Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 27: Mag-ingat sa Mapapait na Bunga ng Apostasiya


Kabanata 27

Mag-ingat sa Mapapait na Bunga ng Apostasiya

“Sa lahat ng inyong pagsubok, pagtitiis, at sakit, sa lahat ng inyong pagdurusa, maging hanggang kamatayan, mag-ingat at huwag ninyong ipagkanulo ang Diyos, … huwag kayong mag-apostasiya.”

Mula sa Buhay ni Joseph Smith

Sa mga linggo bago at matapos itayo ang Kirtland Temple sa tagsibol ng 1836, naranasan ng mga Banal ang isang panahon ng pagkakasundo at saganang pagbuhos ng mga kaloob ng Espiritu. Ngunit binalaan ni Propetang Joseph Smith ang mga Banal na kung hindi sila patuloy na magpapakabuti ay hindi magtatagal ang kanilang kagalakan at pagkakaisa. Sinabi ni Daniel Tyler tungkol sa panahong ito: “Nadama ng lahat na natikman nila ang langit. Sa katunayan, ilang linggo kaming hindi tinukso ng diyablo; at naisip namin na baka simula na ng milenyo. Sa [isang pulong ng mga kalalakihan ng priesthood], nagsalita sa amin si Propetang Joseph. Bukod pa sa ibang bagay sinabi niya: ‘Mga kapatid, ilang panahong hindi nagkaroon ng kapangyarihan si Satanas na tuksuhin kayo. Akala ng ilan wala nang darating na tukso. Ngunit kabaligtaran ang mangyayari; at kung hindi kayo lalapit sa Panginoon kayo ay madaraig at mag-aapostasiya.”1

Sa paglipas ng taong iyon, tumindi ang diwa ng apostasiya sa ilan sa mga Banal sa Kirtland. Ilang miyembro ang naging mayabang, ganid, at masuwayin sa mga utos. Sinisi ng ilan ang mga lider ng Simbahan sa mga problema sa ekonomiya na sanhi ng di pagtatagumpay ng isang institusyon sa pananalapi sa Kirtland na itinatag ng mga miyembro ng Simbahan. Nangyari ito noong 1837, sa taong laganap ang kaguluhan sa bangko sa buong Estados Unidos, na nagpalubha sa mga problema ng mga Banal sa ekonomiya. Mga dalawa o tatlong daang miyembro ang tumalikod sa Simbahan sa Kirtland na kung minsan ay sumasama pa sa mga kumakalaban sa Simbahan upang pahirapan at takutin pa ang mga Banal. Ang ilang nag-apostasiya ay hayagang nagsabing bagsak na ang Propeta at tinangkang ihalili ang iba sa kanyang lugar. Nagunita ni Sister Eliza R. Snow: “Napakaraming tao na dating mapagpakumbaba at tapat sa pagganap sa bawat tungkulin—handang humayo at sumunod sa bawat tawag ng Priesthood—ang naging hambog, at iniangat sa kapalaluan ng kanilang mga puso.” Nang tanggapin ng mga Banal ang pagmamahal at diwa ng kamunduhan, nilisan ng Espiritu ng Panginoon ang kanilang puso.”2

Sa sitwasyon ng Simbahan noong Mayo 1837, nanaghoy ang Propeta: “Tila pinagsamang lahat ng puwersa ng mundo at impiyerno ang kanilang impluwensya sa kakaibang paraan upang [agad] pabagsakin ang Simbahan. … Ang kalaban sa malayo, at mga nag-apostasiya sa ating paligid, ay nagkaisa sa kanilang mga plano, … at maraming nagalit sa akin na para bang ako ang tanging dahilan ng mga kasamaang iyon na walang tigil ko mismong nilalabanan.”3

