Mga Turo ng mga Pangulo
Apendise: Mga Sangguniang Ginamit sa Aklat na Ito


Apendise:

Mga Sangguniang Ginamit sa Aklat na Ito

Iba’t ibang sanggunian ang pinagkunan ng mga turo ni Propetang Joseph Smith, kabilang na ang History of the Church. Ang sumusunod na materyal ay inilaan upang tulungan kayong maunawaan ang mga sangguniang ito.

Mga Sangguniang Pinagkunan ng mga Turo ng Propeta

Ang mga turo ni Propetang Joseph Smith na kasama sa aklat na ito ay kinuha mula sa sumusunod na uri ng mga sanggunian.

Mga Sermon. Maraming sipi mula sa mga talumpating ibinigay ni propetang Joseph Smith ang ginamit sa aklat na ito. Ang paraan ng pagtatala sa mga sermon na ito ay iba sa paraan ng pagtatala ng mga sermon sa sumunod na mga Pangulo ng Simbahan. Ang mga Pangulo ng Simbahan na namuno pagkatapos ni Joseph Smith ay gumamit ng mga tagasulat para itala ang kanilang mga mensahe sa mga miyembro ng Simbahan gamit ang shorthand. Nang magkaroon ng mga makabagong gamit sa pagrerekord tulad ng mga tape recorder at pelikula, ginamit ang mga ito sa pagrekord ng eksaktong mga sinabi ng mga lider ng Simbahan.

Noong panahon ni Joseph Smith, hindi pa gaanong ginagamit ang shorthand. Dahil dito, ang mga sermon na ibinigay niya ay hindi naitala nang eksakto ng mga tagasulat, mga lider ng Simbahan, at iba pang mga miyembro ng Simbahan. Halos lahat ng talumpati ni Joseph Smith ay ipinahatid nang biglaan at walang nakahandang teksto, kaya ang mga isinulat lamang ng mga nakinig sa kanya ang tanging tala ng mga talumpati. Kahit may makukuha pa ring mahabang ulat ng kanyang mga talumpati, karamihan ay mga buod lamang ito ng mga mensaheng ibinigay ng propeta. Nakapanghihinayang na walang tala ang karamihan sa mga talumpating ibinigay ni Joseph Smith. Sa mahigit 250 sermon na nalamang naibigay ni Joseph Smith, mga 50 lamang ang naiulat o naisulat ng mga tagasulat o iba pa.

Mga Artikulo: Ilan sa mga turo ng Propeta sa aklat na ito ay kinuha mula sa mga artikulong ginawa ni Joseph Smith para ilathala sa mga pahayagan ng Simbahan, kabilang na ang Evening and Morning Star, Latter Day Saints’ Messenger and Advocate, Elder’s Journal, at Times and Seasons.1 Isinulat o idinikta ni Joseph Smith ang ilang materyal na ilalathala. Gayon din, malimit niyang inatasan ang isang tagasulat, isa pang miyembro ng Unang Panguluhan, o isa pang pinagkakatiwalaang tao na sumulat ng artikulo hinggil sa ilang partikular na bagay na nais niyang iparating. Pagkatapos ay pahihintulutan ng propetang ilathala ang teksto sa ilalim ng kanyang pangalan matapos na makitang naipahayag nito ang iniisip niya. Halimbawa, kumuha ang aklat na ito ng ilang sipi mula sa ilang editoryal na inilathala sa Times and Seasons noong 1842. Sa loob ng walong buwan ng taong iyon, mula Marso hanggang Oktubre, nanungkulan si Joseph Smith bilang editor ng pahayagang iyon at madalas na naglathala ng mga artikulong may lagdang “Ed.” Bagaman tumulong ang iba pa sa pagsulat sa marami sa mga artikulong ito, inaprubahan at inilathala ng propeta ang mga ito sa ilalim ng kanyang pangalan.

Mga Liham. Sumipi ang aklat na ito mula sa maraming liham na isinulat o idinikta ni Joseph Smith. Sumipi rin ang aklat na ito mula sa mga liham na inaprubahan at nilagdaan ni Joseph Smith na inihanda ng iba nang kumpleto o nang ilang bahagi lamang sa ilalim ng kanyang tagubilin.

