Pangkalahatang Kumperensya
Paano Pinagpapala ng Priesthood ang mga Kabataan
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2020


2:3

Paano Pinagpapala ng Priesthood ang mga Kabataan

Binibigyan tayo ng pagkakataong maglingkod tulad ng mga anghel, ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng kontinente sa mundo, at tulungan ang mga kaluluwa na mapalapit kay Cristo.

Mga kapatid, lubos akong nagpapasalamat para sa pagkakataong makapagbahagi sa inyo sa makasaysayang gabi na ito tungkol sa banal na kaloob ng priesthood at sa kagila-gilalas na kapangyarihan nito na pagpalain ang mga kabataan sa dispensasyong ito. Dalangin ko na sa kabila ng aking mga kahinaan ay gagabayan ako ng Espiritu sa pagtuturo ng katotohanan.

Ipinaalala ng Unang Panguluhan sa mga mayhawak ng Aaronic Priesthood na “[kayo] ay nabubuhay sa panahon na puno ng mga oportunidad at hamon—ang panahon kung kailan naipanumbalik ang priesthood. [Kayo] ay may awtoridad na pangasiwaan ang mga ordenansa ng Aaronic Priesthood. Kapag ginamit [ninyo] nang may panalangin at nang karapat-dapat ang awtoridad na iyan, makatutulong [kayo] nang malaki sa buhay ng mga nasa paligid ninyo.” 1 Bilang mga kabataang lalaki ng Simbahan, pinaaalalahanan din tayo na tayo ay mga “minamahal na anak na lalaki ng Diyos, at may gawain Siyang ipinagagawa sa [atin],” 2 at tayo ay tutulong sa Kanyang gawain na “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39).

Ang priesthood ang awtoridad na mangasiwa ng mga ordenansa at tipan ng ebanghelyo ng Tagapagligtas sa mga taong karapat-dapat na makatanggap ng mga ito. Sa pamamagitan ng mga ordenansa ng priesthood na ito at ng mga banal na tipan, dumarating ang kabuuan ng mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas na tumutulong sa atin na matamo ang ating banal na tadhana.

Si Joseph Smith ay isang binatilyo na tinawag ng Diyos upang ipanumbalik ang ebanghelyo ni Jesucristo at, para sa layuning iyan, pinagkalooban siya ng priesthood na ginamit niya para pagpalain ang buong sangkatauhan. Nakasaad sa Doktrina at mga Tipan 135 ang marami sa mga pagpapala na ipinagkaloob ni Joseph sa mga kabataan ng dispensasyong ito. Mababasa natin: “Si Joseph Smith … ay nakagawa nang higit pa, maliban lamang kay Jesus, para sa kaligtasan ng mga tao sa daigdig na ito, kaysa sa sinumang tao na kailanman ay nabuhay rito. … Kanyang inilabas ang Aklat ni Mormon … ; ipinadala ang kabuuan ng walang hanggang ebanghelyo … sa apat na sulok ng mundo; inilabas ang mga paghahayag at kautusang bumubuo sa aklat … ng Doktrina at mga Tipan … ; tinipon ang maraming libu-libong Banal sa mga Huling Araw, … at nag-iwan ng katanyagan at pangalan na hindi maaaring mapatay” (Doktrina at mga Tipan 135:3).

Para epektibong makapaglingkod tulad ng ginawa ni Joseph, kailangan nating maging karapat-dapat sa paggamit ng kapangyarihan ng priesthood ng Panginoon. Habang isinasalin ang Aklat ni Mormon, ninais nina Joseph at Oliver Cowdery na mabinyagan, ngunit wala silang wastong awtoridad. Noong Mayo 15, 1829, lumuhod sila para manalangin at binisita sila ni Juan Bautista, na nagkaloob sa kanila ng mga susi at awtoridad ng Aaronic Priesthood at nagwikang, “Sa inyo na aking kapwa tagapaglingkod, sa pangalan ng Mesiyas aking iginagawad ang Pagkasaserdoteng Aaron, na may hawak ng mga susi ng paglilingkod ng mga anghel, at ng ebanghelyo ng pagsisisi, at ng pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan” (Doktrina at mga Tipan 13:1).

Binibigyan tayo ng pagkakataong maglingkod tulad ng mga anghel, ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng kontinente sa mundo, at tulungan ang mga tao na mapalapit kay Cristo. Kasama natin sa pagsasakatuparan ng layuning ito sina Juan Bautista, Moroni, Joseph Smith, Pangulong Russell M. Nelson, at ang iba pang masisigasig na tagapaglingkod ng Panginoon.