Sa kabila ng mga hamong ito, nanatiling tapat ang karamihan sa mga lider at miyembro ng Simbahan. Naalala ni Brigham Young, isang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol sa panahong ito ng kawalang-katiyakan, ang isang pulong kung saan may ilang miyembro ng Simbahan na nag-usap-usap kung paano pababagsakin si Propetang Joseph: “Tumayo ako, at sinabi ko sa kanila sa isang malinaw at kapani-paniwalang pananalita na si Joseph ay isang Propeta at alam ko ito, at lait-laitin man nila siya at sirain ang kanyang pangalan hangga’t gusto nila, [ngunit] hindi nila maiaalis ang pagkakahirang ng Propeta ng Diyos; masisira lang nila ang kanilang sariling awtoridad, mapuputol ang pisi na nag-uugnay sa kanila sa Propeta at sa Diyos, at ilulubog ang kanilang sarili sa impiyerno. Sumiklab ang galit ng marami sa determinadong pagkalaban ko sa kanilang mga hakbang. …

“Natapos ang pulong na ito nang walang napagkaisahang anumang hakbang ng pagkalaban ang mga nag-apostasiya. Naging krisis ito nang ang mundo at impiyerno ay magsama upang ibagsak ang Propeta at Simbahan ng Diyos. Nanghina ang pananampalataya ng marami sa pinakamalalakas na lalaki sa Simbahan. Sa panahong ito ng kadiliman nanatili ako sa tabi ni Joseph, at taglay ang buong karunungan at kapangyarihang ipinagkaloob ng Diyos sa akin, kumilos ako nang buong kapangyarihan at kakayahan upang suportahan ang alagad ng Diyos at pagkaisahin ang mga korum ng Simbahan.”4

Mga Turo ni Joseph Smith

Ang pagkawala ng tiwala sa mga lider ng Simbahan, pamimintas sa kanila, at pagpapabaya sa anumang tungkuling ipinagawa ng Diyos ay humahantong sa apostasiya.

“Ibibigay ko sa inyo ang isa sa mga Susi ng mga hiwaga ng Kaharian. Ito ay walang hanggang alituntunin, na kasabay ng Diyos na umiral mula sa buong kawalang-hanggan: Ang lalaki na tatayo upang hatulan ang iba, na hinahanapan ng mali ang Simbahan, na nagsasabing naliligaw sila ng landas, samantalang siya mismo ay nagmamagaling, sinisiguro ko sa inyo, na ang taong iyon ay patungo sa apostasiya; at kung hindi siya magsisisi, ay mag-aapostasiya nga siya, dahil ang Diyos ay buhay.”5

Nag-ulat si Heber C. Kimball, habang naglilingkod bilang tagapayo kay Pangulong Brigham Young: “Bibigyan ko kayo ng isang susi na ibinigay noon ni Brother Joseph Smith sa Nauvoo. Ayon sa kanya ang mismong pag-aapostasiya ay nagsimula sa pagkawala ng tiwala sa mga lider ng simbahan at kahariang ito, at tuwing mahihiwatigan ninyo ang diwang iyon malalaman ninyo na hahantong ang taong ito sa landas ng apostasiya.”6

Sabi ni Wilford Woodruff, habang naglilingkod sa Korum ng Labindalawa: “Pinapayuhan kami lagi noon ni Brother Joseph sa ganitong paraan: ‘Sa sandaling tulutan ninyo ang inyong sarili na isantabi ang anumang tungkuling ipinagagawa sa inyo ng Diyos, upang bigyang-kasiyahan ang sarili ninyong mga hangarin; sa sandaling mawalan kayo ng ingat, nagsisimula na kayong mag-apostasiya. Mag-ingat; unawain na kayo ay tinawag sa gawain, at kapag ipinagawa sa inyo ng Diyos ang bagay na iyon ay gawin ito.’ May sinabi pa siya: ‘Sa lahat ng inyong pagsubok, pagtitiis, at sakit, sa lahat ng inyong pagdurusa, maging hanggang kamatayan, mag-ingat at huwag ipagkanulo ang Diyos, huwag ipagkanulo ang priesthood, huwag kayong magapostasiya.” 7

