Kabanata 31
“Ang Diyos ay Kasama Mo Magpakailanman at Walang Katapusan”: Ang Propeta sa Liberty Jail
“Sa Kanyang makapangyarihang pangalan nagpasiya tayong tiisin ang mga pagsubok tulad ng magigiting na sundalo hanggang sa wakas.”
Mula sa Buhay ni Joseph Smith
Noong Disyembre 1, 1838, dinala si Propetang Joseph Smith, ang kapatid niyang si Hyrum, at iba pang mga kalalakihan sa bilangguan sa Liberty, Missouri, mula sa Richmond, Missouri, kung saan sila ikinulong sa isang bahay na yari sa troso. Mananatili sila roon nang mahigit apat na buwan, habang hinihintay ang paglilitis ukol sa mga maling paratang na nagmula sa pang-uusig sa mga Banal sa Missouri. Sa panahong ito, pinalayas ng mga mang-uusig ang mga miyembro ng Simbahan sa kanilang mga tahanan sa Missouri, na nagdulot ng matinding pagdurusa. Nag-alala nang husto ang Propeta sa mga pagsubok ng mga Banal sa matagal nilang pagkabilanggo.
Ang Liberty Jail ay nahahati sa isang silid sa itaas at isang 14-piye-kuwadradong piitan sa ilalim, kung saan nakakulong ang mga bilanggo. Inilarawan ng Propeta ang kanilang sitwasyon: “Ipiniit kami sa ilalim ng mahigpit na pagbabantay, gabi at araw, sa isang bilangguang doble ang mga dingding at pintuan, pinagbawalan sa aming kalayaan ng konsensiya, [ang aming pagkain] ay kakaunti, pare-pareho, at masama ang lasa; wala kaming pribilehiyong magluto para sa aming sarili; napilitan kaming matulog sa sahig na may dayami, at walang mga kumot na magbibigay ng sapat na init; at kapag may siga, obligado kaming tiisin ang usok. Seryosong sinabi sa amin ng mga Hukom paminsanminsan na batid nilang wala kaming kasalanan, at nararapat na palayain, ngunit di nila kayang ipatupad ang batas dahil sa takot sa mga mandurumog.”1
Di sapat ang taas ng kisame para makatayo kami nang maayos, at sinabi ni Alexander McRae, isa sa mga bilanggo, na ang pagkain ay “napakasama ng lasa, at napakarumi kaya hindi kami makakain hanggang sa mapilitan na lang kami dahil sa gutom.”2
Isinulat kalaunan ni Mercy Fielding Thompson, isang miyembro ng Simbahan na bumisita sa mga kalalakihan sa bilangguan: “Hindi ko maipaliwanag ang naramdaman ko nang papasukin kami ng tanod sa bilangguan at itrangka ang pinto sa aming likuran. Hindi namin mapigilang manghilakbot nang malaman naming nakakulong kami sa madilim at mapanglaw na bartolinang iyon, na bagay lamang sa pinakamasasamang kriminal; ngunit nakita namin doon si Joseph, ang Propeta—ang lalaking hinirang ng Diyos, sa dispensasyon ng kaganapan ng panahon upang hawakan ang mga susi ng Kanyang kaharian sa lupa, na may kapangyarihang magbuklod at magkalag ayon sa patnubay ng Diyos—na nakakulong sa kasuklam-suklam na piitan nang walang anumang sala o dahilan maliban sa ipahayag na siya ay binigyang-inspirasyon ng Diyos na itatag ang Kanyang simbahan sa mga tao.”3
Noong makulong ang Propeta, tatlong beses lamang siyang nadalaw ng kanyang asawang si Emma. Ang tanging ibang komunikasyon nila ay sa pamamagitan ng liham. Noong Abril 4, 1839, isinulat ng Propeta: “Aking mahal at mapagmahal na asawa. Huwebes ng gabi, nakaupo ako habang papalubog ang araw, habang nakasilip ako sa pagitan ng mga rehas ng malungkot na piitang ito, upang lumiham sa iyo, nang maipaalam ko sa iyo ang aking sitwasyon. Mga limang buwan at anim na araw na ngayon, sa palagay ko, simula nang mapasailalim ako sa pagbabantay ng guwardiya gabi’t araw, at sa loob ng mga dingding, rehas, at lumalangitngit na pintuang bakal ng malungkot, madilim, at maruming piitan. Isinusulat ko ang liham na tanging Diyos lamang ang nakaaalam ng aking nararamdaman. Ang mga naiisip ko sa ganitong mga sitwasyon ay hindi kayang isulat o sambitin o ipahayag man ng mga anghel upang ipaliwanag o ilarawan ang aming dinaranas sa isang taong hindi dumanas nito kailanman. … Umaasa kami sa bisig ni Jehova at wala nang iba para sa aming kaligtasan.”4
Mula sa Liberty Jail, lumiham din ang Propeta sa mga Banal, na ipinahahayag ang kanyang pagmamahal sa kanila at ang pananalig niyang laging tutulungan ng Diyos ang mga nagtitiwala sa Kanya. Karamihan sa sumusunod na materyal ay nagmula sa isang liham sa mga miyembro ng Simbahan, na may petsang Marso 20, 1839, na naglalaman ng payo ng Propeta sa mga Banal, kanyang mga pagsamo sa Diyos, at mga sagot ng Diyos sa kanyang mga dalangin. Kalaunan ay naging mga bahagi 121, 122, at 123 ng Doktrina at mga Tipan ang mga bahagi ng liham na ito.
