Mga Banal na Kasulatan
Mosias 21


Kabanata 21

Ang mga tao ni Limhi ay pinahirapan at tinalo ng mga Lamanita—Nakatagpo ng mga tao ni Limhi si Ammon at nagbalik-loob—Sinabi nila kay Ammon ang hinggil sa dalawampu’t apat na mga lamina ng mga Jaredita. Mga 122–121 B.C.

1 At ito ay nangyari na bumalik si Limhi at ang kanyang mga tao sa lungsod ng Nephi, at nagsimula muling mamuhay sa lupain nang mapayapa.

2 At ito ay nangyari na matapos ang maraming araw, ang mga Lamanita ay nagsimula muling mapukaw sa galit laban sa mga Nephita, at nagsimula silang magtungo sa palibot ng mga hangganan ng lupain.

3 Ngayon, hindi sila nagtatangkang patayin sila, dahil sa sumpang ginawa ng kanilang hari kay Limhi; subalit kanilang sinasampal sila sa kanilang mga pisngi, at gumagamit ng kapangyarihan sa kanila; at nagsimulang magpataw ng mabibigat na pasanin sa kanilang mga likod, at itinataboy silang tulad ng isang maamong asno—

4 Oo, ang lahat ng ito ay naganap upang maisakatuparan ang salita ng Panginoon.

5 At ngayon, labis ang pagdurusa ng mga Nephita, at walang paraan upang mapalaya nila ang sarili sa kanilang mga kamay, sapagkat napalilibutan sila ng mga Lamanita sa lahat ng panig.

6 At ito ay nangyari na nagsimulang bumulung-bulong ang mga tao sa hari dahil sa kanilang mga paghihirap; at nagsimula silang maghangad na humayo laban sa kanila sa pakikidigma. At labis nilang binagabag ang hari ng kanilang mga daing; kaya nga, pinahintulutan niya silang gawin ang alinsunod sa kanilang mga naisin.

7 At muli nilang kinalap ang kanilang sarili, at isinuot ang kanilang baluti, at humayo laban sa mga Lamanita upang itaboy silang palabas ng kanilang lupain.

8 At ito ay nangyari na tinalo sila ng mga Lamanita, at naitaboy silang pabalik, at napatay ang marami sa kanila.

9 At ngayon, nagkaroon ng labis na pagdadalamhati at pananaghoy sa mga tao ni Limhi, ang balong babae ay nagdadalamhati dahil sa kanyang asawa, ang anak na lalaki at anak na babae ay nagdadalamhati dahil sa kanilang ama, at ang mga kapatid na lalaki dahil sa kanilang mga kapatid.

10 Ngayon, nagkaroon ng napakaraming balo sa lupain, at nagpalahaw sila nang labis sa araw-araw, sapagkat nagkaroon sila ng labis na pagkatakot sa mga Lamanita.

11 At ito ay nangyari na pumukaw sa mga nalalabing tao ni Limhi ang kanilang patuloy na pagpalahaw na magalit laban sa mga Lamanita; at muli silang nakidigma, subalit muli silang naitaboy pabalik, na nagdusa ng malaking kawalan.

12 Oo, muli silang nakidigma maging sa ikatlong pagkakataon, at nagdusa sa gayunding paraan; at ang mga yaong hindi napatay ay muling bumalik sa lungsod ng Nephi.

13 At nagpakumbaba sila ng kanilang sarili maging hanggang sa alabok, ipinauubaya ang kanilang sarili sa singkaw ng pagkaalipin, ipinauubaya ang kanilang sarili na hampasin, at itaboy nang paroo’t parito, at pahirapan, alinsunod sa mga naisin ng kanilang mga kaaway.

14 At nagpakumbaba sila ng kanilang sarili maging sa kailaliman ng pagpapakumbaba; at mataimtim silang nagsumamo sa Diyos; oo, maging sa buong maghapon ay nagsumamo sila sa kanilang Diyos na kanya silang hanguin mula sa kanilang mga paghihirap.

15 At ngayon, ang Panginoon ay mabagal sa pakikinig sa kanilang pagsusumamo dahil sa kanilang mga kasamaan; gayunpaman, dininig ng Panginoon ang kanilang mga pagsusumamo, at sinimulang palambutin ang mga puso ng mga Lamanita kung kaya’t sinimulan nilang pagaanin ang kanilang mga pasanin; gayunman, hindi pa minarapat ng Panginoon na palayain sila mula sa pagkaalipin.

16 At ito ay nangyari na nagsimula silang unti-unting umunlad sa lupain, at nagsimula silang magtanim ng higit na maraming butil, at magparami ng mga kawan ng tupa, at mga kawan ng baka, kung kaya’t hindi sila nagdusa ng gutom.

17 Ngayon, may malaking bilang ng kababaihan, higit pa sa kalalakihan; kaya nga, nag-utos si haring Limhi na bawat lalaki ay nararapat magbahagi para sa panustos ng mga balo at kanilang mga anak, upang hindi sila mamatay sa gutom; at kanila itong ginawa dahil sa kalakihan ng kanilang bilang na mga napatay.

18 Ngayon, ang mga tao ni Limhi ay nanatiling magkakasama sa iisang pangkat hangga’t maaari, at pinangalagaan ang kanilang mga butil at kanilang mga kawan;

19 At ang hari din ay hindi ipinagkatiwala ang kanyang sarili sa labas ng mga pader ng lungsod, maliban kung kasama niya ang kanyang mga bantay, nangangamba na baka sa alinmang kaparaanan ay mahulog siya sa mga kamay ng mga Lamanita.

