Sa Kaibuturan ng Ating Puso
Sinisikap ng Panginoon na tulungan tayo—tayong lahat—na itimo ang ebanghelyo nang mas malalim sa ating puso.
Mga kapatid, nabubuhay tayo sa isang napakagandang panahon. Sa pagdiriwang natin ng pagsisimula ng Pagpapanumbalik, marapat ding ipagdiwang natin ang patuloy na Pagpapanumbalik na nasasaksihan natin. Kasama ninyo akong nagagalak na mabuhay sa panahong ito. 1 Sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta, patuloy na isinasaayos ng Panginoon ang lahat ng kailangan para tulungan tayong maghanda na tanggapin Siya. 2
Isa sa mga kailangang iyon ang bagong inisyatibong Mga Bata at Kabataan. Marami sa inyo ang pamilyar sa pagbibigay-diin ng programang ito sa pagtatakda ng mga mithiin, mga bagong simbolo ng pagiging kabilang, at mga kumperensyang For the Strength of Youth. Ngunit huwag natin hayaang palabuin ng mga ito ang ating pananaw tungkol sa mga alituntuning pinagbabatayan ng programang ito at ang layunin nito: ang tumulong na itimo ang ebanghelyo ni Jesucristo sa kaibuturan ng puso ng mga bata at kabataan. 3
Naniniwala ako na kapag naging mas malinaw sa atin ang mga alituntuning ito, mapapansin natin na hindi lamang ito isang programa para sa mga miyembrong edad 8 hanggang 18. Makikita natin kung paano sinisikap ng Panginoon na tulungan tayo—tayong lahat—na itimo ang Kanyang ebanghelyo nang mas malalim sa ating puso. Dalangin kong tulungan tayo ng Espiritu Santo na sama-samang matuto.
Mga Ugnayan—“Samahan Sila” 4
Ang unang alituntunin ay mga ugnayan. Dahil ang mga ito ay likas na bahagi ng Simbahan ni Jesucristo, kung minsa’y nalilimutan natin na mahalaga ang mga ugnayan sa ating patuloy na paglalakbay patungo kay Cristo. Hindi tayo inaasahang hanapin o tahaking mag-isa ang landas ng tipan. Kailangan natin ang pagmamahal at suporta ng mga magulang, ibang kapamilya, kaibigan, at lider na tumatahak din sa landas.
Kailangan sa ganitong mga uri ng ugnayan ang oras. Oras para magkasama-sama. Oras para sama-samang magtawanan, maglaro, matuto, at maglingkod. Oras para pahalagahan ang mga interes at hamon ng bawat isa. Oras para maging bukas at tapat sa bawat isa habang sama-sama tayong nagsisikap na magpakabuti. Ang mga ugnayang ito ay isa sa mga pangunahing layunin ng pagtitipon bilang mga pamilya, korum, klase, at kongregasyon. Ang mga ito ang pundasyon ng epektibong ministering. 5
Binigyan tayo ni Elder Dale G. Renlund ng susi sa pagbubuo ng ganitong mga ugnayan nang sabihin niyang, “Para mabisang mapaglingkuran ang iba kailangan natin silang tingnan … ayon sa paningin ng Ama sa Langit. Noon lamang natin mauunawaan ang tunay na kahalagahan ng isang kaluluwa. Noon lamang natin madarama ang pagmamahal ng Ama sa Langit para sa lahat ng Kanyang anak.” 6
Ang tingnan ang iba na tulad ng pagtingin ng Diyos ay isang kaloob. Inaanyayahan ko tayong lahat na hangarin ang kaloob na ito. Kapag idinilat natin ang ating mga mata upang makakita, 7 matutulungan din natin ang iba na makita ang kanilang sarili na tulad ng Diyos. 8 Binigyang-diin ni Pangulong Henry B. Eyring ang kapangyarihang ito nang sabihin niya: “Ang magiging pinakamahalaga ay kung ano ang natututuhan [ng iba] mula sa [inyo] kung sino talaga sila at kung ano talaga ang maaari nilang kahinatnan. Sa palagay ko hindi nila ito gaanong matututuhan mula sa mga lektyur. Makukuha nila ito mula sa damdamin kung sino kayo, sino sila sa tingin ninyo, at ano ang iniisip ninyo na maaaring kahinatnan nila.” 9 Ang pagtulong sa iba na maunawaan ang kanilang tunay na identidad at layunin ay isa sa mga pinakadakilang kaloob na maibibigay natin. 10 Ang pagtingin sa iba at sa ating sarili na tulad ng pagtingin sa atin ng Diyos ay nagbibigkis sa ating puso nang “magkakasama sa pagkakaisa at sa pag-ibig.” 11
