Pangkalahatang Kumperensya
Nagkakaisa sa Pagsasakatuparan ng Gawain ng Diyos
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2020


2:3

Nagkakaisa sa Pagsasakatuparan ng Gawain ng Diyos

Ang pinaka-epektibong paraan para matamo natin ang ating banal na potensyal ay magtulungan, nang may basbas ng kapangyarihan at awtoridad ng priesthood.

Kahanga-hanga kong mga kapatid, nagagalak akong makasama kayo. Saan man kayo nakikinig, ipinaaabot ko ang aking mga yakap sa aking mga kapatid na babae at marubdob na pakikipagkamay sa mga kapatid na lalaki. Nagkakaisa tayo sa gawain ng Panginoon.

Kapag iniisip natin ang tungkol kina Adan at Eva, madalas ang unang pumapasok sa isip natin ay ang kanilang tila perpektong buhay sa Halamanan ng Eden. Naiisip ko na palaging maganda ang klima roon—hindi masyadong mainit at hindi rin masyadong malamig—at sagana ang masasarap na prutas at gulay sa paligid kaya maaari silang kumain kailanman nila naisin. Dahil bago ang mundong ito para sa kanila, marami silang maaaring matuklasan, kaya ang bawat araw ay kapana-panabik habang nakikisalamuha sila sa mga hayop at nililibot nila ang kanilang magandang kapaligiran. Binigyan din sila ng mga kautusan na susundin at mayroon silang iba’t ibang paraan ng pagtugon sa mga tagubiling iyon, na nagbunga ng bahagyang pagkabalisa at pagkalito sa una. 1 Ngunit sa paggawa nila ng mga pasiya na nagpabago sa kanilang mga buhay magpakailanman, natutuhan nilang magtulungan at magkaisa sa pagsasakatuparan ng mga layunin ng Diyos para sa kanila—at para sa lahat ng Kanyang anak.

Ngayon, isipin ang naging buhay ng mag-asawang ito sa lupa. Kinailangan nilang magtrabaho para sa kanilang pagkain, ang tingin sa kanila ng ilan sa mga hayop ay pagkain, at nakaranas sila ng mahihirap na hamon na malalagpasan lamang kapag nagsanggunian at nagdasal sila nang magkasama. Siguro mayroong ilang pagkakataon na magkaiba ang kanilang opinyon tungkol sa kung paano haharapin ang mga hamong iyon. Gayunman, sa pamamagitan ng Pagkahulog, natutuhan nila na mahalagang kumilos nang may pagkakaisa at pagmamahal. Sa pagtuturo at pagsasanay sa kanila ng Diyos, itinuro sa kanila ang plano ng kaligtasan at ang mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo na nagpapagana sa planong ito. Dahil naunawaan nila na iisa ang kanilang layunin sa mundo at sa kawalang-hanggan, nakahanap sila ng kaluguran at tagumpay sa pagkatuto na gumawa nang may pagmamahal at kabutihan nang magkasama.

tinuturuan nina Adan at Eva ang kanilang mga anak

Nang magkaroon sila ng mga anak, itinuro nina Adan at Eva sa kanilang pamilya ang mga natutuhan nila mula sa mga banal na sugo. Nagtuon sila sa pagtulong sa kanilang mga anak na maunawaan din at matanggap ang mga alituntuning iyon na magpapasaya sa kanila sa buhay na ito, at na maghahanda rin sa kanila na makabalik sa kanilang mga magulang sa langit matapos dagdagan ang kanilang mga kakayahan at patunayan ang kanilang pagkamasunurin sa Diyos. Sa prosesong ito, natutuhan nina Adan at Eva na pahalagahan ang kanilang magkaibang mga kalakasan at sinuportahan nila ang isa’t isa sa kanilang mahalagang gawain na pang-walang-hanggan. 2

