Ang Pinakamatitibay na Tahanan
Ang Tagapagligtas ang sakdal na inhinyero, karpintero, at tagadisenyo ng tirahan. Kanyang proyekto ang sakdal at walang-hanggang kagalakan ng ating mga kaluluwa.
Kamakailan lamang, napansin ko ang isang billboard sa Salt Lake City. Ina-advertise nito ang isang kumpanya na gumagawa ng mga kasangkapan at disenyo sa loob ng bahay. Simpleng nakasulat doon, “Nagseserbisyo sa Pinakamatitibay na Tahanan sa Salt Lake City.”
Makatawag-pansin ang mensahe—ano ba ang “pinakamatibay na tahanan”? Natagpuan ko ang sarili ko na pinag-iisipan ang tanong na iyon, lalo na patungkol sa mga anak na pinalaki namin ng asawa kong si Kathy, at sa mga anak na pinapalaki nila ngayon. Gaya ng mga magulang saan man, nag-aalala at ipinagdarasal namin ang aming pamilya. Kahit hanggang ngayon. Gusto talaga namin ang pinakamabuti para sa kanila. Paano sila makapamumuhay, at ang kanilang mga anak, sa pinakamatitibay na tahanan? Naisip ko ang mga tahanan ng mga miyembro ng Simbahan na nagkaroon kami ni Kathy ng pribilehiyong mabisita. Naimbitahan kami sa mga tahanan sa Korea at Kenya, sa Pilipinas at Peru, sa Laos at Latvia. Magbabahagi ako ng apat na obserbasyon tungkol sa matitibay na tahanan.
Una, mula sa pananaw ng Panginoon, ang pagtatayo ng pinakamatitibay na tahanan ay may kinalaman lahat sa personalidad ng mga taong naninirahan doon. Hindi pinatibay ang mga tahanang ito sa anumang mahalaga o magtatagal na pamamaraan ng kasangkapan nila, o ng yaman o estado sa lipunan ng mga taong nagmamay-ari sa mga ito. Ang pinakamagandang katangian ng alinmang tahanan ay ang imahe ni Cristo na masasalamin sa mga naninirahan sa tahanan. Ang panloob na disenyo ng mga kaluluwa ng mga naninirahan ang mahalaga, at hindi ang mismong istruktura.
Natatamo ang mga katangian ni Cristo sa “paglipas ng panahon”1 sa pamamagitan ng intensyonal na pagsulong sa landas ng tipan. Napapalamutian ng mga katangian na katulad ng kay Cristo ang buhay ng mga taong nagsisikap na mamuhay sa kabutihan. Pinupuno nila ang mga tahanan ng liwanag ng ebanghelyo, putik man o marmol ang sahig. Kahit pa mag-isa lamang kayo sa buong pamilya ninyo na sumusunod sa utos na “hangarin ang mga bagay na ito,”2 makadaragdag kayo sa espirituwal na mga kagamitan sa tahanan ng pamilya ninyo.
Sumusunod tayo sa payo ng Panginoon na “isaayos ang [ating sarili]; ihanda ang bawat kinakailangang bagay; at magtayo ng isang bahay” sa pamamagitan ng pagsasaayos, paghahanda, at pagpapatatag sa ating espirituwal na pamumuhay, at hindi sa ating pag-aaring lupain. Kapag buong tiyaga tayong nagpapatuloy sa landas ng tipan ng Tagapagligtas, ang ating mga tahanan ay magiging “isang bahay ng kaluwalhatian, isang bahay ng kaayusan, [at] isang bahay ng Diyos.”3
Pangalawa, ang mga naninirahan sa pinakamatitibay na tahanan ay nagbibigay ng oras sa pagbabasa sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga buhay na propeta sa araw-araw. Inanyayahan tayo ni Pangulong Russell M. Nelson na “gawing” iba at “gawing” bago ang ating mga tahanan sa pamamagitan ng pag-aaral ng ebanghelyo.4 Mapagkikilala sa kanyang paanyaya na ang matitibay na tahanan ay nagkakanlong sa maingat, mahalagang gawain ng personal na pag-unlad at pagsasaayos sa ating mga kahinaan. Ang pagsisisi sa araw-araw ay isang kasangkapan ng pagbabago na nakatutulong sa atin na maging mas mabait pa, higit na mapagmahal at higit na mapag-unawa. Inilalapit tayo ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa Tagapagligtas, na ang saganang pagmamahal at biyaya ang umaalalay sa atin sa ating pag-unlad.
Ang Biblia, Aklat ni Mormon, at Mahalagang Perlas ay naglalahad ng mga kuwento ng mga pamilya, kaya naman hindi nakapagtataka na hindi matatawaran ang mga aklat na iyon sa pagbuo ng pinakamatitibay na tahanan. Iniuulat ng mga ito ang mga alalahanin ng mga magulang, ang mga panganib ng tukso, ang pagtatagumpay ng katwiran, ng mga pagsubok na dala ng taggutom at kasaganahan, at ang kilabot ng digmaan at gantimpala ng kapayapaan. Paulit-ulit na ipinapakita sa atin ng mga banal na kasulatan kung paano nagtatagumpay ang mga pamilya sa pamamagitan ng matwid na pamumuhay at kung paano sila nabibigo sa pagpapatuloy sa ibang landas.
