Mga Banal na Kasulatan
Mosias 15


Kabanata 15

Kung paano naging kapwa Ama at Anak si Cristo—Siya ay mamamagitan at papasanin ang mga kasalanan ng Kanyang mga tao—Sila at ang lahat ng banal na propeta ay Kanyang binhi—Kanyang papapangyarihin ang Pagkabuhay na Mag-uli—May buhay na walang hanggan ang maliliit na bata. Mga 148 B.C.

1 At ngayon, sinabi ni Abinadi sa kanila: Ninanais kong inyong maunawaan na ang Diyos din ay bababa sa mga anak ng tao, at tutubusin ang kanyang mga tao.

2 At dahil sa nagkatawang-tao siya, tatawagin siyang Anak ng Diyos, at dahil ipinasakop ang laman sa kalooban ng Ama, siya ay naging ang Ama at ang Anak—

3 Ang Ama, dahil sa ipinagdalantao siya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos; at ang Anak, dahil sa laman; sa gayon naging Ama at Anak—

4 At sila ay isang Diyos, oo, ang siya ring Walang Hanggang Ama ng langit at ng lupa.

5 At sa gayon ang laman ay napasakop sa Espiritu, o ang Anak sa Ama, na isang Diyos, dumanas ng tukso, at hindi nagpadaig sa tukso, kundi pinahintulutan ang kanyang sariling kutyain, at pahirapan, at ipagtabuyan, at itakwil ng kanyang mga tao.

6 At matapos ang lahat ng ito, matapos gumawa ng maraming makapangyarihang himala sa mga anak ng tao, dadalhin siya, oo, maging tulad ng sinabi ni Isaias, tulad ng tupa sa harapan ng manggugupit ay pipi, kaya’t hindi niya ibinuka ang kanyang bibig.

7 Oo, gayunpaman ay dadalhin siya, ipapako sa krus, at papatayin, ang laman ay mapasasakop maging sa kamatayan, ang kalooban ng Anak ay mapasasakop sa kalooban ng Ama.

8 At sa gayon nalagot ng Diyos ang mga gapos ng kamatayan, nakamtan ang tagumpay sa kamatayan; binibigyan ang Anak ng kapangyarihan na mamagitan para sa mga anak ng tao—

9 Matapos makaakyat sa langit, taglay ang sisidlan ng awa; napupuspos ng habag sa mga anak ng tao; tumayo sa pagitan nila at sa katarungan; matapos makalagan ang mga gapos ng kamatayan, inako niya sa kanyang sarili ang kanilang kasamaan at kanilang mga paglabag, matapos silang tubusin, at tugunin ang mga hinihingi ng katarungan.

10 At ngayon, sinasabi ko sa inyo, sino ang magpapahayag ng kanyang salinlahi? Dinggin, sinasabi ko sa inyo, na matapos magawang handog ang kanyang kaluluwa para sa kasalanan ay makikita niya ang kanyang binhi. At ngayon, ano ang masasabi ninyo? At sino ang kanyang magiging binhi?

11 Dinggin, sinasabi ko sa inyo, na kung sinuman ang makikinig sa mga salita ng mga propeta, oo, lahat ng banal na propeta na nagpropesiya hinggil sa pagparito ng Panginoon—sinasabi ko sa inyo, na lahat ng yaong makikinig sa kanilang mga salita, at maniniwalang tutubusin ng Panginoon ang kanyang mga tao, at umaasa sa araw na yaon para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan, sinasabi ko sa inyo, na sila ang kanyang binhi, o sila ang mga tagapagmana ng kaharian ng Diyos.

12 Sapagkat sila ang mga yaong ang mga kasalanan ay kanyang pinasan; para sa kanila siya namatay, upang matubos sila mula sa kanilang mga kasalanan. At ngayon, hindi ba’t sila ang kanyang binhi?

13 Oo, at hindi ba’t ang mga propeta, bawat isa na nagbuka ng kanyang bibig upang magpropesiya, na hindi nangahulog sa paglabag, ang ibig kong sabihin ay lahat ng banal na propeta magmula sa simula ng daigdig? Sinasabi ko sa inyo na sila ay kanyang binhi.

14 At sila ang mga yaong nagpahayag ng kapayapaan, na nagdala ng mabubuting balita ng kabutihan, na nagpahayag ng kaligtasan; at nagsabi sa Sion: Ang inyong Diyos ay naghahari!

