Pangkalahatang Kumperensya
Mga Panalangin nang May Pananampalataya
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2020


2:3

Mga Panalangin nang May Pananampalataya

Kapag nagdarasal tayo nang may pananampalataya, nagiging mahalagang bahagi tayo sa gawain ng Panginoon habang inihahanda Niya ang mundo para sa Kanyang Ikalawang Pagparito.

Nasagot ang panalangin ni Elder Maynes sa simula ng unang sesyong ito ng pangkalahatang kumperensya. Dumating na sa amin ang inspirasyon sa pamamagitan ng magagandang mensahe at magandang musika. Unti-unti nang natutupad ang pangako ni Pangulong Russell M. Nelson na hindi malilimutan ang kumperensyang ito.

Itinalaga na ni Pangulong Nelson ang taong ito bilang “bicentennial period na gumugunita sa 200 taon mula nang magpakita ang Diyos Ama at ang Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo kay Joseph Smith sa isang pangitain.” Inanyayahan tayo ni Pangulong Nelson na gumawa ng personal na plano na ihanda ang ating sarili para sa makasaysayang kumperensyang ito, na sinabi niyang magiging isang paggunita na “hindi inaasahan sa kasaysayan ng Simbahan, at ang inyong bahagi ay mahalaga.”1

Tulad ko, marahil ay narinig ninyo ang kanyang mensahe at itinanong ninyo sa sarili, “Sa anong paraan mahalaga ang aking bahagi?” Marahil ay nabasa at ipinagdasal ninyo ang mga naganap sa Pagpapanumbalik. Marahil, higit kaysa rati, nabasa ninyo ang mga salaysay tungkol sa ilang pagkakataong iyon na ipinakilala ng Diyos Ama ang Kanyang Pinakamamahal na Anak. Marahil ay nabasa ninyo ang mga pagkakataon na nagsalita ang Tagapagligtas sa mga anak ng ating Ama sa Langit. Alam ko na ginawa ko ang lahat ng iyon at iba pa.

Nakahanap ako ng mga reperensya sa aking pagbabasa tungkol sa priesthood ng Diyos at sa pagbubukas ng dispensasyon. Napakumbaba ako nang matanto ko na ang paghahanda ko para sa kumperensyang ito ay hindi inaasahan sa aking personal na kasaysayan. Nakadama ako ng mga pagbabago sa puso ko. Nakadama ako ng panibagong pagpapasalamat. Napuspos ako ng galak sa pagkakataong maanyayahan na makibahagi sa pagdiriwang na ito ng patuloy na Pagpapanumbalik.

Iniisip ko na, dahil sa maingat na paghahanda, mas masaya, mas maganda ang pananaw, at mas determinado ang iba na maglingkod kung saan sila kailangan ng Panginoon.

Ang mga pambihirang kaganapang pinararangalan natin ay ang simula ng ipinropesiyang huling dispensasyon, kung saan inihahanda ng Panginoon ang Kanyang Simbahan at Kanyang mga tao, yaong mga maytaglay ng Kanyang pangalan, na tanggapin Siya. Bilang bahagi ng ating paghahanda para sa Kanyang pagdating, susuportahan Niya ang bawat isa sa atin sa pagharap sa espirituwal na mga hamon at oportunidad na walang katulad sa anumang nakita na sa kasaysayan ng mundong ito.

Noong Setyembre 1840, ipinahayag ni Propetang Joseph Smith at ng kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan ang sumusunod: “Ang gawain ng Panginoon sa mga huling araw na ito, ay napakalawak at hindi kayang unawain ng mga mortal. Ang mga kaluwalhatian nito ay di sukat mailarawan, at ang karingalan ay di mapapantayan. Ito ang paksang ikinintal sa damdamin ng mga propeta at matwid na mga tao mula pa nang likhain ang daigdig hanggang sa bawat nagdaang henerasyon at hanggang sa kasalukuyan; at tunay ngang ito ang dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon, kung kailan ang lahat ng bagay na na kay Cristo Jesus, sa langit man o sa lupa, ay sama-samang titipunin sa Kanya, at kung kailan ang lahat ng bagay ay ipanunumbalik, na sinalita ng mga banal na propeta mula pa sa simula ng daigdig; sapagkat magaganap dito ang maluwalhating katuparan ng mga pangakong ginawa sa mga ama, habang ang mga pagpapakita ng kapangyarihan ng Kataas-taasan ay magiging dakila, maluwalhati, at banal.”