Mga Turo ni Joseph Smith
Walang paghihirap na makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos at pakikipagkapatiran sa isa’t isa.
“Ang inyong abang lingkod, Joseph Smith, Jun., bilanggo alang-alang sa Panginoong Jesucristo, at para sa mga Banal, na hinuli at ibinilanggo ng mga mandurumog, sa ilalim ng mapamuksang pamumuno ng kanyang kamahalan, ang gobernador, Lilburn W. Boggs, kasama ang kanyang kapwa mga bilanggo at pinakamamahal na mga kapatid, sina Caleb Baldwin, Lyman Wight, Hyrum Smith, at Alexander McRae, ay bumabati sa inyong lahat.5 Nawa’y sumainyong lahat, at manatili sa inyo magpakailanman, ang biyaya ng Diyos Ama, at ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. Nawa’y dumami ang inyong kaalaman sa awa ng Diyos. At nawa’y mapasainyo at managana ang pananampalataya at kabutihan, at kaalaman at kahinahunan, at pagtitiis at kabanalan, at kabaitan at pag-ibig sa kapwa, nang kayo ay hindi maging salat sa anupaman, ni mawalan ng pakinabang [tingnan sa II Ni Pedro 1:5–8].
“Sapagkat alam namin na karamihan sa inyo ay pamilyar sa mga mali at matinding kawalan ng katarungan at kalupitang ginawa sa atin; at kami ay hinuli sa mga maling paratang ng lahat ng uri ng kasamaan, at ibinilanggo, ipiniit sa makakapal na dingding, na napaliligiran ng malalakas na guwardiya, na patuloy na nagbabantay araw at gabi nang walang kapaguran gaya ng panunukso at paglalagay ng mga pain ng demonyo para sa mga tao ng Diyos:
“Samakatwid, pinakamamahal na mga kapatid, higit kaming handa at nagnanais maangkin ang inyong pakikisama at pagmamahal. Sapagkat ang aming sitwasyon ay nilayon upang gisingin ang aming mga espiritu sa isang sagradong alaala ng lahat, at sa palagay namin ay gayundin ang inyong mga espiritu, at walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos at pakikipagkapatiran sa isa’t isa [tingnan sa Mga Taga Roma 8:39]; at na bawat uri ng kasamaan at kalupitang ginawa sa atin ay magbibigkis lamang sa ating mga puso at magbubuklod sa mga ito sa pagmamahal.
