Hindi Natitinag na Katapatan kay Jesucristo
Inaanyayahan tayo ng Diyos na lubos na iwaksi ang mga dating gawi natin at magsimula ng bagong buhay kay Cristo.
Noong nakaraang Abril, nagkaroon ako ng pribilehiyong ilaan ang Kinshasa Democratic Republic of the Congo Temple.1 Hindi maipahayag ang kagalakang nadama ko at ng matatapat na Congolese na makitang inilaan ang isang templo sa kanilang lupain.
Makikita ng mga pumapasok sa Kinshasa Temple ang isang orihinal na painting na may pamagat na Congo Falls.2 Ipinapaalala nito sa mga pumupunta sa templo ang hindi natitinag na katapatang kailangan para maiangkla ang kanilang sarili kay Jesucristo at masundan nila ang landas ng tipan ng plano ng ating Ama sa Langit. Maaalala sa waterfalls o talon na nakalarawan sa painting ang isang kaugalian ng mga naunang sumapi sa Kristiyanismo sa Congo mahigit isang siglo na ang nakalipas.
Bago sila nagpabinyag, sumamba sila sa mga bagay na walang buhay, sa paniniwalang ang mga iyon ay may napakalakas na kapangyarihan.3 Matapos silang mabinyagan, maraming naglakbay sa isa sa napakaraming talon sa kahabaan ng Congo River, tulad ng Nzongo Falls.4 Itinapon ng mga convert na ito ang dati nilang mga idolo sa talon bilang simbolo sa Diyos at sa iba na itinakwil na nila ang mga lumang tradisyon nila at tinanggap na nila si Jesucristo. Sinadya nilang hindi itapon ang mga idolong iyon sa kalmado at mababaw na katubigan; itinapon nila ang mga iyon sa rumaragasang katubigan ng isang napakalaking talon, kung saan hindi na makukuhang muli ang mga idolong iyon. Ang mga ginawa nilang iyon ay tanda ng isang bago ngunit hindi natitinag na katapatan kay Jesucristo.
Ang mga tao sa iba’t ibang lugar at panahon ay nagpakita ng kanilang katapatan kay Jesucristo sa gayon ding mga paraan.5 Ang mga tao sa Aklat ni Mormon na kilala bilang mga Anti-Nephi-Lehi ay “nagbaba ng mga sandata ng kanilang paghihimagsik,” at ibinaon ang mga ito nang “malalim sa lupa” bilang “patotoo sa Diyos … na hindi na sila muling gagamit pa ng [kanilang] mga sandata.”6 Sa paggawa nito, nangako silang sundin ang mga turo ng Diyos at hindi sila tatalikod kailanman sa kanilang ipinangako. Ang ginawa nilang ito ang simula ng “[pagba]balik-loob sa Panginoon” at hindi pagtalikod kailanman.7
Ang ibig sabihin ng “[m]agbalik-loob sa Panginoon” ay pagbabago ng kilos, na naiimpluwensyahan ng mga lumang paniniwala, at pagsunod sa isang bagong paniniwalang nakabatay sa pananampalataya sa plano ng Ama sa Langit at kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Ang pagbabagong ito ay higit pa sa intelektuwal na pagtanggap sa mga turo ng ebanghelyo. Hinuhubog nito ang ating pagkatao, binabago ang ating pagkaunawa sa kahulugan ng buhay, at humahantong sa hindi nagbabagong katapatan sa Diyos. Ang mga personal na hangarin na taliwas sa pagiging nakaangkla sa Tagapagligtas at pagsunod sa landas ng tipan ay naglalaho at pinapalitan ng determinasyong magpasakop sa kalooban ng Ama sa Langit.