Sa paglipas ng daan-daan at pagkatapos ay libu-libong taon, ang pagiging malinaw ng inspirado at magkaugnay na kontribusyon ng mga kalalakihan at kababaihan ay naging malabo dahil sa mga maling impormasyon at hindi pagkakaunawaan. Sa panahon sa pagitan ng napakagandang simulang iyon sa Halamanan ng Eden at ng kasalukuyan, ang kaaway ay bahagyang naging matagumpay sa kanyang mithiin na pag-awayin ang kalalakihan at kababaihan sa kanyang mga pagtatangkang supilin ang ating mga kaluluwa. Alam ni Lucifer na kung masisira niya ang pagkakaisa na nararamdaman ng mga kalalakihan at kababaihan, kung malilito niya tayo tungkol sa ating banal na kahalagahan at mga pinagtipanang tungkulin, magtatagumpay siya sa pagsira ng mga pamilya, na siyang pinakamahalagang bahagi ng kawalang-hanggan.

Nag-uudyok si Satanas ng pagkukumpara na paraan niya para makalikha ng pakiramdam na pagiging mas nakatataas o mas nakabababa, at maitago ang walang-hanggang katotohanan na ang mga likas na pagkakaiba ng mga kalalakihan at kababaihan ay ibinigay ng Diyos at parehong pinahahalagahan. Tinatangka niyang pawalang-halaga ang mga kontribusyon ng mga kababaihan kapwa sa pamilya at sa lipunan, at sa gayong paraan, nababawasan ang kanilang nakapagbibigay-inspirasyong impluwensya para sa kabutihan. Ang kanyang mithiin ay maudyukan sila na magkumpitensya kung sino ang mas maimpluwensya sa halip na ikatuwa ang mga natatanging kontribusyon ng mga kalalakihan at kababaihan na bubuo sa isa’t isa at makaaambag sa pagkakaisa.

Kaya, sa paglipas ng mga taon at sa buong mundo, naglaho ang lubos na pagkaunawa sa mga banal at magkaugnay ngunit magkaibang kontribusyon at responsibilidad ng mga kababaihan at kalalakihan. Sa maraming lipunan, naging mas mababa ang tingin sa mga kababaihan kaysa sa mga kalalakihan sa halip na maging magkapantay sila, at ang mga aktibidad ng mga kababaihan ay limitado lamang. Labis na bumagal ang espirituwal na pag-unlad noong mahihirap na panahong iyon; katunayan, kakaunting espirituwal na liwanag lamang ang nakakapasok sa isip at pusong nakatuon sa tradisyon ng pagiging mas nakatataas.

At pagkatapos ay nagningning ang liwanag ng ipinanumbalik na ebanghelyo nang “higit pa sa liwanag ng araw” 3 nang magpakita ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo sa binatilyong si Joseph Smith noong maagang tagsibol ng 1820 sa sagradong kakahuyang iyon sa liblib na hilagang bahagi ng New York. Ang pangyayaring iyan ay nagpasimula ng makabagong pagbuhos ng paghahayag mula sa langit. Isa sa mga unang bahagi ng orihinal na Simbahan ni Cristo na naipanumbalik ay ang awtoridad ng priesthood ng Diyos. Sa patuloy na pagsulong ng Pagpapanumbalik, nagsimulang mapagtanto muli ng kalalakihan at kababaihan ang kahalagahan at potensyal ng paggawa bilang magkatuwang, na binigyan Niya ng awtoridad at patnubay sa banal na gawaing ito.

Pagtatatag ng Relief Society

Noong 1842, nang naisin ng mga kababaihan ng nagsisimula pa lamang na Simbahan na bumuo ng isang opisyal na grupo para makatulong sa gawain, nabigyang-inspirasyon si Pangulong Joseph Smith na isaayos sila “sa ilalim ng priesthood ayon sa pagkakaayos sa priesthood.” 4 Sabi niya, “[Ipinagkakaloob] ko ngayon ang susi para sa inyo sa ngalan ng Diyos …—ito ang simula ng mas magagandang araw.” 5 At mula nang ipagkaloob ang susing iyon, nagsimulang lumawak ang pagkakataon ng kababaihan sa edukasyon, pulitika, at ekonomiya sa iba’t ibang dako ng mundo. 6

