Pangkalahatang Kumperensya
Paano Pinagpapala ng Priesthood ang mga Kabataan
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2020


2:3

Paano Pinagpapala ng Priesthood ang mga Kabataan

Sa pamamagitan ng priesthood, mapapalakas tayo. Ang priesthood ay nagdadala ng liwanag sa ating mundo.

Nagpapasalamat ako na nabuhay ako sa mundong ito. Noong malaman ko na magkakaroon ako ng oportunidad na magsalita sa inyo ngayon, labis akong natuwa, at napakumbaba rin. Maraming oras kong pinag-isipan ang tungkol sa maibabahagi ko, at umaasa ako na mangungusap sa inyo nang malinaw ang Espiritu sa pamamagitan ng aking mensahe.

Sa Aklat ni Mormon, binasbasan ni Lehi ang lahat ng kanyang anak na lalaki bago siya pumanaw na nakatulong sa kanila na mabatid ang kanilang mga kalakasan at walang hanggang potensyal. Ako ang pinakabata sa walong magkakapatid, at noong isang taon, ako na lang ang naiwan sa tahanan namin sa kauna-unahang pagkakataon. Napakahirap para sa akin na hindi ko na kasama ang mga kapatid ko sa iisang tahanan at wala akong palaging makausap. May mga gabi na napakalungkot ko. Nagpapasalamat ako sa mga magulang ko, na ginawa ang lahat ng kanilang makakaya para tulungan ako. Isang halimbawa nito ay noong sabihin ng aking ama na bibigyan niya ako ng basbas ng priesthood para mapanatag ako sa partikular na mahirap na panahong ito. Pagkatapos niya akong bigyan ng basbas ng priesthood, hindi kaagad nagbago ang mga bagay-bagay, pero nakadama ako ng kapayapaan at pagmamahal mula sa aking Ama sa Langit at sa aking ama. Mapalad ako na magkaroon ng isang karapat-dapat na ama na makapagbibigay ng mga basbas ng priesthood kapag kailangan ko ito at tumutulong sa akin para makita ko ang aking mga kalakasan at walang hanggang potensyal, tulad ng ginawa ni Lehi nang basbasan niya ang kanyang mga anak.

Anuman ang inyong sitwasyon, palagi ninyong mahihiling ang mga basbas ng priesthood. Sa pamamagitan ng mga miyembro ng pamilya, kaibigan, ministering brother, priesthood leader, at ng Ama sa Langit na hindi kayo bibiguin kailanman, makatatanggap kayo ng mga pagpapala ng priesthood. Sinabi ni Elder Neil L. Andersen: “Ang mga pagpapala ng priesthood ay lalong higit na dakila kaysa sa nahilingang magkaloob nito. … Kapag tayo ay karapat-dapat, pagyayamanin ng mga ordenansa ng priesthood ang ating buhay.”1

Huwag mag-atubiling humingi ng basbas kapag kailangan ninyo ng karagdagang patnubay. Sa ating mahihirap na sandali mas kinakailangan ang Espiritu na makatutulong sa atin nang lubos. Walang perpekto, at nakakaranas tayong lahat ng paghihirap. Maaaring dumaranas ang ilan sa atin ng pagkabalisa, depresyon, adiksyon, o pakiramdam na hindi tayo karapat-dapat. Matutulungan tayo ng mga pagpapala ng priesthood na malampasan ang mga hamong ito at matanggap ang kapayapaan kapag sumusulong tayo patungo sa kinabukasan. Umaasa ako na magsisikap tayo na mamuhay nang karapat-dapat para matanggap ang mga pagpapalang ito.

Ang isa pang paraan na mapagpapala tayo ng priesthood ay sa pamamagitan ng patriarchal blessing. Natutuhan kong basahin ang aking patriarchal blessing kapag nalulungkot o nag-iisa ako. Tinutulungan ako ng aking patriarchal blessing na maunawaan ang potensyal ko at ang partikular na plano ng Diyos para sa akin. Pinapanatag at tinutulungan ako nito na makita ang mga bagay-bagay nang higit pa sa aking pananaw sa mundo. Ipinapaalala nito sa akin ang mga kaloob na ibinigay sa akin at ang mga pagpapalang matatangap ko kung mamumuhay ako nang karapat-dapat. Tinutulungan din ako nito na maalala at mapanatag na maglalaan ang Diyos ng mga sagot at bagong oportunidad para sa akin sa eksaktong tamang sandali na pinakakailangan ko ito.

