Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 8: Ang Walang Hanggang Priesthood


Kabanata 8

Ang Walang Hanggang Priesthood

“Ang Melchizedek Priesthood … ang daluyan kung saan ang lahat ng kaalaman, doktrina, plano ng kaligtasan, at bawat mahalagang bagay ay inihahayag mula sa langit.”

Mula sa Buhay ni Joseph Smith

Pagkatanggap nila ng Aaronic Priesthood at ng ordenansa ng binyag, nagkamit ng mga pagpapala sina Joseph Smith at Oliver Cowdery na hindi pa nila naranasan kahit kailan. Itinala ng Propeta: “Ngayong naliwanagan na ang aming mga isipan, nagsimulang mabuksan sa aming mga pang-unawa ang mga banal na kasulatan, at ang tunay na kahulugan at layunin ng higit na mahiwaga nilang mga sipi ay inihayag sa amin sa isang pamamaraan na hindi namin kailanman naabot noong una, ni hindi namin naisip ito noon” ( Joseph Smith—Kasaysayan 1:74). Sa dagdag na kaalamang ito, nagpatuloy sila sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Ngunit hindi pa natatanggap ng Propeta ang isang mahalagang pagpapala—na kailangan bago niya maitatag ang Simbahan, maitatag ang mga katungkulan at mga korum ng priesthood, at maigawad ang kaloob na Espiritu Santo. Kinailangan pa niyang matanggap ang Melchizedek Priesthood.

Tulad ng ipinangako ni Juan Bautista, ibinigay ang pagpapalang ito kina Joseph at Oliver matapos nilang matanggap ang Aaronic Priesthood. Nagpakita sa kanila ang mga sinaunang Apostol na sina Pedro, Santiago, at Juan sa isang tagong lugar malapit sa Ilog Susquehanna at iginawad sa kanila ang Melchizedek Priesthood. Kalaunan ay ipinahayag ni Joseph na narinig niya “ang tinig nina Pedro, Santiago, at Juan sa ilang sa pagitan ng Harmony, Susquehanna county, at Colesville, Broome county, sa Ilog ng Susquehanna, ipinahahayag ang kanilang sarili na mga nagtataglay ng mga susi ng kaharian, at ng dispensasyon ng kaganapan ng panahon!” (D at T 128:20).

Sa sumunod na mga taon, si Joseph Smith ay dinalaw ng maraming iba pang maytaglay ng priesthood mula sa mga unang panahon. Ang mga sugong ito mula sa Diyos ay dumating upang ipanumbalik ang mga susi ng priesthood na kailangan upang maibigay ang kabuuan ng mga pagpapala ng ebanghelyo sa mga anak ng Diyos. Dumating din sila upang turuan ang propeta na tatayong pinuno sa dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon.

Ipinaliwanag ni Pangulong John Taylor, ikatlong Pangulo ng Simbahan: “Sina Moises, Elijah, Elias at marami pa sa mga pangunahing tauhan na nabanggit sa Banal na Kasulatan, na naglingkod sa iba’t ibang dispensasyon, ay pumarito at ipinagkaloob kay Joseph ang iba’t ibang susi, kapangyarihan, karapatan, pribilehiyo at [mga pahintulot] na kanilang ginamit noong mga panahon nila. … Anumang antas ng kaalaman, ng katalinuhan, ng Priesthood, ng mga kapangyarihan, ng mga paghahayag ang ipinagkaloob sa mga taong yaon sa iba’t ibang panahon, ay [i]pinanumbalik muli sa lupa sa pangangasiwa at sa pamamagitan ng mga yaong mayhawak ng Banal na Priesthood ng Diyos sa iba’t ibang dispensasyon kung saan sila nabuhay.”1

Ipinahayag din ni Pangulong Taylor: “Kung tatanungin ninyo si Joseph kung ano ang hitsura ni Adan, sasabihin niya sa inyo kaagad; sasabihin niya ang laki at hitsura nito at lahat ng tungkol sa kanya. Itatanong ninyo siguro kung anong klaseng tao sina Pedro, Santiago at Juan, at sasabihin niya sa inyo. Bakit? Dahil nakita niya sila.”2