Sinabi rin ni Wilford Woodruff: “Naaalala kong binisita ni Brother Joseph Smith si Brother [John] Taylor, Brother Brigham Young, at ako at ilan pang ibang mga misyonero, noong magmimisyon na kami sa England. Marami sa amin ang maysakit at karamdaman. Kasabay nito nagdesisyon kaming tumuloy. Binasbasan kami ng Propeta, gayundin ang aming mga asawa at pamilya. … Tinuruan niya kami ng ilang napakahalagang mga alituntunin, na ang ilan ay babanggitin ko rito. Kami nina Brother Taylor, George A. Smith, John E. Page, at iba pa ay natawag na humalili sa [mga apostol] na nag-apostasiya. Sinabi sa amin ni Brother Joseph kung bakit tumalikod ang mga lalaking iyon sa mga utos ng Diyos. Umasa siya na may aral kaming matututuhan sa nakita ng aming mga mata at narinig ng aming mga tainga, at mahihiwatigan namin ang niloloob ng mga lalaking iyon kahit hindi kami piliting matuto sa malungkot na karanasan.

“Pagkatapos ay sinabi niya na sinumang lalaki, sinumang elder sa Simbahan at kahariang ito, na tumahak sa landas kung saan hindi niya papansinin o, sa madaling salita, tatanggihan niyang sundin ang anumang umiiral na batas o utos o tungkulin—tuwing gagawin ito ng isang tao, kakaligtaan ang anumang tungkuling ipinagawa sa kanya ng Diyos sa pagdalo sa mga pulong, pagpunta sa misyon, o pagsunod sa payo, nagsisimula na siyang humantong sa apostasiya at ito ang dahilan kaya bumagsak ang mga lalaking iyon. Ginamit nila sa mali ang priesthood na iginawad sa kanilang ulunan. Hindi nila ginampanan ang kanilang tungkulin bilang mga apostol, bilang mga elder. Ginamit nila ang priesthood upang subuking iangat ang kanilang sarili at magsagawa ng iba pang gawain maliban pa sa pagtatatag ng kaharian ng Diyos.”8

Noong 1840, isang maliit at organisadong grupo ng mga miyembro ang patuloy na nanirahan sa Kirtland, Ohio, bagaman karamihan sa mga Banal ay nagtipon sa Nauvoo, Illinois. Bilang tugon sa balitang sinisikap sirain ng isang miyembro ng Simbahan sa Kirtland ang tiwala ng mga Banal sa Unang Panguluhan at iba pang mga awtoridad ng Simbahan, isinulat ng Propeta sa isang lider ng Simbahan sa Kirtland: “Para maisagawa ang mga gawain ng Kaharian sa kabutihan, napakahalagang umiral sa puso ng lahat ng kapatid ang ganap na pagkakasundo, kabaitan, mabuting pang-unawa, at tiwala; at ang tunay na pag-ibig na iyon sa kapwa, ang pagmamahalan, ay dapat makita sa lahat ng kanilang ginagawa. Kung may masamang damdamin at anumang kawalan ng tiwala, hindi magtatagal ay makikita ang kayabangan, pagmamalaki at inggit; mananaig ang pagkalito, at pawawalang-halaga ang mga awtoridad ng Simbahan. …

“Kung iniisip ng mga Banal sa Kirtland na hindi ako karapatdapat na ipagdasal sa kanilang mga pagtitipun-tipon, at kinaliligtaan akong tulungan sa luklukan ng awa ng langit, ito ay malakas at kapani-paniwalang katibayan sa akin na wala sa kanila ang Espiritu ng Diyos. Kung ang mga pahayag na natanggap namin ay totoo, sino ang mamumuno sa mga tao? Kung ang mga susi ng Kaharian ay ipinagkatiwala sa aking mga kamay, sino ang maghahayag ng hiwaga niyon?

