Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 30: Magiting sa Layon ni Cristo


Kabanata 30

Magiting sa Layon ni Cristo

“Itinataguyod ko ang layon ni Cristo.”

Mula sa Buhay ni Joseph Smith

Noong Oktubre 1838, umabot sa sukdulan ang pag-aaway ng mga Banal na naninirahan sa hilagang Missouri at ng mga mandurumog at militar. Noong ika-27 ng buwang iyon, nagpalabas si Missouri governor Lilburn W. Boggs ng isang kasumpa-sumpang utos sa kumander ng militar ng estado: “Dapat ituring na kaaway ang mga Mormon at dapat silang lipulin o palayasin mula sa estado, kung kailangan para sa ikabubuti ng bayan. Hindi mailarawan ang kanilang kalupitan.”1 Makaraan ang tatlong araw, isang malaking grupo ng sandatahang militar ang nagkampo malapit sa Far West, Missouri, ang kinaroroonan ng headquarters ng Simbahan, at naghandang sumalakay sa lungsod.

Sa labis na pag-aalala sa kaligtasan ng mga Banal sa mga Huling Araw, pumayag si Joseph Smith at ang iba pang mga lider ng Simbahan na kausapin ang mga opisyal ng militar noong Oktubre 31 upang makipagkasundo tungkol sa kapayapaan. Gayunman, nang papalapit na sila sa kampo ng militar, biglang dinakip ang Propeta at kanyang mga kasama. Pagkatapos ay dinala sila sa kampo, kung saan pinilit silang humimlay nang buong magdamag sa malamig na sahig sa nagyeyelong unos habang nagsisigawan at nagmumura ang mga bantay. Nang ipasiya ng mga opisyal na dalhin ang mga bilanggo sa Independence, Missouri, nakiusap si Joseph at ang kanyang mga kasama na payagan silang makita ang kanilang mga pamilya.

“Naabutan kong nag-iiyakan ang aking asawa at mga anak,” pagsulat ng Propeta, “sa takot na baka nabaril na kami ng mga taong sumumpa na papatayin kami, at hindi na nila ako makita. … Sino ang makakaunawa ng nararamdaman ko sa sandaling iyon, na mapawalay sa aking kabiyak, at iwanan siyang napaliligiran ng mga taong mistulang halimaw, at sa mga anak ko rin, na hindi alam kung saan kukunin ang kanilang mga pangangailangan; habang inilalayo ako sa kanila ng aking mga kaaway para patayin kung kailan nila gusto. Humagulgol ang aking asawa, mahigpit akong niyakap ng aking mga anak, hanggang sa ilayo sila sa akin ng mga espada ng mga tanod.”2

Pagkaraang makulong sa loob ng maikling panahon sa Independence, dinala ang Propeta at iba pang mga lider ng Simbahan sa Richmond, Missouri, kung saan sila ikinulong sa isang lumang bahay na yari sa troso, sama-samang itinali, at binantayan nang husto. Mananatiling nakabilanggo ang Propeta sa Richmond nang mga tatlong linggo bago ilipat sa bilangguan sa Liberty, Missouri. Bagaman nakakatakot ang sitwasyon, sumulat ang Propeta kay Emma pagkarating sa Richmond: “Kami ay mga bilanggong nakatanikala at may matitipunong tanod nang dahil kay Cristo at wala nang iba. … Nakatali si Brother [George W.] Robinson sa tabi ko; tapat ang kanyang puso at matatag ang isipan. Sumunod si Brother [Lyman] Wight, kasunod si Brother [Sidney] Rigdon, kasunod si Hyrum [Smith], kasunod si Parley [P. Pratt], kasunod si Amasa [Lyman], at sa gayong paraan kami itinali sa isa’t isa gamit ang mga tanikala at gayundin ng mga tali ng walang hanggang pagmamahal. Masigla ang aming pakiramdam at nagagalak kaming mapabilang sa mga karapat-dapat pahirapan alangalang kay Cristo.”3

Sa isa sa malalamig at mahahabang gabi, humiga ang mga lalaki sa sahig hanggang sa lumipas ang hatinggabi, na hindi sila makatulog dahil ipinagyayabang ng mga tanod ang pagsalakay nila sa mga Banal kamakailan, pati na ang mga pagnanakaw, panggagahasa, at pagpatay. Ikinuwento ni Elder Parly P. Pratt: “Nakinig ako hanggang sa mainis ako, masindak, manghilakbot, at mapuspos ng galit na halos hindi ko maiwasang tumindig at pagsabihan ang mga bantay; ngunit wala akong sinabi kay Joseph, o kaninuman, bagaman nakahiga ako sa tabi niya at alam kong gising siya. Bigla siyang tumayo, at nagsalita sa isang dumadagundong na tinig, o tulad ng umaatungal na leon, na sinasabi, ang sumusunod na mga salita na ayon sa naaalala ko:

‘TUMAHIMIK. … Sa pangalan ni Jesucristo ay pinagsasabihan ko kayo, at inuutusang manahimik; hindi ako mabubuhay ng isa pang minuto at pakikinggan ang ganyang pananalita. Ihinto ninyo ang ganyang salita, dahil kung hindi kayo o ako ay mamamatay NGAYON DIN!’

