2010–2019
Pagpayag na Kontrolin ng Ating Espiritu ang Ating Katawan
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2019


2:3

Pagpayag na Kontrolin ng Ating Espiritu ang Ating Katawan

Ang isa sa pinakamahahalagang bagay na matututuhan natin sa buhay na ito ay kung paano bigyang-diin ang ating walang-hanggang likas na espirituwal na pagkatao at kontrolin ang ating masasamang nasa.

Mahal kong mga kapatid, habang papalapit ang pangkalahatang kumperensya noong Oktubre ng nakaraang taon, naghanda ako ng aking mensahe sa kumperensya para itampok ang ika-100 anibersaryo ng pangitain tungkol sa daigdig ng mga espiritu na ibinigay kay Pangulong Joseph F. Smith noong Oktubre 3,1918.

Ilang araw matapos kong isumite ang aking mensahe para sa pagsasalin, natapos ang mortal na pagsubok sa aking mahal na walang-hanggang kabiyak na si Barbara, at pumasok siya sa daigdig ng mga espiritu.

Ang nakalipas na mga araw ay naging mga linggo, at mga buwan, at ngayong isang taon na mula nang pumanaw si Barbara, mas lubos ko nang pinahahalagahan ang talatang ito sa banal na kasulatan: “Kayo ay mamuhay nang magkakasama sa pag-ibig, kaya nga tatangisan ninyo ang pagkawala ng mga yaong namatay.”1 Pinalad kami ni Barbara na “mamuhay nang magkasama sa pag-ibig” sa loob ng 67 taon. Ngunit natutuhan ko sa napaka-espesyal na paraan ang ibig sabihin ng “umiyak sa pagkawala” ng mga mahal natin sa buhay. Ah, mahal na mahal at hinahanap-hanap ko siya!

Sa palagay ko karamihan sa atin ay bigong lubos na pahalagahan ang ginagawa ng ibang tao hanggang sa mawala sila. Alam ko na palaging abala si Barbara, ngunit hindi ko lubos na naunawaan ang patuloy na pangangailangan ng pamilya, Simbahan, at komunidad sa kanyang oras. Araw-araw ay may nakalaang mga pagsisikap na libu-libong beses inulit sa pagdaan ng mga taon na nagpanatiling buo sa aming pamilya. At sa lahat ng ito, walang sinuman sa aming pamilya ang nakarinig kailanman na nagtaas siya ng boses o nagsabi ng di-kaaya-ayang salita.

Maraming alaalang pumasok sa aking isipan nitong nakaraang taon. Naisip ko ang tungkol sa mabigat na pasiyang ginawa niya para maging ina sa pitong anak. Pagiging maybahay lamang ang tanging propesyong ninais niya, at napakahusay niya sa lahat ng aspeto.

Kadalasa’y nagtaka ako kung paano niya kami sinubaybayan ng aming mga anak. Ang paghahanda lamang ng pagkain ay talagang mahirap na, maliban pa sa mga aktibidad na tulad ng tambak na labada ng aming pamilya linggu-linggo at pagtiyak na kasya ang mga sapatos at damit ng mga bata. Nagpatulong kaming lahat sa kanya tungkol sa napakaraming iba pang mga isyu na mahalaga sa amin. At dahil mahalaga iyon sa amin, mahalaga rin iyon sa kanya. Sa madaling salita, kahanga hanga siya—bilang asawa, ina, kaibigan, kapitbahay, at anak ng Diyos.

Ngayong nasa kabilang-buhay na siya, masaya ako na pinili kong umupo sa tabi niya pag-uwi ko ng bahay mula sa opisina noong mga huling buwan ng kanyang buhay, hawakan ang kanyang kamay habang pinanonood namin ang mga katapusan ng ilan sa kanyang mga paboritong musikal—nang paulit-ulit dahil sa Alzheimer’s na dahilan para hindi niya maalala na napanood na niya ang mga iyon kahapon. Ang mga alaala ng espesyal na paghahawak-kamay namin ay talagang napakahalaga ngayon sa akin.

