Natagpuan sa Pamamagitan ng Kapangyarihan ng Aklat ni Mormon
Lahat ay kailangang dumaan sa karanasan at matagpuan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng mga katotohanang nakapaloob sa Aklat ni Mormon.
Sa tuwing binibisita ko ang mga convert sa kanilang tahanan, isa sa mga madalas kong itanong sa kanila ay kung paano nila at ng kanilang mga pamilya nalaman ang tungkol sa Simbahan at paano sila nabinyagan. Hindi na mahalaga kung sila’y aktibo o matagal nang hindi nakakapagsimba sa mga panahong iyon. Ang sagot nila ay laging magkapareho: nang may ngiti at maaliwalas na mukha, sinisimulan nila ang kuwento kung paano sila natagpuan. Ang totoo, mukhang ang kuwento ng pagbabalik-loob ay laging kuwento ng kung paano tayo natagpuan.
Si Jesucristo Mismo ang Panginoon ng mga bagay na nawawala. Nagmamalasakit Siya sa mga nawawala. Tiyak na iyon ang dahilan kung bakit Niya itinuro ang tatlong talinghaga na mababasa sa ika-15 na kabanata ng Lucas: ang talinghaga ng nawawalang tupa, nawawalang pilak, at, ang huli, ang alibughang anak. Lahat ng mga kuwentong ito ay may magkakatugmang tema: hindi mahalaga kung bakit sila nawala. Hindi rin mahalaga kung alam ba nilang nawawala sila. Namamayani roon ang matinding galak na naghuhumiyaw, “Makipagtuwa kayo sa akin, sapagka’t nasumpungan ko ang [yaong] nawala.”1 Sa huli, wala talagang isa mang nawawala sa Kanya.2
Hayaang ibahagi ko sa inyo ngayong hapon ang isa sa mga pinakamahalagang bagay sa akin—ang kuwento kung paano ako natagpuan.
Bago ako mag-15 anyos, inanyayahan ako ng aking tiyuhin, si Manuel Bustos, na dalawin siya at ang kanyang pamilya dito sa Estados Unidos. Ito ay magandang pagkakataon para matuto ako ng kaunting English. Matagal nang sumapi ang tiyuhin ko sa Simbahan, at taglay niya ang malakas na diwa ng pagiging missionary. Marahil iyon ang dahilan kung bakit kinausap siya ng aking ina, nang hindi ko nalalaman, at pumayag sa paanyaya sa isang kundisyon: na hindi niya ako susubukang kumbinsihin na maging kasapi ng kanyang Simbahan. Katoliko kami, at maraming henerasyon na, at walang dahilan upang magbago kami. Ganap na sumang-ayon ang tiyuhin ko sa kasunduan at tumupad siya sa usapan sa puntong ni hindi niya sinagot ang kahit mga simpleng tanong ko tungkol sa Simbahan.
Siyempre, ang hindi maiwasan ng aking tiyuhin at ng magiliw niyang asawa na si Marjorie, ay ang pagiging kung sino sila.3
Pinatuloy ako sa kuwarto na punung-puno ng mga aklat. Nakikita ko sa silid na iyon na may mga 200 kopya ng Aklat ni Mormon sa iba’t ibang wika, 20 sa mga ito ay sa Espanyol.
Isang araw, dahil sa pag-uusisa, kinuha ko ang isang kopya ng Aklat ni Mormon sa Espanyol.
Isa iyon sa mga kopya na may sky-blue na pabalat, na may larawan ng anghel na si Moroni sa harap. Pagkabukas ko niyon, nakasulat sa unang pahina ang sumusunod na pangako: “At kapag inyong matanggap ang mga bagay na ito, ipinapayo ko sa inyo na itanong ninyo sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa pangalan ni Cristo, kung ang mga bagay na ito ay hindi totoo; at kung kayo ay magtatanong nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo, kanyang ipaaalam ang katotohanan nito sa inyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.”
At idinagdag pa: “At sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, malalaman ninyo ang katotohanan ng lahat ng bagay.”4
Mahirap ipaliwanag ang epekto ng talatang ito sa aking isipan at puso. Sa totoo lang, hindi ko hinahanap noon “ang katotohanan.” Binatilyo pa ako noon, masaya sa sariling buhay, masaya sa panibagong kulturang ito.
Gayunpaman, dahil nasa isip ko ang pangakong iyon, palihim kong sinimulang basahin ang aklat. Habang binabasa ko, naintindihan ko na kung gusto ko talagang makinabang mula rito, kailangan kong simulang magdasal. At alam na alam natin ang mangyayari kapag napagpasiyahan mong hindi lang basahin kundi ipagdasal ang Aklat ni Mormon. At iyon nga ang nangyari sa akin. Isa itong napaka-espesyal at lubos na kakaiba—oo, katulad ng nangyari sa libu-libong iba pa sa buong mundo. Nalaman ko sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo na ang Aklat ni Mormon ay totoo.
Pagkatapos ay pinuntahan ko ang aking tiyuhin upang ipaliwanag sa kanya ang nangyari at handa na akong mabinyagan. Hindi maitago ng aking tiyuhin ang kanyang pagkagulat. Sumakay siya sa kanyang kotse, nagtungo sa airport, at bumalik hawak ang aking plane ticket pauwi, nang may nakasulat para sa aking nanay na nagsasabing, “Wala akong kinalaman dito!”