“Hindi na namin kailangang sabihin sa inyo na kami ay nakatali nang walang matwid na dahilan, ni hindi ninyo kailangang sabihin sa amin, Kami ay pinalayas sa aming mga tahanan at binugbog nang walang dahilan. Kapwa natin nauunawaan na kung hinayaan lang ng mga mamamayan ng estado ng Missouri ang mga Banal, at naghangad ng kapayapaang tulad nila, wala sanang mananaig kundi kapayapaan at katahimikan sa estadong ito hanggang sa araw na ito; hindi sana kami napunta sa impiyernong ito, … kung saan wala na kaming ibang naririnig kundi lapastangang pagsumpa, at nasasaksihan ang tagpo ng kalapastanganan, at kalasingan at pagkukunwari, at lahat ng uri ng pagmamalabis. At muli, hindi sana umabot sa Diyos ang mga hinaing ng mga ulila at balo laban sa kanila. Ni nabahiran ng dugo ng mga walang malay ang lupain ng Missouri. … Ito ay kuwento ng kasawian; isang kuwentong nakakaiyak; oo, isang malungkot na kuwento; na napakahirap isalaysay; napakahirap isipin; napakahirap para sa mga tao. …
“Ginawa [ng aming mga mang-uusig] ang mga bagay na ito sa mga Banal, na walang ginawang masama sa kanila, na walang kasalanan at mababait; na nagmahal sa Panginoon nilang Diyos, at handang talikuran ang lahat ng bagay alang-alang kay Cristo. Nakakakilabot ikuwento ang mga bagay na ito, ngunit totoong nangyari ang mga ito. Talagang darating ang mga pasakit, ngunit kawawa ang mga taong magdudulot nito [tingnan sa Mateo 18:7].”6
Maikling sandali lamang ang pagdurusa; kung tayo ay magtitiis, dadakilain tayo sa harapan ng Diyos.
“O Diyos! nasaan Kayo? At nasaan ang pabilyon na tumatakip sa Inyong pinagkukublihang lugar? Hanggang kailan pipigilan ang Inyong mga kamay, at ang Inyong mga mata, oo, ang Inyong dalisay na mata, ay mamasdan mula sa walang hanggang kalangitan ang mga kaapihan ng Inyong mga tao at ng Inyong mga tagapaglingkod, at marinig ng Inyong mga tainga ang kanilang mga iyak?
“Oo, O Panginoon, hanggang kailan sila magdurusa sa mga kaapihang ito at hindi makatarungang kalupitan, bago ang Inyong puso ay lumambot para sa kanila, at ang Inyong kalooban ay maantig sa habag para sa kanila?
“O Panginoong Diyos na Pinakamakapangyarihan, Tagalikha ng Langit, Lupa at mga Dagat, at ng lahat ng bagay na naroroon, at may kapangyarihan at pinaiilalim ang diyablo, at sa madilim at makasalanang nasasakupan ng Sheol! Iunat ang Inyong kamay, palagusin ang Inyong mga mata; kuning paitaas ang Inyong pabilyon; ang Inyong pinagkukublihang lugar ay huwag nang muling takpan; ang Inyong mga tainga ay kumiling; ang Inyong puso ay palambutin, at ang Inyong kalooban ay maantig sa habag para sa amin. Ang Inyong galit ay pasiklabin laban sa aming mga kaaway; at sa matinding galit ng Inyong puso, sa pamamagitan ng Inyong espada ay ipaghiganti kami sa aming kaapihan; alalahanin ang Inyong mga nagdurusang mga Banal, O aming Diyos! at ang Inyong mga tagapaglingkod ay magsasaya sa Inyong pangalan magpakailanman. …
“… Aking anak, kapayapaan ay mapasaiyong kaluluwa; ang iyong kasawian at ang iyong mga pagdurusa ay maikling sandali na lamang; at muli, kung ito ay iyong pagtitiisang mabuti, ang Diyos ay dadakilain ka sa itaas; ikaw ay magtatagumpay sa lahat ng iyong mga kaaway.”7 [Ang mga talata sa bahaging ito ay matatagpuan din sa D at T 121:1–8.]
Ang kapangyarihan ng Diyos ay higit pa kaysa anumang kasamaan, at ang mga katotohanan ng ebanghelyo ang magwawagi sa bandang huli.
“Nais ko sanang sabihin sa inyo, mga kapatid, na ang pagiging mangmang, mapamahiin at panatiko nang hindi nararapat, ay madalas maging hadlang sa pag-unlad ng Simbahang ito, gaya ng matinding buhos ng ulan mula sa kabundukan na nagpapabaha ng putik at dumi at karumihan sa pinakadalisay at malinis na batis, at pinalalabo ang lahat na dati-rati’y malinaw, at lahat ay rumaragasa sa isang malaking pagbaha; ngunit nagbabago ang sitwasyon sa paglipas ng panahon; at kahit nakukulapulan tayo ng putik ng baha sa ngayon, marahil ang susunod na pagbaha, sa paglipas ng mga panahon, ay maghahatid sa atin ng bukal na kasinglinaw ng kristal, at kasimputi ng niyebe; habang ang dumi, mga kahoy na tuod na tinangay ng baha at basura ay naiiwan at inaanod sa daan.
