Pangkalahatang Kumperensya
Isang Buhay na Saksi ng Buhay na Cristo
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2020


2:3

Isang Buhay na Saksi ng Buhay na Cristo

Ang pinakamahalagang mensahe ng Aklat ni Mormon ay ang ipanumbalik ang totoong kaalaman tungkol sa mahalagang papel ni Jesucristo sa kaligtasan at kadakilaan ng sangkatauhan.

Isang araw ng tagsibol noong 2017, maayos ang takbo ng open house para sa Paris France Temple nang lapitan ng isang malungkot na lalaki ang isa sa mga tour guide. Sinabi niyang nakatira siya sa tabi ng templo at inamin na talagang tutol siya sa pagtatayo nito. Ikinuwento niya na isang araw habang nakadungaw siya sa bintana ng kanyang apartment, minasdan niyang ibaba ng isang malaking crane ang estatuwa ni Jesus mula sa kalangitan at dahan-dahan itong inilapag sa bakuran ng templo. Ipinahayag ng lalaking ito na lubusang binago ng karanasang ito ang kanyang damdamin tungkol sa ating Simbahan. Natanto niya na mga tagasunod tayo ni Jesucristo at humingi ng kapatawaran sa maaaring naidulot niyang kasiraan noon.

Inilalapag ang estatuwa sa Paris France Temple

Ang estatuwa ng Christus, na nakapalamuti sa bakuran ng Paris Temple at ang iba pang mga pag-aari ng Simbahan, ay nagpapatotoo sa ating pagmamahal sa Tagapagligtas. Ang orihinal na marmol na estatuwa ay gawa ng Danish artist na si Bertel Thorvaldsen, na nililok ito noong 1820—na siya ring taon ng Unang Pangitain. Ang estatuwa ay malaking kabaligtaran ng karamihan sa mga gawa ng mga artist sa panahong iyon, na karamihan ay ipinapakita ang pagdurusa ni Cristo sa krus. Itinatanghal ng gawa ni Thorvaldsen ang buhay na Cristo, na nagtagumpay laban sa kamatayan at bukas ang mga bisig na nag-aanyaya sa ating lahat na lumapit sa Kanya. Tanging ang mga bakas ng pako sa Kanyang mga kamay at paa at ang sugat sa Kanyang tagiliran ang nagpapatotoo sa di-mailarawang pagdurusang tiniis Niya upang iligtas ang buong sangkatauhan.

Ang kamay ng Tagapagligtas ayon sa ipinapakita sa Christus

Marahil ang isang dahilan kung bakit mahal nating mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang estatuwang ito ay dahil ipinaaalala nito sa atin ang paglalarawang ibinigay sa Aklat ni Mormon tungkol sa pagpapakita ng Tagapagligtas sa kontinente ng Amerika:

Dinalaw ni Jesucristo ang mga lupain ng Amerika

“At masdan, nakita nila ang isang Lalaking bumababa mula sa langit; at siya ay nabibihisan ng isang maputing bata; at siya ay bumaba at tumayo sa gitna nila. …

“At ito ay nangyari na, na iniunat niya ang kanyang kamay at nangusap sa mga tao, sinasabing:

“Masdan, ako si Jesucristo, …

“… Ako ay uminom sa mapait na sarong ibinigay ng Ama sa akin, at niluwalhati ang Ama sa pagdadala ko ng mga kasalanan ng sanlibutan.”1

Pagkatapos ay inanyayahan Niya ang bawat lalaki, babae, at bata na lumapit at isuksok ang kanilang mga kamay sa Kanyang tagiliran at damhin ang mga bakas ng mga pako sa Kanyang mga kamay at paa, sa gayo’y makatanggap sila ng personal na pagsaksi na Siya nga ang pinakahihintay na Mesiyas.2

Ang dakilang tagpong ito ang pinakamahalagang eksena sa Aklat ni Mormon. Ang buong “mabuting balita” ng ebanghelyo ay nasa imaheng ito ng Tagapagligtas na magiliw na iniuunat ang Kanyang “mga bisig ng awa”3 para anyayahan ang bawat tao na lumapit sa Kanya at tumanggap ng mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala.