Kung tutuusin, tama siya. Natagpuan ako mismo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Aklat ni Mormon.
Marahil marami ang mga natagpuan sa pamamagitan ng mga kahanga-hangang missionary sa buong mundo, sa bawat pagkakataon sa pamamagitan ng mahimalang paraan. O maaaring natagpuan sila sa pamamagitan ng mga kaibigan na sadyang inilagay ng Diyos sa kanilang landas. Maaari ding natagpuan sila ng isang tao mula sa henerasyon na ito o sa pamamagitan ng isa sa kanilang mga ninuno.5 Anuman ang sitwasyon, upang sumulong tungo sa totoo at personal na pagbabalik-loob, sa lalong madaling panahon, kailangan nilang lahat na dumaan sa karanasan at matagpuan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng mga katotohanang nakapaloob sa Aklat ni Mormon. Gayundin, kailangan nila mismong magpasiya na tapat na mangako sa Diyos na sisikapin nilang sundin ang Kanyang mga utos.
Sa aking pagbalik sa Buenos Aires, natanto ng aking ina na totoong gusto kong magpabinyag. Dahil may pagkasuwail din ako, sa halip na tumutol sa akin, sinuportahan niya ako. At hindi niya namamalayan, isinagawa niya mismo ang aking baptismal interview. Talagang sa pakiramdam ko mas masinsinan pa ang interbyu niya kaysa sa pag-iinterbyu ng mga missionary. Sinabi niya sa akin, “Kung gusto mong mabinyagan, susuportahan kita. Ngunit tatanungin muna kita ng ilang tanong at gusto kong pag-isipan mo ito nang husto at sumagot ka nang tapat sa akin. Ipinapangako mo bang magsisimba nang walang palya tuwing Linggo?”
Sabi ko sa kanya, “Opo, siyempre, gagawin ko iyan.”
“May ideya ka ba kung gaano katagal ang simba?”
“Opo alam ko,” sabi ko.
Sumagot siya, “Kung gayon, kung gusto mo talagang mabinyagan, sisiguraduhin kong dadalo ka.” Pagkatapos ay tinanong niya ako kung totoong handa na ba akong talikuran ang pag-inom ng alak o paninigarilyo.
Sagot ko sa kanya, “Opo, siyempre, susundin ko rin ang mga iyan.”
Kung saan idinagdag niya, “Kung mabibinyagan ka, sisiguraduhin kong gayon nga ang mangyayari.” At tuloy-tuloy niya itong ginawa sa halos bawat kautusan.
Tinawagan ng tiyuhin ko ang nanay ko para sabihan siya na huwag mag-alala, at malalampasan ko rin ang mga ito. Makalipas ang apat na taon, noong matanggap ko ang aking tawag na maglingkod sa Taiwan Taichung Mission, tinawagan ng nanay ko ang aking tiyuhin at itinanong kung kailan ko eksaktong malalampasan ang mga ito. Ang totoo ay mula noong mabinyagan ako, siya ay naging mas masayang ina.
Nalaman ko na ang Aklat ni Mormon ay mahalaga sa proseso ng pagbabalik-loob sa pamamagitan ng pagdanas mismo ng pangako na “ang isang tao ay malalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin nito.”6
Ipinaliwanag ni Nephi ang pangunahing layunin ng Aklat ni Mormon sa ganitong paraan:
“Sapagkat masigasig kaming gumagawa upang makasulat, upang hikayatin ang ating mga anak, at ang atin ding mga kapatid, na maniwala kay Cristo, at makipagkasundo sa Diyos; ...
“At [kaya] nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo, nangangaral tayo tungkol kay Cristo, [at] nagpopropesiya tayo tungkol kay Cristo … upang malaman ng ating mga anak kung kanino sila aasa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.”7
Ang buong Aklat ni Mormon ay puno ng gayunding sagradong layunin.
Sa kadahilanang ito, sinumang mambabasa na mangangakong pag-aralan ito nang taimtim, nang mapanalangin, ay hindi lamang matututo tungkol kay Cristo, kundi sila ay matututo mula kay Cristo—lalo’t kung pagpapasiyahan nila na “subukan ang bisa ng salita”8 at hindi ito tatalikuran agad dahil sa mga mapanirang paniniwala9 mula sa sinasabi ng ibang tao na hindi alam kung ano talaga ang nabanggit o ano ang hindi kailanman nabasa.
Paggunita ni Pangulong Russell M. Nelson: “Tuwing iniisip ko ang Aklat ni Mormon, naiisip ko ang salitang kapangyarihan. Ang mga katotohanan ng Aklat ni Mormon ay may kapangyarihan na pagalingin, panatagin, ipanumbalik, tulungan, palakasin, aluin, at pasayahin ang ating kaluluwa.”10
Ang aking paanyaya ngayong hapon sa bawat isa sa atin, gaano man tayo katagal na sa Simbahan, ay hayaang matagpuan tayo ng kapangyarihan ng mga katotohanan ng Aklat ni Mormon at mayakap tayong muli, at sa bawat araw habang masigasig nating hinahangad ang pansariling paghahayag. Mangyayari iyon kung hahayaan natin.
Taimtim kong pinatototohanan na ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo at ang Espiritu Santo ang paulit-ulit na magpapatibay ng katotohanan nito sa sinuman na, taglay ang dalisay na puso, ay maghahangad ng kaalaman hinggil sa kaligtasan ng kanilang kaluluwa.11 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.