Mga Journal. Ang mga journal ng Propeta ay pinagkunan ng marami sa kanyang mga turo. Bagaman marami at mahaba ang nakasulat sa kanyang mga journal, hindi siya ang madalas na nagsulat dito, kundi may mga tagasulat siya na kanyang tinatagubilinan. Dahil dito, napagtutuunan niya ng pansin ang iba pang mabibigat na responsibilidad ng kanyang tungkulin. Bago siya namatay bilang martir ipinahayag niya, “Sa nakalipas na tatlong taon, may tala ako ng lahat ng aking mga ginawa, dahil lagi akong may kasamang ilang mababait, tapat, at mahuhusay na mga tagasulat na nagtatrabaho sa akin: sinasamahan nila ako kahit saan, at maingat na isinusulat ang aking kasaysayan, ang aking mga ginawa, pinuntahan, at sinabi.”2 Itinala ng mga tagasulat ng Propeta ang mga journal entry sa ikatlong panauhan [third person], at sa unang panauhan [first person] na para bang si Joseph mismo ang nagsusulat.

Mga alaala ng ibang mga tao. Sumipi ang aklat na ito mula sa mga alaala ng mga taong naringgang magsalita ang Propeta at itinala ang mga iyon sa kanilang mga journal at iba pang sulatin. Nang mamatay ang propeta, pinagsikapan nang husto ng mga lider ng Simbahan at mananalaysay na tipunin at ingatan ang mga naisulat na iyon at itala ang mga hindi pa naisulat na mga alaala tungkol sa Propeta. Ang gayong mga sanggunian ay ginamit lamang kapag aktwal na narinig ng tao ang mga salitang itinala niya.

Mga Banal na Kasulatan. Sumipi ang aklat na ito mula sa mga turo at sulatin na kalaunan ay inaprubahan bilang banal na kasulatan sa Doktrina at mga Tipan at Mahalagang Perlas. Kabilang sa mga inaprubahang sulatin ang mga tagubiling ibinigay niya tungkol sa paksang may kinalaman sa doktrina, mga naitalang pangitain, at mga liham at iba pang mga dokumentong isinulat niya. Sumisipi ang aklat na ito mula sa inaprubahang mga turo at sulatin kapag nagbibigay ito ng mga kabatiran sa mga doktrinang inilahad sa aklat na ito.

Kasaysayan ng Simbahan

Marami sa mga sermon at sulatin ni Propetang Joseph Smith na kasama sa aklat na ito ay sinipi mula sa History of The Church of Jesus Christ of Latter- day Saints, na tinutukoy sa aklat na ito bilang History of the Church.3 Ang unang anim na tomo ng History of the Church ay nagsasaad ng kasaysayan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw mula sa simula hanggang sa kamatayan ni Joseph Smith. Pangunahing inilalarawan ng kasaysayang ito ang mga pangyayari at karanasang may kaugnayan sa buhay at ministeryo ni Joseph Smith. Isa ito sa pinakamahahalagang mapagkukunan ng makasaysayang impormasyon tungkol sa buhay at turo ni Joseph Smith at sa unti-unting paglago ng Simbahan noon.

Sinimulan ni Joseph Smith ang paghahanda ng kasaysayan na sa huli’y naging History of the Church noong tagsibol ng 1838 para salungatin ang maling mga ulat na inilalathala sa mga pahayagan at saan man. Ang pagkukumpleto ng kanyang kasaysayan ang paksang labis niyang ipinag-alala. Noong 1843 sinabi niya, “May ilang paksa na mas ipinag-alala ko pa kaysa sa sarili kong kasaysayan, na naging napakahirap na gawain para sa akin.”4

Ang History of the Church ay batay sa mga alaala, journal, at iba pang personal na tala. Inilalahad nito ang araw-araw na pagsasalaysay ng mga aktibidad ng propeta at mahahalagang pangyayari sa kasaysayan ng Simbahan. Kabilang din dito ang mga talumpati ng Propeta, mga kopya ng paghahayag na natanggap niya, mga artikulo mula sa mga pahayagan ng Simbahan, mga katitikan sa kumperensya, at iba pang mga dokumento.

Kasama si Joseph Smith sa paghahanda at pagrerepaso ng kanyang kasaysayan hanggang sa bago siya mamatay. Gayunpaman, ipinasulat niya sa iba ang karamihan sa kanyang mga gawa sa ilalim ng kanyang pangangasiwa. Ang ilan sa mga dahilan nito ay bunga ng kanyang habambuhay na pagnanais na sabihin o idikta ang kanyang iniisip kaysa isulat ang mga ito, at ang maraming oras na kailangan para sa kanyang pagmiministeryo. Ito ang nakatala sa kasaysayan ng Propeta noong Hulyo 5, 1839, “Idinidikta ko ang kasaysayan, sinasabi kong idinidikta ko, dahil bibihira akong isulat ito mismo.”5