Ang pagbabalik-loob sa Panginoon ay nagsisimula sa hindi natitinag na katapatan sa Diyos, na sinusundan ng paggawang bahagi ng ating pagkatao ang katapatang iyon. Ang paggawang bahagi ng ating buhay ang katapatang iyon ay isang habambuhay na proseso na nangangailangan ng tiyaga at patuloy na pagsisisi. Kalaunan, ang katapatang ito ay nagiging bahagi na ng ating pagkatao, nakatanim sa pagkakilala natin sa ating sarili, at palaging nariyan sa ating buhay. Ngunit tulad ng ating sariling pangalan na hindi natin nalilimutan kailanman anuman ang iba pa nating iniisip, hindi natin nalilimutan ang isang katapatang nakaukit sa ating puso.8
Inaanyayahan tayo ng Diyos na lubos na iwaksi ang mga dating gawi natin at simulan ang isang bagong buhay kay Cristo. Nangyayari ito kapag nagkakaroon tayo ng pananampalataya sa Tagapagligtas, na nagsisimula sa pakikinig sa patotoo niyaong mga may pananampalataya.9 Pagkatapos noon, lumalalim ang pananampalataya habang kumikilos tayo sa mga paraang mas nagpapatibay sa pag-angkla natin sa Kanya.10
Ngayon, maganda sana kung nakakahawang parang trangkaso o karaniwang sipon ang nag-ibayong pananampalataya. Sa gayon ay mapapatatag ng isang simpleng “espirituwal na pagbahin” ang pananampalataya ng iba. Pero hindi ganoon iyon. Ang tanging paraan para lumago ang pananampalataya ay ang kumilos ang isang tao nang may pananampalataya. Ang pagkilos na ito ay kadalasang hinihikayat ng mga paanyayang ipinapaabot ng iba, ngunit hindi natin “mapapalago” ang pananampalataya ng iba o aasahan na lamang ang iba na palakasin ang sa atin. Para lumago ang ating pananampalataya, kailangan nating piliin ang mga kilos na nagpapalakas ng pananampalataya, tulad ng pagdarasal, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagtanggap ng sakramento, pagsunod sa mga kautusan, at paglilingkod sa kapwa.
Habang lumalago ang ating pananampalataya kay Jesucristo, inaanyayahan tayo ng Diyos na gumawa ng mga pangako sa Kanya. Ang mga tipang ito, na siyang tawag sa gayong mga pangako, ay nagpapakita ng ating pagbabalik-loob. Ang mga tipan ay lumilikha rin ng tiyak na pundasyon para sa espirituwal na paglago. Kapag nagpasiya tayong magpabinyag, sinisimulan nating taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo11 at pinipiling iugnay ang ating sarili sa Kanya. Nangangako tayong maging katulad Niya at taglayin ang Kanyang mga katangian.
Ang mga tipan ay nag-aangkla sa atin sa Tagapagligtas at nagtutulak sa atin na sundan ang landas na humahantong sa ating tahanan sa langit. Ang bisa ng mga tipan ay tumutulong sa atin na panatilihin ang malaking pagbabago ng puso, palalimin ang ating pagbabalik-loob sa Panginoon, at mas lubusang tanggapin ang larawan ni Cristo sa ating mukha.12 Ngunit ang di-lubos na katapatan sa ating mga tipan ay hindi maggagarantiya ng anuman sa atin.13 Maaaring matukso tayong hindi tumupad, itapon ang mga dating gawi natin sa kalmadong tubig, o ibaon ang ating mga sandata ng paghihimagsik na nakausli ang mga hawakan. Subalit ang atubiling katapatan sa ating mga tipan ay hindi magbubukas ng pinto ng nagpapadalisay na kapangyarihan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.
Ang ating katapatang tuparin ang ating mga tipan ay wala dapat kundisyon o hindi dapat magbago ayon sa sitwasyon natin sa buhay. Ang ating pagiging tapat sa Diyos ay dapat maging katulad ng maaasahang Congo River na dumadaloy malapit sa Kinshasa Temple. Ang ilog na ito, hindi tulad ng karamihan sa mga ilog sa mundo, ay patuloy na dumadaloy buong taon14 at nagbubuhos ng halos 11 milyong galon (41.5 milyong litro) ng tubig bawat segundo patungo sa Atlantic Ocean.