“Hangga’t nasa tabi ko ang aking mga kapatid at pinalalakas ang aking loob, malalabanan ko ang mga maling palagay ng mundo, at makakayanan ko ang marahas na pagtrato at pangaabuso nang may kagalakan; ngunit kung ang aking mga kapatid ay lalayo, kapag nagsimula silang manghina, at sinikap nilang hadlangan ang aking pag-unlad at pagsisikap, sa gayo’y malulungkot ako, ngunit patuloy ko pa ring isasagawa ang aking gawain, tiwala na bagaman ang mga kaibigan ko sa mundo ay maaaring magkulang, at talikuran ako, gayunma’y papagtatagumpayin ako ng aking Ama sa langit.

“Gayunman, sana kahit sa Kirtland ay may ilang hindi huhusga sa tao sa isang usapin [tingnan sa Isaias 29:21], at mas pipiliing ipagtanggol ang kabutihan at katotohanan, at gampanan ang bawat tungkuling iniutos sa kanila; at may talinong turuan sila laban sa anumang kilusan o impluwensya na tinatayang maghahatid ng kalituhan at pagtatalo sa kampo ng Israel, at mahiwatigan ang diwa ng katotohanan sa diwa ng kamalian.

“Masisiyahan akong makita na sumasagana ang mga Banal sa Kirtland, ngunit palagay ko ay hindi pa panahon; at tinitiyak ko sa inyo na hindi ito darating kailanman hanggang sa maitatag ang kakaibang pagkakaayos ng mga bagay-bagay at maiparamdam ang kakaibang diwa. Kapag nabalik ang tiwala, kapag nawala ang kayabangan, at nabihisan ng kapakumbabaan ang taong mapaghangad na tulad sa isang kasuotan, at nahalinhan ng kabaitan at pag-ibig sa kapwa ang kasakiman, at nakita ang nagkakaisang determinasyong mamuhay ayon sa bawat salitang nagmumula sa bibig ng Panginoon, kapag nangyari iyon, ay saka lamang mananaig ang kapayapaan, kaayusan at pagmamahalan.

“Dahil sa mga taong mapaghangad ay napabayaan ang Kirtland. Kaydalas kainggitan ang inyong hamak na lingkod sa kanyang katungkulan ng gayong uri ng mga tao, na naghahangad na maging makapangyarihan kahit ikapahamak niya [ng Propeta], at nang makitang imposibleng magawa iyon, ay nagkasya na lang sa paninirang-puri at pag-alipusta, at iba pang mga paraan para ibagsak siya. Ganoong mga tao ang unang kumakalaban sa Panguluhan, at ipinagpaparangalan ang kanilang mga kamalian at kahinaan sa apat na sulok ng langit.”9

Yaong mga nag-aapostasiya ay nililisan ng Espiritu ng Diyos, lumalabag sa kanilang mga tipan, at madalas mang-usig sa mga miyembro ng Simbahan.

“Kakaiba man sa unang tingin, ito ay totoo, na sa kabila ng lahat ng hayag na determinasyong maging maka-Diyos, matapos tumalikod sa pananampalataya kay Cristo ang mga nag-apostasiya, maliban kung agad silang nakapagsisi, sa malao’t madali ay bumagsak sa mga patibong ng diyablo, at naiwang salat sa Espiritu ng Diyos, upang ipakita ang kanilang kasamaan sa mata ng mga tao. Ang mga nananalig ay tumanggap ng pinakamalupit na panguusig mula sa mga nag-apostasiya. Pinagalitan si Judas at kaagad ipinagkanulo ang kanyang Panginoon sa kamay ng Kanyang mga kaaway, dahil pumasok sa kanya si Satanas.

“May higit na talinong ipinagkaloob sa mga taong sumusunod sa Ebanghelyo nang may buong layunin ng puso, na, kung pagkasalahan, naiiwang hubad at salat sa Espiritu ng Diyos ang nag-apostasiya, at sa katunayan, malapit nang isumpa, at sa wakas ay susunugin siya. Sa sandaling bawiin ang liwanag sa kanilang kalooban nadirimlan sila tulad noong bago sila maliwanagan, at sa gayo’y hindi kataka-taka kung ang buong kapangyarihan nila’y ihanay laban sa katotohanan, at sila, gaya ni Judas, ay hangad ang kapahamakan ng mga lubos na nagpapala sa kanila.

