Pangkalahatang Kumperensya
Isang Matibay na Pundasyon Laban sa Panahong Darating
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2020


2:3

Isang Matibay na Pundasyon Laban sa Panahong Darating

Sa darating na mga taon, nawa’y tulutan natin ang mga pagbabagong gagawin sa Salt lake Temple na antigin at hikayatin tayo.

Kasaysayan ng Salt Lake Temple

Balikan natin ang isang mainit na hapon noong Hulyo 24, 1847, bandang alas-2:00 n.h. Kasunod ng nakakapagod na 11-araw na paglalakbay namin ng 148 miyembro ng Simbahan na bumuo sa unang grupong nagpa-kanluran, si Brigham Young, na noon ay Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, na maysakit at mataas ang lagnat, ay pumasok sa Salt Lake Valley.

Dalawang araw kalaunan, habang nagpapagaling mula sa kanyang sakit, pinamunuan ni Brigham Young ang ilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol at iba pa sa paggalugad sa lugar. Itinala ni William Clayton: “Mga tatlong-kapat ng isang milya sa hilaga ng kampo, dumating kami sa isang magandang kapatagan, na patag at maayos pababa sa kanluran.”1

Si Brigham Young sa pagtatayuan ng templo
Minamarkahan ni Brigham Young ang lugar na pagtatayuan ng templo
Pagmamarka sa lugar na pagtatayuan ng templo

Habang sinisiyasat ang lugar kasama ang grupo, biglang tumigil si Brigham Young at itinusok ang kanyang tungkod sa lupa, at bumulalas, “Dito itatayo ang Templo ng ating Diyos.” Isa sa mga kasama niya si Elder Wilford Woodruff, na nagsabi na ang pahayag na ito ay “tumimo sa [kanya] na parang kidlat,” at nagsuksok siya ng sanga sa lupa para markahan ang lugar na pinagtusukan ng tungkod ni Pangulong Young. Apatnapung akre (16 na ektarya) ang pinili para sa templo, at napagpasiyahan na dapat iplano ang lungsod “nang perpektong parisukat na may mga kalsada sa Hilaga & Timog, silangan & kanluran” at nasa pinakagitna nito ang templo.2

Sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 1851, nagkaisa ang mga miyembro ng Simbahan sa pagsang-ayon sa isang mungkahi na magtayo ng isang templo “sa pangalan ng Panginoon.”3 Dalawang taon kalaunan, noong Pebrero 14, 1853, inilaan ni Heber C. Kimball ang lugar sa isang pampublikong seremonya na dinaluhan ng libu-libong Banal, at pinasimulan ang pagbubungkal ng lupa (groundbreaking) para sa pundasyon ng Salt Lake Temple. Makalipas ang ilang buwan, noong Abril 6, inilatag ang malalaki at mabibigat na batong panulok ng templo at inilaan sa detalyadong mga seremonya na tinampukan ng mga color guard at banda at ng isang prusisyon na pinangunahan ng mga pinuno ng Simbahan mula sa lumang tabernakulo patungo sa pagtatayuan ng templo, kung saan nag-alay ng mga mensahe at panalangin sa bawat isa sa apat na batong panulok.4

Pundasyon ng Salt Lake Temple
Brigham Young

Sa seremonya ng groundbreaking, ginunita ni Pangulong Young na nakakita siya ng isang pangitain nang una siyang tumapak sa lupang iyon nang siyasatin nila ang lupa sa lambak, na sinasabing, “Nabatid ko [noon] tulad ng pagkabatid ko ngayon, na ito ang lupang pagtatayuan ng templo—malinaw kong nakita iyon.”5

Sampung taon pagkaraan, ibinahagi ni Brigham Young ang sumusunod na kabatiran bilang isang propeta sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1863: “Gusto kong makitang maitayo ang templo sa isang paraan na magtatagal hanggang sa milenyo. Hindi lamang ito ang templong itatayo natin, magkakaroon pa ng daan-daang ganito at ilalaan ang mga iyon sa Panginoon. Ang templong ito ay makikilala bilang unang templong itinayo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa kabundukan. … Gusto kong tumayo ang templong iyon … bilang isang maipagmamalaking bantayog ng pananampalataya, tiyaga at kasipagan ng mga banal ng Diyos sa kabundukan.”6

