2010–2019
Maging Alisto at Patuloy na Manalangin
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2019


2:3

Maging Alisto at Patuloy na Manalangin (Alma 34:39; Moroni 6:4; Lucas 21:36)

Ang walang humpay na pagbabantay ay kailangan upang labanan ang pagkakampante at pagiging kaswal.

Dalangin ko ang tulong ng Espiritu Santo para sa akin at sa inyo sa sama-sama nating pagdiriwang at pagsamba.

Noong Abril ng 1976, nagsalita si Elder Boyd K. Packer sa mga kabataan ng Simbahan sa pangkalahatang kumperensya. Sa kanyang mensaheng pinamagatang “Espirituwal na mga Buwaya,” inilarawan niya kung paano niya napansin sa isang pagpunta sa Africa, ang pananakmal ng nag-aabang na mga buwaya sa walang kamalay-malay na mga biktima. Inihalintulad niya ang mga buwaya kay Satanas, na nambibiktima sa walang kamalay-malay na mga kabataan sa pagbabalatkayo ng nakamamatay na likas na katangian ng kasalanan.

23 taong gulang ako nang ibigay ni Elder Packer ang mensaheng iyon, at inaasahan namin ni Susan ang pagsilang ng aming unang anak na ilang araw na lamang mula noon. Lubha kaming humanga sa mensahe niya sa pag-iwas sa kasalanan at sa mahusay na paraan ng paggamit niya sa pag-uugali ng mga hayop upang magturo ng isang mahalagang espirituwal na aral.

Maraming beses din kaming naglakbay ni Susan patungong Africa dahil sa maraming gawain. At nagkaroon kami ng mga pagkakataon na makita ang mga kamangha-manghang hayop na nakatira sa kontinenteng iyon. Naaalala ang epekto ng sinabi ni Elder Packer sa aming buhay, sinubukan naming masdan at matuto ng mahahalagang aral mula sa pag-uugali ng mga hayop sa Africa.

Nais kong ilarawan ang mga katangian at taktika ng dalawang cheetah na nakita namin ni Susan habang naghahanap ng kanilang makakain at iugnay ang ilan sa mga bagay na nakita namin sa pang-araw-araw na pamumuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Mga Cheetah at Topi

Ang mga cheetah ang pinakamabibilis na hayop sa mundo at umaabot ng 75 mph (120 km/h) ang bilis ng kanilang pagtakbo. Kayang tumakbo ng magagandang hayop na ito mula sa nakahintong posisyon hanggang sa bilis na 68 mph (109 km/h) nang wala pang tatlong segundo. Ang mga cheetah ay mga mandaragit na lumalabas nang biglaan at tumatakbo ng maikling distansiya upang humabol at umatake.

Mga Cheetah na pinagmasdan nina Elder at Sister Bednar

Halos dalawang oras naming pinagmasdan ni Susan ang dalawang cheetah na nagmamatyag sa isang malaking grupo ng topi, ang pinaka-karaniwan at pinakalaganap na antilope sa Africa. Ang matataas at tuyong damo sa sabana ng Africa ay golden brown ang kulay at halos hindi makita ang mga mandaragit sa paghabol nila sa grupo ng mga topi. Ang mga cheetah ay magkakahiwalay sa distansiyang mga 100 yarda (90 metro) ngunit nagkakaisang kumikilos.

Habang nakatayo at hindi gumagalaw ang isang cheetah sa damuhan, ang isang cheetah ay tila nakayuko at dahan-dahang lumapit sa walang kamalay-malay na mga topi. Pagkatapos ang isang cheetah na nakatayo ay biglang nawala sa damuhan sa eksaktong pagtayo naman ng isa pang cheetah. Ang salitan na pagyuko at dahan-dahang paglapit ng isang cheetah at ang pagtayo naman ng isa sa damuhan ay nagpatuloy sa mahabang oras. Ang patagong paraan ng estratehiyang ito ay sinadya upang lituhin at linlangin ang mga topi at ilihis ang kanilang pansin sa paparating na panganib. Matiyaga at walang tigil, nagkakaisang kumilos ang dalawang cheetah upang siguruhin na may makakain sila.