Noong Setyembre 1842, lumiham ang Propeta sa Simbahan na nagpapahayag ng kanyang kagalakan sa pagninilay-nilay sa kaalaman at mga susi ng priesthood na ipinanumbalik na ngayon sa lupa: “At muli, ano ang ating naririnig? Masasayang balita mula sa Cumorah! Si Moroni, isang anghel mula sa langit, ipinahahayag ang katuparan ng mga propeta—ang aklat na ipahahayag. … At ang tinig ni Miguel, ang arkanghel; ang tinig ni Gabriel, at ni Rafael, at ng iba’t ibang anghel, mula kay Miguel o Adan hanggang sa kasalukuyang panahon, ang lahat ay nagpapahayag ng kanilang dispensasyon, ng kanilang mga karapatan, ng kanilang mga susi, ng kanilang karangalan, ng kanilang pagkamaharlika at kaluwalhatian, at ng kapangyarihan ng kanilang pagkasaserdote; nagbibigay ng taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin; kaunti rito, at kaunti roon; binibigyan tayo ng kasiyahan sa pamamagitan ng pagpigil ng yaong sasapit, pinagtitibay ang ating pag-asa!” (D at T 128:20–21).

Mga Turo ni Joseph Smith

Ang priesthood ay walang hanggan at taglay na ng mga propeta sa bawat dispensasyon.

“Nagpatuloy ang awtoridad at kapangyarihan mula kay Adan hanggang sa kasalukuyan.”3

“Unang ibinigay ang priesthood kay Adan; natamo niya ang Unang Panguluhan, at hinawakan ang mga susi nito sa salinsaling henerasyon. Natamo niya ito sa Paglikha, bago pa nilikha ang mundo, ayon sa nakasaad sa Gen. 1:26, 27, 28. Ipinamahala sa kanya ang bawat nilikhang may buhay. Siya si Miguel Arkanghel, na binanggit sa mga Banal na Kasulatan. Pagkatapos ay kay Noe, na siyang si Gabriel; kasunod siya ni Adan sa awtoridad sa Priesthood; tinawag siya ng Diyos sa katungkulang ito, at siya ang ama ng lahat ng nabubuhay sa kanyang panahon, at ipinamahala ito sa kanya. Hawak ng mga taong ito ang mga susi una muna sa lupa, pagkatapos ay sa langit.

“Ang Priesthood ay walang hanggang alituntunin, at umiral kasabay ng Diyos mula sa kawalang-hanggan, at hanggang sa kawalang-hanggan, walang simula o katapusan ng mga panahon [tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Mga Hebreo 7:3]. Ang mga susi ay kailangang ibaba mula sa langit tuwing ipadadala ang Ebanghelyo. Kapag inihayag ang mga ito mula sa langit, ito ay sa pamamagitan ng awtoridad ni Adan.

“Binanggit sa ikapitong kabanata ng Daniel ang tungkol sa Matanda sa mga Araw; ibig niyang sabihin ay ang pinakamatandang lalaki, ang ating Amang si Adan, si Miguel; titipunin niya ang kanyang mga anak at pupulungin sila upang ihanda sa pagdating ng Anak ng Tao [tingnan sa Daniel 7:9–14]. Siya (si Adan) ang ama ng mag-anak ng tao, at namumuno sa mga espiritu ng lahat ng tao, at lahat ng humawak sa mga susi ay dapat tumayo sa kanyang harapan sa malaking pulong na ito. … Nasa kanyang harapan ang Anak ng Tao, at binigyan siya ng kaluwalhatian at kapangyarihan doon. Ibinigay ni Adan ang kanyang pamumuno kay Cristo, yaong ibinigay sa kanya bilang mayhawak ng mga susi ng sanlibutan, ngunit nanatili siya sa kanyang katayuan bilang ama ng mag-anak ng tao.

“… Tinawag ng Ama ang lahat ng espiritu sa Kanyang harapan nang likhain ang tao, at isinaayos sila. Siya (si Adan) ang una, at sinabihan siyang magpakarami. Ang mga susi ay unang ibinigay sa kanya, at ibinigay naman niya sa iba. Kailangang isulit niya ang kanyang pamumuno, at sila naman sa kanya.

