at kontinente ng Pasipiko; at sa mga sinaunang lupain ng Asya. Ito ay katuparan ng pangitain ni Joseph Smith, na propeta ng Diyos. Tunay na siya ay makapangyarihang tagakita na nakakita sa panahong ito at sa mga dakilang araw pang darating habang lumalaganap ang gawain ng Panginoon sa daigdig.”21
Pangulong Joseph F. Smith: “Anuman ang ginawa o gagawin ni Propetang Joseph Smith, hindi natin dapat kalimutan ang katotohanang sa milyunmilyong tao na nabuhay sa mundo noong panahong iyon—siya lang ang tanging tao, na tinawag ng Diyos, sa pamamagitan ng tinig ng Diyos Mismo, para simulan ang dispensasyon ng Ebanghelyo sa mundo sa huling pagkakataon; at ito ang pinakamagandang isipin, na siya ay tinawag ng Diyos upang ipaalam ang Ebanghelyo sa mundo, upang ipanumbalik ang banal na priesthood sa mga anak ng tao, upang iorganisa ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa mundo, at ipanumbalik ang lahat ng ordenansa ng Ebanghelyo, para maligtas hindi lamang ang mga buhay, kundi pati ang mga patay, at siya ay tinawag sa misyong ito ng Diyos Mismo….
“… Nagkaroon na ng iba pang mga propeta, at dakilang mga propeta rin, na may mga anghel na nagministeryo sa kanila at iba pa na nakakita sa daliri ng Diyos, at may mga piniling bigyan ng mas marami o mas kaunting paghahayag; ngunit saang pangyayari, at sino ang taong sabay na pinagpakitaan ng Ama at ng Tagapagligtas, at ipinakilala ang kanilang sarili sa kanya? Nasaan ang taong iyon? Hindi matatagpuan iyan sa alinmang talaan ng kasaysayan, maliban lamang kay Propetang Joseph Smith, at naganap iyan nang siya ay bata pa lamang. Bata lamang siya, at masasabi pa ring ganoon, dahil nang siya ay namatay bilang martir, siya ay 38 taon pa lamang.
“… Si Propetang Joseph Smith … ay nakipag-ugnayan sa Ama at sa Anak at nakipag-usap sa mga anghel, at dumalaw sila sa kanya, at iginawad sa kanya ang mga pagpapala at kaloob at mga susi ng kapangyarihan na hindi pa kailanman naigawad sa sinumang tao sa mundo maliban sa Anak Mismo ng Diyos. Wala pang taong nabuhay sa mundo na ginawaran ng lahat ng susi ng Ebanghelyo at ng mga dispensasyon na tulad ng iginawad kay Joseph Smith sa templo sa Kirtland nang siya ay dalawin ng Anak ng Diyos, ni Moises, at nina Elias at Elijah, at nang mabuksan ang kalangitan sa kanya at matanggap niya ang mga susi ng kapangyarihan at awtoridad na siyang daan upang mailatag niya ang gawain ng Diyos, nang malawakan at malalim, upang balutan ang mundo ng kaalaman tungkol sa Diyos, at ng Kanyang kapangyarihan at kaluwalhatian.”22
Ang gawain ni Joseph Smith ay nagpapala sa mga taong nabuhay, nabubuhay, at mabubuhay pa sa mundo.