“Huminto siya sa pagsasalita. Tumayo siya nang matuwid na may nakasisindak na kamaharlikahan. Nakatanikala, at walang armas; mahinahon, hindi nababalisa at marangal na tulad ng isang anghel, tiningnan niya ang mga nanliliit sa takot na tanod, habang ibinababa ang mga armas at binitiwan ito sa lupa; na nangatiklop ang mga tuhod, at nanliit sa isang sulok, o yumukyok sa kanyang paanan, at hiningi ang kanyang patawad, at nanatiling tahimik hanggang sa magpalit ng mga tanod.”4

Mga Turo ni Joseph Smith

Ang magiting ay masayang ginagawa ang lahat ng magagawa nila, maging sa oras ng problema.

Noong Setyembre 1839, nang simulan ng mga Banal ang mahirap na pagtatatag ng lungsod ng Nauvoo, Illinois, sumulat ang Propeta sa isang miyembro ng Simbahan sa Kirtland, Ohio: “Tungkol sa sitwasyon ng Simbahan dito, umaayon naman sa amin ang pagkakataon tulad ng dapat asahan. … May ilang pamilyang nakatipon na rito; at inaasahan naming magpapatuloy ito, lalo na nang malaman namin na hindi dumarami ang nagkakasakit dito, kahit may mga pagsubok sa amin, at lantad kami sa mga paghihirap. Batay sa ginagawa namin, sa awa at kapangyarihan ng Diyos sa amin, umaasa kaming makapagpatuloy sa bawat mabuti at makabuluhang gawain, maging hanggang wakas, upang kapag kami ay tinimbang ay hindi kami kulangin.”5

Noong Setyembre 1842, isinulat ng Propeta ang sumusunod sa isang liham sa Simbahan, na kalaunan ay itinala sa Doktrina at mga Tipan 128:19, 22: “Ngayon, ano ang ating naririnig sa ebanghelyo na ating natanggap? Isang tinig ng kagalakan! Isang tinig ng awa mula sa langit; at isang tinig ng katotohanan mula sa lupa; masasayang balita para sa mga patay; isang tinig ng kagalakan para sa mga buhay at sa mga patay; masasayang balita ng labis na kagalakan. … Mga kapatid, hindi ba tayo magpapatuloy sa isang napakadakilang adhikain? Sumulong at huwag umurong. Lakas ng loob, mga kapatid; at humayo, humayo tungo sa tagumpay! Magsaya sa inyong mga puso, at labis na magalak.”6

Sinabi ng Propeta tungkol sa pag-unlad ng Simbahan noong 1831: “Malinaw na binigyan tayo ng Panginoon ng kapangyarihan ayon sa gawaing dapat gawin, at lakas ayon sa gawaing nasa ating harapan, at awa at tulong ayon sa ating mga pangangailangan.”7

Itinataguyod ng taong magiting ang layon ni Cristo at sinisikap magkaroon ng mga katangian ni Cristo.

“Itinataguyod ko ang layon ni Cristo at ang kabutihan, kalinisang-puri, at matwid at matatag na pag-uugali, at isang banal na pamumuhay.”8

“Naniniwala ako sa pamumuhay nang mabuti, matwid at banal na buhay sa harapan ng Diyos at palagay ko’y tungkulin kong hikayatin ang lahat ng taong sakop ng aking kapangyarihan na gawin din ang gayon, upang tumigil sila sa paggawa ng kasamaan at matutong gumawa ng kabutihan, at lansagin ng katuwiran ang kanilang mga kasalanan.”9

“Sa pagpapatatag ng ating pananampalataya sa pamamagitan ng pagdaragdag ng bawat mabuting katangiang nagpapaganda sa mga anak ng pinagpalang si Jesus, makapagdarasal tayo sa panahon ng pagdarasal; maaari nating mahalin ang ating kapwa gaya ng ating sarili, at maging tapat sa oras ng paghihirap, batid na higit ang gantimpala sa gayon sa kaharian ng langit. Kaylaking kaaliwan! Kaylaking kagalakan! Hayaan ninyong mamuhay ako sa kabutihan, at hayaang matanggap ko ang gantimpalang gaya ng sa kanya!