15 At O anong ganda sa mga bundok ng kanilang mga paa!

16 At muli, anong ganda sa mga bundok ng mga paa nila na mga naghahayag pa rin ng kapayapaan!

17 At muli, anong ganda sa mga bundok ng mga paa nila na mga maghahayag mula ngayon ng kapayapaan, oo, magmula sa panahong ito at magpakailanman!

18 At dinggin, sinasabi ko sa inyo, hindi lamang ito. Sapagkat O anong ganda sa mga bundok ng mga paa niya na nagdadala ng mabubuting balita, na tagapagtatag ng kapayapaan, oo, maging ang Panginoon, na tumubos sa kanyang mga tao; oo, siya na nagkaloob ng kaligtasan sa kanyang mga tao;

19 Sapagkat kung hindi dahil sa pagtubos na ginawa niya para sa kanyang mga tao, na inihanda mula pa sa pagkakatatag ng daigdig, sinasabi ko sa inyo, kung hindi dahil dito, ang buong sangkatauhan ay nangasawi na sana.

20 Subalit dinggin, ang mga gapos ng kamatayan ay makakalag, at ang Anak ay maghahari, at may kapangyarihan sa mga patay; kaya nga, kanyang papapangyarihin ang pagkabuhay na mag-uli ng mga patay.

21 At magkakaroon ng pagkabuhay na mag-uli, maging ng unang pagkabuhay na mag-uli; oo, maging ng pagkabuhay na mag-uli nila noon, at nila ngayon, at nila na darating, maging hanggang sa pagkabuhay na mag-uli ni Cristo—sapagkat gayon siya tatawagin.

22 At ngayon, ang pagkabuhay na mag-uli ng lahat ng propeta, at lahat ng yaong naniwala sa kanilang mga salita, o lahat ng yaong sumunod sa mga kautusan ng Diyos, ay babangon sa unang pagkabuhay na mag-uli; kaya nga, sila ang unang mangabubuhay na mag-uli.

23 Sila ay ibabangon upang manahanang kasama ng Diyos na siyang tumubos sa kanila; sa gayon, sila ay may buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Cristo, na siyang kumalag sa mga gapos ng kamatayan.

24 At sila ang mga yaong may bahagi sa unang pagkabuhay na mag-uli; at sila ang mga yaong namatay bago pumarito si Cristo, sa kanilang kawalang-malay, hindi naipahayag ang kaligtasan sa kanila. At sa ganito papapangyarihin ng Panginoon ang pagpapanumbalik nila; at may bahagi sila sa unang pagkabuhay na mag-uli, o may buhay na walang hanggan, matapos tubusin ng Panginoon.

25 At ang maliliit na bata ay may buhay na walang hanggan din.

26 Subalit dinggin, at matakot, at manginig sa harapan ng Diyos, sapagkat dapat kayong manginig; sapagkat walang tinutubos ang Panginoon na naghihimagsik laban sa kanya at namamatay sa kanilang mga kasalanan; oo, maging lahat ng yaong nangamatay sa kanilang mga kasalanan mula pa sa simula ng daigdig, na sadyang naghimagsik laban sa Diyos, na nakaaalam sa mga kautusan ng Diyos at ayaw sundin ang mga ito; sila ang mga yaong walang bahagi sa unang pagkabuhay na mag-uli.

27 Samakatwid, hindi ba’t kayo ay dapat na manginig? Sapagkat hindi mapapasa mga gayon ang kaligtasan; sapagkat walang gayong tinubos ang Panginoon; oo, ni hindi kayang tubusin ng Panginoon ang gayon; sapagkat hindi niya sasalungatin ang kanyang sarili; sapagkat hindi niya matatanggihan ang katarungan kapag mayroon itong karapatan.

28 At ngayon, sinasabi ko sa inyo na darating ang panahon na ang pagliligtas ng Panginoon ay ipahahayag sa bawat bansa, lahi, wika, at tao.

29 Oo, Panginoon, ang inyong mga tagabantay ay magtataas ng kanilang mga tinig; sa magkakasamang tinig ay aawit sila, sapagkat kanilang makikita nang mata sa mata kung kailan ibabalik na muli ng Panginoon ang Sion.

30 Magpakagalak, magsiawit nang sabay-sabay, kayong mga nawasak na dako ng Jerusalem; sapagkat inalo ng Panginoon ang kanyang mga tao, tinubos niya ang Jerusalem.

31 Ipinakita ng Panginoon ang kanyang banal na bisig sa mga paningin ng lahat ng bansa; at lahat ng dulo ng mundo ay makikita ang pagliligtas ng ating Diyos.