Inanyayahan ng Tagapagligtas ang Kanyang mga disipulo na maging maaasahan at matatag. Sabi Niya, “Pagpasiyahan ninyo ito sa inyong mga puso, na gagawin ninyo ang lahat ng bagay na aking ituturo sa inyo, at iuutos sa inyo.”15 Ang “matatag” na determinasyong tuparin ang ating mga tipan ay nagtutulot ng lubos na pagkatanto sa pangako ng Diyos na nagtatagal na kagalakan.16
Maraming matatapat na Banal sa mga Huling araw ang nagpakita na “matatag” sila sa pagtupad sa kanilang mga tipan sa Diyos at nagbago na sila magpakailanman. May ikukuwento ako sa inyo na tatlong taong ganoon—sina Brother Banza Mucioko, Sister Banza Régine, at Brother Mbuyi Nkitabungi.
Noong 1977 nakatira ang mga Banza sa Kinshasa sa bansang Zaire, na kilala ngayon bilang Democratic Republic of the Congo. Malaki ang paggalang sa kanila sa kanilang simbahang Protestante. Dahil sa kanilang mga talento, ipinlano ng kanilang simbahan na papuntahin ang bata pang pamilya nila sa Switzerland para mag-aral at binigyan sila ng university scholarship.
Habang nasa Geneva, sakay ng bus papuntang paaralan, madalas makita ni Brother Banza ang isang maliit na meetinghouse na may pangalang “Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.” Naisip niya, “May mga Banal ba ngayon si Jesucristo, sa mga huling araw?” Kalaunan ay nagpasiya siyang pumunta para alamin iyon.
Mainit ang pagbati kina Brother at Sister Banza sa branch. Itinanong nila ang ilan sa mga tanong na palagi nilang naiisip tungkol sa likas na katangian ng Diyos, tulad ng, “Kung ang Diyos ay isang espiritu, tulad ng hangin, paano tayo nalalang sa Kanyang larawan? Paano Siya makakaupo sa isang luklukan?” Wala pa silang natanggap na kasiya-siyang sagot hanggang sa ipaliwanag ng mga missionary ang ipinanumbalik na doktrina sa isang maikling lesson. Pag-alis ng mga missionary, nagtinginan ang mga Banza at nagsabing, “Hindi ba ito ang katotohanang narinig natin?” Patuloy silang nagsimba at nakipag-usap sa mga missionary. Nalaman nila na may ibubunga ang pagpapabinyag sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo. Mawawala ang scholarship nila, pawawalang-bisa ang visa nila, at paaalisin ang dalawang batang anak nila sa Switzerland. Nagpasiya silang magpabinyag at magpakumpirma noong Oktubre 1979.
Dalawang linggo pagkaraan ng kanilang binyag, bumalik sina Brother at Sister Banza sa Kinshasa bilang una at pangalawang mga miyembro ng Simbahan sa kanilang bansa. Patuloy na nakipag-ugnayan sa kanila ang mga miyembro ng Geneva Branch at tinulungan silang kumonekta sa mga lider ng Simbahan. Hinikayat nila ang mga Banza na matapat na hintayin ang ipinangakong panahon kung kailan itatatag ng Diyos ang Kanyang Simbahan sa Zaire.
