2010–2019
Patuloy at Matatag na Tiwala
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2019


2:3

Patuloy at Matatag na Tiwala

Ang pagtitiwala sa Panginoon ay kinapapalooban ng pagtitiwala sa Kanyang takdang panahon at nangangailangan ng tiyaga at pagtitiis na daraig sa mga unos ng buhay.

Nagkaroon ng malubhang sakit ang aming anak na si Dan sa kanyang misyon sa Africa at dinala siya sa isang pagamutan na kaunti lamang ang kagamitan. Nang mabasa namin ang kanyang unang liham sa amin pagkatapos niyang magkasakit, inasahan naming panghihinaan siya ng loob, pero sa halip, isinulat niya, “Kahit nasa emergency room po ako, nakadama ako ng kapayapaan. Ngayon lang po ako nakadama ng patuloy at matatag na kaligayahan sa aking buhay.”

Nang mabasa naming mag-asawa ang mga salitang ito, naging emosyonal kami. Patuloy at matatag na kaligayahan. Hindi pa namin narinig na inilarawan sa ganitong paraan ang kaligayahan, pero tila totoo ang mga sinabi niya. Alam namin na ang kaligayahang inilarawan niya ay hindi lamang basta kasiyahan, o biglang buhos ng tuwa kundi kapayapaan at kagalakan na hatid ng pagpapasakop sa ating sarili sa Diyos at pagtitiwala sa Kanya sa lahat ng bagay.1 Nagkaroon na rin kami ng ganoong mga pagkakataon sa buhay kung saan ang Diyos ay bumulong ng kapayapaan sa aming kaluluwa at pinangyaring umasa kami kay Cristo kahit mahirap at walang katiyakan ang buhay.2

Itinuro ni Lehi na kung hindi nahulog sina Eva at Adan, “sila sana ay nanatili sa kalagayan ng kawalang-malay, walang kaligayahan, sapagkat hindi sila nakakikilala ng kalungkutan; …

“Ngunit masdan, ang lahat ng bagay ay ginawa sa karunungan niya na nakaaalam ng lahat ng bagay.

“Si Adan ay nahulog upang ang tao ay maging gayon; at ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan.”3

Sa kasalungat na paraan, inihahanda tayo ng mga paghihirap at kalungkutan para makaranas ng kagalakan kung magtitiwala tayo sa Panginoon at sa Kanyang plano para sa atin. Maganda ang pagkakahayag ng isang makata noong ika-13 siglo tungkol sa katotohanang ito: “Inihahanda ka ng kalungkutan para sa kagalakan. Lubos na inaalis nito ang lahat ng bagay sa iyong buhay, upang magkaroon ng lugar para sa bagong kagalakan. Niyuyugyog nito ang mga tuyong dahon mula sa sanga ng iyong puso, upang mapalitan ng mga sariwang luntiang dahon. Binubunot nito ang mga bulok na ugat, upang lumago ang mga bagong ugat na nakatago sa ilalim. Anumang kalungkutan ang yumanig sa iyong puso, mas magagandang bagay ang papalit sa mga yaon.”4

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ang kagalakang iniaalok [sa atin] ng Tagapagligtas. … ay hindi nagbabago, na tinitiyak sa atin na ang ating ‘mga pagdurusa ay maikling sandali na lamang’ [Doktrina at mga Tipan 121:7] at ilalaan sa ating kapakinabangan.”5 Ang ating mga pagsubok at paghihirap ay nagbibigay ng puwang para sa higit na kagalakan.6

Ang magandang balita ng ebanghelyo ay hindi pangako ng buhay na walang kalungkutan at paghihirap kundi isang buhay na puno ng layunin at kahulugan—isang buhay kung saan ang ating mga kalungkutan at paghihirap ay maaaring “malulon sa kagalakan dahil kay Cristo.”7 Ipinahayag ng Tagapagligtas, “Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian: nguni’t laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan.”8 Ang Kanyang ebanghelyo ay isang mensahe ng pag-asa. Ang kalungkutan na may kasamang pag-asa kay Jesucristo ay may pangako ng tumatagal na kagalakan.

