Mga Kababaihan ng Tipan Bilang Katuwang ng Diyos
Ang maging isang babae ng tipan bilang katuwang ng Diyos ay napakadakila at ang mabubuting anak na babae ng Diyos ay palaging napangangalagaan, nagagabayan, at natutulungan.
Nagpapasalamat ako para sa pagpapala na magsalita sa inyo na mga anak na babae ng tipan ng Diyos. Ngayong gabi, ang layunin ko ay hikayatin kayo sa dakilang paglilingkod na iniatas sa inyo. Oo, lahat ng mga anak na babae ng Diyos na nakikinig sa aking tinig ay nakatanggap ng tungkulin mula sa Panginoong Jesucristo.
Ang tungkulin ninyo ay nagsimula nang kayo ay naparito sa mortalidad, sa isang lugar at panahon na pinili para sa inyo ng Diyos na lubos na nakakakilala at nagmamahal sa inyo dahil kayo ay Kanyang anak. Sa daigdig ng mga espiritu, kilala Niya kayo at tinuruan at inilagay sa lugar kung saan kayo magkakaroon ng pagkakataon, na bihira sa kasaysayan ng mundo, na maanyayahan sa bautismuhan. Doon ay maririnig ninyo ang mga salitang ito mula sa isang tinawag na tagapaglingkod ni Jesucristo: “Bilang naatasan ni Jesucristo, binibinyagan kita sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Amen.”1
Sa pag-ahon ninyo sa tubig, tinanggap ninyo ang isa pang tungkulin na maglingkod. Bilang bagong anak ng tipan ng Diyos, nangako kayo at tumanggap ng tungkulin sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, kung saan kayo nakumpirma bilang miyembro. Nakipagtipan kayo sa Diyos na tataglayin sa inyong sarili ang pangalan ni Jesucristo, susunod sa Kanyang mga kautusan, at maglilingkod sa Kanya.
Para sa bawat taong gumagawa ng mga tipang ito, ang paglilingkod na ipinagagawa sa kanya ng Panginoon ay magiging akmang-akma sa taong iyon. Gayunman, ang mga anak ng tipan ng Diyos ay may iisang mahalaga at masayang tungkulin. Ito ay ang paglingkuran ang iba para sa Kanya.
Sa pagsasalita sa kababaihan, si Pangulong Russell M. Nelson ay nagbigay ng magandang buod tungkol sa tungkulin na ibinigay sa inyo ng Panginoon na makiisa sa Kanyang gawain. Ganito inilarawan ni Pangulong Nelson ang inyong tungkulin: “Sinabi ng Panginoon, ‘Ang aking gawain at aking kaluwalhatian [ay] ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.’ (Moises 1:39.) Kaya talagang masasabi ng Kanyang tapat na disipulong anak na babae, ‘Ang aking gawain at kaluwalhatian ay tulungan ang mga mahal ko sa buhay na makamtan ang banal na mithiing iyon.’
“Ang pagtulong sa isang tao na maabot ang kanyang selestiyal na potensyal ay bahagi ng banal na misyon ng babae. Bilang ina, guro, o nangangalagang Banal, tinutulungan niya ang ibang tao na makamit ang kanilang mithiin. Bilang katuwang ng Diyos, ang kanyang banal na misyon ay tulungang magtagumpay ang mga espiritu at magkaroon ng kadakilaan ang mga kaluluwa. Ito ang layunin ng paglikha sa kanya. Ito ay nagbibigay-dangal, nagpapaunlad, at nagpapadakila.”2
Hindi ninyo malalaman kung kailan, o hanggang kailan, matutuon ang inyong personal na misyon sa paglilingkod bilang ina, lider, o ministering sister. Ang Panginoon, dahil mahal Niya tayo, ay hindi tayo pinapili kung kailan, hanggang kailan, o anong mga tungkulin ang ibibigay sa atin. Ngunit nalaman ninyo mula sa banal na kasulatan at buhay na mga propeta na ang lahat ng tungkuling ito ay darating, sa buhay mang ito o sa kabilang-buhay, sa lahat ng mga anak na babae ng Diyos. At lahat ng ito ay paghahanda para sa buhay na walang hanggan sa piling ng mahal nating pamilya—“ang pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos.”3
Magiging matalino kayo kung pagsisikapan na ninyo ngayon na maghanda para sa inyong pinakamithiin. Ang gawaing iyan ay mas pinasimple dahil ang bawat isa sa mga tungkuling ito ay nangangailangan ng gayon din katinding paghahanda.
Magsimula tayo sa tungkulin na maging ministering sister. Tungkulin man ninyo ito bilang 10-taong-gulang na anak ng isang pamilya na namatayan ng ama, o bilang Relief Society president na nasunugan ang kanilang lugar kamakailan, o kayo ay naoperahan at nagpapagaling sa ospital—kayo ay may pagkakataon na gawin ang ipinagagawa sa inyo ng Panginoon na maging Kanyang anak na naglilingkod.
Ang mga ito ay tila kakaibang mga ministering assignment. Gayunman lahat ng ito ay nangangailangan ng paghahanda ng isang matatag, at mapagmahal na puso, isang walang takot na pananampalataya na ang Panginoon ay hindi nagbibigay ng kautusan maliban sa Siya ay maghahanda ng paraan, at isang hangaring humayo at gumawa para sa Kanya.4
Dahil handa siya, niyakap ng 10-taong-gulang na anak ang kanyang balong ina at nanalangin na malaman kung paano tutulungan ang kanyang pamilya. At patuloy siyang nananalangin.
