Ang Kagalakan ng mga Banal
Ang kagalakan ay nagmumula sa pagsunod sa mga kautusan ni Cristo, sa pagdaig sa kalungkutan at kahinaan sa pamamagitan Niya, at sa paglilingkod na tulad Niya.
Isinulat ng propeta sa Aklat ni Mormon na si Enos, na apo ni Lehi, ang isang karanasan noong kanyang kabataan. Habang mag-isang nangangaso sa gubat, sinimulang pagnilayan ni Enos ang mga turo ng kanyang amang si Jacob. Ikinuwento niya, “Ang mga salitang madalas kong marinig na sinasabi ng aking ama hinggil sa buhay na walang hanggan, at ang kagalakan ng mga banal, ay tumimo nang malalim sa aking puso.”1 Sa espirituwal na pagkagutom ng kanyang kaluluwa, lumuhod si Enos sa panalangin, isang kakaibang panalangin na tumagal nang buong maghapon at magdamag, panalangin na naghatid sa kanya ng mahahalagang paghahayag, mga katiyakan, at mga pangako.
Maraming matututuhan mula sa karanasan ni Enos, ngunit ang tumitimo ngayon sa aking isipan ay ang alaala ni Enos tungkol sa madalas na pagbanggit ng kanyang ama sa “kagalakan ng mga banal.”
Sa kumperensyang ito tatlong taon na ang nakararaan, nagsalita si Pangulong Russell M. Nelson tungkol sa kagalakan.2 Bukod sa iba pa, sinabi niya:
“Ang kagalakang nadarama natin ay halos walang kinalaman sa mga sitwasyon natin sa buhay kundi sa pinagtutuunan natin sa buhay.
“Kapag nakatuon ang ating buhay sa plano ng kaligtasan … at kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, makadarama tayo ng kagalakan anuman ang nangyayari—o hindi nangyayari—sa ating buhay. Ang kagalakan ay nagmumula sa at dahil sa Kanya. … Para sa mga Banal sa mga Huling Araw, si Jesucristo ang kagalakan!”3
Ang mga Banal ay yaong mga nakapasok sa tipan ng ebanghelyo sa pamamagitan ng binyag at nagsisikap na sundin si Cristo bilang Kanyang mga disipulo.4 Sa gayon, “ang kagalakan ng mga banal” ay nangangahulugan ng kagalakan sa pagiging katulad ni Cristo.
Gusto kong magsalita tungkol sa kagalakang nagmumula sa pagsunod sa Kanyang mga utos, sa kagalakang nagmumula sa pagdaig sa kalungkutan at kahinaan sa pamamagitan Niya, at sa kagalakang likas sa paglilingkod na tulad ng paglilingkod Niya.
Ang Kagalakan ng Pagsunod sa mga Utos ni Cristo
Nabubuhay tayo sa panahon ng pagpapasasa sa kamunduhan kung kailan maraming nagdududa sa kahalagahan ng mga utos ng Panginoon o binabalewala lang nila ang mga ito. Kadalasan, ang mga taong sadyang bumabalewala sa mga banal na utos na tulad ng batas ng kalinisang-puri, pamantayan ng katapatan, at kabanalan ng Sabbath ay tila umuunlad at nagtatamasa ng mabubuting bagay sa buhay, na higit pa kung minsan kaysa sa mga taong nagsisikap na maging masunurin. Nagsisimulang mag-isip ang ilan kung sulit ba ang pagsisikap at mga sakripisyo. Minsa’y nagreklamo ang mga sinaunang tao ng Israel:
“Walang kabuluhan ang maglingkod sa Dios; at anong kapakinabangan nito na ating iningatan ang kanyang bilin, at tayo’y nagsilakad na may pananangis sa harap ng Panginoon ng mga hukbo?
“At ngayo’y ating tinatawag ang palalo na mapalad, oo, silang nagsisigawa ng kasamaan ay nangagtayo; oo, kanilang tinutukso ang Dios, at tumatakas.”5
Maghintay lang kayo, sabi ng Panginoon, hanggang sa “araw na aking gawin, sa makatuwid baga’y isang tanging kayamanan. … Kung magkagayo’y … makikilala ninyo ang matuwid at ang masama, yaong naglilingkod sa Dios at yaong hindi naglilingkod sa kaniya.”6 Ang masasama ay “mayroon[g] kagalakan sa kanilang mga gawa nang kaunting panahon,” ngunit pansamantala lamang iyon palagi.7 Ang kagalakan ng mga Banal ay nagtatagal.