“Sino pa ang naging mas matalik na kaibigan ni Judas sa lupa, o sa langit, maliban sa Tagapagligtas? At ang una niyang hangad ay sirain Siya. Sino, sa lahat ng Banal sa mga huling araw na ito, ang magtuturing sa kanyang sarili na kasingbuti ng ating Panginoon? Sino ang kasingperpekto? Sino ang kasingdalisay? Sino ang kasingbanal Niya? May tao bang gayon? Hindi Siya nagkasala kailanman o lumabag sa utos o batas ng langit—walang kasinungalingang lumabas sa Kanyang bibig, walang katusuhan sa Kanyang puso. Subalit ang taong kumain na kasama Niya, na madalas uminom sa tasang iniinuman Niya, ang siyang unang kumalaban sa Kanya. Nasaan ang isang katulad ni Cristo? Hindi siya matatagpuan sa lupa. Kung gayon bakit magrereklamo ang Kanyang mga alagad, kung usigin sila ng mga taong dati nilang tinawag na mga kapatid, at itinuring na pinakamalapit sa kanila sa walang hanggang tipan?

“Saan nagmula ang alituntunin na laging ipinakikita ng mga nag-apostasiya mula sa totoong Simbahan, na usigin lalo at pakahangarin na sirain ang mga taong minsa’y sinabi nilang mahal nila, na minsa’y nakasama nila, at minsa’y nakipagtipan kasama nila na buong lakas silang magpupunyagi sa kabutihan upang matamo ang kapahingahan ng Diyos? Marahil sasabihin din ng ating mga kapatid ang mismong dahilan na nagtulak kay Satanas na hangaring ibagsak ang kaharian ng Diyos, dahil siya mismo ay masama, at banal ang kaharian ng Diyos.”10

“Lagi nang may mga tao, sa bawat henerasyon ng simbahan, na kumalaban sa mga alituntunin ng kagandahang-asal, na mapagmahal sa kamunduhan, sumunod sa mga alituntunin ng kasamaan, at naging kaaway ng katotohanan. … Ang mga nakasama natin at pinakamahusay makipagkaibigan, ang madalas nating maging pinakamatinding kaaway at pinakadeterminadong mga kalaban; kung hindi sila naging popular, kung napahamak ang kanilang kapakanan o dangal, o nabunyag ang kanilang kasamaan, laging sila ang unang nang-uusig, naninirang-puri [nagpaparatang] at nanlalait sa kanilang mga kapatid, at naghahangad na ibagsak at ipahamak ang kanilang mga kaibigan.”11

“Ang mga rebeldeng ‘Mormon’ na nagtaksil ay kalat sa buong mundo at nagpapalaganap ng iba’t ibang mali at nakasisirangpuring mga balita laban sa atin, na nag-akalang magkakaroon sila ng mga kaibigan sa mundo, dahil alam nila na hindi tayo makamundo, at kinamumuhian tayo ng mundo; kung gayon kinakasangkapan nila [ng mundo] ang mga taong ito [ang mga rebelde]; at sa pamamagitan nila ay tinatangkang gawin ang lahat ng pamiminsalang magagawa nila, at pagkatapos ay lalo silang kinamumuhian kaysa sa atin, dahil nalalaman nila na sagad ang kanilang kataksilan at panloloko [panghihibo].”12