Isinulat ang kasaysayan mula noong Agosto 5, 1838 hanggang Hunyo 1844. Sa Piitan sa Carthage ilang oras bago siya mamatay, iniutos ng Propeta kay Elder Willard Richards, ang kanyang pangu-nahing tagasulat nang panahong iyon, na ipagpatuloy ang plano ng pagtitipon at pagsulat ng kasaysayan.6 Sina Elder Richards at iba pang kalalakihang malapit sa Propeta ang nagtuloy sa kasaysayan ayon sa itinagubilin hanggang sa mamatay si Elder Richards noong 1854. Sumunod, si Elder George A. Smith, pinsan at matalik na kaibigan ng propeta ang gumawa o nagsilbing pangunahing taga-pangasiwa ng pagtitipon ng kasaysayan. Si Elder George A. Smith ay naordenang Apostol noong 1839 at naging Church Historian noong 1854. Tumulong din sa pagtitipon ang marami pang ibang nagtatrabaho sa Church Historian’s Office.

Isang mahalagang tungkulin ng mga tagapagtipon ng History of the Church ay ang pag-edit at paghahanda ng orihinal na mga dokumento na isasama sa kasaysayan. Kasama sa trabaho nila ang paggawa ng kaunting pagbabago sa halos lahat ng orihinal na dokumentong kasama sa History of the Church. Iwinasto ng mga tagapagtipon ang mga maling baybay ng mga salita at isina-ayos ang mga bantas, pagpapalaki ng mga letra, at gramatika, ayon sa kasalukuyang pamantayan. Bukod pa riyan, sa ilang pagkakataon, gumawa ng ilang iba pang pagbabago sa orihinal na mga dokumento ang mga tagapagtipon ng kasaysayan. Nahahati sa tatlong kategorya ang mga pagbabagong ito.

  1. Pagsasama-sama ng mga tala. Marami sa mga talumpati ni Joseph Smith ay mula sa tala ng higit pa sa isang tagapakinig. Sa ilang pagkakataon, pinagsama ng mga tagapagtipon ng History of the Church ang dalawa o higit pang tala ng iisang talumpati sa iisang bersyon.

  2. Pagbabago ng mga tala mula sa ikatlong panauhan sa unang panauhan. Maraming tala tungkol sa mga turo at aktibidad ang naitala sa ikatlong panauhan. Karamihan sa mga talang ito ay isinulat ng kanyang mga tagasulat, pero ang ilang tala ay kinuha mula sa mga isinulat ng ibang nakakikilala sa Propeta at mula sa mga artikulo sa pahayagan. Habang inaayos ng mga tagapagtipon ng History of the Church ang mga tala, isinulat nila ang kasaysayan sa unang panauhan, na parang ang Propeta ang mismong nagsulat. Dahil dito, kinailangang palitan ang ilang tala na nasa ikatlong panauhan sa unang panauhan.

  3. Pagdaragdag o pagbabago ng mga salita o parirala. Marami sa mga orihinal na talang kinuha sa mga sermon ng Propeta ay maikli, kulang, at hindi magkakaugnay. May mga pagkakataong isinaayos muli ng mga mananalaysay ng Simbahan ang mga sermon ng propeta batay sa mga nakuhang tala pati na rin sa kanilang mga alaala at pangyayaring kasama nila ang Propeta. Kung minsan kinailangan sa gawaing ito ang pagdaragdag o pagbabago ng mga salita o parirala para punan ang puwang at ipaliwanag ang kahulugan.

Lahat ng pagtitipon at pagsusulat ng History of the Church ay ginawa sa ilalim ng pangangasiwa at pagrerepaso ng mga apostol. Binasa ang kasaysayan sa mga miyembro ng Unang Panguluhan, kabilang na si Pangulong Brigham Young, at ang Korum ng Labindalawang Apostol na ang ilan ay malapit sa Propeta at nakarinig sa mga orihinal na talumpati. Inaprubahan ng mga lider na ito ang paglathala sa manuskrito bilang kasaysayan ng Simbahan sa panahong saklaw nito.

Noong Agosto 1856 nakumpleto ang kasaysayan hanggang sa kamatayan ni Joseph Smith. Inilathala ang kasaysayan nang serye-serye sa mga pahayagan ng Simbahan sa ika-19 na siglo bilang “History of the Church.”7 Inedit ni Elder B. H. Roberts, miyembro ng Panguluhan ng Pitumpu, ang kasaysayan, at inilathala sa pagitan ng 1902 at 1912 sa anim na tomo. Pinamagatan itong History of the Church of Jesus Christ of Latter-day Saints.