Pinagkakaisa ng paglilingkod na ginagawa natin sa ilalim ng patnubay ng Kanyang priesthood at sa pamamagitan ng kapangyarihan ding iyon ang mga taong tapat sa pagsunod at pagpapamuhay ng mga turo ng Panginoon nang may kahustuhan, na alam ko mismo na mahirap kapag nararanasan natin ang mga pagsubok ng kabataan. At ang pakikiisa sa mga kapwa tagapaglingkod na ito ng Panginoon sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ay makatutulong sa atin na mapalakas tayo laban sa mga tukso at panlilinlang ng kaaway. Maaari kayong magsilbing liwanag sa lahat ng mga taong hindi sigurado sa kanilang mga sarili. Magniningning nang husto ang liwanag na nasa inyo kaya mapagpapala ang lahat ng makakasalamuha ninyo sa pamamagitan lamang ng pagiging malapit sa inyo. Kung minsan, maaaring mahirap kilalanin ang mga taong pinaglilingkuran natin, ngunit nagpapasalamat ako na alam ko na miyembro ako ng isang matapat na korum ng priesthood na maaari akong makipagtulungan para mas mapalapit kay Cristo.

Bukod sa ating mga kaibigan at kapamilya, ang Espiritu Santo ang isa sa ating pinakamatapat at mapagkakatiwalaang mga katuwang. Gayunpaman upang maanyayahan ang Kanyang palagiang paggabay, kailangan nating ilagay ang ating mga sarili sa mga sitwasyon at lugar kung saan nanaisin Niyang pumaroon. Maaari itong magsimula sa ating sariling tahanan kapag sinisikap natin na gawin itong banal na lugar sa pamamagitan ng pakikibahagi sa araw-araw na pag-aaral ng banal na kasulatan at pagdarasal ng ating pamilya at, higit sa lahat, kapag personal tayong nag-aaral ng mga banal na kasulatan at nagdarasal nang mag-isa.

si Enzo at ang kanyang kapatid
si Enzo at ang kanyang pamilya

Noong unang bahagi ng taong ito, nagkaroon ako ng isang masaya at nakakapagpakumbaba na pagkakataong tulungan ang aking nakababatang kapatid na babae na si Oceane na sumulong sa landas ng tipan sa pamamagitan ng pagtanggap sa paanyayang magpabinyag at isagawa ang isa sa mga kinakailangang gawin para makapasok sa kahariang selestiyal. Ipinagpaliban niya nang isang buwan ang kanyang binyag, hanggang sa maordenan ako bilang isang priest, para mabigyan ako ng pagkakataong isagawa ang ordenansa habang ang iba pa naming mga kapatid na babae ay nagkaroon din ng pagkakataong maglingkod sa ilalim ng pagtatalaga ng priesthood at magsilbi bilang mga saksi. Habang nakatayo kami sa magkabilang panig ng bautismuhan at naghahanda na lumusong sa tubig, napansin ko na napakasaya niya tulad ko. At naramdaman kong nagkakaisa kami dahil ginawa niya ang tamang desisyon. Dahil sa pagkakataong ito na magamit ang priesthood, kailangan kong maging mas maingat at hindi kaswal sa pamumuhay ko nang ayon sa ebanghelyo. Para makapaghanda, araw-araw akong nagpunta sa templo noong linggong iyon, sinuportahan ako ng aking ina, lola, at kapatid, upang magsagawa ng mga binyag para sa patay.

Maraming naituro sa akin ang karanasang ito tungkol sa priesthood at kung paano ko ito magagamit nang karapat-dapat. Alam ko na maaari ring maramdaman ng lahat ng mayhawak ng priesthood ang naramdaman ko kung susundin natin ang halimbawa ni Nephi na “hahayo at gagawin” (tingnan sa 1 Nephi 3:7). Hindi tayo maaaring tumunganga lang at umasa na gagamitin tayo ng Panginoon sa Kanyang dakilang gawain. Hindi natin dapat hintayin pa na humingi sa atin ang mga taong nangangailangan ng ating tulong; tungkulin natin bilang mga mayhawak ng priesthood na maging mabubuting halimbawa at tumayo bilang mga saksi ng Diyos. Kung gumagawa tayo ng mga desisyon na nakahahadlang sa ating walang hanggang pag-unlad, kailangan nating magbago ngayon. Gagawin ni Satanas ang lahat para manatili ang ating makamundong paghahangad sa mababaw na mga kasiyahan. Ngunit alam ko na kung magsisikap tayo, hahanapin ang mga susuporta sa atin, at magsisisi tayo araw-araw, magiging kamangha-mangha ang ibubungang mga pagpapala at mababago magpakailanman ang ating buhay habang nagpapatuloy tayo sa paglakad sa landas ng tipan.

Alam ko na ito ang totoong Simbahan ni Jesucristo na ating Tagapagligtas at nagkaloob Siya ng mga susi ng priesthood sa Kanyang mga Apostol, na ginagamit ito para gabayan tayo, lalo na sa mahirap na mga araw na ito, at ihanda ang mundo sa Kanyang pagbabalik.

Alam ko na si Joseph Smith ang propeta ng Pagpapanumbalik at si Pangulong Nelson ang ating buhay na propeta ngayon. Inaanyayahan ko tayong lahat na pag-aralan ang buhay ng mga dakilang mayhawak ng priesthood na ito at sikaping pagbutihin ang ating mga sarili araw-araw para maging handa tayo na humarap sa ating Tagapaglikha. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.