Ang Salt Lake Temple habang itinatayo
Ang Salt Lake Temple habang itinatayo

Habang pinag-aaralan ang maikling kasaysayang ito, namangha ako sa papel ni Brigham Young bilang tagakita—una, ang pagtiyak niya na, hangga’t maaari at, gamit ang mga pamamaraan ng pagtatayo na mayroon sa panahon at lugar na yaon, itatayo ang Salt Lake Temple sa isang paraan na magtatagal ito sa buong Milenyo at, pangalawa, ang kanyang propesiya tungkol sa pagdami ng itatayong mga templo sa buong mundo, at sinabi pa niyang magkakaroon ng daan-daang ganito.

Renobasyon ng Salt Lake Temple

Tulad ni Brigham Young, pinangangalagaang maigi ng ating propeta ngayon ang Salt Lake Temple at lahat ng iba pang templo. Sa paglipas ng mga taon, pinagbilinan na ng Unang Panguluhan, paminsan-minsan, ang Presiding Bishopric na tiyaking matatag ang pundasyon ng Salt Lake Temple. Noong maglingkod ako sa Presiding Bishopric, sa kahilingan ng Unang Panguluhan, siniyasat namin ang buong pasilidad at istruktura ng Salt Lake Temple, at sinuri din namin ang pinakabagong kaalaman sa seismic design at mga pamamaraan sa pagtatayo.

Heto ang ilang bahagi ng pag-aaral na ibinigay sa Unang Panguluhan noon: “Sa disenyo at konstruksyon ng Salt Lake Temple, ginamit ang pinakamahusay na engineering, mga trabahador, materyales sa konstruksyon, muwebles at iba pang mga materyal na makukuha noon. Simula nang ilaan ito noong 1893, nananatiling matibay na nakatayo ang templo at nagsisilbing tanglaw ng pananampalataya [at] pag-asa at liwanag sa mga tao. Matinding pangangalaga ang ginawa upang magamit, malinis, at mapanatili sa magandang kundisyon ang templo. Maganda ang kundisyon ng granito sa mga dugtungan sa pagitan ng sahig at pader sa labas at loob at ng mga suportang biga. Kinukumpirma ng mga pag-aaral kamakailan na ang lugar na pinili ni Brigham Young para sa templo ay may napakaganda at siksik na lupa.”7

Lumabas sa pag-aaral na kinailangan ang karaniwang mga pagkumpuni at pag-aayos upang mabago at maiakma sa panahon ang templo, kabilang na ang plasa sa labas at bakuran sa palibot nito, mga lipas nang utility system, at bautismuhan. Gayunman, inirekomenda ring magkaroon ng hiwalay at mas komprehensibong seismic upgrade simula sa pundasyon ng templo pataas.

Ang Pundasyon ng Templo

Kung maaalala ninyo, malaki ang bahagi ni Pangulong Brigham Young sa pagtatayo ng pundasyon ng orihinal na templo, na nakapagsilbi nang husto sa templo simula nang matapos ito 127 taon na ang nakararaan. Ang bagong mungkahing seismic upgrade package para sa templo ay gagamit ng base isolation technology, na ni hindi pa naisip noong itinatayo ito. Ito ang itinuturing na pinakabago at pinakamodernong teknolohiya para sa proteksyon sa lindol.

Plano para sa renobasyon ng templo
Plano para sa renobasyon ng templo

Ang teknolohiyang ito, na katutuklas pa lang, ay magsisimula sa pundasyon mismo ng templo, na maglalaan ng matibay na pananggalang laban sa pinsalang dulot ng lindol. Ang mahalaga, patitibayin nito ang istruktura ng templo para manatili itong matatag, kahit lindulin at yanigin pa ang lupa at ang paligid nito.

Ang renobasyong ito ng templo na gagamitan ng teknolohiyang ito ay ipinaalam ng Unang Panguluhan noong nakaraang taon. Sa ilalim ng pamamahala ng Presiding Bishopric, sinimulan na ang konstruksyon ilang buwan pa lang ang nakalilipas, noong Enero 2020. Tinatayang matatapos ito sa loob ng apat na taon.