“Hanggang kailan mananatiling marumi ang umaagos na tubig? Anong kapangyarihan ang pipigil sa kalangitan? Gayon din maaaring iunat ng tao ang kanyang maliit na bisig upang pigilin ang ilog ng Missouri sa kanyang nakatalagang daan, o ibaling ang daloy nitong paitaas, upang hadlangan ang Pinakamakapangyarihan sa pagbubuhos ng kaalaman mula sa langit, sa mga ulo ng mga Banal sa mga Huling Araw. [Ang talatang ito ay matatagpuan din sa D at T 121:33.]
“Ano ang kabuluhan ni [Governor Lilburn W.] Boggs o ng kanyang grupo ng mga mamamatay-tao, kundi mga punong tumutubo sa pampang na ang mga ugat ay umaabot sa tubig at humahadlang sa mga kahoy na inaanod? Gayon din maaari tayong makipagtalo na ang tubig ay hindi tubig, dahil nagbuhos ng putik ang ulan mula sa kabundukan at dinumihan ang malinaw na batis, bagama’t pagkaraan ay higit itong pinadalisay kaysa rati; o ang apoy ay hindi apoy, dahil naaapula ito, sa pagbuhos ng baha; at sabihing ang ating layon ay walang silbi dahil ang mga rebelde, sinungaling, pari, magnanakaw at mamamatay-tao, na pare-parehong nangungunyapit sa kanilang mga kagalingan at doktrina, ay nagbuhos, mula sa kanilang espirituwal na kasamaan sa mga dakong kaitaasan, at mula sa mga kuta ng diyablo, ng napakaraming dumi at putik at karumihan …sa ating mga ulo.
“Hindi! Huwag nawang itulot ng Diyos. Ibuhos nang lahat ng impiyerno ang poot nito gaya ng nag-aapoy na lava ng bundok Vesuvius, o ng Etna, o ng pinakamabagsik sa lahat ng bulkan; subalit mananatili pa rin ang ‘Mormonismo.’ Totoong lahat ang tubig, apoy, katotohanan at Diyos. [Katotohanan] ang ‘Mormonismo.’ Ang Diyos ang may-akda nito. Siya ang ating pananggalang. Sa pamamagitan Niya tayo nakatanggap ng ating pagsilang. Sa pamamagitan ng Kanyang tinig tayo tinawag sa dispensasyon ng Kanyang Ebanghelyo sa pagsisimula ng kaganapan ng panahon. Sa pamamagitan Niya natanggap natin ang Aklat ni Mormon; at sa pamamagitan Niya kaya tayo nananatili hanggang sa araw na ito; at sa pamamagitan Niya mananatili tayo, kung ito’y para sa ating kaluwalhatian: at sa Kanyang Makapangyarihang pangalan nagpasiya tayong tiisin ang mga pagsubok tulad ng magigiting na sundalo hanggang sa wakas.
“… Malalaman ninyo sa sandaling mabasa ninyo ito, at kung hindi man ninyo malaman ay maaari ninyong malaman, na ang mga dingding at rehas, mga pintuan at lumalangitngit na bisagra, at takot na takot na mga guwardiya at tanod … ay likas na nilayon upang ang kaluluwa ng isang taong tapat ay maging mas malakas kaysa mga puwersa ng impiyerno. …
“… Kami ay inyong mga kapatid at nagdurusang tulad ninyo, at mga bilanggo ni Jesucristo alang-alang sa Ebanghelyo, at sa pag-asa ng kaluwalhatian na napasaatin.”8
Nauunawaan ng Tagapagligtas ang lahat ng ating pagdurusa, at makakapiling natin Siya magpakailanman at magpasawalang-hanggan.
Inaliw ng Panginoon ang Propeta sa sumusunod na mga salita: “Ang mga dulo ng mundo ay magtatanong tungkol sa iyong pangalan, at ang mga hangal ay ilalagay ka sa panunuya, at ang impiyerno ay sisilakbo ang galit laban sa iyo, samantalang ang dalisay ang puso, at ang marurunong, at ang mararangal, at ang malilinis, ay maghahangad ng payo, at kapangyarihan, at mga pagpapala tuwina mula sa iyong kamay, at ang iyong mga tao ay hindi kailanman tatalikod sa iyo dahil sa patotoo ng mga taksil; at bagaman ang kanilang kapangyarihan ay magdadala sa iyo sa pagkaligalig, at sa mga rehas at pader, ikaw ay pararangalan, at sumandaling panahon na lamang at ang iyong tinig ay magiging higit na nakasisindak sa gitna ng iyong mga kaaway kaysa sa mabangis na leon, dahil sa iyong kabutihan; at ang iyong Diyos ay tatayo sa iyong tabi magpakailanman at walang katapusan.