Sa pagitan ng malaking grupo ng mga topi at pasulong na mga cheetah ay may ilang mas matatanda at malalakas na topi na nakatayo bilang mga bantay sa ibabaw ng mga punso ng mga anay. Dahil sa mas malinaw na nakikita ang kapatagan mula sa maliliit na punso na ito namamatyagan ng mga nagbabantay na topi ang tanda ng panganib.

Pagkatapos ay bigla-biglang tumakbo papalayo ang grupo ng mga topi, nang halos umatake na ang mga cheetah. Hindi ko alam kung o paano nakipag-ugnayan ang mga nagbabantay na topi sa mas malaking grupo, pero kahit paano ay may babalang ibinigay, at ang lahat ng topi ay lumipat sa isang lugar na ligtas.

At ano ang sumunod na ginawa ng mga cheetah? Walang sinayang na sandali, muli nilang sinimulan ang salitan na pagyuko ng isang cheetah at dahan-dahang paglapit habang nakatayo ang isang cheetah sa damuhan. Nagpatuloy ang proseso ng pagtugis na ito. Hindi sila tumigil. Hindi sila nagpahinga. Masugid sila sa paggawa ng kanilang estratehiya ng panglilito at panggagambala. Pinanood namin ni Susan ang mga cheetah na naglalaho sa kalayuan, laging papalapit sa grupo ng mga topi.

Nang gabing iyon, nag-usap kami ni Susan tungkol sa naobserbahan at natutuhan namin. Pinag-usapan din namin ang karanasang ito kasama ng aming mga anak at apo at tinukoy ang maraming mahahalagang aral. Ngayon ay ilalarawan ko ang tatlo sa mga aral na iyon.

Aral #1—Mag-ingat sa Mapanuksong Pagkukunwari ng Kasamaan

Para sa akin, ang mga cheetah ay makikintab, nakaaaliw, at nakabibighaning mga hayop. Ang manilaw-nilaw na kulay kape at kulay abo at maputing balahibo ng mga ito na may batik-batik na itim ay nagiging mabisang panlinlang upang ang mga hayop na ito ay halos hindi na makita habang nandaragit sila sa kapatagan ng Africa.

Cheetah na nakabalatkayo sa tanawin

Sa isang katulad na paraan, ang mapanganib sa espirituwalidad na mga pag-iisip at kilos ay kadalasang maganda sa paningin, kanais-nais, o nakaliligaya. Kaya, sa ating makabagong mundo, ang bawat isa sa atin ay dapat maging alisto sa mapanuksong kasamaan na nagpapanggap na kabutihan. Tulad ng babala ni Isaias, “Sa aba nila na tumatawag sa masama na mabuti, at sa mabuti na masama, na inaaring liwanag ang kadiliman, at kadiliman ang liwanag, na inaaring mapait ang matamis, at matamis ang mapait!”1

Sa panahon ng kabalintunaan kung kailan ang paglabag sa kabanalan ng buhay ng tao ay ipinapahayag na tama at ang kaguluhan bilang kalayaan, napakalaking biyaya sa atin na mabuhay sa dispensasyong ito ng mga huling araw kung kailan ang ipinanumbalik na liwanag ng ebanghelyo ay maaaring paliwanagin ang ating mga buhay at tulungan tayo na kilalanin ang kadilimang dulot ng panlilinlang at panglilito ng kaaway.

“Sapagkat sila na matatalino at nakatamo ng katotohanan, at tinanggap ang Banal na Espiritu bilang kanilang patnubay, at hindi mga nalinlang—katotohanang sinasabi ko sa inyo, sila ay hindi puputulin at itatapon sa apoy, kundi mananatili sa araw na yaon.”2

Aral #2—Manatiling Gising at Alisto

Para sa isang topi, ang sandaling kapabayaan o kawalang-tuon ay maaaring magtulot ng mabilis na pag-atake ng isang cheetah. Tulad nito, ginagawa tayong mahina ng espirituwal na kasiyahan at pagiging kaswal laban sa galaw ng kalaban. Ang espirituwal na kawalan ng pag-iisip ay naggaganyak ng malaking panganib sa ating mga buhay.