“… Kabutihan ang dapat maging layunin ng mga Banal sa lahat ng bagay, at kapag nailathala na ang [Doktrina at mga Tipan], malalaman nila na mga dakilang bagay ang dapat asahan mula sa kanila. Gawin ang mabuti at gumawa ng kabutihan na may matang nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos, at aanihin ninyo ang inyong gantimpala kapag ginantimpalaan ng Panginoon ang bawat isa ayon sa kanyang ginawa. … Sa pangalan ni Jesucristo, isinasamo namin sa inyo na mamuhay nang karapat-dapat para sa mga pagpapalang kasunod ng maraming paghihirap, upang lubos na masiyahan ang mga kaluluwa nila na mananatiling tapat hanggang wakas.”10

“Mula ngayon, hayaang manaig at managana sa inyo ang katotohanan at kabutihan; at sa lahat ng bagay maging mahinahon; umiwas sa paglalasing, at sa pagmumura, at sa lahat ng kalapastanganan, at sa lahat ng hindi matwid o hindi banal; gayundin sa pagkapoot, at pagkamuhi, at pag-iimbot, at sa bawat hangarin na hindi banal. Maging tapat sa isa’t isa, sapagkat tila nagkukulang ang ilan sa mga bagay na ito, at ang ilan ay walang awa, at nagpapakita ng kasakiman. … Namumuhi ang Diyos sa gayong klaseng mga tao—at magdurusa din sila sa plano ng buhay, sapagkat umiikot ito at walang makakahadlang. Mananatiling buhay ang Sion, bagaman para itong patay.”11

“Bilang isang taong labis na naghahangad ng kaligtasan ng tao, hayaan ninyong ipaalala ko sa inyong lahat na maging lubhang masigasig para sa kabutihan, kabanalan, at mga utos ng Panginoon. Maging mabuti, maging matalino, maging makatarungan, maging mapagbigay; at higit sa lahat, maging maawain, laging nananagana sa mabubuting gawa. At nawa’y sumainyong lahat ang kalusugan, kapayapaan, at pag-ibig ng ating Diyos Ama, at biyaya ng ating Panginoong Jesucristo, ang taimtim na dalangin ng inyong tapat na kapatid at kaibigan sa walang hanggang Ebanghelyo.”12

“Maging mahinahon at mapagpakumbaba, matwid at dalisay; suklian ng kabutihan ang kasamaan. … Maging mapagpakumbaba at matiyaga sa lahat ng sitwasyon sa buhay; sa gayo’y magiging higit na maluwalhati ang ating tagumpay.”13

“Nais naming payuhan ang ating mga kapatid nang may katapangan, na maging mapagpakumbaba at madasalin, na tunay na mamuhay bilang mga anak ng kaliwanagan at ng araw, nang kaawaan sila na mapaglabanan ang bawat tukso, at madaig ang bawat kasamaan sa karapat-dapat na pangalan ng ating Panginoong Jesucristo.”14

Ang magiting ay nagsisikap maging higit na mabuti habang nabubuhay.

“Ang pagmumuni-muni na lahat ay tatanggap ayon sa sarili niyang kasipagan at tiyaga habang nasa ubasan, ay dapat magbigay-inspirasyon sa lahat ng natawag na maging lingkod ng masasayang balitang ito, upang mapag-ibayo ang kanyang talento nang magtamo siya ng iba pang mga talento, upang kapag naupo ang Panginoon para dinggin ang salaysay ng mga ginawa ng Kanyang mga alagad, ay masasabing, Mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin: nagtapat ka sa kakaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay; pumasok ka sa kagalakan ng iyong Panginoon [Mateo 25:21]. …

“… Walang anumang dapat makahadlang sa atin sa pagpapamalas na tayo ay kalugud-lugod sa paningin ng Diyos, ayon sa Kanyang banal na hinihiling. Karaniwa’y nalilimutan ng mga tao na sila ay umaasa sa langit para sa bawat biyayang tinulutang matamasa nila, at na sa bawat oportunidad na ibinigay sa kanila ay dapat silang magsulit. Alam ninyo, mga kapatid, na nang tawagin ng Panginoon sa talinghaga ng mga alipin ang kanyang mga alipin sa kanyang harapan binigyan niya sila ng ilang talentong palalaguin habang wala siya sa maikling panahon, at pagbalik niya ay tinawag niya sila para magsulit [tingnan sa Mateo 25:14–30]. Ganito rin ngayon. Maikling panahon lamang mawawala ang ating Panginoon, at sa huli’y tatawagin Niya ang bawat isa upang magsulit; at sa pinagbigyan ng limang talento, sampu ang hihilingin; at siya na hindi nagpalago ay palalayasin dahil sa pagiging isang alipin na walang pakinabang, habang ang matatapat ay magtatamasa ng walang hanggang mga parangal. Kung gayon tapat naming isinasamo na sumainyo ang awa ng ating Ama, sa pamamagitan ni Jesucristo na Kanyang Anak, upang hindi kayo manghina sa oras ng tukso, ni hindi madaig sa oras ng paghihirap.”15