“Kung ikaw ay tinawag upang dumanas ng pagdurusa; kung ikaw ay nasa mga panganib kasama ng mga bulaang kapatid; kung ikaw ay nasa mga panganib kasama ng mga manloloob; kung ikaw ay nasa mga panganib sa lupa o sa dagat; kung ikaw ay pinaratangan ng lahat ng uri ng maling pagpaparatang; kung ang iyong mga kaaway ay dadaluhong sa iyo; kung ikaw ay kanilang babatakin mula sa piling ng iyong ama at ina at mga kapatid; at kung sa pamamagitan ng isang hinugot na espada ikaw ay babatakin ng iyong mga kaaway mula sa piling ng iyong asawa, at ng iyong anak, at ng iyong nakatatandang anak na lalaki, bagaman siya ay anim na taong gulang pa lamang, kakapit sa iyong kasuotan, at sasabihing, Ama ko, ama ko, bakit hindi ka maaaring manatili sa amin? O, ama ko, ano ang gagawin ng mga tao sa iyo? at kung siya ay ihihiwalay sa iyo sa pamamagitan ng espada, at ikaw ay kakaladkarin sa bilangguan, at ang iyong mga kaaway ay aaligid sa iyo gaya ng mga lobo para sa dugo ng tupa; at kung ikaw ay itatapon sa hukay, o sa mga kamay ng mga mamamatay-tao, at ang kahatulan ng kamatayan ay ihahatol sa iyo; kung ikaw ay itapon sa kalaliman; kung ang dumadaluyong na alon ay magkaisa laban sa iyo; kung ang malakas na hangin ay iyong maging kaaway; kung ang kalangitan ay magtipon ng kadiliman, at ang lahat ng elemento ay magsama-sama upang harangan ang daan; at higit sa lahat, kung ang pinakapanga ng impiyerno ay ibubuka nang malaki ang bibig sa iyo, alamin mo, aking anak, na ang lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan, at para sa iyong ikabubuti.
“Ang Anak ng Tao ay nagpakababa-baba sa kanilang lahat. Ikaw ba’y nakahihigit sa kanya?
“Samakatwid, maging matatag sa iyong landas, at ang pagkasaserdote ay mananatili sa iyo, sapagkat ang kanilang hangganan ay nakatakda, sila ay hindi makararaan. Ang iyong mga araw ay nababatid, at ang iyong mga taon ay hindi nababawasan ng bilang; kaya nga, huwag katakutan ang nagagawa ng tao, sapagkat ang Diyos ay kasama mo magpakailanman at walang katapusan.” 9 [Ang mga talata sa bahaging ito ay matatagpuan din sa D at T 122:1–9.]
Nakaaaliw ang bulong ng marahan at banayad na tinig sa ating mga kaluluwa sa matitinding dalamhati at pangamba.
Di nagtagal matapos patakasin ng mga humuli sa kanya sa Missouri ang Propeta, naalala niya ang mga naramdaman niya habang nakabilanggo: “Noong nasa mga kamay ako ng aking mga kaaway, masasabi ko, na bagama’t alalang-alala ako sa aking pamilya at mga kaibigan, na walang awang pinagmalupitan at inabuso, … gayunman kung ako ang tatanungin, ganap akong panatag at handa sa kalooban ng aking Ama sa Langit. Batid kong wala akong sala gayundin ang mga Banal, at wala kaming nagawang anuman para sapitin ang gayong pagmamaltrato sa mga kamay ng mga nang-api sa amin. Dahil diyan, makakaasa ako sa Diyos na iyon na Siyang humahawak sa buhay ng lahat ng tao, at madalas na nagligtas sa akin sa tiyak na kamatayan, tungo sa kaligtasan; at kahit walang paraan para makatakas, at anumang sandali’y maaari akong mamatay, at napagpasiyahan na ng mga tao na dapat akong maglaho, subalit, mula pa noong una akong pumasok sa kampo, nadama ko na ang katiyakan na kami ng aking mga kapatid at aming mga pamilya ay maliligtas.
