Pangkalahatang Kumperensya
Hindi Ba Tayo Magpapatuloy sa Isang Napakadakilang Adhikain?
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2020


2:3

Hindi Ba Tayo Magpapatuloy sa Isang Napakadakilang Adhikain?

Dapat nating tandaan palagi ang sakripisyong ginawa nina Joseph at Hyrum Smith, pati na ng napakaraming iba pang matatapat na lalaki, babae, at bata, para maitatag ang Simbahan.

Maraming salamat po, President, sa napakagandang panimula. Mga kapatid, 215 taon na ang nakalilipas, isang batang lalaki ang isinilang kina Joseph at Lucy Mack Smith sa Vermont sa isang rehiyon na tinatawag na New England sa hilagang-silangang Estados Unidos.

Sina Joseph at Lucy Mack ay nanalig kay Jesucristo, nag-aral ng mga banal na kasulatan, taimtim na nanalangin, at namuhay nang may pananampalataya sa Diyos.

Pinangalanan nila ang kanilang bagong silang na sanggol na Joseph Smith Jr.

Tungkol sa pamilya Smith, sinabi ni Brigham Young: “Binantayan [si Joseph Smith] ng Panginoon, at ang kanyang ama, at ang ama ng kanyang ama, at ang kanyang mga [ninuno mula] kay Abraham, at mula kay Abraham hanggang sa baha, mula sa baha hanggang kay Enoc, at mula kay Enoc hanggang kay Adan. Binantayan niya ang mag-anak na iyon at ang dugong nananalaytay mula sa pinagmulan niyon hanggang sa pagsilang ng taong iyon. [Si Joseph Smith] ang inordenan noon pa sa kawalang-hanggan.”1

Pinakamamahal ng kanyang pamilya, malapit si Joseph Jr. lalo na sa kanyang kuyang si Hyrum, na halos anim na taong gulang na nang isilang si Joseph.

Noong Oktubre, nakaupo ako sa isang malapad na bato na nasa munting tahanan ng mga Smith sa Sharon, Vermont, kung saan isinilang si Joseph. Nadama ko ang pagmamahal ni Hyrum kay Joseph at naisip ko na hawak niya ang kanyang bunsong kapatid at tinuturuan itong lumakad.

Nakaranas sina Ama at Inang Smith ng personal na mga problema, kaya napilitan silang ilipat nang maraming beses ang kanilang pamilya bago nila tuluyang nilisan ang New England at matapang na ipinasiyang magpakalayo pa pakanluran, sa New York State.

Dahil nagkaisa ang pamilya, nalagpasan nila ang mga hamong ito at sama-samang hinarap ang mabigat na gawaing magsimulang muli sa isang isandaang-akre (0.4 km2) ng mapunong lupain sa Manchester, malapit sa Palmyra, New York.

Hindi ko sigurado kung natatanto ng marami sa atin ang pisikal at emosyonal na mga hamon ng pagsisimulang muli ng pamilya Smith—paghahawan at paglilinis sa lupain, pagtatanim ng mga halamanan at bukirin, pagtatayo ng isang munting tahanang yari sa troso at iba pang istrukturang pangsakahan, pagtatrabaho nang arawan, at paggawa ng mga produktong pantahanan na ibebenta sa bayan.

Nang dumating ang pamilya sa kanlurang New York, laganap ang iba’t ibang relihiyon sa lugar—na kilala bilang Second Great Awakening.