20 At iniutos niya na magbantay ang kanyang mga tao sa palibot ng lupain upang sa alinmang kaparaanan ay madakip nila ang mga yaong saserdoteng tumakas patungo sa ilang, na silang dumukot sa mga anak na babae ng mga Lamanita, at naging dahilan upang sumapit sa kanila ang gayong kalaking pagkawasak.

21 Sapagkat sila ay nagnais na madakip sila upang kanila silang maparusahan; sapagkat nagtutungo sila sa lupain ng Nephi sa gabi, at tinatangay ang kanilang mga butil at marami sa kanilang mahahalagang bagay; kaya nga, sila ay nag-abang sa kanila.

22 At ito ay nangyari na wala nang kaguluhang namagitan sa mga Lamanita at sa mga tao ni Limhi, maging hanggang sa panahong si Ammon at ang kanyang mga kapatid ay dumating sa lupain.

23 At nang ang hari na nasa labas ng pintuang-bayan ng lungsod kasama ang kanyang bantay ay natagpuan si Ammon at ang kanyang mga kapatid; at sa pag-aakalang sila ang mga saserdote ni Noe, kaya nga, kanyang iniutos na sila ay dakpin, at igapos, at itapon sa bilangguan. At kung sila nga ang mga saserdote ni Noe ay kanya sanang ipinag-utos na patayin sila.

24 Subalit nang malaman niya na hindi sila ang mga yaon, kundi sila ay kanyang mga kapatid, at nagmula sa lupain ng Zarahemla, siya ay napuspos ng labis na kagalakan.

25 Ngayon, nagpadala si haring Limhi, bago pa ang pagdating ni Ammon, ng maliit na bilang ng kalalakihan upang hanapin ang lupain ng Zarahemla; subalit hindi nila ito matagpuan, at nangaligaw sila sa ilang.

26 Gayunpaman, sila ay nakatuklas ng isang lupain na natirahan ng mga tao; oo, isang lupaing nababalot ng mga tuyong buto; oo, isang lupaing natirahan ng mga tao at mga nalipol; at sila, sa pag-aakalang ito ang lupain ng Zarahemla, ay nagbalik sa lupain ng Nephi, na nakarating sa mga hangganan ng lupain mga ilang araw bago ang pagdating ni Ammon.

27 At sila ay may dalang isang talaan, maging isang tala ng mga tao na ang mga buto ay kanilang natagpuan; at ito ay nauukit sa mga laminang inang mina.

28 At ngayon, si Limhi ay muling napuspos ng kagalakan sa pagkakaalam mula sa bibig ni Ammon na si haring Mosias ay may isang kaloob mula sa Diyos, na kanyang maipaliliwanag ang mga gayong nakaukit; oo, at si Ammon ay nagsaya rin.

29 Gayunman, si Ammon at ang kanyang mga kapatid ay napuspos ng kalungkutan sapagkat napakarami sa kanilang mga kapatid ang napatay;

30 At gayundin na si haring Noe at ang kanyang mga saserdote ay naging dahilan upang makagawa ang mga tao ng maraming kasalanan at kasamaan laban sa Diyos; at sila rin ay nagdalamhati dahil sa pagkamatay ni Abinadi; at gayundin sa paglisan ni Alma at ng mga taong sumama sa kanya, na nagtayo ng isang simbahan ng Diyos sa pamamagitan ng lakas at kapangyarihan ng Diyos, at pananampalataya sa mga salitang sinabi ni Abinadi.

31 Oo, nagdalamhati sila dahil sa kanilang paglisan, sapagkat hindi nila nalalaman kung saan sila nagtungo. Ngayon, sila sana ay magagalak na sumama sa kanila, sapagkat sila rin ay pumasok sa isang tipan sa Diyos na paglilingkuran siya at susundin ang kanyang mga kautusan.

32 At ngayon, simula ng pagdating ni Ammon, si haring Limhi ay pumasok din sa isang tipan sa Diyos, at gayundin ang marami sa kanyang mga tao, na paglilingkuran siya at susundin ang kanyang mga kautusan.

33 At ito ay nangyari na nagnais si haring Limhi at marami sa kanyang mga tao na mabinyagan; subalit walang sinuman sa lupain ang may karapatan mula sa Diyos. At si Ammon ay tumangging gawin ang bagay na ito, ipinalalagay ang kanyang sarili na isang hindi karapat-dapat na tagapaglingkod.

34 Samakatwid, sa panahong yaon ay hindi pa nila binuo ang kanilang sarili sa isang simbahan, naghihintay sa Espiritu ng Panginoon. Ngayon, sila ay nagnais na maging katulad ni Alma at ng kanyang mga kapatid, na nagsitakas patungo sa ilang.

35 Sila ay nagnais na mabinyagan bilang saksi at bilang patotoo na nahahanda silang paglingkuran ang Diyos ng kanilang buong puso; gayunpaman, pinagpaliban nila ang panahon; at ang ulat ng kanilang binyag ay ibibigay pagkaraan nito.

36 At ngayon, lahat ng pag-aaral ni Ammon at ng kanyang mga tao, at ni haring Limhi at ng kanyang mga tao, ay mapalaya ang kanilang sarili mula sa mga kamay ng mga Lamanita at mula sa pagkaalipin.