Iniulat ni Wilford Woodruff: “Dumalo ako sa [isang] pulong sa [Kirtland] Temple [noong Pebrero 19, 1837]. Hindi nakadadalo si Pangulong Joseph Smith sa mga gawain sa Simbahan, ngunit ang kanyang pagliban ay wala pa sa kalahati ng itinagal ni Moises sa bundok na malayo sa Israel [tingnan sa Exodo 32:1–8]; subalit marami sa mga tao sa Kirtland, hindi man sila gumawa ng guyang sasambahin na tulad ng mga Israelita, ay inilayo naman nila ang kanilang puso sa Panginoon at sa kanyang lingkod na si Joseph, at nagbakasakali at nagpatangay sa masasamang espiritu, hanggang sa madimlan ang kanilang isipan; at marami ang kumalaban kay Joseph Smith, at ginusto ng ilan na si David Whitmer ang mamuno sa Simbahan sa halip na si Joseph. Sa gitna ng ulap ng masasamang espiritung ito, nagbalik si Joseph sa Kirtland, at ngayong umaga ay tumayo sa pulpito. Mukhang lungkot na lungkot siya; ngunit di nagtagal at napasakanya ang Espiritu ng Diyos, at may tatlong oras siyang nagsalita nang napakalinaw sa mga tao, at pinatahimik ang kanyang mga kaaway.

“Pagtayo ay sinabi niya, ‘Ako pa rin ang Pangulo, Propeta, Tagakita, Tagapaghayag at Lider ng Simbahan ni Jesucristo. Ang Diyos, at hindi ang tao, ang naghirang at naglagay sa akin sa posisyong ito, at walang tao o grupo ng mga tao ang may kapangyarihang alisin o palitan ako, at yaong gagawa nito, kung hindi sila kaagad magsisisi, ay mapapahamak at mapupunta sa impiyerno.’ Pinagsabihan niya ang mga tao dahil sa kanilang mga kasalanan, kasamaan at kawalan ng paniniwala; ang kapangyarihan ng Diyos ay sumakanya, at nagpatotoo na ang kanyang mga sinabi ay totoo.”13

Iniulat ni Wilford Woodruff: “Nagsalita si Pangulong Smith sa hapon [ng Abril 9, 1837], at sinabi sa pangalan ng Panginoon na ang mga paghatol ng Diyos ay madarama ng mga taong nagkukunwaring mga kaibigan niya, at mga kaibigan ng sangkatauhan, at sa pagtatatag ng Kirtland, isang stake ng Sion, ngunit nagtaksil sa kanya, at sa mga kapakanan ng kaharian ng Diyos, at binigyan ng kapangyarihan ang ating mga kaaway laban sa atin; pinahirapan nila ang kaawa-awang mga Banal, at naghatid ng pangamba sa kanila, at tinalikuran ang kanilang mga tipan, kaya madarama nila ang poot ng Diyos.”14

Ginunita ni Daniel Tyler: “Pagdating na pagdating ng Propeta sa Commerce (pagkatapos ay sa Nauvoo) mula sa bilangguan ng Missouri, binisita namin siya ni Brother Isaac Behunin sa kanyang bahay. Ang mga pagpapahirap sa kanya ang pinag-usapan namin. Inulit-ulit niya ang maraming bulaan, pabagu-bago at magkakasalungat na pahayag ng mga nag-apostasiya, takot na mga miyembro ng Simbahan at mga tagalabas. Ikinuwento rin niya kung paanong noong hulihin at makilala siya ay pumanig sa kanya ang karamihan sa mga opisyal na gustong pumatay sa kanya. Binagsakan niya ng sisi ang mga bulaang kalalakihan. …

“Matapos ikuwento ng Propeta kung paano siya pinakitunguhan, sinabi ni Brother Behunin: ‘Kung lilisanin ko ang Simbahang ito hindi ko gagawin ang ginawa ng mga lalaking iyon: pupunta ako sa malayong lugar kung saan wala pang nakakarinig tungkol sa Mormonismo, mananahimik, at walang makakaalam na may alam ako tungkol dito.’

“Agad tumugon ang dakilang Tagakita: ‘Brother Behunin, hindi mo alam ang gagawin mo. Walang alinlangang naisip na rin iyan minsan ng mga kalalakihang ito. Bago ka pa sumapi sa Simbahang ito hindi mo rin alam ang mabuti at masama. Nang ipangaral ang ebanghelyo, inilahad na sa iyo ang mabuti at masama. Makakapili ka sa dalawa o wala kang pipiliin. May dalawang magkasalungat na panginoon na nag-aanyaya sa iyong paglingkuran sila. Nang sumapi ka sa Simbahang ito nangako kang maglilingkod sa Diyos. Nang gawin mo iyan nilisan mo ang kawalan ng kaalaman sa mabuti at masama, at hindi ka na makakabalik doon. Kapag itinakwil mo ang Panginoong pinangakuan mong paglingkuran, iyon ay dahil inudyukan ka ng demonyo, at susundin mo ang idinidikta niya at magiging alagad niya.’ “15

Kung susundin natin ang mga propeta at apostol at mga paghahayag ng Simbahan, hindi tayo maliligaw ng landas.