Ang bagong organisasyon na ito ng Simbahan para sa kababaihan, na pinangalanang Relief Society, ay hindi tulad ng ibang samahan ng mga kababaihan dahil ito ay itinatag ng isang propeta na kumilos nang may awtoridad ng priesthood para bigyan ang mga kababaihan ng awtoridad, mga banal na tungkulin, at mga opisyal na posisyon sa loob ng kaayusan ng Simbahan, at hindi hiwalay rito. 7

Mula sa panahon ni Pangulong Joseph Smith hanggang sa ating panahon, ang patuloy na pagpapanumbalik ng lahat ng bagay ay naghatid ng kalinawagan na kailangan ang awtoridad at kapangyarihan ng priesthood sa pagtulong sa kalalakihan at kababaihan na maisakatuparan ang mga tungkuling ibinigay ng Diyos sa kanila. Kamakailan, itinuro sa atin na ang mga kababaihang itinalaga sa ilalim ng patnubay ng isang mayhawak ng mga susi ng priesthood ay gumaganap nang may awtoridad ng priesthood sa kanilang mga tungkulin. 8

Noong Oktubre 2019, itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na ang mga kababaihang tumanggap na ng endowment sa templo ay may kapangyarihan ng priesthood sa kanilang buhay at sa kanilang mga tahanan kapag tinutupad nila ang mga banal na tipang ginawa nila sa Diyos. 9 Ipinaliwanag niya na “ang kalangitan ay bukas din sa kababaihan na pinagkalooban ng kapangyarihan ng Diyos na nagmumula sa kanilang mga tipan sa priesthood tulad ng kalalakihan na nagtataglay ng priesthood.” At hinikayat niya ang lahat ng kababaihang miyembro na “[gamitin] tuwina ang kapangyarihan ng Tagapagligtas upang tulungan ang inyong pamilya at iba pang mga mahal ninyo sa buhay.” 10

Kaya, ano ang kahulugan niyon para sa inyo at sa akin? Paano nababago ng pag-unawa sa awtoridad at kapangyarihan ng priesthood ang ating buhay? Ang isa sa mga susi ay maunawaan na kapag nagtutulungan ang kababaihan at kalalakihan mas marami tayong nagagawa kaysa kapag gumagawa tayo nang kanya-kanya. 11 Ang ating mga tungkulin ay magkatugma sa halip na magkakumpetensya. Bagama’t ang kababaihan ay hindi inoorden sa isang katungkulan sa priesthood, tulad ng nabanggit kanina, ang mga kababaihan ay pinagkakalooban ng kapangyarihan ng priesthood kapag tinutupad nila ang kanilang mga tipan, at kumikilos sila nang may awtoridad ng priesthood kapag itinalaga sila sa isang tungkulin.

Isang magandang araw ng Agosto, nagkaroon ako ng pribilehiyo na makausap si Pangulong Russell M. Nelson sa muling itinayong bahay nina Joseph at Emma Smith sa Harmony, Pennsylvania, malapit sa lugar kung saan naipanumbalik ang Aaronic Priesthood sa mga huling araw na ito. Sa aming pag-uusap, nagsalita si Pangulong Nelson tungkol sa mahalagang ginampanan ng kababaihan sa Pagpapanumbalik.

1:11

Pangulong Nelson: “Isa sa pinakamahahalagang aspeto na naaalala ko kapag pumupunta ako sa lugar na ito kung saan naganap ang pagpapanumbalik ng priesthood ay ang mahalagang ginampanan ng kababaihan sa Pagpapanumbalik.

“Nang unang simulan ni Joseph ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon, sino ang naging tagasulat? Oo, nagsulat din siya, ngunit kakaunti lamang. Tinulungan siya ni Emma na magsulat.

“At pagkatapos ay naiisip ko ang tungkol sa pagpunta ni Joseph sa kakahuyan upang manalangin malapit sa kanilang bahay sa Palmyra, New York. Saan siya pumunta? Pumunta siya sa Sagradong Kakahuyan. Bakit siya pumunta roon? Dahil doon pumupunta ang kanyang ina kapag nais nitong magdasal.

