Pangkalahatang Kumperensya
Ang Bisa ng Aklat ni Mormon sa Pagbabalik-loob
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2020


9:1

Ang Bisa ng Aklat ni Mormon sa Pagbabalik-loob

Ang Aklat ni Mormon ay nagbibigay ng espirituwal na nutrisyon, nagmumungkahi ng plano ng pagkilos, at ikinokonekta tayo sa Espiritu Santo.

Matapos basahin ang ulat mula sa pagsusuring medikal na kamakailan lamang ginawa, nalaman ko na kinakailangan kong gumawa ng mga pagbabago sa paraan ng aking pamumuhay. Para matulungan ako, nagmungkahi ang doktor ng isang plano sa pagkain at pag-eehersisyo, na kung susundin ko ay mas lulusog ako.

Kung bawat isa sa atin ay susuriin sa espirituwal, ano kaya ang malalaman natin tungkol sa ating sarili? Anong mga pagbabago ang imumungkahi ng ating doktor sa espirituwal? Para maging katulad ng nararapat nating kahinatnan, mahalagang alam natin ang gagawin at gawin ang ating nalaman.

Si Jesucristo ang Dakilang Manggagamot.1 Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, tinatalian Niya ang ating mga sugat, pinapasan ang ating mga karamdaman, at pinagagaling ang ating mga pusong wasak.2 Sa pamamagitan ng Kanyang biyaya, ang ating kahinaan ay maaaring maging lakas.3 Inaanyayahan Niya tayong sundin Siya4 sa pamamagitan ng pagkilala sa Kanya, pakikinig sa Kanyang mga salita, at paglakad sa kaamuan ng Kanyang Espiritu.5 Nangako Siyang tutulungan Niya tayo6 sa habambuhay na proseso ng pagbabalik-loob, na babaguhin tayo at magdadala sa atin ng walang-hanggang kaligayahan.7

Ibinigay sa atin ng Tagapagligtas ang Aklat ni Mormon bilang isang mabisang kagamitan na tutulong sa ating pagbabalik-loob. Ang Aklat ni Mormon ay nagbibigay ng espirituwal na nutrisyon, nagmumungkahi ng plano ng pagkilos, at ikinokonekta tayo sa Espiritu Santo. Isinulat para sa atin,8 naglalaman ito ng salita ng Diyos nang malinaw9 at ipinaaalam sa atin ang ating identidad, layunin, at kahihinatnan.10 Kasama ng Biblia, ang Aklat ni Mormon ay nagpapatotoo kay Jesucristo11 at nagtuturo kung paano natin malalaman ang katotohanan at magiging katulad Niya.

Brother Saw Polo

Si Brother Saw Polo ay 58 anyos nang ituro sa kanya ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Nang makilala ko siya, ilang taon na siyang branch president, pero nalaman kong hindi pa niya nabasa ang Aklat ni Mormon dahil hindi pa iyon nakasalin sa kanyang wikang Burmese. Nang tanungin ko siya kung paano niya nalaman na totoo ang aklat nang hindi ito nababasa, sinabi niya na pinag-aralan niya ang picture book na Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon araw-araw sa pagtingin sa mga larawan, paggamit ng diksyunaryo para isalin ang mga salitang Ingles, at pagsulat ng mga bagay na natutuhan niya. Ipinaliwanag niya, “Tuwing mag-aaral ako, ipinagdarasal ko ang natutuhan ko, at napapayapa ako at nagagalak, lumilinaw ang aking isipan, at lumalambot ang puso ko. Nadama ko ang Espiritu Santo na nagpapatotoo sa akin na ito ay totoo. Alam ko na ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos.”