“Oo, ang marahan at banayad na tinig na iyon, na napakadalas bumulong ng pag-aliw sa aking kaluluwa, sa matitinding dalamhati at pangamba, ay sinabihan akong lakasan ang aking loob, at nangako ng kaligtasan, na nagdulot sa akin ng malaking ginhawa. At bagama’t nagkakagulo ang mga bansa, at walang kabuluhan ang iniisip ng mga tao, datapwa’t ang Panginoon ng mga Hukbo, ang Diyos ni Jacob ang aking kanlungan; at nang magsumamo ako sa Kanya sa panahon ng kaligaligan, iniligtas Niya ako [tingnan sa Mga Awit 46:7; 50:15]; kaya nga nananawagan ako sa aking kaluluwa, at sa buong kalooban ko, na basbasan at purihin ang Kanyang banal na pangalan. Sapagkat bagaman ako ‘sa magkabikabila ay [nagigipit], gayon ma’y hindi [ako naghihinagpis]; [natitilihan], gayon ma’y hindi [nawawalan] ng pag-asa; pinaguusig, gayon ma’y hindi pinababayaan; inilulugmok, gayon ma’y hindi [nasisira].’ [Tingnan sa II Mga Taga Corinto 4:8–9.]”10
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Pag-isipan ang mga ideyang ito sa pag-aaral ninyo ng kabanata o paghahandang magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xiv.
-
Repasuhin ang paglalarawan sa bilangguan sa Liberty, Missouri (mga pahina 421–23). Habang pinag-aaralan at tinatalakay ninyo ang kabanatang ito, isipin ang mga sitwasyon ng Propeta nang isulat niya ang mga salitang nakatala sa kabanatang ito. Repasuhin ang ikalawang talata sa pahina 426. Paano naging halimbawa ng katotohanang ito ang kuwento tungkol sa Propeta sa Liberty Jail?
-
Pag-aralan ang unang buong talata sa pahina 424. Paano nagagawa kung minsan ng mahihirap na sitwasyon na “gisingin ang ating mga espiritu sa isang sagradong alaala”? Sa anong mga paraan “magbibigkis ang ating mga puso” sa mga kapamilya at kaibigan ng mga pagsubok at paghihirap? Ano na ang mga naranasan ninyo na may kaugnayan sa mga katotohanang ito?
-
Ipinahayag ni Joseph Smith na walang makapaghihiwalay sa kanya at sa kanyang mga kapatid sa pag-ibig ng Diyos (pahina 424). Ano ang mga naiisip o nadarama ninyo sa pagninilaynilay sa pahayag na ito? Sa anong mga paraan tayo mahihiwalay sa pag-ibig ng Diyos? Ano ang ilang bagay na dapat nating gawin upang manatiling tapat sa pag-ibig ng Diyos?
-
Basahin ang huling talata sa pahina 425. Ano ang magagawa natin para matanggap ang kapayapaang iniaalok ng Panginoon sa atin? Ano ang maitutulong sa inyo ng pagtiyak ng Panginoon na ang pagdurusa at paghihirap ni Joseph Smith ay “maikling sandali na lamang”?
-
Repasuhin ang mga pagtiyak ni Joseph Smith sa mga Banal na walang magagawa ang mga kaaway ng Simbahan para hadlangan ang kapangyarihan ng Diyos (mga pahina 426–27). Bakit nalilimutan natin kung minsan ang katotohanang ito? Ano ang magagawa natin para maalala ito?
-
Pag-aralan ang mga salita ng Panginoon sa Propeta sa mga pahina 427–29. Paano magbabago ang ating buhay sa pag-alaala na ang mga pagsubok ay nagbibigay sa atin ng karanasan at para sa ating kabutihan? Ano ang kabuluhan kung malaman ninyo na nagpakababa-baba ang Tagapagligtas sa lahat ng bagay? Ano sa palagay ninyo ang kahulugan ng “maging matatag sa iyong landas”?
-
Basahin ang huling talata ng kabanata (pahina 430). Isipin kung kailan kayo inaliw ng Espiritu Santo sa oras ng paghihirap. May naranasan na ba kayong ganoon na angkop na ibahagi?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan:Mga Taga Filipos 3:8–9; Mosias 23:21–24; Alma 7:11; 36:3