Sa patuloy na dumaraming puwersang sekular na umiimpluwensiya sa atin, kailangan natin ang lakas na nagmumula sa mapagmahal na mga ugnayan. Kaya kapag nagpaplano tayo ng mga aktibidad, miting, at iba pang mga pagtitipon, tandaan natin na ang pinakamahalagang layunin ng mga pagtitipong ito ay ang bumuo ng mapagmahal na mga ugnayan na pinag-iisa tayo at itinitimo ang ebanghelyo ni Jesucristo nang mas malalim sa ating puso. 12
Paghahayag, Kalayaang Pumili, at Pagsisisi—“Iugnay ang mga Ito sa Langit” 13
Mangyari pa, hindi sapat na mabigkis lamang. Maraming grupo at organisasyon na nagkakaisa kahit iba’t iba ang mga layunin. Gayunman, ang pagkakaisang hangad natin ay ang makiisa tayo kay Cristo, na iugnay ang ating sarili sa Kanya. 14 Para maiugnay ang ating puso sa langit, kailangan natin ng personal na espirituwal na mga karanasan, tulad ng malinaw na sinabi sa atin ni Elder Andersen. 15 Nararanasan natin ang mga iyon kapag ipinasok ng Espiritu Santo ang salita at pagmamahal ng Diyos sa ating puso’t isipan. 16
Ang paghahayag na ito ay dumarating sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan, lalo na ang Aklat ni Mormon; sa mga inspiradong salita ng mga buhay na propeta at iba pang matatapat na disipulo; at sa marahan at banayad na tinig. 17 Ang mga salitang ito ay hindi lang nakasulat, naririnig ng tainga, mga ideya sa ating isipan, o damdamin sa ating puso. Ang salita ng Diyos ay espirituwal na kapangyarihan. 18 Ito ay katotohanan at liwanag. 19 Ito ang paraan para marinig Siya! Sinisimulan at pinag-iibayo ng salita ang ating pananampalataya kay Cristo at pinalalakas ang pagnanais nating maging mas katulad ng Tagapagligtas—ibig sabihin, magsisi at tumahak sa landas ng tipan. 20
Noong nakaraang Abril, tinulungan tayo ni Pangulong Russell M. Nelson na maunawaan na napakahalaga ng pagsisisi sa pagsisikap na tumanggap ng paghahayag. 21 Sabi niya: “Kapag pinipili nating magsisi, pinipili nating magbago! Tinutulutan natin ang Tagapagligtas na baguhin tayo at gawin tayong pinakamabuting bersyon ng ating sarili. … Pinipili nating maging higit na katulad ni Jesucristo!” 22 Ang prosesong ito ng pagbabago, na pinasidhi ng salita ng Diyos, ang paraan para makaugnay tayo sa langit.
Ang paanyaya ni Pangulong Nelson na magsisi ay nakasalig sa alituntunin ng kalayaang pumili. Dapat nating piliin na magsisi para sa ating sarili. Hindi maipipilit ang ebanghelyo sa ating puso. Sabi nga ni Elder Renlund, “Ang mithiin ng ating Ama sa Langit bilang magulang ay hindi ang iutos sa Kanyang mga anak na gawin kung ano ang tama; kundi ang piliin na gawin kung ano ang tama.” 23
Sa mga programang pinalitan ng Mga Bata at Kabataan, mahigit 500 iba’t ibang gawain ang kailangang kumpletuhin para makatanggap ng iba’t ibang pagkilala. 24 Ngayon, isa lang ang mahalaga. Ito ay isang paanyayang piliin na maging higit na katulad ng Tagapagligtas. Ginagawa natin ito sa pagtanggap ng salita ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu Santo at pagtutulot na baguhin tayo ni Cristo upang maging pinakamabuting bersyon ng ating sarili.
Ito ay talagang higit pa sa pagtatakda ng mga mithiin o pagpapabuti pa ng sarili. Ang mga mithiin ay isang kasangkapan lamang na tumutulong sa atin na umugnay sa langit sa pamamagitan ng paghahayag, kalayaang pumili, at pagsisisi—na lumapit kay Cristo at itimo ang Kanyang ebanghelyo nang mas malalim sa ating puso.
Pakikilahok at Sakripisyo—“Hayaan Silang Mamuno” 25
Ang panghuli, para maitimo ang ebanghelyo ni Jesucristo sa kaibuturan ng ating puso, kailangan nating makilahok dito—ibigay ang ating oras at talento rito, magsakripisyo para dito. 26 Gusto nating lahat na maging makabuluhan ang ating buhay, at totoo ito lalo na sa bagong henerasyon. Gusto nilang magkaroon ng layunin.
