Pagkatapos ng Pagsubok sa Ating Pananampalataya
Kapag sinusunod natin ang tinig ng Diyos at tinatahak ang Kanyang landas ng tipan, palalakasin Niya tayo sa mga pagsubok na dinaranas natin.
Noong bata pa ako, si Frank Talley, isang miyembro ng Simbahan, ay nag-alok ng tulong sa aking pamilya na makalipad mula sa Puerto Rico patungong Salt Lake City para mabuklod kami sa templo, pero di nagtagal nagsimulang magkaroon ng mga balakid. Isa sa mga kapatid ko, si Marivid, ay nagkasakit. Balisa, nanalangin ang mga magulang ko kung ano ang dapat gawin at nadama pa rin nila na ituloy ang biyahe. Nagtiwala sila na kapag tapat nilang sinunod ang pahiwatig ng Panginoon, ang aming pamilya ay poprotektahan at pagpapalain—at nangyari nga ito.
Anumang balakid ang maranasan natin sa buhay, makakaasa tayo na maghahanda si Jesucristo ng paraan kapag namumuhay tayo nang may pananampalataya. Nangako ang Diyos na lahat ng namumuhay nang tapat ayon sa mga tipang ginawa nila sa Kanya ay, sa Kanyang panahon, tatanggap ng mga pagpapalang ipinangako Niya. Itinuro ni Elder Jeffrey R.Holland, “May mga pagpapalang dumarating kaagad, may ilang huli na, at may ilang hindi dumarating hangga’t hindi tayo nakararating sa langit; ngunit para sa mga taong tumatanggap sa ebanghelyo ni Jesucristo, dumarating ang mga ito.”1
Itinuro ni Moroni na “ang pananampalataya ay mga bagay na inaasahan at hindi nakikita; kaya nga, huwag magtalu-talo dahil sa hindi ninyo nakikita, sapagkat wala kayong matatanggap na patunay hangga’t hindi natatapos ang pagsubok sa inyong pananampalataya.”2
Ang itanong natin ay, Ano ang gagawin natin para lubos na makayanan ang mga pagsubok sa ating buhay?
Sa kanyang unang mensahe sa publiko bilang Pangulo ng Simbahan, itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Bilang bagong Panguluhan, nais namin na mag-umpisa na ang [pinakamithiin] ang nasa isip. Dahil dito, nagsasalita kami sa inyo ngayon mula sa isang templo. Ang [pinakamithiin na pinagsisikapan] ng bawat isa sa atin ay [ang] mapagkalooban ng kapangyarihan sa bahay ng Panginoon, mabuklod bilang mga pamilya, [maging] tapat sa mga tipang ginawa sa templo upang maging karapat-dapat sa pinakadakilang kaloob ng Diyos—ang buhay na walang-hanggan. Ang mga ordenansa ng templo at mga tipang ginawa ninyo ang susi sa pagpapalakas ng inyong buhay, pagsasama ninyong mag-asawa at pamilya, at ng kakayahan ninyong labanan ang mga pagsalakay ng kaaway. Ang inyong pagsamba sa templo at paglilingkod doon para sa inyong mga ninuno ay magpapala sa inyo ng dagdag na personal na paghahayag at kapayapaan at patitibayin ang inyong pangako na manatili sa landas ng tipan.”3
Kapag sinusunod natin ang tinig ng Diyos at tinatahak ang Kanyang landas ng tipan, palalakasin Niya tayo sa mga pagsubok na dinaranas natin.
Mahirap ang pagbiyahe ng pamilya namin maraming taon na ang nakararaan, ngunit nang papalapit na kami sa Salt Lake Temple, Utah, ang aking ina, na puno ng kagalakan at pananalig, ay nagsabing, “Magiging maayos ang lahat; poprotektahan tayo ng Panginoon.” Nabuklod kami bilang pamilya, at gumaling ang kapatid ko. Nangyari lamang ito pagkatapos ng pagsubok sa pananampalataya ng aking mga magulang at sa pagsunod nila sa mga pahiwatig ng Panginoon.
Ang halimbawang ito ng mga magulang ko ay nakakaimpluwensya pa rin sa buhay namin ngayon. Itinuro sa amin ng kanilang halimbawa ang bakit o mga dahilan sa doktrina ng ebanghelyo at tinulungan kaming maunawaan ang kahulugan, layunin, at mga pagpapalang dulot ng ebanghelyo. Ang maunawaan ang bakit o mga dahilan sa ebanghelyo ni Jesucristo ay makatutulong din sa atin na harapin ang mga pagsubok nang may pananampalataya.
