2010–2019
Pangwakas na Mensahe
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2019


2:3

Pangwakas na Mensahe

Ang indibiduwal na pagkamarapat ay nangangailangan ng lubos na pagbabago ng puso at isipan upang mas makatulad ng Panginoon.

Minamahal kong mga kapatid, sa pagtatapos ng makasaysayang kumperensyang ito, nagpapasalamat tayo sa Panginoon sa pagbibigay-inspirasyon sa mga mensahe at musika na nagpatibay sa atin. Tayo ay tunay na nagtamasa ng espirituwal na pagpapakabusog.

Alam natin na ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay maghahatid ng pag-asa at kagalakan sa mga taong nakikinig at sumusunod sa Kanyang doktrina. Alam din natin na bawat tahanan ay maaaring maging tunay na santuwaryo ng pananampalataya, kung saan makapananahan ang kapayapaan, pagmamahal, at ang Espiritu ng Panginoon.

Mangyari pa, ang pinakakatangi-tanging bahagi ng Panunumbalik ay ang banal na templo. Ang mga banal na ordenansa at tipan nito ay mahalaga sa paghahanda sa mga tao na handang sumalubong sa Tagapagligtas sa Kanyang Ikalawang Pagparito. Sa ngayon ay mayroon tayong 166 na inilaang mga templo, at marami pa ang madaragdag.

Isang open house ang gaganapin bago ang paglalaan ng bawat bago at ni-renovate na templo. Maraming kaibigan na hindi kabilang sa ating relihiyon ang makikibahagi sa mga paglilibot sa mga templong iyon at may matututuhan sila tungkol sa mga pagpapala ng templo. At ang ilan sa mga bisitang iyon ay mapupukaw na mas matuto pa. Ang ilan ay taos-pusong magtatanong kung paano sila magiging marapat para sa mga pagpapala ng templo.

Bilang mga miyembro ng Simbahan, kailangang handa tayong sagutin ang kanilang mga tanong. Maipapaliwanag natin na ang mga pagpapala ng templo ay bukas sa sinumang tao na maghahanda ng kanilang sarili. Ngunit bago sila makapasok sa isang inilaang templo, kailangan silang maging marapat. Nais ng Panginoon na makibahagi ang lahat ng Kanyang mga anak sa mga walang-hanggang pagpapala na matatamo sa Kanyang templo. Itinuro Niya ang dapat gawin ng lahat ng tao upang maging marapat na makapasok sa Kanyang banal na tahanan.

Isang magandang lugar upang simulan ang ganoong oportunidad na magturo ay sa pagbibigay-pansin sa mga salitang nakaukit sa labas ng templo: “Kabanalan sa Panginoon; ang Bahay ng Panginoon.” Ang mensahe ni Pangulong Henry B. Eyring ngayon at ang marami pang iba ay nagbigay-inspirasyon sa atin na maging mas banal. Ang bawat templo ay banal na lugar; ang bawat patron sa templo ay nagsisikap na maging mas banal.

Lahat ng kinakailangan upang makapasok sa templo ay nauugnay sa personal na kabanalan. Upang masukat ang kahandaang iyan, lahat ng taong nagnanais na matamasa ang mga pagpapala ng templo ay magkakaroon ng dalawang interbyu; una sa isang bishop, tagapayo sa bishopric, o branch president; pangalawa sa isang stake o mission president o sa isa sa kanyang mga tagapayo. Sa mga interbyung iyan, maraming itatanong.

Ilan sa mga tanong na iyan ay iniayos kamakailan lamang para mas maging malinaw. Nais kong repasuhin ang mga ito sa inyo ngayon:

  1. May pananampalataya at patotoo ka ba sa Diyos Amang Walang Hanggan; sa Kanyang Anak na si Jesucristo; at sa Espiritu Santo?

  2. May patotoo ka ba sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo at sa Kanyang papel na ginagampanan bilang iyong Tagapagligtas at Manunubos?

  3. May patotoo ka ba sa Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo?

  4. Sinasang-ayunan mo ba ang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw bilang propeta, tagakita, at tagapaghayag at bilang nag-iisang tao sa mundo na nagtataglay at may karapatang gamitin ang lahat ng susi ng priesthood?

    Sinasang-ayunan mo ba ang mga miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag?