Mga kapatid, huwag sana ninyong palampasin ang pagkakataong tumitig sa mga mata ng inyong mga kapamilya nang may pagmamahal. Mga anak at mga magulang, tulungan ninyo ang isa’t isa at ipadama ang inyong pagmamahal at pagpapahalaga. Katulad ko, maaaring magising ang ilan sa inyo isang araw na natuklasan na lumipas na ang oras para sa gayon kahalagang komunikasyon. Mabuhay bawat araw na magkasama na ang mga puso’y puno ng pasasalamat, magagandang alaala, paglilingkod, at malaking pagmamahal.

Nitong nakaraang taon, napagnilayan ko nang mas maigi kaysa rati ang plano ng ating Ama sa Langit. Sa pagtuturo sa kanyang anak na si Corianton, tinukoy iyon ni Alma bilang “ang dakilang plano ng kaligayahan.”2

Ang mga salitang palaging pumapasok sa aking isipan kapag iniisip ko ang plano ay “muling pagsasama-sama.” Ito ay isang plano, na dinisenyo ng ating mapagmahal na Ama sa Langit, at nasa sentro nito ang dakila at maluwalhating posibilidad ng muling pagsasama-sama ng pamilya—ng muling pagsasama-sama ng mga mag-asawa, mga magulang at mga anak, mga henerasyon sa sambahayan ng Diyos magpasawalang-hanggan.

Ang ideyang iyan ay nagbibigay sa akin ng kapanatagan at katiyakan na muli kong makakasama si Barbara. Bagama’t nagdusa siya sa pisikal hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay, naging malakas, marangal, at dalisay ang kanyang espiritu. Naihanda niya ang kanyang sarili sa lahat ng bagay upang pagdating ng araw ay makatayo siya sa harap “ng kasiya-siyang hukuman ng Diyos,”3 na puno ng tiwala at payapang katiyakan. Ngunit narito ako, sa loob ng dalawang araw ay 91 taong gulang na ako, at nag-iisip pa rin ako, “Handa na ba ako? Ginagawa ko ba ang lahat ng kailangan kong gawin para mahawakan kong muli ang kanyang kamay?”

Ang pinakasimple at pangunahing katiyakan sa buhay ay ito: Lahat tayo ay mamamatay. Mamatay man tayo nang matanda na o bata pa, madali o mahirap, mayaman o dukha, minamahal o nag-iisa, walang nakakaalpas sa kamatayan.

Ilang taon pa lang ang nakalilipas, may sinabi si Pangulong Gordon B. Hinckley na partikular na makabuluhan tungkol dito: “Napakatamis ng katiyakan, nakapapanatag ang kapayapaang nagmumula sa kaalaman na kung magpapakasal tayo sa tamang paraan at mamumuhay nang matwid, magpapatuloy ang ating ugnayan, sa kabila ng katiyakan ng kamatayan at ng paglipas ng panahon.”4

Talagang ikinasal ako nang tama. Walang kaduda-duda iyan. Ngunit hindi iyan sapat, ayon kay Pangulong Hinckley. Kailangan ko ring mamuhay nang tama.5

Ngayon, ang “pamumuhay nang tama” ay maaaring isang medyo nakalilitong konsepto, lalo na kung gumugugol ka ng maraming oras sa social media, kung saan maaaring ipahayag ng sinuman ang mga totoong katotohanan o mga maling konsepto tungkol sa Diyos at sa Kanyang plano para sa Kanyang mga anak. Mabuti na lang, may walang-hanggang mga totoong alituntunin ng ebanghelyo ang mga miyembro ng Simbahan para malaman kung paano mamuhay upang maging mas handa tayo kapag tayo’y namatay.