“Ang Priesthood ay walang hanggan. Ibinigay ng Tagapagligtas, ni Moises, at ni Elias [Elijah] ang mga susi kina Pedro, Santiago, at Juan, sa bundok, nang magbagong-anyo sila sa kanyang harapan. Ang Priesthood ay walang hanggan—walang simula ng mga araw o katapusan ng mga taon; walang ama, ina, at kung anuano pa. Kung hindi nagbabago ang mga ordenansa, hindi nagbabago ang Priesthood. Saanman isinasagawa ang mga ordenansa ng Ebanghelyo, naroon ang Priesthood.

“Paano natin natanggap ang Priesthood sa mga huling araw? Nagpasalin-salin ito sa wastong pagkakasunud-sunod ayon sa itinatag na mga batas o alituntunin. Ibinigay ito kina Pedro, Santiago, at Juan at ibinigay naman nila ito sa iba. Si Cristo ang Dakilang Mataas na Saserdote; si Adan ang kasunod. Binanggit ni Pablo ang paglapit ng Simbahan sa di-mabilang na hukbo ng mga anghel—sa Diyos na Hukom ng lahat—sa mga espiritu ng mabubuting tao na ginawang ganap; kay Jesus na Tagapamagitan ng bagong tipan [tingnan sa Mga Hebreo 12:22–24].”4

Ang mga Propetang mayhawak ng mga susi ng priesthood noong unang panahon ay sumama sa pagsasakatuparan ng gawain sa huling dispensasyon.

“Nakita ko si Adan sa lambak ng Adan-ondi-Ahman. Tinipon niya ang kanyang mga anak at binigyan sila ng patriarchal blessing. Nagpakita ang Panginoon sa kanila, at binasbasan niya (ni Adan) silang lahat, at ipinropesiya kung ano ang mangyayari sa kanila hanggang sa huling henerasyon.

“Ito ang dahilan kung bakit binasbasan ni Adan ang kanyang inapo; nais niya silang dalhin sa kinaroroonan ng Diyos. Naghanap sila ng isang lungsod, at kung anu-ano pa, [‘na ang nagtayo at gumawa ay ang Dios’—Heb. 11:10]. Hinangad ni Moises na madala ang mga anak ni Israel sa kinaroroonan ng Diyos, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Priesthood, ngunit hindi niya nagawa. Sa mga unang henerasyon ng mundo sinikap din nilang gawin ito; at may isinilang na mga Elias na nagsikap na ipanumbalik ang mga kaluwalhatiang ito mismo, ngunit hindi nila nagawa; ngunit nagpropesiya sila ng isang araw kung kailan ang kaluwalhatiang ito ay ihahayag. Binanggit ni Pablo ang dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon, kung kailan pagiisahin ng Diyos ang lahat ng bagay, at kung anu-ano pa [tingnan sa Mga Taga Efeso 1:10]; at kailangan ay naroon ang mga lalaking binigyan ng mga susing ito; at sila kung wala tayo ay hindi magagawang ganap.

“Ang mga lalaking ito ay nasa langit, ngunit ang kanilang mga anak ay nasa lupa. Nasasabik sila sa atin. Nagsusugo ng mga tao ang Diyos dahil dito. ‘Susuguin ng Anak ng Tao ang kaniyang mga anghel, at kanilang titipunin sa labas ng kaniyang kaharian ang lahat ng mga bagay na nangakapagpapatisod, at ang nagsisigawa ng katampalasanan.’ [Mateo 13:41.] Lahat ng taong ito na may awtoridad ay bababa at tutulong sa atin sa pagsasakatuparan ng gawaing ito.

“Ang Kaharian ng Langit ay parang butil ng binhi ng mustasa. Ang binhi ng mustasa ay maliit, ngunit pagtubo ay nagiging mataas na puno, at sumisilong ang mga ibon sa mga sanga nito. [Tingnan sa Marcos 4:30–32.] Ang mga ibon ay ang mga anghel. Samakatwid bumababa ang mga anghel, nagsasama-sama upang tipunin ang kanilang mga anak. Tayo kung wala sila ay hindi magagawang ganap, ni sila kung wala tayo; kapag nagawa ang mga bagay na ito, bababa ang Anak ng Tao, uupo ang Matanda sa mga Araw; makalalapit tayo sa di-mabilang na hukbo ng mga anghel, makakausap sila at tatanggap ng mga tagubilin mula sa kanila.”5

Ang mga ordenansa ng priesthood ay itinatag na sa simula pa lamang at dapat isagawa sa paraang itinalaga ng Diyos.