Pangulong Joseph F. Smith: “Ang gawaing ginampanan ni Joseph Smith ay hindi lamang para sa buhay na ito, kundi may kaugnayan rin ito sa darating na buhay, at sa buhay na nakaraan na. Sa madaling salita ito ay nauugnay sa mga taong nabuhay noon, sa mga taong nabubuhay sa kasalukuyan at sa mga taong mabubuhay pa sa mundo sa paglisan natin sa mundong ito. Hindi ito isang bagay na may kaugnayan lamang sa tao habang siya ay nabubuhay sa mundo at may katawang mortal, kundi para sa mag-anak ng sangkatauhan mula sa kawalang-hanggan patungo sa kawalang-hanggan. Bunga nito, gaya ng sinabi ko, pinagpitaganan si Joseph Smith, pinarangalan ang kanyang pangalan; libulibong tao ang nagpasalamat sa Diyos nang kanilang buong puso at kaibuturan ng kaluluwa sapagkat ang kaalaman tungkol sa Panginoon ay naibalik sa mundo sa pamamagitan niya, at sa gayon ay nagsasalita sila nang maganda tungkol sa kanya at nagpapatotoo na siya ay mahalaga. At hindi lamang ito para sa isang nayon, ni sa isang estado, ni sa isang bansa, kundi ipinaabot ito sa bawat bansa, lahi, wika, at tao kung saan ipinangangaral ang ebanghelyo hanggang sa ngayon.”23
Pangulong Joseph Fielding Smith: “Tulad nang pagkaalam ko na si Jesus ang Cristo—at iyan ay inihayag sa akin ng Espiritu Santo—alam ko na si Joseph Smith ay isang propeta noon at ngayon at magiging propeta ng Diyos magpakailanman.
“Pinagpipitaganan at pinararangalan ko ang kanyang banal na pangalan. Kasama ang kanyang kapatid, ang aking lolo, si Patriarch Hyrum Smith, tinatakan niya ang kanyang patotoo ng kanyang dugo sa Carthage Jail. At ako man ay nagnanais din na maging kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon sa pagpapabatid sa mundo na ang kaligtasan ay naritong muli sapagkat ang Panginoon ay humirang ng isang makapangyarihang tagakita sa panahong ito upang itatag muli ang kanyang kaharian sa mundo.
“Sa diwa ng patotoo at pasasalamat, magtatapos ako sa mga salitang ito na binigyang-inspirasyon mula sa Doktrina at mga Tipan: ‘Si Joseph Smith, ang Propeta at Tagakita ng Panginoon, ay nakagawa nang higit pa, maliban lamang kay Jesus, para sa kaligtasan ng mga tao sa daigdig na ito, kaysa sa sinumang tao na kailanman ay nabuhay rito.’ (D at T 135:3.)”24
Si Pangulong Gordon B. Hinckley, sa kanyang pagsasalita sa Carthage, Illinois, noong Hunyo 26, 1994, bilang parangal sa ika-150 anibersaryo ng pagkamatay bilang martir ni Propetang Joseph Smith: “Ang maluwalhating gawaing sinimulan niya na pinaslang sa Carthage, ay lumago sa mahimala at kalugud-lugod na paraan… . Ang kagila-gilalas na gawaing ito, na nagmula sa pagkakatawag bilang propeta ng isang batang taga Palmyra, ay ‘lumabas mula sa ilang ng kadiliman,’ at nagliliwanag na ‘gaya ng buwan, maliwanag gaya ng araw, at kakila-kilabot gaya ng isang hukbo na may mga bandila,’ tulad ng ipinagdasal ng Propeta na mangyari (D at T 109:73)….
“Sumandali tayong nagbibigay-pitagan sa gabing ito. Nininilaynilay natin ang himala ng buhay na nagsimula sa luntiang mga burol ng Vermont at nagwakas sa piitan sa Carthage. Maikli lamang ang buhay na iyon. Subalit ang mga ibinunga ng buhay na iyon ay isang bagay na halos hindi kayang arukin [ng tao].
“Ang dakilang gawaing ito ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay mas mahalaga pa sa buhay mismo para sa libu-libong namatay sa paglilingkod dito. Daandaang libong saksi ang isinilang sa mundong ito upang magpatotoo sa tungkulin ni Joseph Smith bilang Propeta ng Diyos. Ang banal na priesthood na ibinalik sa pamamagitan niya ay bumagsak na parang balabal sa di mabilang na mga kalalakihang nagtataglay ng integridad at kabutihang-asal at nababalot ng banal na kapangyarihang ito. Ang Aklat ni Mormon ay lumalaganap sa iba’t ibang panig ng mundo bilang isa pang tipan ng Panginoong Jesucristo.