“Pagkatapos ng tagubiling ito, kayo na ang mananagot para sa sarili ninyong mga kasalanan; kanais-nais na karangalan na dapat kayong mamuhay sa harapan ng ating Ama sa langit upang iligtas ang inyong sarili; responsibilidad nating lahat sa Diyos ang paraan ng pagpapaibayo natin ng liwanag at katalinuhang ibinigay ng ating Panginoon upang mailigtas natin ang ating sarili.”16

Ang magiting ay tapat na nagtitiis hanggang wakas at tatanggap ng korona ng kaluwalhatiang selestiyal.

“Ang tiwala natin ay nasa Diyos, at determinado tayo, ayon sa Kanyang awa, na manatiling tapat sa layon hanggang wakas, nang tayo ay putungan ng mga korona ng kaluwalhatiang selestiyal, at pumasok sa kapahingahang nakahanda para sa mga anak ng Diyos.”17

“Makibaka kayo ng mabuting pakikibaka ng pananampalataya nang makamtan ninyo ang koronang nakahanda para sa mga taong nagtitiis nang tapat hanggang sa wakas ng kanilang pagsubok [tingnan sa II Kay Timoteo 4:7–8]. Sa gayon maging tapat sa natanggap ninyo nang bukas-palad mula sa kamay ng Diyos upang sa panahon ng kaginhawahan ay hindi mabalewala ang inyong pagsisikap, kundi makapahinga kayo mula sa inyong mga gawain at magkaroon ng lubos na kagalakan sa kaharian ng Diyos.”18

“Magiging mabait kayo. Banal ang pagtitiyaga, marangal ang pagsunod, maawain ang pagpapatawad, at maka-Diyos ang kadakilaan; at siya na mananatiling matapat hanggang wakas ay hindi pagkakaitan ng kanyang gantimpala. Ang mabuting tao ay titiisin ang lahat ng bagay upang papurihan si Cristo, at tatalikuran pa ang buong mundo, at lahat ng narito, upang iligtas ang kanyang kaluluwa.”19

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito sa pag-aaral ninyo ng kabanata o paghahandang magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xiv.

  • Basahin ang kuwento nang pagsabihan ni Joseph Smith ang mga tanod sa mga pahina 411–12. Paano nakaapekto ang kuwentong ito sa inyong damdamin tungkol kay Joseph Smith?

  • Sinabi ni Joseph Smith na ang ebanghelyo ay “tinig ng kagalakan” at ipinahayag, “Magsaya sa inyong mga puso, at labis na magalak” (mga pahina 412–13). Sa anong mga paraan nakatutulong ang kaalaman natin sa ebanghelyo para tayo maging masaya at “labis na magalak” kahit sa mga panahon ng paghihirap?

  • Basahin ang unang buong talata sa pahina 413. Ano sa palagay ninyo ang kahulugan ng tumanggap ng “kapangyarihan ayon sa gawaing dapat gawin”? Anong mga halimbawa ang naaalala ninyo na naglalarawan ng katotohanang ito?

  • Repasuhin ang ikaapat na talata sa pahina 413. Ano ang ilang katangiang inaasahan ninyo sa isang taong nagsasabing “itinataguyod niya ang layon ni Cristo”? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa mga pahina 413–14.)

  • Habang pinag-aaralan ninyo ang payo ni Propetang Joseph Smith sa mga pahina 415–16, isipin ang isang bagay sa buhay ninyo na kailangan pang paghusayin. Ipasiya kung ano ang inyong gagawin upang mapanagutan ang pagpapahusay na iyon.

  • Repasuhin ang huling dalawang talata ng kabanata (pahina 417). Ano ang ilang gantimpala sa mga taong “nakikibaka ng mabuting pakikibaka ng pananampalataya”? Paano tayo sinisikap hikayatin ng ilang tao na huwag “masyadong magpakabait”? Paano tayo tutugon sa gayong mga pamimilit?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan:Deuteronomio 31:6; II Kay Timoteo 1:7–8; 2 Nephi 31:19–20; Mosias 5:15; D at T 59:23

Mga Tala

  1. Lilburn W. Boggs, sinipi sa History of the Church, 3:175; mula sa mga utos kay John B. Clark, Okt. 27, 1838, Jefferson City, Missouri.