Sa panahong ito ng pagdedebate at pagtatalu-talo ng iba’t ibang relihiyon, nakaranas si Joseph ng isang kamangha-manghang pangitain, na kilala ngayon bilang Unang Pangitain. Pinagpala tayong magkaroon ng apat na pangunahing salaysay na aking pagkukunan.2

Itinala ni Joseph: “Sa panahong ito ng malaking kaguluhan [sa relihiyon], ang aking pag-iisip ay natawag sa matamang pagmumuni-muni at malaking pagkabahala; subalit, bagaman ang aking mga damdamin ay matindi at kadalasan ay masidhi, gayon man nanatili akong malayo sa mga pangkat na ito, bagaman ako ay dumadalo sa ilan nilang pagpupulong na kasindalas ng ipinahihintulot ng pagkakataon. … [Subalit] napakalaki ng kaguluhan at sigalutan ng iba’t ibang sekta, na hindi maaari para sa isang tao na kasimbata ko, at walang kabatiran sa mga tao at bagay-bagay, na makarating sa anumang tiyak na pagpapasiya kung sino ang tama at kung sino ang mali.”3

Binuksan ni Joseph ang Biblia para maghanap ng mga sagot sa kanyang mga tanong at binasa ang Santiago 1:5: “Kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios, na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat; at ito’y ibibigay sa kaniya.”4

Isinulat niya: “Wala sa alinmang sipi sa banal na kasulatan ang nakapukaw nang may higit na kapangyarihan sa puso ng tao kaysa sa nagawa nito sa akin sa oras na ito. Tila pumasok ito nang may malakas na kapangyarihan sa bawat himaymay ng aking puso. Paulit-ulit kong pinagmuni-muni ito.”5

Natanto ni Joseph na wala sa Biblia ang lahat ng sagot sa mga tanong sa buhay; bagkus, itinuro nito sa kalalakihan at kababaihan kung paano nila matatagpuan ang mga sagot sa kanilang mga tanong sa pamamagitan ng direktang pakikipag-ugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin.

Dagdag pa niya: “Kaya nga, alinsunod dito, sa aking matibay na hangaring humingi sa Diyos, nagtungo ako sa kakahuyan upang maisagawa ang aking pagtatangka. Ito ay sa umaga ng isang maganda, maaliwalas na araw, sa tagsibol ng taong isanlibo walong daan at dalawampu.”6

Di-naglaon pagkatapos niyon, sinabi ni Joseph na “tumuon sa akin ang [isang haligi ng] liwanag [at] nakakita ako ng dalawang Katauhan, na ang liwanag at kaluwalhatian ay hindi kayang maisalarawan, nakatayo sa hangin sa itaas ko. Ang isa sa kanila ay nagsalita sa akin, tinatawag ako sa aking pangalan, at nagsabi, itinuturo ang isa—[Joseph,] Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!7

Pagkatapos ay nangusap ang Tagapagligtas: “Joseph, anak ko, ang iyong mga kasalanan ay pinatawad na. Humayo ka, lumakad sa aking mga palatuntunan, at sundin ang aking mga kautusan. Masdan, ako ang Panginoon ng kaluwalhatian. Ipinako Ako sa krus para sa sanlibutan, nang ang lahat ng maniniwala sa aking pangalan ay magkaroon ng buhay na walang-hanggan.”8

Dagdag pa ni Joseph, “Hindi pa natatagalan, samakatwid, nang ako ay matauhan, upang makapagsalita, nang aking tanungin ang mga Katauhan na nakatayo sa itaas ko sa loob ng liwanag, kung alin sa lahat ng sekta ang tama.”9

Paggunita niya: “Sinabi nila sa akin na lahat ng sekta ay naniniwala sa maling mga doktrina, at na walang isa man sa kanila ang kinikilala ng Diyos bilang kanyang simbahan at kaharian. At … kasabay nito ay [natanggap ko] ang isang pangako na ang kabuuan ng ebanghelyo ay dapat ipaalam sa akin sa hinaharap.”10

Isinulat din ni Joseph, “Marami akong nakitang anghel sa pangitaing ito.”11

Kasunod ng maluwalhating pangitaing ito, isinulat ni Joseph: “Ang aking kaluluwa ay puspos ng pagmamahal, at sa loob ng maraming araw maaari akong magalak nang may malaking kagalakan. … Kasama ko ang Panginoon.”12

Lumabas siya mula sa Sagradong Kakahuyan para simulan ang kanyang paghahanda na maging isang propeta ng Diyos.