“Si Adan … ang unang tao, na binanggit sa Daniel na ‘Matanda sa mga Araw’ [Daniel 7:9], o sa madaling salita, ang una at pinakamatanda sa lahat, ang dakila at maharlikang ninuno na sa ibang lugar ay tinawag na Miguel, dahil siya ang una at ama ng lahat, hindi lamang ng mga inapo, kundi siyang unang nagkaroon ng mga espirituwal na pagpapala, kung kanino ay ipinaalam ang plano ng mga ordenansa para sa kaligtasan ng kanyang mga inapo hanggang sa wakas, at kung kanino ay unang inihayag si Cristo, at sa pamamagitan niya ay inihayag si Cristo mula sa langit, at patuloy na ihahayag magmula ngayon. Hawak ni Adan ang mga susi ng dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon; ibig sabihin, ang dispensasyon ng lahat ng panahon ay inihayag at ihahayag sa pamamagitan niya mula simula hanggang kay Cristo, at mula kay Cristo hanggang sa katapusan ng lahat ng dispensasyong ihahayag pa lamang.…

“… Itinakda [ng Diyos] na hindi magbago ang mga ordenansa magpakailanman at magpasawalang-hanggan, at itinalaga si Adan na pangalagaan ang mga ito, na ihayag ang mga ito sa tao mula sa langit, o magsugo ng mga anghel na maghahayag ng mga ito. ‘Hindi baga silang lahat ay mga espiritung tagapaglingkod, na mga sinugo upang magsipaglingkod sa kapakinabangan ng mangagmamana ng kaligtasan?’ [Mga Hebreo 1:14.]

“Ang mga anghel na ito ay nasa ilalim ng pamamahala ni Miguel o Adan, na kumikilos sa ilalim ng patnubay ng Panginoon. Mula sa binanggit sa itaas nalaman natin na lubos na naunawaan ni Pablo ang mga layunin ng Diyos patungkol sa Kanyang kaugnayan sa tao, at ang maluwalhati at perpektong orden na itinatag Niya sa Kanyang Sarili, para makapaghatid Siya ng kapangyarihan, mga paghahayag, at kaluwalhatian.

“Hindi kikilalanin ng Diyos ang hindi Niya tinawag, inorden, at hinirang. Sa simula tinawag ng Diyos si Adan sa sarili Niyang tinig. ‘At tinawag ng Panginoong Dios ang lalake at sa kaniya’y sinabi, Saan ka naroon? At sinabi niya, Narinig ko ang iyong tinig sa halamanan, at ako’y natakot, sapagka’t ako’y hubad; at ako’y nagtago.’ [Genesis 3:9–10.] Tumanggap si Adan ng mga utos at tagubilin mula sa Diyos: ganito ang pagkakaayos mula pa sa simula.

“Hindi na dapat pagtaluhan kung siya man ay tumanggap ng mga paghahayag, utos at ordenansa sa simula; kung hindi ay paano sila nagsimulang maghandog ng mga sakripisyo sa Diyos sa katanggap-tanggap na paraan? At kung sila ay nag-alay ng mga sakripisyo binigyan sila ng pahintulot sa pamamagitan ng ordenasyon. Mababasa natin sa Genesis [4:4] na nagdala si Abel ng mga panganay ng kanyang kawan at ng mga taba ng mga yaon, at tinanggap ng Panginoon si Abel at ang kanyang handog. …

“Kung gayon ay likas na ganito ang Priesthood; bawat lalaki ay namumuno sa Panguluhan ng kanyang dispensasyon, at isang lalaki ang namumuno sa Panguluhan nilang lahat, maging si Adan; at si Adan ay tumatanggap ng kanyang Panguluhan at awtoridad mula sa Panginoon, ngunit hindi makatatanggap ng kaganapan hanggang sa ihandog ni Cristo ang Kaharian sa Ama, na mangyayari sa katapusan ng huling dispensasyon.