    Sinasang-ayunan mo ba ang iba pang mga General Authority at mga lokal na lider ng Simbahan?

  5. Sinabi ng Panginoon na ang lahat ng bagay ay “gawin sa kalinisan” sa Kanyang harapan (Doktrina at mga Tipan 42:41).

    Sinisikap mo bang gawing malinis ang iyong kaisipan at asal?

    Sinusunod mo ba ang batas ng kalinisang-puri?

  6. Sinusunod mo ba ang mga turo ng Simbahan ni Jesucristo sa mga ikinikilos mo sa pribado at publiko kasama ang mga miyembro ng iyong pamilya at ibang tao?

  7. Itinataguyod o tinatangkilik mo ba ang anumang mga aral, kaugalian, o doktrinang salungat sa mga itinuturo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw?

  8. Sinisikap mo bang panatilihing banal ang araw ng Sabbath, kapwa sa tahanan at sa simbahan; dumadalo sa iyong mga miting; naghahanda para sa at marapat na tumatanggap ng sakramento; at namumuhay nang naaayon sa mga batas at kautusan ng ebanghelyo?

  9. Sinisikap mo bang maging tapat sa lahat ng iyong ginagawa?

  10. Nagbabayad ka ba ng buong ikapu?

  11. Nauunawaan at sinusunod mo ba ang Word of Wisdom?

  12. Ikaw ba ay mayroong anumang pinansiyal na obligasyon o iba pang mga obligasyon sa dati mong asawa o mga anak?

    Kung mayroon, nagagampanan mo ba ang mga obligasyong iyon?

  13. Tinutupad mo ba ang mga tipan na ginawa mo sa templo, pati na ang pagsusuot ng temple garment ayon sa itinagubilin sa endowment?

  14. May mabibigat na kasalanan ba sa iyong buhay na kailangang iresolba sa mga awtoridad ng priesthood bilang bahagi ng iyong pagsisisi?

  15. Itinuturing mo bang karapat-dapat ang iyong sarili na makapasok sa bahay ng Panginoon at makilahok sa mga ordenansa sa templo?

Bukas, ang mga nirebisang tanong para sa temple recommend ay ipadadala sa mga lider ng Simbahan sa buong daigdig.

Dagdag pa sa pagsagot sa mga tanong na ito nang matapat, nauunawaan na lahat ng adult na patron sa templo ay magsusuot ng banal na garment ng priesthood sa ilalim na kanilang regular na pananamit. Simbolo ito ng isang banal na pangakong magsisikap bawat araw na maging mas katulad ng Panginoon. Ipinaaalala rin nito sa atin na manatiling maging matapat sa mga tipang ginagawa araw-araw at tahakin ang landas ng tipan bawat araw sa mas dakila at mas banal na paraan.

Nais kong mangusap sandali sa ating mga kabataan. Hinihikayat ko kayo na maging marapat para sa mga limited-use na temple recommend. Itatanong lamang sa inyo ang mga tanong na angkop sa inyo sa inyong paghahanda para sa mga ordenansa ng binyag at kumpirmasyon para sa mga yumao na. Lubos kaming nagpapasalamat para sa inyong pagkamarapat at kagustuhang makibahagi sa banal na gawain sa templo na iyan. Pinasasalamatan namin kayo!

Ang indibiduwal na pagkamarapat upang makapasok sa tahanan ng Panginoon ay nangangailangan ng maraming indibiduwal na espirituwal na paghahanda. Subalit sa tulong ng Panginoon, walang imposible. Sa ilang aspeto, mas madaling magtayo ng templo kaysa maghanda ng mga tao para sa templo. Ang indibiduwal na pagkamarapat ay humihiling ng lubos na pagbabago ng isip at puso upang maging mas katulad ng Panginoon, maging matapat na mamamayan, maging mas mabuting halimbawa, at maging mas banal na tao.