Sa huli, ang lahat ng bagay na sinasabi at iniuutos sa atin ng Diyos na gawin ay pagpapakita ng Kanyang pagmamahal sa atin at ng Kanyang hangarin na ibigay sa atin ang lahat ng pagpapalang nakalaan para sa matatapat. Huwag nating isipin na matututuhan ng ating mga anak na mahalin ang ebanghelyo sa sarili lang nila; responsibilidad nating mga magulang na ituro ito sa kanila. Kapag tinutulungan natin ang ating mga anak na matutuhan kung paano gamitin nang matalino ang kanilang kalayaan, ang ating halimbawa ay makapagbibigay ng inspirasyon sa kanila na gumawa ng tamang pagpili. At ang kanilang tapat na pamumuhay naman ay tutulong sa kanilang magiging mga anak na malaman ang katotohanan ng ebanghelyo para sa kanilang sarili.
Mga kabataan, pakinggan ang propeta ngayon na nagsasalita sa inyo. Sikaping matutuhan ang mga banal na katotohanan at maunawaan ang ebanghelyo para sa inyong sarili. Kamakailan ay ipinayo ni Pangulong Nelson: “Anong karunungan ang kulang sa inyo? … Tularan ang halimbawa ni Propetang Joseph. “Humanap ng tahimik na lugar. … Magpakumbaba sa harapan ng Diyos. Ibuhos ang inyong puso sa inyong Ama sa Langit. Humiling sa Kanya ng kasagutan.”4 Sa paghingi ninyo ng patnubay sa inyong mapagmahal na Ama sa Langit sa panalangin, pakikinig sa mga payo ng mga buhay na propeta at pagmamasid sa halimbawa ng mabubuting magulang, kayo rin ay magiging matibay na kawing ng pananampalataya sa inyong pamilya.
Sa mga magulang na may mga anak na lumisan sa landas ng tipan, unti-unting bumalik. Tulungan sila na maunawaan ang mga katotohanan ng ebanghelyo. Magsimula ngayon; hindi pa huli ang lahat.
Ang halimbawa ng ating matwid na pamumuhay ay makagagawa ng malaking kaibhan. Sinabi ni Pangulong Nelson: “Bilang mga Banal sa mga Huling Araw, nasanay na tayo sa pag-iisip na ang ‘simbahan’ ay ang mga nangyayari sa ating mga [meetinghouse], na sinusuportahan ng nangyayari sa ating tahanan. Kailangan natin ng pagbabago sa huwarang ito. Panahon na para sa isang Simbahan na nakasentro sa tahanan, na sinusuportahan ng mga nangyayari sa loob ng mga gusali ng ating branch, ward, at stake.”5
Itinuturo ng mga banal na kasulatan, “Turuan mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran, at pagka tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan.”6
Sinasabi rin dito, “At ngayon, sapagkat ang pangangaral ng salita ay may lakas na umakay sa mga tao na gawin yaong matwid—oo, may higit itong malakas na bisa sa isipan ng mga tao kaysa sa espada, o ano pa mang bagay, na nangyari na sa kanila—anupa’t naisip ni Alma na kapaki-pakinabang na subukan nila ang bisa ng salita ng Diyos.”7
May kuwento tungkol sa isang babae sa India na nag-aalala dahil sa sobrang pagkain ng kendi ng kanyang anak. Kahit pagalitan pa niya ito nang husto, patuloy pa rin ito sa pagkain ng matatamis. Sa sobrang pagkadismaya, nagpasiya siyang dalhin ang kanyang anak para makita ang isang matalinong lalaki na iginagalang nito.
Lumapit siya sa lalaki at sinabing, “Ginoo, sobrang kumain ng kendi ang anak ko. Puwede po bang payuhan ninyo siya na tumigil na sa pagkain nito?”
Matamang nakinig ang lalaki at sinabi sa kanyang anak, “Umuwi ka na at bumalik ka pagkaraan ng dalawang linggo.”
Hinawakan niya ang kanyang anak at umuwi, nagtataka kung bakit hindi nito pinatigil ang bata sa sobrang pagkain ng kendi.
Makalipas ang dalawang linggo, bumalik sila. Tiningnan niya nang diretso ang bata at sinabing, “Iho, dapat itigil mo na ang sobrang pagkain ng kendi. Hindi ito mabuti sa kalusugan mo.”
Tumango ang bata at nangakong ititigil na niya ito.
