2010–2019
Paggalang sa Kanyang Pangalan
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2019


2:3

Paggalang sa Kanyang Pangalan

Sa tipan ng pagkakakilanlan at pagiging kabilang, tinatawag tayo sa pangalan ni Jesucristo.

Habang sabik na hinihintay ng mga magulang ang pagsilang ng kanilang anak, responsibilidad nilang pumili ng pangalan para sa kanilang bagong silang na anak. Marahil nang isilang kayo, binigyan kayo ng pangalan na ipinasa-pasa na sa inyong pamilya sa maraming henerasyon. O marahil ang pangalang ibinigay sa inyo ay popular sa taon o sa lugar kung saan kayo isinilang.

Ang propetang si Helaman at ang kanyang asawa ay nagbigay ng makahulugang pangalan sa kanilang mga sanggol na sina Nephi at Lehi. Kalaunan sinabi ni Helaman sa kanyang mga anak:

“Ibinigay ko sa inyo ang mga pangalan ng ating mga naunang magulang … nang sa gayon kapag naalaala ninyo ang inyong mga pangalan ay maalaala ninyo sila; at kapag naalaala ninyo sila ay maalaala ninyo ang kanilang mga gawa … kung paanong nasabi, at nasulat din, na sila’y mabubuti.

“Samakatwid, mga anak ko, nais kong gawin ninyo ang yaong mabuti.”1

Ang mga pangalan nina Nephi at Lehi ay nakatulong sa kanila na maalala ang mabubuting gawain ng kanilang mga ninuno at naghikayat sa kanila na gumawa rin ng mabuti.

Mga kapatid, saanman tayo nakatira, ano man ang wikang sinasalita natin, o tayo man ay 8 taong gulang o 108, may isang natatanging pangalan na taglay nating lahat na may gayunding mga layunin.

“Sapagka’t ang lahat [sa atin] ay binautismuhan kay Cristo ay ibinihis si Cristo … sapagka’t [tayong] lahat ay iisa kay Cristo Jesus.”2

Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, “ang unang [ipinangako] natin [ay] handa tayong taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Cristo … sa [pamamagitan ng] ordenansa ng binyag.”3 Sa pamamagitan ng tipang ito, ipinangako natin na lagi Siyang aalalahanin, susundin ang Kanyang mga utos, at paglilingkuran ang iba. Ang kahandaan nating tuparin ang tipang ito ay pinaninibago tuwing araw ng Sabbath kapag tumatanggap tayo ng sakramento at nagagalak na muli sa mga pagpapala ng “[paglakad] sa panibagong buhay.”4

Ang pangalan na ibinigay sa atin noong isinilang tayo ay nagpapakita ng kani-kanya nating pagkakakilanlan at nagpapadama na kabilang tayo sa ating pamilya sa mundo. Gayunman, kapag tayo ay “isinilang na muli” sa binyag, lumalawak ang ating pang-unawa sa kung sino tayo. “Dahil sa tipang inyong ginawa kayo ay tatawaging mga anak ni Cristo, … sapagkat masdan, … sa araw na ito kayo ay kanyang espirituwal na isinilang; sapagkat sinasabi ninyo na ang inyong mga puso ay nagbago sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanyang pangalan; anupa’t kayo ay isinilang sa kanya.”5

Sa gayon, sa tipan ng pagkakakilanlan at pagiging kabilang, tinatawag tayo sa pangalan ni Jesucristo. At “walang ibang pangalang ibinigay, o anumang daan, o paraan kung saan ang kaligtasan ay mapapasa mga anak ng tao, tanging kay at sa pamamagitan lamang ng pangalan ni Cristo, ang Panginoong Makapangyarihan.”6

Ang pangalan ni Jesus ay ipinropesiya na bago pa Siya isinilang. Kay Haring Benjamin, ipinropesiya ng isang anghel, “At siya ay tatawaging Jesucristo ang Anak ng Diyos, … at ang kanyang ina ay tatawaging Maria.”7 Ang Kanyang gawain na “mapagtubos na pag-ibig”8 ay ipinaalam din sa mga anak ng Diyos sa tuwing ang ebanghelyo ay nasa mundo, mula pa noong panahon nina Eva at Adan hanggang sa ating kasalukuyang panahon, upang malaman nila “kung kanino sila aasa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.”9

Noong nakaraang taon, “bilang propeta” isinamo ni Pangulong Russell M. Nelson sa kababaihan ng Simbahan na “hubugin ang hinaharap sa pagtulong na tipunin ang nakalat na Israel.” Inanyayahan niya tayo na basahin ang Aklat ni Mormon at “markahan ang bawat talatang bumabanggit o tumutukoy sa Tagapagligtas.” Hiniling niya na “sadya [tayong] magsalita tungkol kay Cristo, magalak kay Cristo, at mangaral tungkol kay Cristo sa [ating] mga pamilya at kaibigan.” Marahil nagsisimula na ninyong madama ang mga bunga ng kanyang pangako na “mas mapapalapit kayo at sila sa Tagapagligtas. … At ang mga pagbabago, pati na mga himala, ay magsisimulang mangyari.”10

Ang ating pangako na laging aalalahanin ang Tagapagligtas ay nagbibigay sa atin ng lakas na manindigan sa katotohanan at kabutihan—tayo man ay naroon sa maraming tao o sa lugar na nag-iisa lamang tayo, kung saan walang sinuman ang nakaaalam ng ating mga kilos maliban sa Diyos. Kapag inaalala natin Siya at ang pangalan Niya na ating tinataglay, hindi natin mamaliitin ang ating sarili sa pagkukumpara sa iba o mapagmataas na manghuhusga sa iba. Nakatuon ang mga mata sa Tagapagligtas, makikita natin ang ating sarili kung sino talaga tayo—isang pinakamamahal na anak ng Diyos.