Ang ebanghelyo ni Jesucristo ang pinakamagandang layunin sa mundo. Sabi ni Pangulong Ezra Taft Benson: “Inuutusan tayo ng Diyos na ihatid ang ebanghelyong ito sa buong daigdig. Iyan ang layunin na dapat magbigkis sa atin ngayon. Tanging ang ebanghelyo ang makapagliligtas sa mundo sa kalamidad na dulot ng sarili nitong pagkawasak. Tanging ang ebanghelyo ang makapagbibigkis sa mga lalaki [at babae] ng lahat ng lahi at bansa sa kapayapaan. Tanging ang ebanghelyo ang makapaghahatid ng galak, kaligayahan, at kaligtasan sa buong sangkatauhan.” 27
Ipinangako ni Elder David A. Bednar, “Kapag binigyan natin ng karapatan ang mga kabataan sa pamamagitan ng pag-anyaya at pagtutulot sa kanila na kumilos, susulong ang Simbahan sa mahimalang mga paraan.” 28 Kadalasan ay hindi natin inaanyayahan at pinahihintulutan ang mga kabataan na magsakripisyo para sa dakilang layuning ito ni Cristo. Napansin ni Elder Neal A. Maxwell, “Kung ang [ating] kabataan ay masyadong hindi nabibigatan [sa gawain ng Diyos] mas malamang na [madadaig sila ng] mundo.” 29
Ang programang Mga Bata at Kabataan ay nakatuon sa pagpapalakas ng mga kabataan. Sila ang pumipili ng kanilang sariling mga mithiin. May kani-kanyang tungkulin ang mga quorum at class presidency. Ang ward youth council, tulad ng ward council, ay nakatuon sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan. 30 At nagsisimula ang mga miting ng mga korum at klase sa pagsasanggunian kung paano gawin ang gawaing ibinigay sa kanila ng Diyos. 31
Sabi ni Pangulong Nelson sa mga kabataan ng Simbahan: “Kung pipiliin ninyo, kung gusto ninyo, maaari kayong maging malaking bahagi … ng isang bagay na malaki, maringal, at dakila! … Kayo ay kabilang sa mga pinakamahusay [sa lahat ng] ipinadala ng Panginoon sa mundong ito. Mayroon kayong kapasidad na maging mas matalino at mahusay at magkaroon ng [mas malaking] epekto sa mundo kaysa naunang mga henerasyon!” 32 Sa isa pang okasyon, sinabi ni Pangulong Nelson sa mga kabataan: “Lubos ang tiwala ko sa inyo. Mahal ko kayo at maging ng Panginoon. Tayo ay Kanyang mga tao, na sama-samang gumagawa sa Kanyang banal na gawain.” 33 Mga kabataan, nadarama ba ninyo ang tiwala ni Pangulong Nelson sa inyo at kung gaano kayo kahalaga sa gawaing ito?
Mga magulang at adult leader, inaanyayahan ko kayo na tingnan ang mga kabataan na tulad ng pagtingin ni Pangulong Nelson. Kapag nadama ng mga kabataan ang inyong pagmamahal at pagtitiwala, kapag hinikayat at tinuruan ninyo sila kung paano mamuno—at pagkatapos ay hinayaan ninyo silang mamuno—mamamangha kayo sa kanilang mga kabatiran, kakayahan, at katapatan sa ebanghelyo. 34 Madarama nila ang kagalakan sa pagpiling makilahok at magsakripisyo para sa dakilang layunin ni Cristo. Ang Kanyang ebanghelyo ay titimo nang mas malalim sa kanilang puso, at susulong ang gawain sa mahimalang mga paraan.
Pangako at Patotoo
Ipinapangako ko, kapag nagtuon tayo sa mga alituntuning ito—mga ugnayan, paghahayag, kalayaang pumili, pagsisisi, at pagsasakripisyo—ang ebanghelyo ni Jesucristo ay titimo nang mas malalim sa puso nating lahat. Makikita natin na ang Pagpapanumbalik ay susulong tungo sa pangunahing layunin nito, ang tubusin ang Israel at itatag ang Sion, 35 kung saan si Cristo ang mamamahala bilang Hari ng mga hari.
Pinatototohanan ko na patuloy na ginagawa ng Diyos ang lahat ng kailangan upang ihanda ang Kanyang mga tao para sa araw na iyon. Nawa’y makita natin ang Kanyang impluwensya sa maluwalhating gawaing ito habang nagsisikap tayong “lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya.” 36 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.