Sinabi pa nila: “Ipinasiya naming magpatuloy at pag-isahin ang aming lakas para sa pagtatayo ng Kaharian, at pagtatatag ng Priesthood sa kanilang kaganapan at kaluwalhatian. Ang gawaing dapat isakatuparan sa mga huling araw ay napakahalaga, at kakailanganin nito ang lakas, kasanayan, talento, at kakayahan ng mga Banal, nang sa gayon ito ay lumaganap taglay ang kaluwalhatian at karingalang inilarawan ng propeta[ng si Daniel] [tingnan sa Daniel 2:34–35, 44–45]; at samakatuwid ay kailangang pag-ukulan ng pansin ng mga Banal, upang maisagawa ang mga gawaing gayon kalawak at karingal.”2

Hindi pa inihahayag ang marami sa mga detalye ng gagawin natin at kung kailan natin ito gagawin sa patuloy na Pagpapanumbalik. Subalit alam ng Unang Panguluhan kahit noong mga unang panahong iyon ang ilan sa lawak at lalim ng gawain ng Panginoon na nasa ating harapan. Narito ang ilang halimbawa ng alam naming magaganap:

Sa pamamagitan ng Kanyang mga Banal, ibibigay ng Panginoon ang kaloob na Kanyang ebanghelyo “sa bawat bansa, lahi, wika, at tao.”3 Patuloy na magkakaroon ng bahagi ang teknolohiya at mga himala—gayon din ang indibiduwal na “mga mamamalakaya ng mga tao”4 na naglilingkod nang may kapangyarihan at lumalagong pananampalataya.

Tayo bilang mga tao ay mas magkakaisa sa gitna ng tumitinding kaguluhan. Tayo ay titipunin sa espirituwal na lakas ng mga grupo at pamilya na puspos ng liwanag ng ebanghelyo.

Kahit ang isang mundong walang pananalig ay kikilalanin ang Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at matatanto ang kapangyarihan ng Diyos doon. Ang matatapat at matatapang na disipulo ay walang-takot, mapagkumbaba, at hayagang tataglayin sa kanilang sarili ang pangalan ni Cristo sa kanilang pang-araw-araw na buhay.

Paano makakalahok, kung gayon, ang bawat isa sa atin sa gawaing ito na gayon kalawak at karingal? Itinuro na sa atin ni Pangulong Nelson kung paano mapapalakas ang espirituwal na kapangyarihan. Kapag itinuring nating masayang pagkakataon ang pagsisisi dahil sa ating lumalagong pananampalataya na si Jesus ang Cristo, kapag naunawaan natin at nanalig tayo na naririnig ng Ama sa Langit ang ating bawat dalangin, kapag sinikap nating sundin at ipamuhay ang mga kautusan, madaragdagan ang ating kakayahang tumanggap ng patuloy na paghahayag. Maaari nating makasama ang Espiritu Santo sa tuwina. Mananatili sa atin ang damdamin ng kaliwanagan kahit magdilim pa ang mundong ginagalawan natin.

Si Joseph Smith ay isang halimbawa ng kung paano mapalalago ang gayong espirituwal na lakas. Ipinakita niya sa atin na ang pananalangin nang may pananampalataya ang susi sa paghahayag mula sa Diyos. Nanalangin siya nang may pananampalataya, na naniniwala na sasagutin ng Diyos Ama ang kanyang panalangin. Nanalangin siya nang may pananampalataya, na naniniwala na sa pamamagitan lamang ni Jesucristo siya maaaring lumaya mula sa mga kasalanang kanyang nagawa. At nanalangin siya nang may pananampalataya, na naniniwala na kailangan niyang hanapin ang totoong Simbahan ni Jesucristo upang matamo ang kapatawarang iyon.