Ang pag-alaala natin sa ating mga tipan ay pumapawi ng mga alalahanin natin sa mundo, nag-aalis ng pag-aalinlangan sa ating sarili kapalit ng katatagan ng loob, at nagbibigay ng pag-asa sa mga oras ng pagsubok.

At kapag tayo ay natisod at nadapa sa ating pagsulong sa landas ng tipan, kailangan lang nating alalahanin ang Kanyang pangalan at ang Kanyang mapagmahal na kabaitan sa atin. “Sapagkat taglay niya ang lahat ng kapangyarihan, lahat ng karunungan, at lahat ng kaalaman; nalalaman niya ang lahat ng bagay, at isa siyang maawaing Katauhan … sa mga yaong magsisisi at maniniwala sa kanyang pangalan.”11 Tunay ngang wala nang tatamis pa sa tunog ng pangalan ni Jesus sa lahat ng mga yaong, taglay ang bagbag na puso at nagsisising espiritu, ay nagsisikap na “gumawa nang mas mahusay at maging mas mahusay.”12

Itinuro ni Pangulong Nelson: “Lipas na ang araw na maaari kayong manahimik at mapanatag bilang Kristiyano. Ang inyong relihiyon ay hindi lamang tungkol sa pagsisimba sa araw ng Linggo. Ito ay tungkol sa pagiging tunay na disipulo mula Linggo ng umaga hanggang Sabado ng gabi. … Walang ‘part-time’ na disipulo ng Panginoong Jesucristo.”13

Ang kahandaan nating taglayin ang pangalan ni Cristo ay higit pa sa pormal na pagtatalakayan. Hindi ito pangako na puro salita o hidwaan ng kultura. Hindi ito kaganapan sa buhay na ipinagdiriwang o name tag na isinusuot natin. Hindi ito kasabihan na inilalagay lang natin sa estante o isinasabit sa dingding. Ang Kanyang pangalan ay “ibinihis,”14 sa ating mga puso, at “nakaukit sa [ating] mga mukha.”15

Ang nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas ay dapat alalahanin, lagi, sa ating mga isipan, kilos, at pakikisalamuha sa iba. Hindi lamang Niya naaalala ang ating mga pangalan, kundi naaalala Niya tayo sa tuwina. Ipinahayag ng Tagapagligtas:

“Sapagkat malilimutan ba ng isang ina ang kanyang anak na pinasususo, na hindi siya maaawa sa anak ng kanyang sinapupunan? Oo, maaaring makalimot siya, gayon pa man hindi kita malilimutan, O sambahayan ni Israel.

“Masdan, aking inanyuan ka sa mga palad ng aking mga kamay.”16

Itinuro ni Pangulong George Albert Smith, “Igalang ang mga pangalang taglay ninyo, dahil balang-araw magkakaroon kayo ng pribilehiyo at obligasyon na iulat … sa inyong Ama sa Langit ang nagawa ninyo sa [mga pangalang iyon].”17

Tulad ng mga pangalan nina Nephi at Lehi na pinag-isipang mabuti, maaari bang masabi at maisulat tungkol sa atin na tayo ay mga tunay na disipulo ng Panginoong Jesucristo? Iginagalang ba natin ang pangalan ni Jesucristo na buong kahandaan nating tinaglay sa ating sarili? Tayo ba ay kapwa “ministro at saksi”18 ng Kanyang magiliw na kabaitan at Kanyang mapantubos na kapangyarihan?

Kamakailan lang, pinakinggan ko ang Aklat ni Mormon. Sa huling kabanata ng 2 Nephi narinig ko si Nephi na nagsabi ng isang bagay na hindi ko binasa kailanman noon sa ganoong paraan. Sa kanyang buong talaan, nagturo at nagpatotoo siya tungkol sa “Manunubos,” ang “Banal ng Israel,” ang “Kordero ng Diyos,” at ang “Mesiyas.” Ngunit nang tinatapos na niya ang kanyang tala, narinig kong sinabi niya ang mga salitang ito: “Ako ay nagpupuri sa kalinawan; ako ay nagpupuri sa katotohanan; ako ay nagpupuri sa aking Jesus, sapagkat kanyang tinubos ang aking kaluluwa.”19 Nang marinig ko ang mga salitang ito, nagalak ang aking puso at paulit-ulit ko itong pinakinggan. Kinilala at tinugon ko ang talatang iyon tulad ng pagkilala at pagtugon ko sa aking sariling pangalan.

Sinabi ng Panginoon, “Oo, pinagpala ang mga taong ito na nakahandang taglayin ang aking pangalan; sapagkat sa aking pangalan sila ay tatawagin; at sila ay akin.”20

Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, nawa’y ating “[taglayin sa ating] sarili, nang may kagalakan, ang pangalan ni Cristo”21 sa pamamagitan ng paggalang sa Kanyang pangalan nang may pagmamahal, katapatan, at mabubuting gawain. Pinatototohanan ko na Siya “ang Kordero ng Diyos, oo, maging ang Anak ng Walang Hanggang Ama.”22 Sa pangalan ng Kanyang banal na anak, na si Jesucristo, amen.