Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 1: Ang Unang Pangitain: Nagpakita ang Ama at ang Anak kay Joseph Smith


KABANATA 1

Ang Unang Pangitain: Nagpakita ang Ama at ang Anak kay Joseph Smith

“Nakakita ako ng dalawang Katauhan, na ang liwanag at kaluwalhatian ay hindi kayang maisalarawan, nakatayo sa hangin sa itaas ko. Ang isa sa kanila ay nagsalita sa akin, tinatawag ako sa aking pangalan, at nagsabi, itinuturo ang isa—Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!”

Mula sa Buhay ni Joseph Smith

Kasunod ng pagkamatay at pagkabuhay na mag-uli ni Jesucristo, unti-unting lumaganap ang apostasiya. Ang mga Apostol ng Tagapagligtas ay tinanggihan at pinagpapatay, at ang Kanyang mga turo ay pinasama, at ang priesthood ng Diyos ay inalis sa lupa. Ang sinaunang propeta na si Amos ay nagpropesiya tungkol sa isang panahon ng apostasiya at espirituwal na kadiliman: “Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoong Dios, na ako’y magpapasapit ng kagutom sa lupain, hindi kagutom sa tinapay, o kauhawan man dahil sa tubig, kundi sa pagkarinig ng mga salita ng Panginoon: at sila’y magsisilaboy sa dagat at dagat, at mula sa hilagaan hanggang sa silanganan; sila’y magsisitakbo ng paroo’t parito upang hanapin ang salita ng Panginoon, at hindi masusumpungan” (Amos 8:11–12).

Isa sa mga naghahanap sa salita ng Panginoon na nawala sa daigdig si Joseph Smith, isang binatilyong nakatira sa kabukiran ng komunidad ng Palmyra, New York, noong 1820. Si Joseph ay isang malakas at aktibong binatilyo na maputi, murang kape ang kulay ng buhok, at asul ang mga mata, panglima sa labing-isang anak nina Joseph Smith Sr. at Lucy Mack Smith. Nagtrabaho siya nang mahahabang oras sa pagtulong sa kanyang ama at mga kuya sa pagputol ng mga puno at pagtatanim sa magubat na 40.5 ektaryang sakahan ng kanyang pamilya. Ayon sa kanyang ina, siya ay “tahimik at mabait na anak,”1 na “mas palaisip at palaaral” kaysa sinuman sa kanyang mga kapatid.2 Nagtrabaho ang batang si Joseph para tumulong sa pagsuporta sa kanyang pamilya kaya sapat lamang ang napag-aralan niya sa paaralan para matutong bumasa, sumulat, at magsuma.

Sa panahong ito, mabilis na lumalaganap ang diwa ng kasigasigan ukol sa relihiyon sa buong rehiyon ng kanluraning New York kung saan nakatira ang pamilyang Smith. Ang mga Smith, gaya ng maraming iba pa, ay dumalo sa mga serbisyo ng mga Kristiyano sa pook na iyon. Bagaman sumapi ang ilang miyembro ng kanyang pamilya sa isa sa mga simbahan, si Joseph ay hindi. Kalaunan ay ganito ang isinulat niya tungkol sa panahong ito:

“Lubhang natuon ang aking isipan sa mahahalagang alalahanin tungkol sa kapakanan ng imortal kong kaluluwa, kaya sinaliksik ko ang mga banal na kasulatan, sa paniniwala, tulad ng itinuro sa akin, na naroroon ang salita ng Diyos. Sa gayon ang pagtutuon ko sa mga ito at pagkamalapit ko sa mga miyembro ng iba’t ibang sekta ay naging daan upang lubha akong manggilalas, sapagkat natuklasan ko na hindi nila ipinakita ang ganda ng kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng banal na pamumuhay at makadiyos na pakikipag-usap ayon sa natuklasan kong nilalaman ng sagradong aklat na ito. Ito ang hinagpis ng aking kaluluwa. …

“Maraming bagay akong pinagnilay-nilay sa aking puso tungkol sa sitwasyon ng daigdig ng sangkatauhan—ang mga pagtatalo at pagkakahati, kasamaan at karumal-dumal na gawain, at kadilimang bumabalot sa isipan ng sangkatauhan. Nabagabag nang husto ang aking isipan, sapagkat nadama ko ang bigat ng aking mga kasalanan, at sa pagsasaliksik sa mga banal na kasulatan nalaman ko na hindi lumapit ang sangkatauhan sa Panginoon, kundi sila ay nag-apostasiya mula sa totoo at buhay na pananampalataya, at walang lipunan o sektang nakasalig sa ebanghelyo ni Jesucristo tulad ng nakatala sa Bagong Tipan, at nagdalamhati ako dahil sa sarili kong mga kasalanan at sa mga kasalanan ng mundo.”3