Tulad ni Brother Saw Polo, mapag-aaralan ng bawat isa sa atin ang Aklat ni Mormon ayon sa ating sitwasyon. Kapag hinangad nating maniwala at pagnilayan ang mga turo nito, maitatanong natin nang tapat sa Diyos kung totoo ang mga turo.12 Kung tapat tayo sa ating kagustuhang makaalam at may tunay na layuning kumilos, sasagutin Niya tayo sa ating puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo natin malalaman ang katotohanan ng lahat ng bagay.13 Kapag nagtamo tayo ng banal na patotoo sa Aklat ni Mormon, malalaman din natin sa pamamagitan ng kapangyarihan ding iyon na si Jesucristo ang Tagapagligtas ng sanlibutan, na si Joseph Smith ay Kanyang propeta, at na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay Kanyang ipinanumbalik na Simbahan.14

Nang magsimula akong magmisyon noong binata ako, sumakay ako ng eroplano patungong Australia. Nadaramang ako’y nag-iisa, nag-aalala, at walang alam ngunit nangakong maglingkod, kinailangan ko talagang tiyakin na totoo ang pinaniniwalaan ko. Taimtim akong nagdasal at nagbasa ng mga banal na kasulatan, ngunit habang tumatagal ang biyahe, tumindi ang pagdududa ko sa sarili at nanghina ako. Matapos maghirap nang ilang oras, tumigil ang isang flight attendant sa tabi ng upuan ko. Kinuha niya ang binabasa kong Aklat ni Mormon mula sa kamay ko. Tiningnan niya ang pabalat at sinabing, “Magandang aklat iyan!” at ibinalik sa akin ang aklat at patuloy na naglakad. Hindi ko na siya nakitang muli.

Habang nauulinigan ko sa aking isipan ang sinabi niya, malinaw kong narinig at nadama sa puso ko, “Narito ako, at alam ko kung nasaan ka. Gawin mo lang ang lahat ng makakaya mo, at Ako na ang bahala sa iba.” Sa eroplanong iyon sa ibabaw ng Pacific Ocean, tumanggap ako ng personal na patotoo sa pamamagitan ng pag-aaral ko ng Aklat ni Mormon at mga pahiwatig ng Banal na Espiritu na kilala ako ng aking Tagapagligtas at totoo ang ebanghelyo.

Itinuro ni Elder David A. Bednar: “Ang malaman na totoo ang ebanghelyo ang pinakadiwa ng patotoo. Ang patuloy na katapatan sa ebanghelyo ang pinakadiwa ng pagbabalik-loob.”15 Sa pagbabalik-loob, kailangan nating “maging tagatupad ng salita, at huwag tagapakinig lamang.”16 Ang plano ng pagkilos ng Diyos para sa atin—ang doktrina ni Cristo—ay itinuturo nang napakalinaw sa Aklat ni Mormon.17 Kabilang dito ang:

  • Una, pagsampalataya kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagtitiwala sa Kanya, pagsunod sa Kanyang mga utos, at pagkaalam na tutulungan Niya tayo.18

  • Pangalawa, pagsisisi araw-araw sa ating mga pagkakamali at pagdanas ng kaligayahan at kapayapaan kapag pinatawad Niya tayo.19 Hinihingi sa atin ng pagsisisi na patawarin natin ang iba20 at tinutulungan tayong sumulong. Nangako ang Tagapagligtas na patawarin tayo kapag nagsisi tayo.21

  • Pangatlo, paggawa at pagtupad ng mga tipan sa Diyos sa mga ordenansang tulad ng binyag. Pananatilihin tayo nito sa landas ng tipan patungo sa Kanya.22

  • Pang-apat, pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo. Tinutulutan tayo ng kaloob na ito na laging makasama ang isang nagpapabanal, nagpapanatag, at gumagabay sa atin.23

  • At panlima, pagtitiis hanggang wakas sa pagsulong nang may katatagan habang nagpapakabusog araw-araw sa mga salita ni Cristo.24 Sa pagpapakabusog mula sa Aklat ni Mormon at pagkapit nang mahigpit sa mga turo nito, madaraig natin ang mga tukso at tatanggap tayo ng patnubay at proteksyon habambuhay.25