Pangatlo, sinusundan ng matitibay na tahanan ang huwarang ginawa ng Panginoon para sa Kanyang pinakamatibay na tahanan, ang templo. Ang pagtatayo ng isang templo ay nagsisimula sa mga pangunahing hakbang—paghahawan sa kasukulan at pagpapatag ng lupa. Ang mga unang pagsisikap na iyon na ihanda ang lupa ay maihahambing sa pagsunod sa mga pangunahing kautusan. Ang mga kautusan ang pundasyon na siyang tinatayuan ng pagiging isang disipulo. Ang pagiging tapat na disipulo ang umaakay sa atin na maging matibay, matatag, at hindi natitinag,5 na tulad ng bakal na balangkas para sa isang templo. Pinahihintulutan ng matibay na balangkas na ito na maipadala ng Panginoon ang Kanyang Espiritu upang baguhin ang ating mga puso.6 Ang maranasan ang magkaroon ng malaking pagbabago ng puso ay tulad ng pagdaragdag ng magagandang disenyo sa loob ng templo.
Kapag nagpapatuloy tayo nang may pananampalataya, dahan-dahan tayong binabago ng Panginoon. Tinatanggap natin ang Kanyang larawan sa ating mukha at nagsisimulang magbigay-salamin sa pagmamahal at ganda ng Kanyang katangian.7 Kapag tayo ay mas nagiging katulad Niya, makadarama tayo ng kapanatagan sa Kanyang bahay, at makadarama Siya ng kapanatagan sa atin.
Mapananatili natin ang malapit na koneksyon ng ating tahanan sa Kanyang tahanan sa pamamagitan ng pagiging karapat-dapat para sa at paggamit ng temple recommend na kasindalas ng ipahihintulot ng pagkakataon. Sa paggawa natin nito, ang kabanalan ng bahay ng Panginoon ay mananahan din sa ating pamamahay.
Ang kahanga-hangang Salt Lake Temple ay nakatayo riyan lamang. Itinayo ng mga pioneer gamit ang mga makalumang kagamitan, mga lokal na materyales, at walang kapagurang pagtatrabaho, ang templo ay ginawa mula 1853 hanggang 1893. Ang pinakamahusay na maiaalay ng mga naunang miyembro ng simbahan sa engineering, architecture, at interior design ay nakalikha ng isang obra maestra na kinilala ng milyun-milyon.
Halos 130 taon na ang nakalipas magmula ng ilaan ang templo. Tulad ng nabanggit ni Elder Gary E. Stevenson kahapon, ang mga alituntunin sa engineering na ginamit sa pagdisenyo ng templo ay napalitan na ng mas makabago at ligtas na mga pamantayan. Ang mabigong pagbutihin ang engineering at pagkumpuni ng kahinaang pang-istruktura ng templo ay isang pagtataksil sa kumpiyansa ng mga pioneer, na ginawa ang lahat ng makakaya nila, at pagkatapos ay ipinaubaya ang pangangalaga sa templo sa mga susunod na henerasyon.
Sinimulan ng Simbahan ang isang apat na taong proyekto ng pagpapanumbalik upang mapabuti ang istruktura at lakas na pang-seismic ng templo.8 Ang pundasyon, mga sahig, at pader ay patatatagin. Itataas ang templo sa modernong mga pamantayan ng pinakamahusay na kaalaman sa engineering na mayroon sa ngayon. Hindi natin makikita ang mga pagbabago sa istruktura, ngunit ang mga epekto nito ay totoo at mahalaga. Sa lahat ng gawaing ito, papanatilihin ang magandang panloob na disenyo ng templo.
Dapat nating sundan ang halimbawang ibinibigay sa atin ng pagkukumpuni sa Salt Lake Temple at maglaan ng oras upang suriin ang kani-kanya nating espirituwal na seismic engineering upang matiyak na naaayon ito sa panahon. Ang pana-panahong pagsusuri sa sarili, kasabay ng pagtatanong sa Panginoon, “Ano pa ang kulang sa akin?”9 ay makatutulong sa bawat isa sa atin na makapag-ambag sa pagtatayo ng pinakamatibay na tahanan.
Pang-apat, ang pinakamatitibay na tahanan ay kanlungan mula sa mga unos ng buhay. Nangako ang Panginoon na ang mga taong sumusunod sa mga kautusan ng Diyos ay “uunlad sa lupain.”10 Ang kaunlaran ng Diyos ay yaong lakas na magpatuloy sa kabila ng mga problema sa buhay.