Iniulat ni Orson Hyde, miyembro ng Korum ng Labindalawa: “Si Propetang Joseph … ay nagsabi, ‘Mga kapatid, tandaan na karamihan sa mga taong ito ay hinding-hindi maliligaw ng landas; at hangga’t sumasama kayo sa karamihan tiyak na makakapasok kayo sa kahariang selestiyal.’ ”16

Iniulat ni William G. Nelson: “Maraming beses ko nang narinig na nagsalita ang Propeta sa publiko. Sa isang pulong narinig kong sinabi niya: ‘Bibigyan ko kayo ng isang susing hinding-hindi kakalawangin,—kung susunod kayo sa karamihan ng Labindalawang Apostol, at mananatili sa mga talaan ng Simbahan, hindi kayo maliligaw ng landas kailanman.’ Napatunayan na ng kasaysayan ng Simbahan na ito ay totoo.”17

Nagunita ni Ezra T. Clark: “Narinig kong sinabi ni Propetang Joseph na bibigyan niya ng isang susi ang mga Banal upang hindi sila maligaw ng landas o malinlang kailanman, at iyon ay: Hinding-hindi papayagan ng Panginoon na maligaw ng landas o malinlang ng mga impostor ang karamihan sa kanyang mga tao, ni hindi Niya papayagang mahulog sa mga kamay ng kaaway ang mga talaan ng Simbahang ito.”18

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito sa pag-aaral ninyo ng kabanata o paghahandang magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xiv.

  • Repasuhin ang kuwento sa mga pahina 369–72. Sa inyong palagay, bakit maaaring magbago ang mga tao mula sa kabutihan tungo sa pag-aapostasiya sa gayon kaikling panahon? Ano ang ilang impluwensyang nagiging dahilan para mag-apostasiya ang mga tao ngayon? Ano ang magagawa natin para makapag-ingat laban sa gayong mga impluwensya?

  • Ano ang ilang panganib ng pagkawala ng tiwala sa mga lider ng ating Simbahan at pamimintas sa kanila? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa mga pahina 372–75.) Ano ang magagawa natin para mapanatili ang paggalang at pagpapahalaga sa ating mga lider? Paano mahihikayat ng mga magulang ang kanilang mga anak na igalang ang mga lider ng Simbahan?

  • Itinuro ng Propeta, “Sa sandaling tulutan ninyo ang inyong sarili na isantabi ang anumang tungkuling ipinagagawa sa inyo ng Diyos, upang bigyang-kasiyahan ang sarili ninyong mga hangarin…, nagsisimula na kayong mag-apostasiya” (pahina 372). Ano ang kahulugan sa inyo ng pahayag na ito?

  • Basahin ang kuwento ni Daniel Tyler (mga pahina 378–79). Sa inyong palagay, bakit madalas labanan nang husto ng mga nag-apostasiya ang Simbahan? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa mga pahina 375–79.) Sa inyong palagay, paano tayo dapat tumugon sa mga salita at kilos ng gayong klaseng mga tao?

  • Basahin ang huling tatlong talata ng kabanata (mga pahina 379–80). Bakit mahalagang maunawaan natin at gamitin ang “susing” ito na ibinigay ni Joseph Smith?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: 1 Nephi 8:10–33; Helaman 3:33–35; D at T 82:3, 21; 121:11–22

Mga Tala

  1. Daniel Tyler, “Incidents of Experience,” sa Scraps of Biography (1883), pp. 32–33.

  2. Eliza R. Snow, Biography and Family Record of Lorenzo Snow (1884), p. 20; ginawang makabago ang pagbabantas.

  3. History of the Church, 2:487–88; mula sa “History of the Church” (manuskrito), aklat B-1, p. 761, Church Archives, The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, Salt Lake City, Utah.