Nakikita ng Diyos ang mga bagay-bagay sa katunayan ng mga ito, at ibinabahagi Niya sa atin ang pananaw na iyon sa Kanyang mga utos at epektibo tayong ginagabayan sa pag-iwas sa mga di-akalain at di-inaasahang mga paghihirap sa buhay tungo sa walang-hanggang kagalakan. Ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith: “Kapag tinuturuan tayo ng Kanyang mga utos, ito ay pagsasaalang-alang sa kawalang-hanggan; sapagkat tinitingnan tayo ng Diyos na tila baga tayo ay nasa kawalang-hanggan; naroroon ang Diyos sa kawalang-hanggan, at hindi tinitingnan ang bagay tulad ng ginagawa natin.”8
Wala pa akong nakilalang sinuman na nakatuklas sa ebanghelyo sa kanilang katandaan na hindi nagnais na sana’y natuklasan nila iyon nang mas maaga. “Ah, ang dami kong maling pagpapasiya at pagkakamali na sana’y naiwasan ko,” sasabihin nila. Ang mga utos ng Panginoon ay ating gabay para sa mas mabubuting pagpapasiya at mas masasayang resulta. Dapat tayong magalak at pasalamatan natin Siya dahil ipinakita Niya sa atin ang mas mabuting paraang ito.
Noong tinedyer ako, si Sister Kalombo Rosette Kamwanya mula sa D.R. Congo, na naglilingkod ngayon sa Côte d’Ivoire Abidjan West Mission, ay nag-ayuno at nanalangin nang tatlong araw para malaman kung saan siya gustong papuntahin ng Diyos. Sa isang pambihirang pangitain sa gabi, ipinakita sa kanya ang dalawang gusali, isang chapel at ang natanto niya ngayon na isang templo. Nagsimula siyang maghanap at agad niyang natagpuan ang chapel na nakita niya sa kanyang panaginip. Sabi sa karatula, “Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.” Nabinyagan si Sister Kamwanya at sumunod ang kanyang ina at anim na kapatid na lalaki. Sabi ni Sister Kamwanya, “Nang tanggapin ko ang ebanghelyo, para akong isang nabihag na ibon na napalaya. Napuspos ng galak ang puso ko. … Nagkaroon ako ng katiyakan na mahal ako ng Diyos.”9
Sa pagsunod sa mga utos ng Panginoon, mas lubos at mas madali nating nadarama ang Kanyang pagmamahal. Ang makipot at makitid na landas ng mga kautusan ay papadiretso sa punungkahoy ng buhay, at ang puno at bunga nito, na pinakamatamis at “pinakakanais-nais sa lahat ng bagay,”10 ay kumakatawan sa pag-ibig ng Diyos at pinupuspos ang kaluluwa “ng labis na kagalakan.”11 Sabi ng Tagapagligtas:
“Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, ay magsisipanahan kayo sa aking pagibig; gaya ng aking pagtupad sa mga utos ng aking Ama, at ako’y nananatili sa kaniyang pagibig.
“Ang mga bagay na ito ay sinalita ko sa inyo, upang ang aking kagalakan ay mapasa inyo, at upang ang inyong kagalakan ay malubos.”12
Ang Kagalakan ng Pagdaig sa Pamamagitan ni Cristo
Kahit masumpungan tayong tapat na sumusunod sa mga kautusan, may mga pagsubok at trahedyang maaaring makagambala sa ating kagalakan. Ngunit kapag sinikap nating daigin ang mga hamong ito sa tulong ng Tagapagligtas, pinangangalagaan nito kapwa ang kagalakang nadarama natin ngayon at ang kagalakang inaasam natin. Tiniyak ni Cristo sa Kanyang mga disipulo, “Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian: nguni’t laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan.”13 Sa pagbaling sa Kanya, pagsunod sa Kanya, pagbibigkis ng ating sarili sa Kanya, nagiging kagalakan ang pagsubok at kalungkutan. Babanggit ako ng isang halimbawa.