“Sila ay dalawa lamang sa mga kababaihan na nagkaroon ng mahahalagang papel sa pagpapanumbalik ng Priesthood at sa Pagpapanumbalik ng Simbahan. Masasabi natin nang walang pag-aalinlangan na ang ating mga asawa ay mahalaga rin ngayon tulad nila noon. Talagang mahalaga sila.”

Tulad nina Emma, Lucy, at Joseph, pinakamarami tayong nagagawa kapag handa tayong matuto mula sa isa’t isa at nagkakaisa sa ating mithiin na maging mga disipulo ni Jesucristo at tulungan ang iba na nasa landas na iyon.

Itinuro sa atin na “ang priesthood ay nagpapala sa mga buhay ng mga anak ng Diyos sa napakaraming paraan. … Sa mga tungkulin sa [Simbahan], ordenansa sa templo, ugnayan sa pamilya, at tahimik at indibiduwal na ministeryo, ang mga kababaihan at kalalakihan na Banal sa mga Huling Araw ay sumusulong nang may kapangyarihan at awtoridad ng priesthood. Ang pag-uugnay ng kalalakihan at kababaihan sa pagsasakatuparan ng gawain ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan ay mahalaga sa ebanghelyo ni Jesucristo na ipinanumbalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith.” 12

Ang pagkakaisa ay mahalaga sa banal na gawain na pribilehiyo natin at tinawag tayo na gawin, ngunit hindi ito basta-basta nangyayari. Kailangan ang pagsisikap at panahon para makapag-usap nang mabuti at magsanggunian sa isa’t isa—makinig sa isa’t isa, unawain ang mga pananaw ng bawat isa, at magbahagi ng mga karanasan—ngunit ang mga resulta nito ay mas inspiradong mga desisyon. Sa bahay man o sa ating mga responsibilidad sa Simbahan, ang pinakamainam na paraan para matamo natin ang ating banal na potensyal ay magtulungan, nang may basbas ng kapangyarihan at awtoridad ng priesthood sa ating magkakaiba ngunit magkakatugmang mga tungkulin.

Ano ang magandang halimbawa ng pagtutulungan na iyon sa buhay ng mga pinagtipanang kababaihan ngayon? Magbibigay ako ng isa.

Mag-asawa na nakasakay sa bisikletang pandalawahan

Pambihira ang pagtutulungan nina Alison at John. Sumasali sila sa maiikli at mahahabang karera gamit ang isang bisikletang pandalawahan. Para magtagumpay sa paligsahan gamit ang bisikletang iyon, kailangang nagkakaisa ang dalawang nakasakay. Kailangan nilang humilig sa parehong direksyon sa tamang panahon. Hindi maaaring sapawan ng isa ang isa pa, ngunit sa halip ay kailangan nilang mag-usap nang malinaw at gawin ang kani-kanyang bahagi. Ang captain o taong nakasakay sa harapan ang may kontrol kung kailan pepreno at kung kailan tatayo. Ang stroker o taong nakasakay sa likuran ay kailangang magmasid nang mabuti sa kung ano ang nangyayari at maging handa na magbigay ng karagdagang lakas kung nahuhuli na sila o maghinay-hinay kung masyado na silang malapit sa iba pang nagbibisikleta. Kailangan nilang suportahan ang isa’t isa para makausad sila at makamit ang kanilang mithiin.