Tumutulong ang mga patriarchal blessing na maihanda tayo na makabalik sa ating Ama sa Langit upang makapiling Siya. Alam ko na ang mga patriarchal blessing ay mula sa Diyos at matutulungan tayo nito na madaig ang ating mga kahinaan. Hindi nagmula ang mga mensaheng ito sa mga manghuhula; sinasabi sa atin ng patriarchal blessing ang kailangan nating marinig. Ang patriarchal blessing ay parang Liahona para sa bawat isa sa atin. Kapag inuuna natin ang Diyos at nananampalataya sa Kanya, aakayin Niya tayo palabas ng ating sariling ilang.

Katulad ng pagkakaloob ng Diyos ng priesthood kay Joseph Smith upang maipanumbalik ang mga pagpapala ng ebanghelyo, matatanggap natin ang mga pagpapala ng ebanghelyo sa ating buhay sa pamamagitan ng priesthood. Bawat linggo ay binibigyan tayo ng pribilehiyo at oportunidad na tumanggap ng sakramento. Sa pamamagitan ng ordenansa ng priesthood na ito, mapapasaatin ang Espiritu upang lagi nating makasama, na lilinis at magpapadalisay sa atin. Kung nararamdaman ninyo na may kinakailangan kayong alisin mula sa inyong buhay, kausapin ang isang mapagkakatiwalaang lider na makatutulong sa inyo na makabalik sa tamang landas. Matutulungan kayo ng inyong mga lider na magamit ang buong kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Salamat sa priesthood dahil maaari din tayong makatanggap ng mga pagpapala ng mga ordenansa ng templo. Simula noong makapasok ako sa templo, ginawa kong mithiin at prayoridad na pumunta roon nang regular. Sa paglalaan ng oras at paggawa ng mga sakripisyong kinakailangan upang maging mas malapit sa aking Ama sa Langit sa Kanyang banal na tahanan, nabiyayaan akong makatanggap ng paghahayag at mga inspirasyon na talagang nakatulong sa buong buhay ko.

Sa pamamagitan ng priesthood, mapapalakas tayo. Ang priesthood ay nagdadala ng liwanag sa ating mundo. Sinabi ni Elder Robert D. Hales: “Kung wala ang kapangyarihan ng priesthood, ‘ang buong mundo ay lubusang mawawasak’ (tingnan sa D&at T 2:1–3). Walang liwanag, walang pag-asa—pawang kadiliman lamang.”2

Pinalalakas ng Diyos ang ating kalooban. Nais Niya na bumalik tayo sa Kanya. Kilala Niya tayo nang personal. Kilala Niya kayo. Mahal Niya tayo. Lagi Siyang nagmamalasakit sa atin at pinagpapala tayo kahit na sa pakiramdam natin ay hindi ito nararapat sa atin. Nalalaman Niya kung ano ang kailangan natin at kung kailan natin ito kailangan.

“Magsihingi kayo, at kayo’y bibigyan; magsihanap kayo, at kayo’y mangakasusumpong; magsituktok kayo, at kayo’y bubuksan:

“Sapagka’t ang bawa’t humihingi ay tumatanggap; at ang humahanap ay nakasusumpong; at ang tumutuktok ay binubuksan” (Mateo 7:7–8).

Kung wala pa kayong patotoo tungkol sa priesthood, hinihikayat ko kayo na manalangin at hilinging malaman para sa inyong sarili ang tungkol sa kapangyarihan nito at pagkatapos ay basahin ang mga banal na kasulatan para marinig ang mga salita ng Diyos. Alam ko na kung magsisikap tayo para maranasan ang kapangyarihan ng priesthood ng Diyos sa ating buhay, pagpapalain tayo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Neil L. Andersen, “Kapangyarihan sa Priesthood,” Liahona, Nob. 2013, 92.

  2. Robert D. Hales, “Blessings of the Priesthood,” Ensign, Nob. 1995, 32.