Ang pagsasaliksik ng batang si Joseph Smith sa katotohanan ang nag-akay sa kanya sa kakahuyan para hingin sa Diyos ang karunungang kailangan niya noon. Bilang sagot sa kanyang panalangin, nagpakita sa kanya ang Ama sa Langit at si Jesucristo, na nagbigaydaan sa panunumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw. Ang kagila-gilalas na pangyayaring ito ay ikinuwento ni Joseph Smith sa simple ngunit malinaw na mga salita.

Mga Turo ni Joseph Smith

Itinuturo ng pagsasaliksik ni Joseph Smith sa katotohanan na ang pag-aaral ng banal na kasulatan at taimtim na panalangin ay nag-aanyaya ng paghahayag.

Joseph Smith—Kasaysayan 1:5, 7–13: “May kakaibang kaguluhan sa paksa ng relihiyon sa lugar na aming tinitirahan. Nagsimula ito sa mga Methodist, subalit dagliang naging karaniwan sa lahat ng sekta sa dakong yaon. Sa katunayan, ang buong purok ay tila nahikayat nito, at nagsama-sama ang maraming tao sa iba’t ibang pangkat ng mga relihiyon, na lumikha ng hindi maliit na kaguluhan at pagkakahati ng mga tao, ang ilan ay nagsisigaw ng, ‘Halina, rito!’ at ang iba’y, ‘Halina, roon!’ Ang iba ay nakikipagtalo para sa pananampalatayang Methodist, ang iba para sa Presbyterian, at ang iba’y para sa Baptist… .

“Sa panahong ito ako ay nasa aking ikalabinlimang taong gulang. Ang mag-anak ng aking ama ay napaniwala sa pananampalatayang Presbyterian, at apat sa kanila ang sumapi sa simbahang yaon, alalaong baga’y ang aking ina, si Lucy; ang aking mga kapatid na sina Hyrum at Samuel Harrison; at ang aking kapatid na babaing si Sophronia.

“Sa panahong ito ng malaking kaguluhan, ang aking pag-iisip ay natawag sa matamang pagmumuni-muni at malaking pagkabahala; subalit, bagaman ang aking mga damdamin ay matindi at kadalasan ay masidhi, gayon man nanatili akong malayo sa mga pangkat na ito, bagaman ako ay dumadalo sa ilan nilang pagpupulong na kasindalas ng ipinahihintulot ng pagkakataon. Sa paglipas ng panahon, ang aking pag-iisip ay bahagyang pumapanig sa sekta ng Methodist, at nakaramdam ako ng kaunting pagnanais na makiisa sa kanila; ngunit napakalaki ng kaguluhan at sigalutan ng iba’t ibang sekta, na hindi maaari para sa isang tao na kasimbata ko, at walang kabatiran sa mga tao at bagay-bagay, na makarating sa anumang tiyak na pagpapasiya kung sino ang tama at kung sino ang mali.

“Kung minsan ang aking isipan ay labis na naguguluhan, ang sigawan at pag-iingay ay napakalakas at walang humpay. Ang mga Presbyterian ang pinakasalungat laban sa mga Baptist at Methodist, at ginamit ang lahat ng lakas kapwa sa pangangatwiran at sa kasanayan upang patunayan ang kanilang mga kamalian, o kahit paano, ay magawang papag-isipin ang mga tao na sila ay mali. Sa kabilang dako, ang mga Baptist at Methodist ay gayon din kasigasig sa pagpupunyagi na mapatunayan ang kanilang sariling aral at pasinungalingan ang lahat ng iba.

“Sa gitna nitong labanan ng mga salita at ingay ng mga hakahaka, madalas kong sabihin sa aking sarili: Ano ang nararapat gawin? Sino sa lahat ng pangkat na ito ang tama; o, lahat ba sila ay pare-parehong mali? Kung mayroon mang isang tama sa kanila, alin ito, at paano ko ito malalaman?