Pagtiyak na Matibay ang Inyong Personal na Pundasyon

Kapag pinagninilayan ko ang susunod na apat na taon ng mangyayari dito sa maganda, maringal, dakila, at kahanga-hangang Salt Lake Temple, mas nakikinita ko ito bilang isang panahon ng pagpapanibago sa halip na isang panahon ng pagsasara! Sa gayunding paraan, maaari nating itanong sa ating sarili, “Paano tayo mabibigyang-inspirasyon ng malawakang pagpapanibago sa Salt Lake Temple na sumailalim sa sarili nating espirituwal na pagpapanibago, pagpapakabuti, pagsilang na muli, pagpapasiglang muli, o pagpapanumbalik?”

Maaaring makita natin sa masusing pagsusuri sa ating sarili na maaaring makinabang din tayo at ang ating pamilya sa paggawa natin ng ilang kinakailangang espirituwal na paglilinis at renobasyon, maging ng isang seismic upgrade! Maaari nating simulan ang gayong proseso sa pagtatanong ng:

“Ano ba ang hitsura ng aking pundasyon?”

“Ano ang bumubuo sa makapal, matatag, at matibay na mga batong panulok na bahagi ng aking personal na pundasyon, kung saan nakasalig ang aking patotoo?”

“Ano ang mga pangunahing saligan ng aking espirituwal at emosyonal na pagkatao na magtutulot sa akin at sa aking pamilya na manatiling matatag at di-natitinag, at kayanin pa maging ang mga nakayayanig at marahas na pangyayaring tiyak na mangyayari sa aming buhay?”

Ang mga kaganapang ito, na kahalintulad ng lindol, ay kadalasang mahirap mahulaan at dumarating na may iba’t ibang antas ng katindihan—nakikipagbuno sa mga tanong o pagdududa, nahaharap sa pagdurusa o paghihirap, nagpapatulong sa mga lider, miyembro, doktrina, o patakaran ng Simbahan upang mapatawad sa personal na mga kasalanan. Ang pinakamagaling na panlaban sa mga kasinungalingang ito ay nakasalalay sa ating espirituwal na pundasyon.

Ano kaya ang espirituwal na mga batong panulok ng personal na buhay natin at ng ating pamilya? Maaaring ang mga ito ay simple, malinaw, at mahalagang mga alituntunin ng pagsasabuhay ng ebanghelyo—panalangin ng pamilya; pag-aaral ng banal na kasulatan, pati na ng Aklat ni Mormon; pagdalo sa templo; at pag-aaral ng ebanghelyo sa pamamagitan ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin at home evening. Ang iba pang makakatulong na resources para palakasin ang inyong espirituwal na pundasyon ay maaaring kabilangan ng Mga Saligan ng Pananampalataya, ang pagpapahayag tungkol sa mag-anak, at “Ang Buhay na Cristo.”

Para sa akin, ang mga alituntuning kasama sa mga tanong na tinatalakay bilang bahagi ng pagtanggap ng temple recommend ay nagsisilbing matibay na batayan para sa isang espirituwal na pundasyon—lalo na ang unang apat na tanong. Ang tingin ko sa mga ito ay mga espirituwal na mga batong panulok.

Mangyari pa, pamilyar tayo sa mga tanong na ito, dahil isa-isang binasa ito sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson noong nakaraaang pangkalahatang kumperensya.

  1. May pananampalataya at patotoo ka ba sa Diyos Amang Walang Hanggan; sa Kanyang Anak na si Jesucristo; at sa Espiritu Santo?

    Ang Panguluhang Diyos
  2. May patotoo ka ba sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo at sa Kanyang papel na ginagampanan bilang iyong Tagapagligtas at Manunubos?

    Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo
  3. May patotoo ka ba sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo?