  4. Brigham Young, sa Historian’s Office, Manuscript History of Brigham Young, 1844–46, tomo 1, p. 16, Church Archives.

  5. History of the Church, 3:385; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Hulyo 2, 1839, sa Montrose, Iowa; iniulat nina Wilford Woodruff at Willard Richards.

  6. Heber C. Kimball, Deseret News, Abr. 2, 1856, p. 26; ginawang makabago ang pagbabaybay at pagpapalaki ng mga letra.

  7. Wilford Woodruff, Deseret News, Dis. 22, 1880, p. 738.

  8. Wilford Woodruff, Deseret News: Semi-Weekly, Set. 7, 1880, p. 1; ginawang makabago ang pagbabantas; binago ang pagkakahati ng mga talata.

  9. History of the Church, 4:165–66; mula sa isang liham ni Joseph Smith kay Oliver Granger, Hulyo 1840, Nauvoo, Illinois.

  10. History of the Church, 2:23; ginawang makabago ang pagbabaybay, pagbabantas, at gramatika; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa “The Elders of the Church in Kirtland, to Their Brethren Abroad,” Ene. 22, 1834, inilathala sa Evening and Morning Star, Abr. 1834, p. 152.

  11. “John C. Bennett,” isang editoryal na inilathala sa Times and Seasons, Ago. 1, 1842, p. 868; ginawang makabago ang pagbabantas at gramatika; si Joseph Smith ang editor ng pahayagan.

  12. History of the Church, 3:230; nasa orihinal ang una at ikalawang set ng mga salitang naka-bracket; mula sa isang liham ni Joseph Smith sa mga miyembro ng Simbahan sa Caldwell County, Missouri, Dis. 16, 1838, Liberty Jail, Liberty, Missouri.

  13. Wilford Woodruff, sa pag-uulat tungkol sa talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Peb. 19, 1837, sa Kirtland, Ohio; “History of Wilford Woodruff,” Deseret News, Hulyo 14, 1858, p. 85; ginawang makabago ang pagpapalaki ng mga letra at gramatika; binago ang pagkakahati ng mga talata.

  14. Wilford Woodruff, sa pag-uulat tungkol sa talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Abr. 9, 1837, sa Kirtland, Ohio; “History of Wilford Woodruff,” Deseret News, Hulyo 14, 1858, p. 86.

  15. Daniel Tyler, sa “Recollections of the Prophet Joseph Smith,” Juvenile Instructor, Ago. 15, 1892, pp. 491–92; ginawang makabago ang pagbabantas at gramatika.

  16. Orson Hyde, Deseret News: Semi- Weekly, Hunyo 21, 1870, p. 3.

  17. William G. Nelson, sa “Joseph Smith, the Prophet,” Young Woman’s Journal, Dis. 1906, p. 543; binago ang pagkakahati ng mga talata.

  18. Ezra T. Clark, “The Testimony of Ezra T. Clark,” Hulyo 24, 1901, Farmington, Utah; sa Heber Don Carlos Clark, Papers, ca. 1901–74, typescript, Church Archives.

sacrament meeting

Itinuro ni Joseph Smith ang kahalagahan ng pagsuporta sa ating mga lider ng Simbahan: “Ang lalaki na tatayo upang hatulan ang iba, na hinahanapan ng mali ang Simbahan, na nagsasabing naliligaw sila ng landas, samantalang siya mismo ay nagmamagaling, … ang lalaking iyon ay patungo na sa pag-aapostasiya.”

Judas betraying Jesus

“Sino pa ang naging mas matalik na kaibigan ni Judas sa lupa, o sa langit, maliban sa Tagapagligtas? At ang una niyang hangad ay sirain Siya.”