Ilang buwan lamang bago ako isinilang, nagbigay ng isang mensahe ang lolo kong Apostol na si Elder Melvin J. Ballard na, para sa marami, ay nakuha ang diwa ng kahulugan ng mamuhay nang tama. Pinamagatang “The Struggle for the Soul,” nakatuon ang kanyang mensahe sa patuloy na labanan sa pagitan ng ating pisikal na katawan at ng ating walang-hanggang espiritu.

Sabi niya, “Ang pinakamatinding labanan na mapapasukan ng sinumang lalaki o babae … ay ang pakikibaka nito sa kanyang sarili,” na ipinaliliwanag na si Satanas, “ang kalaban ng ating kaluluwa,” ay inaatake tayo sa pamamagitan ng “mga kalibugan, pagnanasa, paghahangad ng laman.”6 Kaya ang pangunahing pakikibaka ay sa pagitan ng ating likas na banal at espirituwal na pagkatao at ng mahalay na likas na tao. Mga kapatid, tandaan, makatatanggap tayo ng espirituwal na tulong sa pamamagitan ng impluwensya ng Espiritu Santo na maaaring “magturo sa inyo ng lahat ng mga bagay.”7 Maaari ding dumating ang tulong sa pamamagitan ng kapangyarihan at mga pagpapala ng priesthood.

Ngayon, ang tanong ko, kumusta na kayo sa pakikibakang ito?

Sabi ni Pangulong David O. Mckay: “Ang buhay ng tao sa lupa ay isang pagsubok lamang para malaman kung itutuon niya ang kanyang lakas, kanyang isipan, at kaluluwa sa mga bagay na makaaambag sa kapanatagan at kasiyahan ng kanyang pisikal na katauhan, o kung hahangarin niya sa buhay ang pagtatamo ng espirituwal na mga katangian.”8

Ang labanang ito sa pagitan ng ating mahalay at ng ating espirituwal na likas na pagkatao ay hindi na bago. Sa kanyang huling sermon sa kanyang mga tao, itinuro ni Haring Benjamin na “ang likas na tao ay kaaway ng Diyos, at naging gayon mula pa sa pagkahulog ni Adan, at magiging gayon, magpakailanman at walang katapusan, maliban kung kanyang bibigyang-daan ang panghihikayat ng Banal na Espiritu, at hubarin ang likas na tao at maging banal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo, ang Panginoon.”9

Itinuro ni Apostol Pablo na “ang mga ayon sa laman ay nangagsisitalima sa mga bagay ng laman; datapuwa’t ang mga ayon sa Espiritu ay sa mga bagay ng Espiritu.

“Sapagkat ang kaisipan ng laman ay kamatayan; datapuwa’t ang kaisipan ng espiritu ay buhay at kapayapaan.”10

Tila malinaw sa akin na ang isa sa pinakamahahalagang bagay na matututuhan natin sa buhay na ito ay kung paano bigyang-diin ang ating walang-hanggang likas na espirituwal na pagkatao at kontrolin ang ating masasamang pagnanasa. Ito ay hindi dapat gayon kahirap. Tutal, ang ating espiritu, na mas matagal nang umiiral kaysa ating pisikal na katawan, ay nagtagumpay na sa pagpili sa kabutihan laban sa kasamaan sa premortal na daigdig. Bago mabuo itong mundo, tayo ay nanirahan sa mundo ng espiritu bilang mga anak na lalaki at anak na babae ng mga Magulang sa Langit, na nagmahal sa atin at patuloy na nagmamahal sa atin ngayon.

At oo, kinailangan nga nating gumawa ng mga desisyong nagpapabago ng buhay at mga pagpapasiya sa premortal na daigdig. Bawat taong nabuhay o mabubuhay sa planetang ito ay gumawa ng mahalagang desisyon na piliing tanggapin ang plano ng Ama sa Langit para sa ating kaligtasan. Kaya nagpunta tayong lahat sa lupa na napatunayan nang may matagumpay na likas na espirituwal na pagkatao at walang-hanggang tadhana.