Sa buong ministeryo ng propeta, gumamit si Joseph Smith ng mga panalangin nang may pananampalataya upang magtamo ng patuloy na paghahayag. Habang nahaharap tayo sa mga hamon ngayon at sa mga darating pa, kakailanganin din nating gawin ang kanyang ginawa. Sabi ni Pangulong Brigham Young, “Wala akong alam na iba pang paraan para sa mga Banal sa mga Huling Araw maliban sa patuloy na manalangin sa ating puso’t isipan na gabayan at patnubayan ng Diyos ang kanyang mga tao.”5

Ang mga salitang ito mula sa panalangin sa sakramento kung gayon ay dapat ilarawan sa ating pang-araw-araw na buhay: “Lagi siyang alalahanin.” Ang “siya” ay tumutukoy kay Jesucristo. Ang sumunod na mga salita, “at susundin ang kanyang mga kautusan,” ay nagpapahiwatig kung ano ang kahulugan sa atin ng alalahanin Siya.6 Kapag lagi nating aalalahanin si Jesucristo, maaari nating itanong sa tahimik na panalangin, “Ano ang nais Niyang ipagawa sa akin?”

Ang gayong panalangin, na inialay nang may pananampalataya kay Jesucristo, ang nagpasimula sa huling dispensasyong ito. At ito ang magiging pinakamahalagang bahaging gagampanan ng bawat isa sa atin sa patuloy na pagpapanumbalik na ito. Nakakita ako, tulad ninyo, ng kahanga-hangang mga halimbawa ng gayong panalangin.

Una ay si Joseph Smith. Itinanong niya nang may simpleng pananampalataya kung ano ang nais ipagawa sa kanya ng Panginoon. Ang Kanyang sagot ay nagpabago sa kasaysayan ng mundo.

Para sa akin, isang mahalagang aral ang nagmula sa tugon ni Joseph sa pag-atake ni Satanas nang lumuhod si Joseph para manalangin.

Alam ko mula sa aking karanasan na sinisikap ni Satanas at ng kanyang mga kampon na ipadama sa atin na hindi tayo dapat manalangin. Nang gawin ni Joseph Smith ang lahat ng makakaya niya sa pagsamo sa Diyos na iligtas siya mula sa kapangyarihang nagtangkang gapusin siya, tinugon ang paghingi niya ng tulong at nagpakita ang Ama sa Langit at si Jesucristo.

Napakatindi ng pagtatangka ni Satanas na hadlangan ang pagsisimula ng Pagpapanumbalik dahil napakahalaga ng panalangin ni Joseph. Tayo ay magkakaroon ng mas maliliit na bahaging gagampanan sa patuloy na Pagpapanumbalik. Subalit sisikapin ng kaaway ng Pagpapanumbalik na pigilan tayo sa pagdarasal. Ang halimbawa ng pananampalataya at determinasyon ni Joseph ay maaaring magpalakas sa ating determinasyon. Isa ito sa maraming dahilan kaya kasama sa aking mga dalangin ang pasasalamat sa Ama sa Langit para kay Propetang Joseph.

Si Enos sa Aklat ni Mormon ay isa pang huwaran para sa aking panalangin nang may pananampalataya habang sinisikap kong gampanan ang aking bahagi sa patuloy na Pagpapanumbalik. Anuman ang magiging bahagi ninyo, maaari ninyo siyang ituring na personal ninyong guro.