Ang pinakamahalagang mensahe ng Aklat ni Mormon ay ang ipanumbalik ang totoong kaalaman tungkol sa mahalagang papel ni Jesucristo sa kaligtasan at kadakilaan ng sangkatauhan. Ang temang ito ay umaalingawngaw mula sa pambungad na pahina hanggang sa pinakahuling mga salita ng huling kabanata. Sa mga siglo ng apostasiya at espirituwal na kalituhan, ang mas malalim na kahulugan ng ginawa ni Cristo sa Gethsemane at sa Golgotha ay nawala o nasira. Tuwang-tuwa siguro si Joseph Smith nang, habang isinasalin niya ang 1 Nephi, ay natuklasan niya ang kagila-gilalas na pangakong ito: “Ang mga huling talaang ito [ang Aklat ni Mormon] … ang magpapatibay sa katotohanan ng una [ang Biblia] … at ipaaalam ang malilinaw at mahahalagang bagay na inalis sa mga yaon; at ipaaalam sa lahat ng lahi, wika, at tao, na ang Kordero ng Diyos ang Anak ng Amang Walang Hanggan, at ang Tagapagligtas ng sanlibutan; at na ang lahat ng tao ay kinakailangang lumapit sa kanya, o sila ay hindi maaaring maligtas.”4

Ang malilinaw at mahahalagang katotohanan tungkol sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay matatagpuan sa buong Aklat ni Mormon. Habang inililista ko ang ilan sa mga katotohanang ito, inaanyayahan ko kayong pagnilayan kung paano nito nabago o mababago ang inyong buhay.

  1. Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay isang libreng regalong inalok sa lahat ng nabuhay, nabubuhay, at mabubuhay sa mundo.5

  2. Bukod pa sa pagpasan sa bigat ng ating mga kasalanan, inako ng Cristo sa Kanyang Sarili ang ating mga pighati, sakit, pagdurusa, at karamdaman, at lahat ng paghihirap na kaakibat ng pagiging mortal ng tao. Walang paghihirap, sakit o kalungkutan na hindi Niya pinagdusahan para sa atin.6

  3. Dahil sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas, nadaraig natin ang mga negatibong bunga ng Pagkahulog ni Adan, pati na ang pisikal na kamatayan. Dahil kay Cristo, lahat ng anak ng Diyos na isinilang dito sa lupa, gaano man sila kabuti, ay mararanasan ang muling pagsasama ng kanilang espiritu at katawan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Pagkabuhay na Mag-uli7 at babalik sa Kanya upang “[ma]hatulan … alinsunod sa [kanilang] mga gawa.”8

  4. Sa kabilang dako, ang pagtanggap ng buong pagpapala ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay batay sa ating kasigasigan9 sa pamumuhay ng “doktrina ni Cristo.”10 Sa kanyang panaginip, nakita ni Lehi ang “makipot at makitid na landas”11 na patungo sa punungkahoy ng buhay. Ang bunga nito, na sumasagisag sa pagmamahal ng Diyos na ipinahayag sa katangi-tanging mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ni Cristo, ang “pinakamahalaga at pinakakanais-nais … [at] pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos.”12 Upang makuha ang bunga na ito, kailangan nating manampalataya kay Jesucristo, magsisi, “makinig sa salita ng Diyos,”13 tumanggap ng mahahalagang ordenansa, at tumupad ng mga sagradong tipan hanggang sa huling sandali ng ating buhay.14

  5. Sa Kanyang Pagbabayad-sala, hindi lamang hinuhugasan ni Jesucristo ang ating mga kasalanan, kundi nagbibigay rin Siya ng kapangyarihang nagbibigay-kakayahan na nagiging daan upang ang Kanyang mga disipulo ay “[mahubad] ang likas na tao,”15 umunlad nang “taludtod sa taludtod,”16 at maragdagan ang kabanalan17 upang balang araw ay maging perpektong mga nilalang sila sa larawan ni Cristo,18 marapat na muling makapiling ang Diyos19 at manahin ang lahat ng pagpapala ng kaharian ng langit.20