Pag-isipan ninyo iyan sandali. Ganyan na tayo talaga at ganyan na kayo noon pa man: isang anak na lalaki o anak na babae ng Diyos, na may mga espirituwal na pinagmulan sa kawalang-hanggan at may hinaharap na nag-uumapaw sa walang-hanggang mga posibilidad. Ikaw—unang-una sa lahat at noon pa man—ay isang espirituwal na nilalang. Kaya nga kung pipiliin nating unahin ang ating mahalay na likas na pagkatao kaysa ating espirituwal na likas na pagkatao, pinipili natin ang isang bagay na taliwas sa ating tunay, totoo, at kapani-paniwalang espirituwal na pagkatao.

Gayunpaman, walang dudang ginagawang kumplikado ng mga makamundong silakbo ng laman ang paggawa ng desisyon. Dahil hindi na natin maalala ang premortal na daigdig ng mga espiritu nang pumarito tayo sa mortal na mundong ito, maaaring mawala ang ating tuon sa ating kaugnayan sa Diyos at sa ating espirituwal na likas na pagkatao, at ang ating mahalay na likas na pagkatao ay maaaring magbigay ng prayoridad sa kung ano ang gusto natin ngayon mismo. Ang pagkatutong piliin ang mga bagay ng Espiritu kaysa mga bagay ng laman ay isa sa mga pangunahing dahilan kaya ang karanasang ito sa lupa ay bahagi ng plano ng Ama sa Langit. Ito rin ang dahilan kaya itinatag ang plano sa solido at tiyak na saligan ng Pagbabayad-sala ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo upang ang ating mga kasalanan, pati na ang pagkakamaling ginagawa natin kapag nagpapatangay tayo sa laman, ay maaaring madaig sa patuloy na pagsisisi at maaari tayong mamuhay na nakatuon sa espirituwal. Oras na para kontrolin ang mga pagnanasa ng ating katawan upang masunod ang esprituwal na doktrina ni Cristo. Iyan ang dahilan kaya hindi natin dapat ipagpaliban ang araw ng ating pagsisisi.11

Ang pagsisisi, samakatuwid, ay nagiging isang sandatang kailangang-kailangan sa paglaban natin sa ating sarili. Noon lamang huling pangkalahatang kumperensya, tinukoy ni Pangulong Russell M. Nelson ang labanang ito at pinaalalahanan tayo na “kapag pinipili nating magsisi, pinipili nating magbago! Tinutulutan natin ang Tagapagligtas na baguhin tayo at gawin tayong pinakamabuting bersyon ng ating sarili. Pinipili nating umunlad sa espirituwal at magkaroon ng kagalakan—ang kagalakan na matubos Niya. Kapag pinipili nating magsisi, pinipili nating maging higit na katulad ni Jesucristo!”12

Gabi-gabi, kapag nirerebyu ko sa aking Ama sa Langit sa panalangin ang buong maghapon ko, hinihiling kong patawarin ako kung may nagawa akong mali at nangangako na susubukan kong maging mas mabuti bukas. Naniniwala ako na ang regular at araw araw na panalangin ay nakakatulong sa aking espiritu na ipaalala sa aking katawan kung sino ang namumuno sa akin.

Ang isa pang mapagkukunan ay ang lingguhang oportunidad nating lahat na sariwain ang ating sariling espirituwalidad sa pagtanggap ng sakramento sa pag-alaala sa Pagbabayad-sala at sakdal na pagmamahal ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo para sa atin.

Mga kapatid, hinihikayat ko kayong maghinay-hinay nang kaunti at pag-isipan kung nasaan na kayo ngayon sa pagpigil sa inyong mahalay na pagkatao at palakasin ang inyong banal at espirituwal na pagkatao upang pagdating ng panahon ay makapasok kayo sa daigdig ng mga espiritu sa masayang pagsasama-sama ninyong muli ng inyong mga mahal sa buhay—ang aking patotoo at mapagpakumbabang panalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.