Noong 1989, naglingkod si Jack Rushton bilang pangulo ng Irvine California Stake sa Estados Unidos. Nang magbakasyon ang kanilang pamilya sa baybayin ng California, nagba-bodysurfing si Jack nang tangayin siya ng alon papunta sa isang nakalubog na malaking bato, at nabali ang kanyang leeg at napinsala nang malubha ang kanyang gulugod. Sabi ni Jack kalaunan, “Nang humampas ako, alam ko na naging paralisado ako.”14 Hindi na siya makapagsalita o makahinga man lang nang mag-isa.15
Sinuportahan ng mga kapamilya, kaibigan, at miyembro ng stake si Brother Rushton at ang kanyang asawang si Jo Anne, at, bukod sa iba pang bagay, inayos nila ang isang bahagi ng kanilang bahay para makaraan ang wheelchair ni Jack. Si Jo Anne ang naging pangunahing tagapag-alaga ni Jack nang sumunod na 23 taon. Sa pagtukoy sa mga salaysay sa Aklat ni Mormon kung paano binisita ng Panginoon ang Kanyang mga tao sa kanilang mga paghihirap at pinagaan ang kanilang mga pasanin,16 sabi ni Jo Anne, “Madalas akong mamangha sa nadarama kong gaan ng puso sa pag-aalaga sa aking asawa.”17
Sa isang pagbabago sa kanyang respiration system, nanumbalik ang kakayahan ni Jack na magsalita, at sa taon na iyon, tinawag si Jack bilang Gospel Doctrine teacher at stake patriarch. Nang magbigay siya ng patriarchal blessing, inilagay ng isa pang priesthood holder ang kamay ni Brother Rushton sa ulo ng taong tumatanggap ng blessing at sinuportahan ang kanyang kamay at braso habang nagbabasbas siya. Pumanaw si Jack noong Araw ng Pasko ng 2012, makalipas ang 22 taon ng tapat na paglilingkod.
Minsan sa isang interbyu, ipinahayag ni Jack: “Darating ang mga problema sa buhay nating lahat; bahagi ito ng buhay sa mundong ito. At iniisip ng ilang tao na poprotektahan ka ng relihiyon o ng pagsampalataya sa Diyos mula sa masasamang bagay. Palagay ko hindi iyan ang punto. Palagay ko ang punto ay na kung matibay ang ating pananampalataya, na kapag may mga nangyayaring masama, at mangyayari ito, makakaya nating harapin ang mga ito. … Hindi nanghina kailanman ang pananampalataya ko, ngunit hindi iyan nangangahulugan na hindi ako nakadama ng depresyon. Palagay ko sa unang pagkakataon sa buhay ko, hindi ko na kinaya, at literal na wala akong mabalingan, kaya bumaling ako sa Panginoon, at hanggang sa araw na ito, hindi ko mapigilan ang aking kagalakan.”18
Ito ang panahon na kung minsa’y walang-awa ang mga pag-atake sa social media at nang personal laban sa mga taong naghahangad na sundin ang pamantayan ng Panginoon sa pananamit, libangan, at kadalisayan ng puri. Kadalasa’y ang mga kabataan at young adult sa mga Banal, pati na ang kababaihan at mga ina, ang nagdurusa sa pangungutya at pang-uusig na ito. Hindi madaling iwaksi ang gayong pang-aabuso, ngunit alalahanin ang sinabi ni Pedro: “Kung kayo’y mapintasan dahil sa pangalan ni Cristo, ay mapapalad kayo; sapagka’t ang Espiritu ng kaluwalhatian at ang Espiritu ng Dios ay nagpapahingalay sa inyo[: para sa kanila siya’y masama, ngunit para sa inyo siya’y niluwalhati].”19
Sa Halamanan ng Eden, sina Eva at Adan ay “[na]sa kalagayan ng kawalang-malay, walang kaligayahan, sapagkat hindi sila nakakikilala ng kalungkutan.”20 Ngayon, bilang mga nilalang na may pananagutan, nagagalak tayo sa pagdaig sa paghihirap sa anumang anyo, maging ito man ay kasalanan, pagsubok, kahinaan, o anumang iba pang hadlang sa kaligayahan. Ito ang kagalakan ng pagdama sa pag-unlad sa landas ng pagkadisipulo; ang kagalakan “sa pagkatanggap ng kapatawaran ng mga kasalanan, at sa pagkakaroon ng katahimikan ng budhi”;21 ang kagalakan na madama ang paglaki ng kaluluwa at paglago sa pamamagitan ng biyaya ni Cristo.22
Ang Kagalakan ng Paglilingkod na Tulad ni Cristo
Nagagalak ang Tagapagligtas sa pagsasakatuparan ng ating kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan.23 Patungkol sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson:
“Tulad sa lahat ng bagay, si Jesucristo ang ating dakilang huwaran, ‘na [S]iya dahil sa kagalakang inilagay sa harapan niya ay nagtiis ng krus’ [Sa mga Hebreo 12:2]. Isipin ninyo iyan! Para mapagtiisan Niya ang pinakamatinding karanasang tiniis sa lupa, nagtuon ang ating Tagapagligtas sa kagalakan!