Unti-unti ring nalaman ni Joseph ang mga naranasan ng mga sinaunang propeta—pagtanggi, paglaban, at pag-uusig. Naalala ni Joseph na ikinuwento niya ang kanyang nakita at narinig sa isa sa mga pastor na aktibo noon sa pagbuhay sa relihiyon:

“Labis akong nagulat sa kanyang inasal; hindi lamang niya itinuring ang aking isinalaysay nang gayun-gayon lamang, kundi lakip ang labis na pag-aalipusta, nagsasabing ang lahat ng ito ay sa diyablo, na wala nang ganoong mga bagay tulad ng mga pangitain o paghahayag sa panahong ito; na ang ganoong mga bagay ay lumipas na kasama ng mga apostol, at kailanman ay hindi na magkakaroon ng mga gayon.

“Daglian kong natuklasan, gayon pa man, na ang pagsasabi ko ng salaysay ay pumukaw ng labis na kapinsalaan laban sa akin sa mga mangangaral ng relihiyon, at naging sanhi ng labis na pag-uusig, na patuloy na lumubha; … at ito’y pangkaraniwan na sa lahat ng sekta—nagkaisa ang lahat upang usigin ako.”13

Tatlong taon pagkaraan, noong 1823, muling nabuksan ang kalangitan bilang bahagi ng patuloy na Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo sa mga huling araw. Isinulat ni Joseph na nagpakita sa kanya ang isang anghel na nagngangalang Moroni at sinabi “na ang Diyos ay may gawaing ipagagawa sa akin … [at na] may nakalagak na isang aklat, na nakasulat sa mga laminang ginto” na naglalaman ng “kabuuan ng walang hanggang Ebanghelyo … gaya ng ibinigay ng Tagapagligtas sa mga sinaunang tao [sa mga lupain ng Amerika].”14

Kalaunan, nakuha, isinalin, at inilathala ni Joseph ang sinaunang talaan, na kilala ngayon bilang Aklat ni Mormon.

Ang kapatid niyang si Hyrum, na palaging nakasuporta sa kanya, lalo na pagkatapos ng masakit at nakamamatay na operasyon sa kanyang binti noong 1813, ay isa sa mga saksi sa mga laminang ginto. Isa rin si Hyrum sa anim na miyembro ng Simbahan ni Jesucristo nang ito ay inorganisa noong 1830.

Noong nabubuhay sila, magkasamang naharap sina Joseph at Hyrum sa mga mandurumog at pag-uusig. Halimbawa, nakaranas sila ng sobrang hirap sa napakaabang kalagayan sa Liberty Jail sa Missouri sa loob ng limang buwan noong panahon ng taglamig ng 1838–39.

Noong Abril 1839, sinulatan ni Joseph ang asawa niyang si Emma na inilalarawan ang kanilang sitwasyon sa Liberty Jail: “Naniniwala ako na mga limang buwan at anim na araw na ako ngayong binabantayan ng isang nakasimangot na guwardiya gabi’t araw, at sa loob ng mga pader, rehas, at lumalangitngit na mga pintuang bakal ng isang mapanglaw, madilim, at maruming bilangguan. … Aalisin din naman kami sa [lugar] na ito, at ikinatutuwa namin ito. Tatanggapin namin ang anumang mangyari sa amin, wala na yatang lugar na mas malala pa kaysa rito. … Hinding-hindi na namin nanaising bumalik pa rito pagkatapos ng nangyari sa amin sa Liberty sa Clay County, Missouri. Sapat na ito para magunita namin magpakailanman.”15