“Ang kapangyarihan, kaluwalhatian at mga pagpapala ng Priesthood ay hindi mananatili sa mga yaong tumanggap ng ordenasyon maliban kung patuloy silang mamumuhay sa kabutihan; sapagkat si Cain man ay binigyan ng karapatang maghandog ng sakripisyo, ngunit isinumpa dahil hindi niya ito inihandog sa kabutihan. Ipinahihiwatig nito, kung gayon, na ang mga ordenansa ay dapat isagawa sa mismong paraang itinakda ng Diyos; kung hindi ay magiging isang sumpa ang kanilang Priesthood sa halip na isang pagpapala.”6

Ang Melchizedek Priesthood ang daluyan kung saan inihahayag ng Diyos ang Kanyang Sarili at Kanyang mga layunin.

“May dalawang Priesthood na binabanggit sa mga Banal na Kasulatan, sa madaling salita, ang Melchizedek at Aaronic o Levitical. Kahit may dalawang Priesthood, kabilang sa Melchizedek Priesthood ang Aaronic o Levitical Priesthood, at siyang pinakapuno, at maytaglay ng pinakamataas na awtoridad na nauukol sa Priesthood, at mayhawak ng mga susi ng Kaharian ng Diyos sa lahat ng panahon sa mundo hanggang sa pinakahuling inapo sa lupa, at siyang daluyan kung saan ang lahat ng kaalaman, doktrina, plano ng kaligtasan, at bawat mahalagang bagay ay inihahayag mula sa langit.

“Itinatag ito bago ‘ilagay ang mga patibayan ng lupa, o magsiawit na magkakasama ang mga bituin sa umaga, o maghiyawan sa galak ang mga anak ng Diyos’ [tingnan sa Job 38:4–7], at siyang pinakamataas at pinakabanal na Priesthood, at alinsunod sa orden ng Anak ng Diyos, at lahat ng iba pang Priesthood ay mga bahagi, sangay, kapangyarihan at pagpapala lamang na nauukol dito, at hawak, pinamamahalaan, at ginagabayan nito. Ito ang daluyan kung saan sinimulang ihayag ng Maykapal ang Kanyang kaluwalhatian sa pagsisimula ng paglikha sa mundong ito, at sa pamamagitan nito ay patuloy Niyang inihahayag ang Kanyang Sarili sa mga anak ng tao hanggang sa ngayon, at ihahayag Niya ang Kanyang mga layunin hanggang sa katapusan ng panahon.”7

“Ang kapangyarihan ng Melchizedek Priesthood ay pagkakaroon ng kapangyarihan ng ‘mga buhay na walang katapusan;’ sapagkat hindi maaaring sirain ang walang hanggang tipan. … Ano ang kapangyarihan ni Melchizedek? ‘Hindi ito ang Priesthood ni Aaron na nangangasiwa sa mga panlabas na ordenansa, at paghahandog ng mga sakripisyo. Yaong mayhawak ng kabuuan ng Melchizedek Priesthood ay mga hari at saserdote ng Kataas-taasang Diyos, na mayhawak ng mga susi ng kapangyarihan at mga pagpapala. Katunayan, ang priesthood na iyon ay isang perpektong batas ng pamahalaan na may patnubay ng langit, at tumatayo bilang Diyos upang magbigay ng mga batas sa mga tao, na nagbibigay ng buhay na walang katapusan sa mga anak na lalaki at babae ni Adan. …

“ ‘Na walang ama, walang ina, walang tandaan ng lahi, at walang pasimula ng mga araw ni katapusan ng buhay man, datapuwa’t naging katulad ng Anak ng Dios, ay nanatiling saserdote magpakailan man.’ [Mga Hebreo 7:3.] Taglay ng Melchizedek Priesthood ang karapatan mula sa Diyos na walang hanggan, at hindi isinalin mula sa ama at ina; at ang priesthood na iyon ay walang hanggan ding tulad ng Diyos Mismo, na walang simula ng mga panahon ni katapusan ng buhay. …

“… Ang Levitical [Aaronic] Priesthood, na binubuo ng mga saserdoteng mangangasiwa sa panlabas na ordenansa, [ay] ginawa nang walang sumpa; ngunit ang Priesthood ni Melchizedek ay ginawa nang may sumpa at tipan.”8

“Ang Melchizedek High Priesthood [ay] walang iba kundi ang Priesthood ng Anak ng Diyos; … may ilang ordenansang nauukol sa Priesthood, na pinagmumulan ng ilang resulta. … Ang isang malaking pribilehiyo ng Priesthood ay ang magtamo ng mga paghahayag tungkol sa isipan at kalooban ng Diyos. Pribilehiyo rin ng Melchizedek Priesthood ang sumawata, sumaway, at magpayo, gayundin ang tumanggap ng paghahayag.”9