Paliwanag ni Alison: “Sa una, ang captain ang magsasabi ng ‘Tayo’ kapag kailangan naming tumayo at ‘Preno’ kapag kailangan naming tumigil sa pagpedal. Di-magtatagal pagkatapos, matututuhan ng stroker kung kailan tatayo o pepreno ang kapitan, kaya wala nang kailangang sabihin. Natutuhan namin na mahiwatigan ang kalagayan ng isa’t isa at masasabi namin kung nahihirapan na ang isa sa amin at [pagkatapos] sisikapin ng isa na gawin ang hindi na makaya ng isa. Napakahalaga talaga ng pagtitiwala at pagtutulungan.” 13

Nagkakaisa sina John at Alison hindi lamang sa pagpedal nila sa kanilang bisikleta, maging sa pagsasama rin nila bilang mag-asawa. Mas hangad ng bawat isa ang kaligayahan ng isa’t isa kaysa sa sariling kaligayahan; ang bawat isa ay naghahanap ng kabutihan sa isa’t isa at nagsisikap na madaig ang sariling mga kahinaan nila. Naghalinhinan sila sa pamumuno at sa pagbibigay ng mas higit pa kapag nahihirapan ang isa sa kanila. Pinahalagahan ng bawat isa ang kontribusyon ng isa’t isa at nakahanap sila ng mas magagandang sagot sa kanilang mga hamon nang pagsamahin nila ang kanilang mga talento at pinagkukunan. Talagang nakabuklod sila sa isa’t isa sa pamamagitan ng pag-ibig na tulad ng kay Cristo.

Ang pagiging mas nakaayon sa banal na huwaran ng pagtutulungan nang may pagkakaisa ay napakahalaga sa panahong ito na napaliligiran tayo ng mga makasariling pananaw. Ang mga kababaihan ay mayroong mga natatanging banal na kaloob 14 at binigyan ng mga natatanging responsibilidad, ngunit ang kahalagahan ng mga iyon ay hindi mas malaki—o mas kaunti—kaysa sa mga kaloob at responsibilidad ng mga kalalakihan. Lahat ay nilayon at kailangan para maisakatuparan ang banal na plano ng Ama sa Langit na mabigyan ang bawat isa sa Kanyang mga anak ng pinakamagandang pagkakataon na matamo ang kanyang banal na potensyal.

Ngayon, “kailangan namin [ang mga] kababaihang may tapang at pag-unawa ng ating Inang si Eva” 15 na makikipagtulungan sa kanilang mga kapatid na lalaki sa pagdadala ng mga kaluluwa kay Cristo. 16 Kailangan maging mga tunay na katuwang ang mga kalalakihan sa halip na isiping sila lang ang responsable o “magkunwaring” nakikipagtulungan gayong ang mga kababaihan ang gumagawa ng karamihan sa gawain. Kailangang maging handa ang mga kababaihan na “kumilos at sumulong [at] gawin ang [kanilang] responsibilidad” 17 bilang mga katuwang sa halip na isiping kailangan nila itong gawin nang mag-isa o maghintay sila na sabihan kung ano ang gagawin. 18

Ang pagturing sa mga kababaihan bilang mahalagang katuwang ay hindi tungkol sa pagsusulong ng “pagkakapantay-pantay” kundi tungkol sa pag-unawa sa katotohanan ng doktrina. Sa halip na magtatag ng programa para maisakatuparan iyon, maaari tayong magsumikap na pahalagahan ang mga kababaihan tulad ng pagpapahalaga ng Diyos sa kanila: bilang mahahalagang katuwang sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan.

Handa na ba tayo? Sisikapin ba nating madaig ang kulturang may kinikilingan at sa halip ay tanggapin ang mga banal na huwaran at gawi na batay sa saligang doktrina? Inaanyayahan tayo ni Pangulong Russell M. Nelson na “[magtulungan] sa sagradong gawaing ito … [na tulungan] ang mundo na maghanda para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon.” 19 Sa paggawa nito, matututuhan nating pahalagahan ang kontribusyon ng bawat indibiduwal at mas mapapaigting ang pagganap sa ating mga banal na tungkulin. Makadarama tayo ng higit na kagalakan ngayon kaysa noon.

Nawa’y piliin ng bawat isa sa atin na makiisa sa inspiradong paraan ng Panginoon para makatulong na maisulong ang Kanyang gawain. Sa pangalan ng ating pinakamamahal na Tagapagligtas na si Jesucristo, amen.