Ang salaysay ng paglalakbay ng mga Jaredita tungo sa lupang pangako ay magagamit bilang talinghaga ng ating paglalakbay sa mortalidad. Nangako ang Panginoon sa kapatid ni Jared at sa kanyang mga tao na Siya ay “hahayo sa harapan [nila] sa isang piling lupain sa lahat ng lupain sa mundo.”9 Iniutos Niya sa kanila na gumawa ng mga gabara, at masunurin nilang ginawa ang mga ito ayon sa mga tagubilin ng Panginoon. Gayunman, habang umuusad ang gawain, nabahala ang kapatid ni Jared na baka hindi sapat ang disenyo ng Panginoon sa mga gabara. Nagsumamo siya:

“O Panginoon, nagawa ko na ang gawaing iniutos ninyo sa akin, at nagawa ko na ang mga gabara alinsunod sa tagubilin ninyo sa akin.

“At masdan, O Panginoon, sa loob nito ay walang liwanag.”10

“O Panginoon, pahihintulutan ba ninyong tawirin namin ang malawak na tubig na ito sa kadiliman?”11

Naibuhos na ba ninyo ang inyong kaluluwa sa Diyos sa ganoong paraan? Sa pagsisikap nating mamuhay ayon sa mga utos ng Panginoon ngunit sa kabila nito ay hindi natutupad ang mabubuting bagay na inaasahan natin, naisip na ba ninyo minsan na magpatuloy na lamang sa buhay na ito na nasa kadiliman?12

Pagkatapos ay nagpahayag ang kapatid ni Jared ng mas matinding pagkabahala tungkol sa kakayahan nilang mabuhay sa loob ng mga gabara. Nagsumamo siya, “At kami ay masasawi rin, sapagkat sa loob nito ay hindi kami makahihinga, maliban lamang sa hangin na nasa loob nito.”13 Dahil sa mga paghihirap sa buhay, nahirapan na ba kayong huminga at napaisip kung paano kayo makakaraos sa maghapon, ano pa kaya kung paano makabalik sa inyong tahanan sa langit?

Matapos tulungan ng Panginoon ang kapatid ni Jared na malutas ang bawat isa sa kanyang mga alalahanin, ipinaliwanag Niya, “Hindi kayo maaaring tumawid sa malawak na kailalimang ito maliban lamang kung ihahanda ko [ang daan para sa inyo] laban sa mga alon ng dagat, at sa mga hanging umiihip, at sa mga bahang darating.”14

Nilinaw ng Panginoon na sa huli, hindi makakarating ang mga Jaredita sa lupang pangako kung wala Siya. Hindi nila kontrolado ang mga bagay-bagay, at ang tanging paraan para matawid nila ang malawak na kailaliman ay magtiwala sila sa Kanya. Ang mga karanasan at aral na ito mula sa Panginoon ay tila nakapagpalakas sa pananampalataya ng kapatid ni Jared at nagpatibay sa kanyang tiwala sa Panginoon.

Pansinin kung paanong ang kanyang mga panalanging puno ng mga katanungan at pagkabahala ay naging mga pahayag ng pananampalataya at tiwala:

“Nalalaman ko, O Panginoon, na taglay ninyo ang lahat ng kapangyarihan, at magagawa ang anumang naisin ninyo para sa kapakanan ng tao; …

“Masdan, O Panginoon, magagawa ninyo ito. Nalalaman namin na kayo ay may kakayahang magpakita ng dakilang kapangyarihan, na tila maliit sa pang-unawa ng tao.”15

Nakatala na pagkatapos, ang mga Jaredita ay “lumulan sa kanilang mga … gabara, at nagpalaot sa dagat, ipinagkakatiwala ang kanilang sarili sa Panginoon nilang Diyos.”16 Ang pagkakatiwala ay nangangahulugang pagpapaubaya o pagpapasakop. Hindi lumulan ang mga Jaredita sa mga gabara dahil natitiyak nila kung ano ang mismong mangyayari sa kanilang paglalakbay. Lumulan sila dahil natuto silang magtiwala sa kapangyarihan, kabutihan, at awa ng Panginoon, at kaya naman handa silang ipagkatiwala sa Panginoon ang kanilang sarili at ang anumang alinlangan o takot na mayroon sila.

Kamakailan natakot ang apo naming si Abe na sumakay sa carousel animal na tumataas at bumababa. Mas gusto niya ang hindi gumagalaw. Sa wakas nahikayat siya ng lola niya na magiging ligtas siya, kaya nagtiwala siya at sumakay. At todo ngiting sinabi niya, “Parang di ako ligtas, pero ligtas ako.” Siguro ganito ang nadama ng mga Jaredita. Ang pagtitiwala sa Diyos ay parang di ligtas sa una, pero kagalakan ang kasunod nito.