Nagtanong ang ina ng bata, “Bakit hindi po ninyo sinabi iyan noong nakaraang dalawang linggo?”
Ngumiti ang matalinong lalaki. “Sobra din akong kumain ng kendi noon.”
Gayon katindi ang integridad ng lalaking ito kaya alam niya na magiging epektibo lamang ang kanyang payo kung sinusunod niya mismo ang sarili niyang payo.
Mas malakas ang impluwensya natin sa ating mga anak kapag nakikita nila tayo na tapat na tinatahak ang landas ng tipan. Ang propetang si Jacob sa Aklat ni Mormon ay halimbawa ng gayong pagkamatwid. Isinulat ng anak niyang si Enos ang tungkol sa impluwensya ng mga turo ng kanyang ama:
“Ako, si Enos, na nakakikilala sa aking ama na siya ay isang makatarungang tao—sapagkat tinuruan niya ako sa kanyang wika, at gayundin sa pag-aalaga at pagpapayo ng Panginoon—at purihin ang pangalan ng aking Diyos dahil dito. …
“… At ang mga salitang madalas kong marinig na sinasabi ng aking ama hinggil sa buhay na walang hanggan, at ang kagalakan ng mga banal, ay tumimo nang malalim sa aking puso.”8
Ipinamuhay ng mga ina ng mga kabataang mandirigma ang ebanghelyo, at ang kanilang mga anak ay napuno ng pananalig. Iniulat ng kanilang pinuno:
“Sila ay tinuruan ng kanilang mga ina, na kung hindi sila mag-aalinlangan, sila ay ililigtas ng Diyos.
“At inilahad nila sa akin ang mga salita ng kanilang mga ina, sinasabing: Hindi kami nag-aalinlangan, nalalaman ito ng aming mga ina.”9
Si Enos at ang mga kabataang mandirigma ay napalakas ng pananampalataya ng kanilang mga magulang, na nakatulong sa kanila na harapin ang pagsubok sa kanilang pananampalataya.
Pinagpapala tayo ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo sa ating panahon, na tumutulong sa atin kapag pinanghihinaan tayo ng loob o nahihirapan. Makatitiyak tayo na ang mga pagsisikap natin ay magbubunga sa takdang panahon ng Panginoon kung susulong tayo sa kabila ng mga pagsubok sa ating pananampalataya.
Kaming mag-asawa, kasama ang Area Presidency, ay sinamahan si Elder David A. Bednar sa paglalaan ng Port-au-Prince Haiti Temple. Ang anak naming si Jorge, na kasama namin, ay ganito ang sinabi: “Ang galing po, Papa! Kauumpisa pa lang ni Elder Bednar sa panalangin ng paglalaan, naramdaman ko na napuno ng saya at liwanag ang silid. Ang panalangin ay nakaragdag nang husto sa pagkaunawa ko sa layunin ng templo. Talagang bahay ito ng Panginoon.”
Sa Aklat ni Mormon, itinuro ni Nephi na kapag nais natin na malaman ang kalooban ng Diyos, palalakasin Niya tayo. Isinulat niya, “Ako, si Nephi, na lubhang bata pa … at sapagkat mayroon ding matinding pagnanais na malaman ang mga hiwaga ng Diyos, dahil dito, ako ay nagsumamo sa Panginoon; at masdan, dinalaw niya ako, at pinalambot ang aking puso kung kaya’t pinaniwalaan ko ang lahat ng salitang sinabi ng aking ama; anupa’t ako ay hindi naghimagsik laban sa kanya na tulad ng aking mga kapatid.”10
Mga kapatid, tulungan natin ang ating mga anak at lahat ng nasa paligid natin na tahakin ang landas ng tipan ng Diyos upang maturuan sila ng Espiritu at mapalambot ang kanilang puso upang naisin nila na sumunod sa Kanya habambuhay.
Habang pinag-iisipan ko ang halimbawa ng aking mga magulang, natanto ko na ipapakita sa atin ng pananalig natin kay Jesucristo ang landas pabalik sa ating tahanan sa langit. Alam ko na darating ang mga himala pagkatapos ng pagsubok sa ating pananampalataya.
Pinatototohanan ko si Jesucristo at ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Alam ko na Siya ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Siya at ang ating Ama sa Langit ay nagpakita noong umagang iyon ng tagsibol ng 1820 sa batang si Joseph Smith, ang propeta ng Panunumbalik. Si Pangulong Russell M. Nelson ang propeta natin ngayon. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.