Noong 2002, may natutuhan akong mahalagang aral tungkol sa mga problema. Habang nasa Asunción, Paraguay, nakipagpulong ako sa mga stake president. Sa panahong iyan, naharap ang Paraguay sa napakatinding krisis sa pananalapi, at marami sa mga miyembro ng Simbahan ang nahihirapan at hindi magawang matugunan ang mga pangangailangan nila. Hindi na ako nakapunta sa South America magmula noong magmisyon ako at hindi pa ako nakarating ng Paraguay. Ilang linggo pa lamang akong naglilingkod sa Area Presidency doon. Alanganin sa kakayahan kong makapagbigay ng gabay sa mga stake president na iyon, hiniling ko sa kanila na sabihin lamang sa akin kung ano ang maayos na tumatakbo sa kanilang mga stake. Sinabi sa akin ng unang stake president ang tungkol sa mga bagay na maayos na tumatakbo. Nabanggit ng sumunod ang mga bagay na maayos na tumatakbo at kaunting problema. Nang umabot na kami sa huling stake president, bumanggit lamang siya ng magkakasunod na nakababahalang mga hamon. Habang ipinaliliwanag ng mga stake president ang malubhang sitwasyon, mas lalo akong nag-alala, halos hindi ko alam kung ano ang sasabihin.
Nang patapos na sa pagsasalita ang huling stake president, may pumasok sa aking isipan: “Elder Clayton, itanong mo ito sa kanila: ‘Mga president, sa mga miyembro ninyo sa stake na nagbabayad ng buong ikapu, bukas-palad na nagbabayad ng handog-ayuno, tumutupad sa kanilang mga tungkulin sa Simbahan, aktuwal na dumadalaw sa mga pamilyang nakatalaga sa kanila bilang mga home teacher o visiting teacher11 kada buwan, nagdaraos ng family home evening, nag-aaral ng mga banal na kasulatan, at nagdarasal bilang isang pamilya sa bawat araw, gaano karami ang may mga problemang hindi nila malulutas nang sila lamang, nang walang kinakailangang hakbang na gawin ang Simbahan at lutasin ang kanilang mga problema para sa kanila?’”
Bilang pagsunod sa impresyong natanggap ko, itinanong ko iyon sa mga stake president.
Nagulat sila at tahimik silang napatingin sa akin at pagkatapos ay sinabing, “Pues, ninguno,” ibig sabihin, “Wala po ni isa.” Pagkatapos ay sinabi nila na walang miyembro na gumagawa ng lahat ng bagay na iyon ang may mga problemang hindi nila kayang lutasin nang sila lamang. Bakit? Dahil nakatira sila sa pinakamatitibay na tahanan. Ang matapat nilang pamumumuhay ang nagbigay sa kanila ng lakas, pananaw, at tulong mula sa langit na kailangan nila sa gitna ng kaguluhan sa ekonomiya na nakapaligid sa kanila.
Hindi ibig sabihin nito na hindi magkakasakit, masasaktan sa mga aksidente, mahaharap sa pagkalugi sa negosyo, o mahaharap sa marami pang paghihirap sa buhay ang mga matwid. Palaging may dalang hamon ang buhay na ito, ngunit paulit-ulit kong nakikita na pinagpapala ang mga taong nagsisikap na masunod ang mga kautusan na matagpuan ang kanilang landas patungo sa kapayapaan at pag-asa. Ang mga pagpapalang iyon ay matatamo ng bawat tao.12
Ipinahayag ni David, “Malibang itayo ng Panginoon ang bahay, walang kabuluhang nagsisigawa ang nagtatayo.”13 Saan man kayo nakatira, anuman ang ayos ng inyong bahay, at sinu-sino man kayo sa inyong pamilya, makatutulong kayo sa pagtatayo ng pinakamatibay na tahanan para sa inyong pamilya. Ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay may mga laang plano para sa tahanang iyon. Ang Tagapagligtas ang sakdal na inhinyero, karpintero, at tagadisenyo ng tirahan. Kanyang proyekto ang sakdal at walang-hanggang kagalakan ng ating mga kaluluwa. Sa pamamagitan ng Kanyang mapagmahal na tulong, ang inyong mga kaluluwa ay magiging tulad ng nais Niyang maging kayo at maaari kayong maging pinakamahusay na bersyon ng inyong sarili na handang magtayo at manirahan sa pinakamatibay na tahanan.
Buong pasasalamat na nagpapatotoo ako na ang Diyos at Ama nating lahat ay buhay. Ang Panginoong Jesucristo na Kanyang Anak ang Tagapagligtas at Manunubos ng buong sangkatauhan. Sakdal ang pagmamahal Nila sa atin. Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kaharian ng Panginoon sa mundo. Ginagabayan tayo ngayon ng mga buhay na propeta at apostol. Ang Aklat ni Mormon ay totoo. Ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ang perpektong plano para sa pagtatayo ng pinakamatitibay na tahanan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.