Dalawang Dakilang Utos
Dapat nating pagsikapang sundin ang dalawang dakilang utos. Para magawa ito, kailangan nating mabalanse ang batas at pagmamahal.
Mahal kong mga kapatid sa ebanghelyo ni Jesucristo, binabati ko kayo bilang mga espirituwal na tagapangalaga ng walang-hanggang pamilya. Itinuro sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ang Simbahang ito ay ipinanumbalik upang ang mga pamilya ay mabuo, mabuklod, at madakila sa kawalang-hanggan.”1 Ang turong iyan ay may mahalagang implikasyon sa mga tao na itinuturing ang sarili na lesbian, gay, bisexual, o transgender, na karaniwang tinatawag na LGBT.2 Ipinaalala rin sa atin ni Pangulong Nelson na hindi natin “kailangan na [laging] sumang-ayon sa isa’t isa para mahalin ang isa’t isa.”3 Ang mga turong ito ng propeta ay mahalagang talakayin ng pamilya upang masagot ang mga tanong ng mga bata at kabataan. Mapanalangin akong humingi ng inspirasyon na magsalita sa inyo dahil apektado kayo ng mga tanong na ito, na tuwiran o di-tuwirang nakakaapekto sa lahat ng pamilya sa Simbahan.
I.
Magsisimula ako sa itinuro ni Jesus na dalawang dakilang utos.
“Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo.
“Ito ang dakila at pangunang utos.
“At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.”4
Nangangahulugan ito na iniuutos sa atin na mahalin ang lahat, dahil itinuro ni Jesus sa talinghaga ng mabuting Samaritano na ang lahat ay ating kapwa-tao.5 Ngunit ang pagsusumigasig nating sundin ang pangalawang utos na ito ay hindi dapat maging dahilan para malimutan ang una, ang mahalin ang Diyos nang ating buong puso, kaluluwa, at isipan. Ipinapakita natin ang pagmamahal na iyan sa pamamagitan ng “[pagsunod sa] [Kanyang] mga utos.”6 Iniuutos ng Diyos na sundin natin ang Kanyang mga utos dahil tanging sa pamamagitan ng pagsunod na iyon, pati sa pagsisisi, tayo makababalik upang mamuhay sa Kanyang piling at maging ganap na katulad Niya.
Sa kanyang mensahe kamakailan sa mga young adult ng Simbahan, nagsalita si Pangulong Russell M. Nelson tungkol sa tinawag niyang “matibay na koneksyon sa pagitan ng pagmamahal ng Diyos at ng Kanyang mga batas.”7 Ang mga batas na pinakaangkop sa mga isyu na may kaugnayan sa mga taong itinuturing ang sarili na LGBT ay ang batas ng Diyos tungkol sa kasal at ang kaugnay nito na batas ng kalinisang-puri. Kapwa ito mahalaga sa plano ng ating Ama sa Langit para sa kaligtasan ng Kanyang mga anak. Tulad ng itinuro ni Pangulong Nelson, “Ang mga batas ng Diyos ay ginawa dahil sa Kanyang sukdulang pagmamahal sa atin at sa Kanyang hangarin para sa atin na maging mabuti sa abot ng makakaya natin.”8
Itinuro ni Pangulong Nelson: “Maraming bansa … ang ginawang legal ang kasal ng parehong kasarian. Bilang mga miyembro ng Simbahan, iginagalang natin ang mga batas ng lupain … , kabilang na ang kasal na sibil. Gayunman, ang totoo ay sa simula pa lang … ang kasal ay inorden ng Diyos! At ngayon ito ay tinukoy Niya na kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae. Hindi binago ng Diyos ang Kanyang pakahulugan sa kasal.”
Sinabi pa ni Pangulong Nelson: “Hindi rin binago ng Diyos ang Kanyang batas ng kalinisang-puri. Ang mga kailangan para makapasok sa templo ay hindi nagbago.”9
Ipinaalala sa aming lahat ni Pangulong Nelson na “ang tungkulin namin bilang mga Apostol ay magturo ng pawang katotohanan lamang. Ang tungkuling iyan ay hindi nagbibigay sa [mga Apostol] ng karapatang baguhin ang batas ng Diyos.”10 Kaya nga, mga kapatid, dapat palaging ituro ng mga lider ng Simbahan ang natatanging kahalagahan ng kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae at ang kaugnay na batas ng kalinisang-puri.