“Lahat ng Priesthood ay Melchizedek; ngunit mayroon itong iba’t ibang bahagi o antas. … Lahat ng propeta ay nagtaglay ng Melchizedek Priesthood.”10

“Pinapayuhan ko ang lahat na sikaping maging perpekto, at saliksikin pa nang mas malalim ang mga hiwaga ng Kabanalan. Walang magagawa ang tao para sa kanyang sarili maliban kung patnubayan siya ng Diyos sa tamang daan; at iyan ang layunin ng priesthood.”11

Ang isang tao ay dapat mabigyang-karapatan ng Diyos at maorden sa priesthood upang makapangasiwa sa mga ordenansa ng kaligtasan.

Mga Saligan ng Pananampalataya 1:5: “Naniniwala kami na ang tao ay kinakailangang tawagin ng Diyos, sa pamamagitan ng propesiya, at ng pagpapatong ng mga kamay ng mga yaong may karapatan, upang ipangaral ang Ebanghelyo, at mangasiwa sa mga ordenansa niyon.”12

“Naniniwala kami na walang taong makapangangasiwa sa kaligtasan sa pamamagitan ng ebanghelyo, sa mga kaluluwa ng tao, sa pangalan ni Jesucristo, maliban kung siya ay binigyangkarapatan ng Diyos, sa pamamagitan ng paghahayag, o naorden ng isang taong isinugo ng Diyos sa pamamagitan ng paghahayag, ayon sa isinulat ni Pablo, sa Mga Taga Roma 10:14[–15], ‘Paano nga silang magsisitawag doon sa hindi nila sinampalatayanan? at paano silang magsisisampalataya sa kaniya na hindi nila napakinggan? at paano silang mangakikinig na walang tagapangaral? at paano silang magsisipangaral, kung hindi sila mga sinugo?’ At itatanong ko, paano sila isusugo kung walang paghahayag, o iba pang pagpapakita ng palatandaan ng Diyos? At muli, sa Mga Hebreo 5:4, ‘At sinoman ay hindi tumatanggap sa kaniyang sarili ng karangalang ito, liban na kung tawagin siya ng Dios, na gaya ni Aaron.’—At itatanong ko, paano pang tinawag si Aaron, kundi sa pamamagitan ng paghahayag?”13

“Sinabi ng anghel sa butihing matandang si Cornelio na dapat niyang papuntahin si Pedro sa kanya upang malaman kung paano maligtas [tingnan sa Mga Gawa 10:21–22]: makapagbibinyag si Pedro, at hindi ang mga anghel, hangga’t may nabubuhay na mga legal na pinunong mayhawak ng mga susi ng kaharian, o awtoridad ng priesthood. May isa pang dagdag na patunay rito, at iyon ay na si Jesus mismo nang magpakita kay Pablo sa daan papuntang Damasco, ay hindi ipinaalam dito kung paano siya maliligtas. Nagtalaga muna Siya sa simbahan ng mga Apostol, at pagkatapos ay mga propeta, para sa paglilingkod, sa ikasasakdal ng mga banal, at kung anu-ano pa [tingnan sa Mga Taga Efeso 4:11–12]; at dahil ang dakilang patakaran sa langit ay na walang dapat isagawa sa lupa nang hindi inihahayag ang lihim sa kanyang mga lingkod na propeta, alinsunod sa Amos 3:7, kaya nga kakaunti ang natutuhan ni Pablo mula sa Panginoon kaugnay ng kanyang tungkulin sa kaligtasan ng lahat ng tao, na di tulad ng natutuhan niya mula sa isa sa mga sugo ni Cristo na tinawag sa gayunding banal na tungkulin ng Panginoon, at pinagkalooban ng langit ng gayunding kapangyarihan—kaya nga ang kalagan nila sa lupa, ay dapat kalagan sa langit; at ang ibuklod nila sa lupa ay dapat ibuklod sa langit [tingnan sa Mateo 16:19].”14

Malaking pribilehiyo ang gumanap sa anumang katungkulan ng priesthood.

