Mga Banal na Kasulatan
Mosias 10


Kabanata 10

Namatay si Haring Laman—Ang kanyang mga tao ay mababangis at malulupit at naniniwala sa mga maling kaugalian—Si Zenif at ang kanyang mga tao ay nanaig laban sa kanila. Mga 187–160 B.C.

1 At ito ay nangyari na muli naming sinimulang itatag ang kaharian at muli naming sinimulang angkinin ang lupain nang mapayapa. At iniutos kong gumawa ng lahat ng uri ng sandata ng digmaan, nang sa gayon magkaroon ako ng mga sandata para sa aking mga tao sa pagdating ng panahon na ang mga Lamanita ay sumalakay muli upang makidigma sa aking mga tao.

2 At ako ay nagtalaga ng mga bantay sa paligid ng lupain, upang ang mga Lamanita ay hindi na makasalakay sa aming muli nang hindi namamalayan at lipulin kami; at sa ganito ko binantayan ang aking mga tao at aking mga kawan, at iniadya sila mula sa pagkahulog sa mga kamay ng aming mga kaaway.

3 At ito ay nangyari na aming minana ang lupain ng aming mga ama sa loob ng maraming taon, oo, sa loob ng dalawampu’t dalawang taon.

4 At iniutos kong bungkalin ng kalalakihan ang lupa, at magtanim ng lahat ng uri ng butil at lahat ng uri ng bawat bungang-kahoy.

5 At iniutos ko na ang kababaihan ay magkidkid, at magsikap, at gumawa, at maghabi ng lahat ng uri ng mainam na lino, oo, at lahat ng uri ng tela, upang madamitan namin ang aming kahubaran; at sa ganito kami umunlad sa lupain—sa ganito kami nagkaroon ng patuloy na kapayapaan sa lupain sa loob ng dalawampu’t dalawang taon.

6 At ito ay nangyari na namatay si haring Laman, at nagsimulang mamamahala ang kanyang anak bilang kahalili niya. At sinimulan niyang pukawin ang kanyang mga tao na maghimagsik laban sa aking mga tao; kaya nga, nagsimula silang maghanda upang makidigma, at sumalakay sa pakikidigma sa aking mga tao.

7 Subalit isinugo ko ang aking mga tagamanman sa paligid ng lupain ng Semlon, upang matuklasan ko ang kanilang mga paghahanda, upang makapagbantay ako laban sa kanila, upang hindi sila makasalakay sa aking mga tao at lipulin sila.

8 At ito ay nangyari na sumalakay sila sa dakong hilaga ng lupain ng Silom, kasama ang kanilang napakalaking hukbo, mga kalalakihang nasasandatahan ng mga busog, at ng mga palaso, at ng mga espada, at ng mga simitar, at ng mga bato, at ng mga tirador; at kanilang inahitan ang kanilang mga ulo kung kaya’t sila ay kalbo; at sila ay nabibigkisan ng bigkis na balat sa kanilang mga balakang.

9 At ito ay nangyari na iniutos ko na magtago sa ilang ang kababaihan at mga anak ng aking mga tao; at iniutos ko rin na ang lahat ng matatandang lalaki na kayang magdala ng sandata, at gayundin ang lahat ng aking mga kabataang lalaki na kayang magdala ng sandata, ay sama-samang tipunin ang kanilang sarili upang makidigma laban sa mga Lamanita; at itinalaga ko sila sa kanilang mga hanay, bawat lalaki alinsunod sa kanyang gulang.

10 At ito ay nangyari na umahon kami upang makidigma laban sa mga Lamanita; at ako, maging ako, sa aking katandaan, ay umahon upang makidigma laban sa mga Lamanita. At ito ay nangyari na umahon kami sa lakas ng Panginoon upang makidigma.

11 Ngayon, ang mga Lamanita ay walang nalalaman hinggil sa Panginoon, ni sa lakas ng Panginoon, kaya nga, umaasa sila sa kanilang sariling lakas. Gayunman, sila ay malalakas na tao, batay sa lakas ng tao.

12 Sila ay mababangis, at malulupit, at mga taong uhaw sa dugo, naniniwala sa mga kaugalian ng kanilang mga ama, na ito—Naniniwala na sila ay itinaboy palabas ng lupain ng Jerusalem dahil sa kasamaan ng kanilang mga ama, at na ginawan sila ng masama sa ilang ng kanilang mga kapatid, at ginawan din sila ng masama habang tumatawid sa dagat;

13 At muli, na ginawan sila ng masama habang nasa lupain ng kanilang unang pamana, matapos silang tumawid sa dagat, at lahat ng ito ay dahil sa higit na matapat si Nephi sa pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon—kaya nga pinagpala siya ng Panginoon, sapagkat dininig ng Panginoon ang kanyang mga panalangin at tinugon ang mga yaon, at siya ang namuno sa kanilang paglalakbay sa ilang.

14 At napoot sa kanya ang kanyang mga kapatid dahil sa hindi nila naunawaan ang mga pakikitungo ng Panginoon; napoot din sila sa kanya sa ibabaw ng mga tubig dahil sa pinatigas nila ang kanilang mga puso laban sa Panginoon.

15 At muli, napoot sila sa kanya nang makarating na sila sa lupang pangako, dahil kanilang sinabi na kinuha niya ang pamumuno sa mga tao mula sa kanilang mga kamay; at hinangad nilang patayin siya.

16 At muli, napoot sila sa kanya dahil sa lumisan siya patungo sa ilang tulad ng iniutos sa kanya ng Panginoon, at dinala ang mga talang nauukit sa mga laminang tanso, sapagkat kanilang sinasabi na pinagnakawan niya sila.

17 At kaya naman itinuro nila sa kanilang mga anak na dapat nilang kapootan sila, at dapat nilang paslangin sila, at dapat nilang pagnakawan at dambungan sila, at gawin ang lahat ng kanilang magagawa upang lipulin sila; kaya nga, sila ay may walang hanggang pagkapoot sa mga anak ni Nephi.

18 Sa natatanging kadahilanang ito, si haring Laman, sa pamamagitan ng kanyang katusuhan, at mapanlinlang na pagsisinungaling, at ng kanyang mga kaaya-ayang pangako, ay nalinlang ako, na dinala ko ang aking mga tao sa lupaing ito, upang kanilang malipol sila; oo, at nagdusa kami nitong maraming taon sa lupain.

19 At ngayon, ako, si Zenif, matapos sabihin ang lahat ng bagay na ito sa aking mga tao hinggil sa mga Lamanita, hinimok ko sila na humayo sa digmaan sa kanilang lakas, ibinibigay ang kanilang tiwala sa Panginoon; kaya nga, kami ay nakipaglaban sa kanila nang harap-harapan.

20 At ito ay nangyari na muli namin silang naitaboy palabas ng aming lupain; at napatay namin sila nang may malupit na pagkatay, maging napakarami kung kaya’t hindi na namin sila mabilang.

21 At ito ay nangyari na muli kaming bumalik sa aming sariling lupain, at ang aking mga tao ay muling nagsimulang mamastol ng kanilang mga kawan, at magbungkal ng kanilang lupa.

22 At ngayon, ako, na matanda na, ay iginawad ang kaharian sa isa sa aking mga anak na lalaki; kaya nga, wala na akong sasabihin pa. At pagpalain nawa ng Panginoon ang aking mga tao. Amen.