Nakahanda ang Relief Society president na magminister bago ang hindi inaasahang sunog sa kanilang lugar. Kilala na niya at mahal ang mga tao roon. Ang kanyang pananampalataya kay Jesucristo ay lumakas sa paglipas ng mga taon dahil sinasagot ng Panginoon ang kanyang mga panalangin na tulungan siya sa kanyang mga simpleng paglilingkod para sa Kanya. Dahil naghanda na siya noon pa man, siya ay handa na at masigasig na inorganisa ang mga kababaihan para maglingkod sa mga tao at pamilyang nasunugan.
Isang sister na naoperahan at nagpapagaling sa isang ospital ang handang maglingkod sa mga kapwa niya pasyente. Buong buhay siyang naglingkod para sa Panginoon sa lahat ng mga taong hindi niya kilala na itinuring niyang kapit-bahay at kaibigan. Nang madama niya sa kanyang puso ang tungkuling maglingkod sa ospital, pinaglingkuran niya ang iba nang buong katatagan at nang may malaking pagmamahal kaya’t nagsimulang magkaroon ng pag-asa ang iba pang mga pasyente kaya ayaw nilang lumabas siya agad ng ospital.
Sa ganyan ding paraan na handa kayong maglingkod, maaari at dapat kayong maghanda para sa tungkuling maging isang lider para sa Panginoon kapag dumating ito. Kakailanganin dito ang pananampalataya kay Jesucristo na nag-ugat sa inyong malalim na pagmamahal sa mga banal na kasulatan, upang akayin ang mga tao at ituro ang Kanyang salita nang walang takot. Pagkatapos ay magiging handa kayo na mapatnubayan palagi ng Espiritu Santo. Masaya ninyong sasabihing, “Ako,” kapag sinabi ng inyong counselor sa Young Women presidency, sa tinig na natataranta, “May sakit si Sister Alvarez ngayon. Sino ang magtuturo sa kanyang klase?”
Gayon din ang paghahanda para sa napakagandang araw na iyon kapag binigyan kayo ng Panginoon ng responsibilidad bilang isang ina. Ngunit kakailanganin din dito ang mas mapagmahal na puso. Kakailanganin dito ang higit na pananampalataya kay Jesucristo kaysa noon na taglay na ng puso ninyo. At kakailanganin dito ang taimtim na pagdarasal para sa impluwensya, patnubay, at pag-alo ng Espiritu Santo nang higit pa sa inaakala ninyong posible.
Maaaring itanong ninyo kung paano nalalaman ng isang lalaki sa anumang edad ang kailangan ng mga ina. Magandang tanong iyan. Hindi maaaring malaman ng kalalakihan ang lahat ng bagay, ngunit maaari naming matutuhan ang ilang aral sa pamamagitan ng paghahayag mula sa Diyos. At maaaring marami rin kaming matutuhan sa pagmamasid, kapag ginamit namin ang pagkakataong hangarin ang Espiritu na tulungan kaming maunawaan ang nakikita namin.
Naobserbahan ko si Kathleen Johnson Eyring sa loob ng 57 taon ng aming pagsasama bilang mag-asawa. Ina siya ng apat na anak na lalaki at dalawang anak na babae. Hanggang ngayon, tumutulong siya tulad ng isang ina sa maraming miyembro ng pamilya at sa napakarami pang iba na itinuring niyang kapamilya.
Alalahanin ang malinaw na paliwanag ni Pangulong Nelson sa banal na misyon ng isang babae—kabilang ang misyong mangalaga: “Bilang ina, guro, o nangangalagang Banal, tinutulungan niya ang iba na makamit ang kanilang mithiin. Bilang katuwang ng Diyos, ang kanyang banal na misyon ay tulungang magtagumpay ang mga espiritu at magkaroon ng kadakilaan ang mga kaluluwa. Ito ang layunin ng paglikha sa kanya.”5
Nalaman ko na ginawa ng aking asawang si Kathleen ang responsibilidad na iyan, na ibinigay sa mga anak na babae ng Ama. Ang mahalagang bahagi sa akin ay ang mga salitang “tinutulungan niya ang iba na makamit ang kanilang mithiin … bilang katuwang ng Diyos.” Hindi siya namilit. Tumutulong siya. At nakaimpluwensya siya sa kanilang mithiin, at sa ganyan niya sinikap na matulungan ang mga taong minahal at pinangalagaan niya. Ang impluwensyang ginamit niya ay ang ebanghelyo ni Jesucristo—na nakita ko sa nakalipas na mga taon.
Ang maging isang babae ng tipan bilang katuwang ng Diyos ay napakadakila at ang mabubuting anak na babae ng Diyos ay palaging napangangalagaan, nagagabayan, at natutulungan, naglilingkod sa anumang paraan at saanmang lugar na inihanda Niya para sa kanila. Ipinapangako ko na makadarama kayo ng kagalakan sa inyong paglalakbay patungo sa inyong tahanan sa langit habang bumabalik kayo sa Kanya bilang anak na babae ng Diyos na tumutupad sa mga tipan.
Pinatototohanan ko na ang Diyos Ama ay buhay at mahal Niya kayo. Sasagutin Niya ang inyong mga panalangin. Ang Kanyang Pinakamamahal na Anak ang namumuno, sa lahat ng bagay, sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Si Pangulong Russell M. Nelson ang Kanyang buhay na propeta. At nakita at nakausap ni Joseph Smith ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo sa isang kakahuyan sa Palmyra, New York. Alam kong iyan ay totoo. Pinatototohanan ko rin na si Jesucristo ang inyong Tagapagligtas; mahal Niya kayo. At sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, kayo ay madadalisay at magkakaroon ng kadakilaan sa dakila at banal na mga tungkulin na darating sa inyo. Pinatototohanan ko ang mga ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.