II.
Ang gawain ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay may kinalaman sa paghahanda sa mga anak ng Diyos para sa kahariang selestiyal, at higit sa lahat sa pinakamataas na kaluwalhatian nito, kadakilaan o buhay na walang hanggan. Ang pinakadakilang tadhanang iyon ay posible lamang sa pamamagitan ng kasal na pang-walang-hanggan.11 Kabilang sa buhay na walang hanggan ang kapangyarihang lumikha na likas sa pagsasama ng lalaki at babae12—na inilarawan ng makabagong paghahayag bilang “pagpapatuloy ng mga binhi magpakailanman at walang katapusan.”13
Sa kanyang mensahe sa mga young adult, itinuro ni Pangulong Nelson, “Ang pagsunod sa mga batas ng Diyos ay pananatilihin kayong ligtas habang patuloy kayong sumusulong patungo sa kadakilaan”14—ibig sabihin, ang maging katulad ng Diyos, taglay ang buhay na dinakila at banal na potensiyal ng ating mga Magulang sa Langit. Iyan ang tadhanang hangad natin para sa lahat ng ating minamahal. Dahil sa pagmamahal na iyan, hindi natin dapat hayaan ang pagmamahal natin na mangibabaw sa mga utos at plano ng gawain ng Diyos, na alam nating magdudulot ng pinakamalaking kaligayahan sa ating mga minamahal.
Ngunit marami sa mga mahal natin, pati na ang ilan na mayroong ipinanumbalik na ebanghelyo, na hindi naniniwala o piniling hindi sundin ang mga utos ng Diyos tungkol sa kasal at sa batas ng kalinisang-puri. Paano na sila?
Ang doktrina ng Diyos ay nagpapakita na lahat tayo ay Kanyang mga anak at na nilikha Niya tayo para magkaroon ng kagalakan.15 Itinuturo sa makabagong paghahayag na naglaan ang Diyos ng plano para maranasan natin ang buhay sa mundo kung saan mapipili nating lahat na sumunod upang matamo ang Kanyang pinakadakilang mga pagpapala o piliin ang mga bagay na hahantong sa mga kaharian na mas mababa ang kaluwalhatian.16 Dahil sa dakilang pag-ibig ng Diyos sa lahat ng Kanyang mga anak, ang mga mas mababang kaharian ay higit na maganda kumpara sa kayang maarok ng mga tao.17 Ginawang posible ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang lahat ng ito, dahil Siya ay “lumuluwalhati sa Ama, at inililigtas ang lahat ng gawa ng kanyang mga kamay.”18
III.
Nabanggit ko ang tungkol sa unang utos, paano naman ang pangalawang utos? Paano natin sinusunod ang utos na mahalin ang ating kapwa? Hinihikayat natin ang ating mga miyembro na tratuhin nang may pagmamahal ang mga taong sumusunod sa mga turo at ginagawa ng mga lesbian, gay, bisexual, o transgender tulad ng iniutos sa atin ng ating Tagapagligtas na ipakita natin sa lahat ng ating kapwa. Kaya, nang ideklarang legal ang pagpapakasal ng dalawang taong magkapareho ang kasarian sa Estados Unidos, ipinahayag ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawa: “Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay nagtuturo sa atin na mahalin at tratuhin ang lahat ng tao nang may kabaitan at paggalang—kahit magkakaiba tayo ng pananaw. Pinagtitibay namin na ang mga taong makikinabang sa mga batas o mga desisyon ng korte na nagpapahintulot sa pagpapakasal ng dalawang taong magkapareho ang kasarian ay hindi dapat tratuhin nang walang paggalang.”19
Dagdag pa riyan, hindi natin dapat usigin kailanman ang mga taong hindi natin katulad ang paniniwala at mga pamantayan.20 Nakalulungkot na ang mga tao na nakakaranas ng mga bagay na ito ay patuloy na nakadarama ng panghahamak at hindi pagtanggap ng ilang miyembro at lider sa ating mga pamilya, ward, at stake. Dapat nating pagsikapang lahat na maging mas mabait at mas magalang.