Mga alistong topi

iStock.com/Angelika

Inilarawan ni Nephi kung paano gagawin ni Satanas na payapain, at dahan-dahang aakayin ang mga anak ng Diyos tungo sa huwad na pakiramdam na “mahalay na katiwasayan, na kanilang sasabihin: Mainam ang lahat sa Sion; oo, umuunlad ang Sion, mainam ang lahat—at sa gayon lilinlangin ng diyablo ang kanilang mga kaluluwa, at maingat silang aakayin pababa sa impiyerno.”2

Ang walang humpay na pagbabantay ay kailangan upang labanan ang pagkakampante at pagiging kaswal. Ang pagbabantay ay ang estado o kilos ng palaging pag-iingat para sa mga posibleng panganib o kahirapan. At ang palaging pag-iingat ay ang pananatiling gising upang magbantay at mangalaga. Sa espirituwal na pananalita, kailangan nating maging gising at alisto sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo at mga senyales mula sa mga bantay ng Panginoon sa tore.4

“Oo, at pinapayuhan ko rin kayo … na inyong pangalagaang patuloy na manalangin, upang kayo ay hindi padala sa mga tukso ng diyablo, … sapagkat masdan, kayo ay gagantimpalaan niya ng hindi mabuting bagay.”5

Sa pagtutuon ng ating buhay sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo madaraig natin ang ugali ng likas na tao na pagiging espirituwal na tamad. Kapag tayo ay biniyayaan ng mata na nakakakita at tainga na nakaririnig,6 maaaring dagdagan ng Espiritu Santo ang ating kakayahan na tumingin at makinig sa mga pagkakataong hindi tayo kadalasang tumitingin at nakikinig o kapag sa tingin natin ay walang makikita o maririnig.

“Magbantay, samakatwid, upang kayo ay maging handa.”7

Aral #3—Alaming Mabuti ang Intensyon ng Kalaban

Ang cheetah ay isang mandaragit na natural na umaatake sa ibang mga hayop. Buong maghapon, araw-araw, isang mandaragit ang cheetah.

Cheetah na naghahanap ng masisila

Si Satanas “ay kalaban ng kabutihan at ng yaong mga nagnanais na sundin ang nais ng Diyos.”8 Buong maghapon, araw-araw, ang tanging nais at kaisa-isang layunin niya ay gawing kaaba-aba ang mga anak na lalaki at babae ng Diyos tulad niya.9

Ang plano ng kaligayahan ng ating Ama sa Langit ay ginawa upang patnubayan ang Kanyang mga anak, upang tulungan silang maranasan ang patuloy na kaligayahan, at ibalik sila nang ligtas sa Kanya taglay ang nabuhay na mag-uli at dinakilang katawan. Ginagawa ng diyablo ang lahat para lituhin at palungkutin ang mga anak ng Diyos at hadlangan ang kanilang walang hanggang pag-unlad. Walang humpay na kumikilos ang kalaban upang atakihin ang mga elemento ng plano ng Ama na pinaka-ayaw niya.

Si Satanas ay walang katawan, at pinatigil na ang kanyang walang hanggang pag-unlad. Tulad ng pagpigil ng dam sa pagdaloy ng tubig sa ilog, napigil din ang walang hanggang pag-unlad ng kaaway dahil wala siyang pisikal na katawan. Dahil sa kanyang paghihimagsik, ipinagkait ni Lucifer sa kanyang sarili ang lahat ng mortal na pagpapala at karanasang magagawang posible dahil sa katawang may laman at mga buto. Isa sa mga kahulugan ng salitang mapahamak sa banal na kasulatan ay inilarawan sa kawalan niya ng kakayahang patuloy na umunlad at makatulad ng ating Ama sa Langit.