Nagbigay ng mga patunay ang mga taong nagtipon ng kasaysayan sa katumpakan ng pagtatala. Sinabi ni Elder George A. Smith: “Ginawa ang lahat ng buong pag-iingat upang maipahayag ang mga ideya nang malapit sa estilo ng Propeta hanggang maaari; at walang pagkakataon na nabago ang sentimyento nito sa pagkakaalam ko, dahil narinig ko mismo ang karamihan sa kanyang mga talumpati, malimit siyang nakasama at naging malapit sa kanya, at lubos na pamilyar sa kanyang mga prinsipyo at motibo.”8

Ipinahayag nina Elder George A. Smith at Elder Wilford Woodruff: “Ang History of Joseph Smith ay narito na ngayon, at naniniwala kami na walang kasaysayan na higit ang katumpakan kaysa rito pagdating sa mga detalye, ang nailathala kailanman noon. Upang masigurong tumpak na tumpak ito, matindi ang pasakit na naranasan ng mga mananalaysay at klerk na naging bahagi ng gawaing ito. Nakita at narinig nila ang halos lahat ng naitala sa kasaysayang ito, na ang karamihan ay itinatala habang kasalukuyang nagaganap, at, kung hindi man sila personal na naroon, nakukuha nila ang impormasyon sa mga mismong naroon. Dagdag pa riyan, mula nang mamatay si Propetang Joseph, maingat na binago ang History sa ilalim ng mahigpit na pagsusuri ni Pangulong Brigham Young na siya ring nag-apruba.

“Kung gayon, kami ay nagpapatotoo sa buong mundo, kung kanino ipararating ang mga salitang ito, na ang History of Joseph Smith ay totoo, at isa sa pinakatunay na mga kasaysayang naisulat.”9

Sa aklat na ito, ang mga talumpati at isinulat ni Propetang Joseph Smith ay sinipi mula sa History of the Church maliban kung hindi kasama rito ang aktwal na talumpati o isinulat. Kapag sumisipi ang aklat na ito mula sa History of the Church, isinasaad sa mga endnote ang impormasyon tungkol sa mga orihinal na talumpati o isinulat, kabilang na ang mga pangalan ng mga nagtala ng mga sermon ng Propeta. Isinasaad din sa mga endnote kung gumamit ang mga tagapagtipon ng History of the Church ng kanilang mga alaala at mga pangyayaring naranasan nila kasama ang Propeta para magbago o magdagdag ng mga salita o parirala sa orihinal na ulat. Ang gayong mga pagdaragdag o pagbabago ay isinasaad lamang kapag nakaaapekto ang mga ito sa ibig sabihin ng sipi. Hindi na isinasaad ang mga kaunting pagbabago sa tala.

Ang aklat na pinamagatang Joseph Smith—Kasaysayan, tulad nang nakatala sa Mahalagang Perlas, ay hango mula sa unang limang kabanata sa unang tomo ng History of the Church.

Mga Tala

  1. Ang Evening and Morning Star ay inilathala sa Independence, Missouri, mula 1832 hanggang 1833, at sa Kirtland, Ohio, mula 1833 hangang 1834. Ang Latter Day Saints’ Messenger and Advocate ay inilathala sa Kirtland mula 1834 hanggang 1837. Ang Elders’ Journal ay inilathala sa Kirtland noong 1837, at sa Far West, Missouri, noong 1838. Ang Times and Seasons ay inilathala sa Nauvoo, Illinois, mula 1839 hanggang 1846.

  2. History of the Church, 6:409; talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Mayo 26, 1844, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Thomas Bullock.

  3. Ang History of the Church ay tinutukoy din bilang Documentary History of the Church.

  4. History of the Church, 6:66; mula sa”History of the Church” (manus-krito), aklat E-1, p. 1768, Church Archives, The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, Salt Lake City, Utah.

  5. History of the Church, 4:1; mula sa “History of the Church” (manus-krito), book C-1, p. 963, Church Archives.

  6. Tingnan ang liham ni George A. Smith kay Wilford Woodruff, Abr. 21, 1856, Salt Lake City, Utah; sa Historical Record Book, 1843–74, p. 219, Church Archives.

  7. Ang “History of Joseph Smith” ay ini-lathala sa Times and Seasons mula Mar. 15, 1842, hanggang Peb. 15, 1846. Ipinagpatuloy ito sa Deseret News mula Nob. 15, 1851, hanggang Ene. 20, 1858. Inilimbag itong muli sa Millennial Star mula Hunyo 1842 hanggang Mayo 1845; at mula Abr. 15, 1852, hanggang Mayo 2, 1863.

  8. Liham ni George A. Smith kay Wilford Woodruff, Abr. 21, 1856, Salt Lake City, Utah; sa Historical Record Book, 1843–74, p. 218, Church Archives.

  9. George A. Smith at Wilford Woodruff, Deseret News, Ene. 20, 1858, p. 363; binago ang pagkakahati ng mga talata.