“[Ang] Priesthood … ay maaaring ilarawan sa anyo ng katawan ng tao, na may iba’t ibang bahagi, na may iba’t ibang katungkulang gagampanan; lahat ay kailangan sa kanilang kinalalagyan, at hindi mabubuo ang katawan kung hindi kumpleto ang mga bahagi nito. … Kung nauunawaan ng isang Priest ang kanyang tungkulin, kanyang katungkulan, at paglilingkod, at nangangaral sa pamamagitan ng Espiritu Santo, kaylaki ng kanyang kagalakan na para bagang isa siya sa Panguluhan; at ang kanyang mga paglilingkod ay kailangan sa katawan, gayundin ang mga Teacher at Deacon.”15

Iniulat ni Eliza R. Snow: “[Nagbigay si Joseph Smith] ng mga tagubilin tungkol sa iba’t ibang katungkulan, at sa pangangailangang kumilos ang bawat tao sa responsibilidad na ibinigay sa kanya, at gumanap sa iba’t ibang katungkulang iniatas sa kanila. Binanggit niya ang ugali ng maraming tao na itinuturing na hindi marangal ang mas mabababang katungkulan sa Simbahan, at naiinggit sa katayuan ng ibang natawag na mamuno sa kanila; na kalokohan at walang kabuluhan na hangarin ng isang tao ang ibang katungkulan kaysa sa itinalaga sa kanya ng Diyos; na mas makabubuting gampanan ng mga tao ang kani-kanilang tungkulin. … Dapat lamang hangarin ng bawat isa na gampanan ang sarili niyang katungkulan at tungkulin.”16

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito sa pag-aaral ninyo ng kabanata o paghahandang magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xiv.

  • Repasuhin ang salaysay tungkol sa paggagawad nina Pedro, Santiago, at Juan ng Melchizedek Priesthood kina Joseph Smith at Oliver Cowdery (pahina 119). Anong mga pagpapala ang natanggap na ninyo at ng inyong pamilya dahil naipanumbalik na ang Melchizedek Priesthood?

  • Sa buong kabanatang ito, pinatototohanan ni Joseph Smith ang pagpapatuloy ng awtoridad ng priesthood sa pamamagitan ng paghahalili sa mga propetang pumanaw na. Sa palagay ninyo bakit mahalaga sa kanya na ituro ang doktrinang ito sa kanyang panahon? Bakit natin kailangang unawain ngayon ang doktrinang ito? Paano nauugnay ang pagpapatuloy ng awtoridad na inilarawan ni Joseph Smith sa linya ng awtoridad ng priesthood ng tao?

  • Habang binabasa ninyo ang kabanatang ito, pansinin ang paggamit ni Propetang Joseph Smith ng mga salitang walang katapusan, walang hanggan, at kawalang-hanggan. Ano ang sinasabi sa inyo ng mga katagang ito tungkol sa katangian at kahalagahan ng priesthood?

  • Itinuro ni Joseph Smith na “itinakda [ng Diyos] na hindi magbago ang mga ordenansa magpakailanman at magpasawalanghanggan” at “ang mga ordenansa ay dapat isagawa sa mismong paraang itinakda ng Diyos” (mga pahina 124–26). Paano pinag-ibayo ng mga turong ito ang pag-unawa ninyo sa mga ordenansa ng ebanghelyo?

  • Repasuhin ang mga turo ni Propetang Joseph Smith tungkol sa Melchizedek Priesthood (mga pahina 126–28). Isipin kung gaano kahalaga ang Melchizedek Priesthood sa lahat ng aspeto ng ebanghelyo. Ano ang naiisip at nadarama ninyo habang pinagninilay-nilay ninyo ang Melchizedek Priesthood sa ganitong paraan?

  • Repasuhin ang huling dalawang talata sa kabanata (pahina 130). Paano ninyo nakita na may mahalagang bahagi ang bawat miyembro ng Simbahan sa gawain ng Panginoon? Ano ang ibubunga ng “inggit” sa mga natawag na maglingkod bilang mga lider sa Simbahan? Isipin kung ano ang magagawa ninyo upang magampanan ang sarili ninyong tungkulin.