    Ang Pagpapanumbalik
  4. Sinasang-ayunan mo ba ang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw bilang propeta, tagakita, at tagapaghayag at bilang nag-iisang tao sa mundo na may karapatang gamitin ang lahat ng susi ng priesthood?8

    Mga Propeta

Nakikita ba ninyo kung paano ninyo maituturing ang mga tanong na ito bilang mahahalagang bahagi ng inyong personal na pundasyon upang tulungan kayong maitayo at mapatibay ito? Nagturo si Pablo sa mga taga-Efeso tungkol sa isang simbahan na “itinatayo sa ibabaw ng kinasasaligan ng mga apostol at ng mga propeta, na si Cristo Jesus din ang pangulong bato sa panulok; na sa kaniya’y ang buong gusali, na nakalapat na mabuti, ay lumalago upang maging isang templong banal sa Panginoon.”9

Ang templo na may matibay na pundasyon

Isa sa mga lubos kong ikinagagalak sa buhay ay ang makilala at mabigyang-inspirasyon ng mga miyembro ng Simbahan sa buong mundo na mga buhay na halimbawa ng pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Sila ay may matibay na personal na mga pundasyon na nagtutulot sa kanila na makayanan ang mga nakayayanig na pangyayari nang may matatag na pang-unawa, sa kabila ng kanilang pighati at pasakit.

Para mas mailarawan ito nang personal, nagsalita ako kamakailan sa burol ng isang maganda at masayahing bata pang maybahay at ina (na kaibigan din ng aming pamilya). Isa siyang determinadong Division 1 soccer player nang makilala niya at makasal sila ng kanyang asawang nag-aaral ng dentistry. Biniyayaan sila ng isang magandang anak na babae na parang matanda na kung mag-isip. Buong tapang niyang nilabanan ang iba’t ibang uri ng kanser sa loob ng anim na taon na puno ng mga hamon. Sa kabila ng di-naglalahong sakit ng damdamin at katawan na kanyang dinanas, nagtiwala siya sa kanyang mapagmahal na Ama sa Langit at madalas banggitin ng kanyang mga tagasubaybay sa social media ang kanyang bantog na kasabihang: “Alam ng Diyos ang bawat detalye ng ating buhay.”

Sa isa sa kanyang mga social media post, isinulat niya na may nagtanong sa kanya ng, “Paano mo pa nagagawang manampalataya sa kabila ng lahat ng pighating nararanasan mo?” Matatag siyang sumagot nang ganito: “Kasi pananampalataya ang nakakatulong sa akin na malagpasan ang mga paghihirap na ito. Ang pagkakaroon ng pananampalataya ay hindi nangangahulugan na walang mangyayaring masama. Ang pagkakaroon ng pananampalataya ay tinutulutan akong maniwala na magkakaroong muli ng liwanag. At ang liwanag na iyon ay mas magliliwanag pa dahil namuhay ako sa kadiliman. Bagama’t nasaksihan ko ang maraming kadiliman sa paglipas ng mga taon, mas marami ang liwanag na nasaksihan ko. Nakakita ako ng mga himala. Nakaramdam ako ng mga anghel. Nalaman ko na pinalalakas ako ng aking Ama sa Langit. Hindi ko mararanasan ang alinman sa mga iyon kung naging madali ang buhay. Ang hinaharap ng buhay na ito ay maaaring hindi nababatid, ngunit hindi ang pananampalataya ko. Kung pinipili kong huwag manampalataya, pinipili kong mamuhay lamang sa kadiliman. Dahil kung walang pananampalataya, kadiliman lamang ang natitira.”10

Ang kanyang matatag na patotoo tungkol sa pagsampalataya sa Panginoong Jesucristo—sa kanyang mga salita at gawa—ay inspirasyon para sa iba. Kahit mahina ang kanyang katawan, hinikayat niya ang iba na maging mas malakas.

Naiisip ko ang napakaraming iba pang miyembro ng Simbahan, mga mandirigmang tulad ng kapatid na ito, na namumuhay bawat araw nang may pananampalataya, nagsisikap na maging tapat at matapang na mga disipulo ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Natututo sila tungkol kay Cristo. Nangangaral sila tungkol kay Cristo. Nagsisikap silang tularan Siya. Matatag man o mabuway ang mga araw ng kanilang buhay, matibay at di-natitinag ang kanilang espirituwal na pundasyon.

Sila ang matatapat na taong nakauunawa sa malalim na kahulugan ng mga titik sa “Saligang kaytibay, mga Banal ng Diyos” at “sa [Tagapagligtas] umaasa, Sa Kanya’y ligtas at ’di na mawawalay.”11 Napakalaki ng pasasalamat ko na makasama ang mga taong nakapaghanda ng isang espirituwal na pundasyon na karapat-dapat tawaging Mga Banal at sapat ang lakas at katatagan na kayanin ang maraming paghihirap sa buhay.