Sa patuloy na pagsasabuhay ng doktrina ni Cristo, madaraig natin ang puwersang humahadlang sa pagbabago at ang takot na pumipigil sa pagkilos. Makatatanggap tayo ng personal na paghahayag, dahil ang Espiritu Santo ang “magbibigay-alam sa inyo ng lahat ng bagay na nararapat ninyong gawin,”26 at “ang mga salita ni Cristo ang magsasabi sa inyo ng lahat ng bagay na dapat ninyong gawin.”27

Sa loob ng 20 taon, pinaglabanan ni Brother Huang Juncong ang alak, sigarilyo, at di-mapigilang pagsusugal. Nang turuan siya tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo, hinangad ni Brother Huang na magbago para sa kanyang pamilya. Ang pinakamalaking hamon sa kanya ay paninigarilyo. Isang chain-smoker, maraming ulit na niyang sinubukang tumigil ngunit nabigo. Isang araw, hindi maalis sa kanyang isipan ang mga salitang ito mula sa Aklat ni Mormon: “may matapat na puso, may tunay na layunin.”28 Kahit nabigo sa mga naunang pagtatangka, nadama niya na baka puwede siyang magbago sa tulong ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.

Nakiisa ang pananampalataya ng mga full-time na missionary sa kanyang pananampalataya at nagplano ng praktikal na paraan na magpapatigil sa paninigarilyo, na sinabayan ng maraming panalangin at pag-aaral ng salita ng Diyos. Tapat at may tunay na layunin, kumilos nang may tapat na determinasyon si Brother Huang at natanto niya na sa pagtutuon sa mga bagong gawi na nais niyang pag-ibayuhin, tulad ng pag-aaral ng Aklat ni Mormon, hindi na siya gaanong nagtuon sa mga gawi na nais niyang alisin.

Sa paggunita sa kanyang karanasan 15 taon na ang nakalipas, sabi niya, “Hindi ko natatandaan kung kailan ako talaga tumigil na manigarilyo, pero nang subukan ko araw-araw na gawin ang mga bagay na kailangan kong gawin para maanyayahan ang Espiritu ng Panginoon sa buhay ko at patuloy kong ginawa iyon, nawalan ako ng ganang manigarilyo at tumigil na ako mula noon.” Sa pamumuhay ng mga turo sa Aklat ni Mormon, nagbago ang buhay ni Brother Huang, at naging mas mabuti siyang asawa’t ama.

Si Huang Juncong at ang kanyang pamilya

Nangako si Pangulong Russell M. Nelson: “Sa mapanalanging pag-aaral ng Aklat ni Mormon araw-araw, makagagawa kayo ng mas maiinam na desisyon—sa araw-araw. Ipinangangako ko na habang pinagninilayan ninyo ang inyong pinag-aaralan, ang mga dungawan sa langit ay mabubuksan, at tatanggap kayo ng mga sagot sa inyong sariling mga tanong at ng patnubay sa inyong buhay. Ipinangangako ko na sa araw-araw ninyong dibdibang pag-aaral ng Aklat ni Mormon, mapoprotektahan kayo laban sa mga kasamaan ngayon, pati na sa laganap na salot ng pornograpiya at ng iba pang nakamamanhid na mga adiksyon.”29

Mga kaibigan, ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos, at mas mapapalapit tayo sa Kanya kung pag-aaralan natin ito.30 Sa pagsubok natin sa mga salita roon,tatanggap tayo ng patotoo sa katotohanan nito.30 Sa patuloy na pamumuhay ayon sa mga turo nito, “wala na [tayong] pagnanais pang gumawa ng masama.”32 Ang ating puso, mukha, at likas na pagkatao ay magiging mas katulad ng Tagapagligtas.33 Ibinabahagi ko sa inyo ang aking tiyak na patotoo na si Jesus ang Cristo, ating Tagapagligtas, Manunubos, at Kaibigan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.