“At ano ang kagalakang inilagay sa harapan Niya? Tiyak na kabilang dito ang kagalakang linisin, pagalingin, at palakasin tayo; ang kagalakang pagbayaran ang mga kasalanan ng lahat ng magsisisi; ang kagalakang gawing posible na makabalik tayo—nang malinis at karapat-dapat—sa piling ng ating mga Magulang sa Langit at ng ating pamilya.”24
Gayundin, ang kagalakang “inilagay sa harapan natin” ay ang kagalakan ng pagtulong sa Tagapagligtas sa Kanyang gawain ng pagtubos. Tulad ng binhi at ng mga anak ni Abraham,25 nakikibahagi tayo sa pagpapala sa lahat ng mag-anak sa mundo “ng mga pagpapala ng ebanghelyo, na mga pagpapala ng kaligtasan, maging ng buhay na walang hanggan.”26
Naaalala ko ang mga salita ni Alma:
“Ito ang aking kaluwalhatian, na baka sakaling ako’y maging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos upang madala ang ilang kaluluwa sa pagsisisi; at ito ang aking kagalakan.
“At masdan, kapag nakita kong tunay na nagsisisi ang marami sa aking mga kapatid, at lumalapit sa Panginoon nilang Diyos, sa gayon napupuspos ang aking kaluluwa ng kagalakan. …
“Subalit hindi lamang ako nagagalak sa aking sariling tagumpay, kundi higit pang nalubos ang aking kagalakan dahil sa tagumpay ng aking mga kapatid, na nagtungo sa lupain ng Nephi. …
“Ngayon, kapag naiisip ko ang tagumpay ng aking mga kapatid na ito, ang aking kaluluwa ay natatangay, maging sa paghihiwalay nito mula sa katawan, sa wari’y gayon ito, napakalaki ng aking kagalakan.”27
Ang mga bunga ng ating paglilingkod sa isa’t isa sa Simbahan ay bahagi ng kagalakang “inilagay sa harapan natin.” Maging sa mga oras ng panghihina o problema, maaari tayong matiyagang maglingkod kung nakatuon tayo sa kagalakan ng pagbibigay-lugod sa Diyos at paghahatid ng liwanag, ginhawa, at kaligayahan sa Kanyang mga anak, na ating mga kapatid.
Nang nasa Haiti sila noong isang buwan para sa paglalaan ng Port-au-Prince Temple, nakilala nina Elder David at Sister Susan Bednar ang isang miyembrong babae na ang asawa ay namatay ilang araw pa lamang ang nakararaan sa isang malagim na aksidente. Umiyak silang kasama niya. Subalit pagsapit ng Linggo nasa kanyang lugar ang babaeng ito bilang usher sa mga serbisyo ng paglalaan, na may magiliw at matamis na ngiti para sa lahat ng pumasok sa templo.
Naniniwala ako na ang tunay na “kagalakan ng mga banal” ay nagmumula sa pagkaalam na isinasamo ng Tagapagligtas ang kanilang kapakanan,28 “at walang sinumang makauunawa sa kagalakang [pupuspos] sa [ating] kaluluwa [kapag naririnig natin si Jesus na manalangin] sa Ama para sa [atin].”29 Kasama ni Pangulong Russell M. Nelson, pinatototohanan ko na ang kagalakan ay isang kaloob para sa matatapat na Banal “na nangagsipagtiis sa mga pasakit ng daigdig”30 at “sadyang [n]agsisikap na mamuhay nang matwid, tulad ng itinuro ni Jesucristo.”31 Nawa’y mapuspos kayo ng kagalakan, ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.