Sa harap ng pag-uusig, nagpakita si Hyrum ng pananampalataya sa mga pangako ng Panginoon, kabilang ang katiyakan na makakatakas siya sa kanyang mga kaaway kung pipiliin niya. Sa isang basbas na natanggap ni Hyrum noong 1835 sa mga kamay ni Joseph Smith, nangako ang Panginoon sa kanya, “Magkakaroon ka ng kapangyarihang makatakas mula sa kamay ng iyong mga kaaway. Ang iyong buhay ay hahangarin nang walang-kapaguran, ngunit ikaw ay makakatakas. Kung makasisiya sa iyo, at nais mo, magkakaroon ka ng kapangyarihan na kusang magbuwis ng iyong buhay upang luwalhatiin ang Diyos.”16

Noong Hunyo 1844, pinapili si Hyrum kung gusto niyang mabuhay o magbuwis ng kanyang buhay para luwalhatiin ang Diyos at “tatakan ang kanyang patotoo ng kanyang dugo”—sa tabi ng kanyang pinakamamahal na kapatid na si Joseph.17

Isang linggo bago ang malagim na paglalakbay patungong Carthage, kung saan sila walang-awang pinaslang ng armadong duwag na mga mandurumog na pinintahan ang kanilang mukha para hindi sila makilala, itinala ni Joseph na “pinayuhan ko ang kapatid kong si Hyrum na dalhin ang kanyang pamilya sa susunod na bapor at pumunta sa Cincinnati.”

Nararamdaman ko pa rin ang matinding pagkaantig ng aking damdamin habang inaalala ko ang sagot ni Hyrum: “Joseph, hindi kita maaaring iwan.18

Kaya nagtungo sina Joseph at Hyrum sa Carthage, kung saan sila pinaslang bilang mga martir para sa layunin at pangalan ni Cristo.

Nakasaad sa opisyal na pahayag tungkol sa pagkamartir: “Si Joseph Smith, ang Propeta at Tagakita ng Panginoon, ay … inilabas ang Aklat ni Mormon, na kanyang isinalin sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos, at siya ring naging daan ng pagkakalathala nito sa dalawang lupalop; ipinadala ang kabuuan ng walang hanggang ebanghelyo, na nilalaman nito, sa apat na sulok ng mundo; inilabas ang mga paghahayag at kautusang bumubuo sa aklat na ito ng Doktrina at mga Tipan, at marami pang ibang magagaling na kasulatan at mga tagubilin para sa kapakinabangan ng mga anak ng tao; tinipon ang maraming libu-libong Banal sa mga Huling Araw, nagtayo ng isang malaking lunsod, at nag-iwan ng katanyagan at pangalan na hindi maaaring mapatay. … At gaya ng karamihan sa hinirang ng Panginoon noong mga sinaunang panahon, ay tinatakan [ni Joseph] ang kanyang misyon at kanyang mga gawain ng kanyang sariling dugo; at gayun din ang kanyang kapatid na si Hyrum. Sa buhay sila ay hindi nagkalayo, at sa kamatayan sila ay hindi pinaghiwalay!19

Kasunod ng pagpaslang, ibinalik ang katawan nina Joseph at Hyrum sa Nauvoo, hinugasan, at binihisan para makita ng pamilya Smith ang kanilang mga mahal sa buhay. Ginunita ng kanilang pinakamamahal na ina: “Matagal ko nang pinalakas ang loob ko, pinukaw ang bawat lakas ng aking kaluluwa, at nanawagan ako sa Diyos na palakasin ako; ngunit nang pumasok ako sa silid, at makita ko ang pinaslang na mga anak ko [na sabay na tumambad sa aking paningin], at marinig ko ang mga hikbi at hinagpis ng aking pamilya [at] mga daing … mula sa mga labi ng kanilang mga asawa, anak, at kapatid, hindi ko iyon nakayanan. Napasandal ako na umiiyak sa Panginoon sa pagdurusa ng aking kaluluwa, ‘Diyos ko! Diyos ko! Bakit mo pinabayaan ang pamilyang ito?’”20