Dahil napakahalaga ng pisikal na katawan sa plano ng kaligayahan ng Ama at sa ating espirituwal na pag-unlad, hangad ni Lucifer na hadlangan ang ating pag-unlad sa pamamagitan ng pagtukso sa atin na gamitin sa mali ang ating katawan. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na ang kaligtasan sa espirituwal ay nakasalalay sa “‘hindi pagpunta sa hindi mo dapat puntahan at hindi paggawa sa hindi mo dapat gawin.’ … Bilang mga tao, lahat tayo ay may [pisikal] na appetite o mga gana na kailangan sa kaligtasan ng ating buhay. ‘Ang gana na ito ay talagang kailangan upang maipagpatuloy ang buhay. Kaya ano ang ginagawa ng kalaban? … Inaatake niya tayo sa pamamagitan ng ating mga gana. Tinutukso niya tayo na kainin ang mga bagay na hindi natin dapat kainin, inumin ang mga bagay na hindi natin dapat inumin, at magmahal nang hindi natin dapat mahalin!’”10

Isa sa mga kabalintunaan ng kawalang-hanggan ay na ang kaaway, na miserable dahil wala siyang katawang pisikal, ay inaakit tayong maranasan din ang kanyang abang katayuan sa maling paggamit ng ating katawan. Kaya’t ang kasangkapang wala sa kanya at hindi niya magamit ang mismong puntirya niya para akitin tayo tungo sa pisikal at espirituwal na kapahamakan.

Ang pag-alam na mabuti sa intensyon ng kalaban ay napakahalaga sa epektibong paghahanda para sa posibleng pag-atake.11 Dahil alam ni Kapitan Moroni ang intensyon ng mga Lamanita, handa siyang humarap sa kanila sa oras ng kanilang pagdating at nagtagumpay.12 At magagamit ng bawat isa sa atin ang alituntunin at pangakong iyon.

“Kung kayo ay handa kayo ay hindi matatakot.

“At maaari ninyong matakasan ang kapangyarihan ng kaaway.”13

Paanyaya, Pangako, at Patotoo

Tulad ng mahahalagang aral na maaari nating matutuhan sa pagmamasid sa pag-uugali ng mga cheetah at topi, dapat din nating alamin ang mga aral at babala na makikita sa simpleng mga pangyayari sa pang-araw-araw na buhay. Habang naghahangad tayo ng isipan at puso na bukas sa pagtanggap ng patnubay mula sa langit sa kapangyarihan ng Espiritu Santo, ilan sa pinakamagagandang tagubilin na matatanggap natin at marami sa mga pinakamatinding babala na magpoprotekta sa atin ay manggagaling sa ating sariling pangkaraniwang mga karanasan. Napapaloob sa mga banal na kasulatan at sa ating pang-araw-araw na buhay ang mabibisang parabula.

Inilarawan ko ang tatlo lamang sa maraming mga aral na makikita sa karanasan namin ni Susan sa Africa. Inaanyayahan at hinihikayat ko kayo na pag-isipan ang kuwentong ito ng mga cheetah at mga topi at alamin ang karagdagang mga aral para sa inyong pamilya. Lagi ninyong tandaan na ang inyong tahanan ang totoong sentro ng pag-aaral at pamumuhay ng ebanghelyo.

Sa tapat ninyong pagtugon sa paanyayang ito, maiisip ninyo ang nagbibigay-inspirasyong mga kaisipan, lalago ang espirituwal na pakiramdam sa inyong mga puso, at malalaman ninyo ang mga pagkilos na dapat ninyong gawin o ipagpatuloy upang maaari ninyong “isuot ang buong baluti [ng Diyos], upang inyong mapaglabanan ang araw ng kasamaan, matapos na maisagawa ang lahat, upang kayo ay makatindig.”14

Ipinapangako ko na mapapasainyo ang mga biyaya ng mabisang paghahanda at espirituwal na proteksiyon sa inyong pagiging alisto at patuloy na pananalangin sa paraang mapagbantay at walang tigil.

Pinatototohanan ko na ang pagsulong sa landas ng tipan ay nagbibigay ng espirituwal na kaligtasan at nag-aanyaya ng tumatagal na kaligayahan sa ating buhay. At pinatototohanan ko na ang buhay na Tagapagligtas ay tutulungan at palalakasin tayo sa panahong mabuti at hindi mabuti. Pinatototohanan ko ang mga bagay na ito sa sagradong pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.