  2. History of the Church, 3:193; mula sa “Extract, from the Private Journal of Joseph Smith Jr.,” Times and Seasons, Nob. 1839, p. 6.

  3. Liham ni Joseph Smith kay Emma Smith, Nob. 12, 1838, Richmond, Missouri; Community of Christ Archives, Independence, Missouri.

  4. Parley P. Pratt, Autobiography of Parley P. Pratt, ed. Parley P. Pratt Jr. (1938), pp. 210–11; inalis ang pagkakahilig ng mga salita.

  5. History of the Church, 4:8–9; nasa orihinal ang mga salitang naka-bracket; ginawang makabago ang gramatika; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa isang liham ni Joseph Smith kay Isaac Galland, Set. 11, 1839, Commerce, Illinois.

  6. Doktrina at mga Tipan 128:19, 22; isang liham ni Joseph Smith sa mga Banal, Set. 6, 1842, Nauvoo, Illinois.

  7. History of the Church, 1:176; mula sa “History of the Church” (manuskrito), aklat A-1, p. 118, Church Archives, The Church of Jesus Christ of Latterday Saints, Salt Lake City, Utah.

  8. Liham ni Joseph Smith kay William W. Phelps, Hulyo 31, 1832, Hiram, Ohio; Joseph Smith, Collection, Church Archives.

  9. Liham ni Joseph Smith sa editor ng Chester County Register and Examiner, Ene. 22, 1840, Brandywine, Pennsylvania; hawak ng may-ari ang orihinal; ang liham ay inilathala sa pahayagan noong Peb. 11, 1840.

  10. History of the Church, 2:229–30, talababa; mula sa “To the Saints Scattered Abroad,” Messenger and Advocate, Hunyo 1835, pp. 137–38.

  11. History of the Church, 3:233; mula sa isang liham ni Joseph Smith sa mga miyembro ng Simbahan sa Caldwell County, Missouri, Dis. 16, 1838, Liberty Jail, Liberty, Missouri.

  12. History of the Church, 5:417; mula sa isang liham ng rekomendasyon na ibinigay ni Joseph Smith kay Brigham Young, Hunyo 1, 1843, Nauvoo, Illinois.

  13. History of the Church, 6:411; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong May 26, 1844, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Thomas Bullock.

  14. Liham ni Joseph Smith at ng mga high priest sa mga kalalakihan sa Geneseo, New York, Nob. 23, 1833, Kirtland, Ohio, Church Archives.

  15. History of the Church, 2:6, 23–24; mula sa “The Elders of the Church in Kirtland, to Their Brethren Abroad,” Ene. 22, 1834, inilathala sa Evening and Morning Star, Peb. 1834, p. 135; Abr. 1834, p. 152.

  16. History of the Church, 4:606; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Abr. 28, 1842, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Eliza R. Snow; tingnan din sa apendise, pahina 655, aytem 3.

  17. History of the Church, 1:450; mula sa isang liham ni Joseph Smith kay Edward Partridge at sa iba pa, Dis. 5, 1833, Kirtland, Ohio.

  18. Liham nina Joseph Smith at John Whitmer sa mga Banal sa Colesville, New York, Ago. 20, 1830, Harmony, Pennsylvania; sa Autobiography and Journal, ni Newel Knight, ca. 1846–47, pp. 129–30, Church Archives.

  19. History of the Church, 6:427; mula sa isang liham nina Joseph Smith at Hyrum Smith kay Abijah Tewksbury, Hunyo 4, 1844, Nauvoo, Illinois; mali ang pagbabaybay na “Tewkesbury” sa apelyido ni Abijah Tewksbury sa History of the Church.

Joseph rebuking guards

Sa Richmond, Missouri, ilang oras na nakinig sa isang grupo ang mga nakabilanggong lider ng Simbahan sa pagyayabang ng mga tanod nila tungkol sa mga pagsalakay sa mga Banal. Biglang nagbangon si Joseph Smith at nagsabi, “Sa pangalan ni Jesucristo, pinagsasabihan ko kayo, at inuutusang manahimik.”

servant burying talent

“Siya na hindi nagpalago ay palalayasin dahil sa pagiging isang alipin na walang pakinabang, habang ang matatapat ay magtatamasa ng walang hanggang mga parangal.”