“Habang ako ay naghihirap sa ilalim ng masisidhing suliranin sanhi ng pagtutunggalian ng mga pangkat na ito ng mga relihiyoso, isang araw ako ay nagbabasa ng Sulat ni Santiago, unang kabanata at ikalimang talata, na mababasang: Ngunit kung nagkukulang ng karunungan ang sinuman sa inyo, ay humingi sa Diyos, na nagbibigay nang sagana sa lahat, at hindi nanunumbat; at ito’y ibibigay sa kanya.

“Wala sa alinmang sipi sa banal na kasulatan ang nakapukaw nang may higit na kapangyarihan sa puso ng tao kaysa sa nagawa nito sa akin sa oras na ito. Tila pumasok ito nang may malakas na kapangyarihan sa bawat himaymay ng aking puso. Paulit-ulit kong pinagmuni-muni ito, nalalaman na kung may tao mang nangangailangan ng karunungan mula sa Diyos, ako yaon; na kung paano kikilos ay hindi ko alam, at maliban na kung makakukuha ako ng higit na karunungan kaysa sa aking taglay na, hindi ko kailanman malalaman; sapagkat ang mga guro ng iba’t ibang sekta ng relihiyon ay magkakaiba ang pagkaunawa sa iisang sipi ng banal na kasulatan na nakawawasak ng lahat ng tiwala sa paglutas ng katanungan sa pamamagitan ng pagsasangguni sa Biblia.

“Sa wakas nakarating ako sa pagpapasiya na alin sa dalawa, ako ay mananatili sa kadiliman at kaguluhan, o kaya’y kinakailangan kong gawin ang tagubilin ni Santiago, yaon ay, humingi sa Diyos. Sa wakas nakarating ako sa matibay na hangarin na ‘humingi sa Diyos,’ nagpapasiya na kung siya ay nagbigay ng karunungan sa mga yaong kulang ng karunungan, at magbibigay nang sagana, at hindi manunumbat, maaari akong magbakasakali.”4

Naligtas si Joseph Smith mula sa kapangyarihan ng kaaway ng lahat ng kabutihan.

Joseph Smith—Kasaysayan 1:14–16: “Kaya nga, alinsunod dito, sa aking matibay na hangaring humingi sa Diyos, nagtungo ako sa kakahuyan upang maisagawa ang aking pagtatangka. Ito ay sa umaga ng isang maganda, maaliwalas na araw, sa tagsibol ng taong isanlibo walong daan at dalawampu. Ito ang kaunaunahang pagkakataon sa aking buhay na ako ay gumawa ng ganitong pagtatangka, sapagkat sa gitna ng lahat ng aking pagkabahala, kailanman ay hindi ko pa nagawa ang pagtatangkang manalangin nang malakas.

“Matapos na magtungo ako sa lugar na kung saan ko binalak magtungo, matapos kong tingnan ang aking paligid, at nang matiyak kong ako’y nag-iisa, ako’y lumuhod at nagsimulang ialay ang mga naisin ng aking puso sa Diyos. Bahagya ko pa lamang nagagawa ito, nang daglian akong sinunggaban ng isang kapangyarihan na ganap akong dinaig, at may kagila-gilalas na lakas na higit sa akin upang igapos ang aking dila nang hindi ako makapagsalita. Nagtipon ang makapal na kadiliman sa aking paligid, at sa wari ko ng sandaling yaon, na tila ako ay nakatadhana sa biglaang pagkawasak.

“Subalit, sa paggamit ng lahat ng aking lakas upang tumawag sa Diyos na iligtas ako sa kapangyarihan ng kaaway na ito na sumunggab sa akin, at sa sandaling yaon nang ako ay nakahanda nang pumailalim sa kawalang-pag-asa at ipaubaya ang aking sarili sa pagkawasak—hindi sa isang likhang-isip na pagkawasak, kundi sa kapangyarihan ng isang tunay na nilikha na mula sa hindi nakikitang daigdig, na may kagila-gilalas na lakas na kailanman ay hindi ko pa naramdaman sa anumang nilikha—sa sandaling ito ng labis na pangamba, ako ay nakakita ng isang haligi ng liwanag na tamang-tama sa tapat ng aking ulo, higit pa sa liwanag ng araw, na dahan-dahang bumaba hanggang sa ito ay pumalibot sa akin.”5

Ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay nagpakita kay Joseph bilang sagot sa kanyang mapakumbabang dalangin.