Samantala, isa pang exchange student mula sa Zaire, si Brother Mbuyi, ay nag-aaral noon sa Belgium. Nabinyagan siya noong 1980 sa Brussels Ward. Pagkatapos niyon, naglingkod siya ng full-time mission sa England. At gumawa ng mga himala ang Diyos. Bumalik si Brother Mbuyi sa Zaire bilang ikatlong miyembro ng Simbahan sa kanyang bansa. Sa pahintulot ng kanyang mga magulang, idinaos ang mga miting ng Simbahan sa tahanan ng kanilang pamilya. Noong Pebrero 1986 isang petisyon ang ginawa para sa opisyal na pagkilala ng pamahalaan sa Simbahan. Kinailangan ang lagda ng tatlong mamamayan ng Zaire. Ang tatlong taong masayang lumagda sa petisyon ay sina Brother Banza, Sister Banza, at Brother Mbuyi.
Nalaman ng matatapat na miyembrong ito ang katotohanan nang marinig nila ito; gumawa sila ng tipan sa binyag na nag-angkla sa kanila sa Tagapagligtas. Isang metapora ang pagtapon nila ng mga dating gawi nila sa rumaragasang talon na walang balak na balikan pa ang mga ito. Ang landas ng tipan ay hindi naging madali kailanman. Ang kaguluhan sa pulitika, madalang na ugnayan sa mga lider ng Simbahan, at mga hamong kaakibat ng pagtatatag ng komunidad ng mga Banal ay maaaring nakapigil sa mga taong di-gaanong tapat sa pangako. Ngunit naging masigasig sina Brother at Sister Banza at Brother Mbuyi sa kanilang pananampalataya. Naroon sila sa paglalaan ng Kinshasa Temple, 33 taon matapos nilang lagdaan ang petisyon na nagdulot ng opisyal na pagkilala sa Simbahan sa Zaire.
Narito ang mga Banza sa Conference Center ngayon. Kasama nila ang kanilang dalawang anak na sina Junior at Phil, at mga manugang na sina Annie at Youyou. Noong 1986, sina Junior at Phil ang unang dalawang tao na nabinyagan sa Simbahan sa Zaire. Pinanonood ni Brother Mbuyi ang mga kaganapan ngayon mula sa Kinshasa kasama ang kanyang asawang si Maguy, at ang kanilang limang anak.
Nauunawaan ng mga pioneer na ito ang kahulugan at mga ibubunga ng mga tipan na nagdala sa kanila “sa kaalaman ng Panginoon nilang Diyos, at upang magsaya kay Jesucristo na kanilang Manunubos.”17
Paano tayo aangkla sa Tagapagligtas at mananatiling tapat tulad nila at ng libu-libong Banal na Congolese na sumunod sa kanila at ng milyun-milyong iba pa sa buong mundo? Itinuro sa atin ng Tagapagligtas kung paano. Bawat linggo ay tumatanggap tayo ng sakramento at nakikipagtipan sa ating Ama sa Langit. Nangangako tayong iuugnay ang ating identidad sa Tagapagligtas sa pagpapangako ng ating kahandaang taglayin sa ating sarili ang Kanyang pangalan, lagi Siyang aalalahanin, at susundin ang Kanyang mga kautusan.18 Ang seryosong paghahanda para sa at marapat na paggawa ng mga tipang ito bawat linggo ay nag-aangkla sa atin sa Tagapagligtas, tumutulong sa atin na isaisip ang ating pangako,19 at mabisang nagtutulak sa atin sa pagtahak sa landas ng tipan.
Inaanyayahan ko kayong maging matapat sa habambuhay na proseso ng pagkadisipulo. Gumawa at tumupad ng mga tipan. Itapon ang mga dating gawi ninyo sa malalalim at rumaragasang mga talon. Lubos na ibaon ang inyong mga sandata ng paghihimagsik nang hindi nakausli ang mga hawakan. Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang paggawa ng mga tipan nang may tunay na layunin na matapat na tuparin ang mga ito ay magpapala sa inyong buhay magpakailanman. Magiging mas katulad kayo ng Tagapagligtas kapag lagi ninyo Siyang aalalahanin, susundin, at sasambahin. Pinatototohanan ko na Siya ang matibay na pundasyon. Siya ay maaasahan, at ang Kanyang mga pangako ay tiyak. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.