Pinatototohanan ko na ang ganoong paghahanda ay nagdadala ng maraming pagpapala sa buhay na ito at hindi mawawaring pagpapala sa buhay na darating, kabilang ang pagpapatuloy ng mag-anak sa walang hanggan sa isang kalagayan ng “walang katapusang kaligayahan.”1

Ngayon, hangad kong pumunta sa isa pang paksa: mga plano para sa darating na taon. Sa tagsibol ng taong 2020, eksaktong 200 taon simula noong maranasan ni Joseph Smith ang pangitain na tinatawag natin na Unang Pangitain. Ang Diyos Ama at ang Kanyang Minamahal na Anak na si Jesucristo ay nagpakita kay Joseph, isang 14 na-taong-gulang na kabataan. Ang pangyayaring iyan ang tanda ng pagsisimula ng Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo sa kaganapan nito, na katulad na katulad ng ipinropesiya sa Banal na Biblia.2

Pagkatapos ay nagkaroon ng magkakasunod na pagbisita ng mga sugo mula sa langit, na kinabibilangan nina Moroni, Juan Bautista, at ng mga Apostol noong una na sina Pedro, Santiago, at Juan. Sumunod ang iba pa, kabilang sina Moises, Elias, at Elijah. Bawat isa ay nagdala ng awtoridad mula sa langit upang pagpalaing muli ang mga anak ng Diyos sa mundo.

Himala rin nating natanggap ang Aklat ni Mormon: Isa Pang Tipan ni Jesucristo, isang kaakibat na banal na kasulatan ng Banal na Biblia. Ang mga paghahayag na inilathala sa Doktrina at mga Tipan at sa Mahalagang Perlas ay labis ding pinasagana ang ating pang-unawa sa mga kautusan at walang-hanggang katotohanan ng Diyos.

Ang mga susi at katungkulan ng priesthood ay ipinanumbalik, kabilang ang mga katungkulan ng Apostol, Pitumpu, patriarch, high priest, elder, bishop, priest, teacher, at deacon. At ang kababaihan na minamahal ang Panginoon ay naglilingkod nang magiting sa Relief Society, Primary, Young Women, Sunday School, at iba pang mga katungkulan sa Simbahan—lahat ay mahahalagang bahagi ng Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo sa kaganapan nito.

Sa gayon, ang taong 2020 ay itatalagang bicentennial year. Ang pangkalahatang kumperensya sa susunod na Abril ay magiging kaiba sa mga nagdaang kumperensya. Sa susunod na anim na buwan, umaasa ako na bawat miyembro at bawat pamilya ay maghahanda para sa isang natatanging kumperensya na gugunita sa mga mismong saligan ng ipinanumbalik na ebanghelyo.

Maaari ninyong naising simulan ang paghahanda ninyo sa pamamagitan ng pagbabasang muli ng ulat ni Joseph Smith tungkol sa Unang Pangitain na nakatala sa Mahalagang Perlas. Ang ating kursong pag-aaralan sa susunod na taon sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ay ang Aklat ni Mormon. Maaari ninyong pagnilayan ang mahahalagang tanong tulad ng, “Gaano kaya magbabago ang buhay ko kung ang aking kaalamang natamo mula sa Aklat ni Mormon ay biglang mawala?” o “Paano nakagawa ng kaibhan sa akin at sa aking mga mahal sa buhay ang mga pangyayaring kasunod ng Unang Pangitain?” Gayundin, dahil nagagamit na natin ang mga video tungkol sa Aklat ni Mormon, maaari ninyong naising gamitin ang mga ito sa inyong indibiduwal at pampamilyang pag-aaral.

Pumili ng sarili ninyong mga tanong. Gumawa ng sarili ninyong plano. Ibabad ninyo ang inyong sarili sa maluwalhating liwanag ng Panunumbalik. Kapag ginawa ninyo ito, ang pangkalahatang kumperensya sa susunod na Abril ay hindi lamang magiging dakila, ito ay hindi malilimutan.

Ngayon, sa pagtatapos, iniiwan ko sa inyo ang aking pagmamahal at aking pagpapala, na bawat isa sa inyo ay maging mas masaya at mas banal sa paglipas ng mga araw. Samantala, matitiyak ninyo na ang paghahayag ay nagpapatuloy sa Simbahan at magpapatuloy sa ilalim ng patnubay ng Panginoon hanggang sa “ang mga layunin ng Diyos ay matupad, at ang Dakilang Jehova ay magsabing ang gawain ay naganap na.”3

Binabasbasan ko kayo, muling pinagtitibay ang aking pagmamahal sa inyo, kaakibat ang aking patotoo na buhay ang Diyos! Si Jesus ang Cristo! Ito ang Kanyang Simbahan at tayo ang Kanyang mga tao. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.