Joseph Smith—Kasaysayan 1:17–20: “Hindi pa natatagalan nang ito’y lumitaw na natuklasan kong naligtas na ang aking sarili mula sa kaaway na gumapos sa akin. Nang tumuon sa akin ang liwanag, nakakita ako ng dalawang Katauhan, na ang liwanag at kaluwalhatian ay hindi kayang maisalarawan, nakatayo sa hangin sa itaas ko. Ang isa sa kanila ay nagsalita sa akin, tinatawag ako sa aking pangalan, at nagsabi, itinuturo ang isa—Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!

“Ang aking layunin sa pagtatanong sa Panginoon ay upang alamin kung alin sa lahat ng sekta ang tama, upang malaman kung alin ang sasapian ko. Hindi pa natatagalan, samakatwid, nang ako ay matauhan, upang makapagsalita, nang aking tanungin ang mga Katauhan na nakatayo sa itaas ko sa loob ng liwanag, kung alin sa lahat ng sekta ang tama (sapagkat sa panahong ito hindi pa kailanman pumasok sa aking puso na ang lahat ay mali)—at alin ang dapat kong sapian.

“Sinagot ako na hindi ako dapat sumapi sa alinman sa kanila, sapagkat lahat sila ay mali; at ang Katauhan na kumausap sa akin ay nagsabi na lahat ng kanilang sinasampalatayanan ay karumaldumal sa kanyang paningin; na yaong mga guro ay tiwaling lahat; na: ‘lumalapit sila sa akin sa pamamagitan ng kanilang mga labi, subalit ang kanilang mga puso ay malayo sa akin, itinuturo nila bilang mga doktrina ang mga kautusan ng tao, na may anyo ng kabanalan, datapwat tinatanggihan ang kapangyarihan nito.’

“Muli niya akong pinagbawalang sumapi sa alinman sa kanila; at marami pang ibang bagay ang sinabi niya sa akin, na hindi ko maaaring isulat sa ngayon. Nang ako ay muling matauhan, natagpuan ko ang aking sarili na nakahiga, nakatingin sa kalangitan. Nang maglaho ang liwanag, ako ay wala nang lakas; subalit nang bahagyang bumuti-buti ang aking pakiramdam agad akong umuwi. At habang ako ay nakasandig sa dapugan, ang aking ina ay nagtanong kung ano ang nangyari. Sumagot ako, ‘Walang anuman, maayos ang lahat—mabuti na ang aking pakiramdam.’ Pagkatapos ay sinabi ko sa aking ina, ‘Nalaman ko para sa aking sarili na ang Presbyterianismo ay hindi totoo.’ Tila baga nalalaman ng kaaway, sa napakaagang panahon ng aking buhay, na ako ay nakatalagang mapatunayang tagabulabog at tagasuya ng kanyang kaharian; kung hindi ay bakit nagsamasama ang mga kapangyarihan ng kadiliman laban sa akin? Bakit lumitaw ang pagsalungat at pag-uusig laban sa akin, halos sa aking kamusmusan?”6

Kapag matatag ang ating patotoo, hindi magiging dahilan ang pang-uusig para itatwa natin ang alam nating totoo.

Joseph Smith—Kasaysayan 1:21–26: “Ilang araw pagkaraan ng pangitain kong ito, nagkataong ako’y kasama ng isa sa mga mangangaral ng Methodist, na napakasigasig sa nabanggit na kaguluhan sa relihiyon; at, sa pakikipag-usap sa kanya sa paksa hinggil sa relihiyon, ginamit ko ang pagkakataon upang ibigay sa kanya ang salaysay ng naging pangitain ko. Labis akong nagulat sa kanyang inasal; hindi lamang niya itinuring ang aking isinalaysay nang gayun-gayon lamang, kundi lakip ang labis na pagaalipusta, nagsasabing ang lahat ng ito ay sa diyablo, na wala nang ganoong mga bagay tulad ng mga pangitain o paghahayag sa panahong ito; na ang ganoong mga bagay ay lumipas na kasama ng mga apostol, at kailanman ay hindi na magkakaroon ng mga gayon.