Sa sandaling iyon ng kalungkutan at pagdurusa, naalala niya na sinabi nila, “Inay, huwag mo kaming iyakan; nadaig namin ang mundo sa pagmamahal.”21

Tunay ngang nadaig nila ang mundo. Sina Joseph at Hyrum Smith, tulad ng inilarawan niyaong matatapat na Banal sa aklat ng Apocalipsis, ay “nanggaling sa malaking kapighatian, at nangaghugas ng kanilang mga damit, at pinaputi sa dugo ng Cordero [at] … nasa harapan ng luklukan ng Dios; at nangaglilingkod sa kaniya araw at gabi sa kaniyang templo: at siyang nakaupo sa luklukan, ay lulukuban sila ng kaniyang tabernakulo.

“Sila’y hindi na magugutom pa, ni mauuhaw pa man; ni hindi na sila tatamaan ng araw, o ng anomang init.

“Sapagka’t ang Cordero na nasa gitna ng luklukan ay siyang magiging pastor nila, at sila’y papatnugutan sa mga bukal ng tubig ng buhay: at papahirin ng Dios ang bawa’t luha ng kanilang mga mata.”22

Habang ipinagdiriwang natin ang masayang okasyong ito, ang ika-200 anibersaryo ng Unang Pangitain, dapat nating alalahanin palagi ang sakripisyong ginawa nina Joseph at Hyrum Smith, pati na ng napakaraming iba pang matatapat na lalaki, babae, at bata, upang maitatag ang Simbahan para matamasa ko at ninyo ang maraming pagpapala at lahat ng katotohanang inihayag sa atin ngayon. Hindi dapat makalimutan ang kanilang katapatan kailanman!

Madalas kong pagtakhan kung bakit kinailangang magdusa nang husto sina Joseph at Hyrum at ang kanilang mga pamilya. Maaaring dahil nakilala nila ang Diyos sa pamamagitan ng kanilang pagdurusa sa mga paraang hindi sana nangyari kung wala iyon. Sa pamamagitan nito, pinagnilayan nila ang tungkol sa Getsemani at ang panahong nakapako sa krus angTagapagligtas. Sabi nga ni Pablo, “Sapagka’t sa inyo’y ipinagkaloob alangalang kay Cristo, hindi lamang upang manampalataya sa kaniya, kundi upang magtiis din naman alangalang sa kaniya.”23

Bago siya namatay noong 1844, sumulat si Joseph ng isang masiglang liham sa mga Banal. Iyon ay isang panawagang kumilos, na nagpapatuloy sa Simbahan ngayon:

“Mga kapatid, hindi ba tayo magpapatuloy sa isang napakadakilang adhikain? Sumulong at huwag umurong. Lakas ng loob, mga kapatid [na lalaki at babae]; at humayo, humayo sa pananagumpay! …

“… Tayo, samakatwid, bilang isang simbahan at mga tao, at bilang mga Banal sa mga Huling Araw, [ay] maghain sa Panginoon ng isang handog sa kabutihan.”24

Habang nakikinig tayo sa Espiritu sa pagdiriwang ng ika-200 anibersaryong ito ngayong Sabado’t Linggo, isipin kung ano ang maihahandog ninyo sa Panginoon sa kabutihan sa darating na mga araw. Maging matapang—ibahagi ito sa isang taong pinagkakatiwalaan ninyo, at ang pinakamahalaga, mag-ukol ng panahon na gawin ito!

Alam ko na nalulugod ang Tagapagligtas kapag naghahandog tayo sa Kanya mula sa ating puso sa kabutihan, tulad noong malugod Siya sa matapat na alay ng kahanga-hangang magkapatid na sina Joseph at Hyrum Smith, at ng lahat ng iba pang matatapat na Banal. Tapat kong pinatototohanan ito sa sagrado at banal na pangalan ng ating Panginoong Jesucristo, amen.