IV.
Sa mga kadahilanang hindi natin nauunawaan, magkakaiba ang mga pagsubok natin sa buhay na ito. Ngunit alam natin na tutulungan ng Diyos ang bawat isa sa atin na makayanan ang mga pagsubok na ito kung taos-puso nating hihingin ang Kanyang tulong. Matapos pagdusahan at pagsisihan ang paglabag sa mga batas na itinuro sa atin, lahat tayo ay nakatakdang magtungo sa isang kaharian ng kaluwalhatian. Ang pinakahuling paghuhukom ay ibibigay ng Panginoon, na tanging may kaalaman, karunungan, at biyaya na kailangan para hatulan ang bawat isa sa atin.
Samantala, dapat nating pagsikapang sundin ang dalawang dakilang utos. Para magawa ito, kailangan nating mabalanse ang batas at pagmamahal—sumusunod sa mga kautusan at tumatahak sa landas ng tipan, habang minamahal ang ating kapwa. Kailangan sa pagtahak na ito sa tipan ang paghingi natin ng banal na inspirasyon para malaman kung ano ang susuportahan at ano ang sasalungatin at paano magmamahal at makikinig nang may paggalang at makapagturo habang ginagawa ito. Kailangan sa pagtahak natin ang hindi pagkompromiso sa mga utos kundi ang pagpapakita ng buong pang-unawa at pagmamahal. Kailangan sa pagtahak natin na unawain ang mga bata na hindi tiyak kung ano ang kanilang sexual orientation, at sikapin ding pigilan ang mga bata sa pagsasabi na gayon ang kanilang oryentasyon dahil, karamihan sa mga bata, ang gayong damdamin ay unti-unting napapawi sa paglipas ng panahon.21 Ang ating pagtahak ay sumasalungat din sa paglihis sa landas ng tipan, at nagkakait ng suporta sa sinumang nag-uudyok sa mga tao na lumayo sa Panginoon. Sa lahat ng ito naaalala natin ang pangako ng Diyos na pag-asa at ganap na kagalakan at pagpapala para sa lahat ng sumusunod sa Kanyang mga utos.
V.
Ang mga ina at ama at tayong lahat ay may responsibilidad na ituro ang dalawang dakilang utos. Para sa kababaihan ng Simbahan, inilarawan ni Pangulong Spencer W. Kimball ang tungkuling iyan sa napakagandang propesiyang ito: “Ang karamihan sa malaking pag-unlad na mangyayari sa Simbahan sa mga huling araw ay darating sapagkat marami sa mabubuting kababaihan ng mundo … ang mapupunta sa Simbahan nang maramihan. Mangyayari ito dahil magpapakita ng kabutihan at kahusayan sa pananalita ang kababaihan ng Simbahan sa kanilang buhay at makikitang natatangi at kakaiba ang kababaihan ng Simbahan … mula sa kababaihan ng sanlibutan. … Dahil dito ang mga halimbawa ng kababaihan ng Simbahan ay magiging mahalagang puwersa sa pagdami ng bilang at espirituwal na pag-unlad ng Simbahan sa mga huling araw.”22
Patungkol sa propesiyang iyan, ipinahayag ni Pangulong Russell M. Nelson na “ang panahong [nakita] noon ni Pangulong Kimball ay ngayon. Kayo ang kababaihang [nakita] niya!”23 Tayong mga nakarinig sa propesiyang iyon 40 taon na ang nakararaan ay hindi gaanong natanto na kabilang sa mga maaaring mailigtas ng kababaihan ng Simbahang ito ay ang sarili nilang mga kaibigan at pamilya na naiimpluwensiyahan ng mga prayoridad ng mundo at mga panlilinlang ng diyablo. Ang aking dalangin at basbas sa inyo ay ituturo ninyo at kikilos kayo upang maisakatuparan ang propesiyang iyan, sa pangalan ni Jesucristo, amen.