“Daglian kong natuklasan, gayon pa man, na ang pagsasabi ko ng salaysay ay pumukaw ng labis na kapinsalaan laban sa akin sa mga mangangaral ng relihiyon, at naging sanhi ng labis na paguusig, na patuloy na lumubha; at bagaman ako ay di kilalang bata na nasa pagitan lamang ng labing-apat at labinlimang taong gulang, at ang aking katayuan sa buhay ay gayon na lamang upang ituring na isang batang walang kahalagahan sa daigdig, gayon pa man ang matataas na tao ay sapat na nagbibigay-pansin upang pukawin ang isipan ng madla laban sa akin, at lumikha ng mapait na pag-uusig; at ito’y pangkaraniwan na sa lahat ng sekta—nagkaisa ang lahat upang usigin ako.

“Naging sanhi ito ng mataman kong pagmumuni-muni noon, at kadalasan na magbuhat noon, lubos na nakapagtataka na ang isang di kilalang bata, humigit lamang ng kaunti sa labing-apat na taong gulang at isa rin, na nakatadhana sa pangangailangan ng pagkuha ng di sapat na ikabubuhay sa pamamagitan ng kanyang pang-araw-araw na gawain, ay dapat isiping isang katauhang may sapat na kahalagahan upang tumawag ng pansin sa mga tanyag na tao sa mga kilalang sekta sa panahong yaon, at sa pamamaraan upang lumikha sa kanila ng damdamin ng pinakamapait na pag-uusig at panlalait. Subalit nakapagtataka o hindi, gayon nga ito, at ito ang kadalasang sanhi ng labis na kalungkutan sa aking sarili.

“Gayon pa man, ito ay isang katotohanan na ako’y nakakita ng isang pangitain. Mula noon napag-isipan ko, na ako ay tulad ni Pablo, nang ipagtanggol niya ang kanyang sarili sa harapan ni Haring Agripa, at iniulat ang salaysay ng kanyang naging pangitain nang nakakita siya ng liwanag, at nakarinig ng isang tinig; ngunit kakaunti pa rin ang naniwala sa kanya; ang sabi ng ilan siya ay manlilinlang, ang sabi ng iba siya ay baliw; at siya ay kinutya at nilait. Subalit hindi nawasak ng lahat ng ito ang katotohanan ng kanyang pangitain. Nakakita siya ng pangitain, alam niyang nakakita siya, at hindi ito magagawang baguhin ng lahat ng pag-uusig sa silong ng langit; at bagaman inusig nila siya hanggang sa kamatayan gayon pa man, alam niya, at alam niya hanggang sa kanyang huling hininga, na siya ay nakakita ng liwanag at nakarinig ng tinig na nagsasalita sa kanya, at ang buong daigdig ay hindi siya mapag-iisip o mapaniniwala nang taliwas dito.

“At gayon din ako. Ako’y tunay na nakakita ng liwanag, at sa gitna ng liwanag na yaon nakakita ako ng dalawang Katauhan, at sa katotohanan kinausap nila ako; at bagaman kinamuhian ako at inusig dahil sa pagsasabi na nakakita ako ng pangitain, gayon man ito’y totoo; at habang ako’y kanilang inuusig, ako’y nilalait, at nagsasabi ng lahat ng uri ng kasamaan laban sa akin nang walang katotohanan sa pagsasabi nito, dahil dito ay nasabi ko sa aking puso: Bakit ako inuusig sa pagsasabi ng katotohanan? Ako ay tunay na nakakita ng pangitain; at sino ako na aking kakalabanin ang Diyos, o bakit iniisip ng sanlibutan na ipagkakaila ko ang tunay kong nakita? Sapagkat nakakita ako ng pangitain; ito’y alam ko, at nalalaman ko na ito ay alam ng Diyos, at ito’y hindi ko maipagkakaila, ni tangkain kong gawin ito; at nalalaman ko na kung ito’y aking gagawin ay magkakasala ako sa Diyos, at mapapasailalim sa sumpa.

“Ngayon ay palagay na ang aking isipan kung tungkol din lamang sa sekta ng mga relihiyon—na hindi ko katungkulang sumapi sa alinman sa kanila, kundi magpatuloy tulad ng dati hanggang sa maatasan. Napag-alaman kong tama ang patotoo ni Santiago—na ang isang taong nagkukulang ng karunungan ay maaaring humingi sa Diyos, at makatatamo, at hindi masusumbatan.”7

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito sa pag-aaral ninyo ng kabanata o paghahandang magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xiv.