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan:Alma 13:1–12; D at T 27:5–14; 84:33–44, 109–10; 107:6–20; 121:34–46

Mga Tala

  1. John Taylor, Deseret News: Semi-Weekly, Abr. 18, 1882, p. 1; binago ang pagkakahati ng mga talata.

  2. John Taylor, Deseret News: Semi-Weekly, Mar. 20, 1877, p. 1.

  3. History of the Church, 4:425; mula sa katitikan ng isang kumperensya ng Simbahan na idinaos noong Okt. 3, 1841, sa Nauvoo, Illinois, inilathala sa Times and Seasons, Okt. 15, 1841, p. 577.

  4. History of the Church, 3:385–88; ginawang makabago ang pagbabantas; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith bandang Hulyo 1839 sa Commerce, Illinois; iniulat ni Willard Richards.

  5. History of the Church, 3:388–89; nasa orihinal ang unang set ng mga salitang naka-bracket sa ikalawang talata; ginawang makabago ang pagbabantas; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith bandang Hulyo 1839 sa Commerce, Illinois; iniulat ni Willard Richards.

  6. History of the Church, 4:207–9; ginawang makabago ang pagbabantas; mula sa isang talumpating inihanda ni Joseph Smith at binasa sa isang kumperensya ng Simbahan na idinaos noong Okt. 5, 1840, sa Nauvoo, Illinois.

  7. History of the Church, 4:207; ginawang makabago ang pagbabaybay at pagbabantas; mula sa isang talumpating inihanda ni Joseph Smith at binasa sa isang kumperensya ng Simbahan na idinaos noong Okt. 5, 1840, sa Nauvoo, Illinois.

  8. History of the Church, 5:554–55; ginawang makabago ang pagpapalaki ng mga letra; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Ago. 27, 1843, sa Nauvoo, Illinois; iniulat nina Willard Richards at William Clayton; tingnan din sa apendise, pahina 655, aytem 3.

  9. History of the Church, 2:477; ginawang makabago ang pagbabantas; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Abr. 6, 1837, sa Kirtland, Ohio; iniulat ng Messenger and Advocate, Abr. 1837, p. 487.

  10. Binanggit ni William Clayton, sa paguulat tungkol sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Ene. 5, 1841, sa Nauvoo, Illinois; sa “Extracts from William Clayton’s Private Book,” ni L. John Nuttall, p. 5, Journals of L. John Nuttall, 1857–1904, L. Tom Perry Special Collections, Brigham Young University, Provo, Utah; kopya sa Church Archives, The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, Salt Lake City, Utah.

  11. History of the Church, 6:363; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Mayo 12, 1844, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Thomas Bullock.

  12. Mga Saligan ng Pananampalataya 1:5.

  13. Liham ni Joseph Smith kay Isaac Galland, Mar. 22, 1839, Liberty Jail, Liberty, Missouri, inilathala sa Times and Seasons, Peb. 1840, p. 54; ginawang makabago ang pagbabantas at pagpapalaki ng mga letra.

  14. “Baptism,” isang editoryal na inilathala sa Times and Seasons, Set. 1, 1842, p. 905; ginawang makabago ang gramatika; si Joseph Smith ang editor ng pahayagan.

  15. History of the Church, 2:478; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Abr. 6, 1837, sa Kirtland, Ohio; iniulat ng Messenger and Advocate, Abr. 1837, p. 487.

  16. History of the Church, 4:603, 606; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Abr. 28, 1842, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Eliza R. Snow; tingnan din sa apendise, pahina 655, aytem 3.

Melchizedek Priesthood being conferred

Ipinagkaloob ng sinaunang mga Apostol na sina Pedro, Santiago, at Juan ang Melchizedek Priesthood kina Joseph Smith at Oliver Cowdery. “Ang mga susi [ng priesthood],” pagpapahayag ng Propeta, “ay kailangang ibaba mula sa langit tuwing ipadadala ang Ebanghelyo.”

Adam-ondi-Ahman

“Nakita ko si Adan sa lambak ng Adan-ondi-Ahman. Tinipon niya ang kanyang mga anak at binigyan sila ng patriarchal blessing. Nagpakita ang Panginoon sa kanila.”

setting apart

“Naniniwala kami na ang tao ay kinakailangang tawagin ng Diyos, sa pamamagitan ng propesiya, at ng pagpapatong ng mga kamay ng mga yaong may karapatan, upang ipangaral ang Ebanghelyo at mangasiwa sa mga ordenansa niyon.”