Tulad ni Joseph, nanalangin si Enos nang may pananampalataya. Inilarawan niya ang kanyang karanasan nang ganito:

“At ang aking kaluluwa ay nagutom; at ako ay lumuhod sa harapan ng aking Lumikha, at ako ay nagsumamo sa kanya sa mataimtim na panalangin at hinaing para sa aking sariling kaluluwa; at sa buong araw ako ay nagsumamo sa kanya; oo, at nang dumating ang gabi ay inilakas ko pa ang aking tinig sa kaitaasan kung kayaʼt iyon ay nakarating sa kalangitan.

“At doon ay nangusap ang isang tinig sa akin, sinasabing: Enos, ang iyong mga kasalanan ay pinatatawad na, at ikaw ay pagpapalain.

“At ako, si Enos, nalalaman na ang Diyos ay hindi makapagsisinungaling, kaya nga, ang aking pagkakasala ay napalis.

“At aking sinabi: Panginoon, paano ito nangyari?

“At sinabi niya sa akin: Dahil sa iyong pananampalataya kay Cristo, na hindi mo pa kailanman narinig o nakita. At maraming taon ang lilipas bago niya ipakikita ang kanyang sarili sa laman; samakatwid humayo ka, ang iyong pananampalataya ang nagpagaling sa iyo.”7

Ang aral na nagpala sa akin ay ang mga salitang ito: “Dahil sa iyong pananampalataya kay Cristo, na hindi mo pa kailanman narinig o nakita.”

May pananampalataya si Joseph kay Cristo kaya pumunta siya sa kakahuyan at nanalangin din para makawala sa mga kapangyarihan ni Satanas. Hindi pa niya nakita ang Ama at ang Anak, pero nanalangin siya nang may pananampalataya nang buong lakas ng kanyang puso.

Ang karanasan ni Enos ay nagturo din sa akin ng mahalagang aral na iyon. Kapag nagdarasal ako nang may pananampalataya, ang Tagapagligtas ang aking tagapamagitan sa Ama at nadarama ko na nakakarating sa langit ang aking panalangin. Dumarating ang mga sagot. Natatanggap ang mga pagpapala: May kapayapaan at kagalakan maging sa mga panahon ng paghihirap.

Naaalala ko, bilang pinakabagong miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, nang lumuhod ako sa panalangin kasama si Elder David B. Haight. Ang edad niya noon ang edad ko ngayon, na may mga hamon na nararanasan ko mismo ngayon. Naaalala ko ang tinig niya nang siya ay manalangin. Hindi ako nagmulat ng mata para tumingin, pero sa pandinig ko ay parang nakangiti siya. Kinausap niya ang Ama sa Langit nang may galak sa tinig niya.

Naririnig ko sa aking isipan ang kaligayahan niya nang sabihin niyang, “Sa pangalan ni Jesucristo.” Ang dinig ko ay parang nadama ni Elder Haight na pinagtitibay ng Tagapagligtas sa sandaling iyon ang panalanging isinamo niya sa Ama. At natiyak ko na tatanggapin iyon nang may ngiti.

Madaragdagan ang kakayahan nating gumawa ng mahalagang kontribusyon sa kahanga-hangang patuloy na Pagpapanumbalik habang lumalakas ang ating pananampalataya kay Jesucristo bilang ating Tagapagligtas at sa ating Ama sa Langit bilang ating mapagmahal na Ama. Kapag nananalangin tayo nang may pananampalataya, nagiging mahalagang bahagi tayo sa gawain ng Panginoon habang inihahanda Niya ang mundo para sa Kanyang Ikalawang Pagparito. Dalangin ko na makasumpong tayong lahat ng galak sa paggawa ng gawaing ipinagagawa Niya sa bawat isa sa atin.

Pinatototohanan ko na si Jesucristo ay buhay. Ito ang Kanyang Simbahan at kaharian sa lupa. Si Joseph Smith ang propeta ng Pagpapanumbalik. Si Pangulong Russell M. Nelson ang propeta ng Panginoon sa lupa ngayon. Hawak niya ang lahat ng susi ng priesthood sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.