“Babanggitin ko ang isang kawikaan na sinambit matagal nang panahon at sa iba’t ibang pangyayari, ‘ang dugo ng mga martir ang naging binhi ng Simbahan.’ Ang mga patotoong itinatak sa mismong mga piitang ito, sa lupaing ito na pinagpupulungan natin ngayong gabi, ang mainit at maalinsangang araw na iyon 150 taon na ang nakalipas, ay siyang nangangalaga ngayon ng pananampalataya ng mga tao sa buong mundo.”25
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Pag-isipan ang mga ideyang ito sa pag-aaral ninyo ng kabanata o paghahandang magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xiv.
-
Basahin ang pangyayaring inilarawan sa pahina 633. Pag-isipan kung ano ang maaaring nadama ng mga tao nang matanggap nila ang patunay na si Brigham Young ang susunod kay Joseph Smith bilang lider ng Simbahan. Paano natin matatanggap ang patunay na ang Panginoon ang tumawag sa Pangulo ng Simbahan ngayon?
-
Si Jose ng Egipto ang isa sa maraming sinaunang propeta na nagpropesiya kay Joseph Smith at sa kanyang misyon (pahina 634). Tulad ng ipinakita sa kabanatang ito, patuloy na binig yang-diin ng mga propeta sa mga huling araw ang kahalagahan ni Joseph Smith. Sa inyong palagay bakit nakatanggap si Joseph Smith ng gayong atensyon, bago at pagkatapos ng kanyang misyon sa lupa?
-
Pag-aralan ang mga patotoo sa mga pahina 635–37 tungkol sa pagkaorden noon pa man kay Joseph Smith. Paano nagbabago ang pagkaunawa natin sa misyon ni Joseph Smith sa mundo kapag “tinitingnan natin ito nang may pagkaunawa sa walang hanggan”?
-
Basahin ang mga patotoo sa mga pahina 637–39 tungkol sa Unang Pangitain. Paano naging “pinakadakilang pangyayari ito na naganap sa mundo mula pa noong pagkabuhay na mag-uli ng Anak ng Diyos”? Paano naging “saligan ng Simbahang ito” at “sikreto ng kalakasan at katatagan nito” ang Unang Pangitain? Ano ang nakatulong sa inyo upang magkaroon ng patotoo tungkol sa Unang Pangitain?
-
Ipinahayag ni Pangulong Joseph F. Smith, “Ang Diyos ang may responsibilidad sa gawaing isinagawa ni Joseph Smith—hindi si Joseph Smith” (pahina 637). Sa inyong palagay bakit mahalagang bigyang-diin ang bagay na ito tungkol sa misyon ni Joseph Smith?
-
Ganito ang sabi ni Pangulong John Taylor tungkol kay Joseph Smith, “Hindi pa ako nakakilala kailanman ng taong kasingdunong niya” (pahina 640). Gayunman, binigyang-diin ni Pangulong Taylor at ng iba pang mga Pangulo ng Simbahan na hindi nagkaroon ng maraming oportunidad na makapag-aral si Joseph Smith. Bakit napalago ni Joseph ang kanyang kaalaman? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa mga pahina 639–43). Sa paghahangad natin ng espirituwal na kaalaman, paano natin masusundan ang halimbawa ni Joseph Smith?
-
Repasuhin ang mga pahina 643–48, at bigyang-pansin ang mga katotohanan at ordenansang ipinanumbalik sa pamamagitan ni Joseph Smith. Pag-isipan kung ano ang magiging kaibhan sa buhay ninyo kung hindi ninyo nalaman ang ipinanumbalik na ebanghelyo. Bakit ninyo pinasasalamatan si Joseph Smith at ang kanyang misyon?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: 2 Nephi 3:6–19; 27:6–26; 3 Nephi 21:9–11; D at T 1:17; 5:9–10; 21:1–6