Palagay ko hindi lalabis ang ating pagsasaad sa kahalagahan ng gayong matibay na pundasyon sa ating personal na buhay. Kahit sa murang edad, may natututuhan ang ating mga batang Primary kapag inaawit nila ang katotohanang ito mismo:

Ang taong matalino’y nagtayo ng [bahay] sa ibabaw ng bato,

At bumuhos ang ulan. …

Nang umulan ay biglang bumaha,

Ang bahay sa bato nanatiling nakatayo.12

Pinagtitibay ng banal na kasulatan ang batayang doktrinang ito. Itinuro ng Tagapagligtas sa mga tao sa mga lupain ng Amerika:

“At kung lagi ninyong gagawin ang mga bagay na ito ay pinagpala kayo, sapagkat kayo ay nakatayo sa aking bato.

“Ngunit sinuman sa inyo ang gagawa ng labis o kulang kaysa rito ay hindi nakatayo sa aking bato, kundi nakatayo sa saligang buhangin; at kapag bumuhos ang ulan, at ang mga baha ay dumating, at ang hangin ay umihip, at humampas sa kanila, sila ay babagsak.”13

Taimitim na inaaasam ng mga pinuno ng Simbahan na malaki ang maitulong ng malawakang renobasyon ng Salt lake Temple sa katuparan ng hangarin ni Brigham Young na “maitayo ang templo sa isang paraan na magtatagal hanggang sa milenyo.” Sa darating na mga taon, nawa’y tulutan natin ang mga pagbabagong gagawin sa Salt lake Temple na antigin at hikayatin tayo, bilang mga indibiduwal at pamilya, upang tayo man—kahalintulad nito—ay “maitayo sa isang paraan na magtatagal hanggang sa milenyo.”

Magagawa natin ito kapag tinupad natin ang utos ni Apostol Pablo na “[magtipon] sa [ating] sarili ng isang mabuting kinasasaligan para sa panahong darating, upang [tayo’y] makapanangan sa buhay na [walang hanggan].”14 Taimtim kong dalangin na maging tunay at matibay ang ating espirituwal na pundasyon, na maging sarili nating pangulong bato sa panulok ang ating patotoo tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo at sa Kanyang papel bilang ating Tagapagligtas at Manunubos, na siya kong pinatototohanan sa Kanyang pangalan, maging si Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. William Clayton journal, Hulyo 26, 1847, Church History Library, Salt Lake City.

  2. Tingnan sa “At the Tabernacle, Presidents Woodruff and Smith Address the Saints Yesterday Afternoon,” Deseret Evening News, Ago. 30, 1897, 5; “Pioneers’ Day,” Deseret Evening News, Hulyo 26, 1880, 2; Wilford Woodruff journal, Hulyo 28, 1847, Church History Library, Salt Lake City.

  3. “Minutes of the General Conference of the Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, held at Great Salt Lake City, State of Deseret, April 6, 1851,” Deseret News, Abr. 19, 1851, 241.

  4. Tingnan sa “The Temple,” Deseret News, Peb. 19, 1853, 130; “Minutes of the General Conference,” Deseret News, Abr. 16, 1853, 146; “Minutes of the General Conference,” Deseret News, Abr. 30, 1853, 150.

  5. “Address by President Brigham Young,” Millennial Star, Abr. 22, 1854, 241.

  6. “Remarks by President Brigham Young,” Deseret News, Okt. 14, 1863, 97.

  7. Paglalahad ng Presiding Bishopric sa Unang Panguluhan tungkol sa Salt Lake Temple, Okt. 2015.

  8. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Pangwakas na Mensahe,” Liahona, Nob. 2019, 121.

  9. Mga Taga Efeso 2:20–21.

  10. Social media post ni Kim Olsen White.

  11. “Saligang Kaytibay,” Mga Himno, blg. 47.

  12. “Ang Matalino at ang Hangal,” Aklat ng mga Awit Pambata, 132; inalis ang pagbibigay-diin sa orihinal sa pagkakataong ito.

  13. 3 Nephi 18:12–13; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  14. I Kay Timoteo 6:19; idinagdag ang pagbibigay-diin.