Ang isa pang nakapapanatag na katotohanang nasa Aklat ni Mormon ay na, bagama’t walang katapusan at pangkalahatan ang saklaw nito, ang Pagbabayad-sala ng Panginoon ay isang kamangha-manghang personal at magiliw na kaloob, na akma para sa bawat isa sa atin.21 Tulad noong anyayahan ni Jesus ang bawat isa sa mga disipulong Nephita na damhin ang Kanyang mga sugat, namatay Siya para sa bawat isa sa atin, sa personal na paraan, na para bang ikaw o ako lamang ang tao sa mundo. Ipinaaabot Niya sa atin ang personal na paanyaya na lumapit sa Kanya at humugot sa kagila-gilalas na mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala.22

Ang personal na katangian ng Pagbabayad-sala ni Cristo ay lalong nagiging tunay kapag isinasaalang-alang natin ang mga halimbawa ng pambihirang kalalakihan at kababaihan sa Aklat ni Mormon. Kabilang sa kanila sina Enos, Alma, Zisrom, Haring Lamoni at ang kanyang asawa, at ang mga tao ni Haring Benjamin. Ang mga kuwento ng kanilang pagbabalik-loob at masisiglang patotoo ay buhay na saksi kung paano maaaring mabago ang ating puso at ating buhay dahil sa walang-katapusang kabutihan at awa ng Panginoon.23

Itinanong ni propetang Alma sa kanyang mga tao ang maalab na tanong na ito. Sabi niya, “Kung inyo nang naranasan ang pagbabago ng puso, at kung inyo nang nadama ang umawit ng awit ng mapagtubos na pag-ibig, itinatanong ko, nadarama ba ninyo ang gayon ngayon?”24 Mahalaga ang tanong na ito ngayon, dahil bilang mga disipulo ng Panginoon, kailangan natin ang Kanyang mapagtubos na kapangyarihan upang samahan tayo, hikayatin tayo, at baguhin tayo sa bawat araw.

Maaari ding itanong ang tanong ni Alma nang ganito: kailan ninyo huling nadama ang magiliw na impluwensya ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa inyong buhay? Nangyayari ito kapag nadarama ninyo ang “kasing-ganda at kasing-tamis” na kagalakan25 na nagpapatotoo sa inyong kaluluwa na ang inyong mga kasalanan ay napatawad; o kapag ang mahihirap na pagsubok ay biglang mas magaan nang pasanin; o kapag lumambot ang inyong puso at kaya na ninyong patawarin ang isang taong nakasakit sa inyo. O maaaring tuwing napapansin ninyo na naragdagan ang kakayahan ninyong magmahal at maglingkod sa iba o na ginagawa kayong ibang tao ng proseso ng pagpapabanal, na nakaayon sa huwaran ng Tagapagligtas.26

Pinatototohanan ko na lahat ng karanasang ito ay tunay at mga katibayan na ang buhay ay maaaring mabago sa pamamagitan ng pagsampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Nililinaw at pinalalawak ng Aklat ni Mormon ang ating kaalaman tungkol sa pambihirang kaloob na ito. Habang pinag-aaralan ninyo ang aklat na ito, maririnig ninyo ang tinig ni Cristo na nag-aanyaya sa inyo na lumapit sa Kanya. Ipinapangako ko na kung tatanggapin ninyo ang paanyayang ito at itutulad ang inyong buhay sa Kanyang halimbawa, darating ang Kanyang mapagtubos na impluwensya sa inyong buhay. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, babaguhin kayo ng Tagapagligtas sa araw-araw “hanggang sa ganap na araw”27 na, tulad ng ipinahayag Niya, inyong, “makikita ang aking mukha at malalaman na ako nga.”28 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.