  • Repasuhin ang mga pahina 31–35. Isipin kung paano nagpakita ng halimbawa sa atin si Joseph Smith habang naghahanap tayo ng mga kasagutan sa ating mga tanong. Sa pag-aaral ninyo ng kuwento niya tungkol sa Unang Pangitain, ano ang natutuhan ninyo tungkol sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan? sa pagmumuni-muni? sa panalangin?

  • Repasuhin ang mga pahina 36–37. Isipin ang mga katotohanang nalaman ni Joseph Smith tungkol sa Diyos Ama at kay Jesucristo nang matanggap niya ang Unang Pangitain. Bakit kailangang magkaroon ng patotoo ang bawat isa sa atin tungkol sa Unang Pangitain?

  • Nang sabihin ni Joseph sa iba ang tungkol sa Unang Pangitain, maraming taong nagalit sa kanya at pinag-usig nila siya (pahina 38). Bakit kaya ganoon ang naging reaksyon ng mga tao? Pag-isipang mabuti ang tugon ni Joseph sa pang-uusig (mga pahina 38–40). Paano natin masusundan ang kanyang halimbawa kapag naharap tayo sa pag-uusig o iba pang mga pagsubok?

  • Noong una ninyong malaman ang tungkol sa Unang Pangitain, ano ang naging epekto ng kuwento sa inyo? Ano ang naging epekto nito sa inyo mula noon? Sa anong mga paraan kayo napalakas nang muli ninyong pag-aralan ang kuwento sa kabanatang ito?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan:Isaias 29:13–14; Joel 2:28–29; Amos 3:7; Mormon 9:7–9

Mga Tala

  1. Lucy Mack Smith, “The History of Lucy Smith, Mother of the Prophet,” 1845 manuscript, p. 72, Church Archives, The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, Salt Lake City, Utah. Idinikta ni Lucy Mack Smith, ang ina ng Propeta, ang kanyang kasaysayan, na kinabibilangan ng maraming bagay tungkol sa buhay ng Propeta, kay Martha Jane Knowlton Coray simula noong 1844 at nagpatuloy hanggang 1845. Tinawag ni Martha Coray ang naunang manuskritong ito na “History rough manuscript.” Kalaunan noong 1845, binago at pinalawak nina Lucy Mack Smith, Martha Coray, at ng asawa ni Martha na si Howard Coray, ang naunang manuskrito. Ang 1845 manuscript ay pinamagatang “The History of Lucy Smith, Mother of the Prophet.” Nagsipi ang aklat na ito mula sa 1844–45 manuscript maliban sa ilang pagkakataon na may materyal sa 1845 manucript na wala sa 1844–45 manuscript.

  2. Lucy Mack Smith, “The History of Lucy Smith, Mother of the Prophet,” 1844–45 manuscript, book 4, p. 1, Church Archives.

  3. Joseph Smith, History 1832, pp. 1–2; Letter Book 1, 1829–35, Joseph Smith, Collection, Church Archives.

  4. Joseph Smith–Kasaysayan 1:5, 7–13. Sa ilang pagkakataon isinulat o idinikta ni Propetang Joseph Smith ang mga detalyadong pangyayari sa Unang Pangitain. Ang mga sinipi sa kabanatang ito ay mula sa salaysay ng Unang Pangitain na unang nailathala noong 1842 sa “History of Joseph Smith,” Times and Seasons, Mar. 15, 1842, pp. 726–28; Abr. 1, 1842, pp. 748–49; at kalaunan ay isinama sa Mahalagang Perlas at inilathala sa History of the Church, tomo 1, pp. 1–8. Ito ang opisyal na salaysay ng banal na kasulatan. Inihanda ni Propetang Joseph Smith ang salaysay na ito noong 1838 at 1839 sa tulong ng kanyang mga tagasulat.

  5. Joseph Smith–Kasaysayan 1:14–16.

  6. Joseph Smith–Kasaysayan 1:17–20.

  7. Joseph Smith–Kasaysayan 1:21–26.

Joseph in Sacred Grove

“Ako ay nakakita ng isang haligi ng liwanag na tamang-tama sa tapat ng aking ulo, higit pa sa liwanag ng araw, na dahan-dahang bumaba hanggang sa ito ay pumalibot sa akin.”

Joseph reading

“Wala sa alinmang sipi sa banal na kasulatan ang nakapukaw nang may higit na kapangyarihan sa puso ng tao kaysa sa nagawa nito sa akin sa oras na ito.”