Si Abe na nakasakay sa carousel

Hindi madali ang paglalakbay para sa mga Jaredita. “Sila ay maraming ulit na nalibing sa kailaliman ng dagat, dahil sa mga malabundok na along humahampas sa kanila.”17 Gayunman, nakatala na “ang hangin ay hindi tumigil sa pag-ihip [sa kanila] patungo sa lupang pangako.”18 Mahirap man itong unawain, lalo na sa mga pagkakataon sa ating buhay kung kailan malalakas ang sumasalubong na hangin at maalon ang mga dagat, makadarama tayo ng kapanatagan sa kaalamang palagi tayong ginagabayan ng Diyos pabalik sa ating tahanan dahil sa Kanyang walang hanggang kabutihan.

Nagpatuloy ang ulat, “Sila [ay] naanod; at walang halimaw ng dagat ang makawawasak sa kanila, ni balyena na makapipinsala sa kanila; at sila ay patuloy na nagkaroon ng liwanag, maging ito man ay nasa ibabaw ng tubig o sa ilalim ng tubig.”19 Nabubuhay tayo sa isang mundo kung saan hinahampas tayo ng lahat ng uri ng mga malahalimaw na alon ng kamatayan, karamdaman ng katawan at pag-iisip, at mga pagsubok at paghihirap. Gayunman, sa pananampalataya kay Jesucristo at sa pagpiling magtiwala sa Kanya, magkakaroon din tayo palagi ng liwanag nasa ibabaw o ilalim man tayo ng tubig. Tayo ay magkakaroon ng katiyakan na hindi titigil ang Diyos sa pag-ihip sa atin patungo sa lupang pangako.

Habang inaanod sakay ng mga gabara, ang mga Jaredita ay “nagsiawit ng mga papuri sa Panginoon; … at pinasalamatan [nila] at pinapurihan ang Panginoon sa buong maghapon; at nang sumapit ang gabi, hindi sila tumigil sa pagpuri sa Panginoon.”20 Nakadama sila ng kagalakan at pasasalamat sa kabila ng kanilang mga paghihirap. Hindi pa man sila nakararating sa lupang pangako nagagalak na sila dahil sa ipinangakong pagpapala dahil sa kanilang patuloy at matatag na tiwala sa Kanya.21

Ang mga Jaredita ay nagpalaot sa loob ng 344 araw.22 Naiisip ba ninyo iyon? Ang pagtitiwala sa Panginoon ay kinabibilangan ng pagtitiwala sa Kanyang takdang panahon at nangangailangan ng tiyaga at pagtitiis na daraig sa mga unos ng buhay.23

Sa huli, ang mga Jaredita ay “dumaong sa dalampasigan ng lupang pangako. At nang iyapak nila ang kanilang mga paa sa dalampasigan ng lupang pangako ay iniyukod nila ang kanilang sarili sa ibabaw ng lupain, at nagpakumbaba ng kanilang sarili sa harapan ng Panginoon, at napaluha sa kagalakan sa harapan ng Panginoon, dahil sa nag-uumapaw niyang awa sa kanila.”24

Kung tapat tayo sa pagtupad sa ating mga tipan, balang-araw ay makararating din tayo nang ligtas sa ating tahanan at yuyukod sa harap ng Panginoon at mapapaluha sa kagalakan dahil sa nag-uumapaw Niyang magiliw na awa sa ating buhay, kabilang na ang mga kalungkutan na nagbigay-daan sa higit na kagalakan.25

Pinatototohanan ko na kung ipagkakatiwala natin ang ating sarili sa Panginoon at patuloy at matatag na magtitiwala kay Jesucristo at sa Kanyang banal na layunin sa ating buhay, dadalawin Niya tayo nang may katiyakan, bubulong ng kapayapaan sa ating mga kaluluwa, at papapangyarihing “umasa [tayo] ng [ating] kaligtasan sa kanya.”26

Pinatototohanan ko na si Jesus ang Cristo. Siya ang pinagmumulan ng lahat ng kagalakan.”27 Sapat ang Kanyang biyaya, at Siya ay may kapangyarihang magligtas.28 Siya ang liwanag, ang buhay, at ang pag-asa ng mundo.29 Hindi Niya hahayaang mangasawi tayo.30 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.